Sa katapusan ng leksyong ito, dapat nauunawaan at kayang ipaliwanag ng mag-aaral ang:
(1) Ang layunin at gamit ng pundasyong paniniwala bilang Pagpapahayag ng mga Paniniwala.
(2) Ilang halimbawa ng mga pundasyong paniniwala ayon sa Biblia.
(3) Ang pinagmulan at nilalaman ng tatlong pangkasaysayang pundasyong paniniwala.
(4) Bakit kailangang panghawakan ng modernong Kristiyano ang pangkasaysayang Kristiyanismo?
(5) Isang Pagpapahayag ng mga Paniniwalang Kristiyano tungkol sa mga pudasyong paniniwala.
Isa sa mga praktikal na layunin ng leksyong ito ay upang ang mag-aaral ay magbigay ng pagpapahalaga sa pundasyong paniniwala ng naunang iglesiya bilang orihinal na Kristiyanismo.
Matapos kumuha ng pagsusulit mula sa naunang leksyon, gamitin ang mga layunin ng naunang leksyon para sa pagbabalik-aral. Pagkatapos, magtungo sa babasahing talata sa ibaba.
Sama-samang basahin ang 2 Juan. Ano ang sinasabi sa atin ng talatang ito tungkol sa kahalagahan ng orihinal na mga katuroan ng iglesiya?
Ang Pinagmulan ng mga Pundasyong Paniniwala
Ang pundasyong paniniwala ay isang buod ng mga mahahalagang paniniwalang Kristiyano. Maagang nakita ng iglesiya ang pangangailangan na bigyang buod ang mga katuroang Biblikal.
► Bakit kinakailangan ng iglesiya ang mga pundasyong paniniwala? Hindi ba sapat ang Biblia?
Laging may mga taong nagsasabing naniniwala sila sa Biblia, gayunman nagtuturo sila ng mga katuroang salungat sa Biblia. Ang iglesiya ay nakabuo ng mga Pangungusap ng Biblikal na katuroan na nagbukod sa tunay na Kristiyano mula sa mga huwad na katuroan.
Isa sa mga unang pangungusap ng katuroan ay “Si Hesus ang Panginoon” na ang ibig sabihin ay Si Hesus ay Diyos. Ang mga salitang.”Panginoong Hesu-Kristo” ay nagbibigay rin ng pahayag, na si Hesus ang Mesias (ang Kristo) at siya ay Diyos. Ang isang taong tumatanggi na magsabi na si Hesus ay Panginoon o gamitin ang mga salitang Panginoong Hesu-Kristo ay hindi isang Kristiyano.
Sa paglipas ng panahon, may mga taong nag-aangkin na sila ay Kristiyano, subalit hindi naniniwala na si Hesus ay tunay na tao.[1] Kaya’t sa sulat na 1 Juan, nakikita natin ang pundasyong paniniwala na, “Anumang espiritu ang hindi nagpapahayag na si Hesu-Kristo ay nagkatawang-tao ay hindi sa Diyos.”[2] Sinabi rin ng apostol na kung itinatanggi ng sinuman ang mahahalagang doktina ni Kristo, siya ay nagkakasala at hindi mula sa Diyos.[3]
Ang pinakaunang pundasyong paniniwala na nagpapahayag ng ilang pangungusap ay nasa 1 Timoteo 3:16:
“Ang Diyos ay nahayag sa katawang-tao,
pinawalang-sala sa Espiritu,
nakita ng mga anghel,
ipinangaral sa mga Gentil,
pinaniwalaan sa mundo,
at tinanggap sa kaitaasan sa kaluwalhatian.”
Hindi natin alam ang lahat ng mga usapin na kinakaharap ng 1 Timoteo, subalit binibigyang-diin nito ang pagiging Diyos at pagiging tao ni Hesus nang sabihin nitong ang Diyos ay ipinahayag sa katawan.
Ang maiikling pangungusap na ito ng pundasyong paniniwala ay nagsilbi ng isang layunin. Kung ang isang sinaunang Kristiyano ay makakikilala ng isa pang nagsasabi na naniniwala siya kay Hesus at naniniwala sa Biblia, maaaring itanong ng Kristiyano, “Naniniwala ka ba na si Hesus ang Panginoon?” o kaya’y “Naniniwala ka ba na dumating si Hesus at nagkatawang-tao? Kung sasabihin ng tao na “Hindi”, sagayun nalalaman ng Kristiyano na ang taong ito ay hindi talagang nakikilala o tinatanggap ang itinuturo ng Biblia.
