Lesson 5: Paghubog ng Espirituwal na Buhay sa Pamamagitan ng Kamalayan sa “Sarili” (Unang Bahagi)
35 min read
by Tim Keep
Leksyon 4 Balik-aral
Paalala sa tagapanguna sa klase: Magbalik-aral sa mga pangunahing punto ng Leksiyon 4. Tanungin ang mga mag-aaral na nais na ibahagi ang kanilang nakasulat na mga panalangin mula sa Leksiyon 4. Magbalik-aral din sa tatlong aspeto ng paglalakbay sa Paghubog ng Espirituwal na buhay na tinalakay sa Leksiyon 2.
Sa pagtatapos ng leksiyong ito, ang mag-aaral ay dapat na:
(1) Nauunawaan ang mahahalagang Espirituwal na katotohanan na makakatulong sa atin na makilala ang ating sarili.
(2) Maunawaan ang mga katangian ng pagmamataas.
(3) Magawang bigyang-kahulugan kung ano ang pagiging wasak at mga katangian ng isang taong wasak.
(4) Ilapat ang mga katotohanan sa leksiyong ito sa kanyang buhay.
Mga Larawan sa Buhay
Isang Batang Pastor
Minsan tinanong ko ang isang batang pastor ng isang lumalagong iglesia, “Ano ang pinakamalaking hamon sa iyong ministeryo?” “Ang Sarili ko!” ang sagot niya ng walang pag-aalinlangan. Pinahalagahan ko ang kanyang katapatan.
Isang Taong Naghahanda Para sa Ministeryo
Ang isang kabataang Kristiyano ay nag-aaral para sa ministeryo ng pagpapastor ngunit madalas na nakikipagtalo sa kanyang mga kapwa kamag-aral at maging sa kanyang mga propesor. Nagtataka siya kung bakit. Nagtataka siya kung bakit hindi niya makita ang panloob na kapayapaan na hinahangad niya. Di nagtagal ay nagsimulang makita niya ang kapalaluan ng kanyang puso – lalo na ang kanyang katigasan ng ulo at pagmamataas. Sa wakas ay naharap na niya ang katotohanan tungkol sa kanyang sarili. Ninais niyang magkaroon ng kalayaan sa pagiging makasarili at lahat ng kaguluhan sa kalooban na dinadala niya sa kanyang kaluluwa at hiniling sa Dios na linisin ang kanyang puso.
Isang Asawang Babae at Ina
May isang Kristiyanong asawang babae at ina ang nakita ang kanyang sarili na tumatakas sa pagtawag ng Dios upang talikuran ang kanyang trabaho alang-alang sa kanyang pamilya. Pagkatapos, natagpuan niya ang lihim ng kagalakan sa pagpapasakop ng kanyang mga plano sa mas mayaman, mas buong plano ng Dios! Ang malalim na kagalakang nararanasan niya ngayon sa pag-aalaga ng kanyang mga anak at asawa ay hindi maisalarawan.
Isang Mag-asawa
Natagpuan ng isang mag-asawang Kristiyano ang kanilang mga sarili sa halos tuloy-tuloy na sumbatan sa isa’t-isa. Ang kanilang pagmamahal sa isa’t-isa ay nawawala na, at ang kanilang pagsasama ay nasa isang krisis. Sa pamamagitan ng paghahanap sa Banal na Kasulatan at maka-Dios na tagapayo, nagsimulang makita nila ang pangit na likas na katangian ng kanilang makasariling puso na tumataliwas sa magandang katangian ng pagmamahal ng Dios. Sa kanilang pagsisisi, muling pinag-alab ng Dios ang kanilang pag-ibig!
Ang mga larawan ng buhay na ito ay nagpapaalala sa atin na ang mga mapagpakumbabang mananampalataya ay tumatanggap ng biyayang nakakapagpabago. Nabubuhay tayo sa isang panahon sa kasaysayan kung kailan ang katawan ni Kristo ay nangangailangan ng isang muling pagkabuhay ng katuwiran. Sa Estados Unidos, napakaraming tinaguriang Kristiyano ang nag-iisip at namumuhay tulad ng mga makamundong tao. Maraming kabataan ang nakikipaglaban sa lihim, at talunang laban sa “mga pagnanasa ng laman at mga pagnanasa ng mga mata at pagmamataas sa buhay” – kabilang dito ang mga sekswal na imoralidad, materyalismo, at pagsunod sa hilig ng sanlibutan.[1] Natuklasan namin sa Africa at Asya ang maraming nagsasabing sila ay mga Kristiyano na pinaghahalo ang Biblikal na Kristiyanismo sa pagsamba sa mga ninuno at animistikong pamahiin.[2] Ang mga iglesya at pamilya sa buong mundo ay madalas na nawawasak ng hidwaan. Maraming pagsisi ang maaaring ilagay sa paanan ng mga pastor at misyonero na nagtuturo at namumuhay ng isang uri ng kabanalan ngunit tinatanggihan ang nakalilinis, at nakakapagpabagong kapangyarihan nito.[3]
Maaari ba tayong maging banal, tulad ng pagkakatawag sa atin ng Dios?[4] Maaari ba tayong mabago? Maaari ba nating mahalin ang PANGINOON ng buong puso, kaluluwa, lakas, at pag-iisip, at mahalin ang ating kapwa gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili?[5] Kaya ba nating ipamuhay ang buhay ni Jesus? Magagawa natin kung handa tayong harapin ang ating sarili.
[2]Sa isang bansang aking binisita, nahilingan ako na patungan ng kamay ang isang buwig n saging at ipanalangin ang mga ito upang ang mga baog na kababaihan sa iglesya ay makain ito at “ang kanilang sinapupunan ay maging mabunga.” Ipinanalangin ko ang mga babae at hindi ang mga saging! Sa maraming bansa ang sensual na pagsamba ay pumalit na sa magalang, ang pangangaral ng Salita, at pananalangin.
Ang kamalayan sa sarili – ang kaalaman sa aking sarili – ay ganap na kritikal sa Paghubog ng espirituwal na buhay tungo sa pagiging katulad ni Kristo. Ang tunay na makilala ang sarili ay ang malaman na ang hindi pa napapabanal na “sarili” ay ang pinakamalaking kaaway ng isang tao.
Ang Kahalagahan ng Pagkilala sa ating Sarili
Gaano mo kakilala ang iyong sarili? Isinulat ni Dennis Kinlaw na:
[1]Ang bawat tao ay nahaharap sa dalawang katanungan na tumutukoy sa kapupuntahan ng kanyang buhay. Ang unang katanungan ay tumutukoy sa likas na katangian ng Dios. Sino siya at ano kaya ang kamukha niya? Ang pangalawang pinakamahalagang katanungan na kinahaharap ng isang tao ay ang tanong na kung sino tayo at kung ano kaya ang kamukha natin. Kung naiintindihan natin ang kalikasan ng Dios, at kung naiintindihan natin ang kalikasan ng ating mga sarili, mayroong isang magandang pagkakataon na mabuhay tayo ng may katuturan at mabisang buhay sa mga tuntunin ng paglilingkod.[2]
Ang pagkilala sa ating sarili ay nagsisimula sa isang kahandaang makita ang ating mga sarili sa kung ano na tayo. Ngunit, ang pagkakilala sa ating sarili katulad ng pagkakilala sa atin ng Dios ay imposible kung wala ang Banal na Espiritu. Itinuturo ng Banal na Kasulatan na, “Ang puso ay mapanlinlang sa lahat ng bagay, at labis na masama; sino ang makakaunawa nito?”[3] Binalaan din tayo ng Kawikaan na, “Ang nagtitiwala sa kanyang sariling puso ay isang hangal.”[4]
► Simulan natin sa pananalangin na sa pamamagitan ng leksiyong ito ay bigyan tayo ng Panginoon ng higit pang pang-unawa sa ating sarili. Gabayan nawa tayo ng Awit 139:23-24 sa panalanging ito.
