Maaari mong hilingan ang dalawa o tatlo sa mga mag-aaral upang ibahagi ang kanilang isinulat para sa takdang-aralin sa Leksiyon 1.
Bilang isang opsiyonal na pagsasanay sa pagbabalik-aral, maaari mong basahin ang ilan sa mga talata sa Banal na Kasulatan na kasama ng “Mga Dahilan Upang Pag-aralan ang mga Propesiya sa Biblia” (mula sa pahina 10) at itanong sa mga mag-aaral ang dahilan batay sa bawat talata ng Banal na Kasulatan. Halimbawa, basahin ang Pahayag 1:3, tapos itanong, “Ano ang dahilang ibinibigay nito sa atin upang pag-aralan ang propesiya?”
Ang leksiyong ito ay may dalawang bahagi. Ang una ay tungkol sa kahalagahan ng mga natupad na propesiya. Ang ikalawang bahagi ay naglalarawan sa kasaysayan ng Israel at mga propesiya tungkol sa Israel na itinuturing ng mga iskolar na mahalaga para sa pag-aaral ng mga huling araw.
Ang kursong ito ay isang pag-aaral ng mga inihahayag ng Salita ng Diyos tungkol sa hinaharap. Ang leksiyong ito ay maikling pag-aaralan ang ilang natupad nang propesiya dahil nagpapakita ang mga ito kung paanong naging mahalaga ang propesiya sa nakaraan.
Nagbibigay ang Biblia ng ilang mga pahayag kung paano tayo dapat mag-isip patungkol sa mga propesiya.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Isaias 46:9-10, 48:3, 5 para sa grupo. Ano ang ipinapakita ng mga talatang ito tungkol sa kahalagahan ng mga natupad na propesiya?
Ipinapakita ng Diyos na maaari siyang magpasya kung ano ang mangyayari, at magagawa niyang mangyari ito. Ipinapakita ng natupad na propesiya ang kontrol ng Diyos.
Kung minsan sinasabi ng Diyos ang kanyang gagawin bago niya ito gawin, upang malaman ng mga tao na ito’y naganap ayon sa kanyang kapangyarihan at hindi sa kapangyarihan ng mga huwad na dios.
Sinasabi ng Diyos na siya ang nakakaalam ng lahat ng bagay na magaganap mula pa sa simula. Taglay rin niya ang kapangyarihan upang sabihin kung ano ang kanyang gagawin. Walang ibang impluwensya ang makapipigil sa Diyos upang tuparin ang kanyang kalooban.
“Nalalaman ng Diyos ang lahat ng kanyang sariling gawa mula pa sa simula ng daigdig” (Mga Gawa 15:18). Mula sa simula ng panahon, nalalaman ng Diyos ang lahat ng bagay na kanyang gagawin. Ipinahihiwatig nito na nalalaman niya ang lahat ng bagay, dahil hindi niya malalaman ang kanyang sariling gawain sa hinaharap kung hindi niya nalalaman ang lahat ng mga sitwasyon sa hinaharap. Walang anumang nakagugulat sa Diyos. Ang Diyos ay hindi kailanman naging hindi handa sa anumang maaaring mangyari.
[1]► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Deuteronomio 18:22 para sa grupo. Bakit kinakailangan na ang isang propeta ay perpektong tama sa panahon kapag sinabi niyang siya ay nagsasalita para sa Diyos? Paano iyon naiiba sa pangangaral at pagtuturo sa pangkalahatan?
Dahil sa lubusang kaalaman at kapangyarihan ng Diyos, ang sinumang propeta na nag-aangkin na siya’y nagsasalita para sa Diyos ay dapat lubusang tamang-tama. Hindi iyon nangangahulugan na alam ng propeta ang lahat ng bagay o kaya’y ang lahat ng kanyang opinyon ay tama; subali’t kapag sinabi ng propeta na siya’y may mensahe mula sa Diyos, ang mensaheng iyon ay dapat tamang-tama. Kapag mali ang prediksiyon ng propeta, hindi siya dapat pagtiwalaan ng mga tao bilang isang propeta. [2]
► Paano kung ang isang tao ay nagpapahayag ng mga propesiyang nagkakatotoo, subali’t nagtuturo ng mga maling doktrina? Dapat ba nating sundin ang taong ganito?
