Kapag natapos ang leksyon, dapat nauunawaan at kayang ipaliwanag ng mag-aaral:
(1) Bakit mahalagang maunawaan ang kasalanan.
(2) Na ang kasalanan ay posible dahil sa malayang kalooban at hindi isang bagay na ginawa ng Diyos.
(3) Ang kahulugan at paglalarawan ng minanang kasamaan.
(4) Ang Biblikal na konsepto ng sinasadyang kasalanan.
(5) Ang kahulugan ng pagkakamali ng tao at ang tamang saloobin patungkol sa proseso ng paglagong espirituwal ng Kristiyano.
(6) Ang kahulugan ng pagkakasakit ng tao at ang pagkakaiba nito sa kasalanan.
(7) Isang pahayag ng paniniwalang Kristiyano tungkol sa kasalanan.
Isa sa mga praktikal na layunin ng leksyong ito ay upang higit na maunawaan ng mag-aaral ang pagbabalik-loob sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas malinaw na kahulugan ng sinasadyang kasalanan.
Pagkatapos kumuha ng pagsusulit tungkol sa nakaraang leksyon, gamitin ang mga layunin mula sa leksyong iyon sa pagtatanong para sa pagbabalik-aral. Pagkatapos, magtungo sa talatang babasahin sa ibaba.
Sama-samang basahin ang Genesis 3. Ano ang sinasabi sa atin ng talatang ito tungkol sa kasalanan?
Bakit kailangan nating Maunawaan ang Kasalanan?
► Bakit kailangan nating maunawaan ang kasalanan?
Sinasabi ng Biblia sa atin na ang kasalanan ang dahilan ng pagdurusa ng tao. Dumating ang kamatayan sa daigdig dahil sa kasalanan.[1] Dahil sa sumpa ng kasalanan, mayroong pagkakasakit, pagtanda, at pagdurusa. Ang mga kasalanang ginagawa ng tao tulad ng pagsisinungaling, pagnanakaw, pagpatay, pangangalunya, pag-aaway-away, paglalasing, at pang-aapi ang pumuno ng pagdurusa sa mundo. Ang mga gawa ng kasalanan ay nagmumula sa kasalanan sa puso, tulad ng pagkamuhi, pagnanasa, pagkainggit, pagmamataas at pagkamakasarili.
Dapat nating maunawaan ang kasalanan (1) upang maunawaan ang kalagayan ng mundo. Kung minsan hindi humahadlang ang Diyos sa kondisyon ng mundo tulad ng inaasahan natin. Kailangan nating maunawaan ang kasalanan (2) upang maunawaan ang mga prayoridad ng Diyos sa mundo.
Tumugon ang Diyos sa kasalanan ng tao nang may biyaya at pagliligtas. Kaya’t ang kasalanan ay dapat maingat na maipaliwanag. Dapat nating maunawaan ang kasalanan (3) upang maintindihan ang biyaya at kaligtasan.
Ang pagiging makasalanan ang kabaligtaran ng kabanalan at salungat sa debosyon sa Diyos. Upang ang isang tao ay maging banal at deboto sa Diyos, dapat siyang mahiwalay sa kasalanan. Dapat nating maunawaan ang kasalanan (4) upang maunawaan ang kabanalan.
Ang nilikha ng Diyos ay perpekto, at lahat ng bagay na nilikha niya ay walang depekto. Nang matapos ng Diyos ang paglikha, nakita niya na ito ay mabuti.[1] Samakatuwid, alam natin na ang kasalanan ay hindi dahil sa Diyos. May relasyon sina Adan at Eba sa Diyos, at ninanais nilang bigyang lugod ang Diyos. May kakayahan silang gawin ang lahat ng mabuti.[2]
Dumating si Satanas upang tuksuhin si Eba na gawin ang mali. Dahil dito, alam natin na mayroon nang kasalanan sa sanlibutan. Nahulog na sa kasalanan si Satanas. Subali’t hindi pa pumapasok sa sangkatauhan ang kasalanan o ang parte ng sannilikha na nasa ilalim ng kanilang awtoridad.
