Leksiyon 8 Pag-babalik-aral
Paalala sa lider ng klase: Magbalik-aral sa mga pangunahing punto ng Leksiyon 8. Hilingin sa mga mag-aaral kung sino ang handang magbahagi ng kanilang personal na panalangin mula sa Leksiyon 8.
Search through all lessons and sections in this course
Searching...
No results found
No matches for ""
Try different keywords or check your spelling
32 min read
by Tim Keep
Paalala sa lider ng klase: Magbalik-aral sa mga pangunahing punto ng Leksiyon 8. Hilingin sa mga mag-aaral kung sino ang handang magbahagi ng kanilang personal na panalangin mula sa Leksiyon 8.
Sa pagtatapos ng leksiyong ito, ang mga-aaral ay dapat na:
(1) Matutong manalangin gaya ng pananalangin ni Jesus.
(2) Magsanay ng pananalangin sa pamamagitan ng pagsunod sa gabay na ipinakita ni Jesus.
Isang kabataang lalaki ang sumulat ng sumusunod na liham sa kaibigan kong si Dr. Phil Brown:
Pakiramdam ko ay hindi sapat ang pananalangin ko para sa pisikal na paggaling ng isang miyembro ng pamilya. Bagama’t palagi siyang nasa isip ko, at palagi kong inilalagay siya sa paanan ng Dios, pakiramdam ko ay hindi parin sapat ang aking pananalangin. Ang isa sa mga pinakamalaking gumugulo sa aking isipan ay hindi ang hindi ako kailanman magiging sapat, kundi hindi ko kailanman nababasa ang aking Biblia nang“sapat” o nananalanginnang “sapat….” Paano ko mababalanse ang damdamin ng pagkakonsensya sa “pagiging hindi sapat sa pananalangin”sa katotohanan na alam kong kaya siyang pagalingin ng Dios, ang katotohanang gusto ko ang kalooban ng Dios, at ang katotohanang hindi ko alam kung ano ang kalooban ng Dios?
Isang gabi habang nag-aaral kami ng Biblia, ang kaibigan kong si Danny, isang bagong Kristiyano ay nagsalita para sa karamihan sa amin nang magtapat siya, “Napakahirap para sa akin ang pananalangin! Hindi ko lang alam kung paano magkaroon ng magandang buhay pananalangin.”
Maraming Kristiyano ang nahihirapan sa pananalangin. Marami ang hindi nasisiyahan sa kanilang buhay pananalangin. Dahil hindi natin nakikita ang ating kausap, nahihirapan tayong magtuon ng isip o maniwala man lang na nakikinig ang Dios. Naguguluhan tayo kung ano ang dapat nating sabihin. Ang ilan ay nagtatanong sa kahalagahan ng pananalangin dahil alam naman ng Dios ang ating mga alalahanin at pangangailangan bago pa man tayo manalangin. Nagtataka tayo kung gaano karaming panalangin ang kailangan para maging sapat. Nagtataka tayo kung bakit wala tayong nakikitang mas maraming resulta. Ang lahat ng mga pakikibaka na ito ay pangkaraniwan.
Hindi ba’t napakaganda kung si Jesus ay maaaring maging guro natin sa paaralan ng pananalangin? Sa pamamagitan ng kanyang halimbawa, sa pamamagitan ng kanyang Salita, at sa pamamagitan ng kanyang Espiritu, siya mismo! Kung maglalaan tayo ng oras upang makinig, marami sa ating mga katanungan tungkol sa pananalangin ang maaaring magsimulang masagot sa pamamagitan ng pag-aaral ng buhay pananalangin ni Jesus.
►Bigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng grupo na ibahagi ang kanilang mga pakikibaka sa pananalangin at mga tanong na may kaugnayan sa pananalangin na kanilang pinagdaanan.
Ang Paghubog ng Espiritual na buhay tungo sa pagiging katulad ni Kristo ay direktang konektado sa isang tuloy-tuloy na buhay pananalangin.
Sa leksiyong ito, hahayaan natin si Jesus na ituro sa atin kung paano manalangin. Ang kanyang simpleng gabay sa pananalangin, “Ang Panalangin ng Panginoon,” ay nagturo sa mga Kristiyano sa halos 2,000 na taon at hindi na maaaring pagbutihin pa. Ngunit ito ay hindi isang pormula ng pananalangin. Ito ay isang gabay na tumutulong sa atin na magtatag ng wastong pagkakasunod-sunod at mga prayoridad ng panalangin, lalo na ang pribadong panalangin: 1) Magsimula sa pagsamba, 2) lumipat sa pananalangin para sa iba, 3) magtapos sa papuri. Sa leksiyong ito, sisikapin natin ngayong hubugin ang ating pribadong pananalangin batay sa gabay na ito, at sa parehong pagkakataon, titingin tayo sa kanya bilang halimbawa sa gabay na ito.
Ang Ebanghelyo ni Lucas ay nagbibigay sa atin ng maraming pagkakataon para makita ang buhay pananalangin ni Jesus. Titingnan natin ang mga pagkakataong ito sa leksiyon natin. Sa pamamagitan ng pagmamasid sa buhay pananalangin ni Jesus at sa pakikinig sa kanyang pagtuturo sa pananalangin, mas mauunawaan natin kung paano magkaroon ng mas malalim, mas kasiya-siya, at mas mabisang buhay pananalangin.
Sinabi sa atin ni Lukas na mayroong isang bagay na lubhang nakakabighani – lubhang kaakit-akit – tungkol sa buhay pananalangin ni Jesus na ang kanyang mga alagad ay gustong manalangin gaya ng ginawa niya: “Minsan, nanalangin si Hssus sa isang lugar, nang siya ay matapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, tulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.[1]
► Sabay-sabay na bigkasin ang Panalangin ng Panginooon. Kung hindi mo ito alam, isa-ulo mo ito.
Kaya, sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo’y mananalangin, sabihin ninyo: ‘Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Maganap nawa ang iyong kalooban dito sa lupa gaya ng sa langit. Bigyan mo po kami ng aming pagkain sa araw-araw. At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, sapagkat pinapatawad din namin ang bawat nagkakasala sa amin. At huwag mo kaming ihatid sa tukso kundi iligtas mo kami sa masama.’”[2]
May Kapangyarihan ang mismongPagsasagawa ng Pananalangin
Maraming Kristiyano ang tila naniniwala dito. Ngunit walang kapangyarihan sa mismong pagsasagawa ng pananalangin, nagiging daan lamang ng kapangyarihan ang pananalangin!At hindi lamang kahit anong uri ng pananalangin, kundi ang pananalangin sa paraang nakakalugod sa Dios. Ang lahat ng kapangyarihan ay pag-aari ng Dios. Ang 400 na propeta ni Baal ay nanampalataya sa mismong pagsasagawa ng pananalangin, habang si Elias ay nanampalataya sa Dios na sumasagot sa panalangin.[1] Ang ating pagtutuon ng isipan ay hindi dapat sa pananalangin mismo, kundi sa Dios na ating kinakausap sa panalangin.
