Matapos kunin ang pagsusulit sa nakaraang leksyon, gamitin ang mga layunin mula sa leksyong iyon para sa pagtatanong para sa pagbabalik-aral. Pagkatapos ay pumunta sa pagbabasa ng talata sa ibaba.
Basahin nang magkakasama ang Awit 85. Ano ang sinasabi sa atin ng talatang ito tungkol sa kaligtasan?
Ang Krus
Ang pinakamahalagang simbolo ng Kristiyano ay ang krus. Ang krus ay kumakatawan sa pinakamahahalagang paniniwala ng mga Kristiyano. Ito ay kumakatawan sa pangyayari na sentro ng lahat ng kasaysayan. Ito ay kumakatawan sa pagkakaiba ng pananampalatayang Kristiyano at lahat ng iba pa.
Ang krus ay isang misteryo sa maraming tao. Hindi nila naiintindihan kung bakit namatay si Hesus. Kahit na marinig nila na siya ay namatay dahil mahal niya tayo at nais niya tayong iligtas, hindi nila nauunawaan kung bakit kailangan itong mangyari. Sila ay nagtataka, “Kung nais ng Diyos na patawarin tayo, bakit hindi na lang niya iyon gawin?"
Ang pagkalito tungkol sa krus ay nagsimula sa pasimula, nang magsimulang ipangaral ng mga unang Kristiyano ang Ebanghelyo.[1] Inisip ng mga Hudio na ipapakita ng Diyos ang kanyang sarili nang may kapangyarihan. Inisip nila na ang kaligtasan na kailangan nila ay kaligtasan mula sa pang-aapi,ngunit ang krus ay tila nagpapakita ng kahinaan at kabiguan. Ang mga Griyego ay nag-iisip na ang Diyos ay magpapakita sa kanyang sarili sa karunungan. Inisip nila na ang kaligtasang kailangan nila ay paliwanag tungkol sa kung paano makakamit ang pinakamabuti mula sa buhay, ngunit ang krus ay tila kahangalan at kabiguan.[2]
► Bakit nasaktan ng krus ang ilang mga tao?
Ang krus ay isang pananakit sa maraming tao. Maraming tao ang nais na maging relihiyoso. Nais nilang maniwala sa ilang mga bagay, magsagawa ng mga kaugalian sa relihiyon, at tumanggap ng payo. Ngunit nagagalit sila sa ideya na sila ay totoong mga makasalanan at kinakailangan nila ang krus para sa kanilang kapatawaran. Gusto nilang mapawalang-sala ayon sa kanilang sarili, kung ano sila.[3] Ang krus ay nakakasakit sa kanila dahil nangangahulugan ito na sila ay mga makasalanan na nangangailangan ng kapatawaran.
Upang maunawaan ang sakripisyong kamatayan ni Hesus sa krus, kailangan nating maunawaan na ang kalagayan ng taong makasalanan at ang banal na katangian ng Diyos ay naging sanhi ng isang malaking problema. Dapat nating maunawaan kung bakit dahil sa pagbabayad-sala ay naging posible para sa Diyos na magpatawad.
[2] “Kung paano ang isang makasalanan ay mapawawalang sala sa harap ng Diyos ay isang mahalagang katanungan para sa bawat tao, dahil walang tunay na kapayapaan o siguradong katuwaan habang tayo’y mga kaaway pa ng Diyos maging sa kasalukuyan o sa pangwalanghanggan. Gayunman, napakaliit ng ating pang-unawa tungkol sa tanong na ito! Ang dami nang nakalilitong ideya ang naisip ng mga tao tungkol dito!” - John Wesley, sa sermon na may pamagat na “Pagpapawalang-Sala sa Pamamagitan ng Pananampalataya”
Dahil sa kasalanan ni Adan, ang bawat tao ay nahiwalay na mula sa Diyos nang siya ay ipinanganak.[1] Nangangahulugan ito na ang bawat tao ay makasarili at lumalakad sa kanyang sariling daan.
