► Basahin ang 1 Mga Taga-Corinto 15: 30-31. Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niya na siya’y namamatay araw-araw?
Paano nakakatulong ang konteksto upang maunawaan natin ang kanyang ibig sabihin? Hindi nagsasalita si Pablo tungkol sa kanyang pagkamatay sa kasalanan araw-araw. Inilalarawan ng sipi kung paano niya patuloy na inilalagay sa panganib ang kanyang buhay para sa ebanghelyo. Sinabi ng talata 30 na siya ay nasa panganib sa lahat ng sandali. Nang sabihin niyang siya’y “namamatay araw-araw” ibig niyang sabihin na inilalagay niya sa panganib ang kanyang buhay araw-araw; araw-araw niyang isinusuko ang kanyang buhay sa mga panganib ng kanyang ministeryo.
Ang Kristiyanismo ay sinimulan ni Kristo Hesus, na namatay para sa kanyang pagpapatotoo sa katotohanan. Mula sa simula, ang komunidad na Kristiyano ay mayroon nang di-pagkakasundo sa mga kaaway ng katotohanan. Kung minsan ang di-pagkakasundong iyon ay nagiging dahilan ng marahas na pag-uusig. Sinabi ni Hesus na ang pagiging tagasunod niya ay katulad ng pagpapasan ng krus upang sundan siya hanggang sa kamatayan (Mateo 16:24). Sinabi niya na kung ikinahihiya natin siya sa harap ng mundo, ikahihiya rin niya tayo (Marcos 8:38). Sinabi niya na kinamumuhian ng mundo ang mga mananampalataya sa parehong dahilan na kinamuhian nila siya (Juan 15:18).
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga disipulo na asahan na nila ang pag-uusig (Mateo 10:19, 23, 24:9).
Dahil sa hindi maiiwasang di-pagkakasundo sa pagitan ng mga Kristiyano at ng mundo, sinabi ni apostol Pablo na “Ang lahat ng mamumuhay ng makaDios na paraan kay Kristo Hesus ay magdurusa ng pag-uusig.” (2 Timoteo 3:12).
Sinabi ni apostol Pedro na hindi dapat magulat ang mga mananampalataya dahil sa pag-uusig, na tila ito’y isang hindi pangkaraniwang bagay na nangyayari (1 Pedro 4:12).
Sinabi ni apostol Juan na hindi dapat magulat ang mga mananampalataya na kinamumuhian sila ng mundo (1 Juan 3:13).
Itinuring ni Pablo ang kanyang sariling pagdurusa para sa ebanghelyo bilang pagpapatuloy ng paghihirap ni Kristo (Colosas 1:24). Si Kristo ay nagdusa at namatay upang ipagkaloob ang paraan ng kaligtasan; nagdusa si Pablo sa pagdadala ng ebanghelyo upang ang mga makasalanan ay sumampalataya at maligtas.
Isang Sulyap sa Kasaysayan
Ang mga Judio ang unang mga tagausig sa mga Kristiyano; inusig nila lalo na ang mga Kristiyanong Judio. (Mga Gawa 7, 8:13).
Sa mga unang henerasyon ng iglesya, ang mga Hentil na nagbalik-loob sa iba’t-ibang bansa ay nakaranas ng pag-uusig mula sa mga kaibigan, pamilya, at lokal na pamahalaan dahil ayaw nilang sumamba sa mga lokal na dios.
Taong AD 250, iniutos ng Romanong Emperador na si Decius ang pag-uusig sa sinumang hindi sasamba sa mga Romanong dios at sa emperador. Nangyari sa iba’t-ibang lugar at iba’t-ibang panahon hanggang 313, hindi laging sa kabuuan ng buong imperyo. Pinarusahan ang mga Kristiyano ng pagkakulong, pagkawala ng mga ari-arian, pagkabihag, at kung minsan ay kamatayan.
Sa buong panahon ng mga siglo ng iglesya, nagdusa ang mga Kristiyano sa maraming lugar. Kung minsan ang pag-uusig ay dahil ang mga Kristiyano ay tumatangging makilahok sa pagsamba ng ibang relihiyon. Sa ibang lugar, hinihingi ng pamahalaan ang lubusang katapatan dito at hindi tumatanggap ng anumang ibang relihiyon.