Ang Mas Maraming Pananalangin ay Nagdudulot ng Higit pang mga Resulta
Hindi palagi. Sinabi sa atin ni Jesus na huwag tayong tumulad sa pag-iisip ng mga pagano na ang kanilang mga panalangin ay sasagutin dahil nananalangin sila ng maraming uri ng panalangin.[2] Ang Dios ay hindi isang vending machine kung saan tayo makakakuha ng “candy” na gusto natin basta’t naglalagay tayo ng sapat na mga prayer coin. Ang panalangin ay hindi gumagana sa ganoong paraan. Nang ako ay maglakbay sa buong mundo, napansin ko na ganito ang kaisipan ng bawat pangunahing relihiyon sa mundo, kabilang ang Budhismo, Hinduismo, Islam, at Hudaismo. Nakapunta na ako sa maraming dambana at nakakita ng mga monghe ng Hindu at Budhismo na pauit-ulit binibigkas ang kanilang mga panalangin, iniikot ang kanilang mga prayer wheels, at ginagalaw ang kanilang mga daliri sa kanilang mga prayer beads. Naniniwala sila na makakatanggap sila ng tulong kapag naipon nila ang sapat na bilang ng panalangin. Ang dami ng panalangin ay dapat tumugma sa kalidad ng ating mga panalangin. Hindi magdadala ng pagpapala ng Dios ang mas maraming pagtitipon lamang upang manalangin.
► Talakayin ang mga maling ideya tungkol sa panalangin kasama ng iyong grupo. Mayroon bang iba pang maling konsepto na iyong naobserbahan?
Itinuro ni Jesus na ang unang prayoridad ng lihim na pananalangin ay ang malapit na pakikipag-ugnayan sa Dios: “Kaya sinabi niya sa kanila, ‘Kung kayo’y mananalangin, sabihin ninyo: “Aming Ama na nasa langit, sambahin nawa ang iyong pangalan.”’”[1]
Ang sikreto sa isang mas kasiya-siya at mabisang buhay pananalangin ay ang kagalakan sa ating kaugnayan sa Dios. -“Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan, at ibibigay niya ang nais ng iyong puso.”[2] Ganito palagi ang dahilan ng Israel sa pagpunta sa presensya ng Dios,[3] at ganito ang nais ng Dios na gawin ng bawat anak niya sa paglapit sa kanyang presensya. Ang paghingi na hindi nagmumula sa kagalakan sa pakikipag-ugnayan sa Dios ay walang pananampalataya, mali ang motibo, at nakatuon lamang sa sariling kalayawan.[4]
Ibinalita sa atin ni Lukas na ang pakikipag-ugnayan sa kanyang Ama ay isang prayoridad ni Jesus. Siya ay madalas na humihiwalay sa gawain ng ministeryo upang manalangin: “Kaya siya mismo ay madalas na nagtutungo sa ilang upang manalangin,”[5]sa kanyang pananalangin sa presensya ng kanyang Ama at siya ay nakikinig sa tinig ng kanyang Ama. Sa kanyang pananalangin ng mag-isa kasama ng Ama, nahubog ang mga kaisipan, mga salita, at pag-uugali ni Jesus.[6] Sa panalangin maging ang kanyang mga kahilingan ay nahubog. Sa panalangin, iniayon ni Jesus ang kanyang kalooban sa kalooban ng kanyang Ama na nasa langit upang ang lahat ng kanyang hinihingi ay naaayon sa mga plano at layunin ng Dios. Ito ang kahulugan ng pananalangin. Maliban kung ang malapit na pakikipag-ugnayan sa Ama ang prayoridad ng pananalangin, ang oras natin sa Panginoon ay magkukulang ng kagalakan at ang ating mga panalangin ay magiging makasarili at walang laman.
Nang tanungin si George Mueller, isang taong ginamit ng Dios para iligtas ang libo-libong batang ulila sa lansangan sa Bristol, England, tungkol sa pagiging epektibo ng kanyang buhay pananalangin, itinugon niya:
Nakita ko nang mas malinaw kaysa kailanman, na ang pangunahin at malaking gawain na dapat kong daluhan araw-araw ay, ang magkaroon ng kagalakan ang aking kaluluwa sa presensya ng Panginoon. Ang unang bagay na dapat alalahanin ay hindi ang laki ng kaya kong ibigay na paglilingkod sa Panginoon, o kung paano ko mabibigyang luwalhati ang Panginoon; kundi kung paano ko mailalagay ang aking kaluluwa sa isang masayang kalagayan, at kung paano mapapakain ang aking panloob na pagkatao.
Mula sa pakikipag-isa sa Dios ay dumadaloy ang pagnanais na parangalan ang kanyang pangalan at protektahan ang kanyang reputasyon. Ito ang kahulugan ni Jesus ng sabihin niya na “sambahin nawa ang iyong pangalan.” Igagalang ng Dios ang ating mga panalangin kapag lagi nating inuuna ang kanyang kaluwalhatian at ang kanyang reputasyon ng higit sa lahat. Isa sa mga unang prinsipyo ng pananalangin ay ang pag-aalaga natin sa mga bagay na mahalaga sa Dios, siya ang mag-iingat sa mga bagay na mahalaga sa atin.
Marami ang nagtataka: Paano natin malalaman kung sapat na ang ating pananalangin para sa isang partikular na kahilingan? Gaano karaming oras ang tamang oras na dapat ilaan sa Panginoon sa pananalangin araw-araw? Ang ganitong uri ng tanong ay mga sintomas ng maling layunin ng pananalangin. Sinagot ito ng kaibigan kong si Dr. Phil Brown:
Kung ang “pananalangin nang walang tigil”[7]ay nangangahulugan na ang bawat pag-iisip ay dapat ginagamit sa pananalangin, kung gayon walang sinuman, kabilang si Jesus mismo, ang nanalangin ng “sapat.” Kasama sa halimbawa na ipinakita ni Jesus ang mga maikling panalangin ng pasasalamat,[8]pananalangin ng maagang maaga,[9]pananalangin sa kalagitnaan ng gabi,[10]pananalangin sa tanghali,[11] at pananalangin sa gabi.[12]Gayunpaman, hindi nagbigay si Jesus o sinuman sa may-akda ng Kasulatan nang karaniwang dami ng oras na tumutukoy sa“sapat” na pananalangin….