May malayang kalooban sina Adan at Eba. Posible ang kasalanan dahil nakagawa sila ng isang tunay na pagpili. Pinili nilang suwayin ang batas ng Diyos, at iyon ang naging simula ng kasalanan ng tao. Ang kasalanan ay hindi isang bagay na nilikha ng Diyos.
Ang unang pagkakasala ang naghiwalay sa sangkatauhan mula sa Diyos. Sinira rin ng kasalanan ang likas ng sangkatauhan.[3]Ang lahat ng batang isinilang pagkatapos nito ay nagtataglay na ng nasirang kalikasan at makakagawa na ng mga kasalanan.[4]
Nagdala ng sumpa sa sannilikha ang kasalanan.[5] Nagbago ang buhay dahil sa kasalanan.Nagsimula ang pagdurusa, pagtanda at kamatayan.[6] Naging mahirap ang gawain at ang pamumuhay. Puno ng di-pagkakasundo ang mga relasyon ng mga tao. Sa paglipas ng mga taon at dumami ang mga tao, ang resulta ng kasalanan ay dumami rin nang higit pa sa maaaring isipin nina Adan at Eba.
[2] “Ang pag-iisip ng tao sa kalagayang ito ay madilim, hiwalay sa nakapagliligtas na kaalaman tungkol sa Diyos, at ayon sa Apostol, walang kakayahan sa mga bagay napag-aari ng Espiritu ng Diyos.” - James Arminius, Twenty-Five Public Disputations, Disputation 11
► Paano mo ilalarawan ang makasalanang kalikasan ng tao na taglay na niya nang siya’y isilang?
Ang minanang pagiging likas na makasalanan ay ang kurapsyon ng kalikasang moral ng tao na inihihilig siya sa kasalanan mula pa sa kanyang pagkapanganak. Tinatawag din itong “orihinal na kasalanan”. Ito ang pagiging makasalanan ng ating kalikasan na taglay natin nang tayo’y ipanganak dahil sa kasalanan ni Adan.[1]
Ang mga masama na tao ay may gawi na maging masama mula pa sa pagkapanganak.[2] Ang kalikasan ng isang tao ay binaluktot na ng makasalanang gawi nang magsimula ang kanyang buhay. Ang isang tao ay nagsisimulang magkasala kapag nagsimula na siyang pumili. Ang gawi na maging makasalanan ay hindi isang bagay na natututuhan niya mula sa kanyang kapaligiran.
Sinabi ni David na siya’y hinubog sa kasalanan at ipinaglihi sa kasalanan.[3] Hindi niya ibig sabihin na ang kanyang ina ay gumawa ng mali. Ang ibig niyang sabihin ay kahit ang isang sanggol ay nabubuo pa lamang sa sinapupunan ng isang ina, ang kanyang kalikasan ay nasira na ng kasalanan.
Dahil sa nasirang likas ng tao, ang imahen ng Diyos sa mga tao ay nawasak. Ang bawat tao ay ipinanganak na taglay ang kalooban na nakasentro sa sarili at nakagawi tungo sa kasalanan.[4] Ang ating mga kalooban ay hindi malayang pumili ng tama malibang bigyan tayo ng Diyos ng pagnanais at kalakasan.[5]
Ang minanang kasamaan ang humihikayat sa mga kasalanan sa kalooban tulad ng pagmamataas, pagkainggit, pagkamuhi at di-pagpapatawad. Humihikayat din ito ng mga gawain ng kasalanan.
Natural na ang mga tao ay nagtataglay ng kalooban ng pagrerebelde laban sa awtoridad ng Diyos at galit sa kanyang mga batas. Hahatulan ang mga makasalanan hindi lamang sa kanilang mga makasalanang gawa kundi para rin sa kanilang saloobin ng pagrerebelde laban sa Diyos.[6]
Ang isang taong may likas na pagiging makasalanan ay natural na nakasentro sa sarili. Gusto niyang patunayan ang kanyang sariling kalooban sa halip na magtiwala sa awtoridad ng Diyos at ng iba. Nais niyang masiyahan ang kanyang sariling mga pagnanais sa halip na bigyang-lugod ang Diyos. May pagtitiwala siya sa kanyang sarili at ayaw niyang umasa sa Diyos. Ang kaniyang sariling tagumpay ay higit na mas mahalaga sa kanya kaysa sa kaluwalhatian ng Diyos.
