Ang bawat mag-aaral ay dapat magdala ng kanyang balangkas o buod ng isang ebanghelikong sermon na kanyang ipinangaral, kanyang narinig, o nais niyang maipangaral.
Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Corinto 1:17-25 para sa pangkat.
► Ano ang pamamaraan ng Dios sa pagliligtas sa mga nawawala?
Ang mga Hudyo ay naghahanap ng kapangyarihan upang mailigtas ang kanilang bansa. Gusto nila ng isang mensahe ng kapangyarihan na may mga palatandaan ng kapangyarihan upang patunayan na gagana ito.
Ang mga Hentil ay nagnanais ng karunungan para maunawaan ang buhay at para maging matagumpay sa mundo. Nais nila ang isang mensahe na magpapaliwanag kung paano nila makukuha ang kanilang nais.
Ang krus ay kumakatawan sa pagsuko at handog. Sa mga Hudyo na nagnanais ng kapangyarihan, para sa kanila ito ay kahinaan. Sa mga Hentil na nagnanais ng makamundong karunungan, para sa kanila ito ay kamangmangan. Sa tunay na buhay, ang kapangyarihan at karunungan ng Dios ay ipinakita sa pagkamatay ni Cristo. Ang krus ay parang kahinaan at kamangmangan ng Dios, ngunit mas malaki ito kaysa sa pinakamahusay na pagsisikap ng mga tao.
Ang mensahe ng ebanghelyo ay sumasalungat sa natural, makasalanang pagnanasa ng sangkatauhan. Nanawagan itong magkaroon ng pagsisisi at pagsuko sa Dios. Ito ay parang isang kahangalang mensahe, sapagkat nais marinig ng mga tao ang tungkol sa kung paano nila makukuha ang kanilang mga nais.
Pinili ng Dios na gamitin ang ebanghelyo upang maligtas ang mga tao. Ibinigay niya ang gawain ng pakikipagugnayan sa mga mananampalataya. Ang salitangpangangaral ay hindi lamang tumutukoy sa isang taong nagsasalita sa isang grupo ng tao, ngunit sa pakikipag-ugnayan ng ebanghelyo sa iba’t-ibang paraan at anyo. Ang punto ng talata ay hindi ang pampublikong pangangaral ang napiling pamamaraan ng Dios. Ang punto ay ebanghelyo ang siyang pamamarang napili ng Dios.
► Ano ang kahulugan ng talata kapag sinasabi na ang pangangaral patungkol sa mensahe ng krus ay kamangmangan para sa mga hindi sumasampalataya?
Pagtukoy sa Ebanghelikong Pangangaral
Ang salitangpangangaralay maaaring magamit sa isang mas malawak na diwa upang tukuyin ang iba’t-ibang anyo ng pakikipag-ugnayan upang maibahagi ang Salita ng Dios. Gayunpaman, sa leksiyong ito, gagamitin natin ang salitang pangangaral sa karaniwan nitong kahulugan: upang tukuyin ang isang indibidwal na nagbabahagi ng Salita ng Dios sa isang pagpupulong ng mga tao.
Ang Ebanghelikong pangangaral ay nagaganap kapag ang ebanghelyo ay ipinapahayag sa isang pagpupulong ng mga tao. Hindi lamang ito isang pagpapahayag ng anumang paksa o talata sa Banal na Kasulatan. Ito ay isang pagpapahayag ng ebanghelyo.
Ang tagapangaral ng Ebanghelyo ay kadalasang sinusubukang mahikayat ang kanyang mga tagapakinig upang gumawa ng agarang tugon sa mensahe, na may layunin na sila ay agarang magbalik-loob. Ang mensahe ay idinesenyo upang tawagin sila sa pagpapasyang iyon.
