Sa katapusan ng Leksyon, dapat maunawaan at maipapaliwanag ng mag-aaral ang:
(1) Ano ang ibig sabihin ng Hesus ay Mesiyas.
(2) Ang kapahayagan ng pananampalataya sa talatang “Panginoong Hesu- Kristo.”
(3) Ang katibayan para sa at ang kahalagahan ng pagiging tao ni Hesus.
(4) Ang katibayan para sa at ang kahalagahan ng pagka-Diyos ni Hesus.
(5) Ang kasapatan ng kamatayan ni Kristo para sa kapatawaran ng kasalanan.
(6) Ang Kahalagahan ng muling pagkabuhay sa pananampalataya ng Kristiyano.
(7) Isang pahayag ng mga paniniwalang Kristiyano tungkol kay Kristo.
Ang isa sa mga praktikal na layunin ng leksyong ito ay para matutunan ng mag-aaral kung ano ang sinasabi ng mga tao sa ibang mga relihiyon tungkol kay Kristo.
Pagkatapos ng pagkuha ng pagsusulit sa nakaraang leksyon, gamitin ang mga layunin mula sa leksyong iyon sa pagtatanong para sa pagbabalik-aral. Pagkatapos ay pumunta sa pagbasa sa talatang nasa ibaba.
Sama-samang basahin ang Pahayag 5:11-14. Ano ang sinasabi sa atin ng talatang ito tungkol kay Hesus?
Hinulaan ng Biblia na sa mga huling araw, darating ang mga bulaang mga kristo at mga huwad na propeta at lilinlangin ang marami. Maraming tao ang naglalagay ng kanilang pananampalataya sa mga huwad o di-totoong Kristo na hindi makapagliligtas sa kanila. Maaari mong makilala ang dalawa sa mga bulaang Kristo, na ipinakilala sa inyo ng mga Mormon at mga Saksi ni Jehovah.
Ang Hesus ng mga Mormon
Kung ang isang Mormon ay kakatok sa iyong pintuan, siya ay magdadala ng isang Hesus na espirituwal na kapatid na lalaki ni Lucifer. Ang Hesus na ito ay isa sa bilyun-bilyong mga sanggol na espiritu ng ating “Ama sa Langit” at ating “Ina sa Langit” na dinala sa mundong ito. Ayon sa mga Mormon, noong si Hesus ay namumuhay sa mundo, siya ay nagkaroon ng maraming asawa, isa sa mga ito ay si Maria Magdalena. Pagkatapos ng kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay, siya ay nagpunta sa America para mangaral sa mga Indians.
Ang Hesus ng mga Saksi ni Jehovah
Sasabihin sa iyo ng mga Saksi ni Jehovah na si Hesus ay si Miguel Arkanghel, ang unang nilalang, na naging isang tao at namatay sa isang tulos sa halip na isang krus. Siya ay lumaki bilang isang espiritung nilalang, at naging si Miguel Arkangel muli, habang ang kanyang katawan ay nalusaw at naging gas.
Ang Tunay na Hesus
Nakakatiyak ako na nakilala mo na ang mga kultong ito na may Hesus na naiiba mula sa Hesus ng Biblia, ngunit kaya mo bang ilarawan ang totoong Hesus ng Biblia? Marami sa mga Amerikano ang di ito kaya. Isang nakaraang pagsisiyasat ang nagpakita na kahit 80% ng mga Amerikano ang tumutukoy kay Hesus bilang “Hesus na Anak ng Diyos”, 40% lang ang naniniwala na siya ay Diyos, at 40% lang ang naniniwala na siya ay walang kasalanan. Ipinapakita nito na milyong bilang ng tao ang mayroong konsepto sa kaisipan ng maling Kristo, at hindi ito makapagliligtas sa kanila.
Kaya mahalaga para sa iyo na makatiyak sa iyong paniniwala tungkol kay Hesus at nang sa gayon ay hindi ka madadaya, at nang maipakilala mo siya sa iba.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung ano ang itinuturo ng ibang relihiyon tungkol kay Hesus tingnan ang parte sa dulo ng leksyon na ang pamagat ay “Ano Ang Sinasabi Ng Ibang Relihiyon.”
Si Hesus ang Mesiyas
► Ano ang ilan sa hula ng Biblia tungkol sa Mesiyas?
Ang apat na ebanghelyo ay nagpakilala kay Hesus bilang ang inaasahang Mesiyas ng Israel. Maraming bagay ang hinulaan sa Mesiyas. Siya ay magmumula sa lahi ni Haring David at samakatuwid ay karapat dapat na maging Hari. Ililigtas niya ang kanyang bayan mula sa pang-aapi at pagkakaalipin. Siya ay espesyal na hinirang ng Diyos upang magawa ang kanyang misyon. Ang salitang Mesiyas ay nangangahulugan ng ang “Nag Iisang Hinirang”.
