Sa katapusan ng leksyong ito, dapat na maunawaan at maipaliwanag ng mag-aaral ang:
(1) Mga antas ng kahalagahan sa mga paksa tungkol sa mga pangwakas na pangyayari.
(2) Ang pagbabalik ni Kristo at ang kahulugan nito para sa buhay Kristiyano.
(3) Ang muling pagkabuhay ng lahat ng tao at ang halaga ng katawan.
(4) Ang huling paghatol ng lahat ng moral na nilalang.
(5) Ang Walang-hanggang kaharian ng Diyos.
(6) Ang isang pahayag ng mga Kristiyanong paniniwala tungkol sa mga pangwakas na pangyayari.
Isa sa mga praktikal na layunin ng leksyong ito ay para malaman ng estudyante ang kahalagahan ng pagtingin sa buhay sa lupa mula sa pananaw ng walang-hanggan.
Matapos kunin ang pagsusulit sa nakaraang leksyon, gamitin ang mga layunin mula sa leksyong iyon para magtanong bilang pagbabalik-aral. Pagkatapos ay pumunta sa pagbabasa ng talata sa ibaba.
Basahin ang Daniel 7:9-14 nang sama-sama. Ano ang sinasabi sa atin ng talatang ito tungkol sa kinabukasan?
Ang marka ng halimaw, ang mga trumpeta, ang dakilang kapighatian, ang antikristo, ang 1,000 taon, ang 7 taon, ang dakilang puting trono, ang lungsod na bumababa, ang lawa ng apoy - ito ay mga paksa ng propesiya sa Biblia.
► Anong mga isyu ang naiisip mo sa propesiya ng Biblia?
Mga Antas ng Kahalagahan
Ang mga talakayan ng propesiya ay madalas na tumutuon sa mga menor na katanungan sa halip na sa mga pangunahing katotohanan. Ang mga paksa sa propesiya ay hindi lahat ay pantay pantay sa halaga. Hindi natin susubukang masakop ang lahat tungkol sa propesiya sa kursong ito.
Kung minsan ang mga tao ay nag-iisip kung ano ang hitsura ng marka ng halimaw, kung saang bansa magmumula ang antikristo, at kung sino ang magiging dalawang saksi. Ito ang mga tanong na hindi malinaw na sinasagot ng Biblia, at ang pagtatalo tungkol sa mga ito ay hindi sulit.
May iba pang mga paksang higit na ipinapaliwanag ng Biblia. Ang ilang mga halimbawa ay kung babalik si Hesus sa umpisa, gitna, o katapusan ng kapighatian; at kung ang milenyo ay isang literal na libong taon. Gayunman, ang mga katuroang ito ay hindi mahalaga sa ebanghelyo. Hindi mo dapat sirain ang pakikisama sa isang tao dahil hindi ka sumasang-ayon sa kanyang opinyon sa isa sa mga tanong na ito.
Mayroong ilang mga kinakailangang katotohanan sa propesiya ng Biblia. Ito ay mga katotohanang napakalinaw na ang sinumang naniniwala sa Biblia ay tinatanggap ang mga ito. Ang mga katuroang ito ay nakakaapekto sa pamumuhay Kristiyano at sa buong sistema ng mga katuroang Kristiyano.
Tingnan natin ang apat na kinakailangang katotohanan na inihayag sa propesiya sa Biblia tungkol sa mga pangwakas na pangyayari.
Ang Pisikal na Pagbabalik ni Hesus
Si Hesus ay babalik na makikita sa mundong ito. Bagaman siya ay espirituwal na naroroon sa mga mananampalataya sa mundo ngayon, siya ay babalik sa kanyang niluwalhati, muling nabuhay na anyo sa paningin ng buong mundo.[1]
► Ano ang ilang mga bagay na mangyayari kapag bumalik si Hesus?