Sa panahon ng mga unang daang taon pagkatapos ng Pentekostes, nakita ng iglesiya ang pangangailangan na gumawa ng malinaw na pahayag tungkol sa Trinidad, sa pagkakatawang-tao ni Kristo, at ang pagkakakilanlan sa Banal na Espiritu. Nagtatag sila ng mga pamantayang pankaturoan bilang depensa laban sa hidwang paniniwala. Ang mga pundasyong paniniwala na kanilang isinulat ay itinakda upang maging mga buod ng mga pangunahing katotohanan na pinaniniwalan ng bawat Kristiyano. Hindi kayang sakupin ng pundasyong paniniwala ang lahat ng usapin, subali’t ang isang tao ay hindi maaaring sabihing Kristiyano kung itatanggi niya ang alinman sa mga sinaunang pundasyong paniniwala dahil ang mga ito ay mga pagsisikap na bigyang kahulugan ang pananampalatayang Kristiyano.
Narito ang tatlo sa mga unang pundasyong paniniwala/buod ng paniniwala ng iglesiya.
[1] “Kinakailangan rin para sa Walang-hanggang kaligtasan na paniwalaan rin niya ng tumpak ang Pagkakatawang-tao ng ating Panginoong Hesu-Kristo. Dahil ang tamang pananampalataya ay, na pinaniniwalaan natin at ipinapahayag na ang ating Panginoong Hesu-Kristo, ang Anak ng Diyos, ay Diyos at Tao.” - Athanasian Pundasyong paniniwala
Ang Pundasyong paniniwala ng mga Apostol ay hindi isinulat ng mga apostol. Ito’y isinulat noong ikalawang siglo na may layuning ipahayag ang mga katuroan ng mga apostol.
“Sumasampalataya ako sa Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat, na may gawa ng Langit at lupa;
“At kay Hesu-Kristo, ang kanyang Bugtong na Anak,ang ating Panginoon; na ipinaglihi ng Banal na Espiritu, ipinanganak ni Birheng Maria; nagdusa sa ilalim ni Poncio Pilato; ipinako sa krus, namatay at inilibing; nanaog siya sa impiyerno; sa ikatlong araw muling nabuhay mula sa mga patay; umakyat siya sa langit, na naupo sa kanang kamay ng Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat; doon magmumula, paririto at huhukom sa nabubuhay at sa mga patay.
“Sumasampalataya ako sa Banal na Espiritu; sa Banal na Iglesiya Katolika; sa kasamahan ng mga santo; sa kapatawaran ng mga kasalanan; sa muling pagkabuhay ng katawan; at sa buhay na walang hanggan. Amen.”
Tila ang pundasyong paniniwala na ito ay naglalayong ilantad ang pagkakamali ng mga tumatanggi na si Hesus ay tunay na tao at isinilang ng isang birhen. Mayroon ding mga tumatanggi na si Hesus ay tunay na namatay at siya’y muling nabuhay mula sa mga patay.
Kaunti lamang ang sinasabi sa Pundasyong paniniwala ng mga Apostol tungkol sa Banal na Espiritu. Hindi iyon dahil sa hindi kilala ng iglesiya ang Banal na Espiritu; ito ay dahil ang mga hidwang paniniwala tungkol sa kanyang pagkakakilanlan ay hindi pa humahamon sa iglesiya. Ang salitang Katoliko ay simpleng nangangahulugan ng “unibersal/pang buong mundo” at ibig sabihin mayroong isang tunay na iglesiya.” Ang “Kapatawaran sa kasalanan” ay nagpapahiwatig ng kaligtasan ayon sa biyaya sa halip na sa pamamagitan ng gawa o ritwal.
Ang Pundasyong paniniwala ng Nicene
Itinatag ang Pundasyong paniniwala ng Nicene sa isang konseho ng iglesiya sa taong 325. Ang layunin nito ay protektahan ang mga katuroan ng pagiging Diyos ni Kristo at ng Banal na Espiritu. May ilang pangungusap na idinagdag pa mula sa konseho ng taong 381. Ang pundasyong paniniwala na ito ay patungkol sa ilang usapin na hindi pa lumilitaw sa unang pundasyong paniniwala.
