Si Yeo ay lumaki sa isang pamilya Buddhist sa Pilipinas. Naaalala niya ang mga pagkakataon na hindi ligtas ang magtungo sa palengke dahil pinapatay ng mga Muslim ang mga Buddhists dahil sa kanilang relihiyon. Kung minsan sumasama si Yeo sa kanyang ina. Pumupunta sila sa Buddhist temple upang magsunog ng insenso. Isang araw ang kanyang kapatid na babae ay may sakit at malapit nang mamatay. Naroon ang isang doktor ngunit hindi naman ito makatulong. Nagngangalit sa galit na nagdasal ang kanyang ina kay Buddha upang tulungan siya nito.
Sama-samang basahin nang malakas ang Genesis 3. Pasulatin ang bawat mag-aaral ng isang parapo na nagbubuod sa talata na ito ng Kasulatan. Ano ang sinasabi sa atin ng talata na ito tungkol sa Dios, sa tao, sa kasalanan at sa mundo? Pasulatin ng listahan ng mga pahayag ang bawat mag-aaral. Bilang isang grupo, talakayin ang inyong isinulat.
Buddhismo
Ang Pinagmulan ng Buddhismo
Ang Buddhismo ay itinatag ni Siddhartha Gautama. Walang nakasulat tungkol sa buhay ni Siddhartha Gautama hanggang 400 taon pagkatapos niyang mamatay, kaya’t ang mga detalye tungkol sa kanyang buhay ay hindi natitiyak.
Si Gautama ay isinilang mga 563 B.C. Siya ay anak ng isang hari sa isang maliit na parte sa India. Bilang isang kabataang lalaki tinakasan niya ang kanyang mga tagapangalaga upang lumabas at tingnan ang mundo. Nakita niya ang mga tao sa kahirapan at karamdaman, at napagpasyahan niya na ang buhay ay kalungkutan at paghihirap.
Nagkaroon ng karanasan si Gautama na sinabi niyang siyang nagbigay-kaliwanagan sa kanya tungkol sa kalikasan ng reyalidad. Ang salitang Buddha ay nangangahulugang “naliwanagan.” Si Gautama ay madalas na tinatawag na “ang Buddha.”[1]
Si Gautama at karamihan sa mga tao sa kanyang kultura ay naniniwala na sa muling pagkakatawang-tao bago pa man niya itinatag ang kanyang bagong relihiyon. Ang muling pagkakatawang-tao ay nangangahulugan na ang isang tao ay muling nabubuhay bilang isa pang tao o isa pang nilikha tulad ng isang hayop o insekto. Sa pamamagitan ng muling pagkakatawang-tao ang isang tao ay nabubuhay ng maraming beses.
Kapag karamihan sa ginawa ng isang tao sa kanyang buhay ay mabubuti, nagkakaroon siya ng karma, Sa pagkakaroon ng sapat na karma, maaari siyang isilang sa mas mabuting buhay sa susunod na pagkakataon.[3]
Dahil ang buhay ay sobrang kaawa-awa, naramdaman ni Gautama na ang mabuhay ng maraming beses ay hindi isang mabuting bagay. Naniniwala siya na ang isang tao ay dapat magkaroon ng layunin na makatakas sa paulit-ulit na muling pagkakatawang-tao.
Ang isang seryosong Buddhist ay sumusunod sa pamamaraan ng buhay ng Buddhist upang alisin sa sarili ang lahat ng mga pagnanasa. Kung siya ay magtatagumpay, hindi niya nanaisin o maliligayahan sa anuman o alinmang relasyon ng mga tao.[4] Kapag siya ay namatay, papasok siya sa nirvana sa halip na muling ipanganak bilang isa pang nilalang na may buhay.
► Paano naiiba ang konsepto ng perpektong buhay ayon sa Buddhismo sa konsepto ng Kristiyano?
Ang nirvana ay nangangahulugan ng pagiging wala, ang katapusan ng sarili, tulad ng pag-ihip sa isang kandila.
Naniniwala ang mga Buddhists sa walang katapusang cycle ng panahon, na walang simula, walang katapusan, at walang pangyayaring nakapagpapabago nang permanente sa mga bagay.[5]
Hindi naniniwala ang Buddhismo sa isang pinakamakapangyarihang Dios na isang persona. Naniniwala sila sa sukdulang kamalayan na siyang kabuuan ng lahat ng bagay na umiiral. Samakatuwid, ang mga Buddhist ay nagbubulay-bulay, ngunit hindi sila nananalangin, dahil hindi sila naniniwala na mayroong isang Dios na nagsasalita at nakikinig. Ang mga Buddhists ay may mga kasulatan na tinatawag nilang panalangin, ngunit hindi ito tumutukoy sa kaninopaman. [6] Walang anumang klase ng dios ang mahalaga sa Buddhismo.