Ang pagbabalik ni Kristo ang magiging rurok ng kasaysayan ng mundo. Ang mga kaharian ng mundo ay magiging mga kaharian ni Kristo. Ang mga taong tapat sa kanya ay gagantimpalaan at pararangalan. Ang mga nagrerebelde laban sa kanya ay ibabagsak, at magkakaroon siya ng kapangyarihan na magtatagumpay sa lahat ng pagsalungat.[2] Ang bawat tuhod ay luluhod, at ang bawat dila ay magpapahayag na si Hesus ay Panginoon.[3]
Ang mga Kristiyano na namatay ay bubuhaying muli upang mamuno kasama ni Kristo.[4] Sila at ang mga nabubuhay na mananampalataya ay aakyat upang salubungin ang Panginoon kapag siya ay lumitaw.[5]
Ang kanyang pagbabalik ay ang pinagpalang pag-asa ng lahat ng mga Kristiyano.[6] Isipin ang lahat ng kahulugan ng kanyang pagbabalik sa atin: ang katapusan ng pag-uusig, pagdurusa, at kalungkutan; muling pagsasama-sama ng mga banal at mga Kristiyanong mahal sa buhay; patunay na ang ating pananampalataya ay hindi naging walang kabuluhan; ang makita ni Hesus mismo; at pagpasok sa langit at ang kalubusan ng buhay na walang hanggan sa Diyos. Walang isa man sa mga bagay na ito ang nakasalalay sa panahon ng kanyang pagbabalik, kundi sa katotohanan na siya ay babalik gaya ng ipinangako niya.
Sinabi ni Hesus na babalik siya nang may kapangyarihan at kaluwalhatian.[7] Ipinangako niya na darating siya at kukunin ang kanyang bayan upang mabuhay nang kasama niya.[8] Sinabi ng mga anghel na siya ay babalik sa parehong paraan na siya ay umakyat sa Langit.[9] Ang mga apostol ay nangaral ng pagsisisi habang naghihintay na bumalik si Kristo upang itatag ang tunay na plano ng Diyos para sa daigdig na ito.[10] Isa sa pinakamadalas iturong katotohanan sa Bagong Tipan ang muling pagbalik ni Hesus sa mundong ito nang mgay kapangyarihan at kaluwalhatian.[11]
Bagama't may mga palatandaan na mauuna sa Ikalawang Pagdating, hindi natin eksaktong nalalaman kung kailan siya babalik. Mabuti para sa mga mananampalataya na palaging hinihintay ang pagdating ni Hesus at mamuhay nang naaayon.[12]
► Bakit babalik si Hesus?
Bakit Siya darating?
Nabubuhay tayo sa isang mundo kung saan ang karamihan sa mga tao ay nasa paghihimagsik laban sa Diyos. Ang buong sannilikha ay nagdurusa dahil sa sumpa ng kasalanan. Ang daigdig ay hindi kailanman magiging mas mabuti sa pamamagitan ng pampulitikang pagkilos, repormang panlipunan, pinahusay na edukasyon, o maunlad na ekonomiya. Maging ang pagbuti ng mundo ay hindi rin mangyayari nang dahan-dahan. Si Hesus ay biglang darating sa kanyang nilikha bilang ang nagbabalik na hari upang ituwid ito.
Ang lahat ng tao ay makasalanan, ngunit kung kusang-loob silang sasama sa kaharian ng Diyos ngayon, maaari silang makatakas sa darating na paghatol. Ang kaharian ng Diyos ay nagaganap na sa mga nagsisisi at naniniwala.[13] Ang kahariang iyon ay darating nang ganap at lantaran sa pagbalik ni Hesus.
► Paano tayo dapat mabuhay dahil alam natin na si Hesus ay babalik?
Kaya paano tayo mabubuhay?
Dapat nating tandaan ang mga prayoridad ng mga unang Kristiyano. Tinawag tayo upang mapanatili ang ating pananampalataya at "magtiis hanggang sa wakas." Binabalaan tayo na huwag hayaan ang mga kaligayahan at ang mga bagay ng mundo na makalimutan natin ang tungkol sa pagdating.[14] Nabubuhay tayo ayon sa mga walang-hanggan ang halaga dahil ang mga bagay sa mundong ito ay lilipas. Sinabihan tayo na "magbantay," hindi tumitingin sa kalangitan para sa kanyang paglitaw, kundi manatiling mapagbantay sa espiritwal upang hindi tayo datnang hindi handa sa kanyang pagdating.[15] Manalangin tayo para sa kadalisayan at mabuhay ng dalisay dahil gusto nating maging katulad niya.[16]
Ang mga namumuhay ngayon na parang hindi siya darating ay hindi magiging handa para sa kanyang pagbabalik.[17] Ang pagdating ni Hesus ay magiging tulad ng kidlat,[18] talagang bigla na walang sinuman ang magkakaroon ng oras upang baguhin ang anumang bagay pagkatapos niyang lumitaw.
Naghihintay tayo para sa kanyang pagparito (1) sa pamamagitan ng pagsunod sa mga prayoridad na pangwalang-hanggan, (2) pamumuhay sa kadalisayan, at (3) pagbabantay sa ating sarili sa espirituwal sa pamamagitan ng pananalangin.