Ang pag-uusig at pagiging martir ay dumami sa modernong panahon. Mahirap bilangin ang naging martir, dahil ang digmaan at iba pang karahasan ay hindi laging madaling ibukod sa pag-uusig. Ipinapalagay na nasa 10,000 hanggang 150,000 na martir bawat taon. May ilang iskolar na ipinapalagay na may kabuuang 70 milyong Kristiyano ang namatay dahil sa kanilang pananampalataya sa buong kasaysayan, kabilang ang lahat ng nagpapahayag na sila’y Kristiyano mula sa alinmang denominasyon.[1] Karamihan ay namatay dahil sa pag-uusig ng pamahalaan; milyon pa ang bilang ng namatay dahil sa pag-uusig ng ibang relihiyon, pangunahin na ang Islam. Milyon din ang bilang ng pinatay ng Simbahang Romano Katoliko at ng Silanganing Orhodox Church.
[1]Todd M. Johnson, “Christian Martyrdom: A Global Demographic Assessment,” 2012. Accessed at https://archive.gordonconwell.edu/ockenga/research/documents/TheDemographicsofChristianMartyrdom.pdf June 24, 2020.
Ang Ultimong Saksi
Ang Griegong salita na martir ay literal na nangangahulugang saksi. Sa paglipas ng panahon, ang iglesya ay naniwala na ang ultimong gawain ng pagiging saksi ay ang mamatay dahil sa pananampalataya, kung kaya’t ang mga namatay dahil sa pag-uusig ay tinawag na mga martir sa paraang ang ibang saksi ay hindi tinukoy.
Itinuring na mga bayani ng unang iglesya ang mga martir. Ang sumulat ng paglalarawan sa kamatayan ni Policarpio ay nagsabi na, “Hindi natin kailanman maaaring talikuran si Kristo…hindi rin tayo maaaring sumamba sa ibang tao…ngunit minamahal natin ang mga martir bilang mga tagasunod at mga tumutulad sa Panginoon.”
Sinabi ni Cyprian (A.D. 200-258), “Walang anumang mas hihigit na pagpapala kaysa sa mamatay bilang isang martir; ang ipahayag si Hesus, sa kamatayan mismo, sa harap ng mga nakatakdang pumatay sa iyo.” Si Cyprian mismo ay nagdusa ng pagiging martir.
Kung minsan nalalaman ng mas maaga ng isang mananampalataya na siya ay pinili ng Diyos upang maging isang martir. Madalas ang pagpapahayag ay nagiging isang saglit ng pagbabalik-loob, kapayapaang panloob, at espirituwal na pagpaparangal.
[1]Sina Obispo Latimer at Ridley ay sinunog sa England noong 1555 dahil sa pangangaral ng ebanghelyo. Habang naghihintay sila sa kanilang pagharap sa husgado, namighati sila nang marinig nila na ang mga tao ay tumatalikod sa kanilang pananampalataya. Kapag nakaririnig sila ng isang taong binibitay dahil sa kanyag pananampalataya, itinuturing nila ang pangyayari bilang isang tagumpay para sa ebanghelyo. Isang historyador ang nagsulat na bago sunugin, sinabi ni Latimer, “Maging masaya ka, master Ridley, at magpakalalaki ka, dahil sa araw na ito sa biyaya ng Diyos, magsisindi tayo ng kandila sa England na ang liwanag ay hindi kailanman mamamatay.”[2]
Sinasabi sa atin ng Biblia na tila isang anghel ang mukha ni Esteban sa kanyang paglilitis (Mga Gawa 6:15). Sa buong kasaysayan maraming bilang ng kaso ng mga taong humarap sa pagpapahirap nang may matinding katapangan at kaligayahan kung kayat nagbalik-loob ang mga nakasaksi. May mga taong nagdusa para kay Kristo ang nagsabi na naramdaman nila ang matinding presensya ng Diyos sa panahon ng kanilang paghihirap kung kaya’t sila ay nag-aatubiling makita na iyon ay magwakas.
Maraming mananampalatayang nagdusang ang nagkwento tungkol sa mga panaginip, pangitain, at mga karanasan ng presensya ni Kristo at ng Banal na Espiritu.