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Deuteronomio 13:1-3 para sa grupo.
Hindi sapat ang tumpak na propesiya upang patunayan na ang isang tao ay mula sa Diyos.
Mga Katuparan ng Propesiya na Naitala sa Kasulatan
Note sa tagapanguna sa klase: kung kailangang magtipid sa oras ang grupo, hindi kinakailangang tingnan ang mga reperensiya sa seksiyong ito.
Naglalaman ang Biblia ng tala ng mga katuparan ng maraming propesiya. Ang seksiyong ito ay nagbibigay ng ilang halimbawa.
Nang mawasak ang lunsod ng Jericho, nagwika si Josue ng isang sumpa na darating sa sinumang muling magtatayo ng lunsod. Sinabi niya na ang anak na panganay at bunso ng sinumang magtatayo sa lunsod ay mamamatay. (Josue 6:36). Ang katuparan ng propesiyang ito ay nakatala sa 1 Hari 16:34.
Naharap sa isang malaking hukbo ng mga kaaway ang hukbo ng Juda, subali’t sinabi ng propeta na hindi nila kakailanganing lumaban. Dahil pinaniwalaan ng hari ang mensahe mula sa Diyos, nagsugo siya ng mga mang-aawit sa unahan ng kanyang hukbo upang pangunahan sila sa pagpupuri sa Diyos. Dahil dito niloob ng Diyos na maglaban-laban ang mga kaaway hanggang sa silang lahat ay mamatay. (2 Cronica 20:14-17, 20-23).
Ihinula ni propeta Elias ang mga detalye tungkol sa kamatayan nina Ahab at Jezebel (1 Mga Hari 21:19, 23). Sinabi niya na didilaan ng mga aso ang dugo ni Ahab at kakainin ng mga aso si Jezebel. Natupad ang mga propesiya (1 Mga Hari 22:38 at 2 Mga Hari 9:30-36).
Mga Katuparan sa Kasaysayan
Si Cyrus ng Persia
Nilupig ng imperyo ng Babilonia ang kaharian ng Juda at inilipat ang karamihan sa populasyon nito sa ibang bansa. Ihinula ni Propeta Isaias na palalayain ni Haring Cyrus ng Persia ang mga Judio upang bumalik sa kanilang bansa at kanyang iuutos ang muling pagtatayo ng templo at ng lunsod (Isaias 44:28, 45:1, 13). Ihinula ito ni Isaias nang mahigit sa 100 taon bago ito natupad. Sa panahon ng ministeryo ni Isaias, ang Persia ay hindi ang nananaig na imperyo, at hindi pa isinisilang si Cyrus.
Itinala ng Biblia ang katuparan ng propesiyang ito sa Ezra 1:1-8. Ang historyador na Judio na si Josephus at iba pang historyador na Judio ay gayun din ang isinulat. Ang Griegong historyador na si Herodotus ay nagbigay ng paglalarawan ng pananakop ni Cyrus sa Babilonia. Ang isang sinaunang historyador na Persiano ay sumulat tungkol sa pasya ni Cyrus na pauwiin ang mga tao mula sa iba’t-ibang bansa pabalik sa kanilang mga lupang pinagmulan. Ang kanyang mga isinulat ay tinawag na Cyrus Cylinder. Hindi binanggit sa Cylinder nang tiyakan ang mga Judio, subali’t ipinapakita na itinalaga ni Cyrus ang polisiyang ito.
Tinawag ni Isaias si Cyrus bilang ang “pinili” ng Diyos (Isaias 45:1), subali’t nangangahulugan ito na binigyan siya ng Diyos ng kapangyarihan upang gawin ang plano ng Diyos. Hindi ito nangangahulugan na sadyang naglingkod sa Diyos si Cyrus. Sinasabi sa Cyrus Cylinder na inaangkin ni Cyrus na siya ay pinagpala ni Marduk, na isang dios-diosan ng Babilonia.