“Sumasampalataya ako sa iisang Diyos, ang Amang Makapangyarihan sa lahat, ang May gawa ng langit at lupa at ng lahat ng bagay na nakikita at hindi nakikita.
“At sa isang Panginoong Hesu-Kristo, ang Bugtong na Anak ng Diyos, nagmula sa kanyang Ama bago pa ang lahat ng mundo, Diyos ng Diyos, Liwanag ng liwanag, PinakaDiyos ng PinakaDiyos, isinilang,hindi nilikha; na kaisa sa katangian ng Ama; sa pamamagitan niya nilikha ang lahat; na para sa ating mga tao at para sa ating kaligtasan ay bumaba mula sa langit, at ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu kay Birheng Maria, at naging tao; at ipinako sa krus para sa atin sa ilalim ni Poncio Pilato; nagpakasakit at inilibing; at sa ikatlong araw siya’y muling nabuhay ayon sa mga Kasulatan; at umakyat sa langit; at nakaluklok sa kanang kamay ng Ama; at siya’y muling paparito nang may kaluwalhatian, upang husgahan ang buhay at ang patay; na ang kaharian ay hindi magwawakas.
“At ako’y sumasampalataya sa Banal na Espiritu, ang Panginoon at Tagapagbigay ng Buhay, na nagmumula sa Ama at sa Anak; na kasama ng Ama at ng Anak ay sinasamba at niluluwalhati; na nagsalita sa pamamagitan ng mga propeta; at ako’y sumasampalataya sa iisang Katolika at Iglesiya Apostolika; kinikilala ko ang isang pagbabautismo para sa pagpapatawad ng mga kasalanan; at aking hinihintay ang muling pagkabuhay ng mga patay; at ang buhay sa mundong darating. Amen.”
► Ano ang ilang mga bagay na nakita mo sa pundasyong paniniwala na ito na wala sa Pundasyong paniniwala ng mga Apostol?
Nakikita natin dito ang mga pangungusap na pinalawak patungkol sa tatlong persona ng Trinidad. Ang lubos ng pagiging Diyos ni Kristo ay binigyang-diin sa paraang mababantayan iyon laban sa mga nag-aangkin na naniniwala sila kay Hesus bilang Diyos, gayunmay pinaliliit ang kanyang pagiging Diyos. Siya ay pangwalang-hanggan (“bago pa ang lahat ng mundo”), hindi nilikha, at binubuo ng anumang tinataglay ng Ama. Si Hesus ay dapat tukuying Diyos sa parehong kadahilanan na ang Ama ay tatawaging Diyos.
Dapat sambahin ang Banal na Espiritu at ang Anak na siyang nagpapatotoo na siya ay Diyos.
Ang Pundasyong paniniwala ng Chalcedonian
Ang Pundasyong paniniwala Chalcedonian ay isinulat noong taong 451. Ang layunin nito ay protektahan ang mga katuroan tungkol sa pagkakatawang tao ni Kristo. Ang mga salitang ginamit ay hindi madaling maunawaan, subali’t ang layunin ng mga sumulat ay protektahan ang katuroan ng lubos na pagiging Diyos at lubos na pagiging tao ni Kristo, na kung wala ang alinman sa aspetong ito ay masyadong pinaliliit hanggang sa mawalan ng kahulugan. Pansinin na sa dulo, isinaad ng mga sumulat na kanilang kinikilala ang mga katuroang ito na kapwa naaayon sa Kasulatan at tradisyon ng iglesiya. Hindi nila iniisip ang kanilang sarili bilang gumagawa ng mga bagong ideya, kundi ipinagtatanggol lamang nila kung ano ang sa simula pa’y pinaniniwalaan na ng iglesiya.