Si Justin Martyr (A.D. 100-165), na sumulat upang ipagtanggol ang Kristiyanismo at sa wakas ay namatay bilang isang martir, ay nagsabi ng ganito tungkol sa pagiging epektibo ng patotoo ng isang martir: “Ngayon malinaw na walang sinumang makakatakot o makakalupig sa atin na sumampalataya kay Hesus sa buong mundo. Dahil simple lamang na, bagaman pinugutan ng ulo at ipinako, at itinapon sa mababangis na hayop, at iginapos, at apoy, at lahat ng iba pang klase ng pagpapahirap, hindi natin isinusuko ang ating ipinapahayag; subalit mas marami pang mga bagay na tulad noon ang nagaganap, marami pang iba at higit pang mas marami ang bilang ng nagiging matapat, at sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pangalan ni Hesus.”[3]
Si Tertullian (tinatayang A.D. 150-230) ang nagsabi, “Mas madalas na kami ay tinatabas ninyo, mas dumarami ang aming bilang; ang dugo ng mga Kristiyano ay butong binhi.”[4] Ang pangungusap na ito ay madalas binabanggit bilang, “Ang dugo ng mga martir ay ang binhi ng iglesya.”
► Ang pag-uusig ba ay laging nakakatulong sa paglago ng iglesya, o nakakahadlang din ito sa paglaganap ng ebanghelyo?
Ang jizya ay isang buwis na kinokolekta ng mga bansang Muslim sa mga hindi Muslim sa kanilang bansa sa buong kasaysayan. Ang ideya ng buwis ay nagmumula sa Koran. Ang buwis ay nangangahulugan na ang mga hindi Muslim ay hindi talaga kabilang sa bansa at kailangan nilang magbayad para sa pribilehiyo ng paninirahan doon.
► Ano sa iyong palagay ang magiging epekto ng Jizya sa pag-eebanghelismo?
Sa loob ng daang taon, ang Alexandria sa Egipto ang naging sentro ng kaalamang pangkaisipan ng Silanganing Kristiyanismo. Ito ang lungsod ng Athanasius, isa sa pinakadakilang tagapagtanggol ng katotohanang Kristiyano.
Isang hukbong Muslim mula sa Mecca ang sumakop sa Hilagang Africa noong A.D. 639. Pagkalipas noon itinatag nila ang lunsod ng Cairo sa Egipto. Inatasan ang mga Kristiyano na magbayad ng mataas na buwis at hindi makakahawak ng mga posisyon sa pamahalaan, subali’t hindi sila pinatay. Sa loob ng ilang henerasyon, ang porsiyento ng mga Kristiyano sa Egipto ay maliit lamang.
► Ano ang sinasabi sa atin ng kasaysayang ito tungkol sa posibilidad ng negatibong epekto ng pag-uusig?
► Nagbebenepisyo ba sa pag-uusig ang iglesya sa anumang paraan, bukod sa maaaring maging dahilan upang magkaroon ng mas maraming pagbabalik-loob?
Marami sa mga sinaunang ama ng iglesya ang sumulat na ang pag-uusig ay may epekto na dalisayin ang iglesya. Kapag ang pagiging miyembro ng isang iglesya ay nagdadala ng mga benepisyong materyal at kalagayan sa lipunan, maaaring magkaroon ang tao ng maling motibo sa paglahok sa iglesya. Kapag inuusig ang iglesya, ang mga tao ay sumasali dahil sa espiritual na prayoridad.