Sa sandaling magsimulang gumawa ng mga pagpili ang isang tao, nagsisimula rin siyang makagawa ng kasalanan. Ang bawat makasalanan ay (1) salarin sa maraming mga gawa ng kasalanan.[2]
Ang kasalanan ay isang paglabag sa batas ng Diyos.[3] Dahil ang Diyos ay ganap na matuwid, hindi niya ipinagwawalang bahala ang kasalanan, at ang bawat tao ay hahatulan dahil sa kanyang ginawa.[4] Hindi na kailangang itanong kung nagkakasala ang sinumang tao o ano ang hatol na dapat niyang tanggapin. Ang bawat makasalanan ay nahatulan na.[5]
Ang makasalanan ay (2) ang kaaway ng Diyos.[6] Ang isang makasalanan ay hindi maaaring magkaroon ng relasyon sa Diyos malibang ang kanyang mga pagkakasala laban sa Diyos ay maalis.
Ang makasalanan ay nasa kondisyon din na hindi siya karapat-dapat para sa isang relasyon sa Diyos. Ang makasalanan ay (3) masama sa kanyang mga hangarin.[7] Dahil siya ay isang alipin ng kasalanan, ang makasalanan ay (4) walang kapangyarihan upang baguhin ang kanyang kalagayan.[8]
Kaya ano ang kaligtasan na kailangan ng makasalanan? Dahil ang makasalanan ay nagkasala, ang kaligtasan ay nangangahulugan ng kapatawaran. Dahil siya ay kaaway ng Diyos, ang kaligtasan ay nangangahulugan ng pakikipagkasundo. Dahil siya ay masama, ang kaligtasan ay nangangahulugan ng paglilinis. Dahil siya ay walang kapangyarihan, ang kaligtasan ay nangangahulugan ng pagpapalaya. ilan lamang ito sa mga aspeto ng kaligtasan na kailangan ng makasalanan.
Hindi kayang bayaran ng tao ang kanyang sariling kasalanan. Ang isang dahilan ay ang lahat ng bagay na mayroon tayo ay pagmamay-ari ng Diyos. May mas mahalagang dahilan. Ang kasalanan ay laban sa isang Walang-hanggang Diyos, at walang magagamit na pambayad ang tao, bagay na walang katapusan ang halaga.
Walang kahit anuman na magagawa ang tao tungkol sa kanyang pangangailangan; samakatuwid, walang maitatakdang gawain para sa tao upang makamit niya ang kaligtasan.[1] Kung posible para sa tao na makamit sa kanyang sarili ang kanyang kaligtasan, hindi na kinakailangan pa na mamatay si Hesus sa krus.[2]
► Kung nais ng Diyos na magpatawad, bakit hindi siya nagpatawad nang walang krus?
Sapagkat ang Diyos ay banal, dapat siyang humatol ayon sa katotohanan at katarungan.[3]
Isipin ninyo kung ang sakripisyo ni Kristo ay hindi nangyari. Paano kung pinatawad ng Diyos ang mga makasalanan nang walang pagbabayad-sala?
Kung pinatawad ng Diyos ang kasalanan nang wala ang pagbabayad-sala, ang kasalanan ay tila hindi mahalaga. Ang Diyos ay tila hindi makatarungan, at hindi banal. Tila sa paningin ng Diyos, kaunti lamang ang pagkakaiba sa pagitan ng isang taong gumagawa ng tama at isang taong gumagawa ng mali.
Kung ang kapatawaran ay walang pagbabayad-sala, ang Diyos ay hindi maaaring sambahin bilang ang makatarungan at banal na Diyos na tunay na kalikasan niya. Ang kapatawaran na walang pagtubos ay lubos na lumalapastangan sa Diyos sa halip na igalang siya, kaya’t hindi iyon maaaring gawin.
Ngunit ang Diyos ay mapagmahal at nagnanais na magpatawad. Hindi niya nais na iwanan ang buong sangkatauhan sa isang makasalanang kondisyon, na naliligaw sa walang hanggan, kahit na ito ang nararapat sa kanila.
Ang sakripisyo ni Hesus sa krus ay nagbibigay ng sakripisyo ng walang katapusang halaga na kinakailangan. Si Hesus ay kwalipikado (1) sa pamamagitan ng pagiging walang kasalanan [4] (perpekto at hindi nangangailangan ng kaligtasan ang kanyang sarili), at (2) sa pagiging parehong Diyos at tao.