Ang ilan sa mga pinakamahalagang detalye tungkol sa Mesiyas sa Lumang Tipan ay hindi malinaw na ipinaliwanag hanggang sa maisulat ang Bagong Tipan. Ang kanyang prayoridad ay upang iligtas ang kanyang bayan mula sa kasalanan.[1] Ang kanyang kaharian ay hindi dito sa lupa, kundi espirituwal at maka-langit,[2] Bagaman sa huli sasaklawin ng kanyang kaharian ang buong mundo.[3]
Ang salitang Mesiyas ay isang salitang Hebreo. Ang katumbas na Griego ay Christos, kung saan nakuha natin ang salitang Kristo. Kapag ginamit ang talatang “Kristo Hesus”, sinasabi natin na si Hesus ang Mesiyas.
Si Hesus ang Panginoon
Ginamit ng sinaunang iglesiya ang katagang Panginoon upang sabihin na si Hesus ang kataas-taasang kapangyarihan. Kapag sinabi nila na "Si Hesus ang Panginoon," sinasabi nila na siya ang Panginoon ng lahat, ang Manlilikha at Diyos ng sanlibutan. Ito ay naging mahalagang pahayag ng pananampalataya na nagbukod sa mga Kristiyano sa iba, dahil sila lamang ang naniniwala na ang taong si Hesus na lumakad sa lupa ay siya ring nag-iisang Diyos sa lahat.
Ang mga salitang "Panginoong Hesu-Kristo" ay gumagawa ng isang mahusay na pahayag, dahil sinasabi nila na si Hesus ay ang Mesiyas at siya din ay Diyos. Lahat ng tatlong salita ay nasa Filipos 2:10-11. Ang mga talata ay nagsasabi sa atin na darating ang panahon na ang lahat ng nasa mundo ay magsasabi na si Hesu-Kristo ang Panginoon.
Tatlong Espesyal Na Mga Araw
Ang ating mga pangunahing paniniwala tungkol kay Hesus ay maaaring hatiin sa tatlong kategorya, na konektado sa tatlong espesyal na araw na ipinagdiriwang natin.
Ipinagdiriwang Natin ang Pasko dahil sa kanyang Pagkakatawang-Tao
Ipinagdiriwang sa araw ng Pasko ang kapanganakan ni Hesus sa isang inang birhen, sapagkat si Hesus ay ipinaglihi ng Banal na Espiritu.[1] Kahit na si Hesus ay tao sapagkat siya ay ipinanganak ng isang babae, siya rin ang Diyos mismo, ang Lumikha ng sanlibutang pinasok niya. Ito ay nakamamangha ngunit totoo: samantalang si Hesus ay isang sanggol, hawak ng kanyang inang si Maria ang isang lumikha sa kanya.
Ang terminong Anak ng Diyos ay ginagamit sa mga mananampalataya at sa mga anghel,[2] ngunit si Hesus ang Anak ng Diyos sa natatanging paraan.[3] Siya ang tanging tao na lubos na nakikibahagi sa likas na katangian ng Ama. Siya ay ganap na imahen ng Ama na siya ay Diyos katulad ng Ama.[4]
Ang kalikasan ng Diyos at kalikasan ng tao ay magkasamang dumating sa katauhan ni Hesus. Ito ay tinatawag na pagkakatawang-tao, na nangangahulugan ng pagkuha ng Diyos sa katawan ng tao, at naging isang tao. Si Hesus lamang ang maaaring maging Tagapagligtas natin sapagkat siya lamang ang tanging tao sa sanlibutan na parehong tao at Diyos.
Si Hesus ay isang Tao.
Hindi mahirap kilalanin ang Hesus ng Bagong Tipan bilang tunay na tao. Siya ay ipinagdalang-tao sa sinapupunan ng isang ina, lumaki, natuto, at nahubog bilang isang tao.[5] Siya ay napagod, natulog, tinukso, at ginawa ang halos lahat ng bagay na ginagawa ng mga tao, maliban sa pagkakasala. Siya rin ay namatay. Siya ay tunay na nakabilang sa lahi ng tao sa pamamagitan ng pagiging isa sa atin.[6]
► Bakit mahalaga na si Hesus ay naging tao?
Dahil si Hesus ay isang tao (1) Siya ay maaaring magdusa at mamatay bilang isang handog.
Dahil si Hesus ay isang tao (2) Ang kanyang matuwid na buhay ay pwedeng maging kapalit sa lugar ng ating makasalanang buhay. Ang unang Adan ay kumakatawan sa lahat ng sangkatauhan nang siya ay nagkasala at nahiwalay sa Diyos. Ito ay nagdulot ng kamatayan sa lahat ng tao. Si Hesus ay nabuhay ng walang kasalanan at tinupad ang lahat ng hinihingi ng Diyos. Ibinibigay Niya ang buhay na walang hanggan sa lahat ng tao na nakikiisa sa kanya. Tinatawag siyang ang huling Adan sa Kasulatan.[7]
Kinakailangan para sa kanya na maging isang tao upang magkaroon ng pakikipagkasundo sa pagitan natin at ng Diyos.[8] Ang kanyang gampanin bilang pari ay nagbibigay ng Walang-hanggang kaligtasan.[9] Ang pagiging tao ni Hesus ay isang mahalagang bahagi ng ebanghelyo.[10]
Para sa karagdagang biblikal na ebidensya na si Hesus ay isang tao, tingnan ang kahong "Katunayan ng Kasulatan sa Pagkakatawang tao ni Hesus" malapit sa katapusan ng leksyong ito.