Ipinahayag ni Marvin Newell ang mga obserbasyong ito tungkol sa epekto ng pagiging martir sa ibang mananampalataya. “Naging dahilan ito (ang pagiging martir) upang ang karamihan ay sumandaling tumigil at muling pag-isipan ang sukdulang halaga ng pagiging disipulo. Pinipilit nito ang marami na tanungin kung ang kanilang mga sarili ay nakaaabot sa pinakamataas na pamantayan ng debosyon kay Kristo at sa kanyang gawain. Hinihikayat nito ang iba na talikuran ang makasariling mga plano at ambisyon at bumaling sa paglilingkod kay Kristo sa mahihirap at mabibigat na mga pagkakataon. Lumilikha ito ng isang pamantayan para sa Iglesya upang sukatin ang kahalagahan nito – kung ang mga gawain nito ay makahulugan at tunay na mahalaga kung ang pag-uusapan ay pangwalang-hanggan.”[5]
[1]“Mula sa pagsisimula, ang unang iglesya ay pinag-usig una ng mga Judio, pagkatapos ay ng mga Griego, pagkatapos ay ng mga Romano, pagkatapos ay ng mga pulutong na barbaro. Sa makabagong panahon ang mga Kristiyano ay patuloy na pinag-uusig, ang mga Kristiyanong Armenian ay inusig ng mga Turks, ang mga Orthodox na Kristiyano ng mga tagasunod ni Stalin, ang mga ebangheliko sa pamamagitan ni Castro, ang mga Katoliko sa pamamagitan ng Pol Pot genocide, at kapwa ang mga Judio at Kristiyano sa pamamagitan ng mga Nazi. Sa kasamaang-palad, ang listahan ay nagpapatuloy at tila nagpapatuloy na walang wakas sa mga Kritiyanong minorites sa Ethiopia, Mozambique, South Africa, North Korea, Iran, Nepal, and Burma.”
- Thomas Oden, Life in the Spirit
[2]John Foxe, Foxe’s Book of Martyrs (1883 edition)
[3]Justin Martyr, Dialogue with Trypho, Chapter 110
[5]Marvin Newell, “The Missionary Martyr: What We Learn from Those Who Gave Their Lives for the Cause of Christ.” Accessed at https://missionexus.org/the-missionary-martyr-what-we-learn/#myaccount June 24, 2020.
Tuntunin ng Pagiging Martir
► Ano ang iyon iisipin kung ang sasadyain ng isang taon na sikaping siya ay patayin bilang isang martir? Bakit?
[1]Hinangaan ng iglesya ang mga martir. May mga nagnanais na maging martir at sinasadyang sikapin na sila ay mapatay. Hindi sinasang-ayunan ng iglesya ang isang naghahanap na siya ay maging martir. Kung ang isang tao ay hindi pinili ng Diyos upang maging isang martir, maaaring hindi siya magkaroon ng kalakasan mula sa Diyos upang panatilihin ang kanyang pananampalataya.[2] Gayundin naman, ang isang taong nagbubunsod sa mga umuusig sa kanya upang siya ay patayin ay naghahatid ng panganib sa iba.
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga tagasunod, “Kapag kayo’y inusig nila sa isang lungsod, tumakas kayo patungo sa ibang lugar” (Mateo 10:23). Sinasabi sa atin ng kautusang ito na wasto lamang na iwasan natin ang pag-uusig.
Naniwala ang iglesya na ang pagiging martir ay dapat makatulad sa kamatayan ni Kristo. Hindi dapat sikapin ng isang Kristiyano na siya ay patayin, o kaya’y ipagkanulo ng iba. Ang pag-uugali ng isang martir sa panahon ng paghihirap ay dapat katulad ng sa Panginoon. Gayundin, dapat tama ang dahilan ng pag-uusig. “Hindi ang paghihirap, kundi ang dahilan ng pag-uusig ang siyang gumagawa ng isang martir” (Augustine). Ang dahilan ng pagiging martir ay ang pagpapatotoo o paninindigan ng isang Kristiyano.
[1]Nagpapatawad ng mga mang -uusig
“Hindi ako nagagalit sa sinumang gumawa nito. Sinasabi ko sa kanya, ‘Patawarin ka nawa ng Diyos, at pinatatawad ka rin namin.’ Maniwala ka sa akin, pinatatawad ka namin." Ang mga salitang ito ang sinabi ng balo ni Naseem Faheem, pagkatapos na ang kanyang asawa ay patayin sa labas ng St. Mark’s Cathedral sa araw ng Palm Sunday sa pamamagitan ng isang bomba ng terorista.(Abril 9, 2017).
[2]Tingnan ang kaso ni Quintus, ang Phrygian mula sa isinulat tungkol sa kamatayan ni Policarpio.
Konteksto ng Eschatology
Note sa tagapanguna sa klase: Hilingan ang klase na magbigay ng mga halimbawa ng Kasulatan sa Bagong Tipan tungkol sa pag-uusig. Kung maaari, ilista ang mga iyon sa isang board kung mayroon. Pagkatapos nilang maglista ng marami, ituro ang sumusunod na aralin.
