Kapag natapos ang Leksyong ito, dapat nauunawaan at maipapaliwanag ng mag-aaral:
(1) Paano natin nalalaman na ang wangis ng Diyos sa sangkatauhan ay hindi pisikal na pagkakatulad.
(2) Walong katangian ng imahen ng Diyos sa sangkatauhan.
(3) Na ang mga tao ay espesyal na dinisenyo para sa relasyon sa Diyos.
(4) Ang paraan kung paano ang tao ay may malayang kalooban.
(5) Na ang mga tao ay may Walang-hanggang kahalagahan higit pa sa kanilang praktikal na halaga sa buhay sa daigdig.
(6) Isang pagpapahayag ng Kristiyanong paniniwala tungkol sa sangkatauhan.
Isa sa mga praktikal na layunin ng leksyong ito ay ang maunawaan ng mag-aaral na hindi siya maaaring magkaroon ng lubos na kasiyahan bilang isang tao kung wala siyang relasyon sa Diyos.
Pagkatapos kumuha ng pagsusulit sa naunang leksyon, gamitin ang mga layunin ng leksyon iyon upang magbalik-aral. Pagkatapos, pumunta sa babasahing talata sa ibaba.
Sama-samang basahin ang Awit 8. Ano ang sinasabi sa atin ng talatang ito tungkol sa tao?
► Ano ang mga bagay na magkakapareho tungkol sa bawat tao sa mundo?
Isipin natin kung ano ang nagbibigay sa atin ng ating pagkakakilanlan. Ano ang ibig sabihin ng maging isang tao?
Magsisimula tayo sa Genesis 1:26. Mababasa natin doon: “Pagkatapos sinabi ng Diyos, ‘Lalangin natin ang tao sa ating imahen, ayon sa ating wangis.” Malinaw na mayroong bagay na espesyal tungkol sa pagiging bahagi ng pamilya ng tao.
Mayroong isang bagay tungkol sa ating kalikasan na katulad ng Diyos. Hindi tayo Diyos, subali’t may isang bagay na naghihiwalay sa atin mula sa lahat ng mga nasa mundo ng mga hayop at tayo’y nagiging katangi-tangi. Sa Awit 8:5, nagagalak ang sumulat dahil nilikha tayo nang “mas mababa ng kaunti sa mga anghel” at tayo’y “kinoronahan ng kaluwalhatian at karangalan.”
Binigyan ng Diyos ng espesyal na tungkulin ang mga tao upang pamahalaan ang mundo at ang mga nilalang na naninirahan dito.[1] Ang mga tao ay inaaasahang maingat na pamahalaan ang mundo upang maiwasan ang pagkawala ng mga nabubuhay na species, gamitin ng matalino ang mga resources, at lisanin ang mundo sa mabuting kalagayan para sa susunod na mga henerasyon.
Ang mataas na pananaw na ito sa sangkataunan ay tiyak na mabuti para sa ating paggalang sa sarili kaysa sa katuroan ng ebolusyon! Sa ebolusyon, walang espesyal na kahalagahan sa buhay ng tao, walang layunin, walang kahulugan, walang espesyal tungkol sa pagiging isang tao.
Ayon sa ilang mga sinaunang kuwento, ang mga tao ay aksidenteng nalikha, na walang layunin, at hindi minamahal ng sinumang manlilikha. Subali’t itinuturo ng Kasulatan na tayo ay isang espesyal na nilikha sa “wangis ng Diyos.” Ano ang kahulugan noon?
► Paano natin nalalaman na ang imahen ng Diyos sa tao ay hindi nangangahulugan ng pisikal na pagkatulad?
