Sa katapusan ng leksyon, dapat nauunawaan at kayang ipaliwanag ng mag-aaral ang:
(1) Ang ilang mga detalye tungkol sa kalikasan ng mga anghel.
(2) Ang kaugnayan ng mga anghel sa buhay ng isang mananampalataya.
(3) Ang pagkahulog ni Satanas at ng ibang masasamang espiritu.
(4) Ang espirituwal na pagkakasalungatan na umiiral sa mundo ng mga espiritu.
(5)Ang pangkatapusang tagumpay ng Diyos at ng mga mananampalataya laban sa mga masasamang kapangyarihan.
(6) Isang pagpapahayag ng Kristiyanong paniniwala tungkol sa mga espiritu.
Isa sa mga praktikal na layunin ng leksyong ito ay upang ang mag-aaral ay maging maingat na hindi magkaroon ng maling klase ng interes sa mundo ng mga espiritu.
Matapos kumuha ng pagsusulit tungkol sa naunang leksyon, gamitin ang mga layunin mula sa leksyong iyon sa pagtatanong sa pagbabalik-aral Pagkatapos, magtungo sa talatang babasahin sa ibaba.
Basahin nang sama-sama ang Mateo 4:1-11. Ano ang sinasabi ng talatang ito sa atin tungkol sa masasamang espiritu?
Kapag nag-uusap ang mga tao tungkol sa mga anghel, ang unang tanong ay, “Ano ang hitsura ng mga anghel?” Maraming gumuguhit ang sumubok na ilarawan ang mga ito.
► Ano ang hitsura ng mga anghel?
May pakpak ba ang mga anghel? Ang serapin na nakita ni Isaias ay may anim na mga pakpak.[1] Ang imahen ng kerubim na sinabi ng Diyos kay Moses na ilagay sa Arka ng Tipan ay may pakpak.[2] Ang kerubim na nakita ni Ezekiel ay may apat na pakpak.[3]
Hindi natin alam kung sa pangkalahatan ay may pakpak ang mga anghel. Hindi nila kailangan ng pakpak upang maglakbay, dahil sila ay espiritu at nakapaglalakbay sa bilis na mas higit kaysa paglipad gamit ang pakpak. Bilang mga espiritu wala silang bigat tulad ng pisikal na katawan, kaya’t hindi kinakailangan ang pakpak.
Salungat sa mga gawa ng sining na nakikita natin, hindi inilarawan ng Biblia ang mga anghel na mukhang babae o mga bata. Nagpapakita sila sa anyong lalaki, subali’t wala silang kasarian kung ayon sa kaalaman ng tao. Hindi sila nagtataglay ng relasyon ng kasal o pamilya.[4] Ang bawat isa ay indibidwal na nilikha.
Ang mga anghel ay karaniwang hindi nakikita ng mga tao, subali’t maaari silang makita kapag may layunin para dito. Kung minsan kapag lumitaw ang isang anghel, sa simula iniisip ng tao na siya ay ordinaryong tao lamang.[5] Sa ibang pagkakataon ang anghel ay nagpapakita nang may kaningningan kaya’t ang mga tao ay napapasubasob sa lupa dahil sa takot.[6] Kapag dumarating ang isang anghel sa isang tao upang magdala ng mensahe, karaniwang siyang nagsisimula sa salitang “Huwag matakot.”[7]
Ang mga anghel ay mga espiritu,[8] subali’t hindi natin sila dapat isipin na hindi sila totoo dahil doon. Ipinahihiwatig ng Biblia na ang mga espiritu ay natural na mas makapangyarihan kaysa anumang bagay na pisikal.[9]
Ang mga anghel ay tinawag na mga anak ng Diyos[10] at nagtataglay ng ilang bagay sa kalikasan ng Diyos, subali’t hindi sa parehong paraan na tulad ng tao. Mas nakahihigit ang mga anghel kaysa sa tao sa ngayon sa kapangyarihan at katalinuhan, subali’t sa hinaharap ang tao ay magiging mas mataas kaysa sa mga anghel.[11]
Ang paglikha sa mga anghel ay hindi binanggit sa record ng Genesis. Sila ay nilikha bago pa likhain ang daigdig at sila ay nagdiwang nang makita nila ang Diyos na nililikha ito.[12]
Walang kamatayan ang mga anghel.[13] Ang katotohanan na sila ay nilikha bago pa ang mundo ay nangangahulugan na sila’y nabuhay na ng libong taon at nasaksihan nila ang buong kasaysayan ng sangkatauhan.