Ang nakakatulong (at nakakapagbigay katiyakan) sa akin ay ang pagsukat sa aking pananalangin sa mga tuntunin ng relasyon at responsibilidad. Mayroon akong relasyon sa aking asawa, ngunit hindi ko naitatanong sa aking sarili kung nakakausap ko ba siya ng “sapat.” Ang isyu sa mga relasyon ay pag-unawa at pagpapalagayang-loob. Nakatuon ako sa pakikipag-usap sa aking asawa bilang isang paran upang maunawaan siya at maunawaan niya ako. Kapag naiintindihan natin ang isa’t-isa sa isang takdang panahon, ito ay “sapat.” Siyempre, ang paglikha ng parehong pagkakaintindihan ngayon ay hindi nangangahulugan na hindi na natin kailangang makipag-usap bukas. Nasa relasyon tayo sa Dios, at ang panalangin ang itinalagang paraan ng Dios para mapaunlad natin ang relasyon. Dapat tayong manalangin gaano man kadalas at gaano man kalaki ang kinakailangan upang patuloy na mapalago ang ating kaugnayan sa Dios. Iyon ay magiging mas marami kung minsan at mas kaunti sa ibang mga pagkakataon.
Sa mga tuntunin ng responsibilidad, lahat tayo ay may espiritual na responsibilidad sa pananalangin. Sinasabi sa atin ng Biblia na dapat tayong manalangin para sa lahat ng tao,[13]para sa “mga hari at lahat ng nanunungkulan sa mataas na posisyon,”[14] para sa pagpapadala ng Panginoon ng mga manggagawa para sa pag-aani,[15] para sa mga umuusig sa atin,[16] para sa kapurihan ng kanyang pangalan, para sa pagdating ng kanyang kaharian, para sa kaganapan ng kanyang kalooban, ating pang-araw-araw na pangangailangan, kapatawaran sa anumang kasalanang nagawa, proteksyon mula sa masama,[17] at para sa lahat ng pinabanal.[18] Bilang karagdagan sa mga tinukoy na mga responsibilidad sa pananalangin, mayroon din tayong responsibilidad na ipanalangin ang mga taong may espiritual na pangangasiwa at impluwensya sa atin. Kinilala ni Samuel na ang hindi pananalangin para sa mga taong inilagay sa kanya ng Dios bilang isang espiritual na awtoridad ay kasalanan laban sa Dios.[19] Tunay rin ito sa ating kalagayan.
Kapag ang layunin ng panalangin ay ang relasyon at responsibilidad, hindi na tayo mag-iisip nang husto tungkol sa oras.
Naisulat ni Lucas ang isang kamangha-manghang detalye ng tagpo ng bautismo ni Jesus na hindi ginawa ng ibang mga manunulat ng Ebanghelyo:
A habang siya’y nananalangin, ang langit ay nabuksan. At ang Banal na Espiritu ay bumaba sa kaniya na nasa anyong gaya ng isang kalapati, at ang isang tinig na mula sa langit ang nagsasabi, “Ikaw ang aking minamahal na Anak; na aking lubos na kinalulugdan.”[1]
Wala tayong mababasang tala kung ano ang ipinanalangin ni Jesus, ngunit nakatayo siyang basang-basa sa gitna ng ilog Jordan, at tahimik na nananalangin. Siya ay pinarangalan, pinagtibay, at inendorso ng kanyang Ama at pinuspos siya ng Banal na Espiritu.
Habang Nananalangin, Nakatanggap si Jesus ng Pagpapatibay at Biyaya mula sa kanyang Ama
Isinulat ni John Wesley na sa tatlong magkakahiwalay na okasyon sa Ebanghelyo nang ang isang tinig ay nagsalita mula sa langit “maaaring habang siya ay nananalangin, o pagkatapos niyang manalangin.”[2]
Marami sa mga taong nasisiyahan sa regular na oras ng pakikipag-ugnayan sa Dios sa isang lugar panalanginan ay higit na buo ang loob, matapang, matagumpay dahil nabubuhay sila sa kapuspusan ng Banal na Espiritu. Ang Espiritu ng Dios ay sumasaksi kasama ng kanilang espiritu na sila ay mga anak ng Dios; at sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios, sila ay nakakatawag ng Abba, Aming Ama!
Ang mga taong hindi nananalangin ay walang katiyakan at samakatuwid ay naghahanap ng katiyakan mula sa mga tao. Ang kanilang mga takot ang bumibitag sa kanila.[3] Kapag nagsisimulang maramdaman ko ang takot at kawalan ng katiyakan, alam kong may problema sa aking buhay pananalangin. Kapag ang damdamin at init, paninindigan, at 22
pagmamahal ay nawala sa aking puso at tinig, alam kong may problema sa aking buhay pananalangin. Kapag masyado akong nag-aalala tungkol sa iniisip ng iba, may problema sa buhay pananalangin ko. Kung naaakit ako sa pagtataas sa aking sarili, alam kong may problema sa buhay pananalangin ko. Kapag naging marahas ako sa aking pagtuturo, mapunahin ang aking espiritu, huwad sa aking mga pananalangin kasama ng karamihan, alam kong may problema sa aking buhay pananalangin. Ang lakas ng loob at pagtitiwala ay dumarating sa pamamagitan ng pananalangin.
Ang Kapuspusan ng Banal na Espiritu ay nagmumula kay Jesus sa pamamagitan ng Pananalangin at Gabay Niya sa Pananalangin
Sinasabi sa atin ni Lucas na ang Banal na Espiritu ay bumaba kay Jesus sa anyong kalapati habang siya ay nananalangin.[4] (Ito rin ang magiging patotoo ng mga apostol makalipas ang ilang taon.)[5] Pagkatapos ay dinala ng Banal na Espiritu si Jesus sa disyerto[6] kung saan pagkaraan ng apatnapung araw ay “bumalik si Jesus sa Galilea taglay ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu.”[7] Ang mga pagsubok na imposibleng makayanan ng tao na nag-aantay sa kanya ay nangangailangan ng presensya at kapangyarihang higit sa lakas ng kanyang katawang lupa. Kinailangan ni Jesus ang kapuspusan ng Banal na Espiritu, at ang kapuspusang ito ay dumating sa pamamagitan ng pananalangin.
Hindi posibleng maging dakila ka sa kaharian ng Dios nang walang pananalangin, dahil sa pananalangin ay pinupuspos, pinapatnubayan, binibigyang lakas, at binibigyang kapangyarihan ng Banal na Espiritu ang mga Kristiyano. Sinabi ni Charles Spurgeon, “Kung maaari kang maging dakila nang walang pananalangin, ang iyong kadakilaan ang iyong magiging kapahamakan. Kung nais ng Dios na pagpalain ka nang husto, tutulungan ka niyang manalangin nang lubos.”