Ang impormasyon sa isang ebanghelikong mensahe ay maingat na pinili. Ang layunin ng mensahe ay hindi bilang isang pangunahing kaalaman. Sinisikap ng nangangaral na magbigay ng impormasyon na kailangan ng mga tagapakinig para sa pagpapasya na magbalik-loob. Kabilang sa mga impormasyong ito ay ang paliwanag ng pangunahing ebangelyo, kung paano dapat tumugon ang nakikinig, at posibleng mga kahihinatnan ng pagpapasya.
Ang nangangaral ay maaaring maganap sa isang tahimik, maayos na kaganapan katulad ng pagsasama saman ng mga miyembro ng iglesisa sa isang gusali, simbahan o sa isang pagsasama-sama ng mga tao sa ibang lugar kung saan nagtitipon para sa ibang layunin. Ang mga tagapakinig ay maaaring maging mabuti sa mensahe, o maaaring hindi.
► Ano ang iba’t ibang mga kalagayan kung saan mo nakikita na ipinapangaral ang ebanghelyo?
Mga Gabay para sa Ebanghelikong Pangangaral
Dahil may mga pagkakaiba-iba sa pagitan ng pangangaral sa isang simbahan at pangangaral sa iba’t ibang uri ng pangkat, sa una ay magbibigay kami ng mga gabay na nalalapat sa ebanghelikong pangangaral sa isang iglesia. Sa isang dulong bahagi ng leksiyong ito, magbibigay kami ng ilang mga gabay na nalalapat para sa pangangaral sa labas ng iglesia.
(1) ipaliwanag ang isang talata sa banal na kasulatan.
Ang Salita ng Dios ay napakamakapangyarihan, kaya’t kailangan ng Nangangaral na gamitin ito. Hindi kinakailangan na mahaba ang talata o ang paggugol ng mahabang panahon sa pagpapaliwanag ng mga detalye tungkol dito. Dapat niyang gamitin ang Banal na Kasulatan na sumusuporta sa mensahe ng ebanghelyo. Kaya dapat niyang tiyakin na ang kanyang pinakamahalagang pahayag ay batay sa Banal na Kasulatan, upang ang kapangyarihan ng Salita ng Dios ay magamit. Hindi siya dapat pumili ng bahagi ng isang talata upang magamit sa isang kahulugan na naiiba sa kahulugan na mayroon ito mula sa konteksto ng talata.
(2) Dapat niyang tukuyin ang mga terminongpagsisisi atpananampalataya.
Ang mga tagapakinig ay maaaring magkaroon ng mga maling ideya tungkol sa kung ano ang kahulugan ng mga salitang ito. Maaari nilang isipin na ang pagsisisi ay nangangahulugang gawing tama ang iyong buhay upang tanggapin ka ng Dios. Kailangan nilang malaman na ang pagsisisi ay nangangahulugang ikaw ay lubos na humihingi ng tawad sa iyong mga kasalanan na ikaw rin ay handang magpaligtas mula sa mga kasalang ito.
Maaaring isipin ng mga tagapakinig na ang pananmpalataya ay nangangahulugang paniniwala sa isang relihiyon o pagsasagawa ng mga nakaugalian sa relihiyon. Kailangan nilang malaman na ang pananampalatayang nakapagliligtas ay ang ganap at lubusang pagbibigay nang iyong tiwala sa pagbabayad-sala ni Cristo para sa kaligtasan.
(3) Bigyaang-diin na ang isang tao ay nagiging isang Kristiyano sa isang sandali ng kanyang pagbabalik-loob.
Maraming tao ang may maling idea tungkol sa kung ano ang kahuluganng pagiging isang Kristiyano at kung paano ang isang tao ay nagiging isang Kristiyano. Maaring ipagpalagay nila na nais lamang ng nangangaral na mas maging relihiyoso sila o maging bahagi ng kanyang simbahan. Maaari nilang isipin na nais lamang ng nangangaral na magkaroon sila ng panibagong simula sa buhay na mayroong mas mahigpit na pamumuhay. Bigyang diin na sa pagbabalik-loob ng isang makasalanang nagsisisi, ay makakatanggap ng kapatawaran, at magkakaroon ng simula ang personal na kaugnayan sa Dios.