Si Hesus ay Diyos.
Inaangkin ni Hesus na siya ang Diyos.
Ang Hesus ng Biblia ay hindi basta lamang isang tao, gayunpaman, Siya rin ang walang katapusang (walang limitasyon) Diyos ng sanlibutan. Si Hesus mismo ang nag-angkin. Sinabi niya, "Ako at ang Ama ay iisa."[11] Nang sabihin niya ito, sinimulan siyang batuhin ng mga Hudyo, sapagkat naunawaan nila siya na nagsasabi na siya ay katumbas ng Diyos. Sinasabi ba ni Hesus sa kanila,"Hindi, hindi mo ako nauunawaan, Hindi talaga ako ang Diyos!"? Hindi. Tinanggap ni Hesus ang kanilang pagkakaunawa sa kanyang salita. Itinuro Niya na siya ay katumbas ng Diyos Ama.
Nang sabihin ni Hesus, "Bago si Abraham, ako’y AKO na,”[12] inaangkin niya na siya ang AKO ng Exodo 3:14, ang siyang umiiral na Diyos ng sanlibutan.[13] Sinubukan ng mga Hudio na batuhin Siya dahil rin sa kanyang mga inaangkin.[14]
Nagpakita si Hesus ng mga gawain ng Diyos habang nasa lupa.
Nagpakita si Hesus ng mga maka-Diyos na gawain habang nasa lupa. Ibinigay Niya ang buhay na walang hanggan.[15] Pinatawad Niya ang mga kasalanan.[16] Mga bagay ito na tanging ang Diyos lamang ang makagagawa.
Nang patawarin ni Hesus ang mga kasalanan ng paralitiko, pinagaling niya ang lalaki upang patunayan na siya ay may "kapangyarihan sa lupa upang patawarin ang mga kasalanan."[17] Ang isang gawa ay patunay ng isa pa, na nagpapatunay na hindi ginawa ni Hesus ang himala ng pagpapagaling bilang isang propeta lang na hinirang ng Diyos. Si Hesus ay may banal na awtoridad at kapangyarihan kapwa upang magpatawad at magpagaling.[18]
Binuhay din Niyang muli si Lazaro pagkatapos ng pagsasabing, "Ako ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay."[19] Ito ay isa pang pagkilos ng Diyos na sinamahan ng isang banal na pahayag. Tanging ang Diyos ang may karapatang mag-angkin na Siya ang "Muling Pagkabuhay” dahil ang kapangyarihan ng Diyos lamang ang maaring bumuhay kaninuman mula sa mga patay. Ipinahayag ni Hesus na siya ang "Tagapagbigay-buhay" at pagkatapos ay binigyan si Lazarus ng buhay, na nagpapakita na siya nga ayon sa kanyang ipinahayag at inangkin. Sa pangyayaring ito, maliwanag na ibinukod ni Hesus ang kanyang sarili mula sa iba pang mga propeta at mga apostol na bumuhay sa mga tao mula sa patay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Walang isa man sa mga ito ang nagpahayag na mayroon silang sariling kapangyarihan upang gawin ang mga himala. Sila ay mga instrumento lamang ng Diyos. Sa Juan 5:21, sinabi ni Hesus na binubuhay niya ang mga patay tulad ng pagbuhay ng Ama sa mga patay.
Nang isinagawa ni Hesus ang kanyang mga himala, "ipinakita niya ang kanyang kaluwalhatian,"[20] ang"kaluwalhatian bilang nag-iisang bugtong na Anak ng Ama, puno ng biyaya at katotohanan."[21] Ang mga himalang ito ay mga demonstrasyon ng maluwalhating kapangyarihan ng Diyos Anak, nagpapatunay na siya ay Diyos.
Si Hesus ay Manlilikha at Tagapagtaguyod.
Ayon sa mga Apostol na sina Juan at Pablo, nilikha ni Hesus ang lahat at hawak ang lahat ng bagay, at ang lahat ay nilikha para sa kanya.[22] Tiyak na hindi ito masasabi tungkol sa sinuman maliban sa Diyos.[23]
Mahalaga na malaman na si Hesus ay Diyos.
► Bakit mahalaga para sa atin na malaman na si Hesus ay Diyos?
Dahil si Hesus ay Diyos, (1) Walang hanggan ang halaga ng kanyang sakripisyong kamatayan - sapat na para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng sanlibutan. Dahil siya ay Diyos, (2) May kapangyarihan siya na iligtas tayo; Siya ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Dahil siya ay Diyos, (3) Dapat natin siyang sambahin tulad ng pagsamba natin sa Ama.