[17] 1 Tesalonica 5:1-6 ay nagpapakita na ang mga nasa kadiliman, nabubuhay para sa mundong ito, ang siyang magugulat sa pagbabalik ng Panginoon. Para sa atin, hindi siya babalik “tulad ng isang magnanakaw.”
Alam natin na ang katawan ay may walang-hanggang halaga sapagkat itinuturo ng Biblia ang pagkabuhay na mag-uli ng lahat ng tao.
Ang katuroan ng muling pagkabuhay ay kinakailangan.[1]Ipinaliwanag ni Apostol Pablo sa 1 Mga Taga Corinto 15 na kapag tinanggihan ang pagkabuhay na mag-uli ay pagtanggi rin sa ebanghelyo. Kung walang pagkabuhay na mag-uli, hindi na maaaring muling binuhay si Hesus.[2] Kung si Hesus ay hindi bumangon mula sa mga patay, ang ebanghelyo ay hindi maaaring maging totoo, at walang sinuman ang tunay na maliligtas.[3]
Ang bawat tao ay mabubuhay na mag-uli, ngunit hindi lahat ng mga tao ay magkakapareho. Sa pagbalik ni Hesus, dadalhin niya ang lahat ng mga Kristiyano, bubuhayin na mag-uli ang mga namatay.[4]
Ang mga namatay sa kanilang mga kasalanan ay hindi tinatanggap para sa unang muling pagkabuhay.[5] Sila ay bubuhayin sa ibang pagkakataon para sa paghatol.[6]
Ang mga Kristiyano ay muling bubuhayin sa mga niluwalhating katawan tulad ni Hesus.[7] Ang mga makasalanan ay bubuhayin sa ibang paraan para sa Walang-hanggang kaparusahan.[8]
► Kung hindi ka naniniwala na ang katawan ay bubuhaying muli, anong pagkakaiba ang magagawa nito para sa iyo?
Ang paniniwala na isang araw tayo ay bubuhaying muli ay nakakaapekto sa ating pamumuhay. Nakita natin ang mga praktikal na epekto ng katuroan sa pamamagitan ng pagtingin sa mga halimbawa ng mga tao na tumanggi dito. Tinanggihan ng ilang miyembro ng kongregasyon ng Corinto na ang katawan ng tao ay mabubuhay na muli. Ang pagkakamaling ito ay nahahati sa dalawang matinding posisyon. Ang ilan ay nagsabi, "Dahil ang katawan ay hindi muling bubuhayin, ang espiritu lamang ang mahalaga. Iyan ay nangangahulugan na ang mga kasalanan na ginagawa natin sa katawan ay hindi seryoso. Maaari pa rin tayong makiapid, dahil ang katawan ay itatapon pa rin.”[9]
Ang iba ay nagsabi na: “Dahil ang katawan ay hindi muling bubuhayin,ito ay walang-halaga at masama. Dapat nating sugpuin ang lahat ng mga kagustuhan ng katawan, hindi kumain ng anumang bagay na nakalulugod sa panlasa o kinasisiyahan ang pag-aasawa.”
Ang dalawang kamaliang ito ay nagmula sa pagtanggi sa muling pagkabuhay. Ang katuroang Kristiyano ng muling pagkabuhay ay nagbigay ng kahalagahan sa katawan. Ang kahalagahan ay ipinakita dahil ang katawan ng mga Kristiyano ay tinubos, mga templo ng Espiritu Santo, mga miyembro ni Kristo, at muling bubuhayin at luluwalhatiin.[10]
Ang katuroan ng muling pagkabuhay ay kinakailangan dahil ang ibig sabihin nito (1) na si Hesus ay bumangon mula sa mga patay, (2) lahat ng tao ay itataas, (3) ang katawan ay may walang-hanggang halaga, at (4) totoo ang ebanghelyo.
[1] Ito ay ipinakita ng katotohanang sumulat si Pablo ng 58 talata (lahat nasa 1 Corinto 15) na ipinagtatanggol ang katuroan ng muling pagkabuhay.