Naluwalhati ang Diyos sa katuparan ng propesiyang ito, hindi lamang dahil sa kanyang kaalaman nang una sa panahon, kundi dahil ginawa niyang alipin ang paganong hari, upang tuparin ang propesiyang ito.
Si Alexander the Great
Ihinula ni Propeta Daniel na may isang tagapamuno sa imperyong Griego na lulupig sa imperyo ng Medes at Persiyano, at walang sinumang makatatalo sa kanya (Daniel 8:3-7, 20-21). Sa panahon ng prediksiyong ito, wala pang imperyo ng Griego at walang makapangyarihang hari ng mga Griego.
Ihinula ni Daniel na ang emperador na Griego ay biglang “mawawasak” habang siya ay malakas pa. Siya ay papalitan ng apat na tagapamuno na hindi naman niya salinlahi. (Daniel 8:8, 22, 11:4).
Tinupad ni Alexander the Great ang mga propesiyang ito pagkalipas ng 200 taon. Binuo niya ang imperyong Griego at sinakop ang imperyong Persiyano. Nang siya ay mamatay sa batang edad noong 323 B.C., ang teritoryo ay hinati-hati ng apat na heneral sa kanyang hukbo.
Naluwalhati ang Diyos sa katuparan ng propesiyang ito dahil sa isang mundo kung saan ang mga dakilang kapangyarihan ay nagkakalaban-laban, nalalaman niya ng higit na mas maaga kung ano ang mangyayari.
Ang Muling Pagtitipon sa Israel
Naglalaman ang Biblia ng mga propesiya tungkol sa pagbabalik ng mga Judio mula sa lahat ng bansa sa buong mundo pabalik sa kanilang bayang pinagmulan. Sa loob ng libong taon, hindi nauunawaan ng mga tao ang mga propesiyang ito, dahil ang bansa ng Israel ay hindi umiiral bilang isang lugar sa mundo.
Kabilang sa mga propesiya tungkol sa pagbabalik ng mga Judio ang Isaias 11:11-12, Jeremias 16:14-15, 23:3, 8, 31:8, 32:37, Ezekiel 11:17, 36:24, at Zacarias 10:8-9.
Alam ng Diyos na ang Israel ay muling magiging isang bansa na may teritoryo at milyon ang bilang ng mga Judio na babalik mula sa iba’t-ibang bansa sa buong mundo.
May isa pang leksiyon sa kursong ito na tumatalakay sa muling pagtitipon ng mga Judio at pagpapanumbalik sa bansang Israel.
Mga Propesiya Tungkol sa Mesiyas
May mga propesiya sa Lumang Tipan na malinaw na tungkol sa Mesiyas at tinupad ni Hesus. Ang Mesiyas ay magmumula sa lipi ng Juda (Genesis 49:10, Hebreo 7:14). Ang Mesiyas ay magmumula sa pamilya ni Jesse (Isaias 11:1, 10, Lucas 3:32). Ang Mesiyas ay isisilang sa Betlehem (Mikas 5:2, Mateo 2:1-6).
Ang ilang propesiya ay nagtataglay ng espesyal na simbolismo. Halimbawa, may isang propeta na humula na ang Mesiyas ay papasok sa Jerusalem na sakay ng isang asno. Hindi lamang ito nangangahulugan na gagamit siya ng normal na pamamaraan ng transportasyon sa panahong iyon. Hindi pangkaraniwan na ang isang hari na dumarating nang may kapangyarihan ay matahimik sa halip na sa pamamagitan ng pananakop ay papasok sa pangunahing lunsod sa isang asno at sasalubungin ng mga tao. Ito ang ihinula, at ito ang ginawa ni Hesus (Zacarias 9:9, Mateo 21: 1-7). Ang mga sanga ng palm ay kumakatawan sa kanilang pagtanggap sa kanya bilang Mesiyas.