Kung tayo ay bigo na makita si Hesus bilang Diyos, hindi natin siya pararangalan bilang Diyos, na isang bagay na sinabi ni Hesus na dapat nating gawin. Sinabi Niya na “dapat igalang ng lahat ang Anak, katulad ng paggalang nila sa Ama.”[24] Hindi tayo maliiigtas kung hindi natin pinaparangalan ang Ama at ang Anak bilang Diyos.
Ang Kristiyanismo ay batay hindi lamang sa mga turo at mga pagkilos ni Hesus, kundi sa natatanging pagkatao ni Hesus. Hindi lamang siya ang guro ng mensahe ng kaligtasan. Siya mismo ang Tagapagligtas, at Siya lamang — ang Diyos-tao — ang maaaring maging Tagapagligtas.
Para sa karagdagang ebidensiyang Biblikal na si Hesus ay Diyos, tingnan ang kahon na "Katunayan ng Kasulatan sa PagkaDiyos ni Hesus" malapit sa katapusan ng leksyong ito.
Si Hesus ay Isang Persona.
Bagaman si Hesus ay may lahat ng likas na katangian ng Diyos at ng lahat ng kalikasan ng tao, hindi siya dalawang tao na pinagsama. Ang dalawang katangian ay bumuo ng isang tao sa kanya, sa perpektong pagkakasundo. Si Hesus ang isang Diyos-tao, at ang bawat kilos ni Hesus ay dapat na maunawaan sa liwanag ng kanyang buong pagkatao at buong pagka Diyos.
Ang simbahan ay laging nagtuturo na ang dalawang likas na katangiang nakay Hesus ay hindi maaring paghiwalayin sa isa't isa, ngunit hindi sila magkasama sa isang paraan na magiging sanhi ng alinman sa dalawang kalikasan ay mawalan ng sariling katangian nito.[25]
Maaaring makatulong na ihambing ang likas na katangian ni Hesus sa likas na katangian ng Banal na Kasulatan. Tulad ni Hesus, ang Biblia ay ganap na banal at ganap na tao. Bilang isang libro ng Tao, mayroon itong mga katangian ng mga iba pang libro ng tao, maliban na ito ay walang pagkakamali. Bilang banal, nagpapakita ito ng mga banal na katangian ng Diyos na wala sa ibang mga libro. Sa parehong paraan, ipinakita ni Hesus ang parehong katangian ng pagiging tao at bilang Diyos. Ang katotohanan na ang Biblia ay nagpapakita ng mga banal na katangian, ito’y hindi dahilan upang sabihing ito ay hindi isang aklat ng tao. Gayundin, ang katotohanang si Hesus ay kumikilos ayon sa kanyang pagkaDiyos ay hindi nakakabawas sa kanyang pagiging tao. At ang katotohanan na si Hesus ay kumikilos ayon sa kanyang pagiging tao ay hindi makakabawas sa kanyang pagiging Diyos.
Karaniwang Mga Kamalian sa Katuroan
Ang mga pinakakaraniwang pagkakamali sa katuroan na ginagawa ng mga tao kapag nagsasalita sila tungkol kay Kristo: (1) Ang pagtanggi na si Hesus ay Diyos, (2) Ang pagtanggi na si Hesus ay tao, (3) Hindi pagpapahalaga sa alinman sa kanyang pagkaDiyos o pagkatao na parang hindi iyon mahalaga, at(4) Pagtatangi sa pagkakaisa ng persona ni Kristo.
Ang alinman sa mga pagkakamaling ito ay talagang isang pagtanggi sa pagkakatawang-tao. Ang pagkakatawang-tao ay kinakailangan para sa ating kaligtasan. Kaya kung itinatanggi ng isang tao ang pagkakatawang-tao, mapupunta sya sa isang maling ebanghelyo at maling paraan ng kaligtasan.
Ang isang miyembro ng klase ay maaring mapili upang ipaliwanag ang impormasyon sa kahon sa ibaba.
[18] "Sumasampalataya ako ... sa isang Panginoong Hesu-Kristo, ang bugtong na Anak ng Diyos; nag-iisang Anak ng Kanyang Ama bago ang lahat ng mundo. Diyos ng Diyos, Liwanag ng Liwanag, Tunay na Diyos ng Tunay na Diyos, nag-iisang ipinanganak sa espiritu, hindi ginawa; pagiging kaisa ng sangkap sa Ama; sa kanyang pamamagitan nalikha ang lahat ng bagay."- Nicene Pundasyong paniniwala
[23] “Gaya ng paggamit ng Ama ng kapahayagan na Akoy AKO nga, ganoon din ang kay Kristo, sapagkat ito ay nagpapahiwatig ng tuloy-tuloy na pag-iral, hindi apektado ng panahon.” - John Chrysostom
[25]Ang Chalcedonian Pundasyong paniniwala (A.D. 451) ay nagsasabi na ang dalawang kalikasan ni Kristo ay hindi nagbabago, hindi mahahati, hindi mapaghihiwalay, at hindi nakakalito.