Ang mga tao ay hindi lubusang nakikilalal ang tama mula sa mali, dahil nadiliman ang kanilang pag-iisip.[7] Likas nilang sinusunod ang direksiyon ng rebeldeng mundo, ang kontrol ni Satanas, at ang kanilang sariling makasalanang mga pagnanasa; at ipinapailalim nila ang kanilang sarili sa ng poot ng Diyos.[8] Ang kanilang natural na gawi ay patungo sa kasalanan sa bawat sandali.[9]
Ang lawak ng minanang pagiging makasalanan ay inilarawan sa teolohiya bilang lubos na pagiging makasalanan. Kung wala ang pagkakaibang ginagawa ng biyaya ng Diyos, walang magagawang mabuti ang tao, o magnais man lang na gumawa ng mabuti. Hindi niya magagawang magsisi o kaya’y hanapin ang Diyos.[10] Inilarawan siya bilang “patay sa mga pagkakamali at mga kasalanan.”[11]
Mahalaga ng malaman natin kung paano ang biyaya ng Diyos ay tumutugon sa minanang kasamaan. Una, ang kapangyarihan ng Diyos ay dapat may kasamang mensahe ng ebanghelyo, at nagbibigay sa isang taong naliligaw ng pagnanais at kakayahang tumugon sa ebanghelyo.[12] Pagkatapos, kapag naligtas na ang tao, siya ay inaalis na mula sa kontrol ng kasalanan.[13] Gayunman, ang impluwensiya ng minanang kasamaan ay nagpapatuloy sa isang bagong Kristiyano.
Ang impluwensiya ng minanang kasamaan sa Kristiyano ay nagpapakita sa iba’t-ibang paraan. (1) Ang bagong Kristiyano ay mahihirapan paminsan-minsan sa kanyang sariling kalooban sa panahon ng tukso. (2) Ang bagong Kristiyano ay makararamdam ng mga maling motibo na kailangan niyang labanan. (3) Ang bagong Kristiyano ay magkakaroon ng mga maling reaksiyon at pag-uugali na nangyayari na bago pa niya namalayan.
Dapat palakasin ang loob ng bagong Kristiyano upang hindi niya isuko ang kanyang pananampalataya. Maaari siyang mag-alinlangan kung siya nga ay tunay na ligtas dahil mayroon pa siyang mga pakikibaka tungkol sa mga maling motibo.
Dapat magkaroon ng tiyaga ang pastor sa mga bagong mananampalataya. Dapat niyang mapagtanto na hindi sila palaging Kristiyano sa lahat ng kanilang sinasabi at ginagawa. Maaaring hindi nila agad makikita ang suliraning nasa kanila pa. Kailangang palakasin ang kanilang loob upang ipanalangin ang paglilinis ng kanilang minanang kasamaan, subali’t nangangailangan sila ng sapat na oras upang maunawaan ito.
[1] Likas ba na ang tao ay puspos ng lahat ng uri ng kasamaan? Wala ba siyang anumang kabutihan? Siya ba ay lubos na bumagsak? Lubusan bang nasira ang kanyang kaluluwa? O, upang bumalik sa teksto, ay “bawat imahinasyon ng mga isipin ng kanyang puso ay patuloy na tanging kasamaan?” Aminin mo ito, at ikaw ay isang Kristiyano, ikaila mo ito, at ikaw ay isa ka pa ring hindi nakakakilala sa Diyos. - John Wesley, “The Doctrine of Original Sin”
Ang sinasadyang kasalanan ay ang layuning suwayin ang nakahayag na kalooban ng Diyos.[1] Ito ay kapag pinipili ng isang tao na gawin ang anumang bagay na alam niyang mali o kaya’y hindi gawin ang nalalaman niyang tama.
