Note sa tagapanguna sa klase
Pagbalik-aralan ang kahalagahan ng Pahayag.
Search through all lessons and sections in this course
Searching...
No results found
No matches for ""
Try different keywords or check your spelling
16 min read
by Stephen Gibson
Pagbalik-aralan ang kahalagahan ng Pahayag.
Ang pitong tatak ay tila nagbibigay ng isang pagtanaw sa buong panahon ng mga huling araw. Ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari ay tila tumutugma sa ibinigay ni Hesus sa Mateo 24.
Binigyang diin ang pag-uusig pagkatapos ng ikalimang tatak, na tumutugma sa nalalaman natin tungkol sa ikalawang kalahati ng kapighatian. Ang mga tanda sa kalangitan na ibinigay pagkatapos ng ikaanim na tatak ay tumutugma sa ibang mga talata na naglalarawan sa mga tandang iyon sa katapusan. (Mateo 24, Mga Gawa 2).
Habang binubuksan ang bawat isa sa apat na tatak, dumarating ang isang lalaking nakasakay sa kabayo. Ang pagkakakilanlan sa mga nakasakay ay hindi inihayag at hindi mahalaga sa paglalarawan. Ang mga mangangabayo at mga kabayo ay kumakatawan sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari.
Ang unang tatak ay nagpapakita ng isang puting kabayo. Ang sakay nito ay may pana at korona. Ipinalalaganap niya ang kanyang kaharian sa pamamagitan ng pananakop.
Ang ikalawang tatak ay nagpapakita ng pulang kabayo. Nagtatapos ang kapayapaan. Mayroon siyang dakilang espada, na maaaring kumatawan sa isang modernong sandata o isang malaking kapangyarihang militar.
Ang ikatlong tatak ay nagpapakita ng isang itim na kabayo. Ang sakay nito ay may timbangan na katulad ng ginagamit sa pagtitinda ng pagkain. Pagkatapos ay dumating ang matinding taggutom.
Ang ikaapat na tatak ay nagpapakita ng isang maputlang kabayo. Ang sakay nito ay tinatawag na kamatayan. ¼ ng populasyon ng mundo ang namatay.
Ang ikalimang tatak ay nagpapakita ng isang pangitain ng mga taong namatay bilang mga martir. Nagsimula ang matinding pag-uusig.
Sa ikaanim na tatak ay ang lindol, nagdilim ang araw, nagmukhang dugo ang buwan, nahulog ang mga bituin, bumukas ang langit, nagtago sa Diyos ang mga makasalanan, at dumarating ang poot ng Diyos. Ang paglalarawang ito ay muling nakita sa ibang bahagi sa Biblia at tumutukoy sa wakas ng panahon, kapag dumating na sa mundo ang poot ng Diyos. Kabilang sa mga halimbawa ang Mateo 24:29-30, Marcos 13:24-26, at Lucas 21:25-28.
Ang kabanata 7 ay isang paglalarawan na isiningit sa pagitan ng ika-anim at ikapitong tatak. Itinigil pansamantala ang mga pangyayari, na isinisimbulo ng tumigil na hangin (7:1) Ang paghinto ay upang matatakan ang mga lingkod ng Dios, labindalawang libo mula sa bawat lipi ng Israel. Ang tatak ay isang marka ng pag-aari ng Diyos, upang sila ay protektahan mula sa poot ng Diyos (ihambing sa Ezekiel 9: 4-6). Ang grupong ito ay maaaring tawaging “ang mga natira”. Ang mga natira ay ang mga Israelita na tunay na sumusunod sa Diyos. Sila ay ililigtas mula sa pagkawasak at magiging ang bago, dinalisay na bayan. Sinasabi ng Roma 11:26 na ang buong Israel ay maliligtas. Hindi ito nangangahulugan na ang bawat Judio ay maliligtas, kundi ang mga nakaligtas sa bansa ay magiging mga mananampalataya, na gagawing isang bansang Kristiyano ang Israel.