Maraming talata sa Lumang Tipan ang naglalarawan sa mga detalye na tumutugma sa mga nangyari sa buhay ni Kristo, bagaman ang mga ito ay maaaring hindi malinaw na hula tungkol sa Mesiyas. Ang ilang halimbawa ay ang pagkakanulo ng isang kaibigan (Awit 41:9), pagbutas sa mga kamay at paa at pagsasapalaran sa kasuutan (Awit 22:16, 18), at tatlumpung pirasong pilak na ibinayad sa isang magpapalayok (Zacarias 11:12-13). Hindi lahat ng iskolar ng Biblia ay naniniwala na ang lahat ng ito ay tiyakang tumutukoy kay Hesus.
Sa Awit 16:9-10 sinasabi ng sumulat na ang katawan ng “Ang Banal” ay hindi mabubulok pagkatapos ng kamatayan. Binigyang kahulugan ng Bagong Tipan ang talatang ito bilang isang hula tungkol sa muling pagkabuhay ni Hesus (Mga Gawa 2:27-32).
Ang Isaias ay may apat na espesyal na talata na tinatawag na “Ang Mga Awit ng Lingkod” (42:1-9, 49:1-13, 50:4-11, at 52:13-53:12). Ang Israel bilang isang bansa ay lingkod ng Diyos subali’t sa huli ay nabigo sa kanyang misyon. Ang Mga Awit ng Lingkod ay naglalarawan sa isang tao na magiging Ang Lingkod na tumutupad sa mga layunin ng Diyos. Ang taong ito ang magdadala ng kaharian ng Diyos sa buong daigdig (42:1, 4), magbabalik sa Israel patungo sa Diyos (49:5), maghahatid ng kaligtasan sa buong mundo (49:6), at magkakaloob ng kapalit na pambayad para sa kasalanan (52:15, 53:10-12). Dahil sa mga detalyeng ito, alam nating Ang Lingkod ay ang Mesiyas.
Ang mga talata tungkol sa Lingkod ay humuhula sa ilang detalye sa buhay ni Hesus. Ang mga ito ay mga detalye na hindi inaasahan ng sinuman patungkol sa Mesiyas. Hindi siya maaaring magsimula ng isang marahas na paghihimagsik (42:2). Siya ay tatanggihan ng kanyang sariling bayan (49:7). Papaluin ng mga kaaway ang kanyang likod, hihilahin ang parte ng kanyang balbas, at duduraan siya (50:6). Siya ay aabusuhin at matinding mapipinsala (52:14). Siya ay tatanggihan at aalipustahin (53:3) Hindi siya makikipagtalo sa umuusig sa kanya (53:7). Siya ay papatayin nang walang wastong paglilitis (53:8). Siya ay ililibing kasama ng mayaman bagaman siya’y namatay kasama ng mga kriminal (53:9).
Prinsipyo sa Pagbibigay kahulugan sa Biblia
Ang unang aplikasyon ng Banal na Kasulatan ay para sa mga unang nakarinig. Ang ating mga pagbibigay-kahulugan at aplikasyon ay dapat nakabatay sa paraan na ang Banal na Kasulatan ay naunawaan ng mga unang nakarinig nito. Ang prinsipyong iyon ay pinakamadaling gamitin sa mga sulat sa Bagong Tipan. Bagaman ang panahon at lugar ay malayo sa atin, karamihan sa mga iyon ay iniuukol sa mga iglesyang Kristiyano. Ang prinsipyo ay pinakamahirap na gamitin sa mga sinaunang propesiya. Hindi maunawaan ng mga unang nakarinig kung paanong ang mga ito ay matutupad at hindi na nabuhay ng ganoong katagal upang makita ang katuparan ng mga ito. Binigyang katiyakan ng mga propesiya sa mga tao ang katapatan ng Diyos at binigyan sila ng pag-asa para sa hinaharap ng kanilang bayan. Ang mga tao ay nahikayat na manatiling matapat sa Diyos, dahil nalalaman nila na ang kanyang mga layunin ay lubusang matutupad. Ang mga talata tungkol sa Lingkod ay naghahayag sa mapagmahal at mapaglingkod na katangian ng Diyos. Ipinapakita nito na patatawarin niya ang mga kabiguan ng Israel at isusugo ang Lingkod upang tuparin ang kanilang misyon upang sila ay maaaring mapanumbalik sa pagpapala ng Diyos. Nagbigay sa kanila ng pag-asa ang mga propesiyang ito, bagaman hindi nila nauunawaan nang tiyak kung paano matutupad ang mga ito.
