Nagtataka si Linda na makita niya ang maraming tao sa kanilang daan na patungo sa iglesya tuwing Sabado. Tinanong niya ang kanyang kapitbahay tungkol dito. Sinabi nila sa kanya na Sabado ang tamang araw para sa pamamahinga at pagsamba. Ipinaliwanag nila na kapag Sabado hindi sila nagnenegosyo o namimili o anumang paglilibang. Iniisip ni Linda na maaaring mayroon silang napakanaiibang relihiyon kaysa sa ibang mga iglesya, bagaman tila naniniwala sila sa parehong mga bagay tungkol sa Dios at sa kaligtasan.
Sama-samang basahin nang malakas ang 1 Timoteo 1. Pasulatin ang bawat mag-aaral ng isang parapo na nagbubuod sa talata na ito ng Kasulatan. Ano ang sinasabi ng talata na ito tungkol sa pagtuturo ng doktrina? Pasulatin ang bawat mag-aaral ng listahan ng mga pahayag. Bilang isang grupo, talakayin ang inyong mga isinulat.
Sabadista
Ang Pinagmulan ng Sabadista
Noong 1830, si William Miller,[1] isang tagapangaral na Baptist, ang nagsimulang ipangaral na si Hesus ay babalik na sa lalong madaling panahon. Sa loob ng ilang taon, ang kanyang mga tagasunod ay tinawag na Millerites. Taong 1844, ang mga Millerites ay humula sa pagbalik ni Kristo sa Oktubre 22,1844. Libo-libong tao ang nakumbinsi. Marami sa mga Millerites ang umalis sa kilusan pagkatapos na hindi naman dumating si Hesus. Inangkin ni Hiram Edson na nakatanggap siya ng rebelasyon na sa araw na iyon nagsimula si Hesus ng isang bagong ministeryo sa sanktuwaryong makalangit. Ang mga nanatili sa kilusan ang naging iglesya ng Sabadista o mas kilala bilang Seventh-Day Adventist.
Mayroong ibang iglesya na nagbibigay-diin na ang Sabado ang tamang araw para sa Kristiyanong pagsamba. Mayroon ding iba na nauna sa organisasyong ito na nagturo ng doktrinang iyon, ngunit ang Sabadista ang pinakamalaki, ang pinakamaimpluwensiya.
Impluwensiya sa Kasalukuyan
Inaangkin ng mga Sabadista na mayroon silang 71 libong iglesya at 17 milyong miyembro. Nagtatrabaho sila sa 209 bansa at nagmiministeryo sa 921 lengguwahe. Mayroon silang 173 ospital at 7,800 paaralan.[2]
Ang Doktrina ng Sabadista
Naniniwala ang mga Sabadista sa pangunahing doktrinang Kristiyano tulad ng Trinidad, ang pagiging Dios ni Kristo at ang Banal na Espiritu, ang pangwakas na awtoridad ng Biblia, at sa kaligtasan sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya.
Naniniwala ang mga Sabadista na ang tao ay hindi likas na imortal o walang kamatayan. Sa kamatayan ang tao ay napupunta sa walang kamalayang kundisyon hanggang sila ay muling buhayin. Ang kaligtasan ay isang pangako ng walang hanggang buhay na ipagkakaloob sa muling pagkabuhay para doon sa mga naligtas. Ang mga hindi naligtas ay muling bubuhayin para hukuman pagkatapos ay wawasakin sa lawa ng apoy. Naniniwala sila na si Satanas at ang ibang demonyo ay lubusan ding wawasakin. Walang walang-hanggang kaparusahan.[3]
Naniniwala ang mga Sabadista na ang mga Kristiyano ay dapat sumunod sa ilang batas sa pagkain sa Lumang Tipan.[4] Naniniwala sila na ang mga panuntunan sa pagkain ay para sa kapakanan ng kalusugan. Inaangkin nila na ang mga Sabadista ay mas mahaba ang buhay kaysa ibang tao.
