Sa katapusan ng leksyong ito, dapat na maunawaan at maipaliwanag ng mag-aaral:
(1) Ang pangunahing aktibidad ng langit.
(2) Mga katangian ng langit tulad ng ipinahayag sa Kasulatan.
(3) Mga katangian ng walang-hanggang kaparusahan na ipinahayag sa Kasulatan.
(4) Ilang mga halimbawa ng mga relihiyon na tumanggi sa katotohanan ng walang-hanggang kaparusahan.
(5) Ang katarungan ng pangwalang-hanggang kaparusahan.
(6) Isang pahayag ng paniniwala ng mga Kristiyano tungkol sa pangwalang-hanggang tadhana.
Isa sa mga praktikal na layunin ng leksyong ito ay para matandaan ng mag-aaral na ang ilang mga pagkilos ay may Walang-hanggang mga kahihinatnan na hindi kailanman mababago.
Unang Bahagi: Ang Pangwalanghanggang Hantungan ng mga Mananampalataya
Matapos kunin ang pagsusulit sa nakaraang leksyon, gamitin ang mga layunin mula sa leksyong iyon para magtanong para sa pagbabalik-aral. Pagkatapos ay pumunta sa pagbabasa ng talata sa ibaba.
Basahin ang Pahayag 21 nang sama-sama. Ano ang sinasabi sa atin ng talatang ito tungkol sa hinaharap ng mga mananampalataya?
Ang lahat ng nilalang ay nilikha para sa kaluwalhatian ng Diyos, ngunit ang langit ang central na tagpo sa sanlibutan, kung saan ang Diyos ay sinasamba sa pinakamataas na antas ng mga nilalang na ginawa niya sa kanyang wangis.[1]
Ang kaluwalhatian ng Diyos ay mahahayag sa langit sa kapuspusan at ito ang magiging liwanag ng lunsod.[2] Ito ang lugar kung saan makikilala natin ang Diyos kapag "nakita natin ang kanyang mukha."[3]
Ang pagsamba ay ang aktibidad ng langit. Kagalakan ay ang kabilang panig ng pagsamba. Ang isang manunulat ng mga awit ay nagsabi, "Sa iyong presensya ay puno ng kagalakan; sa iyong kanang kamay ay mga kasiyahan magpakailanman.”[4] Karapat-dapat na ang kagalakan at pagsamba ay konektado. Nilikha tayo ng Diyos sa kanyang larawan, upang maunawaan natin ang kanyang kalikasan na sapat upang sambahin siya para sa kung sino siya. Ang ating damdamin, kakayahang magmahal, at ang katalinuhan ay ibinigay na lahat upang maaari nating ibigay sa Diyos ang posibleng pinakamataas na pagsamba.
Ginawa ni Hesus ang mga pahayag na ito sa kanyang mga alagad:
Huwag magulumihanan ang iyong puso: sumampalataya ka sa Diyos, maniwala ka rin sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming mga mansyon: kung hindi gayon, sasabihin ko sa iyo. Pupunta ako upang maghanda ng lugar para sa iyo. At kung pupunta ako at makapaghanda ng isang lugar para sa iyo ay babalik ako, at tatanggapin ka sa aking sarili, upang kung saan ako naroroon, paroroon din kayo.[5]
Ang mga salita ni Hesus ay nagsasabi sa atin ng ilang mga bagay tungkol sa langit. Ang pinakamahalagang bagay na ating nalalaman ay ang langit ay tahanan ng Diyos sapagkat tinawag ito ni Hesus na bahay ng kanyang Ama. Ang isa pang katotohanan na mahalaga sa atin ay maaari tayong mamuhay doon sa hinaharap kasama ng Diyos.
