Leksiyon 10 Pagbabalik-aral
Paalala sa lider ng klase: Magbalik-aral sa mga pangunahing punto ng Leksiyon 10. Itanong sa mga mag-aaral kung sino ang handang magbahagi ng kanilang mga personal na panalangin mula sa Leksiyon 10.
Search through all lessons and sections in this course
Searching...
No results found
No matches for ""
Try different keywords or check your spelling
36 min read
by Tim Keep
Paalala sa lider ng klase: Magbalik-aral sa mga pangunahing punto ng Leksiyon 10. Itanong sa mga mag-aaral kung sino ang handang magbahagi ng kanilang mga personal na panalangin mula sa Leksiyon 10.
Sa pagtatapos ng leksiyong ito, ang mag-aaral ay dapat na:
(1) Nauunawaan ang kahalagahan ng personal na disiplina sa paghubog tungo sa pagiging katulad ni Kristo.
(2) Matutunan kung paano didisiplinahin ang dila at simula ang pagsasanay sa disiplinang ito.
(3) Matutunan kung paano makukuha ang bawat kaisipan at simulan ang pagsasanay sa disiplinang ito.
Personal na Disiplina sa Pagtatalumpati
Maging ang pagiging isang mag-aaral sa kolehiyo na naghahanda para sa ministeryo, nagsimula akong makadama ng espiritual na panghihina na impluwensya ng aking hindi disiplinadong dila. Natatakot ako na madalas kong binibigyan ng kalungkutan ang Espiritu. Nagsimulang makita ko ang karunungan ng Banal na Espiritu nang binigyan niya ng inspirasyon ang mga salitang ito: “Ang taong masalita ay malapit sa pagkakasala, ngunit ang nagpipigil ng kanyang dila ay isang taong marunong.”[1] Nangako ako sa Panginoon na kung bibigyan niya ako ng biyaya, ibibigay ko ang aking dila sa kanya. Sa katunayan, ang pagsasanay na pigilan ang dila ay isa sa pinakamahirap na pagsasanay sa aking buhay Kristiyano; ngunit napagtanto ko na kapang nagiging mas dalubhasa tayo sa larangang ito, higit na kapayapaan, pagtatalaga, at paggalang ang ating matatamasa.
[2]Personal na Disiplina ng Pag-aayuno
Sa simula ng isang bagong taon, hinamon ng isang espiritual na tagapanguna ang kanyang pangkat sa 21 na araw ng pag-aayuno at pananalangin. Sa loob ng ilang linggo ay inihayag niya ito. Hiniling niya sa mga miyembro ng pangkat na ilista ang kanilang pangalan kung nais nilang makilahok. Ngunit bago magsimula ang pag-aayuno, tumayo siya sa harapan ng kanyang pangkat at natatawang sinabi na ipagpapaliban niya ang pagsisimula ng pag-aayuno dahil sa isang pulong na nakatakda niyang daluhan kung saan ihahain ang ilan sa kanyang paboritong pagkain. Hindi na kailangang sabihin, ang nakaplanong sama-samang pag-aayuno ay nabigo.
► Ang kaganapang ito ay naglalarawan ng epekto ng personal na disiplina sa ating personal at espiritual na buhay, at maging sa ating pamumuno. Sa iyong palagay paano nakakapagpapalala iyong espiritual na kakulangan ang iyong kakulangan ng personal na disiplina?
“Ang disiplina ay ang pinaka kinakailangan ng karamihan sa modernong kalalakihan ngunit kakaunti lamang ang nagnanais.”
– Richard S. Taylor
Sa kanyang klasikong aklat na The Disciplined Life, isinulat ni Richard S. Taylor, “Ang disiplina ay ang pinakakinakailangan ng karamihan sa modernong kalalakihan ngunit kaka-unti lamang ang nagnanais. Kadalasan ng mga kabataang umaalis ng tahanan, mga mag-aaral na humihinto sa pag-aaral, mga mag-asawang nagnanais na maghiwalay, mga miyembro ng iglesia na nagpapabaya sa mga pagtitipon, mga empleyado na lumilisan sa kanilang mga trabaho ay sinusubukan lamang na tumakas sa disiplina.”[1]
Sa Leksiyon 6, ibinigay ko ang isang paglalarawan ng magandang puno ng Bradford Pear ng aking byenan. Ito ay isang magandang puno, na may tagilid na katawan, na dahil sa kanyang laki, ay hindi na maitutuwid. Ang punong ito ay nagpapaalala sa atin na napakahalaga nang pagbuo ng malusog na mga disiplina at gawi habang bata pa ang iyong isip, puso, at mga relasyon. Isang dalisay na pag-iisip, isang disiplinadong buhay, mahusay na kakayanan, mga malusog na relasyon, at ang isang malapit na paglakad kasama ng Dios ay hindi mangyayari kung wala ang mga ito. Ang mga ito ay dapat na alagaan at linangin nang may lubos na kasipagan.At kung maghihintay ka na lamang, lahat ng tunay na mabuti para sa iyong buhay ay maaaring mabaluktot sa mga paraan na hindi mo na maitutuwid.
Kung paanong ang isang atleta ay hindi maaaring maging mahusay sa kanilang larangan maliban kung sila ay tuloy-tuloy na nagsasanay, gayun din naman ay walang mananamapalataya ang mahuhubog tungo sa pagiging katulad ni Kristo nang walang pagsasanay. Natutunan natin sa kursong ito na bahagi ng ating pagsasanay ay kinabibilangan ng klasikong espiritual na disiplina – pananalangin, pag-iisa, pagninilay-nilay, paglilingkod, at iba pa. “Ngunit sa susunod na dalawang leksiyong ito ay tututukan natin ang isa pang aspeto ng ating pagsasanay – personal na disiplina, o kadalubhasaan sa sarili.
Ang paglago sa pagiging katulad ni Kristo ay hindi mahihiwalay sa pansariling disiplina. Sa susunod na dalawang leksiyon, tatalakayin natin ang anim na bahagi kung saan ang personal na pagsasanay o disiplina ay mahalaga sa paghubog ng espiritual na buhay:
Pagsasalita
Pag-iisip tungkol sa buhay, kabilang ang mga sekswal na pagnanasa
Gana
Pag-uugali
Oras
Mga personal na paniniwala
Sa leksiyong ito, susuriin natin ang dalawang aspeto nang personal na disiplina at tutuklasin ang impluwensya na pinanghahawakan ng dalawang ito sa espiritual, emosyonal, at pisikal na kalalagayan. Magsasaliksik tayo upang magkaroon ng praktikal na karunungan para sa pagdadala ng ating buong pagkatao sa ilalim ng pamamahala ni Kristo.
Ano ang personal na Disiplina?
Ang personal na disiplina ay ang kakayahang pangasiwaan ang pag-uugali sa pamamagitan ng prinsipyo at tamang paghatol sa halip na emosyon, pagnanasa, mahigpit na pangangailangan, o kaugalian sa kultura.[1] Sa personal na disiplina, nagsusumikap tayong isuko sa Banal na Espiritu ang bawat pag-iisip, bawat pagnanais, at bawat pagnanasa, para sa kapakanan ng pagkilala kay Kristo at pagkakamit ng “hindi masisirang korona”:
Ang bawat atleta ay nagsasagawa ng pagpipigil sa sarili sa lahat ng bagay. Ginagawa nila ito upang magkamit ng nauubos na putong (medalya ng panalo), ngunit tayo ay tatanggap ng hindi mauubos. Kaya’t hindi ako tumatakbo nang walang layunin; hindi ako sumusuntok na katulad ng sumusuntok sa hangin. Ngunit dinidisiplina ko ang aking katawan at pinananatili ko iyon na kontrolado, kung hindi baka pagkatapos kong mangaral sa iba, ako mismo ay hindi kuwalipikado.[2]
► Ano ang sinasabi ni Pablo na maaaring mangyari sa kanya kung wala siyang disiplina sa sarili?