Ano Ang Sinasabi Ng Iba Pang Relihiyon
Sinasabi ng mga Saksi ni Jehova na si Hesus ay isang tao. Naniniwala sila na siya ang pinakadakilang tao na nabuhay, ngunit isang tao lamang. Kaya nga hindi sila naniniwala na ang kanyang kamatayan ay sapat na sakripisyo para sa ating kaligtasan. Mayroon silang ebanghelyo ng kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa. Inaangkin nila na sila ay mga Kristiyano, ngunit sila ay ibang relihiyon.
Naniniwala ang mga Mormons na si Hesus ay orihinal na isang espiritu na nilikha ng Diyos, tulad ng isang kapatid na lalaki kay Lucifer. Ipinadala siya upang ipanganak sa lupa bilang tao na si Hesus. Ang mga Mormon ay hindi naniniwala na si Hesus ay Diyos.
Ang mga Muslim ay naniniwala na si Hesus ay isang propeta na ipinadala ng Diyos. Hindi sila naniniwala na siya ay Diyos o mayroong Trinidad. Hindi sila naniniwala na siya ay ipinako sa krus o siya ay bumangon mula sa mga patay.
Naniniwala ang mga Hindu at Buddhist na si Hesus ay isang banal na tao na gumawa ng mga himala. Hindi siya mahalaga sa kanilang relihiyon. Hindi sila naniniwala sa isang Diyos na Maylalang at Panginooon, kaya hindi sila naniniwala na si Hesus ang pagkakatawang-tao ng Diyos.
Ipinagdiriwang Natin Ang Biyernes Santo dahil sa Pagbabayad-sala
Ang Biyernes Santo ay ang araw na si Hesus ay ipinako sa krus. Sa ganitong kakilala-kilabot at kamangha-manghang araw, pinasan ni Hesus ang ating mga kasalanan sa krus. Siya ay namatay bilang sakripisyo para sa ating mga kasalanan upang tayo ay mapatawad.
Kinakailangan Ang Sakripisyo.
Kailangang gumawa ng isang sakripisyo upang patawarin tayo ng Diyos at maging ganap at banal. Ang alintuntuning ito ay itinuro sa Lumang Tipan sa pamamagitan ng mga sakripisyo na kinakailangan ng Diyos.[1] Kung pinapatawad ng Diyos ang kasalanan nang walang batayan, ipahihiwatig nito na siya ay hindi makatarungan at ang kasalanan ay hindi masyadong seryoso. Ngunit walang maaring tumingin sa pagkamatay ni Hesus sa pamamagitan ng pagpapako sa krus at sabihin na ang kasalanan ay hindi seryoso. Ang sakripisyo niya ang nagbibigay ng batayan para sa ating kapatawaran.
Tanging si Hesus lamang ang maaring maging sapat na sakripisyo.
► Bakit si Hesus lamang ang nag-iisang maaaring maging sakripisyo para sa mga kasalanan?
Ang hustisya ng Diyos at ang kaseryosohan ng kasalanan ay nangangailangan ng higit na sakripisyo kaysa sa alinmang nilikhang bagay.[2] Nagkasala tayo laban sa Walang-hanggang Diyos, na nagdudulot sa atin ng Walang-hanggang pagkakasala. Iyan ang dahilan kung bakit si Hesus lamang ang maaring maging sakripisyo. Siya ay kwalipikado dahil siya ay Diyos at dahil siya ay tao. Dahil sa kanyang pagkaDiyos, siya ay walang kasalanan, at ang kanyang sakripisyo ay may walang katapusang halaga. Dahil sa kanyang pagiging tao, siya ay maaaring kumatawan sa atin at mamatay kapalit natin.
Ang dugo ni Hesus ay kumakatawan sa kaniyang masakripisyong kamatayan.
Tinuruan ng Diyos ang mga tao tungkol sa pagbabayad-sala sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga sakripisyo. Ang mga pari ay nagpapatay ng mga hayop at naghahandog ng kanilang dugo upang kumatawan sa kanilang kamatayan. Ang aklat ng Mga Hebreo ay nagsabi na kung walang dugo walang kapatawaran ng mga kasalanan.[3]
Inutusan sila ng Diyos na itrato ang dugo sa isang espesyal na paraan dahil kinakatawan nito ang buhay ng nilalang.[4] Ang "pagbuhos ng dugo" ay nangangahulugan ng pagpatay.[5] Ang paggamit ng dugo sa templo ay nangangahulugang isang hayop ang pinatay.
Ang kamatayan ni Kristo ay ang pinakapantapos na sakripisyo. Nagbigay ito ng kaligtasan na pwede para sa lahat sa lahat ng panahon.[6] Ibinigay niya ang kanyang dugo sa langit na kumakatawan sa kaniyang sakripisyong kamatayan.[7] Ang dugo ni Hesus ay nagbibigay sa atin ng kaligtasan dahil namatay siya bilang sakripisyo upang tayo ay maligtas.