Ang pangako ng langit ay dapat pumatnubay sa paraan ng pamumuhay natin sa mundo. Ang taong nabubuhay dahil sa mga bagay na may pangwalang-hanggang halaga ay gagawin ang pinakamaganda sa lupa. Ang taong umaasa sa isang gantimpala sa langit ay may insentibo upang matiis ang lahat ng uri ng kahirapan at nagsisikap upang magawa ang kalooban ng Diyos . Sinabi ni Hesus sa isang pinag-uusig, "Magalak, sapagkat dakila ang iyong gantimpala sa langit.”[6]
Minsan ang mga tao sa lupa ay hindi maaaring bumili ng bahay na gusto nila, at maaaring hindi nila magagawa ang lahat nilang nais gawin dito. Ngunit ang Diyos ay may walang hangganang kapangyarihan at mga mapagkukunan, kaya alam natin na ang kanyang tahanan ay eksakto kung ano ang nais niya. Samakatuwid, ang langit ay ganap na kaayon ng kalikasan ng Diyos.
Maraming mga bagay na hindi natin maunawaan tungkol sa langit. Dahil tayo ay laman at dugo, hindi natin maiintindihan ang kalikasan ng pag-iral ng Diyos, sapagkat siya ay Espiritu. Gayundin, kapag pinag-aaralan natin ang kalikasan ng Diyos, nalalaman natin na siya ay walang hanggan, lampas sa ating pang-unawa. Kaya’t gayundin na lampas sa ating pang-unawa kung ano ang katulad ng kanyang tahanan. Subali’t ito ay idinesenyo rin para sa atin.[1]
Hindi sinasabi sa atin ng Biblia kung saan ang langit. Sinasabi nito na ang Diyos ay tumitingin mula sa langit papunta sa lupa, kaya alam natin na ang langit ay wala sa lupa.
Walang kasalanan sa langit. Ang lahat ng mga nilalang sa langit, maging ang mga anghel o tao o iba pang mga nilalang, ay magiging ganap na banal.[2]
Ang langit ay malaya mula sa lahat ng mga resulta ng kasalanan, kabilang ang sakit, kalungkutan, salungatan, at panganib.[3]Wala na ang sumpa sa paglalang, kabilang ang pagkakasakit, pagtanda, at kamatayan[4]
Ang kagandahan ng langit ay lampas sa paglalarawan. Ang mga detalyeng ibinigay sa atin ay ang mga pader ng jasper, mga pintuan ng perlas, mga pundasyon ng bihirang mga hiyas, at mga kalye ng ginto.[5]
Ang langit ay tirahan ng milyun-milyong natubos na mga tao at mga anghel.[6]
[1] “Kung natatagpuan ko sa aking sarili na may pagnanais na walang karanasan dito sa mundo ang makatutugon, ang marahil pinakapaliwanag dito ay ginawa ako para sa ibang mundo… Marahil ang mga kasiyahan ng mundo ay hindi nakalaan upang matugunan iyon, kundi upang gisingin lamang iyon, upang ipahiwatig ang tunay na bagay..dapat kong gawin iyon ang pangunahing layunin ng buhay upang magpatuloy sa ibang bayang iyon at tulungan ang iba na gawin din ang gayon.”- C.S. Lewis, Mere Christianity
Ang langit ay inihanda para sa mga nagsisi sa kasalanan at naniniwala kay Jesu-Kristo bilang Tagapagligtas at Panginoon.[1] Yaong ang mga pangalan ay nakasulat sa Langit[2] ay mabubuhay sa Langit.
Sinasabi sa atin ng Biblia na kung tayo ay nabubuhay sa pamamagitan ng mga bagay na may walang-hanggang halaga, maaari tayong mamuhunan sa isang walang hanggan at ligtas na kayamanan sa langit.[3]
Kailan pupunta sa Langit ang isang tao? Sinabi ni Hesus sa magnanakaw na mamamatay sa krus na magkakasama sila sa paraiso sa araw na iyon.[4]Sinabi ni Pablo na ang pagliban sa katawan ay paroroon sa Panginoon.[5]Samakatuwid, alam natin na ang naniniwala ay pumupunta sa langit sa panahon ng kamatayan. Gayunman, ang mga mananampalataya na nabubuhay pa sa pagbalik ni Hesus ay pupunta sa langit nang hindi dumaan sa kamatayan.[6]
Ikalawang Bahagi: Ang Walang-hanggang Hantungan ng mga Di-mananampalataya
Ang mga parusa sa lupa ay laging natatapos sa paglipas ng panahon. Ang katapusan ay dumarating, kahit na iyon ay sa kamatayan ng isang pinarurusahan.