Pangkasalukuyang Impluwensiya
[7]Sa kasalukuyan maraming iba’t-ibang sekta ng Buddhismo. Hindi sila nagkakaisa sa isang pandaigdigang organisasyon.
Ang bilang ng mga nagsasabing sila ay Buddhist sa mundo na sinasadyang sinusunod ang mga kautusan ng Buddhismo ay humigit-kumulang sa 350 milyon. Ang bilang nga mga taong nagsasabing sila ay Buddhist dahil itinuro sa kanila iyon at hindi sila nagtatapat sa ibang relihiyon ay maaaring higit pa sa isang bilyon.
Maraming tao ang nagsasabing sila ay Buddhist ngunit sumusunod pa rin sa iba ibang katuruan at binabalewala ang iba. Maraming nagsasabing Buddhist ang hindi nakikilahok sa mga organisadong grupo.
Ang mga nakasulat na itinuturing na banal na kasulatan ng mga Buddhist ay makakapuno ng 1000’s bilang ng volumes. Samakatuwid, ang bawat isang sekta ay nakatuon sa ilang piniling bahagi lamang, sa halip na sikaping pag-aralan ang lahat ng iyon.
► Paano naiiba ang pananaw ng isang Kristiyano sa Biblia kung ihahambing sa pananaw ng isang Buddhist sa kanyang mga kasulatan?
Ang Apat ng Dakilang Katotohanan ng Buddhismo
Ang mga paniniwalang itinuro ni Gautama pagkatapos na siya ay maliwanagan ay ibinuod sa Apat na Dakilang Katotohanan ng Buddhismo.
(1) Ang buhay ay puno ng kapighatian at paghihirap na walang tunay na kaligayahan.
(2) Ang paghihirap ay mula sa mga ninanasa dahil walang alinman sa ating mga ninanasa ang permanente.
(3) Ang paghihiwalay ng sarili mula sa mga ninanais natin ay ang paraan ng pagtakas sa paghihirap.
(4) Ang walong prinsipyo ng pag-uugaling Buddhist para sa buhay ang nagdadala sa tao patungo sa pagkakahiwalay mula sa lahat ng pagnanasa at sa nirvana.
► Mayroon bang alinman sa apat na dakilang katotohanan na maaaring sang-ayunan ng Kristiyano?
Mahihirap na Doktrina ng Buddhismo
Maraming tao ang tumatawag sa kanilang mga sarili bilang Buddhist dahil sinusunod nila ang ilang sa mga payo ng mga isinulat ng Buddhismo. Maaaring hindi nila naiintindihan ang pundasyong mga doktrina ng Buddhismo.
Kung minsan nagugustuhan ng mga tao ang konsepto ng muling pagkakatawang-tao dahil ang ibig sabihin nito, maaari silang mabuhay na maraming beses. Ngunit sa Buddhismo , hindi itinuturing na mabuting bagay ang muling pagkakatawang-tao dahil ang buhay ay miserable. Gayundin, ayon kay Gautama, ang (person’s conscious self) may kamalayang sarili ng tao ay hindi muling isinisilang. Tanging ang ilang materyal o bahagi ng pagkalikha sa kanya ang ginagawang isang bagong nilalang. Nangangahulugan ito na ang kamatayan ay tunay na siyang katapusan ng isang personalidad.[8]
Sa orihinal na Buddhismo, ang isang tao ay walang posibilidad na marating ang nirvana sa dulo ng kanyang kasalukuyang buhay malibang siya ay isang mongheng Buddhist. Ang isang babae ay walang pagkakataong makarating sa nirvana hanggang siya ay muling ipanganak bilang isang lalaki at maging isang monghe.
[9]Kung minsan iniisip ng tao na ang nirvana ay katulad ng konsepto ng langit ng Kristiyano. Ngunit sa Buddhismo, ang nirvana ay kawalang-kabuluhan. Kapag ang isang tao ay nakarating sa nirvana, hindi na siya iiral bilang isang nilikhang nag-iisip. Sinabi ni Gautama na ang pagsapit sa nirvana ay katulad ng isang kandila na hinihipan upang mamatay. Ang pangunahing layunin ng isang matapat na Buddhist ay ang marating ang nirvana.