Sa leksiyong ito at sa susunod na leksiyon, titingnan natin ang walong mahahalagang katotohanan na makakatulong sa ating mas makilala ang ating mga sarili.
[1]“Ang buhay na hindi nasasaliksik ay hindi karapat-dapat na ipamuhay.”
– Plato, “The Apology of Socrates”
[2]Dennis Kinlaw, Malchus’ Ear (Wilmore: Francis Asbury Press, 2017), 56
Ang Muling Kapanganakan ay Nagdudulot ng Kamalayan sa Pagmamataas
Sa pamamagitan ng muling kapanganakan sa espirituwal, tayo ay nahugasan; at ang Banal na Espiritu ay dumating upang manirahan sa kalooban natin.[1] Tayo ay mga bagong nilikha kay Kristo Jesus‒ang lumang pagkatao ay nawala na at ang bago ay dumating.[2] Ang ating mga hangarin ay nagbago. Ang ating pananaw tungkol sa kasalanan ay malaki ang ipinagbago. Sa isang iglap, tayo ay inilipat sa liwanag mula sa kadiliman;inilarawan tayo ngayon ng Biblia bilang “mga pinabanal.”[3] Mayroon tayong matuwid na katayuan sa harap ng Dios. Bagaman maaari pa rin tayong “sumablay sa mga marka” sa espiritual na buhay at makipaglaban sa mga nakasanayang kasalanan,[4] ngunit nakakaranas din tayo ng tagumpay sa nakagawiang kasalanan.[5] Kung nagkakasala tayo, nararamdaman natin ang kalungkutan at paniniwala na hindi natin naranasan bago ang pagbabalik-loob.[6] Ang tunay na pagbabago ay naganap, at napansin ng mga tao sa paligid natin ang pagbabago.
Mag-ingat sa taong nagpapatotoo na sila ay naligtas, ngunit patuloy na nagsasagawa ng mga sinasadyang kasalanan.
► Basahin ang Mateo 7:21-23. Ano ang sinasabi ni Jesus tungkol sa taong tumatawag kay Jesus na “Panginoon, Panginoon ko” ngunit hindi naman sumusunod, o nagsasagawa ng kalooban ng kanyang Ama? Ano ang sasabihin niya sa kanila sa araw ng paghuhukom?
Kahit na ang ating mga puso ay ginawang bago, ang dating katangian ay nakikipaglaban ngayon sa bago. Maraming beses, ang panloob na laban na ito ay nakakagulat sa mga bagong mananampalataya. Iniisip nila na ang pakiramdam ng kagalakan at kapayapaan ay mananatiling nasa kanilang mga puso. Sila ay pinanghihinaan ng loob na malaman na ang kanilang lumang pag-uugali at pagnanasa ay nakikipaglaban sa bago.
Ano ang lumang kalikasan? Paano natin ito bibigyan ng kahulugan? Ang isang salita na pinakamalapit sa anumang pagtukoy sa kalikasan ng kasalanan ay ang pagmamataas. “Ang pagmamataas ay ang pinakamalaking kasalanan sapagkat ito ang buhay na puso ng lahat ng kasalanan.”[7]
Ang Pagmamataas – isang Hindi Masirang Kagustuhan – Ay ang Pinakamalaking Kaaway ng Pagbubuo ng Espiritual na Buhay
Walang makakahadlang sa ating hangarin ng kabanalan maliban sa pagmamataas – ang pagmamahal sa ating sarili. Ang pagmamataas ay isang katunayan ng orihinal na kasalanan – isang pagbabago sa sariling pamamaraan,[1] “isang kagustuhan- na tumatanggi sa pagkontrol [ng Dios].”[2]
Ang pagmamataas ay ang kasalanan na naging sanhi upang paalisin si Lucifer mula sa langit[3] at ang unang lalaki at babae na pinaalis mula sa hardin ng Eden.[4] Tumutugon ito sa apela na, “Ikaw ay magiging katulad ng Dios.” Sa pamamagitan ng pakikibahagi sa pagkain ng ipinagbabawal na prutas, ipinilit ni Adan at Eba ang kanilang kagustuhan kaysa magpasakop sa kagustuhan ng Dios, pagbibigay kaligayahan sa kanilang sarili, at sinubukan na takpan ang kanilang sariling kahubaran.
Ang pagmamataas ay ang kasalanan ng Babel na humantong sa pagkakaiba-iba ng wika at pagkalat ng mga bansa. “Halika, magtayo tayo ng isang lungsod para sa ating sarili at… gawin nating tanyag ang ating pangalan,” sabi nila.[5] Ang pagmamataas ay nahahayag sa pansariling interes, ang siyang sanhi ng salungatan sa mga kongregasyon sa Bagong Tipan, at maging sa mga pinuno ng iglesia na naghahangad ng kanilang sariling pagnanais sa halip na ang nais ni Kristo.[6] Ang pagmamataas ay ang sakit na nasasa-atin simula nang ating kapanganakan, ang kanser ng kaluluwa. Kinamumuhian ito ng Dios![7] Nilalabanan niya ito![8] Nais niyang linisin ito mula sa ating mga puso.
Noong ako ay nasa Africa, narinig ko ang tungkol sa isang lalaking lumalakad na may karne sa kanyang bulsa at nagtataka kung bakit hindi siya iniiwan ng mga aso! Ang pagmamataas ay ang karne sa ating mga espiritual na bulsa na magdudulot ng sakit, pagkatalo, at maging kamatayan. Dapat itong malinis.
Minsan ay tinutukoy ng mga teologo ang kalikasan ng makasalanang tao bilang isang “baluktot” patungo sa kasalanan o, mas partikular bilang, isang baluktot patungo sa sarili – o ang sa palagay ko ay tama at mabuti at nakakalugod sa akin! “Ang layunin ng pagtubos ay upang maialis ang ating pagiging makasarili – upang tingnan natin ang iba; upang maging interesado tayo hindi lamang sa ating sarili, kundi para sa kapakanan ng iba.”[9]
Kung talagang iisipin mo ito, ang bawat kasalanan at salungatan sa ating buhay ay nakaugat sa lupa ng pagmamataas. Ang pagnanasa, isang kritikal na espiritu, hindi pagpapatawad, kasakiman, at katigasan ng ulo ay nagmumula sa mga nakalalasong tubig ng pagmamataas. Bago tayo lubusang makalahok sa buhay ng kabanalan, dapat nating makita ang problemang ito sa ating sariling mga puso.
