Lesson 12: Personal na Disciplina Gana, Oras, Pag-uugali, at Personal na Paninindigan
29 min read
by Tim Keep
Leksiyon 11 Pagbabalik-aral
Paalala sa lider ng klase: Magbalik-aral sa mga bahagi ng personal na disiplina na natutunan sa Leksiyon 11. Tanungin sa mga mag-aaral kung sino ang handang magbahagi ng kanilang mga personal na panalangin mula sa Leksiyon 11.
Sa pagtatapos ng leksiyong ito, ang mag-aaral ay dapat na:
(1) Maunawaan ang kahalagahan ng personal na disiplina upang mahubog sa pagiging katulad ni Kristo.
(2) Magkaroon ng mas praktikal na pagkaunawa kung paano sanayin ang kanyang gana, oras, pag-uugali, at kung paano isasagawa ang mga disiplinang ito.
(3) Matutunan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng personal na paninindigan.
Mga Larawan sa Buhay
Isang Pastor
Habang nagtratrabaho para sa kursong ito, nasisiyahan ako sa pakikipag-ugnayan sa isang matandang pastor na aking kaibigan. Sa aming pag-uusap, ipinagtapat niya na ang kanyang pinakamalaking pakikibaka sa buong buhay niya at sa ministeryo ay ang katamaran. “Natutukso akong matulog ng sobra at manalangin ng kakaunti!” ang sabi niya. Kapag nasisiran ako ng loob o naiinip, sa halip na manalangin o mag-aral, umiidlip ako nang matagal, higit pa sa kinakailangan.” Mabuting balita na kahit magkaganoon ang aking kaibigan ay magiliw pa rin siya at tila nakatuon na hayaan ang Panginoon na baguhin siya. Isang gabi, pagkatapos ng aming pag-uusap, nakipag-usap siya sa kanyang kongregasyon tungkol sa kanyang intensiyon na maging isang taong mapanalanginin. Napagtanto niya na ang pagsunod niya sa kanyang mga pangako ay hindi magiging madali ngunit mangangailangan ng personal na disiplina na gagamiting paraan ng Banal na Espritu upang makakilos.
Isang Ina
Noong minsan ay may isang kabataang ina na sinubukan naming idisipulo dahil mayroong hindi maayos na espiritual na buhay. Siya ay may taos-pusong pagkagutom sa Dios, ngunit ang kanyang kawalan ng personal na disiplina ay nagdudulot ng kalungkutan sa kanyang sarili at sa kanyang pamilya. Ang mga labahin ay natatambak, at napupuno ng maruruming pinggan ang lababo at natatakpan ang buong banggera bago niya ito hugasan. Ang kanyang pag-aaral ng Salita ng Dios ay hindi palaging nagagawa. Siya ay hindi malusog dahil sa hindi magandang gawi sa pagkain at kakulangan sa ehersisyo. Ang kanyang asawa at mga anak ay hindi naaalagaan. Inaamin niya na ang kanyang kakulangan ng disiplina sa sarili ay naging sanhi ng hindi kasiya-siyang buhay espiritual. Pagkaraan ng mga taon ng pakikibaka, sa wakas ay naging seyoso siya sa personal na disiplina, at ang kanyang kwento ay nagsimulang magbago.
Ang Malaking Ideya
Ang paglago tungo sa pagiging katulad ni Kristo ay hindi maihihiwalay sa pansariling disiplina. Sa leksiyong ito at sa huling leksiyon, tinatalakay natin ang mga bahagi kung saan ang personal na pagsasanay o disiplina ay mahalaga sa paghubog ng espitual na buhay:
Ang pananalita
Pag-iisip sa buhay, kabilang ang mga sekswal na pagnanasa
Gana
Pag-uugali
Oras
Personal na panininindigan
Natalakay na natin ang unang dalawa sa mga personal na disiplinang ito. Sa leksiyong ito, pag-uusapan natin ang huling apat na aspeto.
Ang tagumpay sa buhay Kristiyano – na nagtataglay ng pagiging katulad ni Kristo Jesus – ay direktang nauugnay sa kung gaano tayo kaepektibo sa “pagiging bihasa sa ating sarili.” Ang personal na disiplina ay nagpapataas ng ating kaligayahan sa Dios gayundin sa ating kakayahang luwalhatiin ang Dios at isulong ang kanyang ebanghelyo. Ang buhay ni David ay naglalarawan nito.
Bilang isang batang pastol, si David ay dalubhasa sa alpa, tirador, at tula. Ang maliliit na kadalubhasaang ito ay nagbukas ng mga pinto para sa mas malaking impluwensya at nagbigay ng mga pagkakataong lampas sa kanyang imahinasyon. Ang alpa ang nagdala sa kanya sa harapan ng hari; ang tirador ang nagpanalo sa kanya ng karangalan, at kalaunan ay isang kaharian; at sa pamamagitan ng kanyang mga tula, siya ay patuloy na nagbibigay lakas ng loob, nang-iimpluwensya, at tinutulungang hubugin ang debosyonal na buhay ng milyon-milyong tao bawat araw.
Marahil ay natutukso kang isipin na ang maliliit na bagay ay hindi talaga mahalaga, ngunit ang mga ito ay mahalaga. Ang katapatan sa maliliit na bagay ay mahalaga. Hinamon ni Amy Carmichael ang kanyang mga mambabasa, “Ang lahat ay mahalaga, kahit ang pinakamaliit na bagay. Kung gagawin mo ang lahat, malaki man o maliit, alang-alang sa Panginoon, ay magiging handa ka sa anumang gawaing pipiliin niya para sa iyo na gagawain sa susunod.”