Ayon kay Gautama, ang lahat ng pagdurusa ay dumarating dahil sa mga pagnanais. Kapag ang isang tao ay walang nanaisin, hindi siya magdurusa. Upang maging matapat na Buddhist, ang tao ay hindi dapat magbigay halaga tungkol sa ano mang relasyon ng tao at dapat matuto na huwag magkaroon ng kasiyahan sa ano pa mang bagay.
May isang kwento tungkol sa isang mongheng Buddhist na nagngangalang Sanamaji. Siya’y naging isang monghe at iniwan ang kanyang pamilya upang gugulin ang lahat ng kanyang panahon sa paggala-gala at pagbubulay-bulay. Minsan, natagpuan siya ng kanyang asawa, ibinaba nito ang kanyang anak sa harap niya, at hiniling sa kanya na tulungang siyang suportahan sila. Nanatiling nakaupo si Sangamaji, hindi kumikibo, hanggang sa sila ay umalis. Sinabi ni Gautama na narating na ng lalaking ito ang layunin ng Buddhismo dahil wala siyang naramdamang kaligayahan nang dumating ang kanyang asawa o kaya’y kalungkutan nang ito ay umalis.[10]
Ang Paraan ng Pamumuhay ng Buddhismo
Maraming tao na tinatawag ang kanilang sarili na mga Buddhist ay lumaki sa kultura ng Buddhismo at hindi pa kailanman seryosong napag-isipan ang anomang iba pa. Ang mga inaasahan ng relihiyon ang tila sa kanila ay ang tanging reyalidad. Ang mga ritwal ay bahagi ng kanilang pang-araw-araw na buhay.
Ang isang taong naaakit sa Buddhismo mula sa ibang relihiyon ay karaniwang naaakit ng pilosopiya tungkol sa buhay ayon sa relihiyong ito. Hindi umaanib ang mga tao dahil nais nilang maabot ang nirvana. Umaanib ang mga tao sa Buddhism dahil ito ay tila nag-aalok ng buhay na malaya sa pag-aalala at kaguluhan. Maraming tao ang nakakaramdam na sa Buddhismo natagpuan nila ang kalayaan mula sa stress at ang kanilang buhay ay mas maayos kaysa sa nakalipas.
Binibigyang-diin ng Buddhismo ang buhay ng virtue. Naniniwala ang mga Buddhist na ang isang aksiyon ay virtuous kung ito ay nakabubuti sa iyo at sa iba, at hindi nakasasama sa kaninoman. Ang mga intensiyon ng isang tao ay itinuturing na mas mahalaga kaysa sa tunay na resulta ng kanyang mga ikinikilos.
Ang mga mental at espirituwal ng mga pagsasanay na isinasagawa ng mga Buddhists ay nakadisenyo upang tulungan ang isang tao na kumilos palayo sa pagiging makasarili o nakatuon ang pag-iisip sa sarili lamang. Naniniwala ang mga Buddhists na ang lahat ng pag-aalala ay nagmumula sa pagpapahalaga nang labis tungkol sa sarili. Nais nilang kalimutan ang sarili at mahalin ang lahat ng sentient creatures (mga nilikhang mayroong pag-iisip). Ang problema ay kung walang relasyon sa Dios, walang magiging batayan ang pagtakwil sa sariling kagustuhan at pagmamahal.
► Bakit ang tao ay hindi maaaring maging tunay na walang pagpapahalaga sa sarili at mapagmahal nang walang relasyon sa Dios?
Ngayon bumalik at sama-samang basahin ang mga footnotes para sa buong seksiyon sa Buddhismo. Dapat hanapin ng lahat ng mag-aaral ang mga reperensiyang talata sa Kasulatan at magsalit-salit sa pagbasa ng mga iyon sa grupo.
[1]Sinasabi ng Biblia sa atin na huwag magtiwala sa mensahe mula sa espiritu na hindi kumikilala kay Kristo Hesus. Hindi totoo ang kaliwanagan na tinanggap ni Gautama (1 Juan 4:3).