Ang kalikasan ng kasalanan ang nanguna sa bawat tao maliban kay Hesus upang gumawa ng mga gawa ng kasalanan.[2] Walang sinumang tao ang naging matuwid sa kanyang buong buhay.[3]
Sa Roma 3:10-19, mayroon tayong paglalarawan ng mga sumusunod sa kanilang sariling likas na walang pagkakaiba na gawa ng biyaya. Ito ay buhay na may pagrerebelde, pagkamuhi at pagkawasak.
May mga tao na tila hindi naman masama kahit noong bago pa sila magbalik-loob. Hindi sila mukhang gagawa ng nakakawasak, at nakakasamang kasalanan laban sa iba. Subalit ang mga taong ito ay mga makasalanan din, dahil pinipili nilang mabuhay ayon sa kanilang sariling pamamaraan sa halip na sumunod sa Diyos. Sinasabi ng Biblia na ang mga tao ay tulad ng mga tupang nagtungo sa kanilang sariling mga daan.[4]
Para sa tao na angkinin ang karapatan na piliin ang kanyang sariling paraan at itanggi ang kanyang Manlilikha ang karapatang gabayan siya ay ang pinakadiwa ng kasalanan. Ito ay pagrerebelde laban sa awtoridad ng Diyos. Ito ang kasalanan nina Adan at Eba, ang mga unang tao, nang sila’y matuksong maging kanilang sariling mga diyos, na nagsisikap na maging hiwalay sa Diyos.
Sa huling paghuhukom, ang mga makasalanan ay hahatulan ayon sa kanilang ginawang kasalanan at parurusahan sa lawa ng apoy.[5]
Ang isang makasalanan na nagsisisi at sumasampalataya sa ebanghelyo ay nagsisimulang mamuhay nang matagumpay laban sa sinasadyang kasalanan. Kapag bumigay siya sa mga tukso at gumawa ng kasalanan, maaari siyang magsisi at mapatawad tungkol dito, subali’t ang normal na buhay ng isang mananampalataya ay tagumpay laban sa kasalanan.[6]
Kung minsan nalalabag ng isang tao ang Salita ng Diyos nang hindi sinasadya o dahil sa kakulangan sa kaalaman.
Sa Levitico 4:2-3, makikita natin na ang isang tao ay kailangang mag-alay ng sakripisyo kapag napagtanto niya na nakagawa na siya ng isang bagay na mali. Dahil ang kamatayan ni Kristo ang pumalit sa lahat ng mga sakripisyo sa Lumang Tipan, alam natin na ang mga Kristiyano ay natubos na mula sa mga hindi sinasadyang mga paglabag.
Ang mga ito ay maaaring tawaging kasalanan sa dahilang ang mga ito ay hindi nakaabot sa lubusang pamantayan ng Diyos, subali’t ang mga ito ay hindi ang karaniwang tinatawag na kasalanan sa Biblia. Ang isang tumatawag dito ng kasalanan ay mahihirapang paghiwalayin ang pagkakamali ng tao at ang sinasadyang paglabag sa batas ng Diyos, at mayroong tamang damdamin ng responsibilidad bilang tao. Hinatulan na ng Diyos ang mga sinasadyang paglabag, subalit hindi ang mga pagkakamali lamang bilang tao.
Ang mga ito ay hindi maiiwasan hanggat limitado ang ating pag-unawa. Hindi nito sinisira ang ating relasyon sa Diyos dahil hindi naman ito sumasalungat sa ating pagmamahal sa Diyos. Sinabi ng Diyos na ang lubos na pagmamahal sa kanya ay tumutugon sa hinihingi niya sa atin.[1] Hindi natin pananagutan ang hindi natin nalalaman.[2]
Sa ating paglakad sa liwanag (ayon sa katotohanang alam natin), tayo ay nililinis mula sa lahat ng kasalanan.[3] Hindi natin dapat ikatakot na ang mga paglabag na hindi natin nalalaman ay sisira sa ating relasyon sa Diyos dahil nagtitiwala tayo sa pagbabayad-sala ni Kristo.