►Basahin ang Galacia 5:19-21. Talakayin bilang isang pangkat kung paano nagmula sa pagmamataas ang mga kasalanan ng laman na nabanggit sa talatang ito. Handa ka bang suriin ang iyong sariling puso? Kumusta ang tungkol sa iyong mga relasyon? Handa ka bang magsabi ng totoong-totoo tungkol sa pagmamataas na pinagmumulan ng maraming kaguluhan?
Sa ilang, tinukso ni Satanas si Jesus na bigyang kasiyahan ang kanyang likas na pagnanasa, laktawan ang krus, at hanapin ang kaluwalhatian sa mundo. Sa diwa, tinutukso ni Satan na gumawa si Jesus ng orihinal na kasalan – upang bigyang kasiyahan ang sarili, mailigtas ang sarili, at itaas ang sarili. Ngunit si Jesus ay nanatiling dalisay ang puso!
Ang pagmamataas ay naihahayag sa “pagiging makasarili” o “pansariling interes.” Madalas na tinatalo ng pansariling interes ang ating pinakamahusay na pagsisikap at pinakamahusay na hangarin na ipamuhay ang malaya, kahanga-hangang buhay ng kabanalan. Ito ang sarili na naghahangad na masunod ang sariling kagustuhan laban sa Salita ng Dios at laban sa Espiritu ng Dios. Ang “carnal” na sariling ito ay maaaring mailarawan sa mga sumusunod na paraan:
Self-fulfillment – Paghahanap ng pansariling kaligayahan na hiwalay sa Dios.
Self-gratification – Paghahanap ng magandang pakiramdan na bukod sa kung ano ang nakapagbibigay kaluwalhatian sa Dios.
Self-promotion – Paghahanap ng papuri mula sa mga tao sa halip na papuri mula sa Dios.
Self-sufficiency – Ang posibilidad na magtiwala sa sarili sa halip na sa Dios.
Self-pity – Ang pakiramdam na mas higit ang nararapat para sa atin kaysa sa nakuha natin.
Self-preservation – Paghahanap ng pinaniniwalaan kong pinakamabuti para sa aking buhay kaysa ipaubaya ang aking sarili sa matalino at magandang plano ng Dios.
Self-will – Ang baluktot na pagpili ng sariling kagustuhan kaysa sa pagpapasakop sa awtoridad ng Dios.
► Tingnan ang mga sumusunod na talata sa Ebanghelyo ni Marcos at pansinin kung paanong ang pansariling interes (pagmamataas) ang pinakasentro ng bawat kasalanan at kahinaan sa kanilang buhay: Marcos 8:33; 9:19; 9:33; 10:14; 10:37; 14:66-68.
Ang bawat mananampalataya ay dapat magkaroon ng isang kamalayan sa pagiging makasarili na nananatili sa puso. Ipinaaalala sa atin ni John Wesley ang “nakamamatay na mga kahihinatnan” ng pagtanggi sa katotohanang ito. Ang kamangmangan sa panloob na laban “ay nag-aalis ng kalasag ng mahihinang mananampalataya, pinagkakaitan sila ng pananampalataya, at sa gayon ay hinahayaan silang malantad sa lahat ng mga pag-atake ng sanlibutan, mga naisin ng laman, at ng diyablo.”[10]
Katulad ng mga disipulo, dapat nating harapin kung ano tayo. Sinabi ni Dennis Kinlaw, “Ang pinakamahusay sa atin ay hindi mas mahusay kaysa sa pinakamasama. Ang pinakamalakas ay hindi mas mahusay kaysa sa pinakamahina. Ang pinakamagaling sa kaya ng ating laman ay hindi sapat.”[11] Hangga’t ang isang tao ay naniniwala na kaya niyang mamuhay ng may kabanalan sa kanyang sariling lakas, hahayaan siya ng Dios na mahirapan. Hangga’t tumatanggi ang isang tao na makita ang kanyang sarili tulad ng nakikita ng Dios sa kanya, magpapatuloy siyang mabibigo.
Noong 1792, isang bagong misyonero ng Presbyterian na nagngangalang John Hyde ang naglayag patungo sa India. Habang nasa gitna ng paglalayag, binuksan niya ang isang liham mula sa isang iginagalang na pamilya na kanyang kaibigan na nagsaad ng ganito: “Hindi ako titigil sa pananalangin para sayo, minamahal na John, hanggang sa mapuspos ka ng Banal na Espiritu.” Ang pagmamataas ni John ay nasaktan, at siya ay nagalit dahil dito sapagkat para sa kanya ito ay implikasyon na hindi siya puspos ng Banal na Espiritu:
Ang aking pagmamataas ay nasaling, at nakaramdam ako ng labis na galit, kaya dinurog ko ang sulat, itinapon ito sa sulok ng kwarto, at ako ay umakyat sa kubyerta. Mahal ko ang sumulat; alam ko ang banal na buhay na kanyang ipinamumuhay. At nasa aking puso ang paniniwala na siya ay tama, at hindi ako karapat-dapat na maging isang misyonero….
Sa kawalan ng pag-asa, hiniling ko sa Panginoon na puspusin ako ng Banal na Espiritu, at sa sandaling ginawa ko ito ang buong kapaligiran ko ay umaliwalas. Nagsimulang makita ko ang aking sarili at kung anong makasariling ambisyon ang mayroon ako. Ito ay isang pakikibaka halos hanggang sa pagtatapos ng paglalayag, ngunit napagpasyahan ko bago pa umabot sa daungan, kahit sa paanong paraan, ako ay tunay na mapupuspos ng Banal na Espiritu.[12]
Pagdating niya sa India, dumalo si John sa isang pagpupulong sa kalye kung saan binigyang diin ng mangangaral ang kapangyarihan ng ebanghelyo‒hindi lamang para sa kapatawaran ng kasalanan kundi upang magbigay din ng tagumpay laban dito, upang ang isang tao ay hindi magpatuloy sa pagkakasala.[13] Si John ay nagkaroon ng kombiksyon nang mapagtanto niya na kahit na nangangaral siya ng gayong ebanghelyo, hindi niya nalalaman ang kapangyarihan nito. Mayroong siyang isang nakasanayang kasalanan sa kanyang buhay na naging sanhi upang madapa siya sa espiritual. Nagtungo si John sa kanyang silid at nanalangin, “Bigyan mo ako ng tagumpay sa lahat ng aking mga kasalanan, at lalo na para sa mga kasalanang madali akong matangay; o babalik na lang ako sa Amerika upang maghanap dooon ng ibang gagawin. Hindi ko kayang ipangaral ang ebanghelyo hangga’t hindi ako makakapagpatotoo sa kapangyarihan nito sa aking buhay.”