Panimula
Ang personal na disiplina ay hindi kasingdali ng nais natin! Isang araw, dinidisiplina ng aking asawang si Becky ang isa sa aming mga anak na babae, si Carrie, dahil sa pagkagalit nito sa kanyang kapatid. Si Carrie ay tatlo o apat na taong gulang pa lamang noon. “Kailangan mo talagang hilingin sa Panginoon na tulungan kang magkaroon ng pagpipigil sa sarili,” sabi ni Becky. Nagtago si Carrie sa kanyang silid at muling nagpakita pagkaraan ng ilang minuto na may malaking ngiti sa kanyang mukha! “Bakit ka nakangiti, honey? Bakit ka masayang masaya?” tanong ng kanyang mommy. “Dahil ipinanalangin ko ang pagkakaroon ng pagpipigil sa sarili!” tugon niya. Katulad ng maraming Kristiyano, naisip ni Carrie na ang pagpipigil sa sarili ay isang bagay na kaagad na ibibigay sa kanya ng Dios; ngunit bilang ama ni Carrie, naobserbahan ko mula noon na hindi niya iyon ginawa!
► Nakikita mo ba ang posibilidad sa loob ng iglesia na humanap ng agarang paglago sa mga bahagi ng buhay na nangangailangan ng mga taon ng personal na disiplina?
Ang mga Disiplinadong Kristiyano ang Pinakamasaya
Mayroong ideya na ang mga taong disiplinado ay seryoso at walang saya. Depende ito sa kung paano natin ito tinitingnan. Kapag nagsasanay ang mga atleta sa Olympic para sa kanilang sports, tiyak na tinitiis nila ang kanilang nararamdamang sakit; ngunit ginagawa nila ito para sa kagalakan ng kompetisyon at sa pagkakataong magsuot ng gintong medalya. Kapag ang isang magsasaka ay naglilinang ng lupa at itinatanim ang mga buto, tinitiis niya ang pagod ng katawan; ngunit ginagawa niya ito para sa kagalakan ng pag-ani: “Silang mga nagsihayong dala’y binhi’t nananangis, ay may awit na may galak, dala’y ani pagbalik.”[1] At kapag dinidisiplina ng mga Kristiyano ang kanilang sarili sa buhay espiritual at personal, ginagawa nila ito dahil ito’y humahantong sa isang buhay na lumalago kasama ang Dios. Hindi natin dapat kaawaan ang isang dinidisiplinang lalaki o babae. Sa awa ng Dios, naisusulit nila ang buhay.
Mga Kritikal na Bahagi ng Personal na Disiplina: Pagiging dalubhasa sa ating mga Gana
Walang pagdududa, ang gana ay isa sa pinakamahirap sa lahat ng aspeto ng personal na disiplina; lalo na pagdating sa pagkain. Ang pagkain ay ipinagkaloob ng Dios hindi lamang upang mapanatili tayong buhay, kundi para sa ating personal na kasiyahan. Ngunit, hindi ito ibinigay upang maging kasiyahan para pamalit sa kanya. Hindi ito ibinigay upang magbigay ng tunay na kaginhawahan at kasiyahan. Hindi mahalaga kung nakatira ka sa isang mahirap na bansa o mas maunlad na bansa, ang pagsasanay sa iyong gana ay mahalaga sa espiritual na pag-unlad.
Sa Kanluran, ginagawang normal ng ilang Kristiyano ang espiritu ng katakawan at pagpapalayaw sa sarili. Patuloy tayong bumibili ng mga bagong pares ng sapatos kahit na mayroon tayong isang dosenang pares sa ating aparador! Namumuhay tayo nang higit sa ating kailangan at nababaon sa utang. Pinipili natin ang “all you can eat” na mga kainan para sobrang mabusog ang ating sarili. Ngunit malinaw na sinasabi ng Banal na Kasulatan, “at ang bawat isa na nakikipagkumpitensya para sa gantimpala ay magpipigil sa lahat ng bagay.”[1]
Bakit Mahalaga para sa Paghubog ng Ating Espiritual na Buhay ang Pagiging Dalubhasa sa Ating Gana
(1) Ang ating gana ang nagtatakda kung ano ang direksyon ng ating buhay: “Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.”[2]
Itinuro ni Jesus na lagi nating hinahanap ang mga bagay na ating hinahangad ‒ ito man ay ang nais ng ating sikmura, ang marubdob na pagnanais para sa pagtatalik, ari-arian, o kapangyarihan, o ang pananabik ng ating puso sa Dios. Ang ating mga puso ay nahuhubog ng mga bagay na pinili nating pahalagahan. Kung ikaw ay isang lalaki o babae na may posibilidad na magpakalabis, dapat mong malaman na ito ay humahadlang sa iyong espiritual na pag-unlad.
Sinasabi ng Kawikaan, “At kung ikaw ay matakaw pigilan mo ang iyong sarili.”[3] Sinabi ni John Wesley ang talatang ito sa ibang paraan, “Pigilan mo ang pagkamatakaw, na parang may isang taong may hawak ng kutsilyo sa iyong leeg”![4] Ito ay kaparehong uri ng kakaibang pagpipigil sa sarili na itinuro ni Jesus patungkol sa mga sekswal na tukso.[5] Ang pagiging matakaw ay hindi lamang problema sa pagkain. Ang katakawan sa literal na kahulugan ay simpleng pagkonsumo ng higit sa kinakailangan; at sa gayon, ito ay isang saloobin na maaaring ilapat sa anumang gana, ito man ay pagkain, pera, ari-arian o kapangyarihan.
(2) Ang labis na pagsasaya sa anumang mabuting bagay ay makakabawas sa ating kasiyahan sa kung ano ang pinakamabuti: “Mapalad ang mga taong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila ay bubusugin.”[6]
Ang pagiging abala sa mga natural na gana ay mag-iiwan ng kaunting puwang sa ating isipan para sa mga bagay na pang walang hanggan. Gaya ng sinabi ni John Piper : “Kung hindi tayo nakadarama ng matinding pagnanasa para sa pagpapakita ng kaluwalhatian ng Dios, ito ay dahil matagal na tayong kumakain sa hapag ng mundo. Ang ating kaluluwa ay puno ng maliliit ng bagay, at walang puwang para sa kadakilaan.”[7]
Noong bata pa ako, ang paborito kong oras ng araw ay ang oras ng hapunan! Sa katunayan, hanggang ngayon pa rin! Ang pag-asam sa masasarap, lutong bahay na pagkain at pagsasamahan at tawanan ng aking asawa at mga anak sa hapag ay ilan sa mga pinamalaking kagalakan sa aking buhay. Ngunit may mga pagkakataon, lalo na noong aking kabataan, na ang aking pagkain ng meryenda dahil sa pagkainip bago maghapunan ay sumisira sa pinakadalisay na kaligayahan ng hapunan. Kumakain ako, ngunit hindi sa parehong lalim ng kasiyahan. May isang aral dito: Ang pagkainip ay nag-aalis ng pakiramdam ng pag-asa, na ginagawang mas kasiya-siya ang pagkain; at personal na kasiyahan – kapag sobra ang mabuting bagay – ay nagnanakaw sa mga Kristiyano ng isang pakiramdam ng espiritual na kasiyahan.
