Pagkatapos ng leksyon ito, dapat nauunawaan at maipapaliwanag ng mag-aaral:
(1) Kung paanong ang sanlibutan ay isang paglalarawan ng kalikasan ng Trinidad.
(2) Ang biblikal na pundasyon para sa katuroan ng Trinidad.
(3) Bakit ang katuroan ng Trinidad ay isang pundasyon ng ebanghelyo.
(4) Ang istruktura ng mga relasyon sa loob ng Trinidad.
(5) Paano nagbibigay ng halimbawa ang Trinidad para sa mga relasyon ng tao.
(6) Paanong ang ating paniniwala sa Trinidad ay gumagabay sa ating pagsamba.
(7) Isang pahayag ng paniniwalang Kristiyano tungkol sa Trinidad.
Isa sa mga praktikal na layunin ng leksyong ito ay maiwasan ng mag-aaral ang mga karaniwang pagkakamali ng mga tao sa kanilang pagsisikap na ipaliwanag ang Trinidad.
Pagkatapos kumuha ng isang pagsusulit sa naunang leksyon, gamitin ang mga layunin sa leksyong iyon upang magtanong para sa pagbabalik-aral. Pagkatapos, pumunta sa talatang babasahin sa ibaba.
Basahin nang sama-sama ang Juan 14. Talakayin kung paano ipinapakita ng talatang ito na ang Diyos ay isang Trinidad.
Maraming tao ang nalilito sa katuroan ng Trinidad dahil sinasabi nito na tatlo ang Diyos sa isang kahulugan, gayunman ay iisa sa ibang kahulugan.
Subalit kapag tiningnan natin ang sanlibutan makikita natin ang isa pang halimbawa ng tatlo ngunit iisa. Ang sanlibutan ay may tatlong aspeto –space, panahon at matter. Kung wala ang alinman sa tatlong ito, walang sanlibutan.
Ang bawat isa sa tatlong ito ay binubuo rin ng tatlong aspeto.
Ang space ay binubuo ng haba, luwang, at kapal –tatlo ngunit iisa. Kung wala ang alinman sa tatlong dimensiyong ito, walang space.
Ang time o panahon ay binubuo ng nakaraan, kasalukuyan at hinaharap –tatlo nguni’t isa. Kung wala ang alinman sa mga aspetong ito, walang time/panahon.
Ang matter ay binubuo ng enerhiya dahil sa pagkilos na nagbubunga ng pangyayari —tatlo ngunit iisa.Kung walang enerhiya, walang pagkilos o pangyayari. Kung walang pagkilos, walang enerhiya o phenomena/pangyayari. Kung walang pangyayari, iyon ay dahil walang enerhiya o pagkilos.
Ang sanlibutan ay tila idinesenyo sa pattern ng tatlo-sa-iisa. Marahil sinadya ng Diyos na bigyan ang sanlibutan ng disenyo na naglalarawan ng kanyang sariling kalikasan.
Kaya’t ano ang itinuturo ng Biblia tungkol sa Trinidad? Malinaw na pinatototohanan nito ang pag-iral ng tatlong magkakabukod na Persona na lahat ay tinukoy bilang ang nag-iisang Diyos ng sanlibutan. Ito ay hindi pagsasalungatan dahil hindi natin sinasabi na ang Diyos ay kapwa isang persona at tatlong persona. Hindi rin natin sinasabi na ang Diyos ay kapwa isang Diyos at tatlong Diyos. Sinasabi natin na ang Diyos ay iisa sa katangian (essence) at tatlo sa persona. Kung paanong ang sanlibutan ay umiiral bilang space, time at matter, ang nag-iisang Diyos ay umiiral bilang ang Ama, ang Anak at ang Banal na Espiritu.
Ang Biblikal na Ebidensiya Para sa Trinidad
Pahayag 1: Mayroon lamang iisang Diyos.