Ngunit inilarawan ni Hesus ang isang kaparusahan na walang hanggan nang sabihin niya, "Umalis ka sa Akin, sinumpa ka, sa apoy na walang hanggan na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga anghel ... At ang mga ito ay aalis patungo sa Walang-hanggang kaparusahan, ngunit ang mga matuwid ay patungo sa buhay na walang hanggan.”[1]
Pinatunayan ni Hesus at ng mga apostol na ang impiyerno, ang lawa ng apoy, at ang Walang-hanggang kaparusahan ay umiiral. Sa katunayan, binanggit ni Hesus ang impiyerno nang higit kaysa sa langit. Nagbabala Siya sa atin upang maiwasan ang kakila-kilabot na lugar. Pansinin ang ilan sa mga pahayag mula kay Hesus at sa mga apostol.
"Kung ang iyong kanang mata ay nagiging dahilan upang ikaw ay magkasala, dukitin mo ito at itapon; sapagkat mas mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa buo ang iyong katawan at itapon sa impiyerno. At kung ang iyong kanang kamay ay magdudulot sa iyo ng kasalanan, putulin ito at itapon; sapagkat mas kapaki-pakinabang para sa iyo na mawala ang isang bahagi ng iyong katawan, kaysa sa buo ang iyong katawan na itapon sa impiyerno”[2]
"At mangyayari sa katapusan ng kapanahunan. Ang mga anghel ay darating, ihihiwalay ang masama sa mga matuwid, at ihahagis sa pugon ng apoy. Mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin.”[3]
Sa pagkikipagsalita sa mga Fariseo, sinabi ni Hesus, "Mga ahas, mga lahi ng mga ulupong! Paano kayo makatatakas sa kahatulan ng impiyerno?”[4]
"At nang siya'y nasa paghihirap sa Hades, ay itiningin niya ang kaniyang mga mata, at nakita si Abraham sa malayo, at si Lazaro sa kaniyang sinapupunan. Nang magkagayo'y sumigaw siya at sinabi, ‘Amang Abraham, mahabag ka sa akin, at ipadala si Lazaro, upang isawsaw ang dulo ng kaniyang daliri sa tubig, at palamigin ang aking dila; sapagkat ako ay pinahihirapan sa apoy na ito.’”[5]
Isinulat ni Apostol Pablo na si Hesus ay "ihahayag mula sa langit kasama ng Kanyang mga makapangyarihang anghel, sa nagniningas na apoy na naghihiganti sa mga hindi nakakakilala sa Diyos, at sa mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Hesu-Kristo. Ang mga ito ay parurusahan ng walang-hanggang pagkawasak mula sa presensya ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kanyang kapangyarihan.”[6]
"Sapagkat kung hindi pinatawad ng Diyos ang mga anghel na nagkasala, ngunit itinapon sila sa impiyerno at iniligtas sila sa mga tanikala ng kadiliman, upang italaga para sa paghatol.”[7]
"Ang diyablo, na dumaya sa kanila, ay inihagis sa lawa ng apoy at asupre kung saan naroon ang hayop at ang huwad na propeta. At sila ay pahihirapan araw at gabi magpakailanman at ... sinumang hindi nakasulat sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.”[8]
Pansinin ang uri ng mga salita na ginamit upang ilarawan ang lugar na ito: apoy, paghihirap, paghihiganti, pagkasira, kadiliman, kadena, paghatol, pag-iyak, pagtangis, at pagngangalit ng mga ngipin.
Sinabi ni Hesus na magiging mas mabuti na dukitin ang iyong kanang mata at putulin ang iyong kanang kamay kaysa itapon sa impiyerno na may parehong mata at kamay. Hindi hinikayat ni Hesus ang pinsala ng katawan, kundi ang pagtitigil ng anumang aktibidad na maghahantong sa atin sa kasalanan at impiyerno, gaano man iyon kahalaga sa mundo.
► Ano ang ilang relihiyon na mali sa kanilang katuroan tungkol sa impiyerno?