May personalidad ang mga anghel. Nakapagsasalita sila at nakikipag-usap.[14] Sumasamba sila sa Diyos, na ibig sabihin nauunawaan nila ang mga bagay sa kanyang kalikasan at tumutugon dito nang may pagkamangha.[15] Nagdiriwang sila kapag may isang makasalanang nagsisisi, na nagpapakita na sila ay may damdamin.[16] Matindi ang kanilang pagnanais na maunawaan ang plano ng kaligtasan, na nagpapakita na mayroon silang kakayahang mag-isip.[17] Nagdiwang sila nang ipahayag ang kapanganakan ni Hesus.[18]
Hindi pare-pareho ang mga anghel, dahil may mga tinatawag na kerubim at seraphim. Mayroon ding mga lebel ng pagiging anghel, dahil binabanggit ng Biblia kapwa ang mga anghel at may isang arkanghel, at binanggit din “ang demonyo at ang kanyang mga anghel.” Mayroong sistema ng istruktura ng awtoridad sa mga anghel, tinukoy ito bilang mga trono, mga pamamahala, at mga pamunuan.[19]
Sa tradisyong Hudio at Kristiyano higit pang marami ang naisulat tungkol sa mga anghel, lubhang higit pa sa ating nalalaman mula sa Kasulatan.
Hindi marami ang inihayag sa Kasulatan tungkol sa pagkakaiba-iba ng mga anghel. Ang salitang arkanghel ay ginamit ng dalawang beses lamang sa Biblia. Si Miguel ay tinawag na arkanghel, at mayroong tinig ng arkanghel sa pagbabalik ni Hesus.[20] Ang salitang arkanghel ay literal na nangangahulugan ng “pangunahing anghel.” Hindi natin alam kung ilang arkanghel ang mayroon.
Binanggit ang mga serapin sa Biblia sa Isaias 6 lang. Mayroon silang anim na pakpak. Bukod lang sa kanilang mga pakpak, maaaring sila’y mukhang mga tao, dahil mayroon silang mga kamay, paa at mukha.
Kerubim at umaapoy na espada ang inilagay sa Garden ng Eden matapos paalisin doon sina Adan at Eva.[21] Malinaw na ito ay upang hindi malapitan ang garden. Ang paglalarawan ni Ezekiel sa kerubim na kanyang nakita ay ibang-iba sa alinmang nilalang na alam natin. Mayroon itong apat na pakpak, apat na iba’t-ibang mukha, ilang kamay, kaningningang tulad ng apoy, kislap ng kidlat, at bilis tulad ng kidlat.[22]
Inilagay sa dulo ng Kaban ng Tipan ang imahen ng dalawang kerubim, at nasa pagitan nila ang Luklukan ng Awa. Walong beses na tinawag sa Biblia ang Diyos bilang ang Isa nasa pagitan ng mga kerubim.[23] Ito ang tumukoy sa kanya bilang ang Diyos ng Israel na sinamba sa templo, at nagpakita rin na hindi siya maaaring lapitan maliban sa paraang ninanais niya.
Ang kapangyarihan at kadakilaanng Diyos ay nakikita sa klase ng mga alipin na mayroon siya. Ang mga kerubim ay mga nilalang na kapag nakita ng isang tao, iisipin nito na nakikita niya ang Diyos. Nanaisin niyang sambahin ito, gayunman ito ay isang lingkod lamang ng Diyos.
