Sa katapusan ng leksyong ito, dapat na maunawaan at maipaliwanag ng mag-aaral ang:
(1) Ang pribilehiyo at kahalagahan ng tagumpay ng mananampalataya sa kasalanan.
(2) Ang biyaya ng Diyos ay nagbibigay ng matagumpay na pamumuhay.
(3) Ang espirituwal na buhay na nagmumula sa kaugnayan kay Kristo.
(4) Ang mga babala ng banal na Kasulatan sa pagkahiwalay sa biyaya.
(5) Ang isang pahayag ng mga paniniwala ng mga Kristiyano tungkol sa mga partikular na isyu ng kaligtasan.
Ang isa sa mga praktikal na layunin ng leksyong ito ay upang matulungan ang mag-aaral na magkaroon ng mataas na pag-asa sa matagumpay na pamumuhay laban sa kasalanan.
Matapos kunin ang pagsusulit sa nakaraang leksyon, gamitin ang mga layunin mula sa leksyon na iyon para magtanong para sa pagbabalik-aral. Pagkatapos ay pumunta sa pagbabasa ng talata sa ibaba.
Basahin nang sama-sama ang Roma 6. Ano ang sinasabi sa atin ng talatang ito tungkol sa mga epekto ng kaligtasan?
Ebidensya ng Kaligtasan
Ang personal na katiyakan ng kaligtasan ay isa sa mga pangunahing tema ng liham ng 1 Juan. Sinabi ni Juan na ito ang kanyang dahilan sa pagsulat: "Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo na naniniwala sa pangalan ng Anak ng Diyos; upang malaman ninyo na kayo ay may buhay na walang hanggan."(5:13).
► Ano ang dapat gawin ng isang tao kung mayroon siyang alinlangan kung siya ay ligtas?
Alam ng apostol na magkakaroon ng mga pagkakataon na ang isang mananampalataya ay nangangailangan ng katiyakan na siya ay ligtas. Ipinakikita niya na angkop para sa isang mananampalataya na maghanap ng katibayan kung saan ibabatay ang kanyang katiyakan. Sa buong sulat, nagbigay siya ng ilang halimbawa ng katibayan, na sinasabi "ito ang dahilan kung bakit ating nalalaman…”[1] Sinabi niya na maaaring gamitin ng mga mananampalataya ang katibayang ito upang bigyang katiyakan ang kanilang mga puso.[2]
Ang katangian ng isang mananampalataya na pinakabinigyang-diin sa buong sulat ng 1 John ay tagumpay laban sa kasalanan. Ang normal na kalagayan ng isang mananampalataya ay isang buhay ng kalayaan mula sa sinasadyang kasalanan. Ang Apostol Pablo ay nagsabi, "Aking mga anak, ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa inyo, nang hindi kayo nagkakasala "(2: 1). Sa pahayag na ito, ipinakita ng apostol na ang mananampalataya ay dapat mamuhay nang walang sinasadyang kasalanan, at sinasabi niya na siya ay sumusulat upang ipakita sa kanila ang kahalagahan ng matagumpay na pamumuhay.
"At kung ang sinuman ay magkasala, mayroon tayong tagapamagitan sa Ama, si Jesu-Kristo ang matuwid: at siya ang pagsusuyo (propitiation) para sa ating mga kasalanan: at hindi lamang sa atin, kundi para sa lahat ng mga kasalanan ng buong sanlibutan" (2: 1b- 2).
Dito ay kinikilala niya na ang kasalanan ay maaaring mangyari, kahit na hindi kinakailangan. Tinitiyak niya sa atin na kung ang isang mananampalataya ay magkasala, ang sakripisyo ni Kristo ay maaaring ipambayad nang sapat para sa kasalanan. Hindi iyan nangangahulugan na ang isang mananampalataya ay maaaring bumalik sa kasalanan at awtomatikong mapapatawad ng walang pagsisisi. Ang talata ay nagsasabi lamang na ang sakripisyo ay maaring magamit, dahil ito’y para sa buong mundo. Alam naman natin na hindi awtomatikong maliligtas ang buong mundo. Ang pagsisisi ay kinakailangan upang mapatawad ang anumang kasalanan, mananampalataya man o hindi ang nagkasala. Kung ang isang mananampalataya ay nagkakasala, dapat siyang magsisi alang-alang sa kanyang relasyon sa Diyos.
Ang mga sumusunod na talata mula sa 1 Juan ay nagpapakita ng kanyang binibigyang-diin na ang malaking pagkakaiba ng isang mananampalataya ay tagumpay laban sa sinasadyang kasalanan. Ang mga talata sa mga panaklong (bracket) ay idinagdag na mga komento.
"At sa ganito ay nalalaman natin na kilala natin siya, kung tinutupad natin ang kanyang mga utos [Ang isang taong sumuway sa Diyos ay hindi nagtataglay ng katibayang ito]. Siya na nagsasabing kilala ko siya, at hindi sumusunod sa kanyang mga utos, ay isang sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya” (2: 3-4).
"Ang sinumang gumagawa ng kasalanan ay lumalabag din sa batas: sapagkat ang kasalanan ay paglabag sa kautusan. At alam ninyo na siya ay nahayag upang alisin ang ating mga kasalanan, at sa kanya ay walang kasalanan. Ang sinumang nananatili sa kanya ay hindi nagkakasala. Ang sinumang nagpapatuloy sa kasalanan ay hindi pa nakakakita o nakakakilala man sa kanya” (3: 4-6).