[5] “O kamatayan, nasaan ang iyong kamandag? O Hades, nasaan ang iyong tagumpay? Si Kristo ay muling nabuhay, at ikaw ay nabura. Si Kristo ay muling nabuhay, at ang mga demonyo ay itinapon sa ibaba. Si Kristo ay muling nabuhay, at nagdiwang ang mga anghel. Si Kristo ay muling nabuhay, at ang buhay ay napalaya. Si Kristo ay muling nabuhay, at ang libingan ay nawalan ng patay: Dahil si Kristo, na muling binuhay mula sa mga patay, ay naging Tagapanguna at Nagbibigay-buhay sa mga natutulog na. Sa kanya ang kaluwalhatian at kapangyarihan magpasawalang-hanggan. Amen.”- Chrysostom, Mensahe sa “Pasko ng Muling Pagkabuhay”
[9] Tingnan ang 1 Corinto 6:13-14, kung saan tila ang ilan ay may kasabihan, “Pagkain para sa tiyan at ang tiyan ay para sa pagkain”, na ibig sabihin ang katawan ay tanging para lamang sundin ang mga pagnanasa nito. Ssinabi ng apostol.”Subalit wawasakin ng Diyos kapwa ito at sila,” nagsasalita tungkol sa paghatol sa maling paggamit ng katawan. Patuloy pa niya, “Ang katawan ay para sa Panginoon… At ang Diyos ang muling bumuhay sa Panginoon at siya ring bubuhay sa atin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.”
Ang Paghuhukom ay totoong dulo para sa mga taong ang mga pangalan ay wala sa Aklat ng Buhay. Hindi ito ang katapusan ng kanilang pag-iral, kundi ito ang wakas ng kanilang mga pagpili. Ang susunod na kawalang-hanggan ay magiging walang katapusan na mga kahihinatnan/resulta ng mga desisyon na hindi kailanman mababaligtad.
Ang Paghuhukom ay nagbibigay sa ating mga pagpili ng kabuluhan na lampas sa kanilang agarang mga resulta. Iniisip ng ilang tao na hangga't maaari nilang kontrolin ang mga resulta ng kanilang mga pagkilos, wala nang iba pang aalalahanin tungkol doon. Gusto nilang maniwala na ang kanilang kasalanan ay hindi masama kung hindi talagang nakakagawa ng anumang pinsala. Sa katunayan, ang lahat ng kasalanan ay nakasasama, ngunit kahit na hindi, ito ay seryoso dahil sa paghatol. Ang Salita ng Diyos ay nagsasabi na ang mga tao ay hahatulan para sa kanilang mga ginawa.[1]
Sa Paghuhukom ang ilan ay ipapadala sa walang-hanggang parusa at ang iba pa sa walang-hanggang gantimpala. Ang kasulatan ay naglalarawan ng isang tanawin ng paghatol para sa mga makasalanan na nabuhay na mag-uli upang harapin ang kahatulan para sa kanilang makasalanang mga gawa.[2] May isa pang paghatol para sa mga Kristiyano, kung saan sila ay gagantimpalaan para sa mga gawa na may kapaki-pakinabang, pangmatagalang mga resulta.[3]
Ang katotohanan na mangyayari ang Paghuhukom ay nagsasabi sa atin na isang araw ang kasalanan ay matatapos. Mahirap isipin ang isang daigdig na walang kasalanan, ngunit darating ang araw na ang lahat ng paghihimagsik laban sa Diyos ay matatapos.
Ang Diyos ay hindi nagnanais na mabuhay tayo sa patuloy na takot at ang takot na ito ang ating motibo para sa tamang pamumuhay. Gayunman, ang kamalayan sa paghuhukom na darating ay nagbibigay sa atin ng isang pananagutan na nagbibigay gabay sa ating buhay.
Dapat nating malaman ang tungkol sa paghatol upang maunawaan (1) ang kahalagahan ng kasalanan, (2) ang ating pananagutan sa Diyos, (3) ang kahalagahan ng ating mga pagpili, at (4) ang katapusan ng lahat ng kasalanan.
Ayon sa ilang mga pilosopiya at relihiyon, ang panahon ay nagpapatuloy magpakailanman sa mga pag-ikot, na walang pasimula o wakas, at walang mga pangyayari na bumabago ng mga bagay magpakailanman.
Ngunit ayon sa Biblia, ang oras ay may simula at serye ng mga pangyayari na unti-unting dumarating sa isang konklusyon. Ang Biblia ay naglalarawan ng paglikha, pagkatapos ay ang trahedya na pagkahulog ng tao, pagkatapos ay ang plano ng kaligtasan tinutupad ng Diyos sa buong panahon ng mga siglo ng kasaysayan ng tao.[1]
Sa Genesis matatagpuan natin ang simula ng kasalanan. Sa Pahayag ang kasalanan ay ganap na ibinukod mula sa walang-hanggang lungsod ng Diyos.[2] Sa Genesis makikita natin ang pagkawala ng puno ng buhay at ang sentensiya ng kamatayan. Sa Pahayag makikita natin ang pagpapanumbalik ng puno ng buhay, mga pangalan sa Aklat ng Buhay, at paanyaya sa isang ilog ng tubig ng buhay.[3]
Alam natin na may isang kaganapan na darating sa dulo ng iskedyul na inihayag ng Diyos sa atin. Ang kaganapang ito ang maglulunsad sa sanlibutan sa walang hanggan na plano ng Diyos. Ito ang pagdating ng ganap at walang-hanggang kaharian ng Diyos.