Ang katotohanan na ang Diyos ay pinaglilingkuran ng lubhang napakaraming anghel ay nagpapakita rin ng kanyang kadakilaan. Nakita ni Apostol Juan ang pangkat ng mga anghel sa paligid ng trono ng Diyos na tinukoy niya bilang “libo-libo at laksa-laksang anghel”[24]
Ang kapangyarihan ng isang anghel ay hindi naman walang limitasyon, dahil mababasa natin na ang isa ay naantala ng isang di-pagkakasundo habang dinadala ang mensahe para kay Daniel.[25] Gayunman maaari silang bigyan ng Diyos ng malaking kapangyarihan ayon sa kanilang pangangailangan para tuparin ang anumang tungkulin na ibinibigay ng Diyos sa kanila, tulad ng pagkakataon na ang isang anghel ay pumatay ng 185,000 na sundalo.[26]
Malinaw na ang mga anghel ay binibigyan ng mga tungkulin. Sinasabi ng Biblia sa atin na sila ay sinusugo upang maglingkod sa mga tumatanggap ng kaligtasan.[27] Pinapalibutan at pinoprotektahan ng mga anghel ang mga naglilingkod sa Diyos.[28] Maaari nating isipin na maraming anghel ang kasama natin sa lahat ng oras. Sinabi ni Hesus na may mga anghel na nakatalaga sa mga bata.[29] Si Arkanghel Miguel ay tinawag na ang prinsipeng nagtatanggol sa bansang Israel.[30]
Hindi kailanman sinabi ng Biblia na tayo’y manalangin sa mga anghel. Ni hindi nito sinasabi na dapat nating subuking makipag-ugnayan sa kanila. Hindi sila tagapamagitan sa atin at sa Diyos. May babala tungkol sa mga taong sumasamba sa mga anghel at nakikipag-ugnayan sa mga bagay sa mundo ng mga espiritu na hindi naman nila lubusang nauunawaan.[31] Kung sinusubok nating makipag-ugnayan sa mga anghel sa paraang hindi ayon sa kalooban ng Diyos, ang masasamang espiritu ang tutugon sa atin, sa halip na mga anghel ng Diyos.
► Ano ang pinaggalingan ng mga masasamang espiritu?
Ang masasamang espiritu ay mga anghel na nahulog sa pagrerebelde laban sa Diyos. Naganap ito bago likhain ang tao, at hindi nagpahayag ang Biblia nang marami tungkol dito.
Alam natin na ang lahat ng anghel ay orihinal na nilikha bilang mabubuti at banal, ang tinatawag sila ng Biblia bilang ang “mga banal na anghel.”[1]
Si Satanas ang lider ng isang rebelyon, at isang-katlo ng mga anghel ang sumunod sa kanya .[2] Tinukoy ni Judas ang mga anghel na nag-iwan sa kanilang unang posisyon.[3] Sila ay nahatulan na ng kamatayan ng paghatol ng Diyos.[4]
May dalawang talata sa mga propeta na maaaring tumukoy sa pagbagsak ni Satanas.(Isaias 14:12-17 at Ezekiel 28:12-19). Ang bawat talata ay nagsasalita tungkol sa isang tao, hari sa daigdig, pagkatapos tila nagsasalita ng mga bagay na higit pa sa isang hari sa mundo. Maaaring pinaghahambing nila ang pagbagsak ng isang hari sa pagbagsak ni Satanas.
Mukhang naging mapagmataas si Satanas at nagnais na maging independiente sa Diyos. Nagbabala si Apostol Pablo na ang isang tao ay maaaring maging mapagmataas at mahulog sa parehong paghatol katulad ng sa diyablo.[5] Ito ang parehong pagtukso na inialok ng diyablo kina Adan at Eba nang sabihin niyang, “Magiging katulad kayo ng mga Diyos.” Ito ay ang pagtukso na tanggihan ang awtoridad ng Diyos at ang iyong sarili ang maging Diyos.
► Ano ang ilang mga bagay na nalalaman natin tungkol kay Satanas?
Patuloy na pinangungunahan ni Satanas ang pagrerebelde laban sa Diyos. Siya ay tinatawag ng “ang prinsipe at kapangyarihan ng himpapawid.”[6] Tinatawag si Satanas na “tagapamahala ng mundong ito,” dahil karamihan sa mga tao sa mundo ay nagrerebelde laban sa Diyos.[7] Inaangkin niya ang pagmamay-ari sa mga kaharian ng mundo, at ibinibigay niya ang mga iyon pansamantala sa kaninumang kanyang pinipili.[8] Binubulag niya ang isipan ng mga makasalanan upang hadlangan sila na tanggapin ang ebanghelyo.[9] Tunay na bilanggo niya ang mga makasalanan.[10] Inaalis niya ang Salita ng Diyos sa isipan ng mga tao upang hindi ito magkaroon ng epekto.[11] Inilagay niya sa puso nina Ananias at Safira ang plano na magsinungaling sa iglesiya at sa Banal na Espiritu,[12] at pumasok kay Hudas at nagkaroon ito ng naising ipagkanulo si Hesus.[13] Nag-iimbento siya ng mga maling katuroang pangrelihiyon, na tinatawag ng Salita ng Diyos na “mga katuroan ng demonyo” at hinihikayat ang mga tao na ituro ang mga iyon.[14]
Kinamumuhian ni Satanas ang Diyos at sagayun ay namumuhi siya sa tao, na nilikha sa imahen ng Diyos at siyang tatanggap ng pinakamataas na pabor mula sa Diyos. Sinisikap niyang dalhin ang mas maraming tao sa ilalim ng paghatol na natanggap niya sa pamamagitan ng pag-impluwensiya sa kanila na magrebelde laban sa Diyos.[15]
Ang mga kusang-loob na naglilingkod kay Satanas ang pinakanalinlang na mga tao sa sanlibutan, dahil sila ay nasa isang rebelyon na hindi magtatagumpay, at sila ay naglilingkod sa isang panginoon na namumuhi sa kanila at interesado lamang na sila’y wasakin. Pinangangakuan niya sila ng mga bagay na alam naman niyang hindi niya kayang tuparin.