(4) Itanggi ang mga maling kadahilanan ng mga tao sa pag-aangkin na sila ay mga Kristiyano.
Sa ilang lipunan, karamihan sa mga tao ay nagiisip na sila ay mga Kristiyano. Maaari nilang isipin na sila ay mga Kristiyano dahil nagpupunta sila sa isang simbahan, gumagawa ng mabubuting bagay, naniniwala sa ilang mga bagay, o nagkaroon ng ilang espirituwal na karanasan. Bukod sa pagbibigay diin sa pagbabalik-loob, paglalarawan ng isang buhay na may kaugnayan sa Dios at ang pagsunod pagkatapos ng pagsisisi.
(5) Tiyaking maiintindihan ka ng mga taong hindi pa kabilang sa iglesia.
Huwag gumamit ng mga termino na ang mga relihiyoso lamang ang may alam. Huwag tukuyin ang mga kaugalian ng relihiyon na hindi nila naiintindihan.
► Ano ang ilang mga termino o salitang ginagamit sa inyong iglesia na hindi nauunawaan ng inyong kapitbahay o mga tao sa inyong lugar?
(6) Mag-alok ng kapatawaran, ng kaugnayan sa Dios, at buhay na walang hanggan.
Ito ang pinakamahalagang benepisyo ng kaligtasan. Ipinapakita nito ang kabigatan ng kalagayan ng makasalanan sa pamamagitan ng paglalarawan ng paghatol at walang hanggang parusa na darating sa mga makasalanan.
(7) Iwasan ang mangako ng mga benepisyo na hindi ipinangako sa ebanghelyo.
Kung iniisip ng mga tao na kabilang ang materyal na benepisyo sa alok ng kaligtasan mula sa Dios o sa iglesia, ang kasaganahan, pagpapagaling ng may sakit, o iba pang uri ng pagpapabuti ng sitwasyon ng buhay, maaari nilang subukang tanggapin ang mga benepisyo ng hindi talaga nagsisisi.
Maaari mong ipaliwanag na kapag ang Dios ang siyang nasa kontrol ng buhay ng isang tao, siya ay gagabayan ng Dios, pagpapalain, at tutulungan sa kanilang mga problema. Gayunpaman, hindi natin dapat ipangako na ang lahat ng kanilang mga problema ay malulutas kung sila ay magiging Kristiyano. Para sa ilang mga tao, ang buhay ay maaaring mas maging mahirap dahil sa pag-uusig.
(8) Huwag ikonekta ang pagbabalik-loob sa pagiging kasapi ng isang lokal na iglesia.
Ang pagiging kasapi ng isang Iglesia ay dapat na makamtam ng isang tao sa sandaling siya ay tunay na magbalik-loob, ngunit ang mga pamantayan ng pagiging kasapi ay kailangang maipaliwanag pagkatapos niyang magbalik-loob. Huwag magsalita ng tungkol sa mga kinakailangan upang maging isang kasapi ng isang iglesia habang sinusubukan na hikayatin ang isang tao na magsisi sa kanyang mga kasalanan. Ang tagapagturo ng ebanghelyo ay dapat na magtuon ng pansin sa pagdadala sa nakikinig tungo sa karanasan ng pakikipag-ugnayan sa Dios.
► Ano ang ilang kailangan upang maging kasapi sa iyong iglesia na hindi naman kinakailangan para sa kaligtasan?
(9) Huwag magtakda ng mga kinakailangan para sa pagbabalik-loob na kasama ng kanyang paglago.
Tawagin ang mga tagapakinig na magsisi sa mga kasalanan na kanyang naiintindihan. Huwag mong sabihin sa kanya ang mga patakaran tungkol sa mga detalye ng buhay na hindi naman niya maiintindihan hanggang sa maging Kristiyano siya nang ilang saglit na panahon. Ang panawagan na magsisi at manampalataya ay mabigat na. Huwag mo nang dagdagan ang bigat na siyang maaring maging dahilan upang tanggihan ng isang tao ang ebanghelyo.