“Pakinggan mo, O Israel, ang Panginoong ating Diyos ang Nag-iisang Panginoon.” (Deut. 6:4).
“Dahil Ako ang Diyos, at wala nang iba; Ako ang Diyos, at walang sinumang katulad Ko” (Isaias 46:9)
Pahayag 2: Ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu ay pare-parehong tinutukoy bilang Diyos sa Kasulatan
“Ang Diyos Ama” (Gal. 1:1).
“Ang Salita ay Diyos… ang Salita ay naging tao” (Juan 1:1, 14).
“Bakit pinuno ni Satanas ang iyong puso upang magsinungaling sa Banal na Espiritu?...Hindi ka nagsinungaling sa tao kundi sa Diyos.” (Mga Gawa 5:3-4)
Pahayag 3: Ang tatlong ito ay nakikipag-ugnayan sa isa’t-isa at sa mundo bilang magkakahiwalay na mga Persona.
► Paano natin malalaman na sila ay tatlong persona at hindi isa lamang na may iba’t-ibang tungkulin?
Sa Marcos 1:10-11, Sa Marcos 1:10-11, binautismuhan si Hesus, ang Banal na Espiritu ay bumaba na tulad sa isang kalapati, at isang tinig mula sa Langit ang nagsabi, “Ikaw ang aking minamahal na Anak, na lubos kong kinalulugdan.” Nakita natin dito ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu ay hindi maaaring iisang persona; sila ay kumikilos sa magkakaibang tungkulin nang sabay-sabay.
Malapit sa katapusan ng kanyang ministeryo, sinabi ni Hesus na hihilingin niya sa Ama na isugo sa atin ang “isa pang Gabay/Katulong” –ang Banal na Espiritu (Juan 15:26). Nakikita ba ninyo ang tatlong magkakabukod na persona sa kahilingang ito?
Kung babasahin ninyo ang kabuuan ng Juan 14-17, makikita ninyo ang maraming reperensiya sap ag-uugnayan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo.
Pangwakas: Ang nag-iisang tunay ng Diyos ng Biblia ay naghayag ng kanyang sarili na umiiral sa tatlong magkakabukod na persona: Ang Ama, ang Anak at ang Banal na Espiritu. Iisa lamang ang kalikasan ng Diyos, subali’t tatlo sa persona.
Kaya’t bagaman ang salitang Trinidad ay hindi matatagpuan sa Biblia, ang katuroan ng Trinidad ay nakabatay sa malinaw na mga pangungusap sa Kasulatan.
Ang Biblikal na katuroang ito ay itinuro na ng iglesiya simula pa sa mga apostol. Nasa ibaba ang diagram na ginamit ng iglesiya sa nakalipas na mga siglo upang ilarawan ang Trinidad.
Tradisyunal na Diagram ng Trinidad
Kinakailangan ang Katuroan ng Trinidad
► Bakit mahalaga kung naniniwala o hindi ang isang tao sa Trinidad?
Ang katuroan ng Trinidad ang pundasyon ng mga pangunahing katuruan na kinakailangan sa ebanghelyo. Halimbawa, ang ilan sa mga tumatanggi sa Trinidad ay tumatanggi rin na si Hesus ay Diyos. Subali’t kung ang Hesus na iyong pinaniniwalaan ay hindi Diyos, sa gayun wala kang Hesus na maaaring magligtas sa iyo![1]
Gayundin, kung itinatanggi natin na ang Ama, ang Anak at ang Banal na Espiritu ay magkakaibang persona, itinatanggi natin ang Diyos sa kanyang natural na pagiging persona o katangiang pangrelasyon. Halimbawa, ang Diyos ay hindi magiging isang mapagmahal na Diyos mula sa walang hanggan kung kinakailangan niyang maghintay hanggang siya ay makalikha upang mahalin niya ang sinuman. Subali’t kung ang Diyos ay higit pa sa isang persona, ang mga Personang ito ay maaaring magmahal sa isa’t-isa mula sa walang-hanggan. Mahalagang maniwala sa Diyos ng relasyon na ito (na umiiral sa nagbibigay-sa-sariling pagmamahal) dahil nakakaapekto ito sa paraan ng ating pakikipagrelasyon sa isa’t-isa, gayundin sa Diyos.