Naniniwala ang mga Sabadista na ang batas ng Dios ay nagpapakita sa mga Kristiyano kung paano sila dapat mamuhay, at ang Kristiyano ay dapat mamuhay nang matagumpay laban sa kasalanan. Sinasabi nila na hindi sila naniniwala na ang isang tao ay naliligtas sa pamamagitan ng mga gawa, ngunit naniniwala sila na ang isang tunay na Kristiyano ay mamumuhay ng buhay na masunurin sa Dios. Naniniwala sila na mawawala ang kaligtasan ng isang tao kung hindi siya magpapatuloy sa pamumuhay para sa Dios.[5]
Ang pangunahing organisasyon ng mga Sabadista ay hindi naniniwala sa kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa. Gayunman, may mga indibidwal at grupo ng mga Sabadista na labis na nagbigay-diin sa batas na tila sinasabi nila na ang pagsunod sa batas ang paraan upang maligtas. Kung inaasahan ng isang tao na tatanggapin siya ng Dios dahil sa kanyang mga gawa, hindi niya inilalagay ang kanyang pananampalataya sa biyaya na ipinagkaloob ni Kristo.
►Ano ang tamang pananaw sa mga gawa? Paano natin ipapaliwanag na tayo ay naligtas sa pamamagitan ng biyaya kahit na kinakailangang mamuhay nang masunurin sa Dios?[6]
Pinakakilala ang mga Sabadista dahil sa kanilang doktrina ng Sabbath. Naniniwala sila na Sabado, ang ikapitong araw ng isang linggo, ay ang tamang araw para mamahinga at sumamba ang Kristiyano. Naniniwala sila na ang mga iglesyang sumasamba kapag Linggo ay sumunod sa isang paganong kaugalian.
Saloobin Patungkol sa Ibang Iglesya
Naniniwala ang mga Sabadista na sila ang matapat na “natitira,” ang mga taong patuloy na tumutupad sa mga kautusan ng Dios sa isang mundo ng naikompromisong Kristiyanismo. Naniniwala sila na ang Babilonia sa propesiyang Biblikal ay tumutukoy sa ganap na tumalikod na organisasyong pangrelihiyon at sa kanilang mga kapanalig sa sistema ng mundo.
[7]Naniniwala sila na mayroong mga tunay na Kristiyano sa iba’t-ibang denominasyong Kristiyano na sumusunod sa Dios ayon sa kanilang mga nauunawaan, ngunit hindi nila nauunawaan ang lahat ng hinihingi Niya. Sa mga huling araw bago dumating ang Panginoon, ang lahat ng tao ay darating sa isang krisis at kinakailangang tumanggap ng liwanag at lumakad dito o kaya’y mawasak sa paghuhukom ng Dios. Ang mga sumasamba sa araw ng Linggo na hindi tinatanggap ang katotohanan ay tatanggapin ang “tatak ng halimaw” sa takdang araw.
Kinikilala ng mga Sabadista na ang iba’t-ibang mga tao sa kasaysayan ng iglesya ay mga tunay na Kristiyano at ginamit ng Dios, tulad ng mga tagapanguna sa Reformation. Bumabasa rin sila at bumabanggit mula sa mga teologo at iskolar ng Biblia na hindi naman Sabadista.
► Paano mo ilalarawan ang saloobin ng Sabadista patungkol sa ibang mga iglesya?
Ang Kahalagahan ng Propesiya
Naniniwala ang mga Sabadista na ang propesiya ay isang regalo para sa iglesya, na kinakailangan para sa patuloy na paggabay. Ang kanilang pinakamahalagang propeta ay si Ellen White. Nagsimula siyang magpropesiya noong 1844. Sumulat siya ng mahigit sa 2,000 pangitain. Ang kanyang mga pangitain at iba pang isinulat ay inipon sa 80 aklat. Hinihikayat ng mga Sabadista ang kanilang mga miyembro na regular na basahin ang kanyang mga isinulat.
