Panimula
► Maaari bang maligtas ang isang tao kahit hindi niya naririnig ang ebanghelyo? Kailangan ba ang gawain ng pag-eebanghelyo?
Sa Banal na Kasulatan ay matatagpuan natin ang mga halimbawa ng mga naabot ng biyaya ng Dios kahit walang naganap na pakikipag-ugnayan mula sa Israel o sa Iglesia. Si Job ay isang matuwid at tinatanggihan ang kasamaan bago pa nabuhay si Moises at bago pa naisulat ang mga pahina ng Banal na Kasulatan. Si Balaam ay may kaugnayan sa Dios at kilala bilang manghuhula na nakatatanggap ng mensahe mula sa Dios nang hindi nakaranas ng tila siya’y nangangarap. Si Abimelech ay kumilos ng mas matuwid kaysa kay Abraham matapos isipin ni Abraham na, “Tunay nga na ang pagkatakot sa Dios ay wala sa lugar na ito.” Ang Roma 1:21-32 ay naglalarawan sa mga pagano na nasa isang kalagim-lagim na kalagayan; hindi dahil hindi nila alam ang tungkol sa Dios, sa halip ito ay dahil tinanggihan nila kung ano ang kanilang nalaman. (Tingnan din ang Awit 19 at Roma 10:18.)
"Ang Dios ay malapit sa mga taong may takot sa kanya; at ipapaunawa niya sa kanila ang kanyang kasunduan" (Awit 25:14). Ang tipan ay ang mga alituntunin para sa relasyon ng Dios sa tao, na nangangailangan ng isang kaloob na biyaya sapagkat ang lahat ay nagkasala. Kung ang isang tao ay may buong takot at paggalang sa Dios, ipapakita sa kanya ng Dios ang paraan kung paano magkaroon ng kaugnayan sa kanya.
Sinasabi ng Biblia na walang ibang pangalan para sa kaligtasan maliban sa pangalan ni Jesus (Gawa 4:12). Gayunpaman, hindi pa alam ng mga taong naligtas sa Lumang Tipan ang pangalan ni Jesus. Sila ay nagtitiwala sa mga pangako ng Dios na magkakaloob ng katubusan at kapatawaran, at ipinagkaloob nga niya ito sa pamamagitan ni Jesus. Sa katulad na paraan, ang taong hindi pa nakakarinig ng pangalan ni Jesus ay maaaring magtiwala sa Dios para sa kaligtasan na ibinigay niya sa pamamagitan ni Jesus.
Kaya, ano ang ibig sabihin na ang kaligtasan ay hindi maaaring dumating/dumaan sa iba pang pangalan? Ito ay nangangahulugan na walang ibang alternatibong paraan upang magkaroon ng kaligtasan. Ang isang tao ay hindi maaaring maligtas sa iba pang paraan ng kaligtasan. Ito rin ay nangangahulugan na hindi dapat tanggihan ng isang tao si Jesus kung nalaman niya ang patungkol sa kanya, sapagkat ang hindi pagtanggap sa kanya ay hindi rin pagtanggap sa kaligtasan o kaya ay paghahanap ng ibang paraan patungo sa kaligtasan.
Sinabi ni Jesus, “Kung sino man ang nagnanais na gumawa ng kanyang kalooban, dapat niyang malaman ang doktrina.” Ito ay isang pangako na kung ang isang tao ay matapat na hinahanap ang Dios, sasabihin sa kanya ng Dios ang mga bagay na dapat niyang malaman. “Ito ang tunay na ilaw, dumating ito sa sanlibutan upang magbigay ng liwanag sa lahat ng tao” (Juan 1:9). Ang Banal na Espiritu ang nagdadala ng liwanag ni Jesus maging sa mga hindi pa nakakarinig sa kanya.
Maraming tao ang nakatanggap ng mga pangitain o iba pang espesyal na pagpapahayag na nagdala sa kanila sa Dios bago nila narinig ang ebanghelyo mula sa isang mensahero. Halimbawa, sa modernong panahon maraming Muslim ang nagbalik-loob pagkatapos matanggap ang isang mensahe mula sa Dios.
► Narinig mo ba ang tungkol sa isang tao na tumanggap ng espesyal na pakikipag-ugnayan mula sa Dios bago pa lubusang maunawaan ang ebanghelyo?
Kaya, makikita natin na posible para sa isang tao na mahanap niya ang Dios at pati ang maligtas kahit na hindi niya naririnig ang ebanghelyo sa pamamagitan ng mga mensahero. Ngunit, inilalarawan ng Biblia ang ebanghelyo bilang isang mensahe na dapat marinig ng bawat tao.
[1]Inilalarawan ng aklat ng Roma ang pangangailangan para sa pagpapahayag ng ebanghelyo. Sinabi ng Apostol na ang ebanghelyo ay “ang kapangyarihan ng Dios tungo sa kaligtasan” (1:16). Sinabi niya na mayroon siyang utang sa lahat ng tao, na ipangaral sa kanila ang ebanghelyo (1:14). Ipinangaral niya ang katotohanan na tayo ay itinuturing na matuwid sa harapan ng Dios sa pamamagitan lamang ng pananampalataya sa kanya (3:26, 5:1).
Pagkatapos, dumating ang tila ay pagmamadali sa pangangailangang mag ebanghelyo. Sinabi niya, “Paano sila sasampalataya kung hindi pa sila nakakarinig ng tungkol sa kanya? At paano sila makakarinig kung walang mangangaral?” (10:14). Sinabi niya, “Ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig, at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral tungkol sa Salita ng Dios” (10:17). Ginagamit ng Dios ang ebanghelyo upang lumikha ng nakapagliligtas na pananampalataya sa mga nakakarinig. Ang pangangaral ng ebanghelyo ang karaniwang pamamaraan ng Dios upang iligtas ang mga makasalanan.
Kung maaari silang maligtas kahit na walang mangangaral, bakit napakahalaga ng isang mensahero?
Sa malawak na kapatagan hanggang sa Hilaga, kung minsan ay may nakikita ko sa araw kapag nagbubukang liwayway na parang usok ng isang libong mga nayon kung saan wala pang misyonero ang nakapunta pa– mga nayon kung saan ang mga tao ay wala pang naririnig tungkol kay Cristo, o patungkol sa Dios, at wala rin naririnig na pag-asa.
- Robert Moffat