Marahil ang pinakaseryosong bahagi ay dapat tayong sumamba sa Diyos lamang. Ang mga taong tumatanggi sa Trinidad ay karaniwang itinatanggi rin na si Hesus at ang Banal na Espiritu ay Diyos at hindi nila sila sinasamba. Ang pinakamalalang pagkakamali na maaaring magawa ng isang tao ay ang pagsamba sa sinumang hindi naman Diyos, o mabigong sumamba sa isang Diyos.
[1] “Ang pinagmula at dahilan ng ating pagkatubos ay ang pag-ibig ng Diyos Ama, na niloob na tayo’y tubusin sa pamamagitan ng dugo ng kanyang sarilingAnak; ang biyaya ng Anak, na malayang kinuha ang sumpa sa atin sa kanyang sarili, at ibinabahagi ang kanyang biyaya at katuwiran sa atin; at ang Banal na Espiritu, na naghahayag ng pag-ibig ng Ama at ang biyaya ng Anak sa ating ating mga puso.” - John Wesley, “Letter to William Law”
Ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu ay mga Personang Namumuhay sa isang Relasyon
Ang Ama, ang Anak at ang Banal na Espiritu ay nagtataglay na pagiging persona at lagging nabubuhay sa personal na relasyon sa isa’t-isa. Tinatawag natin silang persona dahil sila’y nabubuhay nang may relasyon sa isa’t-isa. Minamahal nila ang isa’t-isa, nagbibigay sa isa’t-isa, nakikipag-usap sa isa’t-isa, at nabubuhay para sa isa’t-isa. Nagpapakita ito na sila ay mga Persona.
Istruktura sa Trinidad
Ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu ay laging umiiral sa isang istruktura ng mga relasyon. Ang Ama ang Ulo, pagkatapos ay ang Anak, pagkatapos ay ang Espiritu. Ang tatlong walang hanggan at pantay-pantay na Persona ay may posisyon ng awtoridad na nakabatay sa kanilang relasyon sa isa’t-isa. Ang istrukturang ito ng awtoridad ay nakikita sa pamilya at sa iglesiya. Tulad ng mga miyembro ng Trinidad, ang lahat ng mga miyembro ng pamilya at miyembro sa iglesiya ay may pantay ng halaga, subali’t hindi nagtataglay ang lahat ng parehong posisyon ng awtoridad.
Ang Relasyon ng Anak sa Kanyang Ama
Paano nakikipagrelasyon ang Anak sa Ama? Sinabi ni Hesus na ang Ama ay nagbigay sa kanya bilang Anak “na magkaroon ng buhay sa sarili niya,” gaya ng kung paanong “ang Ama ay may buhay sa kanyang sarili.”[1] Mula sa walang-hanggan ang Anak ay ang “bugtong na Anak” na ng Ama.”[2] Ang Anak sa walang-hanggan ay umiiral sa kanyang sarili bilang Diyos, at parehong kalikasan sa Ama, gayunman ang kanyang pag-iral ay mula sa Ama. Sa walang-hanggan, ang Anak ay nakaugnay na sa Ama bilang Anak, at ang Ama ay nakaugnay na sa Anak bilang Ama, bagaman hindi sa pisikal na kahulugan nito.