Ang imahen ng Diyos sa tao ay hindi nangangahulugan ng pisikal na pagkakatulad. (1) Ang Diyos ay espiritu. Napagtanto ni Solomon na ang Dios ay hindi kakasya maging sa buong langit at lupa man.[2] Maaaring ipakita ng Diyos ang kanyang sarili sa anumang anyo na naisin niya, subali’t walang isang anyo na maaari nating sabihing iyon ang hitsura ng Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit hindi tayo dapat gumawa ng mga imahen ng Diyos upang sambahin. Kahit (2) ang gumawa ng mga imahen niya na mukhang tao ay tinawag na pagsamba sa Diyos-Diyosan sa Biblia.[3]
(3) Ang tao ay pisikal na nakadisenyo upang mabuhay sa mundo, na may mga paa upang makalakad, mga kamay upang ikilos ang mga bagay, at paningin at pandinig para pakiramdam ang paligid. Nilikha tayo ng Diyos sa isang disenyo na nagbibigay kakayahan sa atin para sa buhay sa mundo. Subali’t nabubuhay ang Diyos sa buong sanlibutan, makakalikha at makakapagkilos ng mga bagay sa pamamagitan lamang ng kanyang Salita, at hindi nagtataglay ng mga alinman sa ating mga limitasyon. Walang dahilan upang isipin natin na siya ay nagtataglay ng pisikal na anyo ng tao.
Kinuha ng Anak ng Diyos ang kumpletong pagkakatulad sa tao nang siya’y magkatawang-tao, na siyang pinakadakilang karangalan na maaaring isipin para sa sangkatauhan.
Matagal na pinag-isipan ng mga teologo kung ano ang kahulugan ng ang tao ay nasa wangis ng Diyos at karamihan ay nagkakaisa sa mga sususunod na mga katangian.
Mga Elemento ng Imahen ng Diyos na Ibinigay sa Sangkatauhan
► Ano ang ilan sa mga katangian ng tao na sumasalamin sa imahen ng Diyos?
Tayo ay mayroong malikhaing kaisipan (creative instinct) na nagmumula sa imahen ng Diyos sa ating loob. Nilikha tayo ng ating Manlilikha upang maging malikhain! Kung minsan ang mga hayop ay sinasanay upang gumawa ng mga marka na tinatawag ng mga tao na sining. Subali’t iyon napakaiba sa sining na nililikha ng isang tao na nagpapahayag ng isang ideya. Natagpuan sa mga kuweba ang mga sinaunang mga drawing. Wala tayong maraming nalalaman tungkol sa mga taong gumuhit ng mga iyon, subali’t walang sinumang nagdududa na ang mga iyon ay ginawa ng mga tao at hindi ng mga hayop.
Ipinapakita rin ang pagiging malikhain sa musika. Ang musika ay nagtataglay ng kamangha-manghang kakayahan upang ipahiwatig ang ating mga iniisip at nadarama. Ang kakayahang ipahayag ang ating mga ideya sa pamamagitan ng musika ay nagmumula rin sa imahen ng Diyos sa ating kalooban.
Ang abilidad na mag-isip ay isa pang “tulad-Diyos” na kakayahan. Totoo na ang mga hayop ay mayroon ding utak, subali’t mula sa lahat ng ating masasabi, ang “gawain ng utak” ng mga hayop ay hindi tataas pa sa level ng simpleng instinto (instinct) at sapantaha (intuition). Tanging ang mga tao ang may kakayahang magsuri, magbigay-halaga, magbigay ng kuro-kuro, magbulay-bulay at pagkatapos ay makipagtalastasan nang may paghihikayat.
Hindi lamang tayo nakakapag-isip, nakakapag-isip tayo tungkol sa pag-iisip. Maaari nating suriin ang mga proseso ng pag-iisip. Hindi lamang tayo nakakapag-isip sa makatwirang paraan, makakapag-isip tayo tungkol sa pagiging makatwiran.
Ang mga tao ay may abilidad na makipagtalastasan. Ito ay ipinapakita sa paggamit ng lengguwahe, kung saan ang mga ideya ay inilalagay sa mga tunog at simbolo na nauunawaan ng ibang tao. Ang mga hayop tulad ng aso at mga ibon ay maaaring “magcommunicate” sa pamamagitan ng mga tunog/huni, subali’t walang malapit sa pagiging kumplikado ng lengguwahe ng tao ang nalalaman sa mga hayop. Ang mga hayop ay may paraan ng pagbabanta sa iba, pag-angkin sa teritoryo, o pagbabahagi ng pagkain, subalit wala silang mga pagtatalakayan tungkol sa kahulugan ng buhay.
Ang kakayahang makipagtalastasan ay nakadepende sa kakayahang mag-isip at mangatwiran. Hindi nakapagsasalita ang mga hayop, subali’t kahit pa magawa nila iyon, hindi ganoon karami ang kanilang masasabi.