Sa simpleng pananampalataya, tumingin siya kay Kristo para sa kaligtasan. Nang maglaon ay sinabi niya, “Iniligtas niya ako, at wala na akong alinlangan tungkol dito. Maaari na akong tumayo nang walang pag-aatubili upang magpatotoo na binigyan niya ako ng tagumpay.” Si John Hyde ay tinawang na“Praying Hyde/Si Hyde na Nananalangin”dahil sa kanyang masigasig na pananalangin upang maabot ang mga hindi pa mananampalataya. Ilang taon bago ang kanyang pagkamatay sa edad na apatnapu’t pito, naramdaman ng malinaw ni John ang paggabay sa kanya upang hilingin sa Dios ang isang kaluluwa sa isang araw; sa pagtatapos ng taon na iyon, ang Panginoon ay nagdagdag ng higit sa 365 na mananampalataya na nakabilang sa iglesia. At sa sumunod na taon, hiniling ni John ang dalawang kaluluwa sa isang araw; at sa sumunod na taon, apat. Ang bawat kahilingan ay ipinagkaloob. Itinuro ni John ang parehong sikreto at resulta ng pagbabalik-lakas/muling pagkabuhay nang sabihin niya, “Ang kailangan natin ngayon ay isang muling pagbabalik-lakas ng kabanalan.”
Ang pagmamataas ay palaging humahadlang sa pabor ng Dios, ngunit pinagpapala niya ang mapagpakumbaba.
Ang Pagiging-Makasarili ay nakikipaglaban sa Espiritu na Humuhubog sa Atin Tungo sa pagiging Katulad ni Kristo
Sa puso ng mananampalataya, mayroong labanan para sa kagustuhan. Ang labanan na ito ay inilarawan sa Galacia sa ganitong paraan:
Ngunit sinasabi ko sa inyo, mamuhay kayo ayon sa Espiritu, at hindi ninyo pagbibigyan ang mga pagnanasa ng laman. Sapagkat ang mga pagnanasa ng laman ay laban sa kagustuhan ng Espiritu, at ang kagustuhan ng Espiritu ay laban sa pagnanasa ng laman, magkalaban ang dalawang ito, kaya napipigilan kayo sa paggawa ng nais ninyong gawin.[1]
Sinabi ni John Wesley,
Hindi ko inaakala na ang sinumang tao na pinawalang-sala ay alipin ng kasalanan: subalit sa palagay ko ang kasalanan [ang pagiging makasarili] ay nananatili (kahit sa maikling panahon) sa lahat ng mga pinawalang-sala…. Ang mang-aagaw ay natanggal sa trono.[Ang kasalanan] ay nananatili sa kung saan siya naghari; ngunit nananatiling nakatanikala.[Kahit na siya ay nakikipagdigma] gayon pa man siya ay lalong humihina; habang ang mananampalataya ay nagpapatuloy sa paglakas at pagtatagumpay.[2]
Ang laban sa pagitan ng pagiging makasarili (“ang laman”) at ang Espiritu ay isang pangkaraniwang karanasan sa mga Kristiyano. Nagpatuloy si Wesley,
Mayroon nito sa bawat tao, kahit na siya ay nabigyang-katuwiran, dalawang magkasalungat na alituntunin...na tinukoy ni Apostol Pablo, ang laman at ang Espiritu. Samakatuwid, kahit na ang mga sanggol na nakay Kristo ay pinapabanal, sa ilang bahagi lamang. Sa isang antas, ayon sa sukat ng kanilang pananampalataya, ang mga ito ay espiritual; gayon pa man sila ay makalaman sa ilang antas. Alinsunod dito, ang mga mananampalataya ay patuloy na pinapayuhan na magbantay laban sa pagnanasa ng laman, pati na rin ang sanlibutan at diablo. At dito naaayon ang patuloy na karanasan ng mga anak ng Dios. Habang nararamdaman nila ang patotoo sa kanilang sarili, nararamdaman din nila ang isang pagnanais na hindi ganap na nagpapasakop sa kalooban ng Dios. Alam nila na sila ay nasa kanya; at gayon pa man ay nakikita rin nila ang kanilang puso na handang umalis sa kanya, na parang nalapit sa kasamaan... at isang pagtalikod sa kabutihan.... Bagaman tayo ay binago, nilinis, pinadalisay, pinabanal, ay naganap sa sandali na tayo ay naniwala ng tunay kay Kristo, gayunman noon hindi pa tayo binabago, nililinis, o dinadalisay sa kabuuan; ngunit ang laman, ang masamang likas na katangian, ay nananatili pa rin (kahit na masupil) at ang mga ito ay laban sa Espiritu. Higit sa lahat, gamitin natin ang lahat ng pagsisikap sa “pakikibaka sa mabuting laban sa pananampalataya.” Lalo nating pagsikapan, na “magmasid at manalangin” laban sa kalaban sa ating kalooban. At mas mag-ingat tayo at “isuot ang buong baluti ng Dios;” upang... tayo ay “maging matatag sa pagdating ng masamang araw at magawa nating panindigan ang lahat.”[3]
Ang Pansariling Kapakanan ay Humahantong sa Mga Antas ng Pagkabigo
► Basahin ang Galacia 5:16-24 at talakayin kung ano ang nangyayari kapag ang Banal na Espiritu at ang laman ay sumasalungat sa isa’t-isa. Handa ka bang talakayin kung paano nagaganap ang labanang ito sa iyong buhay?
Ang bawat totoong alagad ni Jesus ay nakaranas ng panloob na labanan para sa kontrol. Kapag ang Banal na Espiritu ay nananalo at nangunguna, ang espiritual na bunga ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili ay makikita sa aking buhay. Ngunit kung ang pagmamataas ay pinahintulutan na sundin ang kanyang mga kagustuhan, kahit sandali, ay magkakaroon parin ng ilang antas ng kabiguan: “mga sekswal na imoralidad, karumihan, kahalayan, pagsamba sa dios-diosan, pangkukulam, mga alitan, inggitan, pabigla-biglang galit, paglalabanan, pag-aaway, pagkakahati-hati,pag-iinggitan, paglalasing, walang habas sa mga gawain at iba pang bagay na katulad nito.” Sapagkat ang isang mananampalataya ay binigyan ng isang bagong kalikasan, at dahil ang naninirahan na Banal na Espitu ay patuloy na nakikipaglaban sa mga kasalanan sa kanyang puso, hindi nila kailanman mapaghaharian muli ang buhay ng totoong Kristiyano;[4]ngunit hanggang hindi pa natututunan ng isang mananampalataya ang mabuhay sa ilalim ng kumpletong pagpapasakop sa Banal na Espiritu, magkakaroon ng mga panahon ng pagkatalo.
Kahit na ang mga Kristiyano na namumuhay sa lubusang pagpapasakop sa gabay ng Banal na Espiritu, sa anumang sandali, ay makakikita ng mga bahagi ng larangan ng pagmamataas na kailangang ibunyag sa kanyang buhay. Hindi ko makakalimutan kung paano ko naranasan ang aking sarili na nahihirapan bilang isang misyonero. Merong mga problema, at hindi ko napansin, nagsimula akong tumugon sa di-Kristiyanong pamamaraan. Naaalala ko kung gaaano kahirap para sa akin na aminin ang aking problema. Ang Panginoon ay nangusap sa aking puso at sinabi, “Anak, ikaw ay galit.” “Panginoon, hindi ako galit,” sa isip ko. “Ako ay isang misyonero na iniwan ang lahat upang sundin ka sa bansang ito.” Muling nangusap ang Panginoon sa aking puso at sinabi, “Kung gayon, ikaw ay isang galit na misyonero!” Ang pagpapakumbaba sa pagtanggap sa katotohanang ito, sa halip na bigyang katwiran ang aking sarili, ay naging isa pang mahalagang sandali sa aking paglalakbay.