Ang Zacarias 12:10 ay isang espesyal na talata na ipinapaliwanag lamang ng katotohanang si Hesus ay ang Mesiyas. Ang tagapaghayag ng mga salita ay ang Diyos. Ipinapangako niya na ibubuhos ang biyaya sa bansang Israel. Mauunawaan nila na tinusok nila siya, at sila’y magdadalamhati dahil sa katotohanang iyon. Magdadalamhati sila para sa kanya na tila ba siya ay ang kanilang tanging anak. Paano masasabi ang mga bagay na ito tungkol sa Diyos? Kailan nila tinusok ang Diyos, at paano matatawag ang Diyos na anak ng Israel? Natupad ni Hesus ang mga propesiya dahil siya ay Diyos. Si Hesus ay tinusok at si Hesus ang espesyal na ipinangakong anak ng bansang Israel.
Ang mga propesiya tungkol sa Mesiyas ay nakakatulong sa atin na maunawaan ang wastong paggamit ng Kasulatang propesiya. Kung hindi nalalaman ng isang tao ang tungkol sa buhay ni Hesus, hindi niya maaaring maunawaan ang marami sa mga detalye sa mga propesiya tungkol kay Hesus. Malinaw na ang mga prediksyon ay hindi ibinigay para sa layunin ng pagpapahayag ng kasaysayan nang una sa panahon. Gayunman, ang mga detalye ay sapat ang linaw upang kilalanin natin ang mga pangyayari bilang katuparan ng propesiya. Ang mga katuparan ay nagpapakita na alam ng Diyos ang lahat ng bagay nang una sa panahon at siya ang may kontrol.
Gayundin, ang mga prediksiyon sa Kasulatan tungkol sa mga huling araw ay maaaring hindi sapat ang linaw para sa atin upang isulat ang kasaysayan bago pa man ito mangyari. Maaaring hindi natin maunawaan ang marami sa mga detalye. Gayunman, kapag naganap ang mga pangyayari ay makikita natin na ang mga detalye ng mga prediksyon ay natutupad. Ang katuparan ng propesiya ay nagpapakita sa atin na alam ng Diyos kung ano ang mangyayari at siya ang may kontrol.
[1]Isang Nabigong Propesiya
“Ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan (Pahayag 16:14) na magwawakas sa A.D. 1914 sa lubusang pagkalupig ng kasalukuyang pamumuno sa mundo, ay nagsimula na”
- Jehovah’s Witness publication, The Time is at Hand
[2]Image: "Evidently, 2012 is a lie" by Geoff Sloan, retrieved from https://www.flickr.com/photos/gsloan/5523158255, used under CC BY 2.0, desaturated and cropped from the original.
Ikalawang Bahagi: Ang Israel
Ang Pagpapanumbalik sa Bansang Israel
Ang mga Judio ay nakakalat sa buong mundo mula pa sa sinaunang panahon. Marami ang hindi na nagbalik mula sa pagkabilanggo sa Asiria (nagsimula sa halos 740 BC) o sa pagkabihag sa Babilonia (simula sa halos 600 BC).
Ang ibang mga labanan at pagkabihag sa loob ng mga siglo ang naging dahilan upang mangalat ang mga Judio sa iba’t-ibang bansa. Maraming Judio ang pinili na iwan ang kanilang bansa (Judea) dahil sa hindi maayos na mga kundisyon.
Unti-unting nagkaroon ng kontrol ang mga Romano sa Judea. Noong 135, ang mga Romano ay tumugon sa isang rebelyon ng mga Judio (na pinangunahan ni Bar Kokhba) at napatay doon ang humigit-kumulang sa kalahating milyong katao at lubusang nagwasak ng daan-daang mga pamayanan. Naglaho na bilang isang bansa ang Judea. Sa loob ng maraming siglo, ang Israel ay hindi umiral bilang isang bansa na may pamahalaan at teritoryo.