Ang tao ay may kalikasang panlipunan. Tayo ay nakadisenyo na makipag-ugnayan sa ibang tao, gumagawa ng mga pangako sa ibang tao, at umaasa sa ibang tao. Nagsisimula ang ating buhay na lubos na umaasa sa iba, at kinakailangan ng maraming taon bago ang isang bata ay maging isang matanda (adult). Ito ay dahil mahalaga sa Diyos ang mga relasyon. Dinisenyo rin ng Diyos ang buhay ng tao upang ang mga tao ay sama-samang magtrabaho at magpanatili ng mga relasyon upang matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Kahit pa makakakuha ang isang tao ng mga bagay tulad ng pagkain at tirahan nang walang tulong mula kaninuman, mayroon siyang mahahalagang pangangailangan na matutugunan lamang sa pakikipagrelasyon sa iba. Ang katangiang panlipunan ay isang pagsasalamin ng kalikasan ng Diyos. Ang Diyos ay isang Trinidad, at magpawalanghanggang may relasyon sa kanyang kalikasan.[1]
Maraming suliranin sa mga relasyon ng tao. Dahil sa mga suliraning ito, may mga nag-iisip na kailangan nilang maging independyente. Nais nilang mamuhay nang indipendiyente. Nais nilang mamuhay nang hindi umaasa sa kaninuman. Ang mamuhay nang nag-iisa ay hindi ang solusyon at hindi ang buhay na idinesenyo ng Diyos para sa atin. Sa halip binigyan niya tayo ng mga prinsipyo para sa pamumuhay sa mga relasyon, at ang mga suliranin ay dumarating kapag hindi tayo sumusunod sa disenyo ng Diyos.
Tayo ay may moral na sentido na bahagi ng ating kalikasan. May isang bagay sa atin na nagsasabi na may mga kilos na tama at may mga kilos na mali.[2] Sinasabi nito sa atin kung kailan tamang sundin ang ating nais at kung kailan hindi dapat. Sina Adan at Eba ay nilikhang banal at perpektong makakasunod sa kalooban ng Diyos.
Dahil ang sangkatauhan ay nahulog sa kasalanan at nasira ang pangunahing pang-unawa sa moralidad, hindi lubusang tamang-tama, subali’t mayroon pa ring natitira sa kalooban ng bawat isa sa atin na kakayahang maunawaan ang konsepto ng tama at mali.
Dahil mayroon tayong moral na pakiramdam ng tama at mali, mayroon tayong damdamin ng tungkulin na gawin kung ano ang tama at may pakiramdam na nagkasala (guilt) kapag nakagagawa ng kasalanan. Hindi tayo katulad ng mga hayop, na sumusunod sa kanilang natural na instincts at walang sentido ng guilt.
Malayang kalooban (Free will), o ang abilidad na pumili, ay isang katangian ng mga tao. Sa paghahambing, ang mga pagpili ng mga hayop ay sa lebel ng pansamantalang simbuyo (impulse) at instinto (instinct). Ang mga hayop ay hindi gumagawa ng maingat, pinag-iisipang mga pasiya na isinasaalang-alang ang etika (ethics) o praktikal na resulta ng kanilang mga ikinikilos. Ang mga tao ay may kakayahang gumawa ng mga makabuluhan, at nakakabago ng buhay na mga pagpili.[3]
► Bakit mahalagang aspeto ng sangkatauhan ang malayang kalooban?
Dahil gumagawa tayo ng mga tunay na pagpili, tayo ay may pananagutan sa Diyos. Hahatulan niya ang kasalanan at gagantimpalaan ang pagiging matuwid.[4]
Dahil isinilang tayo nang may likas na pagiging makasalanan, hindi natin natural na ginagamit ang ating malayang kalooban sa paraang nagbibigay ng parangal sa Diyos. Sa kalikasan ang isang tao ay “alipin ng kasalanan,”[5] hindi nagagawa kung ano ang tama, subali’t ang biyaya ng Diyos ay umaabot sa bawat tao, nagbibigay sa kanya ng pagnanais at kakayahang tumugon sa ebanghelyo. Iyon ang dahilan kung bakit magagawang piliin ng isang tao na magsisi at maniwala sa ebanghelyo.[6]
Imortalidad ay isang kinakailangang katangian ng imahen ng Diyos. May panahon na hindi tayo umiral, subali’t ang bawat tao ay iiral sa habang panahon mula sa oras na siya ay isinilang. Tayo ay hindi lamang mga pisikal na nilalang, tayo rin ay mga espiritu na mabubuhay magpawalang hanggan, at kahit ang ating mga katawan ay muling bubuhayin sa isang walang-hanggang anyo.[7] Nilikha ng Diyos ang bawat isa sa atin para sa pangwalang-hanggang layunin. Ang pagiging immortal ang dahilan kung bakit ang ating mga pinipili ay pangwalang-hanggan ang halaga dahil tayo’y mabubuhay nang walang hanggan sa langit o sa impiyerno.