Dahil ang Anak sa pangwalang hanggan ay kaugnay sa Ama bilang Anak, siya ay Walang-hanggang nagpapasakop sa Ama. Siya ay gumaganap sa isang subordinate na role. Kaya’t sinabi ni Hesus na, “Ang aking Ama ay higit kaysa sa akin.”[3]
Bagaman si Hesus ay may mas mababang posisyon ng awtoridad kaysa sa Ama, siya ay pantay sa Ama sa kanyang kalikasan bilang Diyos. Siya ay dapat sambahin at luwalhatiin sa parehong antas ng sa Ama. Sinabi ni Hesus na lahat ay dapat magparangal sa kanya “sa parehong paraan na pinararangalan nila ang Ama.”[4]
Ang Relasyon ng Banal na Espiritu sa Ama at sa Anak
Sa Juan 15:26, sinabi ni Hesus na susuguin niya sa atin ang Banal na Espiritu, “na nagmumula sa Ama.” Bagaman ang Espiritu ay nagmumula sa Ama, siya ay kapantay ng Ama at ng Anak, at sa gayun ay kapantay ding dapat parangalan. Tandaan na ang pagmumula at pagsusugo ay nangyayari sa pagitan ng tatlong Persona na nabubuhay sa mapagmahal na relasyon sa isa’t-isa.
Pagpapasakop nang Hindi Nagiging Mas Mababa
Sinabi ni Hesus na “Ako at ang Ama ay iisa,” nang siya’y magsalita tungkol sa kanilang magkatulad na kalikasan, gayunman sinabi niyang lagi niyang sinusunod ang Ama.
Ang awtoridad at pagpapasakop sa Trinidad ay hindi nangangahulugan na ang isang miyembro ay mas mahalaga kaysa sa isa pa. Ang awtoridad ay hindi nangangahulugan na ang isang miyembro ay mas higit sa kalikasan kaysa sa iba.
Nakikita natin ang mga ilustrasyon ng awtoridad at pagkakapantay sa buhay ng mga tao. Ang mga miyembro ng isang pamilya ay pantay-pantay sa kalikasan bilang tao, at lahat sila ay pantay-pantay sa kahalagahan bilang mga tao sa wangis ng Diyos, gayunman ang awtoridad ay mahalaga para sa pagkilos ng isang pamilya. Gayun din ang masasabi para sa ibang posisyon sa pangungunang pantao.
Pag-iingat sa Pagkakaisa ng Diyos
Ang tatlong persona ng Trinidad ay hindi dapat isipin na hiwa-hiwalay ng mga indibidwal. Ang pagkakaisa ng kanilang kakanyahan ay nangangahulugan na sila ay nagtataglay ng parehong katangian (essence) at ang tatlong persona ay sumasanib sa isa’t-isa, nananahan sa isa’t-isa, at ibinabahagi ang mga katangian sa isa’t-isa. Ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu ay nakararanas ng pananahan ng isa’t-isa sa isa’t-isa sa paraang hindi magagawa ng mga tao.
Tayong mga tao ay mga persona at indibiduwal na nilalang. Ang Diyos ay tatlong persona, gayun man ay iisa lamang nilalang. Upang makatulong sa pagprotekta ng konseptong Biblikal tungkol sa pagkakaisa ng Diyos, hindi natin tinutukoy ang mga miyembro ng Trinidad bilang hiwa-hiwalay, subali’t bukod-bukod. Hindi tayo nagsasalita tungkol sa kanila bilang tao, kundi bilang mga persona.
Isinasalamin Natin ang Pagiging Persona at Relasyon ng Diyos
Nilikha tayo ng Diyos sa kanyang wangis bilang mga tao—nagtataglay ng kakayahang nakipag-ugnayan sa isa’t-isa at sa Diyos. Mayroon tayong pag-iisip, kalooban at damdamin para sa layuning makipagrelasyon.