Ang Pansariling Interes ang Pinagmumulan ng Alitan
► Basahin ang Santiago 4:1-8. Ano ang sanhi ng kaguluhan at mga alitan sa pagitan ng mga mananampalataya na tinukoy sa sulat ni apostol Santiago? Bakit hindi nila natatanggap ang kasagutan sa kanilang mga panalangin? Bakit tinawag ni Santiago ang mga Kristiyanong ito na “Mga mangangalunya”?
Hanggang hindi pa natatapos ang labanan sa pagitan ng laman at Espiritu, tayo ay tulad ng mga ikinasal na patuloy pa rin na iniisip ang romantikong bagay patungkol sa kanyang dating kasintahan. Hindi tayo nagkakaroon ng isang pisikal na pakikiapid, ngunit ang ating mga pagnanasa ay hindi pa naipako sa krus hanggang hindi pa tayo ganap na nagbibigay pansin sa ating nag-iisang asawa. Sa pagtingin mo sa halimbawa mula sa Biblia na tinukoy sa itaas, sa palagay ko ay malinaw mong makikita na ang pangunahing sanhi ng kaguluhan sa puso at alitan sa iglesia ay pagmamataas sa puso ng mga kasapi nito. Dahil sa pagmamataas, nilalabanan sila ng Dios. “Nilalabanan ng Dios ang mga [5]mapagmataas.”[6]
Ang karaniwang pakikibaka na ito, at ang mga problemang sanhi nito, ay inilarawan sa mga sumusunod na kwento. Sa kasaysayan ng isang malaking pangkat ng mga iglesia na pinagsilbihan ko sa Pilipinas ay mayroong mga halos hindi kapani-paniwalang kwento: May isang pastor na ipinadala ng mga pinuno ng samahan ng pambansang iglesia upang magpastor sa isang partikular na kongregasyon. Gayunpaman, tumanggi ang dating pastor na iwan ang parsopnage sa iglesiang iyon dahil ang ilan sa mga miyembro nito ay nais siyang manatili duon. Sa isang maigsing panahon, ang bagong pastor at ang “matandang” pastor ay naninirahan sa iisang parsonage, at nagpapastor sa iisang kongregasyon! Ang bagong pastor ay ang “opisyal” na pastor, tinawag, pinili, hinirang, at suportado ng mga pinuno ng pambansang samahan ng mga iglesia. Ang matandang pastor ay pinananatili sa posisyon ng mga simpatya ay katigasan ng ulo ng ilan sa mga miyembro. Maaari mong isipin kung ano ang pagkalito na dulot nito! Hindi ito maaaring magpatuloy. Sino ang mangangaral ng sermon? Sino ang kanilang hahanapin para sa payo? Kaninong awtoridad ang susundin ng kongregasyon‒Ang matandang pastor ba o ang bago? Ang kongregasyon ay kailangang pumili sa dalawa. Kung pananatilihin nila ang matandang pastor at mawawalan ng basbas at benepisyo mula sa samahan ng pambansang iglesia, o makakamtan nila basbas ng mga pinuno ng samahan nang pambansang iglesia sa pamamagitan ng pagpapasakop sa kanilang awtoridad. Salamat at pinili nilang sumailalim sa pamamahala ng pinuno nang samahan ng pambansang iglesia, at ang kongregasyon ay nagpatuloy na gumawa ng mga dakilang bagay para sa Dios.
Ang alitan sa pagitan ng matanda at ng bagong tao ay isang karanasan na alam ng bawat mananampalataya. Ang “matandang lalaki” ay “pinatay na,” kahit na pilit niyang sinusubukang hawakan ang kanyang posisyon, magsagawa ng pagkontrol, at panatilihin ang impluwensya. Wala siyang awtoridad ngunit pinipilit kang paniwalain na mayroon siyang awtoridad. Ang bagong tao ay tinubos sa pamamagitang ng dugo ni Kristo. Ang bagong tao ay tinawag, pinili, at nilikha niya ng may bagong katuwiran at kabanalan. Ang bagong tao ay natatakan ng Banal na Espiritu at ngayon ay ginawang tirahan ng Dios, at ang Dios ay hindi magpapahinga hanggang ang matandang lalaki ay mapatalsik mula sa trono ng iyong puso.
Hangga’t pinapayagan ang lumang pagkatao ay manatili; Hangga’t patuloy mo siyang pinapakain; hangga’t iginigiit mo ang pagbibigay sa kanya kahit isang sulok na kanyang maaaring sakupin, magdadala siya ng kaguluhan, panloob na alitan, at pagkawasak. Kailangan niyang mamatay. Kung pinipili nating kaawaan siya at bigyan siya kahit na ang pinakamaliit na silid, mula doon ay makikipag digma siya laban sa Espiritu ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, at kabanalan.
Ang mga katanungang dapat sagutin ng bawat henerasyon ng mga masigasig na mananampalataya ay ang mga sumusunod:
Ang buhay ba na patuloy na nakikibaka sa pangsariling interes ang pinakamahusay na buhay na maaari kong asahan? O, naglaan ba ang Dios ng paraan upang malinis ang aking pang sariling interes mula sa aking puso upang ang kalooban ng Dios at pag-ibig para sa Dios ay mas mangibabaw sa lahat?
Posible bang mahalin ang Dios ng buong puso, isip, at kalakasan at ang aking kapwa gaya ng sa aking sarili?
Maaari ba akong makarating sa lugar sa aking paglakad kasama ng Dios at ng tao na wala akong gagawin na may pansariling interes o ambisyon, at sa halip ay palaging mas pahalagahan ang iba kaysa sa aking sarili at hanapin kung ano ang mas makakabuti sa kanila ng higit sa aking sarili?[7]
[5]“Bigyan mo ako ng isandaang mangangaral na walang kinatatakutan kundi ang kasalanan at walang ninanais kundi ang Dios, at hindi mahalaga sa akin maging sila man ay mga manggagawa o karaniwang miyembro, tanging sila ang yayanig sa pintuan ng impiyerno at magtatatag sa kaharian ng langit dito sa lupa.”
- John Wesley
► Hinihilingan ko ang bawat isa na maging matapat sa kanilang sarili at gumawa ng pansariling pagsusuri. Maglaan ng ilang minuto upang tahimik na tanungin ang iyong sarili sa katanungang ito: Ano talaga ang sanhi ng ________________? Hilingin sa Banal na Espiritu na tulungan kang makita ang iyong sarili. Huwag mag-atubiling gamitin ang mga sumusunod na katanungan bilang gabay:
Madali ba akong masaktan?
Naaasar ba ako kapag ang iba ay nailagay na mas mataas sa akin?
Natatakot bang lumapit sa akin ang mga bata?
Masyado ba akong sensitibo sa mga pag-puna?
Natatakot ba ang ibang taong nakapaligid sa akin na ibahagi ang kanilang mga opinyon?