(3) Kung labis ang pagnanais sa pagkain, hahadlangan nito ang ating espiritual na paningin.
Sa Juan 4, habang ang mga disipulo ay pumunta sa bayan ng Samaria upang bumili ng pagkain, pinangunahan ni Jesus ang isang uhaw na kaluluwa tungo sa kaligtasan. Nang bumalik ang mga disipulo, pinilit nilang kumain si Jesus; ngunit sinabi niya, “Ako’y may pagkaing hindi ninyo nalalaman.... Ang pagkain ko’y ang tuparin ang kalooban ng nagsugo sa akin, at tapusin ang ipinagagawa niya sa akin.”[8] Kailangan ni Jesus ng pagkain para mabuhay, tulad ng mga disipulo; ngunit sinasanay niya ang kanyang mga disipulo na huwag hayaang bulagin sila ng kanilang mga gana mula sa gawain ng Espiritu sa kanilang paligid. Itinuro niya sa kanila na ang paggawa ng kung ano ang nakalulugod sa Ama ay higit na kasiya-siya kaysa sa pinakamagandang tanghalian na kanilang madadala.
Walang dapat mangibabaw sa ating isipan kundi ang mga bagay na tungkol sa Dios. Sa konteksto ng pagkain at sekswal na pagnanasa— gayunpaman ay angkop ito sa lahat ng uri ng gana— sinabi ni Pablo, “Ang lahat ng bagay para sa akin ay matuwid, ngunit hindi lahat ng mga bagay ay makakatulong. Ang lahat ng mga bagay para sa akin ay matuwid, ngunit hindi ako paaalipin sa anuman.”[9]
Sa Banal na Kasulatan ang nakamamatay na kasalanan ng mga katakawan at paglalasing ay sinasabing umaagos mula sa parehong bukal ng pansariling kaligayahan.
► Tingnan ang Deuteronomio 21:20 at Kawikaan 23:21. Sa palagay mo gaano kaseryoso ang karamihan sa mga tao patungkol sa kasalanan ng katakawan?
Mga Praktikal na Payo Para Matulungan Tayo na Pigilan ang Ating Mga Gana
Paglingkuran ang iba bago ang iyong sarili. Ito ay isang mahusay na paraan upang labanan ang pansariling kaligayahan.
Disiplinahin ang iyong sarili tungo sa pagiging mahinahon sa lahat ng bagay.
Iwasan ang mga sitwasyon, mga tao, o mga lokasyon na tutukso sa iyo na sobrahan ang iyong mga gana.
Disiplinahin ang iyong sarili tungo sa matapat na pangangasiwa ng iyong kalusugan at mga pag-aari.
Magsanay ng pag-aayuno, tulad ng itinuro sa mga leksiyon tungkol sa mga espiritual na disiplina. Ang pagkagutom para sa Dios – pag-aayuno – ay isa sa mga pinakamahusay na disiplina para sa pagpuksa sa apoy ng gana na nagniningas.
Hayaan ang iyong motibo sa pagpigil at pagbabawas ang maging kasiyahan sa Dios! Alalahanin na ang personal na disiplina ay hindi dapat maging isang layunin sa kanyang sarili kundi isang paraan para sa higit na kasiyahan sa mga bagay na pangwalang hanggan.
Mga Kritikal na Bahagi ng Personal na Disiplina: Pagkontrol ng Ugali Natin
“Higit na mabuti ang tiyaga kaysa kapangyarihan, ay ang pagsupil sa sarili kaysa pagsakop sa mga bayan;”[1]“Ang taong walang pagpipigil ay tulad ng lungsod na walang pader, madaling masakop ng mga kaaway.”[2]
Ang mga taong nag-aaral ng pag-uugali ng tao ay nagturo sa atin na ang bawat tao ay isang natatanging kumbinasyon ng personalidad at pag-uugali. Ang iba’t ibang mga katangian ng personalidad ay kadalasang inilalarawan tulad ng mga sumusunod:[3]
Extroversion at Introversion
Gustong gusto ng mga extrovert na makasama ang mga tao ngunit may posibilidad na gawin nilang sentro ng atensyon ang kanilang sarili.
Ang mga Introvert ay mas nagninilay-nilay at nasisiyahan sa pag-iisa ngunit may posibilidad na umatras mula sa talagang kinakailangang fellowship.
Sensing at Intuition
Ang mga Sensing person ay gusto ang mga nakagawian at mga detalye at mga sistematikong paraan ng paggawa ng mga bagay ngunit nahihirapan sa paggawa ng maraming bagay.
Ang mga Intuitive person ay mga tagalutas ng mga problema at hindi nasisiyahan sa paulit-ulit na aktibidad ngunit nakikipaglaban sa pagpapasensya at pagsunod.
Palaging nag-iisip at Nakikiramdam
Ang taong palaging nag-iisip ay analytikal, lohikal, at mapangatwiran ngunit nakikipaglaban sa pagiging sensitibo sa iba.
Ang taong nakikiramdam ay sensitibo sa kung ano ang nararamdaman ng iba ngunit may posibilidad na maging mapagpaimbabaw.
Mapanghusga at Maunawain
Ang taong mapanghusga ay gusto ng kaayusan at kontrol ngunit nakikipaglaban sa pagkainip at galit.
Ang taong maunawain ay tahimik at malumanay ngunit nakikipaglaban sa pagpapaliban/procrastination.