Ang Biblia ay nagsasabi sa atin na ang kamatayan ay nagtatapos sa pagsubok ng tao, at ang impiyerno ay (1) walang hanggan, (2) hindi maibabalik, at (3) paghihirap. Ang katotohanan sa Biblia ay tinanggihan ng mga ateista na nagsasabi na walang anumang bagay pagkatapos ng kamatayan, at ng mga Saksi ni Jehova, Mormons, at mga Unibersalista na nagsasabing walang impiyerno. Ang katotohanan na ang kamatayan ay tumatapos sa pansamantalang kalagayan ng tao ay tinanggihan ng mga Romano Katoliko na naniniwala na ang kalagayan ng tao ay maaaring lunasan pagkatapos ng kamatayan.
May mga taong tinatanggihan ang pagkakaroon ng impiyerno dahil itinuturing nila itong hindi makatarungan. Sinasabi nila na kung ang kasalanan ay naganap sa isang may wakas na panahon, hindi magiging makatarungan na ang kaparusahan ay walang hanggan. Ginamit ni Augustine bilang tungon sa pagtutol na ito ang halimbawa ng batas-kriminal. Kung ang isang pagnanakaw ay maganap sa loob ng ilang minuto, dapat bang magkaroon lamang ng ilang minuto ang kaparusahan? Ang isang pagpatay na tumatagal lamang ng isang sandali ay isang hindi maaayus na pinsala. Sa Banal na Kasulatan, makikita natin na ang kasalanan laban sa isang walang-hanggan at walang katapusang Diyos ay nagreresulta sa walang-hanggang parusa, kahit na ito ay ginawa sa isang may hangganang buhay.[9]
► Bakit walang hanggan ang impiyerno?
Ang impiyerno ay walang hanggan (1) dahil ang kasalanan ay isang paglabag laban sa walang-hanggang Diyos. Ito ay walang-hanggan (2) dahil itinatanggi ng makasalanan sa Diyos ang walang-hanggang paglilingkod na utang niya sa Diyos. Ito ay walang hanggan dahil (3) tayo ay mga walang-hanggang nilalang na walang ibang lugar na pupuntahan kung pinipili natin na mahiwalay mula sa Diyos.
Sa buhay sa mundo, gusto nating maaari nating baguhin ang ating mga desisyon. Tila masyadong seryoso na ang isang pagpili ay maaaring magkaroon ng walang-hanggang mga kahihinatnan. Nais nating isipin na magkakaroon ng pangalawang pagkakataon sa hinaharap, kahit na tayo ay gumagawa ng isang sinasadyang pagpili ngayon. Ngunit hindi naman makatuwiran na limitahan ng Diyos ang ating panahon ng pagsubok sa ating buong buhay.
Ang ilan ay tumatangging maniwala sa impiyerno dahil nagtataka sila kung paano ang isang mapagmahal na Diyos ay maaaring magpadala ng isang tao sa isang kakila-kilabot na lugar tulad ng inilalarawan ng mga talatang ito. Dapat nating tandaan na ang Diyos ay nagnanais na walang sinuman ang mawala, ngunit ang lahat ay dapat na magsisisi at maligtas. Ipinahayag na ito ng Biblia sa ilang mga lugar.[10] Ang mga taong napunta sa impiyerno ay gumawa ng mga pagpili na naglagay sa kanila sa lugar na ito. Walang sinuman ang aksidenteng napunta sa impiyerno. Ang mga pumunta ay pumili sa lugar na iyon sa pamamagitan ng pagtanggi sa katuwiran at kaligtasan ng Diyos.
Dahil ang lahat ng mabuti ay nagmumula sa Diyos, ang pagtanggi sa Diyos ay sa kalaunan ay isang pagtanggi sa lahat ng mabuti. Maging ang katahimikan, katiwasayan mula sa takot at sakit, at komportableng lugar lahat ay mabubuting bagay na Diyos lamang ang makapagbibigay. Tiyak na hindi natin maaasahan na magpapatuloy ang Diyos sa pagtustos ng mabubuting bagay sa isang tao kapag tinanggihan ng taong iyon ang Diyos. Ang lubos na pagkakahiwalay mula sa Diyos ay nangangahulugan ng kakulangan ng lahat ng bagay na mabuti, at iyon ay impiyerno.