Bakit namatay si Hesus sa krus sa halip na sa iba pang paraan? Sa panahon ng Lumang Tipan, isang tanda ng sumpa ng Diyos kapag ang isang tao ay ibibitin sa isang puno.[8] Sinasabi sa atin ni Apostol Pablo na ipinakita ni Hesus na kinuha niya ang sumpa ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapako ng kanyang sarili sa isang puno.
Pinagsama ni Hesus ang Diyos at tao.
Si Hesus ay dumating upang pagkasunduin ang dalawang hiwalay na mga partido — ang Diyos at ang tao. Bilang tagapamagitan, kinatawan ni Hesus ang parehong mga partido sa parehong oras. Bilang Diyos, siya ay kumakatawan sa Diyos para sa tao. Bilang tao, Siya ay kumakatawan sa tao para sa Diyos. Sa ganap na pagkatawan sa magkabilang panig, pinagsama ni Hesus ang tao at ang Diyos. Ginawa niya ang dapat gawin ng bawat panig upang magkaroon ng pagkakasundo.
Ipinagdiriwang natin ang Pasko ng Pagkabuhay dahil sa Muling Pagkabuhay
Maraming mga tradisyunal na paraan upang ipagdiwang ang Pasko ng Pagkabuhay, ngunit maraming tao ang hindi nauunawaan ang kahulugan ng mga bagay na kanilang ginagawa, at marahil hindi nila alam kung ano ang kahalagahan ng muling pagkabuhay ni Hesus. Si Hesus ay bumangon mula sa libingan noong umaga ng Pasko ng Pagkabuhay, sa ikatlong araw pagkatapos na siya ay ipinako sa krus. Ito ay nagpapakita na siya ay may kapangyarihan sa kasalanan, kamatayan, at sa diyablo. Hindi lamang niya kinuha ang ating kamatayan, ngunit napagtagumpayan niya ito sa pamamagitan ng buhay. Dahil siya ay nagtagumpay, pwede rin tayong magtagumpay!
Si Hesus ay muling nabuhay na may katawan.
Minsang sinabi ni Hesus sa mga Hudio,"Wasakin nyo ang templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay itatayo ko ito." Bagaman naisip ng mga Hudio na tinutukoy niya ang templo na itinayo ni Herodes, ipinaliwanag ng Ebanghelyo ni Juan na ang tinutukoy ni Hesus ay ang kanyang katawan.[1] Ang lahat ng mga Ebanghelyo ay nagtala ng katotohanan na ang libingan ni Hesus ay walang laman pagkatapos ng tatlong araw na siya ay inilibing. Ipinakita ni Hesus ang kanyang sarili sa mga disipulo pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay, na sinasabi, "Hawakan mo ako, at tingnan mo, sapagkat ang espiritu ay walang laman at mga buto na nakikita mo na mayroon ako.”[2] Pinatutunayan niya na pisikal na nabuhay siyang muli mula sa mga patay.
► Anong pagkakaiba ang magagawa nito kung hindi muling bumangon si Hesus mula sa mga patay?
(1) Ang muling pagkabuhay ng katawan ni Hesus ay nagpapakita ng kanyang lubusang tagumpay laban sa kasalanan at kamatayan.[3]
(2) Ang muling pagkabuhay ng katawan ni Hesus ay nagpapatunay na siya ang inaangkin niya.[4] Sa gayon ay pinatunayan din nito ang ebanghelyo. Ang mga taong tumanggi na si Hesus ay bumangon mula sa mga patay ay itinatanggi din ang ebanghelyo.[5]
(3) Ang muling pagkabuhay ni Hesus ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na tayo rin ay muling bubuhayin mula sa mga patay. Nangako si Hesus na ibabangon niya ang mga patay, ngunit ito ay hindi magiging kapani-paniwala maliban kung siya mismo ang bumangon.[6] Tayo ay bubuhayin upang magkaroon ng mga katawan tulad ng niluwalhating katawan ni Hesus.[7]
Si Hesus ay tao pa rin.
Ang muling pagkabuhay ay nagpapakita sa atin na ang pagkakatawang-tao ay permanente. Si Hesus ay laging mananatiling tao at gayundin sa pagiging Diyos. Idinagdag ng Diyos ang kalikasan ng tao sa kanyang sariling kalikasan para sa walang hanggan, upang maibalik ang kanyang mga nilalang sa isang relasyon sa pag-ibig sa kanyang sarili. Si Hesus, ang Diyos-tao, ngayon ay namamagitan para sa atin sa Ama,[8] at sa darating na panahon ay babalik upang dalhin tayo sa langit.[9]
Nagpapasakop tayo Kay Hesus dahil sa Kung Sino Siya at Kung Ano Ang Kanyang Ginawa.