[2]“Sa mismong mga unang pahina, tinatanggihan na ng Biblia kapwa ang philosophical pantheism (ang pagtuturo na ang Dios at ang buong sanlibutan ay iisa) at deism (ang teoriya na sinimulan ng Dios ang pagkilos ng sanlibutan at iniwan niya ito sa hindi sariling batas pagkatapos. Ang Dios at ang kanyang sanlibutan ay hindi iisa. Ito ang kanyang likhang-kamay. Sa kabilang banda, hindi iiral ang sanlibutan nang hiwalay sa makasining at nagtataguyod na kapangyarihan.”
- W.T. Purkiser
(God, Man, and Salvation, 55)
[3]Sinasabi ng Biblia na ang ating mga gawa ay hindi nakakakuha ng pagtanggap ng Dios o mababayaran ang ating mga kasalanan. (Roma 3:20).
[4]Para sa Kristiyano, ang mga relasyon ng tao ay napakahalaga at nagdudulot ng kagalakan (1 Tesalonica 3:12)
[5]Sinasabi ng Biblia na mayroong mga susing pangyayari at ang panahon ay hindi laging magpapatuloy tulad ng kalagayan nito ngayon. (Pahayag 10:6).
[6]Napakalaking pribilehiyo para sa nga Kristiyano na manalangin na mayroong katiyakan na pinakikinggan ito ng Dios (Mateo 6:6-8, 1 Juan 5:14-15).
[7]“Nandiyan talaga ang Diyos. Siya ay nariyan habang Siya ay naririto at sa lahat ng dako, hindi nakakulong sa isang puno o bato, ngunit malaya sa sansinukob, malapit sa lahat, sa tabi ng lahat, at sa pamamagitan ni Kristo Hesus na maaabot ng bawat mapagmahal na puso.”
- A.W. Tozer
(The Knowledge of the Holy, 82)
[8]Nagbibigay si Hesus ng buhay na walang hanggan para doon sa mga sumasampalataya sa kanya (Juan 10:28).
[9]“I believe in... one Lord Jesus Christ... by whom all things were made, who for us men and for our salvation came down from heaven... and was made man and was crucified for us.”
- The Nicene Creed
[10]Ang mga Kristiyano ay nagtatapat sa kasal bilang isang relasyon na nagdudulot ng kaligayahan (Efeso 5:28).
[11]Image by Honey Kochphon Onshawee from Pixabay, retrieved from https://pixabay.com/photos/buddhists-monks-meditate-thailand-453393/.
Pag-eebanghelyo
Dahil hindi ipinapahayag ng mga Buddhist na sila ay Kristiyano at hindi nila kinikilala ang Biblia bilang ang panghuling awtoridad, hindi sapat na ipakita lamang sa kanila na ang kanilang mga paniniwala ay hindi naaayon sa Biblia. Alam na nila na ang Biblia ay sumusuporta sa isang relihiyon na naiiba mula sa kanila.
Mahalaga pa rin at epektibo na ibahagi ang ebanghelyo. Kapag ikaw ay nakikipag-usap sa isang Buddhist, sabihin mo sa kanya na nais mong ipaliwanag ang pundasyon ng iyong mga pinaniniwalaan. Simpleng ibahagi ang ebanghelyo. Kahit na hindi angkinin ng Buddhist na pinaniniwalaan nila ang Biblia, ang katotohanan ng Dios ay may kapangyarihan dahil sa pagkilos ng Banal na Espiritu.
Dapat mo ring ibahagi ang iyong patotoo. Sabihin kung paanong ang ebanghelyo ay nagdala sa iyo sa relasyon sa Dios, dinala sa iyo ang kapatawaran at pagliligtas mula sa kasalanan, at nagbigay ng kahulugan sa iyong buhay.
Sa kabila ng mga pangunahing bahagi ng pagpapahayag ng ebanghelyo at personal na patotoo, maaari kang magsalita tungkol sa mga espesyal na pangangailangan ng Buddhist sa katotohanan ng ebanghelyo. Ang Buddismo ay nahihirapang ipaliwanag ang pagdurusa at kalungkutan ng buhay. Nabigo itong ipaliwanag ang katotohanan ng mabubuting mga bagay at ang kaligayahan na umiiral. Itinatanggi nito ang kahalagahan ng lahat ng bagay na tila mahalaga sa buhay, kabilang ang mga relasyon ng mga tao. Ito ay isang relihiyon na walang personal na Dios na may kaugnayan sa mga taong sumasamba sa kanya. Hindi ito nagbibigay ng walang hanggang buhay at makahulugang hantungan ng isang indibidwal.
Naniniwala ang Buddhist na ang pagdurusa ay walang kahulugan at hindi tunay. Ito ay isang hindi nakasisiyang paliwanag.