Ang pangangalat ng mga Judio sa buong mundo ay tinawag na Diaspora, na nangangahulugang “pagpapakalat”. Simula pa lang sa unang siglo, ang sulat ni Santiago sa Bagong Tipan ay nakaukol na “sa labindalawang lipi na malawakang nakakalat.”
Maraming Judio ang nakaranas ng pag-uusig at pagpatay ng lahi, pinakakapuna-puna sa Alemanya sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdigan. Ang salitang ghetto sa orihinal ay tumutukoy sa bahagi ng isang lunsod kung saan doon lamang maaaring manirahan ang mga Judio, subali’t sa paglipas ng panahon ito ay nangahulugan ng mababang-uri na bahagi ng isang lungsod kung saan ang mga tao ay walang oportunidad.
Sa buong mundo, itinuturing ng mga Judio na sila ay nagkakaisa sa pamamagitan ng kanilang katutubong pagkakakilanlan at natatanging relihiyon. Maging pagkatapos ng ilang henerasyon ng pamumuhay sa ibang bansa at pagsasalita ng ibang mga wika, milyon ang bilang ng mga Judio na hindi nakalimot na sila ay Judio at nakararamdam ng pakikipagkaisa sa mga Judio sa lahat ng lugar.
Itinuturing ng mga Judio ang kanilang orihinal na teritoryo bilang tahanan. Ito ang lupaing ibinigay sa kanila ng Diyos pagkatapos silang palayain mula sa pagkaalipin sa Egipto. Ito ang lupaing ipinangako ng Diyos kay Abraham, ang ninuno ng mga Judio. May ilang panalangin ang mga Judio na nagtatapos sa mga salitang “sa susunod na taon sa Jerusalem,” na nagpapahayag ng pag-asa sa muling pagbabalik, bagaman ang karamihan sa mga Judio na gumagamit ng mga panalanging iyon ay isinilang sa ibang lugar.
Naglalaman ang Biblia ng mga propesiya ng pagbabalik ng mga Judio mula sa lahat ng bansa sa mundo pabalik sa kanilang lupang pinagmulan. Sa loob ng maraming siglo hindi naunawaan ng mga tao ang mga propesiyang ito, dahil hindi umiiral ang bansang Israel bilang isang lugar sa mundo.
Kabilang sa mga propesiya ng pagbabalik ng mga Judio ay ang Isaias 11:11-12, Jeremias 16:14-15, 23:3, 8, 31:8, 32:37, Ezekiel 11:17, 36:24, at Zacarias 10:8-9.
Sa mga taong 1900 maraming mga Judio ang nagsimulang mag-usap-usap tungkol sa pagtatatag ng isang pambansang teritoryo para sa isang tahanan para sa mga Judio. Naniniwala sila na hindi mabuti ang pagtanggap sa mga Judio sa buong mundo kung kaya’t kailangan nila ang kanilang sariling bansa. Ang pagkilos na ito ay tinawag na Zionism. Ang salitang Zion ay isang pangalan para sa Jerusalem.
Inihayag ng pamahalaan ng Great Britain ang “Balfour Declaration” noong 1917, na nagsasabing naniniwala sila na ang mga Judio ay dapat magkaroon ng indipendiyenteng bansa. Ang pamahalaang British ang nagkokontrol sa karamihan sa Gitnang Silangan pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, dahil ang mga pamahalaan ng mga bansa sa lugar na iyon ay hindi matatag. Ang panahong ito ng pamumuno ay tinawag na “British Mandate.” Sa paglipas ng panahon, ang Egipto, Jordan, at iba pang mga bansa sa Gitnang Silangan ay naging indipendiyente na sa Britain.
Sa panahon ng British Mandate, libo-libong Judio ang lumipat pabalik sa orihinal na lupain ng Israel, bagaman hindi pa ito isang independiyenteng bansa noon. Taong 1948, nanirahan na sa teritoryo ng Israel ang 650,000 na Judio. Mariing tinutulan ng mga bansang Arabo sa rehiyong iyon ang presensya ng mga Judio at hindi nila sinang-ayunan ang pagtatatag ng bansang Israel. Nagpatuloy sa loob ng ilang taon ang mga paglalabanan sa pagitan ng mga Judio at ng iba’t-ibang grupong Arabo.