Mahalagang tandaan na ang personal na disiplina lamang ay hindi magdudulot sa atin upang maging isang mabuting Kristiyano, o maging ang gawin tayong isang Kristiyano mismo. Ang disiplina para sa kapakanan ng pagpapabuti sa sarili ay kadalasang nag-uudyok ng pagmamataas. Ang tamang motibo para sa pagpipigili sa sarili ay kontrolin at bigyan ng kapangyarihan ang Banal na Epsiritu – upang pahintulutan ang kanyang kaluwalhatian na magningning sa ating kalooban at sa pamamagitan ng kanyang templo!
Ang mga espiritual na disiplina, gayundin ang mga personal na disiplina, ay isang paraan upang makatanggap tayo ng biyaya. Hindi ito nagdudulot sa akin na maging mas matuwid, sa halip ay inilalagay ako nito sa isang posisyon upang tumanggap mula sa Dios. Ang disiplina ay isang paraan upang mapalapit sa Dios upang maari siyang makipagtagpo sa akin. Ang disiplina ay isang paraan upang panghawakan ang isang malinis, walang laman na kopa sa harapan ng Dios upang ito’y kanyang lagyan!
Ang Personal na Disiplina ay Ganoon Ba Talaga kahalaga?
Kapansin-pansin na kasama sa sulat ni Pablo kay Timoteo ang “walang pagpipigil sa sarili” sa mga kasalanan ng “mapanganib na panahon” sa mga huling araw.[3] Mula lamang sa dalawang talatang ito, nalaman natin na ang kawalan ng pagpipigil sa sarili ay isang seryosong problema sa buhay Kristiyano na may kasamang masakit, at kung minsan ay walang hanggan, na mga kahihinatnan.
► Narinig mo na bang nagbibiro ang mga Kristiyano tungkol sa kanilang kawalan ng pagpipigil sa sarili – labis na pagkain, labis na pagtulog, labis na paggastos, at iba pa? Sa palagay mo ba ay sapat na sineseryoso ng mga Kristiyano sa paligid mo ang paksang ito? Bakit? O bakit hindi?
Bakit Napakahalaga ng Perso nal na Disiplina, o Pagkontrol sa Sarili
(1) Nais ng Dios na maluwalhati sa pamamagitan ng ating katawan, hindi lamang sa ating puso, na siyang templo ng Banal na Espiritu.[4]
(2) Wala dapat na kahit anumang bagay na hindi karapat-dapat sa isang espiritual na tagapanguna, o tulad ng mga nakakaagaw ng kanyang impluwensya, bilang isang hindi nalulupig na katawan – isang katawan na hindi araw-araw na ipinapasakop sa pamamahala ng Banal na Espiritu.
Ang isang hindi pinipigilang pagnanasa, isang walang disiplina sa paggamit ng oras, isang hindi inaawat na dila, isang hindi makontrol na init ng ulo, at isang walang pigil na pagnanais para sa pagkain, pera, o pakikipagtalik ay pumipigil sa Espiritu, masisira ang kredibilidad ng mga manggagawang Kristiyano, at mababawasan ang kanilang gantimpala. Ang unang alituntunin para sa tagumpay ng espiritual na atleta, na nakikipagkumpitensya para sa premyo, ay ang pamumuno sa ating sarili.
Isinalaysay ni Richard Taylor ang kuwento ni Igor Gorin, isang sikat na Ukrainian-American na mang-aawit na mahilig manigarilyo. Isang araw ay sinabi ng kanyang guro sa pag-awit, “Igor, kailangan mong magpasya kung ikaw ay magiging isang mahusay na mang-aawit o isang taong mahusay manigarilyo.” Tumigil siya sa paninigarilyo. Ang disiplina sa sarili ay kinakailangan upang maging ang taong nais ng Dios na maging ikaw.
Mayroong dalawang talata na tutulong na mahubog ang ating pagkaunawa sa dila at ang impluwensya nito sa ating mga buhay: Santiago 3:2 at Mateo 15:18-19.
► Basahin ang dalawang talatang ito.
Sa Mateo 15, ipinaalala sa atin ni Jesus ang hindi mapaghihiwalay na ugnayan sa pagitan ng puso at dila: “Ngunitang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso.”[1]
Ang impluwensya ng Dila sa Pang-araw-araw na Buhay at Mga Relasyon
Si Jesus ay nagtuturo dito na kung ano ang ating sinasabi ay iyon tayo. Ito ay simple, ngunit napakahirap aminin para sa ilan sa atin. Kung ang ating mga salita ay galit, ito ay dahil galit pa rin tayo sa isang antas. Kung ang ating mga salita ay hindi sensitibo, ito ay dahil nananatili sa ating mga puso ang mga elemento ng kawalan ng pakiramdam. Kung ang ating mga salita ay matalas, nakakasakit, o mapagmanipula ito ay dahil nananatili sa kalooban natin ang kawalang-galang sa katauhan at kalayaan ng iba. Kung nagsasalita tayo ng mayabang o nagtatanggol, walang alinlangang may antas ng pagmamataas na natitira sa atin. Kung nagsasalita tayo ng kritikal sa iba, ito ay dahil mayroon pa rin tayong kritikal na espiritu sa ilang antas. Kung tayo ay bumubulong-bulong at nagrereklamo, ito ay dahil wala sa puso natin ang pasasalamat. Ang bunga na ating mga labi ay walang alinlangan, ang pinakawalang kapintasan na hukom ng ating pagkatao.
► Maglaan ng ilang sandali upang pagnilayan ang mga salita ni Jesus dito. Handa ka bang aminin na kung ang pagkatao ay nasusukat sa kung ano ang lumalabas sa iyong bibig ay kinakailangan mo pa rin ang biyaya ng Dios na nakakapagpabago? Handa ka bang ipaubaya ang ilang bahagi na kailangan mo ng tulong?