Kung Isa-isa Tayo ay Hindi Kumpleto
Matapos likhain ng Diyos si Adan, sinabi niya, “Hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa."[5] Pagkatapos nilikha niya si Eba. Hindi kumpleto si Adan kung wala si Eba dahil, kung wala siya, walang ibang nilalang si Adan na maaari siyang makipag-ugnayan. Ang totoo, isang kasulatan ang nagpahiwatig na si Adan at Eba na magkasama ay sumalamin sa imahen ng Diyos: “Kaya’t nilikha ng Diyos ang tao sa kanyang wangis, sa wangis ng Diyos nilikha niya sila, lalaki at babae.”[6] Tila may isang bagay sa relasyon nina Adan at Eba na kapag sila’y magkasama ay sumasalamin sa wangis ng Diyos. Ito’y higit pa kaysa taglay ni Adan sa kanyang sarili. Isipin kung ano ang kahulugan nito sa atin. Tayo rin ay hindi gumaganap bilang buong tao maliban tayo’y may relasyon naman sa iba, tulad ng mga Persona ng Trinidad. Hindi nangangahulugan ito na kailangan nating magkaroon ng asawa (sa langit, walang sinuman ang may asawa gayun man mananatili tayong mga persona), subali’t kailangan nating makipag-ugnayan sa iba.
Pagkokonekta Upang Isalamin ang Wangis ng Diyos
Mayroong nakakamanghang paghahambing sa pagitan ng kalikasan ng Diyos at ng kalikasan ng iglesiya. Sa loob ng dalawang ito, sa Diyos at sa iglesiya, mayroong pagkakaisa at pagkakaiba-iba. Ayon sa 1 Corinto 12, ang katawan ni Kristo ay isang pagkakaisa na binubuo ng maraming bahagi na gumaganap nang sama-sama para sa isang layunin. Nakikita ba ninyo kung paano ang katawan ni Kristo ay sumasalamin sa wangis ng Diyos? Inaasahan ni Apostol Pablo na ang lahat ng iba’t-ibang miyembro ng iglesiya ay lalagong sama-sama bilang isa kay Kristo. Idinalangin ni Pablo na tayo ay:
“Lalago sa lahat ng bagay sa Kanya na siyang ulo—si Kristo-kung saan ang buong katawan, sama-sama at hinabi nang sama-sama ng anumang ibinibigay ng mga kasu-kasuan, ayon sa epektibong pagtatrabaho kung saan ang bawat bahagi ay ginagawa ang kanyang bahagi, nagsisimula ang paglago ng katawan para sa pagpapatibay sa kanyang sarili sa pag-ibig.”[7]
Ang talatang ito ay nangangahulugan na tayong lahat ay dapat gumamit ng ating mga kaloob at kakayahan upang tumulong sa isa’t-isa na sama-samang lumago sa pagkakaisa kay Kristo. Kalooban ng Diyos na tayong lahat ay sumalamin sa kanyang likas na pakikipagrelasyon sa pamamagitan ng personal na pagtulong sa iba na lumago sa biyaya. Ang paglagong espirituwal ay nangyayari sa komunidad, sa malapitang, pakikipagkaisa sa ibang mga mananampalataya. Ito ay sumasalamin sa kalikasang panlipunan ng Diyos.
Kung ang mga miyembro ng Trinidad sa walang-hanggan ay nabuhay na sa nagbibigay-sa-sariling pagmamahal para sa isa’t-isa, tayo rin ay dapat mamuhay sa mapagmahal na relasyon sa iba. Tayo ay nilikha sa wangis ng Diyos bilang mga nakikisama, nakikipagrelasyong mga nilalang, kaya’t dapat tayong mag-pukos sa iba sa halip na sa ating mga sarili. Dapat nating bigyang diin ang komunidad nang higit sa ating sarili. Pagpapalain tayo ng Diyos habang sinisikap nating isalamin ang kanyang tatlong bahaging (triune) imahen sa ating mga relasyon sa iba.
Ang pagsamba sa Trinidad ay kumikilala na lumalapit tayo sa Ama sa tulong ng Espiritu at batay sa pambayad sa kasalanang gawa ng Anak. Bilang mga mananampalatayang naniniwala sa Trinidad, tayo ay mananalangin sa Ama, sa Espiritu, sa pamamagitan ng Anak.