Naniniwala ang mga Sabadista na ang Biblia ang pangwakas na awtoridad, at ang lahat ng propesiya ay dapat subukin sa Kasulatan. Si Ellen White mismo ang nagsabi na ang kanyang aklat na may pamagat na Testimonies ay hindi na kakailanganin kung sinusunod lamang na mabuti ng mga tao ang Kasulatan. Sinabi niya na ang kanyang mga isinulat ay hindi naglalayon na magpahayag ng anumang hindi ipinahiwatig sa Biblia.[8]
Inilalathala pa rin at ipinamamahagi ng mga Sabadista ang mga aklat ni Ellen White bilang ang pinakamabuting paliwanag sa kanilang doktrina. Binabanggit nila siya nang madalas sa kanilang mga lathalain. Hindi nila inaangkin na ang kaniyang mga isinulat ay isang awtoridad na maihahambing sa Biblia.
Karamihan sa mga isinulat ni Ellen White ay nagpapahayag ng mga kuro-kuro na wala sa Biblia, at nagbibigay ng Kasulatan na batay sa bagong rebelasyon sa halip na sa normal na pagbibigay-kahulugan. Mayroong panganib na ang mga Sabadista ay nagbibigay ng labis na awtoridad sa mga isinulat bukod sa Biblia, at hindi hinahayaan ang Biblia na magkaroon ng pinakamataas na awtoridad.
► Ano ang wastong paggamit ng mga isinusulat ng mga pastor at mga tagapagturo?
Ang pagtutuon ng mga Sabadista sa propesiya sa mga huling panahon ay nakikita sa pangalan ng kanilang iglesya, na tumutukoy sa pagdating ng Panginoon. Binibigyang-diin nila ang detalyadong pagbibigay-kahulugan ng propesiya sa Biblia tungkol sa mga huling panahon, kabilang ang maraming hindi maliwanag na mga sipi sa Kasulatan. Binibigyang-diin ng mga Sabadista ang gampanin ng mga pangitain at himala sa kanilang modernong ministeryo.
Ang Usapin ng Ikapitong Araw
Sinisimulan ng mga Sabadista ang kanilang Sabbath sa Biyernes nang gabi sa paglubog ng araw at tinatapos ito sa Sabado sa paglubog ng araw, tulad ng ginagawa ng mga Judio.
Naniniwala ang mga Sabadista na ang pagsamba sa araw ng Linggo sa halip na sa Sabado ay ang “tanda ng halimaw” na inilarawan sa aklat ng Pahayag.[9] Naniniwala sila na darating ang panahon na sisikapin ng mundo na hingin ang pagsamba sa araw ng Linggo at uusigin ang mga nagsisikap na panatilihin ang pagtuturing ng Sabado bilang Sabbath. Naniniwala sila na sa kasalukuyan mayroong mga tunay na Kristiyano na nasa mga iglesya na sumasamba sa araw ng Linggo, ngunit sa isang panahon sa hinaharap kakailanganin nilang magbago sa katotohanan ng Sabadong Sabbath o mawala ang kanilang mga kaluluwa dahil sa pagtanggi sa katotohanan. Naniniwala sila na kapag dumating ang krisis lahat ng tunay na Kristiyano ay magiging matapat sa Sabadong Sabbath kahit na ito ay mangahulugan ng kamatayan, ang sinumang sumusunod sa Linggo bilang ang Araw ng Panginoon ay hindi isang Kristiyano.
Walang indikasyon sa aklat ng Pahayag na ang isang araw sa isang linggo ay ang usapin. Sa halip, ang usapin ay ang pagsamba sa isang tao na hindi naman Dios.