Ang pagbabayad-sala ay nagbibigay ng kung ano ang kinakailangan bilang isang batayan para sa kapatawaran. Maaaring patawarin ng Diyos ang taong nagsisisi at naniniwala sa kanyang pangako. Walang sinumang nakauunawa ng sakripisyo sa krus ang maaaring mag-isip na ang kasalanan ay hindi seryoso sa Diyos.
Ang pagbabayad-sala ay nagbibigay ng isang paraan na pwedeng ibilang ng Diyos na matuwid ang isang makasalanan na naniniwala sa pangako, gayon pa man ay manatiling makatarungan.[5] Ang Roman 3:20-26 ay nagbibigay ng lohikal na paliwanag kung paano nangyayari ang pagtubos/pagbabayad-sala.
Sinasabi sa atin ng Biblia na ang paraan ng kaligtasan na ibinigay ng Diyos ay tunay na ang tanging paraan. Kung tinatanggihan ng isang tao ang kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo, hindi siya maliligtas.[6]
Ito ang dahilan kung bakit mahalaga na malaman ang katuroan ng kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya lamang, na matatanggap sa pamamagitan ng pananampalataya lamang. Ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng biyaya lamang dahil walang anuman ang magagawa natin upang makamtan ito o maging karapat-dapat para dito. Ito ay sa pananampalataya lamang dahil wala tayong anumang maaring gawin upang matupad ito. Maaari lamang tayong maniwala sa pangako ng Diyos.
► Sino ang gumagawa ng unang hakbang sa kaligtasan ng isang tao, ang Diyos o ang tao mismo?
[6] Basahin Marcos 16:15-16, Mga Gawa 4:12, Hebreo 2:3.
Ang Unang Biyaya
Ginawa ng Diyos ang mga unang hakbang patungo sa pagdadala sa makasalanan sa kaligtasan. Ipinakita niya ang kanyang kahandaan na magpatawad sa pamamagitan ng pagbibigay ng sakripisyo ni Hesus sa krus. Ngayon ang biyaya ng Diyos ay umaabot sa puso ng makasalanan, kumukumbinsi sa kanya ng kanyang mga kasalanan at nagdudulot sa kanya ng hangarin na magkaroon ng kapatawaran.[1] Ang makasalanan ay walang kapangyarihan na iwanan ang kanyang mga kasalanan nang walang tulong ng Diyos.[2] Binibigyan ng Diyos ng kakayahan ang makasalanan na tumugon sa ebanghelyo. Kung ang isang tao ay hindi naligtas, hindi dahil wala siyang biyaya, kundi dahil hindi siya tumugon sa biyaya na ibinigay sa kanya ng Diyos.[3]
Si Hesus ay namatay para sa mga kasalanan ng buong mundo, at nais ng Diyos na ang bawat tao ay maligtas.[4] Ang biyaya ng Diyos ay nagbibigay sa bawat tao ng kakayahang tumugon, ngunit hindi niya pinipilit ang sinuman. Iyon ang dahilan kung bakit tinatawag ng Diyos ang makasalanan upang pumili na magsisi at maniwala.[5]
[3] Isang magandang talata na naglalarawan sa biyaya ng Diyos ang isinulat maraming taon bago pa naganap ang pagbabayad-kasalanan. Ito ang Awit 85. Inilalarawan nito kung paano pinatatawad ng Diyos ang kasalanan. Sinasabi nito na nagwakas ang kanyang poot. Pagkatapos dumarating ito sa isang kahanga-hangang pangungusap. Sinasabi nito na “ang awa at katotohanan ay kapwa natugunan; ang katuwiran at kapayapaan ay nagkaisa na.” Ito ay isang kahanga-hangang larawan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagbabayad-sala. Kung walang pagbabayad-sala, ang biyaya ng Diyos ay malilimitahan ng katotohanang tayo ay makasalanan. Magiging kaaway tayo ng Diyos dahil sa kaniyang pagiging matuwid, sa halip na pahintulutan ang kapayapaan.
[4] Basahin 2 Pedro 3:9, 1 Juan 2:2, 1 Timoteo 4:10.
Ang pagsisisi ay nangangahulugan na nakikita ng isang makasalanan ang kanyang sarili bilang nagkasala at karapat-dapat sa kaparusahan, at nais niyang ihinto ang kanyang mga kasalanan.