Isang mahalagang layunin ng pagsamba ay upang makapasok tayo sa relasyon ng pagmamahal na taglay ng mga miyembro ng Trinidad para sa isa’t-isa. Isipin ninyo ang pag-ibig na umiiral sa pagitan ng Ama at ng Anak. Isipin ninyo ang ginawa ni Kristo sa krus upang maranasan natin ang pag-ibig na iyon. Ang Ama at ang Anak ay nabubuhay sa kahanga-hangang pagkakaisa sa isa’t-isa, at dahil sa pambayad utang na ginawa ng Anak, ang Banal na Espiritu ay nakakatulong sa atin na sumali sa mainit na relasyong iyon ng pagmamahalan.
Bilang mga mananampalataya sa Trinidad, hindi lamang tayo sa Ama nananalangin, sa Espiritu, sa pamamagitan ng Anak, kundi tayo’y nananalangin sa Ama, sa Anak at sa Espiritu. Ang bawat miyembro ng Trinidad ay dapat igalang, luwalahatiin sa salita, dahil lahat sila ay Diyos, at dapat pantay-pantay na parangalan.Ang pagsamba sa Trinidad ay pantay na nagbibigay luwalhati sa bawat miyembro ng Trinidad. Kinikilala natin ang gapanin na ginagampanan ng bawat isa sa ating kaligtasan.
“Makapangyarihan at walang-hanggang Diyos,
Binigyan mo kaming iyong mga alipin ng biyaya
Sa pagpapahayag ng isang tunay na pananampalataya
Upang kilalanin ang kaluwalhatian ng Walang-hanggang Trinidad,
At sa kapangyarihan ng katas-taasang Diyos (divine Majesty),
Upang sambahin ang pagkakaisa.
Panatilihin Mo kaming matibay sa pananampalatayang ito,
Upang kami’y habang panahong ipagtanggol mula sa mga kaaway:
Sa pamamagitan ni Kristo Hesus na aming Panginoon,
Na nabubuhay at naghaharing kasama mo at ang Banal na Espiritu,
Iisang Diyos, ngayon at magpasawalanghanggan. Amen.”[1]
Ang sumusunod na bahagi ng impormasyon ay maaaring ipaliwanag ng isang miyembro ng klase.
Mga Pagkakamaling Dapat Iwasan: Mga Teoriya Tungkol sa Trinidad
Hindi natin nauunawaan kung bakit ang isang buto ay tumutubo sa lupa, o kung paano gumagana ang utak, o kung paano ang mga puwersa ay nagpapanatili sa mga bituin sa kanilang mga lugar. Inoobserbahan ng mga siyentipiko ang mga nangyayari, subali’t hindi nila maipaliwanag kung bakit at paano ito nangyayari. Hindi tama na tanggihan ng isang tao ang katuroan ng Trinidad dahil lamang sa hindi niya ito lubusang maipaliwanag. Ang bawat katuroan tungkol sa Diyos ay lampas sa ating mga paliwanag. Halimbawa, walang sinumang makapagpapaliwanag kung paanong ang Diyos ay nasa lahat ng lugar at nalalaman ang lahat ng bagay. Ang mga katotohanan ng Trinidad ay hindi illohikal, subali’t ang mga ito ay higit/lampas sa karanasan at paliwanag ng tao. Ang isda sa dagat, kahit na siya ay matalino, kailanman ay hindi mauunawaan kung paano ba maging isang tao, kahit pa ipaliwanag sa kanya ito.
Ang katotohanan ng Trinidad ay mayroong isang Diyos na umiiral sa tatlong persona na pare-pareho sa kalikasan at pantay-pantay sa pagiging Diyos. Sinikap ng mga taong ipaliwanag iyon, subali’t madalas na nawawala sa kanila ang mahalagang parte nito. Nasa ibaba ang ilang halimbawa ng mga pagkakamali. Ang bawat pagkakamali ay tinatawag sa isang pangalan, subalit ang mga ito ay naituro na sa maraming iba’t-ibang pangalan.