May isang bagay na ating natutuhan mula sa Levitico tungkol sa hindi sinasadyang paglabag. Kapag napagtanto natin na may nagawa tayong pagkakamali, dapat natin itong pagsisihan, hingin ang kapatawaran ng Diyos, at itama ang ating buhay upang maging buhay na nais ng Diyos.
Habang pinag-aaralan natin ang Salita ng Diyos, sinusunod ang Banal na Espiritu, nakikisama-sama sa ibang mananampalataya, at lumalago sa kaganapan, dapat nating patuloy na baguhin ang mga kaugaliang hindi sinasadyang lumalabag sa kalooban ng Diyos.
► Bakit kailangan nating malaman at gawin ng mas mabuti ang kalooban ng Diyos?
May ilang dahilan kung bakit dapat nating naising higit na maunawaan ang kalooban ng Diyos at mas lubusan itong sundin: (1) Ayaw nating gumawa ng anumang hindi nakalulugod sa Diyos, (2) May masamang bunga ang maling gawain kahit pa hindi ito sinasadya, (3) Kailangan nating maging mabubuting halimbawa bilang mga Kristiyano, at (4) Kung sinusubok nating iwasan ang kalooban ng Diyos, tayo’y nagkakasala.
Habang tayo’y lumalago sa ating pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, may mga pagkakataon na nakikita natin ang mga pagkakamali sa ating buhay. Kapag napagtatanto natin na mayroon tayong nagagawang mali, gayunman ay pinipili pa rin nating gawin iyon, hindi na ito simpleng pagkakamali lamang dahil sa kawalang kaalaman. Kung tumatanggi tayong magbago, ang maling gawaing iyon ay nagiging isang sinasadyang kasalanan.
Ang mga kahinaan ay pisikal o mental na mga limitasyon o mga pagkukulang. Ang bawat tao ay may kahinaan bilang tao. Dahil sa pagkahulog ni Adan sa kasalanan, at ang pagbaba ng sanlibutan dahil sa nagpapatuloy na kasalanan, tayo ay mas mahina sa pag-iisip, sa pisikal, at sa damdamin kaysa sa idinesenyo ng Diyos para sa atin.
Alam natin na ang kahinaan ay hindi isang klase ng kasalanan dahil kahit si Hesus ay may kahinaan din, subali’t wala siyang kasalanan.[1] Kinuha ni Hesus ang mga limitasyon ng sangkatauhan sa kanyang pagkakatawang-tao, at siya’y tinukso sa lahat ng paraan na tayo ay tinutukso. Sinasabi ng Kasulatan na siya ay nagutom, napagod, at nagdusa ng sakit. Bagaman kinuha ni Hesus ang mga limitasyon bilang tao, hindi siya kailanman gumawa ng anumang di-kalugod lugod sa Ama, dahil siya ay ginagabayan ng kanyang likas na pagka-Diyos at ng Banal na Espiritu.
Nagdiwang si Apostol Pablo dahil ang kanyang kahinaan ay isang pagkakataon upang maipakita ang kapangyarihan ng Diyos, subali’t alam natin na hindi siya nagsasalita tungkol sa kasalanan, dahil hindi siya maaaring magdiwang tungkol sa kasalanang nagpapatuloy sa kanyang buhay.[2]
Magtataglay tayo ng mga kahinaan habang tayo ay nasa mortal na katawan. Ang mga limitasyon sa ating pang-unawa ang nagiging dahilan na hindi maiiwasan ang mga pagkakamali. Hindi dahilan ang kahinaan upang mangyari ang sinasadyang kasalanan. Kapag pinipili nating magkasala, tayo ay guilty at hindi maaaring sisihin ang ating likas na pagiging tao. Hindi tayo hinahatulan ng Diyos dahil sa pagiging tao, kundi dahil sa paglalagay ng ating mga kalooban laban sa kanya.