Dapat dalhin ng bawat tao ang kanilang personalidad at ugali sa ilalim ng kontrol ng Banal na Espiritu. Kung hiwalay sa bunga ng pagpipigil sa sarili, kapangyarihang ibinigay ng Banal na Espiritu, ang ating kahinaan ang siyang mangingibabaw sa ating mga buhay at sisirain ang ating kakaibang potensyal para luwalhatiin ang Dios.
Praktikal na Payo para sa Pagkakaroon ng Disiplina sa Sarili sa Bahagi ng Pag-uugali
Pag-aralan ang buhay ni Jesus at iayon ang iyong pag-uugali sa kanya, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Habang tayo ay mas nagiging katulad niya, mas nagiging banal ang ating pagkatao at pag-uugali.
Kilalanin ang iyong sarili at tumangging magdahilan na saktan ang iyong kapatid kay Kristo. Maging mapagpakumbaba. Huwag panghinaan ng loob sa kabiguan ngunit patuloy na maghanap ng biyaya.
Magpasalamat sa Dios sa paglikha sa iyo bilang isang taong ninais niya, at magpasalamat sa personalidad at ugali ng iba.
► Hilingin sa mga miyembro ng iyong grupo na banggitin ang ilan sa mga kalakasan at kahinaan ng personalidad at pag-uugali ng mga karakter sa Biblia. Aling mga katangian ng kanilang pag-uugali at personalidad ang sa tingin mo ay kailangang pabanalin, at aling mga katangian ang hindi kailanman mapapabanal?
[3]M. Robert Mulholland Jr., Invitation to a Journey (Downers Grove: InterVarsity Press, 1993), 50-56
Mga Kritikal na Bahagi ng Personal na Disiplina: Disiplina sa Paggamit ng Ating Oras
“Nakikita mo ba ang isang tao na mahusay sa kanyang trabaho? Siya ay tatayo sa harap ng mga hari; hindi siya tatayo sa harap ng mga hindi kilalang mga tao”[1] “kung paanong ang pinto ay pumipihit sa mga bisagra nito, gayon din ang tamad sa kaniyang higaan.”[2]
Disiplina sa Oras: Pagsikapan ang Pinakamahusay
Ang disiplina sa usapin ng oras ay hindi nangangahulugang pupunuin natin ang bawat sandali ng pagiging abala, kundi natututo tayong punan ang bawat sandali ng pinakamahalaga: “At ito ang dalangin ko ... upang mapili ninyo ang mga bagay na pinakamahalaga sa lahat.”[3] Kung ang pinakamahusay na bagay na iyong magagawa sa isang particular na sandali ay ang pagtulog, pagkatapos ay matulog muli. Huwag mag-scroll sa internet ng walang layunin. Kung ang pinakamahusay na bagay ay ang maupo ng tahimik habang nagninilay o nananalangin, gawin mo iyon, sa halip na ibang bagay. Kung ang pinakamahusay na gawain sa isang tiyak na sandali ay ang pagsamba, o pag-aaral, o pagbabasa, o pagsasanay maggitara, o pagsusulat, o paglalaba ng damit, o pag-aaral ng pangalawang wika, o pangangaral ng ebanghelyo, kung gayon ay disiplinahin mo ang iyong sarili na gawin ang pinakamahusay na bagay. Kung ang pinakamahusay na bagay na magagawa mo ay bigyan ng magiliw na pag-aalaga ang iyong anak na may sakit, magluto ng pagkain, magbigay ng pangangailangan ng iyong pamilya, magtayo ng bahay, makipag-usap sa isang kaibigan o kasamahan, o masiyahan sa kagandahan ng mundong ginawa ng Dios ... kahit ano ang pinakamahusay na gawain sa isang takdang panahon, sanayin ang iyong sarili na gawin ito, kaysa sa ibang bagay.
At dapat nating idagdag dito, na ang pahalagahan ang oras ay nangangahulugan na anuman ang matagpuan ng ating kamay na gawin, gagawin natin ito nang buong lakas, sa pangalan ng Panginoong Jesus, nang may pasasalamat, at para sa kanyang kaluwalhatian. Kung sasanayin natin ang ating sarili na gawin ito, mapapahalagahan natin ang ating maikling mga araw sa mundo.
Nang buong lakas – “Anuman ang matagpuang gawin ng iyong kamay, gawin mo ito nang buong lakas.”[4]
Sa pangalan ng Panginoong Jesus, na may pasasalamat – “At anuman ang inyong gawin sa salita o gawa, gawin ninyo ang lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat sa Dios Ama sa pamamgitan niya.”[5]
Para sa kaluwalhatian ng Dios – “Kaya, kung kayo man ay kumakain o umiinom. O anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Dios.”[6]
Sigurado ako, ito ay isang napakataas na pamantayan na kakaunti lamang ang nakakaabot. Ngunit ito ang uri ng disiplina na dapat nating pagsikapang maabot.
Ang Disiplina sa Oras: Gawin Kung Saan Ka Niya Natatanging Tinawag at Inihanda Upang Gawin
Ginagawa lamang ni Jesus ang mga bagay na ipinagagawa sa kanya ng kanyang Ama.[7]Pumupunta siya kung saan siya pinapunta ng Ama at sinasabi ang ipinasasabi ng Ama. Siya ang ating modelo sa ating pangangasiwa ng oras.
Napakaraming “David” ang nag-aaksaya ng oras sa pagsusuot ng baluti ni Saul[8] o pinipilit ang kanilang sarili na gayahin ang nagawa ng mga matagumpay na tao. Ako mismo ay sinubukang gawin rin iyon. Naaalala kong malinaw ang panahon sa simula ng aking ministeryo sa pagpapastor na dumalo ako sa isang seminar kung saan hinamon kami ng isang matagumpay na pastor na magbahay-bahay at mag-imbita ng mga tao sa iglesia. Ito ang sikreto ng kanyang tagumpay, sa aking palagay, kaya naramdaman kong dapat ko rin iyong gawin (kahit na karamihan sa mga tao sa Amerika ay hindi palakaibigan sa mga estranghero na kumakatok sa kanilang mga pintuan). Pinilit kong lumabas ng pinto isang Sabado ng umaga dahil sa takot. Naisip ko, marahil ito ang kahulugan ng pasanin ang aking krus at sundin si Jesus. Nagpunta ako sa kalapit na kapit-bahay at umasa na walang tao sa bahay. Naglakad ako pabalik-balik sa kalye habang sinusubukang magkaroon ng lakas ng loob; ngunit, makalipas ang halos isang oras, umuwi akong lubusang talunan ng hindi nakatagpo ng kahit isang tao! Natagalan ako bago ko natutunan sa ministeryo na habang ang pagsunod kay Jesus ay kadalasang nag-aalis sa atin sa ating lugar ng kaginhawahan, bihira, kung mangyari man, na inaalis tayo mula sa ating gifting zone/ayon sa ating kaloob na kakayahan ng Espiritu.