Nakararamdaman ko bang mas nakakahigit ako sa iba sa moral o espiritual na buhay?
Nakikinig ba ako sa mga tao, o ako ang mas madalas na nagsasalita?
Itinataas ko ba ang aking boses upang masabi ang aking punto sa halip na mag-isip, at magalang na pagninilay-nilay?
Nagbibigay ba ako ng mga posibleng solusyon at mga komento bago marinig ang lahat ng detalye?
Nagbabanggit ba ako ng mga pagkakamali ng iba upang subukang pagandahin ang aking sarili?
Sinusubukan ko bang manalo sa mga argumento sa pagsasabi ng, “Sinabi sa akin ng Dios”?(Kapag ginawa mo ito,inilalagay mo ang iyong sarili na mas mataas sa posisyon ng mortal at espiritual na kalalagayan.)
Hinuhusgahan ko ba ang iba sa kanilang panlabas na anyo?
Itinatabi ko ba ang pinakamahusay at pinakamalaking bahagi para sa aking sarili?
Sa aking puso, isinasaalang-alang ko ba ang aking sarili na mas mahusay kaysa sa iba?
Mahalagang Katotohanan #4:
Pagkatapos ng Pagbabalik-loob, Ang Kamatayan ng Dating Sarili ang Susunod na Hakbang upang Maranasan ng Lubusan ang Dios ay ang Buhay ng Kabanalan
Sinabi ni Jesus na ang sinumang nagnanais na maging alagad niya ay dapat na lubusang talikuran ang kanyang mga sariling interes at pasanin ang kanyang krus araw-araw at sumunod kay Jesus.[1]Ang krus ay hindi ang simbulo ng Kristiyanismo na pinaganda sa pamamagitan ng pagpapakintab nito at isinusuot sa mga leeg sa panahon ngayon, ngunit isang instrumento ng mga Romano para sa parusang Kamatayan. Kapag ang isang kriminal ay pinatay sa pamamagitan ng krus, walang posibilidad na makababa pa sila ng buhay mula roon.Ang isang kriminal ay ibibitin hanggang sa maubusan sila ng dugo at malagutan ng hininga.Nang inutos ni Jesus sa lahat ng mga alagad na pasanin ang kanilang krus araw-araw, nangangahulugan ang sinabi niyang iyon na ang ating mga dating pagkatao na mapagmataas, kahalayan, katigasan ng ulo ay dapat nating ipako kasama ni Kristo, upang ang ating bagong pagkatao ay makapamuhay nang tulad ng buhay ni Jesus. Ang pagkamatay ng lumang pagkatao ay nangangahulugang ang ating dating mga hangarin, mga plano, mga dating alalahanin sa reputasyon, mga dating pamamaraan ng pag-iisip, ating mga dating paghahangad ng kasiyahan, ang ating dating likas na pagnanasa ay kasamang ipinako sa krus ni Kristo. Ngayon,ganap na tayong nabubuhay para sa kanya!
► Basahin nang sama-sama ang Mateo 16:24.
Ang paraan ng pagkamatay sa dating pagkatao ay ang daan tungo sa isang buhay na sagana[2] Marahil ay walang sinuman ang lumalapit kay Kristo para sa kapatawaran ng mga kasalanan ang ganap na may kamalayan sa kung gaano ganap na nakatuon ang Dios sa ating kamatayan! Maraming dakilang tao sa buong kasaysayan ng iglesia ang nakakaunawa ng katotohanang ito:
Martin Luther:“Lumikha ang Dios mula sa wala. Samakatuwid, hanggang ang isang tao ay wala, ang Dios ay hindi maaaring gumawa ng anuman sa kanya.”
Charles Haddon Spurgeon:“Naipagsama-sama ko ang lahat ng aking panalangin, at ang isang panalangin na ito ay ang, na nawa ay mamatay ako sa aking lumang pagkatao, at mabuhay nang lubusan para sa kanya.”
Richard Baxter:“Ang sarili ay ang pinaka mapanlinlang na kaaway.... sa lahat ng iba pang mga bisyo ay ito ang pinakamahirap alamin, at ang pinakamahirap gamutin.”
Dietrich Bonhoeffer:“Kapag tinawag ni Kristo ang isang tao, inaalok niya siya na sumunod sa kanya at mamatay sa kanyang dating sariling pagkatao.”
J.I. Packer:“Hinihiling ni Kristo Jesus ang pagtalikod sa sariling kagustuhan, iyon ay, pagtanggi sa sarili, bilang isang kinakailangang kondisyon para sa pagiging alagad. Ang pagtanggi sa sarili ay isang tawag na magpasakop sa awtoridad ng Dios bilang Ama at ni Kristo Jesus bilang Panginoon.... Pagtanggap ng kamatayan sa lahat ng bagay na nais na taglayin ng lamang makasarili ay ang tinutukoy ni Kristo sa pagtanggi sa sarili.”
George Mueller, na kilala sa kanyang dakilang pananampalataya at kanyang ministeryo sa libo-libong mga ulila sa ikalabinsiyam na siglo sa Englatera, ay tinanong ang lihim ng kanyang mabungang paglilingkod sa Panginoon. “Mayroong isang araw kung kailan ako namatay, ganap na namatay,” sagot niya. Habang nagsasalita siya, yumuko siya nang mas mababa hanggang sa halos mahawakan niya ang sahig.“Namatay ako bilang si George Mueller – ang kanyang mga opinyon, ang kanyang mga gusto, ang kanyang mga pamantayan, at kanyang mga nais mangyari – ang mamatay sa pagiintay ng papuri o pagsisi sa aking mga kapatid at kaibigan – at mula noon, nag-aral lamang ako upang ipakita ang aking sarili na aprubado sa Dios.”[3]
Ang iba pang mga termino mula sa Biblia para sa kamataya sa sarili ay “wasak” at “nagsisisi.”[4]
(1) Ang Pagiging Wasak ay palaging malungkot at nakakalungkot.
Minsan naiisip natin na ang mga wasak na tao ay ang mga taong hindi ngumingiti o tumatawa. Sa reyalidad, ang biblikal na pagiging wasak ay nagdudulot ng kalayaan at isang malalim na pakiramdam ng kagalakan at kapayapaan.
(2) Ang pagiging wasak ay ang pag-iisip ng masama tungkol sa isang tao. (Halimbawa: “Ako ay walang silbi! Na parang isang bulate!”)
Maaaring mayroong isang maling kababaang-loob dito.
(3) Ang pagiging wasak ay ang pagiging masyadong emosyonal.
“Sa kasamaang palad, hindi mabilang ang mga taong umiyak ng sangkatutak at hindi pa nakaranas ng isang sandali ng tunay na pagkasira.”[6]
(4) Ang pagiging wasak ay dahil sa nasaktan sila nang malubhang ng mga hindi inaasahang pangyayari.
Ang isang tao ay maaaring dumanas ng maraming paghihirap at mananatiling mapagmalaki.