Binanggit ni Santiago ang tungkol sa “perpektong tao.” Ang ang ibig niyang sabihin sa “perpekto”? Perpekto sa anong diwa? Perpekto sa diwa na hindi siya natitisod sa salita at samakatuwid ay may ganap o “perpektong” kontrol ng kanyang buong sarili. Perpekto sa diwa na naabot na niya ang antas ng pagpipigil sa sarili sa kanyang pananalita na ginawang posible na mapigilan at mapamahalaan niya ang bawat iba pang aksyon at pagnanasa sa kanyang buhay. Ayon kay Santiago, mayroong isang tao na nakakuha ng ganoong kontrol sa kanyang dila na ang bawat iba pang bahagi ng kanyang buhay ay nasa ayos din, “Kung ang sinuman ay hindi nadadapa dahil sa Salita, siya ay isang perpektong tao, kaya rin niyang rendahan ang buong katawan.” (idinagdag ang pagbibigay-diin)
Ang mga sumusunod na babanggitin ay makakatulong na palakasin ang kahulugan ng tekstong ito:
“Ang kapareho ay nakakayang rendahan ang buong katawan”—iyon, ang buong tao. At hindi mapag-aalinlanganan na may ilang nakagagawa nito, at sa kalagayang ito, sila ay perpekto.[2]
Ang layunin ni [Santiago] ay hindi upang ilarawan ang tao bilang ganap na walang bahid sa lahat ng kahulugan at ganap na malaya sa kasalanan... ngunit ang disenyo ay upang ipakita na kung ang isang tao ay maaaring kontrolin ang kanyang dila, siya ay may ganap na kapangyarihan sa kanyang sarili, tulad ng isang tao na may kontrol sa isang kabayo sa pamamagitan ng lubid o bilang isang kapitan na may kontrol sa isang barko kung hawak niya ang timon. Siya ay perpekto sa diwang iyon, na siya ay may ganap na kontrol sa kanyang sarili at hindi siya inaasahang magkakamali sa anumang bagay. Ang disenyo ay upang ipakita ang mahalagang posisyon na sinasaklaw ng dila, bilang namamahala sa buong pagkatao.[3]
Isipin ito nang praktikal. Hindi ba totoo na kapag ang dila ay tahimik at nakaayos, kahit na galitin ay may nakakapagpakalma, tahimik na epekto sa buong buhay? At hindi ba totoo na kapag tayo ay nagsasalita nang may paggalang at may buong pag-iisip, ang maiinit na palitan ng salita ay madalas na nagiging isang salita ng pagpapayo, at napapanatili ang pagmamahalan at pagkakaisa?
Hindi mo ba nasusumpungan na ang isang salitang sinabi sa tamang oras at malumanay ay kadalasang ginagantimpalaan ng pag-ibig at pagmamahal? O ang isang papuri o mapagmahal na pagsaway ay kadalasang ginagantimpalaan ng pangangalaga ng isang kaluluwa? Tunay na ang ating dila ang timon ng ating buhay. Kapag ito ay gumagana nang maayos, ito ay nagdadala sa iyo sa ligtas mula sa magulong tubig; ngunit kapag ito ay sira, ilalagay nito ang iyong buhay sa awa ng mga bagyong ikaw mismo ang lumikha.
Noong bata pa ako, nakarinig ako ng isang nakakatawang pabula tungkol sa isang mayabang na pagong na gustong lumipad. Isang araw nang dumaong ang isang malaking ibon sa kanyang lawa, ang pagong ay nagkaroon ng matalinong ideya. Hiniling niya sa ibon na isama siya sa paglipad. “Iyan ay imposible!” patuyang sagot ng ibon. “Hindi, iyon ay posible!” sabi ng pagong. “Ang kailangan mo lang gawin ay kumagat sa isang dulo ng patpat na ito habang kagat ko ang kabilang dulo. Pagkatapos, lumipad ka!” Sumang-ayon ang ibon. Naging maayos ang lahat hanggang sa tumingala ang mga tao sa lupa at nakita ang kamangha-manghang tanawing ito ng isang ibong lumilipad na may patpat sa kanyang tuka at isang pagong na nakakagat sa kabilang dulo gamit ang kanyang malalakas na panga. May sumigaw ng “Napapaisip ako kung sino ang naka-isip ng matalino, kamangha-manghang ideyang iyon!”, at narinig siya ng pagong. Ibinuka niya ang kanyang bibig para magyabang, “Ako ang nakaisip...!” Siyempre, iyon, ang kanyang huling salita! Gaya ng marami sa atin, ang kanyang dila ang kanyang ikinasira.
Ilang Praktikal na Payo para sa Pagsasanay ng Iyong Dila
(1) Alamin ang halaga ng mga salita at gamitin ang mga ito nang matipid: “ Ang walang-kwentang pag-uusap ay nagdudulot lamang ng kahirapan.[4]
Ang sobrang pag-uusap ay nagpapahirap sa kaluluwa gaya ng sobrang paggastos ay makakaubos ng nakalaang salapi. Natuklasan ng marami na ang sobrang pakikipag-usap ay maaaring humantong sa mental at espiritual na kahirapan, lalo na kapag ito ay walang layunin. Bahagi ng paghubog tungo sa pagiging katulad ni Kristo ay ang mas maingat na timbangin ang ating mga salita, tulad ng ginawa niya. Hindi ito kasindali ng akala natin, dahil marami sa atin ang hindi komportable sa katahimikan.
(2) Alamin ang mapanirang potensyal ng mga salita at pagharian ang iyong espiritu:“Magkagayun man ang dila ay isang maliit na bahagi at ipinagmamalaki nito ang mga dakilang bagay. Tingnan kung gaano kalaking kagubatan ang maaaring masunog mula sa munting apoy!”[5]
Ipinaalala sa atin ng Kawikaan, “Higit na mabuti ang tiyaga kaysa kapangyarihan, at ang pagpipigil sa sarili kaysa sa pagsakop ng mga bayan.”[6] Ang mga salita ng isang isip bata ay hindi makontrol. Sa halip na maghilom, sila ay nakakasugat; sa halip na makapagpakalma, pinapaalala nila ang mga pagtatalo; sa halip na huminahon, pinapainit nila ang mga hilig hanggang sa kumulo. Dapat nating matutunan ang disiplina ng pagtigil sa bawat pag-uusap kapag sumobra na sa init ang mga emosyon.
(3) Alamin na ang reputasyon ay nabubuo sa pamamagitan ng mga salita, at gamitin ang mga ito nang may talino: “Maging ang mangmang ay ibinibilang na matalino kapag siya ay tumahimik; kapag itinikom niya ang kanyang mga labi, siya ay itinuturing na maunawain.”[7]
Maaaring magulat ka na marami ang sinasabi ng Banal na Kasulatan tungkol sa karunungan ng isang tahimik na espiritu.[8] Ito ay magiging malabo at nakakainip na mundo kung ang lahat ay namumuhay sa pananahimik at ayaw kumibo;ngunit bilang mga Kristiyano kailangan nating paunlarin ang kasanayan sa pakikinig at pakikipag-ugnayan na may atensyon sa halip na pabaya,at walang layuning pagsasalita.
Ang atensyon ay madalas na ibinibigay sa pinakamasalita na lalaki o babae sa mga kapulungan, kahit na kakaunti ang kanilang sasabihin; ngunit pinahahalagahan ng Dios ang taong nakakaalam kung kailan dapat magsalita at kung kailan dapat tatahimik. Pinahahalagahan ng Dios ang taong nag-iisip bago siya magsalita.
Nakikita ng Dios ang maamo at tahimik na babae bilang pinaka-hindi-matitiis ang kagandahan at kaakit-akit. Napatunayan ng kasaysayan na ang banayad at tahimik na espiritu ng isang makadios na babae ay may kapangyarihang magpakilos sa puso ng mga hari at mga bansa.[9]
(4) Alamin ang kapangyarihan ng salita na pumatay at magbigay buhay:[10]“Ang kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan ng dila: makikinabang ng bunga nito ang dito ay nagmamahal.”[11]
Ang mga bagay na sinasabi natin ay may kapangyarihang magpagaling o sumugat, magpanumbalik o mangwasak, magpasigla o sumira ng loob. Bilang isang ama, nasaksihan ko ang epekto ng mga salita at malusog na pag-asa sa aking mga anak. Isang araw, ilan kaming mga ama ang nanonood sa aming mga anak na sinusubukang umakyat sa itaas ng isang postebg bakal. Makalipas ang tatlo o apat na hindi matagumpay na pagtatangka, malapit nang sumuko ang anak kong si Timothy nang bago ko sabihin na “Hoy, huwag ka munang sumuko, anak! Naniniwala ako na magagawa mo ito kung talagang susubukan mo!” Ang epekto ng mga salitang iyon ay kamangha-mangha. Ang katotohanan na ang kanyang ama ay naniniwala sa kanya, ang aking anak ay nahimok na mas pagsikapan pa kaysa dati. Sa muli niyang pag-akyat, sa pagkakataong ito ay ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya. Habang umaakyat siya ay sumisigaw ako, “Tuloy lang, anak! Huwag kang susuko! Kaya mo iyon! Tuloy lang sa pag-akyat!” At nagawa nga niya!