"Hayaang talikuran ang lakad ng masama, at ng taong hindi matuwid ang kanyang mga kaisipan; hayaan siyang bumalik sa Panginoon, at mahahabag siya sa kaniya; at sa aming Diyos, sapagkat siya'y magpapatawad ng sagana" (Isaias 55:7).
Ang pagsisisi ay hindi nangangahulugan na dapat ituwid ng isang makasalanan ang kanyang buhay at gawing matuwid ang kanyang sarili bago siya patawarin ng Diyos. Imposible iyon, ngunit ang makasalanan ay dapat maging handa para iligtas siya ng Diyos mula sa kanyang mga kasalanan.
► Ang kaligtasan ay natanggap sa pamamagitan ng biyaya, kaya bakit kailangan ang pagsisisi para sa kaligtasan?
Ang P anananampalataya ay ang tanging pangangailangan para sa kapatawaran, ngunit hindi maaaring magkaroon ng pananampalataya para sa kaligtasan nang walang pagsisisi. Kung ang isang tao ay ayaw magsisi, ayaw niyang maligtas mula sa kasalanan.
Kung pinatawad ng Diyos ang mga tao na nagpapatuloy sa kasalanan at hindi nagsisisi, iyon ay lalapastangan sa kanya bilang matuwid na hukom ng daigdig.
Kailangan ang pagsisisi, sapagkat kung ang isang tao ay hindi magsisisi, hindi niya inaamin ang kasamaan ng kasalanan. Kung hindi niya makita kung bakit dapat siyang huminto sa pagkakasala, hindi niya nakikita kung bakit siya nangangailangan ng kapatawaran.
Kung hindi pa nakikita ng isang tao ang kanyang sarili bilang tunay na nagkasala, walang maidadahilan, at karapat-dapat na parusahan, hindi siya tunay na nagsisi. Kung siya ay umamin na siya ay isang makasalanan ngunit nais niya ng isang relihiyon na magpapahintulot sa kanya na magpatuloy sa pagkakasala, hindi siya nagsisi, dahil nais niya na patuloy na gawin kung ano ang ginagawa niyang pagkakasala.
Nakapagliligtas na Pananampalataya
► Kung ang isang tao ay mayroong pananampalatayang nakapagliligtas, ano ang ibig sabihin nito na pinaniniwalaan niya?
(1) Nakita niya na wala siyang magagagwa upang ikatwiran ang kanyang sarili.
"Sapagkat sa pamamagitan ng biyaya kayo'y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at hindi sa inyong sarili: ito ay regalo ng Diyos, hindi sa mga gawa, upang ang sinuman ay huwag magmalaki" (Mga Taga Efeso 2:8-9).
Napagtanto niya na wala siyang magagawa (mga gawa) na kahit bahagya ay magagawa siyang karapat-dapat na iligtas.
(2) Naniniwala siya na ang sakripisyo ni Kristo ay sapat para sa kanyang kapatawaran.
"At siya ang pangpalubag-loob para sa ating mga kasalanan, at hindi para sa atin lamang, kundi sa mga kasalanan ng buong sanlibutan" (1 Juan 2:2).
Ang Pagsusuyo (propitiation) ay nangangahulugan na ang sakripisyo ang naging dahilan upang maging posible ang ating kapatawaran. Walang kailangan na karagdagan sa sakripisyo ni Kristo para sa ating kapatawaran.
(3) Naniniwala siya na pinatawad siya ng Diyos sa kondisyon ng pananampalataya lamang.
"Kung ipapahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at makatarungan upang patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kalikuan" (1 Juan 1:9).
Kung iniisip niya na may iba pang mga kondisyon, inaasahan niya na maililigtas rin siya ng mga gawa sa halip na ganap at lubos sa pamamagitan ng biyaya.
Katiyakan
► Paano maaaring malaman ng isang tao na siya ay siguradong naligtas?
May mga tao na umaasa sa kanilang mga damdamin, ngunit ang mga damdamin ay nagbabago at maaaring makalinlang.