Isaalang-alang ang implikasyon ng mga paniniwala ng Sabadista. Kung sila ay tama, halos ang lahat ng iglesyang Kristiyano ay mali mula pa noong unang siglo. Halos walang sinuman sa milyong bilang ng mga maka-Dios, at espirituwal na mga Kristiyano na nabuhay noon ang nakatanto na sila ay sumusunod sa “tanda ng halimaw,” at malinaw na hindi ito ipinakita sa kanila ng Dios. Ito ay hindi isang maliit o minor na doktrina na nawala, kundi isang napakahalaga na ayon sa mga Sabadista, sa mga huling araw mawawala ang kaluluwa ng isang tao kung siya ay nagkamali.
Linggo ang araw ng pagsamba para sa mga Kristiyano sa bawat bansa sa mundo. Milyon ang bilang ng mga Kristiyano sa buong mundo na nagtitipon upang sambahin ang Dios at nakikinig sa kanyang Salita. Nagpapatotoo sila sa kanyang pagmamahal at biyaya at nagtatalaga ng sarili upang paglingkuran Siya. Milyon sa kanila ang nagdusa ng matinding pag-uusig dahil sa kanilang pagtatalaga ng sarili sa Dios. Maaari ba talaga nating paniwalaan na sila ay sumusunod sa isang doktrina ni Satanas at sa darating na panahon ay mawawala ang kanilang kaluluwa kung hindi sila kumbinsido ng Sabadong Sabbath?
► Isipin ang lahat ng maka-Dios na halimbawa na naging pagpapala sa inyong buhay. Maaari ba nating paniwalaan na silang lahat ay mawawala malibang magbago ang kanilang pag-iisip sa usaping ito?
Inaangkin ng mga Sabadista na ang pagsamba kung Linggo ay nagsimula sa Konseho ng Nicea noong A.D.325. Ang katotohanan ay ang mga pasya ng konseho ay hindi lumikha ng anumang bagong doktrina. Sila ay nagtatatag ng mga doktrinang pinaniniwalaan nila na nagmula sa mga apostol.
Nagsimulang isagawa ng mga Kristiyano ang Linggo bilang ang Araw ng Panginoon sa maagang panahon na hindi na natin makita ang simulang panahon. Ang Didache ay isinulat malapit sa katapusan ng unang siglo ng iglesya. Ito ay isang buod ng mga katuruan ng mga apostol. Ginamit ito sa mga iglesya sa lahat ng lugar. Sinasabi ng Didache na dapat magtipon ang mga Kristiyano sa Araw ng Panginoon para sa komunyon. Ang isinulat na ito ay hindi nagtatangkang magturo ng anumang bago, kundi pagbalik-aralan ang mga nakatatag nang doktrina, na nangangahulugan na ang gawaing ito ay pangkaraniwan na. Nalalaman na ng karamihan sa mga Kristiyano na ito ay doktrina ng mga apostol.
Ang liham ni Barnabas ay isinulat malapit sa katapusan ng unang siglo. Hindi ito Kasulatan, ngunit ito ay ginamit bilang babasahing debosyonal sa mga iglesya. Tinatawag nito ang Linggo bilang ang “ikawalong araw,” ang araw nang si Hesus ay bumangon mula sa mga patay. Sinasabi nito na ipinagdiriwang ng mga Kristiyano ang ika-walong araw.
[10]Wala tayong makikita sa Biblia na nagpapaliwanag na ang Sabbath ay inilipat sa Linggo. Sa halip nakakikita tayo ng mga utos na ang isang tao ay hindi dapat hatulan ayon sa kanyang pagsasagawa ng Sabbath (Colosas 2:16-17, Roma 14:5-6). Nakikita rin natin na ang mga Kristiyano sa Bagong Tipan ay magbibigay ng mga kaloob sa araw ng Linggo (1 Corinto 16:1-2), nagtitipon sila para sa mga gawain kapag Linggo (Mga Gawa 20:7), at tinatawag nila ang Linggo na ang Araw ng Panginoon (Pahayag 1:10).
Ang Judiong Sabbath ay hindi isang kahilingan sa mga Kristiyano, kundi ang prinsipyo ng araw ng pahinga ay isang prinsipyo ng paglikha para sa lahat ng panahon. Samakatuwid, dapat iwasan ng isang Kristiyano na makilahok sa trabaho o negosyo kapag Linggo.