Ang iba naman ay sumusunod kay Satanas nang hindi nila namamalayan kapag pinipili nilang mamuhay sa kasalanan. Iyon ang dahilan kung bakit nag-uukol siya ng maraming oras at lakas sa pagtukso at panlilinlang. Nais niyang tanggihan ng mga tao ang pananampalataya sa Diyos, gumawa ng mga idolo sa mga bagay na nilikha sa halip na sambahin ang Diyos. Ang kanyang pagtukso ay mga panlilinlang, dahil sa katotohanan, wala naman siyang maiaalok maliban sa mga binaluktot na mga bagay na nilikha ng Diyos. Hindi lumikha ang diyablo ng anumang kasayahan o katuwaan: ang lahat ng iyon ay nilikha ng Diyos. Maaari lamang itong ialok ng diyablo sa anyong inabuso na hindi na naaayon sa kalooban ng Diyos.
May mga klase ng masasamang espiritu na tila na nakapukos sa isang tiyak na lugar o grupo ng mga tao. Kung paanong ang anghel na si Miguel ay tinawag na prinsipe na nagtatanggol sa Israel, may mga masasamang espiritu na tinaguriang ang prinsipe ng Persia at Grecia.[16] May mga espiritu naman na naging Diyos ng mga bansa.
Ninanais ni Satanas ang pagsamba.[17] Ang masasamang espiritu ay kumikilos sa pamamagitan ng mga huwad na relihiyon. Sinasabi ng Biblia na kapag ang mga tao’y sumasamba sa mga idolo, sila ay sumasamba sa mga demonyo.[18] Tumutugon ang mga demonyo sa pagsamba ng mga taong hindi nalalaman kung ano ang kanilang sinasamba. Kung paanong ang sumasamba sa Diyos ay nagiging mas katulad ng Diyos at nagiging kasiyahan ang kabanalan, ang sumasamba sa masasamang espiritu ay nagiging mas masama at ikinagagalak ang kasamaan. Marahil ang pinakamasamang anyo ng pagsamba na naganap ay nang isakripisyo ng mga tao ang kanilang sariling mga anak sa demonyo.[19]
Sinisikap ni Satanas at ng iba pang demonyo na lubusang kontrolin ang pag-iisip at pag-uugali ng mga tao. Ito’y tinatawag na “sinasaniban ng demonyo”. May mga taong kusang loob na nagpapailalim sa ganitong klase ng pag-aari; marahil ang iba ay nagpahintulot na mangyari ito nang hindi nila nauunawaan kung ano ang kanilang ginagawa. May mga tao na hakbang- hakbang na pumasok sa kondisyong ito, iniisip nila na sila’y unti-unting nagkakaroon ng kapangyarihan na magagamit nila para sa kanilang pansariling mga layunin. Ang isang taong sinaniban ay nagiging alipin ng masamang espiritu, nagtutulak sa sariling pagkawasak, at nagdurusa ng nakakikilabot na paghihirap ng isipan at mga damdamin.[20] Tanging si Hesus ang maaaring magpalaya sa taong ito mula sa kanyang pagkaalipin.
[15] “Ginagawa ni Satanas ang kanyang sarili na panginoon ng puso, ng mata at ng dila ng makasalanan. Pinupuno niya ang kanyang puso ng pag-ibig sa kasalanan; ang kanyang mga mata ay binubulag upang hindi makita ang guilt at hatol na naghihintay sa kanya; at ang kanyang dila ay hinahadlangan sa pananalangin.”- Adam Clarke, Christian Theology, “Good and Bad Angels”
Sa mga bansa kung saan ang ebanghelyo ay malawakan nang naipangangaral, ang gawain ng masasamang espiritu ay karaniwang nagbabalat-kayo o nakatago. Nakakagulat lamang na sa mga “sibilisadong” mga bansang ito ang mga taong higit na walang kaugnayan sa relihiyon, at pinagtatawanan ang anumang higit sa karaniwan at itinatanggi ang pagkakaroon ng mga espiritu. Sa ganitong kapaligiran, hindi kumikilos nang lantaran ang masasamang espiritu, dahil kung matatakot sa kanila ang mga taong nakarinig na ng ebanghelyo, marami sa mga taong iyon ang babaling sa Diyos para sa pagliligtas at proteksiyon.