Kumbinsido ako na kadalasan ang pagkakaiba sa pagitan ng tagumpay at kabiguan sa iglesia at sa tahanan ay isang salita ng kaaliwan at panghihikayat/pagpapalakas-loob lamang. Alalahanin kung paano natin sinabi sa mga naunang leksiyon na maging ang Dios Ama ay nagsalita ng naririnig na mga salita ng pagpapatibay sa Dios Anak sa mga kritikal na sandali sa buhay ng Dios Anak dito sa lupa.[12] Kung kailangan ni Jesus na marinig ang mga salita ng kaaliwan, gaano pa kaya tayo.
Ang ating mga salita ay kadalasang may propesiya. Kung sinasabi natin sa isang bata, “Ikaw ay isang kabiguan,” mas malamang na mabigo sila. Kung sinasabi natin na, “Ikaw ay hindi kasing ganda o talentado ng iyong mga kapatid,” magsisimula siyang mag-isip na pangit siya at ang kanilang pag-uugali ay magiging pangit din. Kung, sa kabilang banda, ay tututukan natin ang mga kalakasan ng ating mga anak, sa halip na ang kanilang mga kahinaan, at maghahanap tayo ng mga paraan upang palakasin ang kanilang loob, tayo ay mamamangha sa mga magiging resulta. Nakalulungkot, maraming mga bata at matatanda ang nabubuhay sa kanilang buong buhay sa pag-aakalang sila ay walang halaga at isang pagkabigo sa mga dapat na nagmamahal sa kanila nang walang pasubali; at hindi tayo dapat magtaka kapag sila ay patuloy na hindi nagtatagumpay– sa lipunan, sa akademiko, at sa espiritual.
Ang inyo bang simbahan at tahanan ay isang lugar kung saan ginagamit ang mga salita para sa pagpapatibay? Mga asawang lalaki,sinasabi ba ninyo sa iyong asawa na siya ay maganda? Ipinapahayag mo ba ang iyong pagpapahalaga sa kanyang pagmamahal at paglilingkod sa pamamagitan ng mga salita ng pasasalamat? Ang isang asawang babae na nakakarinig ng mga gayong bagay mula sa kanyang asawa ay malamang na maging mas maganda, at espiritual na tao! Gayun din para sa mga anak na babae. Mga asawang babae, inihahambing mo ba ang iyong asawa sa ibang mga lalaki, marahil sa iyong ama, at patuloy na ipinapaalala sa kanya ang kanyang mga pagkabigo; o nakatuon ka ba sa mga katangiang maaari mong ipagpasalamat? Ang mga lalaking iginagalang at hinihikayat/pinalalakas ang loob ay nagiging mas mabuting tao.
Pastor, tumutulong ka bang makabuo ng isang kapaligiran na nakapagpapatibay-loob sa iyong iglesia, o nakatuon ka lang sa mga negatibong katangian ng mga tao? Sinabi ni Pablo na habang papalapit ang panahon ng pagdating ni Kristo at papalapit na ang araw ng Panginoon, kakailanganin natin ng higit pa at higit na kaaliwan at pampatibay-loob sa loob ng katawan ni Kristo: “Na hindi pinapabayaan ang ating pagtitipon, gaya ng ugali ng ilan; kundi mangaral [parakaleo - aliwin] ang isa’t isa: at lalo na, habang nakikita ninyong papalapit na ang araw na iyon.”[13]
Dapat nating balansehin ang ating mga salita ng pagsaway sa taos-pusong mga salita ng pampatibay-loob. Napakalaking tulong para sa akin na isipin na ang aking mga salita ay tulad ng pera na palagi kong idinideposito at ginagastos. Sa tuwing hinihikayat ko ang isang tao, gumagawa ako ng maliliit na deposito sa kanilang mga puso na, pagkatapos ng maraming pagdedeposito, ay makakakuha ako ng karapatan na mag-withdraw (magtama o sawayin). Natutunan ko, sa pamamagitan ng ilang masasakit na karanasan, na ang pagtatangkang sawayin o itama ang isang tao na bihira o hindi ko kailanman napalakas ang kalooban ay lilikha lamang ng puwang sa aming relasyon na mahirap o imposible nang mapagdugtong.
(5) Alamin na ang dila ay hindi maaaring pigilan sa pamamagitan ng sariling kakayanan lamang, kundi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu: “Pagkat ang bawat uri ng hayop at ibon, at gumagapang sa lupa at hayop sa dagat, ay kayang paamuin, at napaamo ng tao. Ngunit ang dila ay hindi kayang paamuin ng tao; ito ay hindi mapigilang kasamaan, puno ng nakalalasong kamandag.”[14]
Mas madali para sa atin na paamuin ang isang mabangis na hayop kaysa paamuin ang ating dila nang wala ang biyaya ng Dios! Ang ating pakikipaglaban sa dila ay nagpapaalala sa atin ng ating pangangailangang malinis at mapuspos ng Banal na Espiritu. Ito ang kwento tungkol kay Isaias. Sa presensya ng Dios, ang kanyang maruming dila ang nagdulot sa kanya ng higit na pagkahiya at pananalig.[15]Habang ang batang propeta ay nagdadalamhati sa kanyang kasamaan at nalulumbay sa kawalang pag-asa, ginawa ng Dios ang bagay na tanging Dios lamang ang makagagawa: ipinadala niya ang kanyang mga serapim upang idampi sa dila ni Isaias ang isang mainit na baga mula sa banal na altar upang gawin itong malinis. “Ngayong naidampi na ito sa iyong mga labi,” sabi ng seraphim, “pinatawad ka na at nilinis na ang iyong mga kasalanan.”[16] Pagkatapos noon ay nakayanan nang sabihin ni Isaias na, “Narito ako, ipadala mo ako.”
Palaging may direktang koneksyon sa pagitan ng kalinisan ng ating mga labi at ng ating pagiging kapaki-pakinabang sa Dios.
(6) Alamin na ang isang disiplinadong dila ay nagdudulot ng pagmamahal sa buhay at pag-asa sa magagandang araw sa hinaharap:“Ang mga nagnanais ng payapa at saganang pamumuhay, dila nila’y pigilan sa pagsasabi ng kasamaan. Ang anumang panlilinlang at madayang pananalita sa kanyang mga labi ay di dapat mamutawi.”[17]
Ang di mapigil na dila ay magiging parang mailap, hindi mapigil na kabayo, na sinisira ang mga bakod, sinisira ang mga ari-arian, at yumuyurak sa prutas. Ang barkong walang nagmamaneho, na tinatangay ng hangin, ay magpapahamak sa lahat ng nasa kanyang landas at matatangay pahampas sa mga batuhan. At ang nag-aapoy na dila ay magsisindi ng apoy na tutupok sa kapaligiran ng iglesia at sisira sa mga taon ng pagtatanim, paglilinang, at paglago.