(10) Ipaliwanag kung ano ang nais mong gawin nila.
Huwag ipagpalagay na alam ng tagapakinig na dapat siyang manalangin at humingi ng kapatawaran sa Dios. Huwag ipagpalagay na alam na niya kung paano lalapit at luluhod. Kapag inanyayahan mo ang mga tagapakinig na tumugon, ipaliwanag kung ano mismo ang nais mong gawin nila. Hangga’t maaari ay isipin mo kung paano ito gagawing mas madali para sa isang taong tahimik sa isang pagtitipon sa iglesia.
Ang Pananalangin kasama ang mga Naghahanap
Ang mga tao ay maaaring magtipon upang manalangin sa altar dahil sa iba’t ibang kadahilanan. Minsan ay iniimbitahan ng pastor ang mga tao na manalangin tungkol sa iba’t ibang pangangailangan. Ang mga gabay na nakalista dito ay hindi laging nalalapat sa lahat ng pagkakataon ng pananalangin sa altar. Ang mga gabay ay nalalapat sa pananalangin sa mga taong tumugon sa paanyaya pagkatapos ng isang ebanghelikong mensahe.
Dapat tiyakin ng pastor na ang ilang mga tao sa iglesia ay nasanay upang tulungan ang mga taong nananalangin para sa kaligtasan. Dapat niyang ihanda ang mga taong ito upang tumulong kapag nagbigay siya ng isang paanyaya ng pagtugon sa ebanghelyo.
Minsan ang isang tao na nais tumulong sa iba na manalangin ay nagiging isang hadlang sa halip na isang tulong. Dapat magbantay ang pastor upang tingnan kung mayroong magiging mga problema sa altar at maging handa sa pagtulong. Kung ang isang tao ay hinahadlangan ang oras ng pananalangin sa altar na may hindi kanais-nais na pag-uugali o maling pagpapayo, dapat gawin ng pastor ang anumang kinakailangan upang iwasto ang problema.
Naniniwala tayo na ang isang tao ay maaaring magsisi, manampalataya, at makaranas agad ng pagbabalik-loob. Ang pananampalatayang ito ang siyang gumagabay sa ating mga patakaran sa pananalangin kasama ng hindi pa mananmpalataya na nagnanais manalangin.
Mga Patakaran Sa Pananalangin Kasama Ng Hindi Pa Mananampalataya
(1) Dapat ay may isa man lang na matanda na sa pananampalataya ang tumulong sa bawat hindi pa manampalatayang nagnanais manalangin.
Huwag iwanan mag-isang manalangin ang hindi pa mananampalataya at huwag hayaang walang tumutulong sa altar. Nais nating dumating sa isang tiyak na tagumpay sa nagnanais manalangin.
(2) Alamin kung bakit nagdarasal ang taong hindi pa mananampalataya.
Huwag ipagpalagay na nagdarasal siya para sa kaligtasan. Kahit kakatapos pa lamang na isang ebanghelikong mensahe, ang mga tao ay lumalapit sa altar para sa iba’t ibang kadahilanan. Hindi kinakailangan na pigilan o putulin ang panalangin ng isang hindi pa mananampalataya; ngunit sa isang punto, ang mananampalatayang tumutulong sa kanya ay dapat na magtanong, “Ano ang nais mong gawin ng Dios para sayo?” Pagkatapos ay maaari ng ipanalangin ng mananampalataya ang anumang kailangan niya.
(3) Hikayatin ang taong hindi pa mananampalataya na magkaroon ng lubusang pagsisisi.