“Tayo, ngayon, sa pagsunod sa banal na mga Ama, sama sama sa iisang pasya, ay magtuturo sa mga tao na ipahayag ang nag-iisa at tanging Anak, ang ating Panginoong Hesu-Kristo, ang parehong perpekto sa Godhead at perpekto rin sa pagiging Tao; tunay na Diyos at tunay na tao na may makatwirang kaluluwa at katawan; parehas sa Ama ayon sa pagiging Diyos at parehas sa atin ayon sa pagiging tao; sa lahat ng bagay ay katulad natin, walang kasalanan; ipinaglihi bago pa man ang lahat ng panahon mula sa Ama ayon sa pagiging Diyos, at sa mga huling araw na ito, para sa atin at para sa ating kaligtasan, isinilang ng Birheng Maria, ang ina ng Diyos, ayon sa pagiging Tao; ang nag-iisa at parehong Kristo, ang Anak, ang Panginoon, ang Bugtong na Anak, na dapat kilalanin sa dalawang kalikasan, walang pagkalito, walang pagbabago, hindi mahahati, hindi mapaghihiwalay; ang pagkakaiba ng kalikasan ay hindi mawawala sa pamamagitan ng pagkakaisa, sa halip ang mga kakanyahan ng bawat kalikasan ay naingatan, at magkasama sa iisang Persona at isang Pamamalagi, hindi hiwalay o nahahati sa dalawang persona, kundi ang iisa at parehong Anak, ang tanging Bugtong na Anak, Ang Diyos na Salita, ang Panginoong Hesu-Kristo; kung paanong ang mga propeta mula sa simula ay tumukoy sa kanya, at ang Panginoong Hesu-Kristo mismo ang nagturo sa atin, at ang Pundasyong paniniwala ng mga banal na Ama na ipinamana sa atin.”
► May nakikita ba kayong ilang bagay na espesyal na binigyang-diin sa pundasyong paniniwala na ito?
Ang pagiging Diyos ni Kristo na pinatotohanan ng mga unang Kristiyano ay hindi isang bagay na taglay ni Hesus sa langit ngunit hindi dito sa lupa. Naniwala sila na siya’y isang tunay na nagkatawang-tao, ang Diyos sa laman. Lubos niyang tinataglay nang magkasama ang mga katangian ng Diyos at tao habang nasa lupa siya. Tinanggap nila ang kalikasang ito ni Kristo ang kanyang natatanging kuwalipikasyon bilang Tagapagligtas.
Ang Mga Pundasyong paniniwalao sa Kasalukuyan
Daang taon na ang lumipas mula nang magsimula ang iglesiya. Nagbago na sa maraming paraan ang mundo. Marami nang relihiyosong paniniwala ang nilinang.
May mga nag-iisip na walang katuroan ang dapat manatiling pareho sa simula. Sa pakiramdam nila malaya silang paniwalaan ang anumang nais nila at tinatawag pa rin nila ang kanilang sarili na Kristiyano.
► Kinakailangan ba nating paniwalaan ang sinaunang pundasyong paniniwala ng iglesiya?
Subali’t ang Diyos ng Biblia, na inilarawan sa mga sinaunang pundasyong paniniwala, ay hindi nagbabago. At nalalaman ng mga unang Kristiyano na iniligtas sila ng Diyos bilang tugon sa kanilang pananampalataya sa kanya. Ang mga pangungusap tungkol sa kalikasan ng Diyos at sa paraan ng kaligtasan ay mahalagang katuruan ng Kristiyano mula pa sa simula.
Hindi iyon nangangahulugan na ang isang tao ay hindi naliligtas malibang siya ay tumpak sa lahat ng kanyang katuroan. Hindi lahat ng katuroan ay kinakailangan para sa ebanghelyo. Hindi maitatanggi ng isang tao ang alam niyang totoo, subali’t maaari siyang magkamali sa ilang mga bagay.
Subali’t ang mga sinaunang pundasyong paniniwala sa leksyong ito ay tumutukoy lamang sa mga kinakailangang katuroan. Kapag ang iglesiya ay may pananaw tungkol sa Diyos na naiiba sa mga kinakailangang iyon, kailangan din nilang mag-imbento na ibang paraan ng kaligtasan, na ibang ebanghelyo. Kapag ginawa nila iyon, hindi nila dapat tawagin ang kanilang sarili na mga Kristiyano dahil nag-iimbento sila ng isang bagong relihiyon.[1]
Tunay, ang bawat tao ay malayang isipin kung ano ang nais niya, subalit kung wala siyang Kristiyanong paniniwala, hindi siya Kristiyano. Siya ay iba.
Sa unang ilang mga siglo walang mga denominasyon na tulad natin ngayon. Iisa lamang ang iglesiya. Kaya’t ang mga pundasyong paniniwala ay mga pangungusap ng buong iglesiya. Patuloy pa rin sa kasalukuyan, ang mga iglesiya gumagalang sa awtoridad ng Biblia ay nanghahawak pa rin sa mga punto sa mga pundasyong paniniwala, bagaman hindi sila nagkakasundo sa maraming ibang mga ideya.