Ang Pagiging Wasak sa Kung Paano Ito Tinutukoy sa Biblia
Ang pagiging Wasak:
Ang pagiging wasak ay ang ganap na pagkasira ng aking sariling kalooban – ang ganap na pagsuko ng aking kalooban sa Dios. Sinasabi nito na“Opo, Panginoon!” – walang pumipigil, walang pakikipagtalo, walang katigasan ng ulo – ito ay ang pagpapasakop ng aking sarili sa kanyang direksyon at kalooban para sa kaing buhay.[7]
Nagsisisi:Ang salitang ito ay nagmumungkahi ng isang bagay na dinurog sa maliit na mga butil o dinurog hanggang maging pulbos, kung paanong dinudurog ang isang bato.“Ano ang nais ng Dios na pulbusin sa ating buhay? Hindi ang ating espiritu ang nais niyang wasakin, at hindi rin ang ating mahalagang pagkatao. Nais niyang wasakin ang ating sariling kagustuhan.”[8]
Katulad ng isang cowboy na nais wasakin ang isang kabayo, hindi para saktan ito o mapinsala ito, kundi upang magpasakop ito sa kanyang mga utos.
Ang totoong pagkawasak ay ang pagkasira ng aking sariling kagustuhan upang ang buhay at diwa ng Panginoong Jesus ay maipamalas sa pamamagitan ng aking buhay... ang pag-aalis ng pagtitiwala sa sarili at pagiging hiwalay sa Dios... ang paglambot ng lupa ng aking puso... katapatan sa harap ng Dios... kababaang-loob sa harap ng iba.[9]
Mga Katangian ng mga Wasak ng Tao
Paano natin malalaman na mayroon tayong “wasak at nagsisising puson”? Ang mga sumusunod na katangian ay perpektong matatagpuan kay Jesus lamang, ngunit mas magiging totoo ang mga ito sa buhay ng mga Kristiyanong puspos ng Banal na Espiritu:
Ang wasak na tao ay mayroong espiritu na madaling turuan.
Ang wasak na tao ay handang magbigay sa iba.
Ang wasak na tao ay mas takot sa Dios kaysa sa tao.
Ang wasak na tao ay may nagpapasakop na espiritu.
Ang wasak na tao ay ay tinatanggap ang opinyon ng Dios sa kultura at tradisyon.
Ang wasak na tao ay ay hindi itinataas ang kanilang sarili at hindi natatakot sa pinakamababang kalalgayan.
Ang wasak na tao ay masayang tinatanggap ang karangalan nang walang pagmamataas.
Ang wasak na tao ay inaamin ang kanilang mga pagkakamali at hindi nararamdaman ang pangangailangan na protektahan ang pagtingin ng iba sa kanya.
Ang wasak na tao ay ay sinusunod ang Dios pati sa maliliit na bagay.
Ang wasak na tao ay naghihintay sa Panginoon bago magpasya.
Ang wasak na tao ay lumalakad sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng paningin.
Ang wasak na tao ay hinahangad ang kabanalan sa halip na ang pansariling kaligayahan.
►Ano sa palagay mo ang mangyayari kung marami sa atin ang tunay na namatay sa ating sariling pagkatao? Suriin ang iyong sarili sa pamamagitan ng listahang ito. Ano sa palagay mo ang kakaiba sa iyong tahanan? Iglesia? Ministeryo? Bigyan ng oras ang lahat ng may nais na magbahagi sa pangkat.
[4]Psalm 51:17, “The sacrifices of God are a broken spirit, a broken and contrite heart – these O God, you will not despise.”
[5]Most of the following insights on brokenness are gleaned from Nancy Leigh DeMoss, Brokenness, Surrender, Holiness (Chicago: Moody Publishers, 2008), 43-45.
Pagkamatay sa Dating Pagkatao, Na nagdudulot ng Banal na Buhay, Ay Nangangailangan ng Pagpapasya na Magpasakop
Ang kamatayan na binanggit ni Jesus na gawin natin ay hindi mangyayari nang wala ang ating sinasadyang pagpapasya na sumunod. Hindi tayo lalago kung wala ito, at marahil ang pagsuko para sa karamihan sa atin hindi mangyayari nang walang isang panahon ng pakikibaka. Gaano kahusay ang panlilinlang ni Satanas. Nakumbinsi niya ang maraming mananampalataya na ang normal na buhay Kristiyano ay isang pakikibaka laban sa kalooban ng Dios, at hindi nila dapat asahan ang mapagpasyang tagumpay. Ang pakikibaka ay pangkaraniwan, ngunit hindi normal. Ang buhay ni Jesus, na kumikilos sa atin sa pamamagitan ng pananampalataya, ay ang normal na buhay Kristiyano.
Ang kasaysayang ng sangkatauhan at espirituwal na pakikipagdigma ay nagpapakita na sa bawat matagumpay na digmaan ay mayroong pinagdesisyunang estratehiya na nagdulot ng mga pagkakataon upang magtagumpay. Kung walang pinagpasyahang paraan kung paano manalo sa digmaan, ang mga inilaang bagay para dito ay masasayang at may mga mawawalan ng buhay. Kaya, ang henerasyong ito ng mga mananampalataya ay nangangailangan ng isang pagpapasya kung paano magtatagumpay!
Si Jesus, sa pagkakatawang Tao, ay Naging Isang Halimbawa ng Pagpapasya kung Paano Magtatagumpay
Sa hardin ng Gethsemane, si Jesus sa kanyang pagkakatawang tao ay nahihirapan ang kalooban na mamatay siya sa krus; ngunit bago siya umalis sa hardin,ay pinanumbalik niya ang kanyang pagpapasakop sa kalooban ng Ama.[1] Siya ang “normal”na pamantayan ng Dios.
Sa hardin, Si Jesus, ang Dios-tao ay nakaranas ng isang panahon ng totoong pakikibaka. Wala siyang likas na kasalanan, ngunit ang mga hinihindi para sa pagsunod ay pinasan niya agn lahat ng bigat sa kanyang pagkakatawang tao.
Si Jesus ay pinangunahan ng kanyang Ama sa isang sandali ng pagpapasya ng pagsuko, kung saan ang nag-iisang paraan ay ang pagpapasakop sa kalooban ng Dios na makapangyarihan.
Ang sandali ng tagumpay ay dumating nang si Jesus ay nanalangin, “gayunpaman, hindi ang aking kalooban ang masunod, kundi ang iyong kalooban.”
Mula sa sandali ng pagsuko, si Jesus ay tumayo upang harapin ang kalungkutan, pagtataksil, kawalan ng katarungan, kahihiyan, at kamatayan sa pamamagitan ng biyaya at lakas ng loob. Mula sa sandali ng pagsuko, naranasan ni Jesus ang banal na kapangyarihan.
Habang siJesus ay dinala sa isang sandali ng pagpapasya na magpasakop sa kalooban ng kanyang Ama, sa gayon ay dadalhin ni Jesus ang bawat isa sa atin at sasabihing, “Anak, nais kong dito mo ilaan ang iyong buhay.” Ang pagpapasya na piliin na mamatay kasama ni Kristo ay nagdudulot ng isang masaganang buhay espiritual.