Itanong, “Handa ka bang pagsisihan ang iyong mga kasalanan, at hayaang iligtas ka ng Dios mula sa kasalanan?” Hikayatin siyang sabihin sa Dios ang kanyang pagsisisi. Hindi kinakailangang sabihin niya ang kanyang mga kasalanan sa pastor o sa ibang tao, maliban kung may tiyak na pagkakasala laban sa mga taong iyon.
(4) Tiyakin sa isang taong nagnanais na manampalataya na siya ay patatawarin ng Dios.
Sabihin sa kanya na humingi siya ng tawad sa Dios at magtiwala sa pangakong kapatawaran mula sa Dios. Kung tila nahihirapan siya at nagdududa, ipakita sa kanya ang isang pangako sa banal na kasulatan (1 Juan 1:9, Juan 3:16, Roma 5:8).
Kung ang taong nagnanais manampalataya ay tila nahihirapan manalangin gamit ang kanyang sariling mga salita, ang taga-tulong ay maaaring mag-alok sa kanya ng tulong upang matulungan siya sa isang panalangin na uulitin ng taong nagnanais manampalataya. Ito ay maaaring maging katulad nito:
"Panginoon, alam kong Ako ay isang makasalanan at karapat-dapat sa walang hanggang kaparusahan. Patawarin nyo po ako sa aking mga kasalanan at handa po akong talikuran ang mga ito. Hinihiling kong patawarin nyo ako‒hindi dahil karapat-dapat ako, ngunit dahil namatay si Jesus para sa akin.Salamat po sa kaligtasan. Simula sa mga oras na ito, Ako ay mabubuhay para sa iyo."
Karaniwan, kapag ang isang nagnanais manampalataya na nahihirapan manalangin sa isang tiyak na tagumpay, mayroon nananatili pa din na kasalanan na ayaw niyang tigilan. Hindi siya maaaring magkaroon ng pananampalataya upang siya ay mapatawad hanggang hindi siya tunay na nagsisisi.
(5) Hilingin sa taong nagbalik-loob ang isang patotoo.
Kung ang isang nagnanais manampalataya ay tila nakahanap ng tagumpay, dapat ay magtanong sa kanya ng, “Ano ang ginawa ng Dios para sa iyo?” Hikayatin siyang gumawa ng isang tiyak na pahayag. Maaari niya itong ipatotoo sa harap ng mga miyembro ng iglesia, ngunit dapat niyang sabihin muna ito sa nakasama niyang manalangin.
(6) Bigyan ng naka-print na paliwanag tungkol sa kaligtasan.
Dapat bigyan ng naka-print na paliwanag tungkol sa kaligtasan ang bagong nagbalik-loob. Ito ay dapat may paliwanag tungkol sa kaligtasan. Ito ay makakatulong sa kanya na maunawaan ang nangyari at makakatulong din ito sa kanya upang ipaliwanag sa iba.
(7) Itakda ang unang hakbang sa pagiging disipulo.
Ang unang hakbang sa pagiging disipulo ay karaniwang isang pulong o pakikipagkita sa isang pastor o isang taong matanda na sa pananampalataya. Tiyaking nauunawaan ng nagbalik-loob ang mga nangyari sa kanya. Pagkatapos nito, maaari siyang sumali sa isang maliit na grupo o regular na pag-aaral ng Salita ng Dios kasama ng isang tao.
Dapat din na may isang taong bumisita sa kanyang pamilya, siguraduhing alam nila ang tungkol sa pagbabalik-loob, at anyayahan sila sa iglesia. Maaaring magkaroon ng pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo sa kanila.
► Ano ang mga kaugalian sa iyong iglesia para sa pananalangin kasama ng mga hindi pa mananampalataya? Ano ang mga dapat mong gawin upang maidagdag ang mga bagay na nakalista sa itaas?
Pangangaral sa Labas ng Iglesia
Ang Pangangaral sa labas ng iglesia ay para sa layunin na maabot ang mga taong hindi nagpupunta sa iglesia. Ito ay mahirap dahil ang mga tagapakinig ay naroon para sa ibang layunin at maaaring hindi magbigay ng pansin. Posibleng maingay doon at may konting kaguluhan. Walang senyales ng pagsamba na katulad ng pagsambang nagaganap kapag nagtitipon-tipon ang mga miyembro ng iglesia.