Alam ng sinaunang iglesiya na ang relasyon sa Diyos ang pinakamahalagang bagay. Alam nila na sila’y naligtas dahil sa kanilang relasyon sa Diyos. Kaya’t napakahalaga sa kanila na tiyaking alam nila kung sino talaga ang Diyos.
Binibigyang babala tayo ng aklat ng Judas na dapat nating ipagtanggol ang pananampalatayang sa simula ay ipinagkaloob sa iglesiya.[2] Nawa-y basbasan ng Diyos ang kanyang katotohanan habang matapat nating ipinapangaral ang ebanghelyo, dinidisipolo ang mga mananampalataya, at sinasanay ang mga tinatawag niya sa ministeryo.
[1] Subalit ang anumang katuroang bago ay mali; dahil ang lumang relihiyon ang tanging tunay na relihiyon; at walang anumang katuroan ang magiging tama malibang ito ay katulad “ng nagmula pa sa simula.” - John Wesley, sa sermon may pamagat na “On Sin in Believers”
Pagkakamali na Dapat Iwasan: Pagkakanya-Kanya ng mga Denominasyon
Ang isang grupo ng mga iglesiya na nagkakaisa sa isang organisasyon ay tinatawag na denominasyon. Mayroong libong bilang ng denominasyon na nag-aangkin na sila ay Kristiyano. Mayroong libong bilang ng mga indipendiyenteng mga iglesiya na hindi kabilang sa alinmang denominasyon.
Kung minsan ang denominasyon ay nagsisimula sa pag-eebanghelyo. Kapag maraming nagbalik-loob (converts) sa isang rehiyon, at walang denominasyon na maaaring mag-alaga sa kanila, isang bagong denominasyon ang maaaring mabuo. Ang isang denominasyon ay maaaring magsimula sa gawain ng isang organisasyong pangmisyon sa isang partikular na bansa.
Kung minsan ang denominasyon ay nagsisimula sa isang grupo ng mga taong naniniwala na ang isang mahalagang katuroan ay itinatanggi o nakakaligtaan ng iglesiyang kinalalagyan nila. Nagsisimula sila ng isang bagong denominasyon na may intensiyon na maging tama sa kanilang katuroan. Sa paglipas ng panahon, nagpapatuloy sila sa pagbuo ng kanilang mga katuroan. Dahil nauunawaan nila ang Biblia sa ibang paraan sa iba pang grupo ng mga Kristiyano, ang mga katuroan ng kanilang denominasyon ay naiiba rin sa iba pang denominasyon.
Nabubuo rin ng mga denominasyon ang mga tradisyon tungkol sa wastong anyo ng pagsamba at detalye ng pamumuhay Kristiyano. Nagkakaiba-iba ang mga denominasyon sa kanilang mga tradisyon.
Karamihan sa mga denominasyong Kristiyano ay hindi nag-aangkin na sila lamang ang tanging tunay na iglesiya. Kapag ang isang organisasyon ay nag-aangkin na sila ang buong iglesiya ng Diyos sa lupa, hindi ito dapat pagtiwalaan.
Tinatanggihan ng mga di-mananampalataya ang Kristiyanismo dahil sa mga dibisyon at pagkakaiba-iba. Iniisip ng mga hindi mananampalataya na ang iba’t-ibang sekta ng Kristiyanismo ay lahat sumasalungat sa isa’t-isa. Maraming tao sa mundo ang nag-iisip na walang uri ng pagkakaisa sa mga Kristiyano.
Ang isang denominasyon o lokal na iglesiya na tunay na Kristiyano ay naniniwala sa mga katuroan ng mga unang pundasyong paniniwala ng mga Kristiyano. Ito ang pagkakaisang doktrinal na umiiral sa mga samahang Kristiyano. Maraming magkakaibang klase sa mas maliliit na isyung doktrinal at tradisyunal, subali’t hindi natin dapat sabihin na ang isang iglesiya ay hindi Kristiyano dahil sa mga pagkakaibang ito.
Pagkakamaling Dapat Iwasan: Hindi Pagkakaunawaan sa Personal na mga Pinaniniwalaan
Habang nabubuhay ang isang Kristiyano nang may relasyon sa Diyos, nakabubuo siya ng pag-unawa sa mga katotohanan ng Biblia. Hindi siya laging magkakaroon ng parehong konklusyon na tulad ng iba. Sa kanyang pagsasabuhay ng mga katotohanan sa pang-araw-araw na buhay, bubuo siya ng mga alituntunin para sa kanyang sarili na magiging iba sa ginagawa ng iba pang mga Kristiyano.