Pagkatapos isang hindi mabilang na tao mula sa buong daigdig ang nakita sa langit. Hindi ito ang parehong grupo, dahil ang unang grupo ay may bilang. Ang mga ito ay mula sa lahat ng grupong etniko sa daigdig. Nagtiis sila mula sa dakilang kapighatian. Ito ang pandaigdigang iglesya. Malaki ang pagkakatulad ng mga talata 15-17 sa 21:1-4. Ang mga Kristiyanong ito ay nasa langit, at tapos na ang kanilang paghihirap.
Mga mahihirap na Katanungan
May mga tanong na hindi madaling sagutin. Ano ang kahalagahan ng 12 x 12? Kumakatawan ba ito sa kumpletong natira sa Israel sa halip na isang literal na bilang? Paano naman ang katotohanan na karamihan sa mga lipi ay nawala na sa kasalukuyan? Literal ba na magkakaroon ng libo libo mula sa bawat lipi, o ito ay isa lamang simbolo? Bakit agad agad na nakita sa langit ang mga Israelita matapos na tatakan? Ang 144 na libo ba ay tinatakan para sa proteksiyon sa daigdig sa pamamagitan ng isang bagay na hindi na pagdaraanan ng iglesya?
Sa ikapitong tatak nagkaroon ng katahimikan sa loob ng kalahating oras. Walang nangyari agad agad, maliban sa nakita ni Juan ang pitong anghel na may trumpeta. Malinaw na ang pitong trumpeta ay naghahayag sa mga mangyayari pag-aalis ng ikapitong tatak.
Note sa tagapanguna sa klase: Hindi kinakailangang basahin nang grupo ang buong talatang ito nang sama sama. Maaaring piliin ang mga seksiyon para sa pagsubok at talakayan habang pinag-aaralan ng grupo ang impormasyon sa ibaba.
Ipinapahayag ng pitong trumpeta ang mga pangyayari sa ikapitong tatak.
Bago ang mga trumpeta, isang sunugan ng insenso na naglalaman ng mga panalangin ng mga banal ang ibinuhos sa daigdig. Ang mga panalangin para sa pagdating ng kaharian ng Diyos ay malapit nang matupad.
Ipinahayag ng mga trumpeta ang mga gawa ng Diyos. Ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng bagay na nangyayari sa mga huling araw, subalit sa kabuuan ng panahong iyon, ang mga gawa ng mga masasama ay nagiging daan din ng mga kundisyon sa mundo. Ipinapahayag ng mga trumpeta ang mga pangyayari na malinaw na makapangyarihang mga gawa ng Diyos.
Unang Trumpeta: Ulan ng yelo, apoy at dugo ang nahulog sa mundo, na pumatay sa karamihan sa mga pananim.
Ikalawang Trumpeta: Isang nagliliyab na bundok ang nahulog sa dagat. 1/3 ng dagat ang naging dugo. 1/3 ng mga nilalang sa dagat at mga bangka ang nawasak.
Ikatlong Trumpeta: Isang nagliliyab ng bituin ang nahulog sa mga ilog. 1/3 ng tubig ang nalason.
Ikaapat na Trumpeta: 1/3 ng liwanag mula sa araw at mga bituin ang nagdilim.
Ikalimang Trumpeta: Lumabas mula sa walang hanggang kalaliman na mukhang mga balang at kumakagat na tila mga alakdan. Pinahirapan nila ang mga tao sa mundo sa loob ng limang buwan. Pinangunahan sila ni Apollyon, isang masamang anghel. Sinikap ng mga tao na patayin ang kanilang sarili subali’t hindi nila magawa.
Ikaanim naTrumpeta: Apat na anghel ang pinalaya sa Ilog Eufrates na naging dahilan upang isang hukbo ng 200 milyon ang umatake sa mga tao sa mundo. 1/3 sa buong populasyon ang namatay. Hindi nagsisi ang mga nakaligtas.