"Mga anak, huwag kayong padaya sa sinuman. Siya na gumagawa ng makatuwiran ay matuwid [Walang sinumang tao ang sa anumang paraan ay binibilang na matuwid habang nagpapatuloy sa kasalanan], kahit na siya ay matuwid. Siya na gumagawa ng kasalanan ay sa diyablo, sapagkat ang diyablo ay nagkasala mula sa simula. Para sa layuning ito ipinahayag ang Anak ng Diyos, upang mapuksa niya ang mga gawa ng diyablo” (3:7-8).[3]
"Ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay hindi nagkakasala, sapagka't ang kaniyang binhi ay nananatili sa kaniya: at hindi siya magkakasala, sapagka't siya'y ipinanganak ng Diyos” (3:9).
"At siya na tumutupad sa kanyang mga utos ay nananatili sa kanya, at siya sa kanya [Kung siya ay tumigil sa pagsunod kay Kristo, siya ay magkakasala. Kung siya ay nagkakasala, siya ay tumigil sa pagsunod kay Kristo]. At dahil dito nalalaman natin na siya ay nananahan sa atin, sa Espiritu na ibinigay niya sa atin” (3:24).
"Sa pamamagitan nito alam natin na mahal natin ang mga anak ng Diyos, kapag iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos. Sapagkat ito ang pag-ibig ng Diyos, na tuparin natin ang kanyang mga utos [Ang tunay na pag-ibig ay nagpapalakas ng pagsunod. Ang hindi pagsunod ay nagpapakita ng kakulangan ng pagmamahal]” (5:2-3).
"Sapagka't ang bawat anak ng Diyos ay nagtatagumpay laban sa sanlibutan [ang mga tukso at espiritu]. At ito ang tagumpay na tumatalo sa mundo, ang ating pananampalataya.” (5: 4).
“Alam nating ang sinumang naging anak ng Diyos ay hindi na nagpapatuloy sa kasalanan. [Iniingatan] siya ng Anak ng Diyos, at hindi siya maaaring saktan ng diablo” (5:18).
► Ano ang natatanging katangian ng isang mananampalataya ang malinaw sa mga talatang ito?
Mula sa mga talatang ito, malinaw na ang natatanging katangian ng mananampalataya ay ang kanyang pamumuhay nang may pagsunod sa Diyos. Ang katagumpayan sa kasalanan ay isang dakilang pribilehiyo ng mananampalataya.
[3] Ang kasalanan, tinutukoy ko dito ang kasalanang panlabas, ayon sa karaniwang paggamit ng salita: isang boluntaryong paglabag sa inihayag, at nasusulat na batas ng Diyos; sa alinmang utos ng Diyos, nalalaman na gayun nang ito’y suwayin. “Sinumang isinilang ng Diyos,” habang siya’y nabubuhay sa pananampalataya at pag-ibig, at sa espiritu ng pananalangin at pasasalamat, hindi lamang hindi gumagawa, kundi hindi makakagawa ng kasalanan sa ganitong paraan. Hangga’t naniniwala siya sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo, at minamahal siya, at ibinubuhos ang kanyang puso sa kanyang harapan, hindi niya sasadyaing labagin ang anumang utos ng Diyos.” - John Wesley, sa sermon na may pamagat na “Ang Pribilehiyo ng mga Isinilang sa Diyos”
Isang Tala sa 1 Juan 1:8
Kung minsan ang mga taong tumatanggi na ang isang mananampalataya ay maaaring mabuhay ng matagumpay laban sa sinasadyang kasalanan ay bumabanggit sa 1 Juan 1:8 “Kung sinasabi natin na tayo’y walang kasalanan, nililinlang natin ang ating sarili, at ang katotohanan ay wala sa atin.” Subali’t ano ang kahulugan ng “magkaroon ng kasalanan”? Ibig sabihin ba nito na kahit ang mga mananampalataya ay nagpapatuloy sa paggawa ng sinasadyang kasalanan? Hindi iyon tutugma sa mga pahayag sa Kabanata 3 na binanggit sa itaas. Paano masasabi ni Juan ang mga pangungusap na iyon sa Kabanata 3 kung sinabi na niya sa simula na “Ang bawat tao, kabilang na ang bawa’t mananampalataya, ay nagpapatuloy sa pagkakasala”? Hindi iyon magtutugma.
Ang konteksto ang nagpapakita ng kahulugan. Sa talatang 7, ipinangako ang paglilinis sa mga kasalanan. Ang paglilinis na ito ay para sa mga “lumalakad sa liwanag,” na ang ibig sabihin ay lumakad ayon sa katotohanan, sa pagsunod sa Diyos. Ang mga nabubuhay sa kasalukuyan nang may pagsunod sa Diyos ay nilinisna sa kanilang nakalipas ng mga kasalanan sa pamamagitan ng dugo ni Kristo. Subali’t may mga tao na itinatanggi na sila ay nagkasala at nangangailangan ng paglilinis. Sila iyong mga nagsasabi na “Wala akong kasalanan” at “nililinlang” ang kanilang sarili.Sinasabi nila na hindi sila nagkasala o kaya’y nalutas na nila ang kanilang suliranin sa kasalanan nang wala si Kristo. Muli sa talatang siyam, ipinangako ang kapatawaran at paglilinis. Sa talatang sampu muli niyang sinasabi na ang mga nagsasabi na sila’y “hindi nagkakasala” ay sumasalungat sa Diyos missmo.