Karamihan sa mga pinsalang nagawa sa kaharian ng Dios ay ginawa ng mga tao na nabigong panatilihing binabantayan ang pintuan ng kanilang mga labi. Ngunit kung mamahalin natin ang buhay nang lubos at tatamasin ang lahat ng mabuti at produktibong mga araw na inilaan ng Dios para sa atin, buong determinasyon nating bantayan ang harap na pintuan nang may buong pagbabantay! Magtakda ng bantay sa umaga, gisingin siya sa tanghali, at suriin siya sa gabi! Tiyakin na sa biyaya ng Dios, ang iyong mga labi ay hindi kailanman mawawalan ng bantay.
Magagandang araw ang nasa hinaharap ng taong nagbabantay sa harapang pintuang ito ng kanyang buhay. May mga magagandang araw na darating para sa kanyang sarili dahil sa kanyang mga salita ay nakapagtatag siya ng karangalan at nakakuha ng paggalang. May mga magagandang araw na darating para sa kanyang pamilya dahil siya ay nagsalita ng mga pananalitang nakakatulong sa pagbuo at pagpapatibay ng mga ugnayan ng pamilya. Magkakaroon ng magagandang araw sa hinaharap sa kanyang iglesia dahil binibigkas niya ang mga salita na nagpapasigla at nagpapatibay sa katawan ni Kristo. At ang dulong bunga ng kanyang mga ginagawang pag-iipon ay ang pagmamahal sa buhay‒ang tunay, dalisay na kaligayahan sa regalo ng Dios.
Isang Personal na Paglalakbay
Tunay nga, ang dila ang timon ng ating buhay, na gumagabay sa atin patungo sa isang destinasyon o sa iba pa. Sa totoo lang, anumang paghihirap o sakit na tiniis ko sa unang bahagi ng aking buhay may-asawa at ministeryo ay kadalasang nadadaan sa walang bantay na pintuan nang aking hindi banal na dila (tingnan ang Awit 141:3). Hindi ko malilimutan ang panahon, bilang isang batang misyonero, na simulan kong mapagtanto ang koneksyon sa pagitan ng aking mga salita at ng aking puso. Sa pamamagitan ng isang dramatiko, masakit na karanasan kasama ang aking malapit na kaibigan, kung saan ay nasaktan ko siya ng sobra gamit ang mga pananalita, binuksan ng Panginoon ang aking mga mata upang makita ang aking pangangailangan para sa isang maamo, mabait na puso ni Jesus. Ako ay umiyak at nagtapat sa harap ng Panginoon habang ipinaaalala niya sa aking isipan ang ilang bahagi ng mga naganap na pangyayari kung saan ako ay nanghusga, nanakit, nagmanipula, at nagpakita ng pagwawalang-bahala para sa damdamin, kalayaan, at opinyon ng iba. Habang ayon sa biyaya ay nililinis ng Panginoon ang aking puso noong araw na iyon at binaha ang aking kaluluwa ng hindi maipaliwanag na kagalakan, alam ko na isang bagong lakbayin ang naabot ko sa aking espiritual na paglalakbay. Alam ko na lumiko na ako, at hindi ko na kailanman nais pang bumalik.
►Basahin ang Galacia 6:6-8. Ngayon, isipin ang iyong mga salita bilang maliliit na binhing itinatanim sa puso ng mga tao sa paligid mo. Kung ang bawat salita ay isang binhi na magbubunga ng mabuti o magkakaroon ng masamang bunga, anong uri ng pag-aani ang inaasahan mo sa hinaharap? Maglaan ng ilang minuto at hilingin sa Panginoon na tulungan kang suriin ang iyong mga salita. Isulat kung ano ang ipinapakita niya sa iyo. Huwag mang-atubiling pag-usapan ang iyong mga sagot sa iyong grupo.
Masusukat natin ang ating paglago, ang ating pagiging katulad ni Jesus, hindi lamang sa ating mga salita, kundi sa ating pag-iisip din. Tayo ay kung ano ang ating iniisip, at kung ano ang ating ginagaya/dwell on![1]Hindi lahat ng pag-iisip na pumapasok sa ating isipan ay nagpapahayag kung sino tayo; ngunit ang bawat pag-iisip na pinipili nating gayahin, at bawat pag-iisip na pinahihintulutan nating kontrolin tayo. Gaya ng sinabi ni Martin Luther, “hindi mo mapipigil ang paglipad ng mga ibon sa ibabaw ng iyong ulo, ngunit maaari mong pigilan sila sa paggawa ng pugad sa iyong buhok.”
Ang Impluwensya ng Ating Pag-iisip patungkol sa Pang-araw-araw na Buhay at Mga Relasyon
Tandang-tanda ko pa ang mga araw bilang isang kabataang misyonero nang magsalita ang Panginoon sa aking puso at sinabing, “Anak, ikaw ay isang taong magagalitin.” Nahaharap ako sa ilang mga pagkalito sa kultura, gayundin sa mga problema sa ministeryo, at natagpuan ko ang aking sarili na nagtuturo at nanguna na may pagka-irita sa halip na pag-ibig. Isang umaga sa aking pag-aaral ng Banal na Kasulatan, nabasa ko ang mga salitang iyon, “Sapagkat kung ano ang iniisip niya sa kanyang puso, gayon din siya.” Sa mga salitang ito ay tinusok ng Banal na Espiritu ang aking puso. Ngunit nangatwiran ako, “Panginoon, hindi ako isang taong magagalitan; Ako ay isang misyonero!” Sa palagay ko narinig ko ang sinabi ng Panginoon bilang ganti, “Kung gayon, anak ko, ikaw ay isang magagaliting misyonero!” natawa ako ng malakas!Hindi niya ako hinayaang magtago sa likod ng anumang titulo o posisyon. Ang pagtatapat ay nagdudulot ng paglilinis at kalayaan.
Natutukso ka bang magkimkim ng galit, naghihinanakit na pag-iisip sa ibang tao? Nababalot ka ba ng pagkabalisa at takot? Nakikipagbuno ka ba minsan sa mga lihim na pag-iisip na mapanira sa sarili? May mga mahalay na pag-isip ka ba na nagdudulot sa iyo ng pagkatalo? May pag-asa, ngunit hindi ito magiging madali! Mahigit dalawang taon na ang nakalilipas ay itinuro ni John Wesley, “Ang kaluluwa at katawan ang bumubuo sa isang tao; ngunit ang Banal na Espiritu ang bumubuo ng isang Kristiyano.” Ang tagumpay laban sa mahalay, negatibo, mapanira sa sarili na mga kaisipan ay posibleng mangyari sa pamamagitan ng biyaya, sa pamamagitan ng personal na disiplina. Maaari mong baguhin ang paraan mo ng pag-iisip.
Ang isang matagumpay na pag-iisip sa buhay ay mahalaga dahil ito ang iniisip nating magiging tayo. “Kung mag-iisip tayo ng positibo, nakapagpapasigla, malinis,nakapagpapalusog na mga pag-iisip, sa kalaunan tayo ay magiging positibo, masigla, malinis mag-isip, malusog na tao. Kung mag-iisip tayo ng mga malungkot, negatibo, pag-iisip tungkol sa pagkakasakit, tayo ay magiging malungkot, negatibo, at pangit, sakiting tao.... Ang mga pag-iisip ay humahantong sa mga aksyon.”[2]
Pagdating naman sa ating mga pag-iisip sa buhay, ang isa sa mga pinakamalaking laban na kinahaharap ng maraming tao ay ang laban sa pagnanasa. “Ang pagnanasa ay sadyang naninirahan sa makasalanan, senswal na mga kaisipan. Ito ang mga mabangis na kabayo ng ating kaisipan na dapat masubaybayan, mahuli, at maging masunurin kay Kristo.”[3] Hindi sila inosente, ngunit ang mga ito ay nakakahumaling at nakakasira.[4]Paano natin sila mahuhuli?