Sinasabi sa atin ng Biblia na maaari nating matiyak na tayo ay naligtas na. Makapagtitiwala tayo na tinanggap tayo ng Diyos. Hindi tayo kailangang mabuhay nang may takot, sapagkat ang Espiritu ng Diyos ang nagbibigay katiyakan sa atin na tayo ay ibinilang na Anak ng Diyos.[1]
Ang katiyakang ito ay kumpleto na kaya’t hindi na natin kailangang katakutan ang Araw ng Paghuhukom.[2] May mga nagsasabi na umaasa silang tatanggapin sila sa langit, ngunit maaari tayong magkaroon ng higit na katiyakan kaysa doon. Hindi sapat na naniniwala na ang kaligtasan ay ibibigay sa buong sanlibutan sa pangkalahatan; dapat malaman ng isang tao na siya mismo ay naligtas.
Ang nabagong buhay ay katibayan na ang isang tao ay naligtas, ngunit ang katibayan na iyon ay hindi umiiral sa mga unang sandali. Ang mga resulta ng kaligtasan ay hindi pa nagkakaroon ng panahon upang lumitaw. Kaya, sa oras ng pagsisisi, ang isang nabagong buhay ay hindi ang batayan ng katiyakan.
Ang manananampalataya ay makakatiyak sa kanyang kaligtasan sa pamamagitan ng pagkaalam na sinunod niya ang paraan ng Kasulatan para maligtas. Kung ang isang tao ay tunay na nagsisi at naniwala sa itinuturo ng Biblia, may karapatan siyang maniwala na pinatatawad na siya ng Diyos. Kapag ang isang tao ay nagsisisi at naniniwala, ang Diyos ay nagbibigay ng patotoo ng kanyang Espiritu na siya ay naging anak ng Diyos.
Kung sinusubukang pakiramdaman ng isang tao kung siya ay naligtas kapag hindi siya tunay na nagsisi, siya ay malilito at maaaring madaya ang kanyang sarili.
Kung ang isang tao (1) ay tunay na nagsisi, (2) nagtitiwala sa pangako ng Diyos sa Kasulatan, at (3) tumatanggap ng patotoo ng Espiritu, hindi siya malilinlang. Ang katiyakan ay batay sa Salita ng Diyos, na lubos na maaasahan. Ang Diyos ay tumutupad sa kanyang mga pangako.
Pagkakasundo/Reconciliation: Ang salitang ito ay nangangahulugan na ang mga naging kaaway ay muling nakipagkasundo. Sa kaligtasan, nakikipagkasundo tayo sa Diyos. [1]
Pagbabayad/Expiation: Ang salitang ito ay nangangahulugan na ang isang rekord ay nalinis na. Sa kaligtasan, ang talaan ng ating mga kasalanan ay nabubura.[2]
Pagsusuyo/Propitiation: Ang salitang ito ay tumutukoy sa isang bagay na ibinibigay upang maalis ang galit ng isang tao. Sa kaligtasan, ang sakripisyo ni Hesus ang nag-alis ng galit ng Diyos na laban sa atin.[3]
Pagpapalaya/Deliverance: Ang salitang ito ay nangangahulugan na ang isang tao ay naligtas mula sa kapangyarihan ng iba. Sa kaligtasan, tayo ay inaalis mula sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at ng kasalanan.[4]
Pagtubos/Redemption: Ang salitang ito ay nangangahulugan na ang isang presyo ay binayaran upang ang isang tao ay maaaring maging malaya. Sa kaligtasan, ang kamatayan ni Hesus ang presyo upang tayo ay lumaya mula sa pagkakaalipin at parusa ng kasalanan.[5]
Ang pagbibigay-katwiran/Justification: Ang salitang ito ay nangangahulugan na ang isang tao ay ibinilang na matuwid, o walang sala. Sa kaligtasan, ang nagkasala ay nabibilang na matuwid dahil si Hesus ay nagdusa sa kanyang lugar.[6]
Pagpapabanal/Sanctification: Ang salitang ito ay nangangahulugan na ang isang tao ay ginawang banal. Sa kaligtasan, ang isang makasalanan ay binago upang maging isang banal na anak ng Diyos.[7]
Pag-ampon/Adoption: Ang salitang ito ay nangangahulugan na ang isang tao ay nagiging legal na anak ng iba. Sa kaligtasan, nagiging mga anak tayo ng Diyos.[8]
Pagbabagong-buhay o Bagong Kapanganakan/Regeneration: Ang salitang ito ay nangangahulugan na ang isang tao ay nagsisimula muli sa buhay. Sa kaligtasan ang mananampalataya ay nagsisimula ng isang bagong buhay.[9]
Pagtatatak/Sealing: Ang salitang ito ay nangangahulugan na ang isang bagay ay minarkahan upang ipakita kung sino ang nagmamay-ari nito. Sa kaligtasan, ang Banal na Espiritu na nasa atin ay tumutukoy sa atin bilang pag-aari ng Diyos.[10]
Ang isang miyembro ng klase ay maaaring piliin upang ipaliwanag ang impormasyon sa kahon sa ibaba.