► Bakit mahalagang makita ang pagkakaiba ng sinasadyang kasalanan at ng hindi sinasadyang mga paglabag?
Pagkakamaling Dapat Iwasan: Isang Hindi Malinaw na Pagkakahulugan ng Sinasadyang Kasalanan
May ilang mga tao na pinagsasama-sama ang sinasadyang kasalanan, minanang kasamaan, hindi sinasadyang paglabag, at kahinaan, at tinatawag ang lahat na kasalanan, nang walang pagkakaiba-iba.
Ang isang makasalanan ay nagsisisi kapag ikinalungkot niya ang kanyang mga kasalanan at handa niyang itigil ang mga ito. Ibig sabihin, nagsisisi siya sa sinasadyang kasalanan, dahil iyon ang magbabago sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.
Kung ibubukod natin ang sinasadyang kasalanan mula sa iba pang kategorya, mauunawaan natin ang kahulugan kapag ang isang mananampalataya ay may tagumpay laban sa kasalanan. Ang mga taong hindi pinagbubukod-bukod ang mga kategorya ay hindi naniniwala na posible ang tagumpay laban sa kasalanan.
Ang paglalarawan ng kaligtasan ayon sa Kasulatan ay nagkakaroon lamang ng tunay na kahulugan dahil sa mga pagkakaiba-ibang ito sa mga aspeto ng kondisyon ng tao. Upang maunawaan ang kaligtasan, kailangan nating maayos na maipaliwanag ang kasalanan.
Pagpapahayag ng mga Paniniwala
Dapat basahin ng sama-sama ng klase ang “Pagpapahayag ng mga Paniniwala” nang hindi bababa sa dalawang beses.
Pagpapahayag ng mga Paniniwala
Ang kasalanan ay nagsimula sa malayang pagpapasya ng unang nilikhang mga tao na suwayin ang Diyos. Ang lahat ng tao maliban kay Hesus ay nagmana ng kasamaan ni Adan at nagkasala rin sa mga paggawa ng kasalanan. Ang mga pagkakamali ng tao ay maaaring lumabag sa batas ng Diyos subali’t hindi nito sinisira ang ating relasyon sa Diyos. Ang bawat makasalanan ay pangwalang-hanggang hinahatulan kung hindi niya matatagpuan ang kapatawaran ng Diyos bago ang huling paghuhukom.
Leksyon 5 Takdang Aralin
Ang bawat mag-aaral ay dapat bigyan ng isang talata na nakalista sa ibaba. Bago ang susunod na sesyon ng klase, dapat niyang basahin ang talata at sumulat ng isang taludtod tungkol sa sinasabi nito tungkol sa paksa ng leksyon.
Para sa Talatang Takdang-Leksyon
Galacia 5:16-21, Efeso 5:1-8, Tito 1:10-16, Santiago 4:1-4, 2 Pedro 2:9-17, Roma 1:21-32, Roma 3:10-20
Dapat ipaalala sa mga mag-aaral ng hindi bababa sa pitong beses habang kasalukuyan ang kursong ito na ang bawat isa ay dapat magturo ng leksyon o bahagi ng leksyon sa mga taong hindi kabilang sa klase. Dapat iulat ng mag-aaral sa lider ng klase ang bawat pagkakataon na siya ay nagturo para sa takdang-leksyon.
Leksyon 5 Mga Tanong Para sa Pag-aaral
(1) Anu-ano ang mga apat na dahilan kung bakit kailangan nating maunawaan kung ano ang kasalanan?
(2) Paano natin malalaman na ang kasalanan ay hindi pagkakamali Diyos?
(3) Magbigay ng isang-pangungusap na kahulugan ng mga sumusunod: minanang kasamaan, sinasadyang kasalanan, hindi sinasadyang mga paglabag, at kahinaan.
(4) Bakit dapat nating naisin na mas maunawaan at gawing mas maigi ang kalooban ng Diyos?
(5) Paano natin malalaman na ang kahinaan ay hindi kasalanan?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.