Bilang mga mananampalataya, nabubuhay tayo sa pang-araw-araw na pakikipagrelasyon kay Kristo. Siya ay hindi lamang isang tao sa kasaysayan, at hindi lamang Diyos na nasa langit, kundi siya ay kasama natin. Nangako siya na lagi siyang kasama ng kanyang mga alagad.[1]
Siya ay naroroon sa isang espesyal na paraan sa iglesia. Siya ang ulo ng iglesia, at ang iglesia ang tinatawag na kanyang katawan.[2] Pinapatnubayan niya ang iglesiya, pinagbubuklod nang sama-sama, at naglalaan para dito.[3]
Ang isang tao na tumatanggap ng mga katotohanang ibinabahagi natin tungkol kay Hesus ay kailangang tumugon sa katotohanang iyon nang may pananampalataya at pagsunod. Maaari mong tulungan ang iba na maging mga mananampalataya gamit ang panalangin tulad ng nasa ibaba.
“Ama, pinasasalamatan kita sa pagmamahal sa akin nang sapat upang ipadala ang iyong Anak na si Hesus sa mundo para sa akin. Naniniwala ako na si Hesus ang walang kasalanang Diyos-na-tao na namatay at muling nabuhay upang mapatawad ako sa aking mga kasalanan at maibalik sa isang relasyon sa iyo. Lubos akong humihingi ng kapatawaran sa lahat ng kasalanan na ginawa ko. Nalalaman ko na ang aking mga kasalanan ang nagpako kay Hesus sa krus. Ngayon ay lumalayo ako sa lahat ng alam kong mali, at tinatanggap ko si Hesus bilang aking Panginoon at tagapagligtas. Gabayan ninyo ako simula ngayon. Ako ay mamumuhay para sa iyo magpakailanman! Salamat sa pagpapatawad sa akin. Mahal kita. Amen.”
Ang dalawang kahon ng impormasyon sa ibaba ay opsyonal. Maaaring pag-aralan ng klase ang mga ito kung nais nila ang karagdagang patunay ng Biblia para sa mga puntong ito.
Patunay sa Kasulatan Tungkol sa Pagiging Tao ni Hesus
Si Hesus ay isang inapo ni Eva (Genesis 3:15), binhi ni Abraham (Genesis 22:18 – ihambing sa Mga Gawa 3:25), ipinanganak mula sa isang babae (Galacia 4:4), ipinanganak ni Maria (Mateo 1:21-25), tinawag na Anak ng Tao (Mateo 13:37), at dumaan sa ordinaryong proseso ng pagtanda (Lukas 2:40, 52).
Nang bumalik siya sa kanyang sariling bayan upang bumisita, ang reaksyon ng mga tao doon ay nagpapakita na ang kanyang pagkabata ay normal/pangkaraniwan. (Mateo 13:54-56).
Mayroon siyang katawan upang sumunod bilang isang tao (Hebreo 10:5-9); naging laman at dugo (Hebreo 2:14); ginawa siyang tulad natin upang siya ay magdusa tulad natin (Hebreo 2:10-18); siya ay ganap sa pamamagitan ng paghihirap (Hebreo 2:9-10); at siya ay tinukso tulad ng isang tao (Hebreo 4:15).
Kinuha niya ang anyo ng tao (Filipos 2:6-8).
Siya ang Walang-hanggang Salita ng Diyos, at naging laman at nanirahan sa mundo. (Juan 1:14).
Ang pagiging tao ni Hesus ay isang mahalagang pahayag ng pananampalatayang Kristiyano (1 Juan 1:14, 4:2-3).
Katunayan Ayon sa Kasulatan ng Pagka-Diyos ni Hesus
May tatlong paraan na si Hesus ay napatunayang Diyos: (1) Siya ay tinatawag na Diyos, (2) Siya ay ipinakita na mayroong mga katangian ng Diyos, at (3) Siya ay ipinakita sa mga tungkulin ng Diyos.
Si Hesus ay tinawag na Diyos.
Sinasabi sa Juan 1:1, 14, na ang Walang-hanggang Salita ay Diyos. Ang Juan 12:41 ay nagsasabi sa atin na nakita ni Isaias si Hesus. Sinabi sa Mga Gawa 20:28 na ang iglesia ng Diyos ay binili gamit ang kanyang sariling dugo. Sinasabi ng Roma 9:5 na si Kristo ay dumating, ang pinagpalang Diyos magpakailanman. Tinukoy siya ng Tito 2:13 bilang ating Diyos at Tagapagligtas na si Hesu-Kristo. Sinasabi ng Isaias 7:14 na ang kanyang pangalan ay nangangahulugang "ang Diyos ay kasama natin." Sinasabi ng Isaias 9:6 na ang kanyang pangalan ay tatawaging Makapangyarihang Diyos. Sinasabi ng 1 Timoteo 3:16 na ang Diyos ay nahayag sa laman, ipinangaral, at tinanggap sa kaluwalhatian. Sa Juan 10:30, 33, sinabi ni Hesus na siya ay katulad ng Ama. Sa Juan 5:17-18, alam ng mga Hudio na sinabi niya na siya ay katumbas ng Diyos. Sa Juan 14:9 sinabi niya,"Kung nakita mo ako nakita mo na rin ang Ama." Sa Juan 20:28, nakita ni Tomas ang kanyang mga sugat at sinabing, "Panginoon ko at aking Diyos," at pinagpala ni Hesus ang mga naniniwala. Sa Juan 8:58, tinawag niya ang kanyang sarili Ako’y AKO, at alam ng mga Hudio na ito ay isang pag-angkin na siya ay Diyos. Sa Pahayag 1:8, 11, 17-18, sinabi Niya na siya ang Una at ang Huli, at ang Isaias 44:6 ay nagpapakita na ito ay isang kataga para sa Diyos. Ang Hebreo 1:2-3 ay nagsasabi sa atin na siya ang kumpletong imahen ng Ama. Sa Hebreo 1:8, siya ay tinawag bilang Diyos.