Sumulat si Juan upang ituwid ang pagkakamali ng mga taong hindi nag-iisip na kailangan nila ng paglilinis at pagpapatawad na ibinibigay ni Kristo—sila na nag-iisip na hindi nila kailangang iligtas. Hindi niya sinasabi na maging ang mga mananampalataya ay patuloy na nagkakasala, dahil iyon ay sasalungat sa kanyang pangunahing binigyang diin at direktang pangungusap sa liham na ito.
Biyaya ng Diyos para sa isang Buhay na Matagumpay
Ang pamumuhay sa tagumpay ay hindi laging madali dahil sa minanang kasamaan at kahinaan ng tao. Dahil dito, maraming tao ang naniniwala na ang pamumuhay nang hindi gumagawa ng sinasadyang kasalanan ay imposible. Ngunit ang biyaya ng Diyos ay may sagot sa mga problemang ito.
► Ano ang minanang kasamaan?
Ang minanang kasamaan ay ang baluktot na moralidad ng tao na nag-aakay sa kanya patungo sa kasalanan simula ng kanyang kapanganakan. Pagkatapos ng pagbabalik-loob, ang isang mananampalataya ay nakikipaglaban sa paggawa ng kasalanan. Ngunit ang Diyos ay nagbibigay ng biyaya hindi lamang para sa pang-araw-araw na tagumpay, kundi para sa paglilinis ng minanang kasamaan.[1] Ang makasalanang kalikasan ay hindi isang kondisyon na kailangan nating taglayin sa ating buong buhay sa lupa. Upang mabuhay sa tagumpay, ang isang mananampalataya ay kailangang dumating sa punto kung saan lubos niyang isinusuko ang kanyang puso sa Diyos, nang walang alinlangan. Sa panahong iyon, nililinis ng Diyos ang kanyang puso upang lubos niyang mahalin ang Diyos.
► Ano ang Kahinaan (infirmity)?
Ang kahinaan ay ang mga pisikal o mental na mga limitasyon o mga kakulangan. Dahil sa pagbagsak ni Adan sa kasalanan, at ang pagbagsak ng sangkatauhan sa pamamagitan ng patuloy na kasalanan, tayo ay nasa kalagayang pangkaisipan, pisikal, at emosyonal na mas mahina kaysa sa idinisenyo ng Diyos sa atin.
Ang kahinaan ay nangangahulugan na magkakamali tayo. Maaaring hindi natin malaman kung ano ang tamang gawin sa isang sitwasyon. Maaaring magkaroon tayo ng maling mga opinyon tungkol sa ilang mga klase ng tao o etnikong grupo. Ang mga maling ideya ay hindi awtomatikong naitatama kapag ang isang tao ay naligtas.
Ang mga maling ideya ay nagiging sanhi ng maling aksyon dahil kung ang isang tao ay nagkakamali tungkol sa kung ano ang dapat niyang gawin, gagawin niya ang maling bagay.
Ang kahinaan ay maaaring maging sanhi upang ang isang tao ay mahirapan na makipaglaban para sa ilang mga kadahilanan. Maaaring hindi pa niya natututuhan kung paano isabuhay ang mga prinsipyo ng Banal na Kasulatan. Maaaring hindi pa niya nalinang ang mga disiplina na makakatulong sa kanya upang labanan ang kanyang mga udyok. Maaaring wala pa siyang araw-araw na mga gawi na makakatulong na mapanatili siyang malakas. Maaaring hindi niya nauunawaan ang kahalagahan ng paglalakad sa Espiritu.
Hindi tayo dapat mabilis humatol sa iba, dahil hindi natin laging alam kung sila ay nagkasala ng sadya. Kadalasan ang mga tao ay nakagagawa ng mga maling bagay dahil sa kakulangan ng kaalaman at espirituwal na pagiging ganap.
Nagkaroon ka ba ng tukso na naisip mo na wala pang sinuman ang nakaranas? Napag-isipan mo na ba kung talagang posible na mabuhay sa ganap na tagumpay laban sa kasalanan? Ipinangako ng Diyos ang biyayang nagbibigay kakayahan na higit pa sa kinakailangan natin para lumaban sa ating kahinaan sa tukso:
"Walang pagsubok na dumarating sa inyo na hindi naranasan ng ibang tao. Ngunit maaasahan natin ang pangako ng Diyos na hindi niya tayo pababayaang subukin ng higit pa sa ating makakaya. Kaya kung dumaranas kayo ng pagsubok, gagawa siya ng paraan para mapagtagumpayan ninyo ito." (1 Corinto 10:13).
► Ano ang ilang mga bagay na alam natin mula sa talatang ito?
Ang talatang ito ay nagsasabi sa atin ng ilang mahahalagang bagay.
Una, (1) ang tukso ay dumarating dahil sa ating pagiging tao. Iyan ay nangangahulugan na ang iyong mga pakikibaka ay hindi natatangi sa iyo.
Pangalawa, sinasabi nito sa atin na (2) alam ng Diyos ang ating mga limitasyon. Nauunawaan Niya kung gaano gaano ang kaya nating tiisin. Hindi natin alam kung gaano ang maaari nating makayanan, ngunit alam Niya.
Ikatlo, (3) nililimitahan ng Diyos ang mga tukso na dumarating sa atin. Nais niya tayong mabuhay sa tagumpay. Ayon sa talatang ito, ang tagumpay sa lahat ng panahon ay posible.