Huwag hayaan ang iyong sarili na mapilitan na gawin ang mga mabubuting bagay na hindi tamang bagay para sa iyo, mga bagay na hindi ipinagagawa sa iyo o hindi ka kwalipikadong gumawa ng bagay na iyon. Isipin ang unang mga apostol sa Mga Gawa kabanata anim na naging abala sa kabutihan ng paglilingkod sa hapag, nang sila ay dapat na nakatutok sa pagtawag ni Jesus na manalangin at making sa pangangaral ng Salita ng Dios: “Ngunit ibibigay namin ang aming sarili sa patuloy na pananalangin at sa pangangaral ng Salita ng Dios.”[9]
► Hilingin sa isang miyembro ng iyong grupo na magbahagi ng isang pagkakataon na nakaramdam sila ng pagpipilit na kopyahin ang espiritual na kalooban ng iba. Ano ang naging resulta?
Ang Disiplina sa Oras: Pagsusumikap – Magtrabaho nang Walang Kakaibang kasiyahan
Ang henerasyong ito ay isang henerasyong naghahanap ng kakaibang kasiyahan, ngunit ang mga gumagawa ng pinakamabuti sa mundo ay patuloy na gumagawa ng tama kahit na walang kakaibang kasiyahan sa paggawa nito. Anuman ang iyong gawin, sa kalaunan ang kakaibang kasiyahan ng isang bagong bagay at nagiging nakakapagod. Hindi na tayo nahihimok at nauudyukan ng pagnanais, at diyan pumapasok ang disiplina. Ilang panahon na ang nakakalipas ay tiniis ko ang panahon ng matinding pagkabagot! Ang ministeryo na dati ay nagpapasigla sa akin ay ngayo’y naging tila sobrang nakakapagod. Ang pagsubok ay hindi na katulad noong una. Ang lasa ng buhay ay naging mapait. Sa palagay ko naiintindihan ng lahat ang tuksong ito. Ang buhay Kristiyano ay kadalasang nangangailangan ng pagsisikap! Sa gitna ng aking pagkabagot, nabasa ko ang napapanahong salita mula kay Oswald Chambers patungkol sa paglakad:
Ang salitang “paglakad” ay ginamit sa Biblia upang ipahayag ang katangian ng isang tao.... Kapag tayo ay nasa isang hindi malusog na kalagayan, pisikal man o emosyonal, palagi tayong naghahanap ng mga kasiyahan sa buhay.[10]
Ang buhay Kristiyano ay higit na tungkol sa paglalakad kaysa anupaman.
“Kaya sinasabi ko: lumakad kayo ayon sa Banal na Espiritu.”[11]
Ang paglalakad ay higit na nagsasalita tungkol sa pagiging tuloy-tuloy na pagtitiyaga kaysa sa pagtakbo. Ang nakalulugod sa kanya ay isang buhay na tuloy-tuloy, may katapatan, at disiplinadong pagpapasiya kahit na kakaunti ang nagbibigay inspirasyon. Mahirap ang paglalakad. Ang paglalakad ay nangangailangan ng pasensya at tiyaga. “Sa kanila na sa pamamagitan ng matiyagang pagpapatuloy sa paggawa ng mabuti ay naghahangad ng kaluwalhatian at karangalan at ang imortal at buhay na walang hanggan:”[14] Ang paglalakad ay humuhubog ng pagkatao. Ang paglalakad ay nagdudulot sa atin upang maging mas mabuting disipulo at makakamit ang ilang layunin ng Dios sa ating espiritual na buhay. Dahil sa disiplinang ito, mas nagiging kontento tayo.
Ang kaharian ay sumusulong sa pamamagitan ng mga nagsusumikap, hindi ng mga naghahanap ng kakaibang kasiyahan. Si William Carey, isang dakilang misyonero sa India, na ang pagsasalin ng Banal na Kasulatan sa lokal na wika ang nagdala sa milyun-milyong tao sa kaharian ng Dios, at nagsabi na ang kanyang naging sikreto sa kanyang tagumpay ay natuto siyang magsikap: “Kaya kong magsikap. Kaya kong magtiyaga sa anumang tiyak na hangarin. Utang na loob ko ang lahat sa pagsusumikap.”
Si Gng. Charles E. Cowman, isang misyonero at manunulat ng aklat sa pag-aaral ng Salita ng Dios, ay nagsabi sa Streams in the Desert: “Ang kaluwalhatian ng bukas ay nag-uugat sa mahirap na gawain ngayon. Marami ang nagnanais ng kaluwalhatian ng wala ang krus, ang pagningning ng wala ang pagpapadalisay; ngunit ang pagpapako sa krus ay nauuna bago ang koronasyon.”[15]
Ang mga taong natutunan na matapat na magsikap sa gitna ng hirap ng buhay ngayon ay tatamasa ng pinakamainam na inaalok ng Dios para bukas. Ang mga nagsusumikap ay magiging maligaya sa pag-ani: “Silang mga nagsihayong dala’y binhi’t nananangis, ay aawit na may galak, dala’y ani pagbalik.”[16] Alamin ang disiplina ng pagtutuon ng isipan sa mga kasalukuyang tungkulin sa halip na mangarap tungkol sa hinaharap o mag-imbot sa kung ano ang hindi mo maaaring makuha, at ikaw ay magiging isang mas maligayang Kristiyano.
Ilang Praktikal na Payo para sa Bahagi ng Disiplina sa Sarili sa Oras
(1) Isakripisyo ang kabutihan para sa kahusayan.