Mahigit isang daang taon na ang nakalilipas, isang batang pastor na nagngangalang Samuel Chadwick ang nagsimula ng masidhing paghahanap para sa kapangyarihan ng Dios. Ang kanyang natagpuan ay higit pa sa kahit anong bagay na kanyang inaasam: ang kapuspusan ng Banal na Espiritu. Ito ang kanyang patotoo:
Sa unang bahagi ng taong 1882, dumating sa akin ang isang karanasan na nag- angat sa aking buhay sa isang bagong antas ng pang-unawa at ng kapangyarihan. Natanggap ko ang kaloob ng Banal na Espiritu. Pinangunahan ako sa mga paraan na hindi ko alam, dahil halos hindi ko narinig na posible ang gayong karanasan. Ang mga hinihingi ng isang imposibleng gawain ang gumising sa akin sa isang pakiramdam ng pangangailangan. Wala akong kapangyarihan o lakas sa alinman sa paglilingkod o pananalangin. Nagsimula akong manalangin para sa kapangyarihan para sa paglilingkod. Kapangyarihan ang nais ko. Gusto ko ng kapangyarihan upang ako ay magtagumpay, at ang pangunahing alalahanin ko sa kapangyarihan ay ang tagumpay na idudulot nito. Gusto ko ng tagumpay na pupuno sa aking iglesia, magliligtas sa mga tao, at upang magpabagsak sa matibay na kuta ni Satanas. Bata pa ako, at nagmamadali ako. Labindalawa sa amin ang nagsimulang manalangin nang magkakasama, at ang kasagutan ay dumating. Dinala niya kami sa Pentekostes. Ang susi sa buong buhay ko ay nasa karanasang iyon. Ginising nito ang aking isipan at nilinis rin ang aking puso. Nagbigay ito sa akin ng isang bagong kagalakan at isang bagong kapangyarihan, isang bagong pag-ibig at isang bagong pagmamalasakit.Binigyan ako nito ng bagong Biblia at bagong mensahe. Higit sa lahat, nagbigay ito sa akin ng bagong pang-unawa at bagong init sa pakikipag-ugnayan sa Dios at ministeryo ng pananalangin.[8]
► Tingnan ang Gawa 1:14; Gawa 2:42; Gawa 3:1; Gawa 4:31; Gawa 6:4. Mula sa mga talatang ito, ano ang prayoridad ng Iglesia sa Bagong Tipan? Ano ang mga epekto ng kanilang mga panalangin?
Lumapit sa Kanyang Presensya nang may Paggalang
(1) Lumapit nang may papuri at pagsamba.
Laging simulan ang panalangin sa pamamagitan ng pagtingin sa itaas kaysa sa kalooban ng iyong sarili o mga problema mo na panglabas. Sambahin mo ang Dios kung sino siya. Pagnilayan ang kanyang kadakilaan. Sambitin nang malakas ang kanyang pangalan at ang kanyang mga katangian. Pagkatapos ay pasalamatan siya sa lahat ng kanyang nagawa. Palaging gawing motibo ang kanyang kaluwalhatian!
(2) Lumapit sa kanyang presensya ng may kagalakan.
Ito ang kahulugan ng sumulat ng Mga Awit nang sabihin niya na,
Gumawa kayo ng masayang tugtugin para sa PANGINOON, ang lahat ng mga bansa! Paglingkuran ang PANGINOON nang may kagalakan! Lumapit sa kanyang presensya nang may papuri! Alamin ninyo na ang PANGINOON, Siya ang Dios! Siya ang lumikha sa atin, at tayo’y sa kanya; lahat tayo’y bayan niya, at kabilang sa kanyang kawan. Pumasok sa kanyang templo ang puso’y nagdiriwang, umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal; purihin ang ngalan niya at siya’y pasalamatan! Sapagkat napakabuti ng PANGINOON; pag-ibig niya’y walang hanggan, pag-ibig niya’y tunay, at laging tapat kailanman.[1]
Manalangin ng may kagalakan, kahit na hindi mo gusto. Ipaalala sa iyong kaluluwa kung sino ang Dios, at ang kanyang pangangalaga sa iyo, at ikaw ay magalak! Hikayating magalak ang iyong kaluluwa, at magpuri sa Dios gamit ang mga awit at himno. Umawit ng mga bagong awitin. Palaging magalak muna sa Dios, at ang iyong buhay pananalangin ay magbabago. Gawin mo ito at magkakaroon ng mga sandali sa iyong kaluluwa na makakapasok sa kagalakan ng langit at kapag ang langit ay bumababa sa iyong mundo na puno ng kaguluhan. Alam ko ito dahil naranasan ko ito!
(3) Lumapit sa kanyang presensya nang mapagpakumbaba at walang itinatago.
Ganito ang mababasang paanyaya ng Dios sa iyo at sa akin: “Kaya lumapit tayo nang may pagtitiwala sa trono ng biyaya, upang tayo ay makatanggap ng awa at makasumpong ng biyaya na tutulong sa oras ng pangangailangan.”[2] Purihin ang Panginoon!
Kung ang paglapit sa banal na presensya ng Dios ay nangangailangan na ang lalapit ay walang bahid ng kasalanan, walang sinuman sa atin ang makakalapit. Ngunit nakakalapit tayo sa pamamagitan ng pagiging perpekto ni Kristo Jesus at sa pamamagitan ng kanyang mga ginawa! Makakalapit tayo nang may kumpiyansa kapag tayo ay lumalapit‒hindi sa pagtingin muna sa loob, sa halip ay pataas. Dito natatanggap ang biyaya at awa.
(4) Lumapit sa kanyang presensya na may malinis na kamay at dalisay na puso.
Muli, umawit ang salmista, “Sinong nararapat umahon sa burol ng PANGINOON? At sinong dapat pumaroon sa banal niyang templo? Ang taong malinis ang buhay at isipan, hindi sumasamba sa mga dios-diosan at hindi sumusumpa ng kasinungalingan.”[3]
Huwag isipin na maaari mong matamasa ang malapit na pakikipag-ugnayan sa Dios kung ikaw ay may kaswal na saloobin sa kasalanan at kung ang iyong relasyon sa isang tao ay nasira at hindi mo ginagawa ang magagawa mo para mapaghilom ito.
(5) Manatiling tahimik sa harap ng Panginoon.