Modalism ay ang ideya na ang Diyos ay tunay na isang persona na kumuha ng iba’t-ibang gampanin. Sa teoriyang ito, sa Langit ang Diyos ay ang Ama, sa lupa siya si Hesus, at ngayon nagsasalita siya sa ating bilang ang Banal na Espiritu. Subali’t sa kabuuan ng Juan 14-16, ang mag salita ni Hesus ay naglalarawan sa interaksiyon Niya, ng Ama, at ng Banal na Espiritu. Ang paglalarawang ito ay hindi magkakaroon ng kahulugan kung sila ay hindi tatlong magkakabukod na persona.
Tritheism ay ang ideya na ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu ay magkakahiwa-hiwalay sa bawat isa. Sa teoriyang ito, maaari ring magkaroon ng pagkakaiba-iba sa kanilang kalikasan. Halimbawa, maaaring ang Ama ang nagnanais na humatol, subalit ang Anak ang nagnanais na magpakita ng awa. Sumasalungat ang ideyang ito sa katuroan sa Biblia na mayroon lamang iisang Diyos.
Subordinationalism ay ang ideya na ang isang persona sa Trinidad ay mas mababa sa isa pa. Ang isang taong naniniwala sa ideyang ito ay nag-iisip na ang Ama ang siyang Diyos, at ang Anak at ang Banal na Espiritu ay mas mababang nilikha. Maaari niyang itanggi ang pagiging persona ng Banal na Espiritu, at isipin ang Anak bilang isang natatanging tao na ginamit ng Diyos. Ang pagkakamaling ito ang pumipigil sa mga tao upang hindi sambahin ang Anak at ang Banal na Espiritu bilang Diyos, at sa gayun magbubunga ng maling ebanghelyo.
Pagpapahayag ng mga Paniniwala
Dapat basahin ng sama-sama ng klase ang “Pagpapahayag ng mga Paniniwala” nang hindi bababa sa dalawang beses.
Pagpapahayag ng mga Paniniwala
Ang Diyos ay isang Trinidad, isang Diyos sa tatlong persona, ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu. Ang tatlo ay magkakaiba ng gampanin, subalit pare-pareho sa kalikasan at pantay-pantay sa mga katangian ng pagiging Diyos at karapat-dapat sambahin.
Leksyon 3 Takdang Aralin
Dapat atasan ang bawat mag-aaral ng isa sa mga talatang nakalista sa ibaba. Bago ang susunod na sesyon sa klase, dapat niyang basahin ang talata at sumulat ng taludtod tungkol sa sinasabi nito tungkol sa paksa ng leksyong ito.
Para sa Talatang Takdang-Leksyon
Hebreo 1:1-3, 8, Colosas 1:12-19, Efeso 1:17-23, Juan 15:26, Juan 17:1-5
Dapat ipaalala sa mga mag-aaral na sa kabuuan ng kursong ito, ang bawat isa ay dapat magturo ng pitong beses ng isang leksyon o bahagi ng isang leksyon sa mga taong hindi kabilang sa klase. Dapat iulat ng mag-aaral sa lider ng klase ang bawat pagkakataon na siya ay nagturo para sa takdang leksyon.
Leksyon 3 Mga Tanong Para sa Pag-aaral
(1) Paano inilalarawan ng sanlibutan ang kalikasan ng Diyos?
(2) Ano ang tatlong pahayag ng Biblia ang pundasyon para sa katuroan ng Trinidad?
(3) Ano ang istruktura ng mga relasyon sa loob ng Trinidad?
(4) Ano ang ilang relasyon ng mga tao na dapat sumalamin sa mga relasyon ng Trinidad?
(5) Ano ang kahulugan ng pagsamba bilang Trinitarian?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.