Ang Bagong Tipan ay isinulat sa mga mananampalataya na nakauunawa sa katotohanan ng pag-uusig. Ang maraming reperensiya sa pag-uusig ay nagpapakita na maraming Kristiyano ang nakaranas ng pag-uusig at nalalaman na maaaring mangyari rin iyon sa kanila sa hinaharap.
Inilalarawan ng Aklat ng Mga Gawa ang maraming pangyayari ng pag-uusig. Binato si Esteban, at pinangalat ng pag-uusig ang mga mananampalataya mula sa Jerusalem. Nang-uusig si Pablo bago siya nagbalik-loob.
Kung minsan binabanggit ni apostol Pablo sa kanyang mga sulat ang katotohanan na siya ay isang bilanggo para sa Panginoon (Efeso 3:1, 4:1, 2 Timoteo 1:8), at nagsabi na “nakipaglaban ako sa mababangis na hayop sa Efeso”(1 Corinto 15:32), at palaging inilalagay sa panganib ang kanyang sarili (1 Corinto 15:31). Nabilanggo rin si Timoteo (Hebreo 13:23).
Sinabi ni Pedro sa kanyang mga mambabasa na tiyakin na sila ay hindi kailanman nakagawa ng krimen, nguni’t maging masaya kung sila ay magdurusa dahil sa pagiging matuwid. (1 Pedro 3:14).
Sinabi ng sumulat ng Hebreo sa kanyang mga mambabasa na alalahanin ang mga nasa bilangguan. (Hebreo 13:3).
► Sama-samang tingnan ang 1 Corinto 1:8-10.
Inisip ng mga apostol na sila ay papatayin, subali’t naisuko na nila ang kanilang mga buhay sa Diyos, dahil nalalaman nila na sa wakas ay bubuhayin Niya sila mula sa mga patay.
Maaari nating maisip na sa panahon ng Bagong Tipan madalas na nakikita o naririnig ng mga mananampalataya ang pag-uusig na nangyayari sa mga mananampalataya sa ibang lugar. Ang maging Kristiyano ay katumbas ng buhay na may posibilidad (at kung minsan ay may katiyakan) ng pag-uusig.
Bagaman hinihintay at inaasahan ng mga Kristiyano ang pagbabalik ni Hesus, sinabihan sila na asahan ang pag-uusig bago ang pangyayaring iyon. Ang mga talata ng propesiya o hula sa Kasulatan ay laging nagpapaalala sa mga mananampalataya na ang pag-uusig ay magiging isang katotohanan sa mga huling araw (Mateo 10:17, 24:9, Lucas 12:11-12, Pahayag 6:9-11, 12:17, 13:15). Ang isang layunin ng eschatology ay ang ipaliwanag ang pagiging makapangyarihan ng Diyos sa isang mundo kung saan ang kanyang mga tao ay pinag-uusig, upang mapanatili nila ang kanilang pananampalataya sa kanya hanggang matupad ang kanyang mga plano.
Mga Takdang-Aralin
(1) Isusulat na Takdang-Aralin: Sinasabi sa atin ng Biblia na tayo’y magsaya at matuwa kapag tayo ay pinag-uusi (Mateo 5:12), gayunman dapat tayong manalangin para sa tahimik at mapayapang pamumuhay (1 Timoteo 2:2). Paano mo ipapaliwanag ang malinaw na pagkakasalungat sa mga prinsipyo mula sa leksiyong ito?
(2) Takdang-Araling Isusulat: Paano kapwa nakakatulong at nakakahadlang ang pag-uusig sa iglesya?
(3) Pag-aaral ng Talata: Pag-aralan ang 2 Corinto 4:8-18. Nagtiis ng paghihirap ang mga apostol, bilang pagsunod sa halimbawa ni Hesus. Kaya nilang magtiis dahil naranasan nila ang kalakasan at pagpapanibagong-lakas na panloob. Pumapayag silang magdusa dahil tumanggap sila ng espirituwal na buhay at tumatanaw sila sa hinaharap sa walang hanggang kaluwalhatian. Sumulat ng buod ng talatang ito.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.