Habang nag-iisip ang isang tao tungkol sa kanyang mga pinaniniwalaan, hindi siya dapat magkaroon ng pakiramdam na malaya siyang tanggihan ang mga kinakailangang katuroan ng mga naunang Kristiyano maliban nagpapasya siyang hindi na siya isang Kristiyano.
Dapat ding paniwalaan ng isang Kristiyano ang mga nakatatag nang katuroan ng kanyang iglesiya. Kung naniniwala siyang ang mga katuroan ng kanyang iglesiya ay mali, hindi siya tunay na makapagtatalaga ng kanyang sarili bilang miyembro sa iglesiyang iyon.
Ang isang indibidwal na Kristiyano ay gagabayan ng mga katuruan ng kanyang iglesiya, subali’t magtataglay siya ng mga pansariling pinaniniwalaan na maaaring maiba kahit sa iba pang miyembro ng kanyang iglesiya. Karaniwan, ang pansariling pinaniniwalaan ay isang bagay na hindi direktang isinasaad sa Biblia; ito ang pagtatangka ng isang tao na ilapat ang katotohanan ng Biblia sa ilang usapin.
Ang bawat Kristiyano ay dapat matapat na ilapat ang katotohanan ng Biblia sa kanyang mga sitwasyon, subali’t hindi siya dapat maging madali sa paghusga sa iba sa kanyang mga sariling konklusyon. Tama lamang para sa atin na asahan na ang lahat ng Kristiyano ay hahawak sa mga katuroan ng mga unang pundasyong paniniwala. Tama para sa atin na asahan ang mga miyembro ng iglesiya na panghawakan ang mga katuroan ng kanilang iglesiya. Subali’t hindi tama para sa isang Kristiyano na asahan ang iba na sumang-ayon sa lahat ng kanyang mga pansariling mga paniniwala.
Pagpapahayag ng mga Paniniwala
Dapat basahin nang sama-sama ng klase ang “Pahayag ng Paniniwala” nang hindi bababa sa dalawang beses.
Pagpapahayag ng mga Paniniwala
Sinasabi sa atin ng Kasulatan na panghawakan at ipagtanggol ang mga orihinal na katuroan ng Kristiyanismo. Ipinahayag ng mga sinaunang Kristiyano ang mga paniniwala na kinakailangan para sa ebanghelyo at sa ating relasyon sa Diyos. Ang mga pangungusap na iyon ay patuloy na naglalarawan ng mga kinakailangan sa Kristiyanismo.
Leksyon 15 Takdang Aralin
Ang bawat mag-aaral ay dapat bigyan ng takdang leksyon na isa sa mga talatang nakalista sa ibaba. Bago ang susunod na sesyon sa klase, dapat niyang basahin ang talata at sumulat ng isang taludtod tungkol sa sinasabi nito tungkol sa paksa ng leksyong ito.
Para sa Talatang Takdang-Leksyon
(Tito 1:7-14) (Judas 3-13) (1 Timoteo 4:1-7) (1 Timoteo 3:16) (1 Juan 4:1-3, 14-15, at 5:12)
Dapat ipaalala sa mga mag-aaral ng hindi bababa sa pitong beses habang kasalukuyan ang kursong ito na ang bawat mag-aaral ay dapat magturo ng isang leksyon o bahagi ng isang leksyon sa mga taong hindi kabilang sa klase. Dapat iulat ng mag-aaral sa lider ng klase ang bawat pagkakataon na siya ay nagturo para sa takdang-leksyon.
Leksyon 15 Mga Tanong Para sa Pag-aaral
(1) Ano ang pundasyong paniniwala?
(2) Ano ang dalawang pangungusap tungkol kay Hesus na kinakailangan para sa sinaunang mga Kristiyano?
(3) Ano ang unang pundasyong paniniwala sa Kasulatan na nagbibigay ng ilang mga pangungusap?
(4) Ano ang layunin ng Pundasyong paniniwala ng mga Apostol?
(5) Ano ang layunin ng Pundasyong paniniwala ng mga Nicene?
(6) Ano ang layunin ng Pundasyong paniniwala ng mga Chalcedonian?
Print Course
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.