Buod ng Usapin ng Ikapitong Araw
(1) Walang pahiwatig sa aklat ng Pahayag na ang “tanda ng halimaw” ay tumutukoy sa usapin ng kung aling araw sa isang linggo ang para sa pagsamba.
(2) Hindi makatotohanan na paniwalaan na halos ang lahat ng Kristiyano sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar ay nagkamali sa isang doktrina na maaaring maging dahilan upang mawala sa kanila ang kanilang mga kaluluwa.
(3) Sinasabi sa atin ng Biblia na hindi natin dapat husgahan ang iba sang-ayon sa kanilang isinasagawa sa araw ng Sabbath.
(4) Naitatag na ang pagsamba sa araw ng Linggo sa unang siglo bilang isang doktrina ng mga apostol.
(5) Nagtitipon-tipon ang mga Kristiyano sa Bagong Tipan sa araw ng Linggo at tinawag itong Araw ng Panginoon.
Ngayon bumalik at sama-samang basahin ang mga footnotes para sa buong seksiyon tungkol sa Seventh-Day Adventism. Dapat hanapin ng lahat ng mag-aaral ang mga reperensiyang talata sa Kasulatan at magsalit-salit sa pagbasa nito sa grupo.
[1]Image: "William Miller," by J. H. Bufford Lithography Company, retrieved from the National Portrait Gallery, Smithsonian Institution https://npg.si.edu/object/npg_NPG.80.107, public domain (CC0).
[3]Sinabi ni Hesus na magkakaroon ng walang hanggang kaparusahan. (Mateo 25:46).
[4]Ang lahat ng karne ay pinahihintulutan para sa Kristiyano, ayon sa 1 Timoteo 4:4.
[5]Tama ang mga Sabadista na ang kasalanan ang sumisira sa ating relasyon sa Dios. Sinabi ni Hesus na tayo ay nananatili sa isang relasyon ng pag-ibig sa kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa kanyang mga kautusan. (Juan 15:10).
[6]Sinusunod natin ang Dios upang manatili sa relasyon sa kanya, ngunit hindi tayo magkakaroon ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating mga gawa o gagawin tayo nitong karapat-dapat sa kaligtasan. Pinatatawad tayo dahil sa kamatayan ni Hesus para sa atin. Kung ang isang tao ay nabubuhay sa pagsuway, iniwan na niya ang kanyang relasyon sa Dios at kanyang kaligtasan.
[7]“Ang pagiging masigasig [pagiging panatiko] sa pangkalahatan ay maaaring ipaliwanag bilang: Isang relihiyosong pagkahumaling na nagmula sa ilang maling ipinapalagay na impluwensiya o inspirasyon ng Dios; kahit man lang, mula sa pag-asa sa isang bagay na mula sa Dios na hindi nararapat na asahan mula sa kanya.”
- John Wesley
(“Ang Kalikasan ng Pagiging Masigasig”)
[8]Ellen White, Testimonies, Volume 5, pp. 664-665
[9]Ang “marka ng halimaw” sa aklat ng Pahayag ay hindi tumutukoy sa anumang katulad ng pagsamba sa isang partikular na araw. (Pahayag 13:16).
[10]“Sa Araw ng Panginoon, magtipon kayo at magputolputol ng tinapay, magpasalamat, ngunit ipahayag muna ang iyong mga kasalanan upang ang iyong hain ay maging dalisay.”
- Didache
(from the 1st century church)
Pag-eebanghelyo/ Paggamit sa Handbook of Doktrine
Hindi natin dapat sabihin na ang isang tao ay hindi Kristiyano dahil siya ay isang Sabadista. Maaaring naligtas na ang isang taong naniniwala sa lahat ng mga doktrina ng Adventist. Ang suliranin sa pakikisalamuha sa ilang Sabadista ay hindi ang pagtanggi natin sa kanila kundi ang pagtanggi nila sa atin.