Ang Kabanata 10 ay isang idinagdag na paglalarawan ng isang anghel na nagpapahayag ng katapusan ng panahon. Sinasabi ng sipi na sa mga pangyayari sa ikapitong anghel, ang mga huling propesiya ay matutupad. (10:7).
Ang Kabanata 11: 1-13 ay isa pang idinagdag na paglalarawan. Sinakop ng mga Hentil ang Jerusalem sa loob ng 42 buwan, at dalawang saksi ang nangaral sa Jerusalem sa parehong panahon. Hindi ito nangangahulugan na ang panahong ito ay naganap sa pagitan ng ikaanim at ikapitong trumpeta. Ito ay isang ipinasok na paglalarawan ng ikalawang bahagi ng pitong taon na panahon ng kapighatian.
Ang mga saksi ay mahimalang iningatan ng Diyos hanggang sa ang kanilang ministeryo ay matapos, pagkatapos sila ay pinatay, ngunit muling binuhay at dinala sa langit. Hindi ibinigay ang kanilang mga pangalan. May mga naniniwala na sila ay sina Moises at Elias dahil sa klase ng mga himala na kanilang ginawa (11:6). Ang pinakasimpleng paliwanag ay: sila ay dalawang mananampalataya na naninirahan sa mundo sa panahong iyon, pinili ng Diyos para sa espesyal na ministeryong ito.
Ikapitong Trumpeta: Mayroong kapahayagan na ang mga kaharian sa mundo ay pag-aari na ni Kristo at dumating na ang panahon ng paghuhukom.
Ang Mga Mananampalataya at ang Israel
Narito ba sa mundo ang mga mananampalataya sa pagtunog ng mga trumpeta? Walang binanggit tungkol sa mga mananampalataya maliban sa pangitain na nagpapakita na sila ay nasa langit. Walang nagsisisi pagkatapos ng ikaanim na trumpeta (9:20), na maaaring magpahiwatig na wala na sa mundo ang mga mananampalataya. Gayunman, sinabi ni apostol Pablo na ang mga mananampalataya ay kukunin sa alapaap sa “huling trumpeta” (1 Corinto 15:52). Tinutukoy rin ba niya ang parehong serye ng mga trumpeta sa Pahayag?
Tungkol naman sa Israel. Kinagat ng mga balang ang mga taong walang tatak, na magpapahiwatig na ang mga taong may tatak ay narito pa sa mundo at iniingatan ng Diyos (9:4). Ang mga taong may tatak ay mga mananampalataya mula sa Israel (7:4) at naririto pa sa mundo nang panahon na sila ay nilagyan ng tatak. Ang tatak ang pagkakakilanlan sa kanila bilang ang mga pinoprotektahan ng Diyos sa mundo habang ang mga bagay na ito ay nagaganap. (7:3)
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Pahayag 12 para sa grupo.
Ang mga simbolo sa talata 1, kung ihahambing sa panaginip ni Jose, ay nagpapahiwatig na ang babae ay kumakatawan sa Israel. Ang batang kanyang isinilang ay si Hesus. Ang dragon (makalipas ay tinukoy na si Satanas) ay nagnanais na kainin ang sanggol ngunit hindi nito magawa. Pagkatapos ang babae ay dinala sa isang lugar kung saan siya ay iningatan sa loob ng 3 ½ taon, ang ikalawang bahagi ng kapighatian. Ang babaeng iningatan ay maaaring ang mga natira sa Israelm na tinatawag na 144 na libo.
Matapos dalhin ang babae sa ligtas na lugar, inusig ng dragon ang mga sumusunod kay Kristo (17). Ipinapahiwatig nito na ang mga mananampalataya ay nasa mundo pa hanggang sa ikalawang kalahati ng kapighatian.
Nakita ni Juan ang isang hayop na kumbinasyon ng ilang hayop (ihambing sa Daniel 7:7). Ang halimaw na ito ay kumakatawan sa isang kaharian, katulad sa paraan na ang mga hayop ay kumakatawan sa mga kaharian sa aklat ni Daniel. Inilagay ng dragon, si Satanas, ang kanyang kapangyarihan sa kahariang ito. Sinasamba ng mga taong naglilingkod sa kahariang ito ang dragon. Nanatili ang kaharian sa loob ng 42 buwan. Ang kaharian ay sa buong mundo. Nakikipagdigma siya sa mga “banal at nalupig sila,” na tumutukoy sa pag-uusig sa mga mananampalataya.