Sa mga bansang hindi pa gaanong naririnig ang ebanghelyo, lantarang kumikilos ang masasamang espiritu. Hindi nalalaman ng mga tao doon na maaari silang bumaling kay Kristo upang sila’y iligtas, kaya’t sila’y tinatakot ng mga kapangyarihan ng mga demonyo upang sila’y pasunurin. Naglilingkod sila sa mga espiritu, hindi kusang loob at may kagalakan, kundi dahil sa pagkatakot. Dumarating ang ebanghelyo bilang isang kamangha-manghang mensahe ng katubusan at kalayaan.
Dahil sa madalas na pag-atake ng demonyo, tayo ay nasa espirituwal na pakikipaglaban.[1] Tayo ay binibigyang babala na alalahanin na ang ating pakikipaglaban ay nasa mundo ng mga espiritu at hindi sa mga kaaway na pisikal.[2] Ibinilin sa atin na isuot ang buong baluting espirituwal, upang maprotektahan natin ang ating sarili.[3] Maaari tayong magtiwala sa tagumpay, dahil hindi magtatagumpay ang demonyo sa kapangyarihan ng Diyos na nasa atin, at kapag nilalabanan natin ang diyablo, siya’y tatakas palayo sa atin.[4]
► Ang diyablo ba ang kabaligtaran ng Diyos?
May kapangyarihan ang demonyo nang mas higit kaysa sa mga tao sa kanilang kasalukuyang mortal na kalagayan. Gayunman, ang kanyang kapangyarihan ay hindi maaaring ihambing sa kapangyarihan ng Diyos. Hindi dapat isipin na siya ang kabaligtaran ng Diyos, na tila ba pantay sila sa kapangyarihan. May mga pilosopo na nag-iisip na ang mga puwersa ng mabuti at masama sa mundo ay halos magkapantay.Malayo iyon sa katotohanan. Hindi matatagpuan si Satanas sa lahat ng lugar, hindi niya nalalaman ang lahat ng bagay, at nakagagawa siya ng pagkakamali. Ang Diyos ang lumikha ng mga espiritu, at hindi nila Siya kayang talunin. Kapag natapos na ang pansamantalang buhay ng tao sa mundo, ang lahat ng masasamang espiritu ay hahatulan, ikukulong at parurusahan, kasama ng mga makasalanan.
Matagal na panahon nang ipinangako ang pagkatalo ni Satanas. Ipinangako ng Diyos na magpapadala ng Tagapagligtas na siyang dudurog sa ulo ng ahas.[5] Dumating si Hesus upang wasakin ang mga gawa ng diyablo at bigyan tayo ng tagumpay laban sa kasalanan.[6] Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, hindi hahayaan ni Hesus na magkaroon si Satanas ng kapangyarihan laban sa kamatayan.[7] Ang pangwakas at pangwalang-hanggang kahahantungan ni Satanas at ng iba pang masasamang espiritu ay ang lawa ng apoy.[8]
Nilagyan na ng Diyos ng limitasyon ang magagawa ni Satanas.[9] Ang ibig sabihin noon, hindi na tayo dapat mabuhay sa takot sa kung ano ang magagawa ni Satanas sa atin. Walang anumang mangyayari malibang ipahintulot iyon ng Diyos, at nalalaman niya kung ano lang ang kaya nating dalhin.
Hindi lamang tayo ipinagtatanggol laban sa atake ni Satanas, mayroon tayong kapangyarihan na isulong ang kaharian ng Diyos laban sa kaharian ni Satanas. Binigyan ni Hesus ng kapangyarihan ang kanyang mga disipulo, hindi lamang ang mga apostol, upang magpalayas ng masamang espiritu.[10] At sa ating pangangaral ng ebanghelyo, binibigyan ng Diyos ng kapangyarihan ang kanyang katotohanan, at inililigtas mula kay Satanas ang mga tumutugon sa ebanghelyo.
Maaaring piliin ang isang miyembro ng klase upang ipaliwanag ang impormasyon sa kahon sa ibaba.