Ang kabutihan ang kalaban ng kahusayan. Hilingin sa Panginoon na buksan ang iyong mga mata sa mga aktibidad na hindi pinakamabuti para sa iyo, mga aktibidad na hindi produktibo sa personal o espiritual. Ipanalangin sa kanya na tulungan kang magkaroon ng pagnanais na pakawalan ang mga mabubuting bagay para sa mas mahusay ng bagay para sa iyo. Buksan ang iyong puso sa pag-iisip na ang masyadong maraming oras sa sports, o TV at mga pelikula, o balita, o pamimili, ay maaaring nag-aalis sa iyo ng mga akitibidad na maaring magdulot sa iyo ng higit na kagalakan: ang pagpapahusay ng iyong mga kaloob, pakikipag-ugnayan sa Panginoon, pag-aalaga sa iyong buhay may-asawa, ang kasiyahan ng iyong mga anak, Kristiyanong paglilingkod, o pisikal na ehersisyo.
(2) Mapanalanging bumuo ng mga plano at layunin.
Ang isa sa pinakamalaking kahinaan ng maraming Kristiyanong lalaki at babae, bata at matanda, ay ang paggala-gala nila sa pang-araw-araw na buhay ng walang malinaw na mga layunin. Ang mapanalanging pagtatakda ng layunin ay maaaring maging isang napaka-espiritual na ehersisyo – isa na magpapanatili ang ating pagtutuon ng isipan.
Pagkatapos ng ikalawang-antas ng pag-aaral, ang aking panganay na anak na si Timoteo, ay nagpasya na magpahinga ng isang taon bago pumasok sa kolehiyo. Sinabi namin ng aking asawa na okay lang para sa amin ang kanyang naging desisyon hangga’t mayroon siyang tiyak na mga layunin na pagsisikapan niya. Sumang-ayon siya sa hamon; at bilang isang paraan upang matulungan siyang bumuo ng malusog na mga layunin, ginawa ko itong simpleng plano sa paglago.
Limang Kritikal na bahagi na dapat kong sadyaing pagsumikapan:
Sa biyaya ng Dios ay gagawin ko ang…
(Isulat ang iyong mga pangako)
Espiritual na Pag-unlad
Kailangan kong linangin ang isang makabuluhang buhay debosyonal.
Dapat akong magbasa ng mga aklat na magtuturo at hahamon sa akin.
Moral na Pananagutan
Dapat akong makahanap ng pakikipag-ugnayan sa isang katuwang sa panangutan o isang tagapagturo.
Dapat akong maging hayag sa paggamit ng teknolohiya, paggamit ng media, personal na kahinahunan, atbp.
Dapat akong maglagay ng mga panangga upang maprotektahan at mapangalagaan ang moral na kadalisayan.
Personal na Disiplina
Dapat kong disiplinahin ang aking pag-iisip sa buhay.
Dapat akong magkaroon ng disiplina sa aking oras.
Dapat akong magkaroon ng disiplina sa aking mga gana.
Dapat akong magkaroon ng matatag na paniniwala.
Dapat akong magkaroon ng disiplina sa aking mga gawi sa pagtulog at paggising.
Trabaho
Dapat akong magkaroon ng inisyatibo na tumulong sa bahay.
Dapat akong manguna sa paglilingkod sa aking trabaho.
Dapat kong hangarin ang kahusayan sa lahat ng mahanap kong gawain.
Pangangasiwa sa Pinansyal
Dapat akong magbigay (simula sa ikapu).
Dapat akong mag-ipon.
Dapat kong bayaran sa oras ang aking mga bayarin.
Sa katunayan, ang mga taong pinaka puspos ng Banal na Espiritu na aking nakilala ay namumuhay sa maayos na paraan. Ang isa sa mga mahalagang ministeryo ng Banal na Epsiritu sa ating buhay ay ang magdala ng kaayusan sa ating kaguluhan. Sa antas na tayo ay nakikipagtulungan sa Banal na Espiritu, sa antas na iyon ang ating mga iniisip, salita, pag-uugali, at kapaligiran ay magiging maayos.
Hindi lang ang bawat minuto
o oras ay nakaplano, ngunit mayroon silang malinaw na pagtutuon ng isipan at direksyon sa buhay. Sa mga panahong iyon kung saan ang mga bagay ay hindi gaanong malinaw, naghihintay sila ng patnubay ng Panginoon.
(3) Gawin ang susunod na bagay na kailangang tapusin, gawin ito agad.
Dumaan ako sa bukirin ng isang tamad... at dito, lahat ay tinubuan na ng mga tinik.... Nang makita ko iyon, ay pinag-isipan ko iyong mabuti; Tiningnan ko ito at nakatanggap ako ng tagubilin: Kaunting tulog, bahagyang idlip, sandaling pahinga at paghalukipkip, samatalang namamahinga ka ang kahirapa’y darating na parang armadong magnanakaw upang kunin ang lahat ng iyong kailangan.[17]
Sa aming unang ilang taon ng ministeryo, kami ni Becky ay madalas na nakikinig hangga’t maaari sa radio broadcast ni Elizabeth Elliot’s radio broadcast, Gateway to Joy. Sa lahat ng mga kwentong misyonero na sinabi niya at lahat ng karunungan na ipinahayag niya, walang nakatulong sa amin nang higit pa sa kanyang paulit-ulit na payo, “Gawin mo ang susunod na bagay.” Ang ibig niyang sabihin dito ay sa halip na isipin ang ating pagkainip o hindi kanais-nais na sitwasyon, dapat nating itakda ang ating isipan at pagsisikap sa susunod na gawain‒lalo na kung ang gawaing iyon ay tila maliit at hindi gaanong mahalaga. Kung ang mga damit ay kailangang laban; kung mayroong isang aklat na dapat nating basahin o isang liham na dapat nating isulat; kung ang ating pananalapi ay kailangang ma-iayos; kung dapat tayong mag-aral para sa isang mensahe; kung ang bakuran ay kailangang tanggalan ng damo; kung mayroon tayong dapat payuhan; kung kailangan ng ating mga anak o asawa ang ating tulong, pagmamahal, at atensyon; o kung kailangang palitan ang bombilya; kung mayroon tayong magagawa upang gawing mas kaaya-aya ang buhay para sa iba, dapat nating gawin ang mga bagay na iyon.