Ang abilidad na magmahal ay bahagi ng imahen ng Diyos. Ang ibang mga katangian ay mahalaga para sa isang ito. Sa mga hayop, ang mga relasyon ay napakalimitado, at tila kontrolado karamihan ng instinto (instinct). Hindi magiging makahulugan ang pag-ibig kung walang tayong kakayahang mag-communicate, ang kakayahang pumili at gumawa ng commitment sa mga taong minamahal niya, at ang kakayahang tumugon nang may pag-unawa kapag tayo’y tumatanggap ng pagmamahal mula sa iba.
Ang pagmamahal ng tao ay ipinapahayag nang may tuwa mula sa mga relasyon, paggawa at pagtupad sa mga pangako, sakrispisyong pagkakaloob at paglilingkod, at pagpapatawad. Ang lahat ng ito ay mga pagpapahayag din ng pag-ibig ng Diyos.
Isang napakahalagang katangian ay ang ating kakayahang para sa pagsamba. Isipin ninyo ang inyong mga paboritong himno o koro sa pagsamba. Inaawit natin ang “Our God Is an Awesome God.” Ang “How Great Thou Art” ay isang walang-hanggang himno ng matinding pagsamba. Sinabi ng Salmista, “Bless the Lord, O my soul! And all that is within me, bless His holy name!”[8] Ang mga ekspresyon na ito, at libo-libo pang katulad ng mga ito, ay posible lamang dahil may isang bagay sa ating kalooban na tinatawag na “ang imahen ng Diyos” ay kumikilala at tumutugon sa kahanga-hangang Diyos. Sa kanyang imahen tayo’y nilikha!
[1] Nilikha ang tao sa imahen ng Diyos, banal tulad ng lumikha sa kanya ay banal. Tulad ng Diyos ay pag-ibig, gayun din ang tao, nabubuhay sa pag-ibig, nabuhay sa Diyos, at ang Diyos sa kanya. Siya ay dalisay, tulad ng Diyos ay dalisay, mula sa anumang bahid ng kasalanan. Hindi niya alam ang anumang kasamaan, subali’t sa loob at sa labas ay walang kasalanan. “Minahal niya ang Panginoong kanyang Diyos nang buong puso,at ng buong pag-iisip, at kaluluwa, at buong lakas.” - John Wesley, sa sermon na may pamagat na “Justification by Faith”
Ito ay mabuti na tumigil at isipin kung bakit ginawa tayo ng Diyos sa kanyang imahen. Bakit tayo napakaiba mula sa natitira pang nilikha? Dahil tayo’y espesyal na dinisenyo upang magkaroon ng relasyon sa Diyos at makasamba sa kanya.
Sinasabi ng Biblia sa atin na ang sannilikha sa pangkalahatan ay nagdadala ng luwalhati sa Diyos. Nakikita natin ang kadakilaan ng Diyos sa mga bagay na kanyang nilikha. Subali’t ang ibang mga nilikha ay niluluwalhati siya nang hindi nauunawaan. Hindi nila nauunawaan kung ano ang katulad ng Diyos dahil wala silang kalikasang maaaring makipag-ugnayan sa kanya.
Maaari nating hangaan ang walang katapusang pagkamalikhain ng Diyos dahil tayo rin ay malikhain. Maaari nating sambahin ang kanyang kabanalan at katuwiran dahil mayroon tayong damdamin ng tama at mali. Maaari tayong mamangha sa kanyang Walang-hanggang pag-ibig dahil mayroon tayong kakayahang umibig.