Noong Nobyembre 29, 1947, ang United Nations ay nagbigay ng batas na ang teritoryong pinamamahalaan ng Great Britain ay hahatiin sa bansa para sa mga Judio at isang bansa para sa mga Arabo. Ang mga bansang Arabo sa lugar ay nagalit sa kapasyahang ito, dahil ayaw nila ng bansa ng mga Judio. Naging mas matindi ang digmaan, at namatay ang libo-libong katao sa loob lamang ng ilang buwan.
Ang British Mandate ay nakatakdang magtapos noong Mayo 14, 1948. Ang ibig sabihin nito, ang hukbong British ay hindi na magkokontrol sa lugar o pipigilan ang mga grupong mayroong di pagkakasundo. Sinabi ng mga tagapangunang Arabo na wawasakin nila ang bansang Judio sa sandaling umalis ang mga British. Nagtrabaho ang mga tagapangunang Judio upang gumawa ng mga armas, magdala ng mga armas mula sa ibang mga bansa, at sanayin ang mga sundalo upang maghanda sa pagtatanggol.
Idineklara ng Israel ang kanyang sarili bilang isang independiyenteng bansa noong Mayo 14, 1948, sa huling araw ng British Mandate. Ang mga hukbo mula sa ilang bansang Arabo na nakapaligid sa Israel ay umatake sa bagong bansa noong May 15, sa unang araw ng pag-iral ng bagong bansa. Nagpatuloy ang digmaan sa loob ng 10 buwan. Sa panahon ng digmaan, ang mga Judio ay nagpatuloy sa paglipat sa Israel sa bilis na sampung libong katao bawat buwan. Sa katapusan ng digmaan, hawak na ng Israel ang teritoryo na ibinigay sa kanila at gayundin ang karamihan sa teritoryo na ibinigay sa bansang Arabo.
Ang Nagpapatuloy na Pagbabalik ng mga Judio sa Israel
Mula sa panahon ng kanyang bagong pagsisimula bilang isang bansa noong 1948, inanyayahan ng Israel ang mga Judio sa buong mundo upang bumalik. Tinawag nila ang pagbabalik sa Israel na Aliya, isang salitang Hebreo na nangangahulugang “umakyat”. Ginamit ng mga Judio sa lumang panahon ang salitang ito upang tumukoy sa pagpunta sa Jerusalem, tulad ng nasa pangungusap na “pag-akyat sa Jerusalem.”
[1]Para sa mga Judio na nagnanais na bumalik sa Israel, ang bansa ay nag-aalok na magbayad ng kanilang renta sa bahay sa loob ng isang taon, magbibigay ng klase sa lengguwahe ng Hebreo, magbibigay ng pautang at pagsasanay para sa mga nagnanais na magsimula ng negosyo, at babayaran ang bahagi ng mga sahod para sa mga trabahong kanilang iniwan. May mga karagdagang incentive na iniaalok sa mga siyentipiko at mananaliksik na lilipat sa Israel. May sweldo din na iniaalok sa mga Judio na nagdusa dahil sa pagiging Judio na nasa ibang bansa.
Ang mga incentive na ito ay nakatulong upang paramihin ang populasyon ng bansa. Ang bansa ay may populasyon na 650 libo noong 1948 at 8.6 na milyon noong 2016.
Ang Templo sa Jerusalem
Itinayo ni Haring Solomon ng Israel ang orihinal na templo sa Jerusalem. Nanatili itong makatayo sa loob ng 400 taon at nawasak ng mga taga-Babilonia noong 586 B.C. Ang ikalawang templo ay itinayo ni Zerubabel pagkatapos ng pagkabihag ng Babilonia sa mga Judio. Nanatili itong nakatayo sa loob ng 580 taon at nawasak ng mga Romano noong A.D. 70. Kapalit ng templo ng mga Judio, nagtayo ang mga Romano ng isang templo para sa dios na si Jupiter.
Sa kasalukuyan ang templo sa bundok sa Jerusalem ay may mosque ng Muslim na tinatawag ng “Ang Dome of the Rock.”[2]
May mga iskolar na naniniwala na upang literal na matupad ang mga propesiya sa Biblia, isang bagong templo ang dapat itayo at ipagpatuloy ang mga paghahandog.