Pinangunahan ng ikalawang halimaw ang mundo sa pagsamba sa unang halimaw. Pinagaling sa isang nakamamatay na sugat ang unang halimaw, isang paggaya sa muling pagkabuhay ni Hesus. Sinamba siya ng lahat, silang hindi nakasulat ang pangalan sa Aklat ng Buhay. Ang pangungusap na iyon ay nagpapahiwatig na ang mga mananampalataya ay nasa daigdig pa at tumatangging sumamba sa kanya.
Isang imahen ang itinayo para sambahin. Ang mga tumangging sumamba dito ay pinatay.
Ang marka ay may komersiyal na gamit, gayunman ay nakaugnay sa pagsamba.(14:9-10).
Ang bilang ng kanyang pangalan ay 666. Nagkaroon na ng maraming teoriya tungkol sa kahulugan ng bilang na ito. Maaaring hindi natin matiyak nang una sa panahon ang tunay na kahulugan ng bilang; gayunman, maaari nating asahang makita ang katuparan ng propesiya kapag ito’y lumitaw na.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Pahayag 14:1-5 para sa grupo.
Ang mga Israelitang tinatakan ay nasa harapan ng trono na ng Diyos; tapos na ang kanilang oras sa mundo.
Alam natin na hindi sila naligtas ayon sa batas ng Lumang Tipan o mga gawaing panrelihiyon ng mga Judio, sa halip sila ay ligtas dahil sila ay tinubos na at mga tagasunod ng Kordero, na si Hesus. Sila ay banal at matuwid.
Inilalarawan ng pangitaing ito ang isang panahon bago kunin sa daigdig ang mga mananampalataya.
Ipinangaral ng unang anghel ang ebanghelyo sa bawat grupong etniko sa mundo at tinatawagan ang lahat upang sambahin ang tunay na Diyos. Ipinahihiwatig nito na ang mga tao ay maaari pa ring magsisi at magbalik-loob sa panahong iyon.
Ipinapahayag ng ikalawang anghel ang pagbagsak ng Babilonia. Malawakang inilarawan ang Babilonia sa Kabanata 18. Ginamit ang Babilonia bilang simbolo sa Kasulatan upang tukuyin ang isang makapangyarihan at maunlad na institusyon ng kasamaan. Mayroong iba’t-ibang teoriya kung ano ang kinakatawan ng Babilonia sa aklat ng Pahayag.
Nagbababala ang ikatlong anghel tungkol sa walang hanggang kahatulan para sa mga sumamba sa halimaw at tumanggap ng kanyang tatak.
Ang pananampalataya at tiyaga ng mga mananampalataya ay nakikita sa kanilang pagtanggi na magpasakop sa halimaw (12). Nagpapakita ito na ang mga mananampalataya ay narito pa sa mundo,at magkakaroon ng mga martir pagkatapos ng panahong iyon. (13).
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Pahayag 14:14-20 para sa grupo.
Walang maraming detalye o paliwanag sa alinman sa dalawang pag-aani na isinama sa sipi.
Ang unang pag-aani (verses 14-16) ay isinagawa ni Hesus, na may suot na ginintuang korona. Binanggit ang mga ulap (tulad sa Pahayag 1:7, Daniel 7:13) upang bigyang-diin na ang kanyang kaharian ay makalangit at hindi nakabase sa mundo.
Ginawa ng isang anghel ang ikalawang pag-aani. Ang inani ay itinapon sa poot ng Diyos.
Tila ang unang pag-aani ay ang pag-aalis ng mga mananampalataya bago ang poot ng Diyos. (Ihambing ito sa talinghaga ng trigo at damo sa Mateo 13:24-30, 36-43.)