Ikaapat, (4) Ibinibigay ng Diyos kung ano ang kailangan natin para magtagumpay. Gumagawa Siya ng "paraan upang makatakas." Nais ng Diyos na tayo ay mamuhay nang matagumpay. Nagbibigay Siya ng biyaya para sa matagumpay na pamumuhay.
Dapat buksan ng mga estudyante ang Roma 8 at tingnan ang mga talatang ginamit sa seksyong ito.
Ang Roma kabanata 8 ay nagbibigay ng isang kahanga-hangang paglalarawan ng gawain ng Espiritu sa buhay ng mananampalataya. Sinasabi sa atin ng Biblia na hindi natin alam kung paano manalangin tulad ng dapat nating gawin, ngunit ang Espiritu Santo ay nananalangin sa pamamagitan natin.
Sinasabi sa atin ng kabanatang ito kung paano mamuhay ng matagumpay. Hindi tayo hahatulan kung sinusunod natin ang Espiritu sa halip na laman (t.1). Maaari nating tuparin ang pagiging matuwid na inaasahan ng Diyos sa atin, dahil kumikilos ang kapangyarihan ng Espiritu sa atin (t.4).
Kung ang isang tao ay kinokontrol ng makasalanang kalikasan, hindi niya malulugod ang Diyos (t.8), siya ay nahatulan ng kamatayan (t.1), at hinatulan na ng Diyos ("mamatay" sa t.13).
Sa pamamagitan ng kapangyarihan at patnubay ng Espiritu Santo, maaari nating tapusin ang mga pagkakasala (t.13-14).
Ang Pangangailangan ngayon ng Tagumpay sa Kasalanan
Kung minsan nagtatanong tayo, tulad ng: (1) Talaga bang kailangan para sa isang Kristiyano na mabuhay nang matagumpay laban sa kasalanan? (2) Ano ang mangyayari sa relasyon ng isang mananampalataya sa Diyos kung siya ay magpapadala sa tukso? (3) Posible ba sa isang tao na mawalan ng kaligtasan pagkatapos makatanggap nito?
Pinagkasunduan ng sinaunang iglesiya na ang isang tao ay nawawalan ng kaligtasan kung siya ay kusang-loob na nagrebelde laban sa Diyos. Ang mga pastor ay nagbabala sa kanilang mga miyembro sa pangangailangan na manatili sa matagumpay na pamumuhay sa pamamagitan ng pananampalataya dahil ang Biblia ay naglalaman ng maraming mga babala.
Sa panahon na ang isang makasalanan ay naligtas, siya ay nagsisisi sa mga kasalanan na napagtanto niyang nagawa. Habang siya ay nabubuhay na may relasyon sa Diyos, nakikita niya ang iba pang mga pagbabago na kailangan niyang gawin. Maaaring ito ay mga pagkilos, mga gawi, mga pinaglilibangan, o mga salita na hindi nakalulugod sa Diyos. Sinasabi ng Biblia, "Linisin natin ang ating sarili mula sa lahat ng karumihan ng laman at espiritu, na nilulubos ang kabanalan nang may takot sa Diyos."[1]
Paano kung ang isang mananampalataya ay nagpasya na ayaw niyang baguhin ang isang bagay na nakikita niyang mali? Paano kung magpasiya siyang bumalik sa mga kasalanan na pinagsisihan niya nang maligtas siya?
Kung minsan ang mga tao ay nagsasabi ng ganito: "Kung ang buhay na walang hanggan ay tunay na walang hanggan, hindi ito mawawala." "Kung tayo ay naligtas sa pamamagitan ng biyaya, at hindi sa anumang ginawa natin, tiyak na hindi tayo mawawalan ng kaligtasan sa pamamagitan ng anumang ginagawa natin.” "Ang alibughang anak ay anak pa rin ng kanyang ama, kahit na siya ay nasa malayong bansa sa paghihimagsik laban sa kanyang ama." "Dahil ibinigay ng Diyos ang kaligtasan bilang isang libreng regalo, hindi na niya ito babawiin."
Dahil sa ganitong uri ng pag-iisip, naging madali para sa libu-libong tao na bumalik sa kasalanan pagkatapos ng conversion, na iniisip nila na sila ay may seguridad sa kanilang kaligtasan kahit na walang tagumpay laban sa kasalanan. Mahalaga na maunawaan kung ano ang itinuturo ng Biblia tungkol sa seguridad ng mananampalataya.
Sa Juan 15: 2-10 ay ang kilalang talinghaga ng puno ng ubas at mga sanga. Sinasagot nito ang ilang mahahalagang tanong.
Paano tayo mananatili kay Kristo? "Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, kayo ay mananatili sa aking pagmamahal" (t.10). Kapang itinigil ang pagsunod kay Kristo ito ay nangangahulugan na ang isang tao ay tumigil sa pagsunod sa kanya. Ano ang nangyayari pagkatapos?
"Kung ang isang tao ay hindi sumunod sa akin, siya ay itatapon bilang isang sanga, at nalalanta; at tinitipon sila ng mga tao, at ihahagis sila sa apoy, at sila’y masusunog" (t.6). Kung ang isang tao ay huminto sa pagsunod, at sa gayon ay tumitigil sa pagsunod kay Kristo, siya ay tatanggihan. Ang pagsasalarawan ng mga sanga na sinusunog ay nagpapakita ng lubos na pagtanggi.