Ang templo sa bundok ay isang banal na dako para sa mga Judio, hindi lamang dahil naroon dati ang templo kundi dahil sila’y naniniwala na iyon ang lugar kung saan halos isakripisyo na ni Abraham si Isaac. Ang lugar ng templo ay isa din na banal na dako para sa mga Muslim, at hindi sila pumapayag na alisin doon ang mosque upang ang templo ng mga Judio ay maitayo kapalit noon.
Binanggit sa mga propesiya ng mga huling araw ang isang templo sa Jerusalem. Ipinahiwatig ni Hesus na ang propesiya ni Daniel, na may isang hinihinging pagsamba sa templo, ay sa hinaharap pa (Mateo 24:15-16).
Tinukoy ni apostol Pablo ang isang tao na darating bago ang pagdating ng Panginoon at siya ay mag-aangkin na siya ang Diyos at aasahan ang pagsamba sa templo (2 Tesalonica 2:1-9). Gagawa siya ng mga himala na lilinlang sa mundo. Siya ay wawasakin sa pagbabalik ni Kristo.
Ang mga iskolar ng propesiya na naniniwala sa isang literal na Antichrist ay naniniwala na kahit papaano, itatayo ang isang templo.
Ang Kaligtasan ng Israel
Ihinuhula ng Hebreo 8:10-11 ang isang panahon na wala nang pag-eebanghelyo na kakailanganin sa mga Judyo dahil silang lahat ay makakikilala sa Diyos.
Inilalarawan ng Pahayag 7:4-8 ang 144,000 na Judio na may tatak ng Diyos. Inilalarawan ng Talata 9 ang isang di-mabilang na tao mula sa lahat ng mga bansa ang nasa langit. Pinagtatalunan pa kung aling mga aspeto ng paglalarawang ito ng 144,000 ang literal, subali’t malinaw na sila ay kumakatawan sa tinubos na Israel, dahil ang mga taong naligtas mula sa lahat ng ibang bansa ay binanggit nang hiwalay.
Ipinapaliwanag ng Roma 11 ang relasyon sa pagitan ng mga Judio at ng mensahe ng ebanghelyo. Ang ilan sa kanila ay ligtas (11:4-5). Ang sinumang Judio na naniniwala sa ebnghelyo ay maliligtas (11:23). Tinatanggihan ng Diyos ang bansa subalit muli itong tatanggapin sa hinaharap (11:12, 15). Babalik ang bansa sa Diyos. Sinasabi ng 11:26-29, “Ang buong Israel ay maliligtas” at sinasabing ang tipan ng Diyos sa kanila ay matutupad. Hindi ito nangangahulugan na ang bawat Judio ay magbabalik-loob, kundi, sa kabuuan bilang isang bansa ay tatanggapin si Hesus.
[1]“Libo-libong bilang ng mga enhinyero at academics, kasama ang libo-libong siyentipiko, mga artists at musikero, na bumubuo sa natatanging ‘human capital)— may pinag-aralan, propesyonal at nakatalaga ang sarili- na may hindi matatayang kapasidad para isulong ang ekonomiya, ang imbakan ng kaalamang technological at malikhaing kultura sa Israel.”
- Israeli Website: www.moia.gov.il
[2]Larawan ni Stacey Franco sa Unsplash, nakuha mula sa https://unsplash.com/photos/ex9kqrn1mj0.
Mga Takdang-Aralin
(1) Takdang-Araling Isusulat: Isipin ninyo na ang isang kaibigan ay nagsabi sa inyo na natagpuan niya ang isang kapana-panabik na bagong iglesya kung saan ang mga tao ay nagpapahayag ng mga propesiya. Sumulat ng ilang parapo na nagpapaliwanag kung anong payo ang ibibigay mo sa iyong kaibigan.
(2) Pag-aaral ng Mga talata: Pag-aralan ang mga talata tungkol sa Tagapaglingkod sa Isaias at maghanda ng isang pag-aaral sa Biblia na maaari mong ituro sa isang grupo.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.