Ang seryeng ito ng pitong mangkok ay malinaw na tinukoy bilang ang poot ng Diyos (15:1, 7).
Ang mga nagtagumpay laban sa halimaw ay nasa langit na bago ibuhos sa mundo ang poot ng Diyos.
Unang mangkok: Isang karamdaman para sa mga nagtataglay ng marka ng halimaw.
Ikalawang mangkok: Naging dugo ang dagat, at lahat ng nilalang sa dagat ay namatay.
Ikatlong mangkok: Ang mga ilog ay naging dugo.
Ikaapat na mangkok: Sinunog ng araw ang mundo. Nilapastangan ng mga tao ang Diyos at hindi sila nagsisi.
Ikalimang mangkok: Ibinuhos sa trono ng halimaw. Nagkaroon ng kadiliman at paghihirap, subali’t hindi nagsisi ang mga tao.
Ikaanim na mangkok: Natuyo ang Ilog Eufrates upang ihanda para sa pagdaan ng mga hukbo, at inipon ng masasamang espiritu ang mga hukbo ng mundo para sa digmaan ng Armageddon.
Ikapitong Mangkok: Ang paghahayag ay naganap, “Naganap na.” Nangyari ang pinakamatinding lindol sa lahat ng panahon, kasabay ng kulog, kidlat at labis na malalaking ulan ng yelo.
Isang babae sa pangitaing ito ang tinawag na Babilonia. Tinawag siyang isang babaeng bayaran. Lasing siya sa dugo ng mga Kristiyano. Kinakatawan niya ang lungsod na namumuno sa mga hari ng mundo (17:18). Sa oras ng pagsusulat ng Pahayag, ang lungsod na namumuno sa mundo ay ang Roma.
Ang babae ay nakaupo sa isang hayop na may pitong ulo at sampung sungay. Kumakatawan ang hayop sa isang kaharian na umiiral noon, hindi na umiral, pagkatapos ay muling iiral (17:8). Ang pitong sungay ay kumakatawan sa pitong bundok kung saan itinayo ang lungsod, ang Roma. Ang sampung sungay ay kumakatawan sa mga hari. Sa paglipas ng panahon, lalabanan ng mga hari ang babae at wawasakin ito (17:16).
Inilalarawan ng Kabanata 18 ang kayamanan at impluwensya ng Babilonia. Ang mga tagapamuno sa mundo ay may relasyon sa kanya na inihalintulad sa pakikiapid (18:3). Napakalawak ng kanyang negosyo kaya’t nagawa nitong payamanin ang mga hari at mga negosyante sa maraming mga bansa. Siya ay nagkasala ng lahat ng uri ng nakatatag na kasamaan, at ang mga tagapamuno sa lahat ng lugar ay nakilahok sa kanyang kasamaan para sa pakinabang.
Siya ay mawawasak sa loob ng isang araw, at ang buong mundo ay labis na magtataka at magdadalamhati (18:8).
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Pahayag 19 para sa grupo.
Nagsisimula ang kabanata sa pagpupuri sa Diyos para sa kanyang katarungan, ipinakita sa kanyang paghatol sa Babilonia at paghihiganti para sa kanyang mga lingkod. Tandaan na ito ay isang pangunahing tema ng Kasulatang propesiya.
Pagkatapos, inihayag ang isang piging ng pagdiriwang, na tinatawag na piging ng kasalan.
Bumalik si Kristo na nakasakay sa isang puting kabayo, na sinusundan ng mga hukbo ng kalangitan na may mga puting kabayo. Ang isang puting kabayo ay kumakatawan sa pagsakop (see 6:2).
► Ang mga hukbo ba ng kalangitan ay mga anghel o mga Kristiyano?
Ang isang napakalaking hukbo ay nagkakatipon sa daigdig upang lumaban kay Kristo, nguni’t sila ay pinatay ng kanyang salita.
► Ang mga kabayo ba ay simbolo lamang o literal? Bakit gayun ang iyong iniisip?