Dapat nating paunlarin ang disiplina sa paggawa ng dapat tapusin, kailangang gawin agad, lalo na kapag walang kakaibang kasiyahan sa paggawa nito. Dapat matuto tayong gumawa ng mahihirap na bagay.
(4) Tandaan na ang katapatan sa oras ay nagdudulot ng kagalakan.
Ang lahat ng bagay ay may panahon,[18]kabilang ang mga panahon ng kasiyahan. Ang mga kasiyahang itinakda at ipinagkaloob ng Dios ay palaging mas kasiya-siya at kapaki-pakinabang kaysa sa mga hinahangad natin para sa ating sarili.
Ako ay dalawampu’t anim na taong gulang nang magpastor sa aking ikatlong taon ng ministeryo, at halos makumbinsi ako ng diyablo na hinding-hindi ko magagawa ang anumang bagay para sa Dios. Ako ay nawalan ng pag-asa. Ako ay nalilito. Pakiramdam ko ay nakakulong ako. Sa loob ng maraming buwan. Napakabigat ng dinadala ko sa aking dibdib, na sa totoo lang, at kung minsan ay gusto ko nang mamatay. Isang araw, binigyan ako ng Banal na Espiritu ng biyaya na tumingin sa langit at sabihing, “Ama, hindi ko alam kung ano ang inilaan mo para sa akin at sa aking asawa. Hindi ko alam kung gusto mo kaming manatili sa ministeryo ng pagpapastor, o kung balang araw ay magbubukas ka ng pinto sa ministeryo ng cross-cultural para sa amin. Ngunit, Ama, iniaalay kong muli ang aking sarili sa iyo at sa iyong perpektong kalooban, anuman at saanman ito naroroon.” Nangako rin ako sa Panginoon noong araw na iyon na gaano man ito nakakatukso, hinding-hindi ko sisikaping buksan ang pinto nang mag-isa, ngunit magtitiwala sa kanyang kapangyarihan na iayon ang puso ng mga tao sa kanyang kalooban. Dininig ng Dios ang panalanging ito ng sariwang pagtatalaga at kinabukasan ay tinawag ang aking pamilya, nang may hindi maikakailang katiyakan, sa paglilingkod bilang misyonero. Alam namin na ito ang inihanda ng Dios para sa amin.
[10]Oswald Chambers, My Utmost for His Highest (July 20 entry). Kinuha mula sa https://utmost.org/dependent-on-god%E2%80%99s-presence/ on January 16, 2021.
[15]Mrs. Charles E. Cowman, Streams in the Dessert (April 26 entry). Kinuha mula sa https://annointing.files.wordpress.com/2013/01/devotional-streams-in-the-desert.pdf on January 16, 2021.
Mga Kritikal na Bahagi ng Personal na Disiplina: Ang Ating Mga Personal na Hangganan at Paniniwala
“Lahat ng bagay ay matuwid para sa akin, ngunit hindi lahat ng bagay ay nakakatulong; lahat ng bagay ay matuwid para sa akin, ngunit hindi lahat ng bagay ay nakapagpapatibay.”[1]
Isa sa mga senyales ng paglago ay hindi na tayo nagtatanong, “Ano ang pinapayagan ng kautusan?” o “Ano ang makukuha ko?” sa halip ay magsimulang magtanong, “Nakakatulong ba ito sa akin?” at “Malalapit ba ako nito sa Dios o gagawin akong mas mabuting tagasunod ni Kristo?” Isa sa pinakamahalagang disiplina ay ang paghubog ng mga personal na hangganan at paniniwala sa ating buhay‒mga hangganan at paniniwala na may kaugnayan sa personal na kadalisayan, pakikipagkaibigan, pananamit, musika, libangan, Araw ng Panginoon, at iba pa.
Mga Punto na Dapat Tandaan Tungkol sa mga Paniniwala at Personal na Hangganan
(1) Ang mga tiyak na paniniwala at personal na mga hangganan na ito ay hindi kinakailangan para sa lahat.
Maaaring hindi tayo makahanap ng isang partikular na talata para sa kanila sa Biblia, maliban sa prinsipyo. Kaya’t hindi natin dapat hilingin na ganoon din sa iba o gamitin ang ating mga paniniwala upang hatulan ang iba.
(2) Ang mga personal na hangganan at paniniwalang ito ay batay sa mga biblikal na prinsipyo, ngunit ang mga partikular na aplikasyon at natatangi sa iyo.
Habang ipinapaalam sa iyo ng Panginoon ang iyong mga kahinaan, magkaroon ka ng mga personal na hangganan at paniniwala na tutulong na mapanatili ang iyong pagnanais sa Dios.
(3) Ang mga personal na hangganan at paniniwalang ito ay dapat mabuo sa pagmamahal sa iba.[2]
Maraming pagkakataon sa ating paglakad bilang Kristiyano na nililimitahan natin ang ating kalayaan alang-alang sa pag-ibig. Ang mga taong husto ang paglago sa pagiging Kristiyano ay handang ibigay ang kanilang mga karapatan sa ganitong paraan.
(4) Ang mga personal na hangganan at paniniwala ay dapat na nauudyukan ng kagalakan.
Ang walang pag-iisip na pagsunod sa tradisyon ng iglesia o mga paniniwala ng mabubuting tao, kapag ang mga paniniwalang iyon ay wala sa iyong puso, ay hahantong lamang sa pagkaalipin. Si George Mueller ay may napakagandang salita para sa atin dito:
Madalas kong binabanggit ang mga (nakakapinsalang) epekto ng paggawa ng mga bagay dahil ginawa ito ng iba, o dahil ito ay nakaugalian, o dahil sila ay nahikayat sa mga gawa ng panlabas na pagtanggi sa sarili, o pagsusuko ng mga bagay habang ang puso ay hindi sumasabay dito, at habang ang panlabas na paggawa ay HINDI bunga ng panloob na pagkilos ng kapangyarihan ng Banal (na Espiritu), at ang masayang pagpasok sa ating pakikipag-ugnayan sa Ama at sa Anak.