Nanalangin sa David, “Tunay na ang aking kaluluwa ay tahimik na naghihintay sa Dios; sa kanya nagmumula ang aking kaligtasan.”[4] At muli, “aking kaluluwa, maghintay ng tahimik sa Dios lamang, sapagkat ang aking pag-asa ay mula sa kanya.”[5]
Isa sa mga palatandaan ng mga taong mapanalanginin ay naglalaan sila ng oras sa pakikinig sa Espiritu ng Dios habang inihahayag niya ang pananaw ng Dios (mula sa Banal na Kasulatan) sa totoong sitwasyon ng ating buhay. Nakakamangha ang sasabihin ng Dios kapag binigyan natin siya ng pagkakataon, kapag tayo ay umiiyak sa kanya, at kapag hinihintay natin ang kanyang tugon.
► Si Moises at ang mga apostol ay nagsisilbing mga halimbawa kung gaano kahalaga sa buhay pananalangin ng isang tao ang pakikipag-ugnayan sa Dios. Maglaan ng ilang sandali upang ihambing ang Exodo 33:11, 17 at Juan 15:14-16. Talakayin ang gampanin ng pakikipag-ugnayan sa Dios sa ating buhay pananalangin.
Manalangin para sa Tagumpay ng Kaharian ng Dios dito sa Lupa
“Dumating nawa ang iyong kaharian. Maganap nawa ang iyong kalooban dito sa lupa gaya ng sa langit.”[6]
Itinuro ni Jesus sa kanyang mga disipulo na sa kanilang Pang-araw-araw na gabay sa Pananalangin ay dapat nilang unahin ang mga alalahanin ng Dios bago ang kanilang sariling alalahanin. Itinuro niya na dahil sa pakikipag-ugnayan sa kanya, huhubugin niya ang ating mga pag-iisip at pananalangin sa kung ano ang gusto niyang gawin sa ating pamilya, komunidad, at sa mga tao sa mundo.
Ano ang kalooban ng Dios? Hindi ang pamumuhay ng madali, walang sakit, walang tukso, komportableng pamumuhay ang inilaan ng Dios sa mga makasalanan o pinabanal; sa halip ang inilaan niya ay makita sa ating tahanan, sa ating iglesia, sa ating mga komunidad, at sa buong mundo ang kanyang pag-ibig na nakapagliligtas at biyaya sa gitna ng lahat ng paghihirap sa buhay na ito. Ito ang kalooban ng Dios na dapat nating ipanalangin. Ito ang langit na bumaba sa lupa!
Ang kalooban ng Dios na nakikita sa lahat ng mananampalataya, ang tuntunin at pinahahalagahan sa kanyang espiritual na kaharian,[7]at sa pamamagitan ng mga mananampalataya ay lumaganap ito sa buong mundo. Ninanais niya na lumaganap sa mundo ang pagpapakumbaba, katuwiran, pagkamaawain, kadalisayan, kapayapaan, pagtitiis, at pag-ibig ng kanyang kaharian.
Sa puntong ito sa sarili nating oras ng pananalangin, dapat nating ipanalangin ang ating buhay mag-asawa, ating mga anak at apo, mga manggagawang Kristiyano sa buong mundo, ang kaligtasan ng mga kaluluwa, ang iglesyang nagdurusa, at ang bansang ating ginagalawan at mga pinuno nito. Dapat tayong manalangin, hindi ang mga panalanging nakasentro sa tao, kundi mga panalangin na makarating nawa sa kanila ang kanyang pagliligtas, pagpapabanal, at nananatiling biyaya.
Halos hindi kapani-aniwala na sa pamamagitan ng pananalangin ay nakikibahagi tayo sa Dios sa tagumpay ng kanyang espiritual na kaharian sa buong mundo, kahit na hindi natin nakikita ang lahat ng resulta. Sa pamamagitan ng pananalangin ay nakikipaglaban tayo para sa mga kaluluwa ng tao, at ang mga panalanging iyon ay “makapangyarihan sa pamamagitan ng Dios at ito’y nakakapagpabagsak ng mga kuta.”[8] Habang binibigyan tayo ng Dios ng pagnanais na gawin ang mga nais niya, mga taong gusto niyang maabot, at paglilingkod na nais niyang gawin natin, mananalangin tayo para sa bawat pangangailangang iyon. At habang iniaayon natin sa mga prayoridad ng kanyang kaharian ang ating mga panalangin, pinagpapala niya ang ating buhay pananalangin at pinalalawak ang kanyang paghahari sa ating mga puso at buhay ng mga tao at bansa!
Manalangin nang naaayon sa kaharian at kalooban ng Dios.
Isa sa mga pinakamahalagang bagay na dapat maunawaan dito upang magkaroon ng tagumpay ang pananalangin ay dapat tayong manalangin para sa mga bagay na naaayon sa kalooban ng Dios. Habang inilalagay ng Dios sa iyong isipan ang mga bagay na alam mong kalooban niya – ang kaligtasan ng mga makasalanan, ang pagpapagaling at pagpapanumbalik ng mga nasirang relasyon, pagkakaisa sa kanyang iglesia, ang pagtawag at pagpapadala ng mga manggagawang Kristiyano, ang pagdidisipulo sa lahat ng mga bansa – ipanalangin ang mga bagay na ito.
Kung minsan ang mga Kristiyano ay nalilito tungkol sa kalooban ng Dios. Ang unang hakbang sa pag-alis ng ating kalituhan ay ang pananalangin, at gawin, ang lahat ng alam nating kalooban ng Dios; pagkatapos ay tutulungan tayo ng Dios na makilatis ang iba.
Mga bagay na malinaw nating alam na kalooban ng Dios
Alam natin na kalooban ng Dios na ang lahat ng sangkatauhan ay maligtas.[9]
Alam natin na kalooban ng Dios na ang lahat ng Kristiyano ay mamuhay nang may kabanalan at umiwas sa sekswal na imoralidad.[10]
Alam natin na kalooban ng Dios na magpasalamat tayo sa lahat ng bagay.[11]
Alam natin na kalooban ng Dios na minsan tayo ay magdusa.[12]
Alam natin na laging kalooban ng Dios na ang mga Kristiyano ay gumawa ng mabuting bagay.[13]
Alam natin na laging kalooban ng Dios na magpadala ng mga manggawa sa kanyang anihan.[14]
Dalawa sa aking mga anak ay tumutugtog ng gitara. Ang isang bagay na napapansin ko sa mga tumutugtog ng guitar na sa tuwing nais nilang tumugtog ng musika ay humihinto sila upang ilagay sa ayos ang tono ng kanilang instrumento. Hinihigpitan at niluluwagan nila ang mga kuwerdas hanggang sa maging maayos ang tunog. Ito ay isang magandang paglalarawan kung ano ang dapat mangyari sa pananalangin. Ang pribadong pananalangin ay isang paraan upang iayon ang ating kalooban sa kalooban ng Dios at iwanan ang bawat alalahanin na hindi naaayon sa layunin at plano ng Dios.