Mga Praktikal na Disiplina para sa Dalisay na Pag-iisip sa Buhay
(Ang mga alituntuning ito ay makakatulong sa atin na makamit ang tagumpay laban sa hindi totoo, negatibo, kritikal, at mga kaisipang nakakasira sa sarili.)
(1) Maging alisto:“Bantayang mabuti ang iyong sarili.”[5]
Alamin kung kailan pinakamalakas ang tukso; alamin kung kailan ka pinakamadaling matukso o bumuo ng mga pananggalang sa iyong buhay. Noong ako ay batang pastor pa, naaalala kong nagbasa ako ng Lectures to My Students, na sinulat ni Charles Spurgeon. Sa isang kabanata, “Fainting Fits,” itinuro niya sa mga espiritual na tagapanguna na mag-ingat sa mga tukso na kasunod ng mga panahon ng tagumpay, pagkapagod, o sigalot sa ministeryo. Ito ay isang matibay na payo para sa akin. Ang ilang mga programa ay gumagamit ng acronym na H.A.L.T.[6]upang matulungan ang mga gumagaling na manatiling alerto sa tukso.
H – Hungry(gutom)
A – Angry(galit)
L – Lonely(malungkot)
T – Tired(pagod)
Tayo ay pinakamahina kapag tayo ay nagugutom sa pagmamahal o nagugutom sa pagkain; kapag nadama natin na tayo ay hindi makatarungang tinatrato; kapag pakiramdam natin ay nag-iisa tayo at malayo sa iba; at kapag tayo ay pagod na sa pag-iisip, espiritual, at pisikal. Gustong-gusto ni Satanas na samantalahin tayo sa ating mga pinakamahinang sandali.TIGIL! Tumigil muna. Maglagay ng bantay. Lumapit sa Dios, at mag-ingat sa mga taktika ni Satanas. “Maging handa kayo at magbantay; dahil ang diyablo na inyong kaaway ay parang leong umaatungal, aali-aligid at naghahanap ng malalapa.”[7]
(2) Matutong tanggihan ang mga kasinungalingan at palitan ang mga ito ng katotohanan: “Dahil nahayag ang biyaya ng Dios, nagdala ng kaligtasan sa lahat ng tao, sinasanay tayong tumanggi (sabihin ang “Hindi”) sa kawalang kabanalan at sa makamundong mga pagnanasa, at mamuhay sa matuwid, may pagpipigl sa sarili at may kabanalan sa kasalukuyang panahon.”[8]
Ang biyaya ay nagtuturo sa atin na magpigil sa sarili. Walang Kristiyano ang makakapagsabi, “Wala akong kontrol sa aking mga iniisip.” Ang nakapagliligtas na biyaya ng Dios na kumikilos sa loob ng ating mga puso, sa pamamagitan ng nananahan na Banal na Espiritu, ay nagbibigay-daan sa bawat Kristiyano na talikuran ang “kasamaan at makamundong pagnanasa.” Ang Banal na Espiritu sa atin ay ang Espiritu ng pagpipigil sa sarili.[9] Sa awa ng Dios, hindi tayo kailangang sumuko. Maniwala ka rito. Umasa sa sa bawat sandaling ito. Pagsanayang ihinto ang mga mapanghimasok na kaisipan at palitan ang mga ito ng totoong kaisipan.[10]
Alamin kung ano ang pumupukaw ng makalamang pag-iisip. Alamin kung ano ang nagdudulot sa iyo ng problema. Tanggalin mo iyan sa buhay mo. Patayin mo iyon! Kung ito ay masyadong malaking bagay para sa iyo, kung gayon ay huwag mo lamang itong tingnan na ako lamang ang nagsabi; tingnan mo na ito’y mula kay Jesus. Sa konteksto ng mahalay na pag-iisip, sinabi niya: “kung ang iyong kanang mata ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukutin mo ito at itapon; mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno.”[11]
Ganyan ka ba kaalab patungkol sa kabanalan? Handa ka bang gumawa ng masakit, hindi komportableng mga sakripisyo upang mabantayan ang iyong isip at ang iyong pagmamahal sa Dios? Si Dr. Michael Avery, na naging matagal na presidente sa isang Bible college, ay nagkwento tungkol sa isang kabataang lalaki na pumunta sa kanyang opisina upang magpahayag ng kasalanan. Siya ay bumibisita sa mga pornograpikong website, ngunit sinabi niyang labis siyang nagsisisi at nais niyang patawarin siya ni Presidente Avery at panagutin siya sa pagiging dalisay. Siya ay tila taos pusong nagsisisi.Pagkaraan ng ilang linggo ay dumating muli sa opisina ang parehong binata na may parehong pagtatapat; at makalipas ang ilang linggo, ganoon ulit. Sa wakas, tiningnan ni President Avery ang binata sa mga mata at sinubukan siya. “Sa tingin ko gusto mo ng kadalisayan, ngunit hindi ako sigurado. Handa ka bang gumawa ng pangako ngayon na kung ang iyong computer ay magiging sanhi ng iyong muling pagkakasala, ay ipapamigay mo ito, o ibebenta ko ito, o dudurugin ito gamit ang martilyo?” Sinabi ng binata na hindi niya maaaring gawin iyon. Sobra-sobrang sakripisyo iyon. Sinabii niya na kailangan niya ang computer para sa paaralan. “Kung gayon ay hindi ka pa tunay na seryoso patungkol sa kadalisayan!” tugon ni Presidente Avery.
Ang mga hindi handang magtayo ng mga pananggalang at mag-alis sa kanilang sarili ng ilang kaginhawahan para sa kanilang paghahangad ng espiritual na kagalakan ay hindi talaga nagnanais ng kadalisayan. Nagpatotoo si Job, “Nakipagtipan ako sa aking mga mata; bakit ako titingin sa isang dalaga?” Ito ay isang patotoo ng pagpapasya na humahantong sa tagumpay.
(3) Layuan ang pagnanasa at hanapin ang tunay na kagalakan:“Talikuran na ninyo ang mga pagnanasa ng laman.”[12]
Ang pagnanasa ay parang isang gutom na leon. Huwag mo itong hayaang makapasok sa pinto ng iyong isipan. Kapag binuksan mo ang pinto ng iyong isip, ang leon (pagnanasa) ay lalamunin ka hanggang sa panandaliang mabusog ito; at hinding hindi niya nanaising umalis pa. Sinasabi ni Pablo kay Timoteo na kung talagang nais niyang maging banal, dapat siyang tumakas papalayo mula sa mga pagnanasa. Hindi niya dapat pangatwiranan, ituring na tama, o isaalang-alang ang pagbibigay kasiyahan sa kanyang sarili sa pamamaraang ipinagbabawal ng Dios.
Kung nais mong maging banal, huwag manood ng mga programa sa telebisyon, magbasa ng mga libro, o bumisita sa mga internet site na nagdudulot ng tukso. Tumakas mula sa mga lugar at mga taong kilala mo na makakaakit sa iyong pagnanasa. Huwag mong buksan ang pinto para sa tukso kahit gaano mo kanais na mag-usisa kung ano ang nasa kabilang panig. Kung gusto mong magtagumpay, dapat mong gawin ang ginawa ni Jose at tumakas palayo mula sa nais ng nanunukso. Gawin mo itong kasanayan!