Ipinaliliwanag ng Kristiyanismo ang kundisyon ng pagdurusa sa mundo. Ang mundo ay nilikha ng Dios na perpekto, nguni’t nagkasala ang tao at nagdulot ng sumpa sa mundo. Ito ang nagpapaliwanag sa pagtanda, pagkakasakit at kamatayan. Ang kasalanan ay naihahayag din sa patuloy na masasamang pagkilos ng mga tao.
Naniniwala ang Buddhist na walang tunay na kaligayahan sa buhay, at samakatuwid wala tayong dapat naisin. Ito ay sumasalungat sa mga karanasan ng kaligayahan at kasiyahan na nararanasan ng mga tao, higit na nararanasan ito sa mga personal na mga relasyon.
Ang katotohanan ng paglikha ng Dios ay nagpapaliwanag kung bakit mayroon pang kaligayahan at kasiyahan sa buhay, kahit na ang mundo ay hindi na perpekto katulad ng orihinal na disenyo ng Dios para dito.
Katulad ng mga Buddhist, napagtanto ng mga Kristiyano na ang mga bagay sa sanlibutan ay hindi permanente. Hindi tayo dapat mamuhay na tila ba tataglayin natin sa habang panahon ang anumang mayroon tayo ngayon. Gayunman, ang isang Kristiyano ay maaaring masiyahan sa buhay dahil nalalaman niya na siya ay mabubuhay sa walang hanggan kapiling ng Dios. Bagaman ang mga bagay ay hindi permanente, ang mga ito ay totoo, at ang ating mga pagpili ay may pangwalang hanggang resulta. Ito ang nagbibigay ng layunin at kahalagahan sa buhay ng tao.
Naniniwala ang Buddhist na dapat niyang kalimutan ang lahat ng relasyon dahil ang mga ito ay walang kahulugan. Ngunit ang likas ng tao ay may malalim na pangangailangan sa matatapat na relasyon.
Nilikha tayo ng Dios para sa mga relasyon sa ibang tao. Nagnanais tayo na pahalagahan tayo ng iba. Nais nating maging matapat sa iba. Ang mga relasyon ay espesyal na mahalaga dahil alam natin na ang lahat ng tao ay espesyal na nilikha bilang mga walang hanggang nilalang na may walang hanggang kahihinatnan.
Ang Buddhismo ay isang relihiyon na walang Dios. Ngunit ang bawat isa sa atin ay may malalim na pangangailangan na makilala ang Dios at sambahin siya.
Idinisenyo tayo ng Dios upang mamuhay nang may relasyon sa kanya. Ang isang tao ay hindi kailanman malulubos ang kasiyahan at masisiyahan hanggang sa magkaroon siya ng personal na relasyon sa Dios. Ang relasyon sa ating Manlilikha ay magiging pangwalang-hanggan, at sa langit ang lugar kung saan tayo mamumuhay kasama ng Dios.
Isang Patotoo
Buong paghihinagpis na nanalangin ang ina ni Yeo upang pagalingin ni Buddha ang kanyang naghihingalong anak na babae, ngunit tila walang tulong na dumating. Pagkatapos naalala niya ang isang misyonerong Kristiyano na nagngangalang Wong na nangangaral malapit lang doon. Ipinasundo niya si Wong kay Yeo. Nang dumating si Wong, sinabi nito, “Huwag kang magdasal kay Buddha; manalangin ka kay Hesus.” Nagsimulang manalangin si Wong, at ang batang babae ay gumaling. Naging Kristiyano ang nanay ni Yeo nang araw na iyon, at nang lumaon ay naging Kristiyano rin si Yeo.
Pag-aaral ng Kasulatan – Ikalawang Bahagi
Ngayon, muling basahin ang Genesis 3. Ang bawat mag-aaral ay dapat sumulat ng isang parapo na nagpapaliwanag sa mensahe ng talata na ito para sa isang Buddhist. Hayaan ang ilang mag-aaral na ibahagi sa iba ang kanilang isinulat.
Takdang Aralin Para sa Bawat Leksiyon
Tandaan na humanap ng pagkakataon na ipahayag ang ebanghelyo sa isang tao mula sa grupong pangrelihiyon na ito. Maghanda na ibahagi sa iyong mga kamag-aral ang tungkol sa iyong pakikipag-usap. Sumulat ng 2-pahinang ulat at isumite iyon sa tagapanguna ng inyong klase.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.