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Pahayag 20:1-10 para sa grupo.
Sa panahon ng 1,000 taon, si Satanas ay nakakulong, at ang mundo ay pinamumunuan ng mga taong pinatay ng halimaw dahil sa kanilang katapatan kay Kristo.
Sa katapusan ng 1,000 taon, pinalaya si Satanas at muli niyang tinipon ang mga bansa upang magrebelde laban sa Diyos.
Maraming pagtatalo tungkol sa kung ang siping ito ay tumutukoy sa isang literal na 1,000 taon at kung ito ba ay sa hinaharap o sa kasalukuyan. Isang indikasyon na ito ay sa hinaharap pa ay dahil ito ay sumusunod sa muling pagkabuhay ng mga namatay dahil sa kanilang pananampalataya.
Mas malalim nating pag-aaralan ang millennium sa ibang bahagi ng kursong ito.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Pahayag 20:11-15 para sa grupo.
[1]Ang bawat tao ay tatayo sa harap ng Diyos upang hatulan para sa kanyang mga ginawa. Ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa Aklat ng Buhay ay hahatulan para sa kanyang mga kasalanan na nakatala sa ibang mga aklat.
Ang iba pang reperensiya sa huling paghuhukom ay sa 2 Corinto 5:10 at Hebreo 9:27.
Ang mga hinatulan ng kamatayan ay itinapon sa lawa ng apoy.
Ang siping ito ay naglalarawan ng walang hanggang kundisyon kapag ang lahat ng kasalanan ay naalis na at ang kalooban ng Diyos para sa sanlibutan ay lubusan nang natupad.
Bumaba mula sa alapaap ang isang bagong Jerusalem, na nagpapakita na ang kaharian ng Diyos sa kalubusan nito ay nagmumula sa Diyos sa langit at hindi nilikha sa daigdig sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao.
Ang sumpa na nagsimula sa unang kasalanan ay matatapos na para sa mga ligtas. Mawawala na ang kalungkutan, pagtanda, sakit o kamatayan. Ang lahat ng bagay ay magiging bago na.
Ang mga makasalanan na hindi nakatagpo ng kaligtasan ay mabubukod at mahahatulan sa lawa ng apoy.
Kudrado ang lungsod, na may tatlong pinto sa bawat panig. Ito ay may napakalawak na sukat. Ito ay kasintaas kung gaano ito kalawak at kahaba. Gawa ito sa mahahalagang hiyas, na nagpapakita ng kagandahan ng disenyo ng Diyos at nagpapakita rin na ang kanyang mga pinagkukunan ay walang hangganan.
Ang kaluwalhatian ng Diyos ay matatagpuan sa buong lungsod, naliliwanagan nito ang lungsod na hindi na kinakailangan ang iba pang pagmumulan ng liwanag.
Ang lahat ng bansa ay mapapasailalim sa lungsod na ito.
Walang kasalanan ang kailanman ay makakapasok sa lungsod.
May isang ilog ng tubig ng buhay at isang puno ng buhay. Nagpapakita ito ng pagpapanumbalik ng buhay na nawala nang magkasala sina Adan at Eba.
Ang pinakamahalagang katotohanan tungkol sa lungsod ay ito ang lugar kung saan ang bayan ng Diyos ay mabubuhay nang kasama niya (21:3, 22:4).
Nalaman ng apostol na ang mensahero na kanyang kausap ay isang propetang katulad rin niya.
Sinasabi ng talata 10 na malapit nang maganap ang katuparan ng mga prediksiyon. Ang mga propesiya ay isinulat 2,000 taon na ang nakalilipas, at ang ilan sa mga ito ay hindi pa natutupad. Sa anong kahulugan na ang katuparan ay malapit na? Mayroong kahit man lang dalawang posibleng paliwanag.
(1) Ang mensahe ay mayroong agad na aplikasyon sa mga nakikinig.