Ang problema ng karamihan sa atin ay labis tayong nababahala sa mga panandaliang alalahanin kaysa sa alalahanin tungkol sa buhay na walang hanggan. Hindi kataka-taka na ang ating mga panalangin kung minsan ay walang bisa. Sa halip na iayon ang ating panalangin sa kalooban ng Dios, ipinapanalangin natin ang ating naisin para sa mga tao, plano, at mga proyekto. Bagama’t wala tayong kapayapaan o katiyakan at ang ating mga puso ay puno ng hindi pagkakaunawaan, tayo ay patuloy na nananalangin. Hindi ito pananalangin na naaayon sa Biblia.
Kung ang panalangin ay isang bagay, itinotono nito ang ating kaluluwa sa kaluluwa ng Dios, sa kung ano ang mahalaga sa kanya. Ang pananalangin ay ang matutunan na makita kung ano ang kanyang nakikita, na marinig kung ano ang kanyang naririnig, maramdaman kung ano ang kanyang nararamdaman, at mas maging katulad niya. At tulad ng mga intrumento na dapat na regular na itinotono, gayundin dapat ang ating kaluluwa na palaging itinotono sa kalooban ng Dios sa pamamagitan ng pananalangin.
Ang ating mga panalangin ay hindi kailanman tataas kaysa sa kisame ng ating silid panalanginan kung ang ating mga panalangin ay hindi naaayon sa pag-iisip ng Dios. Bakit? Dahil ang Banal na Espiritu, na siyang susi sa kapangyarihan ng panalangin, ay sumasang-ayon lamang sa ating mga panalangin na naaayon sa kalooban ng Dios.“At ang Dios na siyang nakakasaliksik sa puso ng tao, ang siyang nakakaalam kung ano ang kalooban ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang namamagitan para sa mga pinabanal, ayon sa kalooban ng Dios.”[15] Ang Banal na Espiritu ay hindi kailanman magiging kasangkot sa mga panalangin na hindi ayon sa kalooban ng Dios. Hindi siya namamanipula, napipilit, o nadadaya upang pagpalain tayo kahit na hindi naaayon sa banal na kaloobang ito; kaya’t dapat nating alamin kung ano ang kanyang kalooban at magpasakop dito.
Paano natin maiaayon ang ating buhay panalangin sa kaharian at kalooban ng Dios
(1) Lumago sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan.
Ang Banal na Kasulatan ang dapat nating matutunan at iyon ang huhubog sa ating mga panalangin. Mahal ng Dios ang kanyang Salita at hindi niya tayo pangungunahan sa panalangin para sa anumang bagay na sumasalungat dito. Kung gusto nating mas mapalapit sa Dios sa pananalangin, dapat nating pahalagahan palagi ang kanyang Salita. Palaging simulan ang iyong pribadong pananalangin sa pamamagitan ng pagninilay sa Banal na Kasulatan. Kung pag-aaralan mo ang buhay panalangin ng mga taong tulad ni Abraham, Moses, Elias, at Anna, mapapansin mong mahusay silang nananalangin dahil alam nila ang Salita ng Dios. Patuloy nilang pinanghahawakan ang Dios sa kanyang mga pangako.
Noong ang isa sa aking mga anak ay tumalikod sa Dios sa loob ng ilang panahon, maraming beses kaming nanalangin ng asawa ko, na si Becky, at nananalangin kami gamit ang Banal na Kasulatan para sa kanya. Ipinanalangin namin na lagyan ng mga tinik at harang ang kanyang landas sa kanyang pagrerebelde.[16] Nagsumamo kami sa pangako ng Dios na pagpalain ang tahanan ng mga matuwid.[17] Nanalangin kami para sa kanyang paghatol.[18]Nanalangin kami para sa awa ng Dios.[19]Ipinanalangin namin na mabuksan ang kanyang esiritual na mga mata at ilapit siya ng Ama sa kanyang sarili.[20] Patuloy kaming nanalangin gamit ang iba pang Kasulatan para sa aming anak na babae; at habang kamiy nananalangin, pinapalakas naman nito ang aming pananampalataya. Ito ay inabot ng mahabang panahon, ngunit dininig at sinagot ng Dios ang panalangin. Ngayon ang aming panganay na anak na babae ay lumalakad kasama ng Panginoon at ito’y isang malaking kagalakan para sa amin!
(2) Itulad ang iyong panalangin sa mga panalangin na nasa Biblia.
May daan-daang panalangin sa Biblia, marami sa mga ito ay nasa aklat ng Mga Awit. Gamitin ang mga panalanging ito sa iyong sariling pribadong oras kasama ang Panginoon, at ugaliing ilapat ang mga ito sa iyong sariling kalagayan.
“Nakita ko na ang pinakamahalagang bagay na kailangan kong gawin ay ilaan ko ang aking sarili sa pagbabasa ng Salita ng Dios at pagnilay-nilayan ito.”[21]
(3) Magkaroon ng espiritual na pagkaunawa.
May mga pagkakataon na nililinaw ng Dios na may particular na bagay na gusto niyang ipanalangin natin upang maluwalhati siya; ang tanging paraan para malaman ito ay ang pangunguna ng Espiritu.[22] Bilang isang misyonerong leader, asawa, at ama, may mga pagkakataon na hinimok ako ng Panginoon na manalangin para sa isang partikular na bagay (tulad ng banal na pagpapagaling), kahit na walang tiyak na pangakong ibinigay para dito ang Biblia. Natagpuan ko na sa pamamagitan ng pagpapatibay ng kalooban, ang pananamapalataya ay napapatibay din, at dumarating ang sagot. Sa ibang pagkakataon, hindi ako makapanalangin para sa isang katulad na pangangailangan nang may sapat na kumpiyansa o katiyakan ngunit napagtanto ko na hindi ko dapat subukang ipilit sa Dios ang aking kalooban. Tinutulungan tayo ng Banal na Espiritu na malaman kung ano ang dapat ipanalangin at kung paano ito ipanalangin.[23]
(4) Humingi ng kumpirmasyon mula sa ibang mga miyembro ng katawan ni Kristo.