(4) Sa Dios mo hanapin ang kagalakan: “sa halip ay pagsikapan mong maging matuwid, matapat, mapagmahal at mapayapa, kasama ng mga taong may malinis na pusong tumatawag sa Panginoon.”[13]
Ang pinakamabuting paraan na natagpuan ko upang mawala ang aking panlasa sa mga bagay na wala sa ayos para sa akin ay ang tikman ang napakalaking kagalakan at kasiyahan sa mga bagay na makalangit, at pangwalang hanggan. Ang isang sandali sa presensya ng Dios ay ginagawang di kaakit-akit ang makasalanang kasiyahan kapag itoy inihambing. Ang pagtakas sa pagnanasa nang hindi hinahangad ang kabanalan ay hindi makapaglalayo sa pagnanasa nang pangmatagalan. Ang mga matagumpay na lalaki at babae ay ang mga nasa mainit na paghahangad ng kabanalan‒pinupuno ang kanilang mga puso at isipan ng mga bagay na magpapatibay sa kanilang paglakad kasama ng Dios at mas lumaki ang kanilang kasiyahan sa Dios! Nasisiyahan sila sa pakikipag-ugnayan sa Dios, nililinang ang isang malusog na kaugnayan, nagbabasa ng magagandang aklat, bumuo at gumamit ng mga talentong ibinigay ng Dios, at makibahagi sa pagpapalaganap ng kaharian ng Dios. Hindi nila pinahihintulutan ang kanilang mga isip na walang ginagawa. Alam nila na ang isang isipang walang ginagawa ay ang palaruan ng diyablo!
(5) Bihagin ang bawat kaisipan sa Salita ng Dios: “Dahil ang mga sandata sa ating pakikipaglaban ay hindi sa laman kundi iyong may banal na kapangyarihan upang wasakin ang mga tanggulan. Winawasak natin ang mga pangangatwiran at bawat mataas na opinyon na ibinibigay laban sa kaalaman sa Dios at hinuhuli ang bawat kaisipan upang sumunod kay Cristo.”[14]
Ang susi sa tagumpay ay gawing alipin ng Salita ng Dios ang bawat pag-iisip. Sa madaling salita, suriin ang bawat kaisipan laban sa katotohanan ng banal na kasulatan. Si Stephen Arterburn at Fred Stoeker ay nagsulat ng isang serye ng mga libro upang matulungan ang mga kalalakihan na madaig ang mga tuksong sekswal. Ang isa sa mga praktikal na bagay na itinuturo nila sa mga lalaki at ang pag-aralan ang disiplina ng “pagpapatalbog ng mata/ bouncing the eyes.” Sa madaling salita, isagawa ang disiplina ng mabilis na pag-iwas ng tingin mula sa “ipinagbabawal na prutas.”[15] Ito ay maaaring maging makapangyarihan, disiplinang nakakapagpabago ng buhay. Ngunit sinasabi rin nila na ang disiplina ng pagtalbog ng mata ay hindi magiging kumpleto kung walang pagsasanay ng pag-iisip sa patuloy na pagpapatotoo sa mga katotohanan sa Biblia:
“Wala akong sariling karapatan.”
“Ako ay binili sa isang halaga.”
“Ako ay alipin ng pagmamahal ng Dios.”
Isinulat ni Fred Stoeker,
Upang tuluyang makalaya mula sa pagkakabilanggo, hindi ka maaaring huminto sa pamamagitan lamang ng pagtalbog ng iyong mga mata... kailangan mong humakbang ng isa pang hakbang palabas sa ikalawang pinto, na kung saan ay babaguhin ka ng Salita ng Dios upang mag-isip tulad ni Jesus….
Paano mag-isip si Jesus? Katulad ng lingkod na walang karapatan. Mahal niya ang katuwiran at kinapopootan ang kasamaan (tingnan ang Hebreos 1:9) alang-alang sa kanyang Ama; at pinili niyang talikuran ang kanyang mga karapatan upang maging isang lingkod na maaaring magbayad para sa ating katubusan alang-alang sa Ama.
At tayo ngayon ay tinubos na, dapat tayong mag-isip tulad ni Jesus. Hindi na natin pag-aari ang sarili natin. Wala na tayong sariling karapatan nang hiwalay sa kanya .... “Takasan ninyo ang mga sekswal na imoralidad.... Hindi na ninyo pag-aari ang inyong katawan; sapagkat binili na kayo sa isang halaga. Kaya’t gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Dios” (1 Corinto 6:18-20).
Sa panahon ng aking pakikipaglaban para sa sekswal na kadalisayan, Ako (si Fred) ay pinadalisay ang talatang ito hanggang sa kaibuturan ng aking laman, na kalaunan ay nagpabago ng lubusan sa aking isipan:
WALA KANG KARAPATAN NA TINGNAN O PAG-ISIPAN IYAN; WALA KANG AWTORIDAD.
Kapag ang iyong isipan ay tunay na nabago upang mag-isip ng ganito, mararanasan mo ang tinatawag nating kamatayan ng tukso.[16]
Kung nais mo ng isang dalisay nabuhay sa pag-iisip, hulihin mo ang bawat hindi naaayong kaisipan tungkol sa Dios, sa kasalanan,sa iyong sarili, at sa ibang tao na hindi masunurin sa Salita ng Dios. Pagnilayan ang Banal na Kasulatan araw at gabi.[17] Hayaan itong ituro sa iyo kung sino ka kay Kristo, at kung kanino ka kabilang. Kapag mas napupuspos ka ng Banal na Kasulatan, mas mag-iisip ka ng tama tungkol sa sekswalidad. Marahil ay dumanas ka ng pang-aabuso. Marahil nakikipaglaban ka sa pagkaakit sa parehong kasarian kahit na ikaw ay isang Kristiyano, na hindi ikinagugulat ng karamihan sa panahon ngayon. Ibabad mo ang iyong sarili sa Salita ng Dios at ipasakop ang bawat pag-iisip dito.
Kalalakihan, ugaliing isipin ang iba, hindi bilang mga bagay na gagamitin para sa pantasya o kasiyahan sa sarili, kundi bilang mga taong ginawa ayon sa larawan ng Dios, bilang minamahal at inalagaan ng Dios, na pinahahalagahan ng Dios kaya ipinadala niya ang kanyang kaisa-isang Anak upang mamatay para sa kanila.Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, sanayin ang iyong sarili na isipin ang mga lalaki at babae bilang mga taong may walang hanggang kahalagahan na nararapat sa dignidad at paggalang. Itinuro ni Pablo kay Timoteo na ituring ang mga “kabataang babae bilang mga kapatid, nang buong kadalisayan.”[18] Sanayin ang iyong sarili na mag-isip sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng biyaya ng Dios, at makakaranas ka ng pagbabago.
(6) Magsanay ng pagtatapat at pagkakaroon ng pananagutan: “Ipahayag ninyo ang inyong mga kasalanan sa isa’t isa at ipanalangin ang isa’t-isa, upang kayo ay gumaling. Malaki ang naidudulot ng mabisa at taimtim na panalangin ng isang taong matuwid.”[19]
Kung ikaw ay nahihirapan sa iyong buhay sa kaisipan/thought life, ako ay makapagpapatotoo na may kapangyarihang nakapagpapagaling sa mapagpakumbabang pagkilos ng pagtatapat. Tulad ng itinuro natin sa leksiyon tungkol sa pagsisisi, angpagmamataas ang pinakamalaking hadlang sa pagtanggap ng biyaya. Ngunit tumutugon ang Dios sa ating pagsisisi at sirang puso. Ito ang aking kwento.