[1] Basahin 2 Corinto 5:19, Roma 5:1 (Ang mga talatang ito ay kapwa nangungusap tungkol sa pagpapawalang-sala at pakikipagkasundo)
Pagkakamali na Iiwasan: Relihiyon na Walang Pagsisisi
Mayroong isang uri ng tao na madaling nag-iisip na siya ay naligtas kapag naririnig niya na ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya. Hindi pa siya tunay na nagsisisi, dahil hindi niya nakikita na kailangan niyang magsisi. Hindi niya nakita ang kanyang sarili bilang isang makasalanan na karapat-dapat sa paghatol ng Diyos. Iniisip niya na ang biyaya ay nangangahulugan na maaaring niyang gawin ang kanyang sariling daan. Dahil tinatanggap niya ang katotohanan ng Kristiyanismo, iniisip niya na siya ay isang Kristiyano, bagaman wala siyang pagbabago. Hindi niya isinusuko ang sarili niyang kalooban; sa halip, tinanggap niya ang Diyos bilang isang bahagi ng kanyang buhay, at namumuhay pa rin sa kabuuan ng buhay ayon sa kanyang sariling kalooban. Hindi ito ang simula ng nakakapagligtas na kaugnayan sa Diyos, alinsunod sa paglalarawan sa Banal na Kasulatan.
Nasa ibaba ang dalawang opsiyonal na mga impormasyon. Maaaring pag-aralan ng klase ang mga ito kung interesado ang mga miyembro sa mga paksang ito.
Kaligtasan sa Lumang Tipan
Sa Lumang Tipan, ang Diyos ay naglaan ng isang sistema ng pagsamba na may mga sakripisyo. Ang mga sakripisyo ay hindi nagbibigay ng kaligtasan katulad ng kamatayan ni Hesus. Sinasabi sa atin ng Biblia na "hindi posibleng makapag-alis ng kasalanan ang dugo ng mga toro at ng mga kambing.”[1] "Kaya bakit inihahandog ang mga sakripisyo? Ang mga ito ay mga uri ng pagsamba na sumasagisag sa sakripisyo ni Kristo na nasa hinaharap.[2]
Hindi ito nangangahulugan na ang kaligtasan ay hindi makakamit hanggang sa mga panahon ng Bagong Tipan. Nang ipinapaliwanag ni Apostol Pablo ang katuroan ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, ibinigay niya ang mga halimbawa ni Abraham at David upang ipakita na hindi ito isang bagong ideya.[3] Sinabi ni Hesus na dapat alam na ni Nicodemus ang tungkol sa bagong kapanganakan dahil siya ay isang guro ng Lumang Tipan. [4] Sinabi ni Pablo kay Timoteo na ang Lumang Tipan sa Banal na Kasulatan ay magpapatalino sa kanya tungkol sa kaligtasan.[5] Kaya’t mayroon nang Ebanghelyo sa Lumang Tipan.
May ilan sa panahon ng Lumang Tipan na nakakaunawa sa biyaya. Hindi nila alam ang mga detalye ng pagbabayad-sala o kung paano ito kumikilos, ngunit naniniwala sila na sa anumang paraan ang Diyos ay nagbibigay ng batayan para sa kapatawaran. Ang mga sakripisyo ay anyo lamang ng pagpapahayag ng pananampalatayang iyon , tulad ng mga paraan ng pagsamba ngayon (halimbawa, ang Hapag ng Panginoon). Ang mga sakripisyo ay walang kabuluhan kung walang kasamang pananampalataya at pagsunod. Katulad ito ng ating mga anyo ng pagsamba ay walang kabuluhan kung ang mga ito ay hindi pagpapahayag ng isang puso at buhay na nagpapasakop sa Diyos.