Kung ginagabayan tayo ng Dios sa panalangin para sa isang tiyak na bagay, gagamitin niya ang ating espiritual na pamilya upang pagtibayin ito, maging ang pakikiisa nila sa pananalangin para dito. Kung walang kumpirmasyon, tiyak na hindi ang Banal na Espiritu ang nangunguna sa atin.[24]
Iharap ang Ating mga Kahilingan
“Bigyan mo po kami ng aming pagkain sa araw-araw. At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, sapagkat pinapatawad din namin ang bawat nagkakasala sa amin. At huwag mo kaming ihatid sa tukso kundi iligtas mo kami sa masama.”[25]
Ngayong nalinang natin ang puso na may papuri at pagsamba, ngayong hinangad na natin ang tagumpay ng kanyang kaharian, handa na tayong iharap ang ating mga kahilingan. At natutuwa siyang marinig at sagutin ang mga ito!
(1) Nananalangin tayo para sa pang-araw-araw na pagkain.
Lahat ng bagay na mahalaga sa espiritual at pisikal na buhay ay para sa darating na araw. Nais ng Dios ang ganitong uri ng pagtitiwala mula sa atin, sapagkat ang tulad ng pagtitiwala ng isang bata ay lumuluwalhati sa kanyang kabutihan. Nang turuan ni Jesus ang kanyang mga disipulo na manalangin para sa “pang-araw-araw na pagkain,” ipinapaalala niya sa kanila, at sa atin, na mamuhay ng may kakontentuhan.[26] Gaya ng sinabi ng isang guro, “Dapat nating limitahan ang ating (personal) ng mga hangarin sa mga pangangailangan at ipaubaya ang hinaharap sa kanyang mga kamay.”[27]
(2) Nananalangin tayo para sa kapatawaran sa araw-araw, habang pinapatawad ang iba.
Bagama’t ang mga tunay na mananamapalataya ay hindi namumuhay sa nakagawian, lantad na kasalanan, itinuro ni Jesus na magpakumbaba at humingi ng kapatawaran para sa kasalanan. Walang sinuman sa atin ang nakakabatid ng nilalaman ng puso. Hindi lamang sa sinasabi at ginagawa natin ang mga bagay habang mahina ang ating espiritu at mga sandali ng hindi pagbabantay na nagpapalungkot o pumipigil sa Banal na Espiritu,[28] kundi iniiwan din natin ang mga bagay na hindi nagawa na ating ipinangakong gagawin. Nangangailangan din ito ng paghuhugas ng dugo ni Jesus.[29] Kaya’t dapat tayong manalangin kasama ng Salmista, “O Dios, Ako ay siyasatin, at alamin ang aking isip! Subukin mo ako kung ano ang aking nais! Kung ako ay hindi tapat, ito’y iyong nababatid, sa buhay na walang hanggan, samahan at ihatid.”[30]
Ang panalanging ito ng araw-araw na pagsisisi mula sa The Book of Common Prayer ay ipinapanalangin ng mga Kristiyano sa loob ng mahigit na dalawang daang taon, at ito ay magiging isang magandang kasanayan para sa atin:
Makapangyarihan at pinakamaawaing Ama, kami ay nagkamali at lumihis sa iyong mga daan tulad ng nawawalang tupa, sobra-sobra na naming sinunod ang mga pamamaraan at ninanais ng aming puso, kami ay nagkasala laban sa iyong mga banal na kautusan, naiwang di tapos ang mga bagay na ipinangako naming gagawin, at nagawa namin ang mga bagay na hindi namin dapat ginawa. Ngunit ikaw, O Pangnoon, maawa ka sa amin, iligtas mo ang mga umaamin ng kanilang mga pagkakamali, papanumbalikin ang mga nasisisi, ayon sa iyong mga pangakong ipinahayag sa sangkatauhan kay Kristo Jesus na aming Panginoon; at ipagkaloob mo, O pinakamaawaing Ama, alang-alang sa kanya, upang kami ay magkaroon ng banal, matuwid, at maayos na pamumuhay, para sa ikaluluwalhati ng iyong banal na pangalan. Amen.[31]
(3) Nananalangin tayo para sa tagumpay araw-araw .
Ang araw-araw na pananalangin, “huwag mo kaming hayaang matukso,” ay isang panalangin para sa espirituwal na pagbabantay. Manalangin upang hilingin ang petisyon na ito, “Ama, alam mo ang aking kahinaan at kung saan ako nasilo ng Kaaway sa nakaraan. Huwag mo akong hayaang mahulog sa kahihiyan at pagsisisi. Gawin mo akong mapagbantay sa tukso. Maglagay ka ng bantay, O Panginoon, sa aking mga labi, aking isipan, at sa aking mga pagdedesisyon. Alam mo ang mga landas na tatahakin ko ngayon (kabilang ang Internet), kaya kahabagan mo ako, Ama, tulungan mo ako ngayon na laging piliin ang landas ng kabanalan. Tulungan mo akong gumawa ng mga desisyon na maglalayo sa akin mula sa posibilidad ng espiritual na pagkatalo.”
Natagpuan ko na habang ako ay nananalangin araw-araw ng panalanging ito ng buong pag-iisip at taos sa puso ay nagiging mas alerto ako sa espiritual; higit na nalalaman ang presensya at kapangyarihan ng Banal na Espiritu; at, dahil dito, ako ay mas naging matagumpay!
(1) Manalangin ng Tuloy-tuloy.
Kung ang pananalangin ay napakahalaga kay Jesus, ito ay mas mahalaga para sa atin.
Sa Lucas 18, itinuro ni Jesus na ang mga mananampalataya ay dapat maging matiyaga sa pananalangin. “Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila ang talinghagang ito, na ang mga tao ay dapat na laging manalangin at huwag manghina. At hindi ba ipaghihiganti ng Dios ang kanyang mga piniling mamamayan na umiiyak sa kanya araw at gabi, kahit na siya ay kasama nila ?”[1]
Sa Lucas 21, binalaan tayo ni Jesus na ang mapagbantay na panalangin ay ang sikreto sa pag-iingat sa ating mga kaluluwa mula sa pagtalikod at pagtakas sa poot ng Dios: “Mag-ingat kayo na huwag kayong malulong sa labis na pagsasaya, paglalasing, at matuon ang inyong pag-iisip sa mga alalahanin sa buhay na ito; kung hindi ay bigla kayong aabutan ng Araw na iyon nang hindi ninyo inaasahan. Dahil darating iyon na tulad ng isang bitag sa lahat ng nabubuhay sa daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng kalakasan upang malampasan ninyo ang lahat ng mangyayaring ito, at makakatayo kayo sa harap ng Anak ng Tao.”[2]
Sa Lucas 22, ipinahayag ni Jesus na ang panalangin ay ang susi sa pagtatagumpay laban sa tukso. Habang nananalangin siya sa halamanan ng Getsemane, binalaan ni Jesus ang kanyang pagod na mga disipulo: “Nang dumating siya sa lugar, sinabi niya sa kanila, ‘Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.’ At iniwan niya sila at pumunta sa di kalayuan, at doo’y lumuhod at nanalangin,” nang may tumitinding hinagpis. Nang tumayo siya pagkatapos manalangin, siya’y tumayo at lumapit sa kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Bakit kayo natutulog? Bumangon kayo ay manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.”