Mas mabuti ang ating pagkakilala sa Diyos, hindi lamang sa kaalaman kundi sa relasyon din, mas lalo natin siyang mamahalin at sasambahin. Nagkakaroon tayo ng kaligayahan at kasiyahan sa relasyon natin sa Diyos. Dinisenyo tayo ng Diyos para dito.
Iba Pang Mahahalagang Kaisipan
Ang lahat ng tao ay nagtataglay ng imahen ng Diyos. May mga tao na dahil sa limitasyon sa pag-iisip ay hindi maaaring mangatwiran, magpahayag ng kanilang sarili sa malikhaing pamamaraan, o gawin ang sariling kagustuhan. Ang imahen ng Diyos ay nilikha sa kanila, subali’t maaaring hindi ito matupad sa kanilang buhay dito sa lupa.
Ang bawat buhay ng tao ay may pangwalang-hanggan at walang katapusang halaga. Kung minsan napapansin natin ang praktikal na kahalagahan ng isang tao, mga bagay tulad ng kanyang katalinuhan, edukasyon, mga talento o kalakasan. Subali’t ang bawat tao ay may kahalagahang higit pa sa kanyang praktikal na halaga, dahil siya ay nasa imahen ng Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit ang bawat tao ay nararapat na respetuhin bilang isang tao, kahit pa kulang siya sa mga bagay na nagbibigay sa mga tao ng praktikal na kahalagahan, at maging kung siya man ay isang masamang tao. Ang imahen ng Diyos ay siya ring dahilan na ang bawat bata ay mahalaga sa Diyos, at ang paglalaglag ng ipinagbubuntis ay isang napakasamang kasalanan.
Ang mga anghel ay katangi-tangi rin sa sannilikha. Mataas ang kanilang katalinuhan, kakayahang mangatwiran, kakayahang makipag-komunikasyon at kakayahang sumamba. Samakatuwid, sila’y nagtataglay ng mga aspeto ng imahen ng Diyos at sila’y tinaguriang “mga anak ng Diyos” sa Kasulatan.[1] Sa ngayon tayo’y mas mababa sa kapangyarihan sa mga anghel,[2] gayunman, sila’y naglilingkod sa atin.[3] Sa pangwalang-hanggan magiging mas mataas ang ating posisyon kaysa sa mga anghel,[4] at tayo’y maghaharing kasama ni Kristo, na nagpapahiwatig na ang mga tao ay nikikhang mas kumpleto sa imahen ng Diyos kaysa sa mga anghel.
Ang mundo ay wala sa kanyang orihinal na anyo. Isipin ninyo ang isang magandang guhit, nilikha ng isang napakahusay na pintor. Isipin ninyo na ang guhit ay ibinaba sa sahig, at nilakaran na ng mga tao na may mapuputik na sapatos. Kapag iyong kinuha ang guhit na iyon, at tiningnan iyon ng malapitan, maaari mo pa ring makita ang dakilang talinong ginamit upang iyon ay matapos, gayunman makikita mo na ang guhit ay hindi na katulad ng orihinal na ginawa ng pintor. Ang sannilikha ay katulad nito. Hindi na ito katulad ng orihinal na layunin ng Diyos para dito, subali’t ang kanyang kaluwalhatian ay patuloy na nakikita doon.
Sinira ng kasalanan ang “tulad-Diyos” na mga kakayahan sa tao. Ang makasining na pagpapahayag ay maaaring magpakita ng isang masamang puso at maaaring gawing kasangkapan ni Satanas, kahit pa ang kaloob mismo ay nagmumula sa Diyos. Subali’t dahil sa pamamagitan ng biyaya, hindi lubusang nabura ng kasalanan ang imahen ng Diyos sa ating kalooban. At sa pamamagitan din ng biyaya ang imahen ng Diyos sa atin ay maaaring mapanibago, mapaigi, at maipahayag para sa kaluwalhatian ng ating Manlilikha![5]
Ang imahen ng Diyos sa atin ang pinakamahalagang bagay tungkol sa atin. Ang mga katangian ng imahen ng Diyos na ipinagkaloob sa atin ang dahilan kaya’t maaari tayong tumugon sa Ebanghelyo. Ang ating moral na sentido ang nagising daan upang ang biyaya ay siyang gigising sa ating budhi at nagmumulat sa atin sa ating kasalanan. Ang malayang kalooban na naibalik dahil sa biyayang kumikilos sa atin kaya’t posible para sa atin na “piliin kung sino ang ating paglilingkuran.” Sa pamamagitan ng ating malikhaing instinto, makapaghahatid tayo ng kaluwalhatian at karangalan sa ating Diyos. At gamit ang katwiran, maaari nating maunawaan ang isang bagay tungkol sa Diyos at sa kanyang mga pamamaraan. Ang ating pagsasaliksik na maunawaan ang Diyos ay nagiging pagsamba habang patuloy tayong namumulat sa lubusang pagkanakamamangha ng ating Manlilikha na sa biyaya at awa ay “pinutungan tayo ng kaluwalhatian at karangalan!”