Ang Awit 51 at Isaias 1:11-18 ay dalawang talata na nagpapakita na ang pagsisisi at pananampalataya ay mahalaga sa panahon ng Lumang Tipan. Dapat humingi ng kapatawaran at paglilinis ang sinumang sumasamba.
Nang magkasala ang unang tao, isang sumpa ang dumating sa lahat ng nilikha.[1] Kapag ang kaligtasan ay nakumpleto, ang sannilikha ay maibabalik, ngunit hindi pa natin nakikita iyon.
Ang kaligtasan ay nagsisimula sa pagpapanibago sa espirituwal ng mga taong naligtas. Ang mga mananampalataya ay naligtas mula sa kasalanan, at sila ay nabubuhay sa mga pagpapala ng Diyos. Gayunpaman, hindi pa nila nararanasan ang pagpapalaya mula sa pisikal na aspeto ng sumpa ng kasalanan. Mayroon pa silang mga katawan na tumatanda at namamatay.
Ang kalikasan ay nasa ilalim pa rin ng sumpa ng kasalanan. Hindi pa natin ito nakita sa orihinal na likas ayon sa pagkalikha ng Diyos. Nakikita natin ang kalikasan na puno ng masasamang mga nilalang at nilalang na nagkakasalungat sa isa’t-isa, kung saan maraming mga nilalang ang dapat mamatay upang ang iba ay mabuhay.
Darating ang oras na ang lahat ng nilikha ay papanunumbalikin/babaguhin.[2]
Ang isang talata na naglalarawan sa pag-asa ng Kristiyano sa mundo na nasa ilalim pa ng sumpa ng kasalanan ay ang Roma 8: 19-25.
Dapat magkakasamang basahin ng klase ang "Pahayag ng Paniniwala" nang hindi bababa sa dalawang beses.
Pagpapahayag ng mga Paniniwala
Ang buhay, kamatayan at muling pagkabuhay ni Kristo Hesus ay nagkaloob ng pagbabayad-utang para sa kasalanan ng mundo. Ang bawat isa ay salarin sa pagkakasala at walang lakas upang iligtas ang kanyang sarili. Matatanggap ng bawat makasalanang nagsisisi ang biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Pinatatawad ang makasalanan at inililigtas mula sa kapangyarihan at kaparusahan ng kasalanan. Binabago ng Banal na Espiritu ang mananampalataya mula sa pagiging makasalanan at ginagawang banal na sumasamba sa Diyos. Walang ibang paraan ng kaligtasan. Ang sannilikha sa pangkalahatan ay tinubos na at sa wakas ng panahon ay ibabalik ng Diyos.
Leksyon 8 Takdang Aralin
Ang bawat mag-aaral ay dapat na italaga sa isa sa mga talata na nakalista sa ibaba. Bago ang susunod na sesyon ng klase, dapat niyang basahin ang talata at magsulat ng paragraph tungkol sa sinasabi nito tungkol sa paksa ng leksyong ito.
Para sa Talatang Takdang-Leksyon
Efeso 2:1-10, Isaias 1:11-18, Awit 51, Roma 8:19-25, Roma 3:20-26
Dapat ipaalala sa mga mag-aaral na hindi bababa sa pitong beses sa panahon ng kursong ito ang bawat mag-aaral ay dapat magturo ng isang leksyon o bahagi ng isang leksyon sa mga taong hindi kabilang sa klase. Dapat mag-ulat ang mga mag-aaral sa lider ng klase tuwing magtuturo sila para sa takdang-leksyon.
Leksyon 8 Mga Tanong Para sa Pag-aaral
(1) Bakit nakakasakit-damdamin para sa maraming tao ang krus?
(2) Ano ang apat na aspeto ng kalagayan ng isang makasalanan?
(3) Bakit ang pagpapatawad na walang pagbabayad-sala ay hindi nagpaparangal sa Diyos?
(4) Ano ang pagsisisi?
(5) Kung ang isang tao ay mayroong pananampalataya na nakapagliligtas, ano ang ibig sabihin nito na pinaniniwalaan niya?
(6) Bakit kwalipikado si Hesus na maging sakripisyo?
(7) Paano makakatiyak ang isang tao na siya ay ligtas?
(8) Itugma ang mga tuntunin ng kaligtasan sa mga tamang talata:
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.