Napansin ko na kung walang panalangin ang aking kaluluwa ay nagiging balisa at hindi mapakali. Napansin ko na ang mga tukso ay nagiging mas malakas. Napansin ko na ang takot sa tao ay nagsimulang sumilo sa akin. Napansin ko na ang mga kahinaan ng iba ay nagiging mas malinaw. Napansin ko na ang mga hamon ay nagiging mas malakas ang pananakot. Napansin ko na ang mga problema araw-araw ay nagsisimulang bumigat. Ngunit sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pananalangin ay nakakahanap ang aking kaluluwa ng kapahingahan, ang aking isipan ay nababago, ang espiritual na pananaw at lakas ng loob ay napanunumbalik. Sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pananalangin, ang pananampalataya ay napapasigla at ang pananalig ay mas lumalim ang pagka-ugat sa aking pagkatao.
(2) Manalangin ng may pananampalataya, at magpahinga sa kalooban ng Dios.
Isa sa pinakamahalagang kinakailangan para sa mabisang pananalangin ay ang pananampalataya.[3] Ngunit ano ang pananampalataya? Paano natin malalaman kung mayroon tayong “sapat” na pananampalataya? Marahil ay nananalangin tayo para sa isang bagay, halimbawa ay ang kagalingan, ngunit tila hindi tayo pinakikinggan ng Dios.
Tatlong katotohanan ang napakahalaga para maunawaan ang pananalangin na may pananampalataya.[4]Ang pananampalataya sa Biblia ay ang paniniwala na magagawa [5] at gagawin[6]ng Dios ang sinabi niyang gagawin niya. Ang pananampalataya ay hindi paniniwala na gagawin ng Dios ang anumang bagay na hilingin mo sa kanya nang walang pagsasaalang-alang sa kanyang kalooban. Ito marahil ang pinakapangkaraniwang hindi pagkakaunawa tungkol sa pananampalataya.[7]
Huwag gamitin ang panalangin upang manipulahin ang Dios; ngunit upang makilala siya at hayaaan siyang iayos ang iyong puso, ang iyong pananalangin, at iyong kahilingan ayon sa kanyang banal na kalooban sa kanyang presensya. Ito ang susi sa mabisang pananalangin.
(3) Manalangin kasama ng iba.
May malaking kapangyarihan sa nagkakaisang panalangin ng mga anak ng Dios. Kapag ang nanay ay sinamahan ng iba pang nanay sa pananalangin para sa kanilang mga anak, dinirinig at sinasagot ito ng Dios. Kapag ang kalalakihan ay sinamahan ng iba pang kalalakihan sa pananalangin para sa kadalisayan at tagumpay, dinirinig at sinasagot ito ng Dios. Kapag nagsama-sama ang mga kabataan sa pananalangin para sa muling pag-init ng kanilang pananampalataya, dinirinig at sinasagot ito ng Dios. Kapag ang mga Kristiyano ay nagsama-sama sa taimtim na panalangin para sa mga nawawala at para sa pagsulong ng kaharian ng Dios, dinirinig at sinasagot ng Dios ang mga panalanging iyon.
Ang isang buhay pananalangin na nakabalangkas ayon sa Biblia, at tuloy tuloy, kung saan nararanasan ang malapit na kaugnayan sa Dios, kung saan ang reputasyon at kaluwalhatian ng Dios ay nauuna sa ating mga kahilingan, kung saan ang kaharian at kalooban ng Dios ang lubos nating hinahangad, at kung saan ang mga kahilingan para sa ating pang-araw-araw na pangangailangan, kapatawaran, at pagkilos na may katagumpayan, ay tiyak na magiging epektibo ang ating buhay pananalangin. Kapag ang ating buhay pananalangin ay naaayon sa tagubilin ni Jesus, maaari nating panghawakan ang mga pangako nang pananalangin na ibinigay niya:“At anumang hilingin ninyo sa aking pangalan, ay gagawin ko, upang luwalhatiin ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Kung hihiling kayo ng anuman sa pangalan ko, ito ay aking gagawin.”[1] Muli,
Hindi kayo ang pumili sa akin, ako ang pumili sa inyo. Hinirang ko kayo upang kayo’y humayo at magbunga, at manatili ang iyong bunga. Sa gayon, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, ay ibibigay sa inyo.[2]
Kaya... “Humingi kayo at kayo ay tatanggap, upang ang inyong kagalakan ay malubos.”[3]
(1) Kumuha ng pagsusulit batay sa materyal mula sa leksiyong ito.
(2) Maglaan ng hindi bababa sa tatlumpung minuto sa linggong ito sa pagbabalik-aral sa leksiyong ito, kabilang ang mga sanggunian ng Banal na Kasulatan, at humingi ng pang-unawa mula sa Banal na Espiritu.
(3) Itala sa iyong journal ang anumang partikular na pagbabago na dapat gawin sa iyong buhay, na inihayag sa iyo ng Panginoon.
(4) Pagnilayan ang kahit isang Awit sa iyong pang-araw-araw na oras ng pag-aaral ng Salita ng Dios, at itala sa iyong journal kung ano ang sinasabi ng salmista tungkol sa kalikasan at katangian ng Dios.
(5) Itala sa iyong journal ang isang personal na panalangin para sa espiritual na pagbabago at pag-unlad batay sa leksiyong ito.
(6) Magsanay gamit ang Pang-araw-araw na gabay sa Pananalangin ni Dr. Brown sa iyong pribadong pananalangin.
(1) Ano ang dalawang maling konsepto tungkol sa pananalangin?
(2) Ano ang unang prayoridad sa pananalangin, ayon kay Jesus?
(3) Ayon sa tala ni Lucas, ano ang epekto ng pananalangin sa buhay at ministeryo ni Jesus?
(4) Paano natin malilinang ang isang malapit na kaugnayan sa Dios sa pamamagitan ng pananalangin? Magbigay ng mga sanggunian sa Banal na Kasulatan.
(5) Ano ang simpleng gabay para sa pribadong pananalangin na itinatag ni Jesus?
(6) Ano ang apat na paraan upang maiayon ang ating mga panalangin sa kaharian at kalooban ng Dios?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.
Questions? Reach out to us anytime at info@shepherdsglobal.org
Total
$21.99By submitting your contact info, you agree to receive occasional email updates about this ministry.
Download audio files for offline listening
No audio files are available for this course yet.
Check back soon or visit our audio courses page.
Share this free course with others