Sumasang-ayon tayo sa mga Sabadista na ang mga Kristiyano ay namumuhay nang may pagsunod sa Dios. Hindi tayo sumasang-ayon sa mga iglesya na nagtuturo na dahil tayo ay naligtas sa pamamagitan ng biyaya, hindi mahalaga na mamuhay nang may katagumpayan laban sa kasalanan.
May mga Sabadista na tila naniniwala na ang tao ay naligtas sa pamamagitan ng mga gawa sa halip na sa biyaya. Ang ilan ay tila naniniwala na kung hindi sinusunod ng isang tao ang mga hinihingi ng Lumang Tipan ay hindi siya ligtas, kahit pa sinsero niyang sinusunod ang Biblia ayon sa kanyang pagkaunawa dito. Hindi nauunawaan ng mga Sabadista na ito ang ebanghelyo ayon sa Kasulatan. Sa mga Sabadista na ito, gamitin ang sumusunod na mga puntos mula sa Handbook ng Doktrina.
(9) Ang kaligtasan ay tanging sa pagbabayad-sala ni Kristo.
(11) Tinatanggap natin ang kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya.
(12) Maaari tayong magkaroon ng personal na katiyakan ng kaligtasan.
Maaari kang tumugon sa usapin ng Sabbath gamit ang mga seksiyon sa leksiyong ito tungkol sa “Ang Usapin ng Ikapitong Araw.”
Kung ang isang Sabadista ay tunay na naniniwala na ang mga katuruan ng Biblia ay sapat para sa kaligtasan nang walang iba pang rebelasyon, iyon ay mabuti. Kung ang Sabadista ay tila nag-iisip na ang ibang rebelasyon, tulad ng ayon kay Ellen White, ay kinakailangan, dapat mong ipakita sa kanya ang mga Kasulatang ginamit na reperensiya sa Handbook ng Doktrina, sa seksiyon na:
(1) Ang Biblia ay sapat para sa doktrina.
Isang Patotoo
Si Evan ay isang miyembro ng Sabadista sa loob ng 12 taon. Pinag-aralan niya ang kanilang mga doktrina at binasa ang mga isinulat ni Ellen White. Ang kanyang pangunahing naisin ay malaman kung paano maliligtas ang isang tao at pinapagiging-banal. Sinabi niya na ang doktrina ng Sabadista ay nagtuturo na tayo ay naliligtas sa pagsunod sa mga kautusan. Binasa niya ang Galacia 5:4, na nagsasabi na kung sinisikap nating mapawalang-sala ayon sa batas wala sa atin si Kristo. Sinabi niya na ang mga Sabadista ay tila nagsasabi na ang ebanghelyo ay magbabago sa mga huling araw, at ang mga tao na hindi sumusunod sa tamang Sabbath ay hindi maliligtas, kahit pa ang mga sinserong tao ay naligtas nang hindi ginagawa ang Sabbath sa nakaraan. Naniniwala pa rin si Evan na dapat nating sundin ang Dios, ngunit iniwan niya ang mga Sabadista dahil naniniwala siyang mayroon silang ebanghelyo ayon sa mga gawa.
Pag-aaral ng Kasulatan – Ikalawang Bahagi
Ngayon basahing muli ang 1 Timoteo 1. Ang bawat mag-aaral ay dapat sumulat ng isang parapo na nagpapaliwanag sa mensahe ng talata na nito para sa tagasunod ng Sabadista. Hayaang ibahagi ng ilan sa mga mag-aaral ang kanilang isinulat.
Takdang Aralin Para sa Bawat Leksiyon
Tandaan na humanap ng pagkakataon na ipahayag ang ebanghelyo sa isang tao na mula sa grupong pangrelihiyon na ito. Maghanda na ibahagi sa iyong mga kamag-aral ang iyong pakikipag-usap. Isulat ang iyong 2-pahinang ulat at isumite iyon sa iyong tagapanguna sa klase.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.