Halos dalawampung taon na ang nakararaan, nang ang aming anak na si Jesse (na apat na taong gulang palamang noon) ay nagdurusa mula sa sakit na cancer (sa kanyang mata), nagpasiya akong mag-ayuno ng pitong araw. Nag-aalala kami ng aking asawa, na si Becky, na baka napipigilan ng aming kawalan ng pananampalataya ang kagalingang nagmumula sa Dios para sa aming munting anak. Ipinahiwatig ito ng ilang mabuting Kristiyanong kaibigan. Ang aming mga puso ay nasaktan. Sobra kaming nababagabag. Alam namin na ang tanging sagot ay ang Dios at ang kanyang Salita. Hahanapin namin siya. Hahanapin namin ang kanyang kalooban hanggang sa makatagpo ng kapahingahan ang aming mga puso. Sa panahon ng pag-aayunong ito, nakipagtagpo ang Panginoon sa akin (at sa aking asawang si Becky rin) sa napakagandang paraan. Tiniyak niya sa amin ang pangangalaga niya kay Jesse at sa aming pamilya. At, binigyan niya kami ng ganap na kapahingahan sa kanyang kalooban.
Ngunit sa panahon ng pag-aayunong ito, pinalaya ako ng Dios sa ibang paraan na hindi ko inaasahan.Sa ika-anim na gabi habang nagbabasa ako ng kwento mula sa Biblia sa aking mga anak, ang Banal na Espiritu ay nagsalita nang malinaw sa aking puso na tila ito’y narinig ko. Ang kanyang tinig ay dumating bilang isang makapangyarihan at ganap na hindi inaasahang pag-iisip‒hindi lamang isang pag-iisip, ngunit isang paanyaya ng kalayaan: Kung ikaw ay magtatapat... na siyang nagpapahirap sa iyo sa mga pagkakataon sa iyong buhay Kristiyano, palalayain kita. Alam ko na agad kung sino ang kailangan kong kausapin upang magtapat. Natigilan ako at, sa ilang sandali, ako’y natakot. Sa aking isipan, Hindi ko kayang pag-usapan ang tungkol doon. Yun ay sobrang nakakahiya! Ngunit sa mga sumunod na sandali, natagpuan ko ang aking puso na nagsasabi ng oo! Ang boses na ito ay dumating na may gayong pagmamahal, at gusto kong maging malaya.
Kinabukasan ay naupo ako kasama ang aking pinagkakatiwalaang kaibigan at simpleng ipinagtapat ang lahat ng aking itinatago sa kaibuturan ng aking puso kung saan walang sinuman ang nakakaalam at nakakakita nito kundi ako at ang Dios lamang. Hindi ako nabubuhay sa kasalanan; ngunit dahil hindi ko kailanman binuksan ang aking puso at inihayag ang aking kabiguan, hindi ito tuluyang nawalan ng kakayahang gapusin ako. Paminsan-minsan ay nahuhulog ako sa pagkakasala. Ang sandali ng pagtatapat ay ang sandali na nagsimula ang proseso ng pagpapagaling at kalayaan para sa akin. Mula sa sandaling ito, ang pagtatapat at pananagutan ay naging isang ugali na ginamit ng Panginoon upang ipagpatuloy ang kanyang proseso ng pagbabago sa akin. Ang isang bagay na natutunan ko ay nawawalan ng kapangyarihan ang tukso na hawakan tayo kapag ito ay patuloy nating inilalagay sa liwanag.
Kung nahihirapan ka sa iyong buhay sa isipan/thought life, kung nakikipagbaka ka sa mahalay na pag-iisip o iba pang uri ng karumihan, hinahamon kita na humanap ng kaibigan o tagapagturo na puspos ng Banal na Espiritu; ibahagi ang iyong pangangailangan; at hayaan silang ipanalangin ka. At gawing regular ang pananagutan sa iyong sarili. May kapangyarihan sa pagsasagawa ng pagtatapat at pananagutan. Gayun din, huwag kalimutan ang iba pang mga payo. Kailangan mo pa ring maging mapagbantay, kailangan mo pa ring tumakas, kailangan mo pa ring sabihin na “Hindi!” kailangan pa ring ituloy ang pagsasanay tungo sa kabalanan at kailangan pa ring ipasakop ang bawat pag-iisip.
► Tanungin ang dalawa o tatlong tao sa iyong grupo na pag-usapan kung aling mga praktikal na disiplina para sa isang malinis na pag-iisip sa buhay ang higit na nakakaapekto sa kanila. At bakit?
Huling paalala mula kay Keith Drury:
Hindi mo lubos na magagapi [ang pagnanasa]sa pamamagitang ng pagsusumikap, bagama’t kailangan mong magsumikap. Hinding-hindi mo matatalo ang nakakapit na ugaling ito sa pamamagitan ng pagtratrabaho, bagama’t kailangan mong magtrabaho. Si Jesus lamang ang makakagapos sa masamang espiritung ito ng pag-iisip. Ang Anak ng Dios lamang ang makapagpapalayas sa mga magnanakaw na ito mula sa templo ng iyong puso. Maaari kang iligtas ng Dios. At gagawin niya iyon kung hahayaan mo siya.[20]
(1) Kumuha ng pagsusulit batay sa materyal mula sa leksiyong ito.
(2) Maglaan ng hindi bababa sa tatlumpung minuto sa linggong ito sa pagbabalik-aral sa leksiyong ito, kabilang ang mga sanggunian ng Banal na Kasulatan, at humingi ng pang-unawa mula sa Banal na Espiritu.
(3) Itala sa iyong journal ang anumang particular na pagbabago na dapat gawin sa iyong buhay, na inihayag sa iyo ng Panginoon.
(4) Pagnilayan ang kahit isang Awit sa iyong pang-araw-araw na oras sa pag-aaral ng Banal na Kasulatan at itala sa iyong journal kung ano ang sinasabi ng sumulat ng Awit tungkol sa kalikasan at katangian ng Dios.
(5) Itala sa iyong journal ang isang personal na panalangin para sa espirituwal na pagbabago at pag-unlad batay sa leksiyong ito.
(6) Magsanay sa paggamit ng Pang-araw-araw na gabay sa Pananalangin ni Dr. Brown sa iyong pribadong pananalangin.
(1) Ano ang kahulugan ng personal na disiplina na tinukoy sa leksiyong ito?
(2) Ano ang dalawang dahilan kung bakit mahalaga ang personal na disiplina para sa Kristiyano?
(3) Ano ang dalawang personal na disiplina na tinukoy sa Leksiyon 11?
(4) Sino ang “perpektong tao” ayon kay Santiago?
(5) Magbigay ng tatlong praktikal na payo para sa pagkontrol ng dila, na may mga sanggunian.
(6) Magbigay ng apat na praktikal na mungkahi para sa isang dalisay na pag-iisip sa buhay.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.
Questions? Reach out to us anytime at info@shepherdsglobal.org
Total
$21.99By submitting your contact info, you agree to receive occasional email updates about this ministry.
Download audio files for offline listening
No audio files are available for this course yet.
Check back soon or visit our audio courses page.
Share this free course with others