"Manatili kayo sa akin at ako ay mananatili sa iyo. Gaya ng sanga na hindi maaaring magbunga sa sarili nito, maliban kung nananatili ito sa puno; hindi ka maaaring mamunga, maliban na manatili kayo sa akin "(t.4)." Ang bawat sanga sa akin na hindi namumunga ay aalisin "(t.2) Kung hindi tayo nananatili kay Kristo sa pamamagitan ng pagsunod, hindi tayo magbubunga, na nangangahulugan na mamuhay tayo na binago, pinagpala, at pinapatnubayan ng biyaya ng Diyos. Kapag ang isang tao ay sumusuway sa Diyos, ibinubukod niya ang kanyang sarili mula sa buhay na ipinagkakaloob ng Diyos at hindi na maaaring mabuhay sa biyaya ng Diyos. Ang hindi namumunga ay tinatanggihan.
Ang kaligtasan ay isang regalo ng biyaya, ngunit ito ay hindi isang regalo na matatanggap kung walang kaugnayan sa nagbigay nito.
Kung si Sally ay magbibigay kay Willy ng isang libro, at tunay na ibinigay ito sa kanya, pwedeng gawin ni Willy ang kahit anong gusto niya. Nais ni Sally na basahin ito ni Willy, ngunit kahit na hindi niya iyon gawin, hindi ito maaaring bawiin ni Sally. Maaaring iwanan niya ito sa ulan, o pilasin ito, o gamitin ito para sa pagpatay ng mga insekto. Hindi niya ito maaaring bawiin, dahil ibinigay na niya ito sa kanya. Ang pag-aari ni Willy ng aklat ay hindi nakasalalay sa kanyang kaugnayan kay Sally. Kahit na siya ay maging kaaway ni Sally, sa kanya pa rin ang libro.
Ang talinghaga ng puno ng ubas ay nagpapakita na ang kaligtasan ay iba sa isang regalo na maaaring angkinin ng isang tao kahit na walang relasyon sa nagbigay. Si Kristo ay tulad ng isang puno ng ubas na nagbibigay sa atin ng buhay.[1]Ang kaligtasan ay maaangkin sa pamamagitan ng relasyon. Kahit saan sa Biblia ay hindi sinasabi sa atin na mananatili tayong ligtas kahit anong gawin natin. Ang pagkakahiwalay sa kanya ay pagkakahiwalay mula sa kaligtasan. Napapanatili natin ang nakapagliligtas na relasyon sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos.[2]
Ang isang modernong paglalarawan ay maaaring isang ilaw ng bombilya at koryente. Ang bombilya ay may liwanag habang ang kapangyarihan ng kuryente ay dumadaloy dito. Hindi maaaring panatilihin ng bombilya ang liwanag nito kung ito ay hiwalay mula sa pinagkukunan ng kakayahan nito. Sa gayon ding kaisipan, mayroon tayong buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng ating kaugnayan kay Kristo. Ang kanyang buhay ay dumadaloy sa atin. Hindi natin mapapanatili ang buhay na iyon kung tayo ay hiwalay sa kanya.
May mga nagsasabi na walang paraan na ang isang pangalan ay maaaring alisin mula sa Aklat ng Buhay pagkatapos na ito ay maisulat doon. Ngunit mayroon lamang isang paraan na ang isang pangalan ay maaaring alisin: "At kung sinuman ang mag-aalis ng mga salita sa aklat ng propesiyang ito, aalisin ng Diyos ang kanyang bahagi mula sa aklat ng buhay, at mula sa banal na lungsod, at mula sa mga bagay na nakasulat sa aklat na ito."[1]
Kaunti lamang ang bilang ng mga tao na literal na nagkasala ng pag-aalis ng ilang bahagi ng aklat ng Pahayag. Gayunman, pinatutunayan lang na posible na ang isang pangalan ay alisin mula sa Aklat ng Buhay.
Ang Banal na Kasulatan ay nagbababala sa atin na ang isang taong naligtas ay maaaring mawalan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagkatalo ng kasalanan. "Ang magtagumpay ay nararamtan ng puting damit, at hindi ko papawiin ang kanyang pangalan mula sa aklat ng buhay.”[2] Maraming mga pangako ang ibinigay sa mga iglesiya sa Pahayag, at marami sa kanila ay tumutukoy sa kaligtasan mismo (tingnan ang 2:11), ngunit ang lahat ng mga pangako ay nakasalalay sa pagtatagumpay ng mananampalataya laban sa kasalanan. Ang mga ito ay mga naligtas na, ngunit ang kanilang kaligtasan ay mawawala kung sila ay matalo ng kasalanan.
Sa isang beses, nag-alala si Pablo na baka isinuko ng mga nagbalik-loob na mga taga-Tesalonica ang kanilang pananampalataya. Sinabi niya na kung nangyari iyon, ang kanyang ginawang pag-eebanghelyo ay masasayang.[3] Ito ay nagpapakita na posible para sa isang mananampalataya na mahulog mula sa kanyang pananampalataya na ang kanyang orihinal na pagbabalik-loob ay ganap na mawalan ng kabuluhan.