Lahat ng bagay na isang anyo lamang, isang ugali lamang... ay dapat katakutan ng labis.... Ang mga bagay ay hindi dapat magresulta mula sa labas, ngunit mula sa kalooban. Ang uri ng damit na aking isinusuot, ang uri ng bahay na aking tinitirhan, ang kalidad ng muwebles na ginagamit ko‒lahat ng mga katulad na bagay ay hindi dapat magresulta mula sa mga ginagawa ng ibang tao, o dahil ito ang nakagawian sa mga kapatiran na pinakikisamahan ko sa gayung simple, hindi mamahalin, paraan na nagkakait sa sarili; nguni’t kung ano man ang gagawin sa mga bagay na ito, sa paraang sumusuko na, o itinatanggi ang sarili,o pagtanggi sa sarili, o kamatayan sa mundo, ay dapat magresulta mula sa kagalakang mayroon tayo sa Dios, mula sa kaalaman na tayo ay mga anak ng Dios, mula sa pagpasok sa malaking kahalagahan ng ating mamanahin sa hinaharap.[3]
Tiyakin na ang iyong mga pinaninindigan ay nagmumula sa kalayaan, sa halip na pagiging alipin sa mga tuntunin at tradisyon na gawa ng tao.[4]
Praktikal na Payo para sa Disiplina ng Pansariling Hanggahan at Pinaniniwalaan
Kilalanin mo ang iyong sarili.
Humingi ng payo mula sa ibang matatapat na Kristiyano.
Huwag kang gumawa ng mga hanggahan at paniniwala nang madalian o hindi pinag-iisipan.
Huwag kang gagawa ng mga hangal na pangako na hindi mo kayang tuparin.
Mahikayat/motivated ka ng pag-ibig.
Dapat mong matanto na may mga pinaniniwalaan na magbabago sa paglipas ng panahon habang umuunlad ka sa kalakasang espirituwal at nagkakaedad. Tanging ang Salita ng Dios ang permanente at hindi nagbabago!
Dapat alamin na may mga paninindigan na magbabago sa paglipas ng panahon habang ikaw ay lumalago sa kalakasan at pagiging matatag sa espirituwal. Tanging ang Salita ng Dios ang permanente/hindi nagbabago!
Si Propeta Daniel ay isang magandang halimbawa ng lalaking, sa mga unang araw ng kanyang pagkabihag sa Babilonia, ay nagtatag ng ilang sariling “kaugalian”: “Ngayon nang malaman ni Daniel na ang kautusan ay nalagdaan na, siya ay umuwi. At sa itaas ng kanilang tahanan, lumuluhod siya tatlong beses sa araw na iyon, at nanalangin at nagpasalamat sa kanyang Dios, tulad ng kanyang nakagawian mula pa sa kanyang pagkabata.”[5]
Buksan ang mga bintana paharap sa Jerusalem? Lumuluhod at manalangin nang tatlong beses sa isang araw? Ang mga ito ay hindi iniutos sa Kasulatan, ngunit isinagawa ni Daniel ang mga ito dahil nais niyang panatilihin ang kanyang pagmamahal sa Dios, sa bayan ng Dios, at lunsod ng Dios. Lumampas si Daniel sa kautusan, upang magmahal. Ito ang dahilan kung bakit siya ginamit ng Dios nang buong kapangyarihan.
Upang mahubog sa imahen ni Cristo, dapat tayong magtuon ng pansin sa pansariling disiplina. Dapat nating gawing lingkod ang ating isipan at katawan. Narinig ko isang araw ang isa sa aking mga anak (pagkatapos ko silang bigyan ng gawain hindi nila gusto), “Sana mayroon akong isang katulong/tagapaglingkod!” Sinabi ko sa kanila na kung gagawin lang nilang katulong/tagapaglingkod ang kanilang sarili, lalagi silang mayroong isang tagapaglingkod!
►Alin sa mga personal na disiplina na tinalakay sa dalawang huling leksiyon ang nakita mong pinakanakakatulong? Bakit? Mag-ukol ng limang minuto upang pag-isipan ang ilan sa mga pagbabagong kailangan mong gawin. Magbahagi ng isa o dalawang bagay sa inyong grupo kung nais ninyo.
Leksiyon 12 Mga Takdang-Aralin
(1) Kumuha ng pagsusulit batay sa materyal mula sa leksiyong ito.
(2) Mag-ukol ng hindi kukulangin sa tatlumpung minuto sa linggong ito sa pagbabalik-aral sa leksiyong ito, kabilang ang mga reperensiya sa Kasulatan, at hinihiling sa Banal na Espiritu ang malinaw na pagkaunawa.
(3) Itala sa iyong journal ang anumang tiyak na pagbabago na dapat gawin sa iyong buhay, ayon sa inihahayag sa iyo ng Panginoon.
(4) Pagbulayan ang kahit man lang isang Awit sa iyong pang-araw-araw na oras ng pagbubulay, at itala sa iyong journal kung ano ang sinasabi ng salmista tungkol sa kalikasan at katauhan ng Dios.
(5) Itala sa iyong journal ang isang personal na panalangin para sa pagbabagong espirituwal at paglago batay sa leksiyong ito.
(6) Magsanay sa paggamit ng Pang-araw-araw na gabay sa Pananalangin ni Dr.Brown sa iyong pang-araw-araw na pribadong pananalangin.
Leksiyon 12 Pagsusulit
(1) Ano ang anim na personal na disiplina na pinag-aaralan natin sa Leksiyon 11 at 12?
(2) Ano ang dalawang negatibong resulta ng pag-abuso? (sa pagkain, sa kalayawan at iba pa)
(3) Ano ang sinasabi ng Kawikaan 16:32 tungkol sa isang taong hndi madaling magalit?
(4) Ano daw ayon sa misyonerong mambabatas na si William Carey ang sikreto ng kanyang tagumpay?
(5) Ibahagi sa iyong sariling salita ang mabuting payo ni George Mueller patungkol sa pansariling convictions/pinaninindigan.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.