[1] “Hindi ka kayang sakupin ng demonyo kung nagpapatuloy kang tumututol. Malakas man siya, hindi pinahihintulutan ng Diyos na masakop ng demonyo ang sinumang patuloy na tumatanggi sa kanya.Hindi niya maaaring pilitin ang kalooban ng tao.” Adam Clarke, Christian Theology, “Good and Bad Angels”
Pagkakamaling Dapat Iwasan: Ang Maling Klase ng Interes sa Mundo ng mga Espiritu
May mga tao na namamangha sa mundo ng mga espiritu. Nagsisimula sila sa pag-aaral tungkol sa mga anghel at maaaring subuking makipag-ugnayan sa kanila. Sinasabi sa atin ng Biblia na kailanman ay huwag tayong mananalangin sa mga anghel o subukang magkaroon ng relasyon sa kanila. Binigyang babala tayo ng Biblia na huwag silang sasambahin o kaya’y subuking malaman ang mas marami pang bagay kaysa sa kaya nating maunawaan.[1]
Higit na mas mapanganib pa kapag ang isang tao ay nagiging labis na interesado sa masasamang espiritu. May mga taong sobrang namamangha sa kanilang kapangyarihan at sa mga bagay na kaya nilang gawin. May mga laro na nakikipag-ugnayan sa masasamang espiritu. May mga pamamaraan na ginagamit ang mga tao upang kumuha ng impormasyon mula sa mga espiritu. Hindi tayo dapat kailanman makipag-ugnayan sa masasamang espiritu maliban kung nilalabanan sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.
May mga tao na nakagawa na ng kumplikado at detalyadong paliwanag tungkol sa mundo ng mga espiritu at kung paano ito kumikilos. Sa katotohanan, hindi naman naghayag sa atin ang Biblia ng maraming bagay tungkol doon. Naihayag na ng Diyos kung ano ang kailangan nating malaman.
Dapat basahin ng sama-sama ng klase ang “Pahayag ng Paniniwala” ng di bababa sa dalawang beses.
Pagpapahayag ng mga Paniniwala
Nilikha ng Diyos ang lahat ng espiritu. Sinamba ng mga banal na anghel ang Diyos at pinangangalagaan ang mga mananampalataya. Ang mga anghel ay imortal, personal na mga nilalang na may kakayahang magsalita, sumamba at mangatwiran. Nakagawa na sila ng moral na pagpili. Si Satanas at ang ibang mga anghel ay nahulog sa kasalanan at mga kaaway ng Diyos at ng tao. Nilimitahan na ng Diyos ang kapangyarihan ni Satanas at hinatulan na siya sa pangwalang-hanggang kaparusahan.
Leksyon 6 Takdang Aralin
Ang bawat mag-aaral ay dapat bigyan ng takdang leksyong isa sa mga talatang nakalista sa ibaba. Bago ang susunod na sesyon sa klase, dapat niyang basahin ang talata at sumulat ng isang taludtod tungkol sa kung ano ang sinasabi nito tungkol sa paksa ng leksyon.
Para sa Talatang Takdang-Leksyon
1 Pedro 5:8-9, Mga Gawa 12:7-11, Mateo 12:43-45, 2 Corinto 11:13-15, Lucas 8:27-35
Dapat paalalahanan ang mga mag-aaral na hindi bababa sa pitong beses habang kasalukuyan ang kursong ito, ang bawat mag-aaral ay dapat magturo ng isang leksyon o bahagi ng isang leksyon sa mga taong hindi kabilang sa klase. Dapat iulat sa lider ng klase ang bawat pagkakataon na sila ay nagturo para sa takdang leksyon.
Leksyon 6 Mga Tanong Para sa Pag-aaral
(1) Kailan nilikha ang mga anghel?
(2) Gaano katagal nabubuhay ang mga anghel?
(3) Paano natin nalalaman na ang mga anghel ay hindi karaniwang nagtataglay ng pisikal na katawan?
(4) Ano ang ilang dahilan kaya’t nalalaman nating ang mga anghel ay may personalidad?
(5) Ano ang ilang naiibang salita sa Biblia na tumutukoy sa mga anghel?
(6) Ano ang isang bagay na ginagawa ng mga anghel para sa mga mananampalataya?
(7) Saan nagmula ang masasamang espiritu?
(8) Ano ang tunay na sinasamba ng mga sumasamba sa mga idolo?
(9) Ano ang pinal na hantungan ni Satanas at ng iba pang masasamang espiritu?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.