Sa 2 Pedro 2:18-21 mababasa natin na may mga bulaang guro na nililinlang ang ilang mananampalataya na "nakatakas na sa mga pulosyon ng mundo sa pamamagitan ng kaalaman sa Panginoon at Tagapagligtas na si Hesu-Kristo." Ang mga dating mananampalataya ay nagkaroon na ng “kaalaman sa daan ng kabutihan" ngunit iniwan ito. Ang tekstong ito ay nagsasabing mas mabuti pa na hindi nila nalaman ang daan kaysa magbalik sa isang makasalanang pamumuhay. Nagpapakita ito na posible para sa isang tao na mawalan ng kanyang kaligtasan sa pamamagitan ng pagbabalik sa kasalanan. Kung hindi posible para sa isang tao na mawala ang kanyang kaligtasan, ang isang tao ay hindi maaaring maging mas masama pa kaysa noong bago siya maligtas.[4]
Ang pagiging anak ay maaaring mabago. Sa simula tayo ay anak ng diyablo[5] at mga anak ng poot,[6] ngunit ang pagiging anak na iyon ay nabago nang tayo ay inampon ng Diyos. Ang alibughang anak ay nawalan ng lahat ng mga benepisyo ng pagiging anak habang siya ay nahiwalay sa kanyang ama. Sa pagbabalik niya, tinukoy siya ng kanyang ama na dating patay.[7]
Nais talaga ng Diyos na ang mga mananampalataya ay makaramdam ng kasiguradohan, ngunit hindi sa pamamagitan ng pagbabatay sa kanilang mga damdamin sa maling katiyakan na naglalagay sa kanila sa tunay na panganib. Hindi natin dapat ipangako sa mga mananampalataya ang isang bagay na hindi ipinangako ng Diyos. Hindi niya ipinangako na ligtas tayo sa pagkawala ng ating kaligtasan kahit na ano ang gawin natin. Siya ay nangangako na gagabayan tayo at tutulungan tayo upang mabuhay sa tagumpay laban sa kasalanan. Iyon ay sapat na katiyakan para sa atin upang maging malaya tayo sa takot.
Minsan ang mga mananampalataya ay may mga pagdududa tungkol sa kanilang kaligtasan. Maaaring sigurado silang naligtas minsan, gayunpaman sila ay nag-aalinlangan na sila ay nasa nakapagliligtas na relasyon pa rin sa Diyos. Ang Biblia ay hindi nag-iiwan sa atin ng alinlangan sa mahalagang tanong na ito. Kalooban ng Diyos na ang mananampalataya ay sigurado sa kanyang kaligtasan, kaya’t siya’y magkakaroon ng "katapangan sa araw ng paghuhukom,”[8] hindi nag-aalala kung makakapasa ba siya o hindi sa pagsusuri ng Diyos.
Kung ang isang mananampalataya ay may mga pagdududa, hindi niya dapat ipagwalang-bahala ang mga ito dahil siya ay nakaranas na ng kaligtasan. Nararapat na "suriin ang inyong sarili kung kayo ay nasa pananampalataya.”[9] Kung alam ng isang tao na siya ay naligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa mga hakbang ng Banal na Kasulatan para sa kaligtasan, at nananatili kay Kristo sa pamamagitan ng paglakad sa isang masunuring relasyon sa kanya, maaari niyang matiyak na mayroon siyang buhay.
Maaaring piliin ang iba't ibang miyembro ng klase upang ipaliwanag ang impormasyon sa mga kahon sa ibaba.
[4] “Ang sinumang naniniwala na maaari siyang mahulog mula sa pananampalataya, at natatakot na siya’y mahulog, ay hindi magkukulang sa pagpapalakas-loob na kailangan niya, o kaya’y binabagabag ng pag-aalala o pag-iisip.Dahil sapat nang magbigay ng kapanatagan at hindi mag-aalala, kapag nalalaman niyang hindi siya mahuhulog mula sa pananampalataya sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Satanas, o ng kasalanan o ng mundo, o sa kahinaan ng kanyang laman, malibang siya’y kusang-loob na magpadala sa tukso at mapabayaang ipamuhay ang kanyang kaligtasan sa maingat na paraan.”- James Arminius, abridged from Certain Articles, “On the Assurance of Salvation”
Pagkakamali na dapat Iwasan: Mababang mga Inaasahan
Ang tagumpay laban sa kasalanan ay tila imposible sa mga tao dahil sa dalawang bagay: kahinaan at minanang kasamaan. Dapat nating tandaan na hindi tayo hinahatulan ng Diyos dahil sa pagkakaroon ng mga limitasyon bilang tao. Ang Diyos ay nagbibigay ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kanyang Espiritu upang matupad natin ang kanyang kalooban. Hindi kasalanan na magkaroon ng kahinaan, at walang sinumang tao ang nagkasala dahil sa kahinaan.
Ang impluwensiya ng minanang kasamaan ay nagpapatuloy pagkatapos ng pagbabalik-loob, ngunit ang Diyos ay nagkakaloob ng biyaya para sa paglilinis. Hindi tayo sinisisi dahil ipinanganak tayo na may minanang kasamaan, ngunit magiging kasalanan natin ito kung ipinagpapatunloy natin ito. Kaya't ang kahinaan o pagkakaroon ng minanang kasamaan ay hindi dapat maging dahilan upang mawalan tayo ng pag-asa sa matagumpay na pamumuhay.
Sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo, naipagkaisa tayo sa kanya. Kasama tayo sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, at para sa atin ito ay nangangahulugan ng kamatayan sa kasalanan at muling pagkabuhay sa isang bagong buhay. Siya ay nasa atin, at tayo ay nasa kanya. Ang buhay Kristiyano ay hindi lamang ang pagsisikap nating sundan ang kanyang halimbawa, at gawin ang ating pinakamakakaya. Ang buhay Kristiyano ay mabuhay sa pamamagitan ni Kristo na nasa atin. Nagtagumpay siya sa kasalanan noong nabuhay siya sa lupa, at siya ay patuloy na namumuhay ng matagumpay sa atin.