Kung minsan iniisip ng mga tao na ang relasyon sa Diyos ay mayroon lamang kahalagahan para sa buhay pagkatapos ng kamatayan. Iniisip nila na kung ang isang tao ay mamumuhay nang mabuti sa lupa, hindi malaking pagkakaiba kung ikaw man ay isang Kristiyano o hindi. Subali’t kung nauunawaan natin na ang kalikasan ng sangkatauhan ay nakadisenyo para sa relasyon sa Diyos, mauunawaan natin na ang buhay ng isang tao ay nasasayang kung hindi niya nakikilala ang Diyos. Kailangan natin ang Espiritu ng Diyos sa ating kalooban, gumagabay sa atin, tinutupad ang ating mga kakayahang tuparin, at nagbibigay ng walang-hanggang pananaw sa lahat ng ating ginawa.
Pagpapahayag ng mga Paniniwala
Dapat basahin ng klase nang sama-sama ang “Pagpapahayag ng mga Paniniwala” nang di bababa sa dalawang beses.
Pagpapahayag ng mga Paniniwala
Ang mga tao ay nilikha sa imahen ng Diyos para sa layuning mahalin at sambahin ang Diyos. Idinesenyo sila ng Diyos para sa kanilang layunin nang may kakayahang mag-isip, makipagtalastasan, at umibig. Ang tao ay may moral na pakiramdam, sariling kalooban, at espiritung walang kamatayan. Ang biyaya ng Diyos ang nagbibigay sa tao ng kapangyarihan upang gumawa ng malayang pagpapasya. Ang bawat buhay ng tao ay may panghabang panahon at pangwalang-hanggang kahalagahan.
Leksyon 4 Takdang Aralin
Ang bawat mag-aaral ay dapat bigyan ng isang talata na nakalista sa ibaba. Bago ang susunod na sesyon sa klase, dapat niyang basahin ang talata at sumulat ng isang taludtod tungkol sa sinasabi nito tungkol sa paksa ng leksyong ito.
Para sa Talatang Takdang-Leksyon
Santiago 1:12-15, Roma 6:12-23, 1 Tesalonica 5:23, Roma 8:22-26, Josue 24:14-18, Genesis 3:1-6, Efeso 2:1-9
Dapat ipaalala sa mga mag-aaral na sa buong panahon ng kursong ito, ang bawat mag-aaral ay pitong beses na magtuturo ng isang leksyon o bahagi ng isang leksyon sa mga taong hindi kabilang sa klase. Dapat iulat ng mag-aaral sa lider ng klase ang bawat pagkakataon na siya’y nagturo para sa takdang-leksyon.
Leksyon 4 Mga Tanong Para sa Pag-aaral
(1) Paanong ang Kristiyanong pananaw tungkol sa tao ay naiiba mula sa pananaw ng iba?
(2) Paano natin nalalaman na ang imahen ng Diyos sa sangkatauhan ay hindi pisikal na pagkakatulad? Magbigay ng tatlong dahilan.
(3) Maglista ng siyam na elemento ng imahen ng Diyos sa sangkatauhan?
(4) Ano ang dahilan na tayo ay nilikha sa wangis ng Diyos?
(5) Ano ang kakayahang nagmumula sa ating moral sense/kaalaman sa mabuti at masama?
(6) Bakit kailangan natin ang biyaya ng Diyos upang magamit natin ang ating malayang kalooban upang bigyang lugod ang Diyos?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.