Si Hesus ay may mga katangian ng Diyos.
Sa Mateo 18:20, sinabi ni Hesus na siya ay naroroon kung saan magkasama ang dalawa o tatlong mananampalataya. Sa Mateo 28:20, ipinangako niyang lagi siyang kasama ng mga mananampalataya.
Sinasabi ng Hebreo 1:3 na lahat ng mga bagay ay hawak niya sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Sinasabi ng Filipos 3:21 na ibinubuhos niya ang lahat sa kanyang sarili.
Sinasabi sa atin ng Hebreo 13:8 na siya ay walang hanggan na di nagbabago. Sinasabi rin sa Hebreo 1:12 na siya ay hindi nagbabago magpakailanman, at ito’y isang talata ng Awit 102:25-27 tungkol sa Diyos.
Sinasabi sa Juan 2:24-25 na kilala niya ang lahat ng tao, at alam kung ano ang nasa kanilang puso. Sa Juan 10:15, sinabi niya na kilala niya ang Ama katulad ng Ama na kilala siya.
Si Hesus ay may mga tungkulin ng Diyos.
Si Hesus ang Manlilikha (Colosas 1:16, Hebreo 1:10).
Pinatawad ni Hesus ang kasalanan (Lucas 5:20-24, Marcos 2:10, 7:48).
Si Hesus ang tagahatol sa huling paghuhukom (Mateo 25:31-46, 2 Corinto 5:10).
Si Hesus ay sinamba katulad ng Ama (Juan 5:22-23, Hebreo 1:6, Pahayag 5:12-13).
Pagpapahayag ng mga Paniniwala
Dapat basahin ng klase ang "Pagpapahayag ng mga Paniniwala" ng magkakasama nang hindi bababa sa dalawang beses.
Pagpapahayag ng mga Paniniwala
Si Hesus ang Mesiyas at Panginoon ng lahat, ang Anak ng Diyos na ipinanganak ng isang birhen, taglay ang lahat ng kalikasan ng tao at ang lahat ng maka-Diyos na kalikasan sa isang persona. Siya ay namuhay nang walang kasalanan at namatay bilang sakripisyo upang ang ating mga kasalanan ay mapatawad. Siya ay bumangon mula sa mga patay at muling bubuhayin ang lahat ng mga mananampalataya kapag siya ay bumalik. Ang kanyang kaharian ay unibersal at walang katapusan.
Leksyon 7 Takdang Aralin
Ang bawat mag-aaral ay dapat na italaga sa isa sa mga talata na nakalista sa ibaba. Bago ang susunod na sesyon ng klase, dapat niyang basahin ang talata at magsulat ng taludtod tungkol sa sinasabi nito tungkol sa paksa ng leksyong ito.
Para sa Talatang Takdang-Leksyon
Marcos 1:1-12, Juan 5:19-26, Juan 6:44-51, Juan 8:51-59, Pahayag 1:12-18, Mga Gawa 2:22-36
Dapat ipaalala sa mga mag-aaral ng hindi bababa sa pitong beses habang kasalukuyan ang kursong ito ang bawat mag-aaral ay dapat magturo ng isang leksyon o bahagi ng isang leksyon sa mga taong hindi kasama sa klase. Dapat mag-ulat ang mga mag-aaral sa lider ng klase tuwing magtuturo sila para sa takdang-leksyon.
Leksyon 7 Mga Tanong para sa Pag-aaral
(1) Ano ang prayoridad ng Mesiyas?
(2) Ano ang ibig sabihin ng unang iglesiya nang sabihin nilang "Si Hesus ay Panginoon"?
(3) Paano natatanging ang Anak ng Diyos si Hesus?
(4) Ano ang ibig sabihin ng si Hesus ay isang pagkakatawang-tao?
(5) Bakit mahalaga na si Hesus ay isang tao? (Tatlong dahilan)
(6) Bakit mahalagang maunawaan natin na si Hesus ay Diyos?
(7) Bakit kailangan ang sakripisyo?
(8) Bakit namatay si Hesus sa isang krus sa halip ng sa iba pang mga paraan?
(9) Ano ang kahalagahan ng muling pagkabuhay ni Hesus?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.