Bakit Ito Mahalaga
Nakaupo sa isang sulok sa tabing kalsada sa isang malaking lunsod ang isang kawawang babae na tila basahan ang damit. Magulo ang kanyang maruming buhok. Ang kanyang balat ay marumi at magaspang. Siya’y nakaupo na malungkot at walang-pag-asa. Bigla, may malaking kaguluhan at sa isang kanto, naroon at dumaraan ang dakilang prinsipe ng kaharian kasama ng kanyang mga maharlika. Makisig ang prinsipe, malakas at mabait! Nang dumaan ang kanyang sasakyan sa tapat ng kinauupuan ng maruming babae, “Tigil!” ang sabi niya sa kanyang drayber.
Nang tumigil ang karwahe, sinabi ng prinsipe sa kanyang mga tagapaglingkod, "Ang babaeng iyon na nakaupo sa gilid ay ang babaeng gusto kong maging asawa!"
Sa pagbabago ng tagpo, ito ang ating makikita. Makikita natin ang palasyo sa araw ng kasal. Ano ang nakikita natin? Ang isang maruming babae na nakasuot pa rin ng kanyang basahan, at may maalikabok at maruming buhok. Sa paligid niya ay ang kanyang mga babaeng alipin na naghihintay na may hawak na damit, sabon at mga pabango, ngunit ang nobyaay hindi interesado sa paghahanda ng sarili para sa kanyang araw ng kasal. Isa sa mga kababaihan ay nagtanong, "Aking amo, ayaw mo bang maghanda para sa kasal?" Sumagot ang nobya, "Ito ang aking itsura nang makita nya ako at ginusto akong pakasalan, kaya sa tingin ko hindi mahalaga kung ano ang hitsura ko ngayon."
Magugulat tayo sa saloobing iyon. Dahil minamahal siya ng prinsipe, ayaw nitong manatili siya sa kanyang kalagayan. Dahil minahal siya ng prinsipe kahit hindi siya kaakit-akit, dapat niyang naisin ang pinakamagandang hitsura para sa kanya.
Mahal tayo ng Diyos kahit tayo ay makasalanan, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ang kasalanan ay hindi mahalaga. Dahil mahal niya tayo, nais niyang baguhin ang kalagayan natin. Dahil mahal niya tayo, dapat nating gawin at naisin ang larawan at pagkatao na nakalulugod sa kanya.
Mga Praktikal na Direksyon para sa Matagumpay na Buhay
Sa buong mundo ang katotohanang Kristiyano ay nahaluan ng pamahiin. Ang ilan ay nagtuturo ng tagumpay laban sa kasalanan sa pamamagitan ng paulit-ulit na panalangin, emosyonal na mga karanasan, pagsaway ng mga masasamang espiritu (na inaakala na sanhi ng ilang mga kasalanan), pananakit sa sarili, ang pagsusuot ng ilang anting-anting, ang paglalagay ng espirituwal na mga simbolo sa paligid ng bahay, o pagpapahid sa katawan ng espesyal na langis. Ito ay tagumpay sa pamamagitan ng "espirituwal na salamangka"!
Ang ilan ay nagtuturo din ng tagumpay laban sa kasalanan sa napakasimpleng paraan lamang. Sinasabi nila na ang mga karanasan ng kaligtasan at kapuspusan ng Espiritu ay permanenteng sisira sa kapangyarihan ng kasalanan. Nagkulang silang bigyang diin ang pangangailangan para sa espirituwal na paglago, disiplina, at patuloy na pagbabantay.
Ang mga hindi nagkakaroon ng patuloy na pagtatagumpay sa sanlibutan at kasalanan ay dapat na taimtim na tanungin ang kanilang mga sarili ng mga sumusunod na katanungan:
(1)Ako ba ay tunay na ipinanganak na muli? Namatay na ba ako sa aking lumang buhay; ako ba ay nagsisi na at iniwan ko na iyon? May bagong buhay ba ako kay Kristo—bagong mga saloobin, bagong mga pagnanasa, bagong panlasa para sa mga bagay ng Diyos (2 Corinto 5:17)? Dumating ba si Kristo upang manahan sa aking puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu? Sinisikap ko bang pagtagumpayan ang kasalanan sa pamamagitan ng sariling kakayahan, o naka depende ako sa kapangyarihan ng Diyos na nananahan sa akin (Galacia 2:20)?
(2) Itinatago ko ba ang Salita ng Diyos sa aking puso? Ang Salmista ay nagpatotoo, "Ang iyong salita ay aking itinago sa aking puso upang hindi ako magkasala laban sa iyo" (Awit 119:11). Dapat tayong kumain ng Salita ng Diyos katulad ng isang bagong panganak na sanggol na uhaw sa gatas ng kanyang ina
(1 Pedro 2:2).
(3)Ibinibilang ko ba ang aking sarili na tunay na patay sa kasalanan at buhay sa Diyos? "Gayundin naman, ituring mo ang iyong sarili na tunay na patay sa kasalanan, ngunit buhay sa Diyos kay Kristo Hesus na ating Panginoon" (Roma 6:11). Tinatanggihan ko ba ang tukso na may pagtitiwala na wala na itong kapangyarihan sa akin?