Ang isang tagapangaral sa labas ng iglesia ay dapat mayroon siyang malakas na boses na may sapat na lakas upang marinig siya ng mga tao, o dapat siyang gumamit ng ilang uri ng amplifiyer.
Ang unang hamon para sa pangangaral sa labas ng iglesia ay ang pagkuha ng kanilang pansin. Ang mga tao sa lugar ay mabilis na nagpapasya kung nais nilang makinig o hindi. Ang ilang tagapakinig ay makikinig lamang sa loob ng ilang minuto. Marami ang makikinig lamang sa isa o dalawang pangungusap bago magpasya kung interesado man sila o hindi.
Ang tagapagbahagi ng ebanghelyo ay dapat gumamit ng mga maiikling pangungusap, at ang bawat pangungusap ay dapat mahalagang pakinggan at isang kapaki-pakinabang na pahayag. Dapat niyang alalahanin na ang bawat pangungusap ay magiging unang pangungusap na na maririnig ng ilan niyang tagapakinig. Ang paggawa ng isang punto sa bawat pangungusap ay makakatulong na mahuli ang kanilang pansin. Kung siya ay nagtagumpay sa pagkuha ng pansin ng isang pangkat upang makinig, maaari niyang masabi ang mga ilustrasyon at mas malinaw na maipaliwanag ang mga puntos.
Kung maaari, ang tagapagbahagi ng ebanghelyo ay dapat may kasamang isang grupo ng mga mananampalataya. Kung ang mga taong dumadaan ay nakikita ang iba na nakikinig, mas malamang na sila ay tumigil at makinig. Kung mayroong mga musikero na maaaring tumugtog ng mga kanta bago ang pagbabahagi ng ebanghelyo, ito ay kadalasang nakakatulong upang makapagtipon ng maraming tao.
Dapat antatahan ng tagapagbahagi ng ebanghelyo ang mga tagapakinig na mas lumapit at manalangin para sa kaligtasan.
Ang mga tumutulong ay dapat na magpamahagi ng mga naka-print na impormasyon sa mga tao sa lugar.
► Ano ang mga posibleng kaganapan na mayroon sa pangangaral sa labas ng iglesia sa inyong lugar?
Talakayan sa Klase
Ang bawat mag-aaral ay dapat na tingnanangebanghelikong sermon na kanyang dinala. Dapat niyang isaalang-alang kung paano nito nagagampanan ang sampung alituntunin para sa ebanghelikong pangangaral. Dapat niyang planuhin kung paano niya ito babaguhin o uulitin.
Maaaring walang oras upang talakayin ng klase ang sermon ng bawat mag-aaral, ngunit dapat nilang talakayin ang ilan sa kanila upang makapagbigay ng mga halimbawa.
Takdang Aralin
Bumuo ng isang ebanghelikong sermon na nakasunod sa mga pamantayan na ibinigay sa leksiyong ito. Ang sermon ay hindi kailangang isulat ng buo, ngunit dapat na isulat ang pangunahing pahayag. Dalin ito sa susunod na sesyon ng klase para sa talakayan.
Paalala sa Tagapanguna ng Klase:
Ang susunod na sesyon ng klase ay hindi dapat masaklaw o matalakaw ang isang aralin. Ang mga mag-aaral ay dapat magpakita ng kanilang ebanghelikong sermon at pagkatapos ay talakayin ang mga ito. Hindi kinakailangan ipangaral nila ng buo ang kanilang sermon, ngunit paikliin ito sa isang pagpapahayag na aabot ng 5-7 minuto ang bawat isa. Ang susunod na nakatakdang sesyon ay pagkatapos ng sesyon ng pagsasanay na gagamitin sa Leksiyon 12.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.