Nagtitiis na sila ng pag-uusig, at makikita nila ang pagliligtas ng Diyos, bagaman hindi ang ultimong katuparan ng mga propesiya. Ang aklat ay hindi lamang para sa mga taong nabubuhay sa mga huling araw, kundi para sa mga taong unang nakabasa nito. Ang kapanahunan ng iglesya ay nagsimula na, nagsimula na ang pag-uusig, at ang mga proseso ng kasaysayan na inilarawan sa aklat ay nagsimula na. Ang mga ito ay nasa huling panahon, kung saan ang mga propesiya ay matutupad, subali’t sila ay nabuhay sa simula ng panahon.
Prinsipyo ng Pagbibigay kahulugan sa Biblia
May aplikasyon ang Banal na Kasulatan sa lahat ng panahon, kahit naglalaman ito ng mga prediksiyong hindi agad na matutupad. Samakatuwid, maaari tayong makinabang mula sa sipi ng Banal na Kasulatan kahit hindi natin lubusang nauunawaan kung anong pangyayari ang inihuhula.
(2) Magkakaroon ng mga katuparan ng mga propesiya sa malapit na hinaharap na hindi naman ang ultimong katuparan.
Halimbawa, nang ang Jerusalem ay napapalibutan at nawasak ng mga hukbo, marami sa mga propesiya ay nagkaroon ng kahit man lang bahagyang katuparan. Maraming Kristiyanong Judio sa panahong iyon ang marahil nag-isip na nakikita nila ang katuparan ng Pahayag. Kaya’t ang panahon ay sa malapit, bagaman magkakaroon ng ultimong katuparan, mas lubos na katuparan sa mga huling araw.
Nangungusap ang talata 11-12 tungkol sa biglaang pagdating ng Panginoon. Ang taong banal sa panahong iyon ay matatagpuang banal; ang taong hindi malinis ay matatagpuang hindi malinis –wala nang panahon para sa sinuman para magbago kapag nakita niyang bumabalik ang Panginoon.
Binabanggit ng talata 13 ang titulong Alpha at Omega na para lamang kay Hesus, na unang binanggit sa 1:8. Ang mga salitang ito ay tumutukoy sa una at huling letra ng alpabeto, na nangangahulugan na si Hesus ang simula at ang wakas ng kasaysayan ng sangkatauhan, mula sa paglikha hanggang sa mga huling araw.
Sinasabi ng verses 14-15 na ang mga tao ay makakapili kung magiging isa sa mga ginantimpalaang tao ng Diyos o ang maging isang nahatulang makasalanan. Ang mga sumusunod sa Diyos ay papasok sa lungsod at makakalapit sa puno ng buhay; hindi kabilang ang mga makasalanan.
Nag-aanyaya ang talata 17. Ang Biyaya ay ibinibigay nang walang bayad.
Ang talata 18-19 ay babala laban sa pagbabago sa mga salita ng Diyos na inihayag sa aklat. Bagaman ang babala ay tiyakang tumutukoy sa aklat ng Pahayag, maaari rin itong ilapat sa lahat ng Kasulatan, dahil walang sinuman ang may awtoridad na baguhin ang Salita ng Diyos.
(1) Siping Pag-aaralan: Gumawa ng chart ng mga tatak, mga trumpeta, at mga mangkok. Ilista rin ang mga mangyayari sa bawat isa.
(2) Takdang-Araling Isusulat: Inilalarawan ng Pahayag ang mga gawain ng masasamang tao, gayunman ay inilalarawan din ang kontrol ng Diyos. Paano ipinapakita ng Pahayag na ang mga huling araw ay gawain ng Diyos? Hanapin ang pagiging sentro ng Diyos at ang mga tanda ng kanyang paghahari. Paano nagiging sentro ng eschatology o pag-aaral sa mga huling araw ang paghahari ng Diyos?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.
Questions? Reach out to us anytime at info@shepherdsglobal.org
Total
$21.99By submitting your contact info, you agree to receive occasional email updates about this ministry.
Download audio files for offline listening
No audio files are available for this course yet.
Check back soon or visit our audio courses page.
Share this free course with others