(4)Dumidepende ba ako sa Diyos para sa tagumpay? Ipinahayag ni apostol Juan na ang taong ipinanganak sa pamilya ng Diyos ay "napagtatagumpayan ang sanlibutan. At ito ang tagumpay na naghahari sa mundo-- ang ating pananampalataya." (1 Juan 5:4). Sinabi ni Apostol Pablo na siya ay hindi kailanman magtitiwala sa anumang bagay maliban sa krus ni Hesus, dahil sa pamamagitan ng krus kaya’t ang mga makamundong bagay ay nawawalan ng kapangyarihan upang akitin at kontrolin ako (Galacia 6:14). Magiging imposible para sa atin na tuloy tuloy na mabuhay sa isang matagumpay na pamumuhay kung nakakalimutan natin ang pinagmumulan ng lahat ng katuwiran-si Hesus.
(5) Araw-araw ko bang naisusuot ang Panginoong Hesus sa pamamagitan ng pananalig at hindi nagbibigay ng lugar sa lahat ng kasalanan? Saanman tayo naroon sa ating paglalakbay bilang Kristiyano, ang tagumpay ay hindi awtomatiko. Dapat kong sadyain na magaya ang saloobin ni Hesus sa kasalanan at sundin ang kanyang halimbawa (Roma 13:14, Efeso 4:24)
(6) Isinusuot ko ba ang espirituwal na baluti ng Diyos? Sa lugar ng digmaan ng buhay maraming mananampalataya ang nasusugatan sa pamamagitan ng nagniningas na mga palaso ni Satanas dahil lamang naging pabaya sila sa kanilang espirituwal na mga panlaban (Efeso 6:11).
(7) Ako ba ay nagsasanay ng pagdidisiplina sa sarili? Kahit gaano tayo kalago sa ating pananampalataya, magkakaroon lagi ng pangangailangan para sa disiplina sa sarili. Tinuturuan ko ba ang aking katawan at dinadala ito sa ilalim ng disiplina? Ang mga natural, mga panlasang ibinigay ng Diyos (tulad ng pagnanais sa pagkain, pagtulog, o pakikipagtalik) ay dapat kontrolin, para magawa nito ang mga layunin ng aking bagong panganak na kaluluwa. Dahil ang aking katawan ay napinsala ng kasalanan, ang mga hangarin nito ay wala sa balanse. Ang katawan ay hindi dapat pahintulutan na manguna; ito ay dapat maglingkod sa espiritu. Sinabi ni Pablo na dinidisiplina niya ang kanyang katawan at ginawa nitong mas madaling sumunod sa kanya, hindi siya maging esprituwal na napalayas (1 Corinto 9:25-27). Ang disiplina ay kinakailangan para sa bawat Kristiyano.
(8) Nabubuhay ba ako sa Pagsunod? "Lumakad sa liwanag" ang payo ni apostol Juan (1 Juan 1:7). Sapagkat maraming mga bitag, katitisuran na bato, at mapanganib na mga lugar sa daan patungo sa langit dapat lagi tayong lumakad sa pamamagitan ng liwanag ng Salita ng Diyos (Awit 119:105) at sa presensya ng Banal na Espiritu (Juan 14:26). Ang pagsunod ay may dalang pangako na ang dugo ni Hesus ay magpapanatiling malinis sa atin. Ang paglalakad sa kadiliman ay humahantong sa pagkakamali at pagbagsak at sa kalaunan ay kamatayan para sa mga ayaw tumalikod.
Pagpapahayag ng mga Paniniwala
Dapat basahin ng klase ang "Pahayag ng Paniniwala" ng magkakasama nang hindi bababa sa dalawang beses.
Pagpapahayag ng mga Paniniwala
Pribilehiyo at tungkulin ng bawat mananampalataya na mabuhay sa katagumpayan laban sa kasalanan. Ang mananampalataya ay may buhay mula sa pakikipag-ugnayan niya kay Kristo. Ang mananampalataya na tumatanggi sa kalooban ng Diyos at bumalik sa kasalanan ay pinuputol ang nakapagliligtas na kaugnayang meron siya sa Diyos. Ang Diyos ay nagbibigay ng biyaya na nakakapagpalakas, kaya’t maaaring pagtagumpayan ng mananampalataya ang bawat tukso.
Leksyon 9 Takdang Aralin
Ang bawat mag-aaral ay dapat na italaga sa isa sa mga talata na nakalista sa ibaba. Bago ang susunod na sesyon ng klase, dapat niyang basahin ang talata at magsulat ng taludtod tungkol sa sinasabi nito tungkol sa paksa ng leksyong ito.
Para sa Talatang Takdang-Leksyon
2 Pedro 1:1-11, Hebreo 10:23-39, Pahayag 3:14-22, Santiago 1:21-27, Mateo 13:18-23
Dapat ipaalala sa mga mag-aaral ng hindi bababa sa pitong beses habang kasalukuyan ang kursong ito ang bawat mag-aaral ay dapat magturo ng isang leksyon o bahagi ng isang leksyon sa mga taong hindi kabilang sa klase. Dapat mag-ulat ang mga estudyante sa lider ng klase tuwing magtuturo sila para sa takdang-leksyon.
Leksyon 9 Mga Tanong Para sa Pag-aaral
(1) Ano ang pangunahing tema ng 1 Juan?
(2) Anong katangian ng isang mananampalataya ang pinakamahalaga sa 1 Juan?
(3) Anong apat na bagay ang alam natin mula sa 1 Corinto 10:13?
(4) Paano nagpapatuloy ang isang mananampalataya na manatili kay Kristo?
(5) Ano ang kinakailangan para sa patuloy na kaligtasan?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.