Salamat sa Diyos na sa pamamagitan ng pagbabayad-salang gawa ni Hesu-Kristo, dahil sa kanyang pag-ibig naging posible para sa atin na "makatakas sa poot na darating." Sa halip na mga paghihirap ng impiyerno, maaari tayong makibahagi sa kagalakan ng kaligtasan at mga kahanga-hangang bagay ng langit. Pinipili natin ang Langit para sa ating hantungan kapag pinipili natin ang "pagsisisi sa harap ng Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Hesu-Kristo.”[11]
[9] “Sa pangwakas ang mga pagtutol sa katuroan ng impiyerno ay nagmumula sa tanong na: ‘Ano pa ang hinihiling mong gawin ng Diyos?’ Ang burahin ang kanilang nakalipas na kasalanan at bigyan siya ng bagong simula, tinutulungan ang kahirapan nito ng mahimalang tulong? Subali’t ginawa na niya iyon. Upang patawarin sila? Subali’t tumatanggi silang mapatawad. Ang iwanan na lang sila? Alas! Natatakot akong iyon nga ang ginagawa Niya.” - C.S. Lewis, paraphrased from The Problem of Pain
[10] Basahin 1 Timoteo 2:4, 2 Pedro 2:9, Mga Gawa 17:30.
Pagkakamali na Dapat Iwasan: Paglimot sa mga Walang- Hanggang Bunga/Resulta
Sa buhay sa lupa, maraming mga pagpapasya ang tila hindi pinal. Kung may sapat na panahon, maraming mga pagkakamali ang maitatama. Dapat nating tandaan na maraming mga pagpapasya ang may walang-hanggang mga kahihinatnan. Pagkatapos ng kamatayan hindi natin mababago ang mga pagkilos na makakaapekto sa ating sariling walang-hanggang kapalaran o ang aksyon na nakakaimpluwensiya sa iba sa kanilang mga desisyon.
Pagpapahayag ng mga Paniniwala
Dapat basahin ng sama-sama ng klase ang "Pahayag ng Paniniwala” nang hindi bababa sa dalawang beses.
Pagpapahayag ng mga Paniniwala
Ang bawat tao ay mananatili magpakailanman alinman sa langit o impiyerno. Ang langit ang tahanan ng Diyos kung saan ang mananampalataya ay mabubuhay kasama ng Diyos, masayang sumasamba sa kanya. Sa langit ay walang kasalanan, o anumang paghihirap na nagreresulta mula dito. Ang Impiyerno ay ang walang hanggan, hindi mababawi, at kakila-kilabot na lugar ng kaparusahan para sa lahat ng hindi pa naligtas ni Kristo mula sa kanilang mga kasalanan. Ang impiyerno ay ang makatarungang kaparusahan para sa sinasadyang kasalanan laban sa walang-hanggang Diyos.
Leksyon 13 Takdang Aralin
Ang bawat mag-aaral ay dapat na italaga sa isa sa mga talata na nakalista sa ibaba. Bago ang susunod na sesyon ng klase, dapat niyang basahin ang talata at magsulat ng taludtod tungkol sa sinasabi nito tungkol sa paksa ng leksyong ito.
Para sa Talatang Takdang-Leksyon
Pahayag 22:1-5, Pahayag 22:10-17, Lucas 16:19-31, Isaias 5:11-16, Mateo 5:27-30
Dapat ipaalala sa mga mag-aaral na hindi bababa sa pitong beses habang kasalukuyan ang kursong ito na ang bawat mag-aaral ay dapat magturo ng isang leksyon o bahagi ng isang leksyon sa mga taong hindi kabilang sa klase. Dapat mag-ulat ang mga mag-aaral sa lider ng klase tuwing magtuturo sila para sa takdang-leksyon.
Leksyon 13 Mga Tanong Para sa Pag-aaral
(1) Ano ang pangunahing aktibidad sa langit?
(2) Ano ang ilang mga bagay na hindi matatagpuan sa langit?
(3) Sino ang pupunta sa langit?
(4) Kailan pupunta ang mga mananampalataya sa langit?
(5) Anong tatlong bagay ang sinasabi sa atin ng Biblia tungkol sa impiyerno?
(6) Ano ang ibig sabihin ni Hesus na dapat putulin ng isang tao ang kanyang kamay?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.