Ang Diyos ay palaging Hari ng kanyang sanlibutan, ngunit dahil sa pagbagsak ng tao, ang karamihan sa sangkatauhan ay nasa paghihimagsik laban sa kaharian ng Diyos. Ito ay biglang magwawakas, at ang Diyos ay maghahari nang walang hanggan nang walang karibal. Ang mundo ay magiging ganap tulad ng nais ng Diyos, tulad ng langit.
[1] “Ang isang libong taon ay isang araw sa walang-hanggang Dios. Samakatuwid, ‘Siya ay matiyaga’: Binibigyan niya tayo ng pagkakataon upang magsisi, nang walang sagabal sa kanyang sarili. Sa isang salita, para sa Diyos ang oras ay lumilipas nang hindi mabagal o mabilis kaysa sa nararapat at ayon sa kanyang ekonomiya; o mayroon bang anumang dahilan kung bakit kinakailangan niyang patagalin o madaliin ang katapusan ng lahat ng bagay.”- John Wesley, Notes on the New Testament, notes on 2 Peter 3
Pagkakamali na Dapat Iwasan: Nakatuon ang Isip sa Mundo
May isang pagkahilig ng tao na mamuhay na parang ang buhay sa mundo ay nagpapatuloy magpakailanman. Sinisikap nating mapabuti ang ating mga kondisyon, at lutasin ang ating mga problema, at lumikha ng isang kapaligiran na nagbibigay sa atin ng kasiyahan. Kailangan nating maging katulad ni Abraham na umaasa sa walang-hanggang tahanan habang siya’y nanirahan sa mga tolda at madalas na lumipat (Hebreo 11:8-10, 14-16). Dapat nating tandaan na ang lahat ng mga bagay na itinatayo natin, ang mga bagay na mayroon tayo, at ang mga kondisyon na ating nililikha ay pansamantala lamang. Dapat tayong gumawa para sa mga bagay na magkakaroon ng walang-hanggang halaga.
Pagpapahayag ng mga Paniniwala
Dapat basahin ng klase ang "Pahayag ng Paniniwala" nang sama-sama nang hindi bababa sa dalawang beses.
Pagpapahayag ng mga Paniniwala
Babalik si Hesus tulad ng kanyang ipinangako, muling bubuhayin ang mga naunang mga mananampalataya, at kukunin ang lahat ng mga mananampalataya upang mamuno sa kanyang kaharian. Bawat tao ay ibabangon mula sa patay upang harapin ang paghuhukom para sa kanyang mga gawa, pagkatapos noon ay bibigyan ng walang-hanggang gantimpala o hahatulan ng walang-hanggang kaparusahan. Ang kaharian ng Diyos ay lubos na darating, at ang Diyos ay maghahari magpakailanman.
Leksyon 14 Takdang Aralin
Ang bawat mag-aaral ay dapat na italaga sa isa sa mga talata na nakalista sa ibaba. Bago ang susunod na sesyon ng klase, dapat niyang basahin ang talata at magsulat ng taludtod tungkol sa sinasabi nito tungkol sa paksa ng leksyong ito.
Para sa Talatang Takdang-Leksyon
Mateo 25:31-46, 2 Pedro 3:1-14, 1 Corinto 15:51-58, Pahayag 20:11-15, Daniel 2:31-45
Dapat ipaalala sa mga mag-aaral na hindi bababa sa pitong beses sa panahon ng kursong ito ang bawat mag-aaral ay dapat magturo ng isang leksyon o bahagi ng isang leksyon sa mga taong hindi kabilang sa klase. Dapat mag-ulat ang mga mag-aaral sa lider ng klase tuwing magtuturo sila para sa takdang-leksyon.
Leksyon 14 Mga Tanong Para sa Pag-aaral
(1) Ano ang apat na mahahalagang katotohanan sa propesiya ng Biblia?
(2) Ano ang mangyayari sa mga Kristiyano kapag bumalik si Hesus?
(3) Paano tayo dapat maghintay para sa pagdating ni Hesus?
(4) Bakit kailangan ang katuroan ng muling pagkabuhay?
(5) Bakit mahalagang malaman natin ang tungkol sa paghuhukom?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.