Mula sa pagkakatatag ng mundo, si Jesus ay ang Kordero ng Dios na pinatay para sa kabayarang ng kasalanan. Sa isang banda, ang pagkilos para sa katubusan ay nagawa na sa isip ng Dios; at ang katagumpayan ay sigurado na. Gayunpaman, ang plano ng pagtubos ay awtomatiko, ngunit kailangang magawa sa oras. Ganun din sa atin. Ang Banal na Kasulatan ay pare-pareho at malinaw na tinawag ng Dios ang bawat mananampalataya na kanyang tinubos upang “iharap ang iyong (tinubos) mga katawan bilang isang buhay na handog, banal, katanggap-tanggap sa Dios, ito ang karapat-dapat ninyong pagsamba.”[2]
Si Abraham: Isang Halimbawa ng Pinagpasyahang Pagpapasakop
Isang araw, inutusan ng Dios si Abraham at kanyang anak na si Isaac na sumamang maglakad kasama niya‒isang paglalakad na patungo sa Bundok Moriah, ang bundok kung saan namatay si Kristo, at lubusang isinuko ni Abraham ang kanyang sarili sa Dios. Ito ay isang napakahalangang sandali sa relasyon ni Abraham sa Dios at ang pinakamalaking pagsubok sa kanyang buhay.[3] Napakalinaw ng sinabi ng Dios kay Abraham mula sa simula pa lamang ng paglalakbay: “Dalhin mo ang iyong anak, ang iyong nag-iisang anak na si Isaac, na iyong minamahal, at magtungo ka sa lupain ng Moria, at ihandog mo siya roon bilang isang handog na susunugin sa isa sa mga bundok na sasabihin ko sa iyo.”[4] Hindi nagdalawang isip si Abraham. Matapos ng isang mahirap na paglalakbay na inabot ng tatlong araw, ay naghanda na siya para maghandog at itinaas ang tabak na nagpapakita ng kanyang pagmamahal sa Dios na handang sumunod... at namatay si Abraham sa kanyang sariling kagustuhan.
Higit sa Lahat, hindi nais ng Dios ng handog ni Abraham – na si Isaac – sa halip ang nais ng Dios ay ang hindi niya pinagkait si Isaac.[5]Ibinigay ng Dios ang perpekto at kumpletong sakripisyo (si Jesus), “sa halip na” si Isaac; sa pamamagitan ng mapagpakumbabang pagsuko, nakikibahagi si Abraham sa paghahandog na iyon. Hindi kailangan ng Dios ng mga handog. Pagkalipas ng maraming siglo, si Haring David, ay naghahangad ng paglilinis ng puso, at nanalangin,
Sapagkat hindi ka nalulugod sa mga sakripisyso, sa gayun ay ibibigay ko iyon; hindi ka masisiyahan sa mga handog na sinunog. Ang mga sakripisyo para sa Dios ay wasak na espiritu; isang wasak at nagsisising puso, O Dios, hindi mo iyon hahamakin.[6]
Tunay nga, wala tayong anumang maihahandog sa Dios, o magagawa para sa Dios, na makakabawi para sa kung sino tayo at kung ano ang nagawa natin. Hindi natin maaalis ang pagkakasala at mga bahid ng dumi mula sa ating mga puso. Ang Dios lamang ang makakagawa nito. Ang magagawa lamang natin ay ang lumapit sa Dios na may pagsisisi at pagpapasakop at pagtanggap sa kanyang biyaya.
Muli, ayaw ng Dios na patayin si Isaac; nais niyang pakawalan siya ni Abraham, isuko ang pagnanais, at pakawalan ang anumang karibal na pagmamahal. “sinabi ng (Dios), ‘Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan, sapagkat nakita ko na may takot ka sa Dios, sa paraang hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak.’”[7] Sa madaling salita, “Hindi ang batang lalaki ang nais ko, kundi ikaw Abraham! Nais kong malaman na ikaw ay ganap na akin at kahit ang mahalagang buhay na ito ay akin.” Sa isang tunay na kahulugan, nang itinaas ni Abraham ang tabak dahil sa pagsunod sa Dios, si Abraham ang namatay, hindi si Isaac. Si Abraham ay namatay sa kanyang karapatan na pagmamay-ari kay Isaac, ang ipinangakong anak. Ito ang hangarin ng Dios mula pa lamang sa simula.
Sa katulad na paraan, binigyan tayo ng Dios ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya; at pagkatapos ay hiniling niya sa atin na ihandog natin sa kanya ang ating buhay bilang isang isang buhay na handog‒ upang itaas ang kutsilyo ay sabihin, “Panginoon, ang buhay na ito ay hindi ko pagmamay-ari, kundi sa inyo ito! Gawin mo sa akin ang anumang naisin mo, kahit na lumitaw itong walang kabuluhan para sa mga tao! Pupunta ako kung saan mo ako gustong pumunta, gagawin ko ang nais mong gawin ko, sasabihin kung ano ang nais mong sabihin ko, maging kung ano ang gusto mong maging ako.” Ito ay mahirap lamang dahil sa makasariling bahagi ng ating likas na buhay na pumipigil, na nag-aalinlangan at nais na panatilihin ang kontrol. Ito ang bahagi ng ating kalikasan na hinarap ni Jesus sa krus. Ito ang bahagi ng ating katangian na dapat niyang linisin upang mapuspus tayo ng kanyang Banal na Espiritu at ibigay sa atin ang buong biyaya ng kanyang kaharian.
Ang hinihiling lamang sa atin ng Dios ay mamatay tayo sa dati nating saloobin na lumalaban sa kanyang makapangyarihang pagkontrol at kanyang ganap na awtoridad, na bahagi natin – ang laman – na nakikipaglaban sa kanya at itinutulak ang kanyang mga kamay. Ito ang bahagi ng ating likas na katangian na hindi maaaring matubos at hindi kailanman mapaiilalim sa awtoridad ng Dios.
Mag gugustuhin ng Dios na gamitin ang mga kaloob at pagpapalang ibinigay niya sa atin para sa kanyang kaluwalhatian kaysa alisin ito. Ngunit hindi natin malalaman kung anong bahagi ang mananatili sa dambana kasama ni Kristo, o akung anong bahagi ang babangon mula sa dambana, hanggang sa maialay ang lahat lahat sa atin nang walang pagdadalawang isip para sa Dios. Itinataas natin ang tabak ng buong pagsuko. Pinili niya kung ano ang mabubuhay at kung ano ang mamamatay. Ito ang ibig sabihin ng isang buhay na handog.
Naranasan mo na ba ang isang pinagdesisyunang pagsuko? Anong bahagi ng iyong buhay na minamahal mo ang hiniling sa iyo ng Dios na isuko mo?
(1) Kumuha ng isang pagsusulit batay sa materyal mula sa leksiyong ito.
(2) Maglaan ng hindi bababa sa tatlumpung minuto sa linggong ito upang suriing muli ang leksiyong ito, kabilang ang mga sanggunian sa Banal na Kasulatan, hilingin sa Banal na Espiritu na bigyan ka ng mas malalim na pang-unawa.
(3) Itala sa iyong journal ang anumang mga tiyak na pagbabago na dapat mong gawin sa iyong buhay, tulad ng ipinakita sa iyo ng Panginoon.
(4) Pagnilayan ang hindi bababa sa isang Awit sa iyong pang-araw-araw na oras ng pag-aaral ng Salita ng Dios, at itala sa iyong journal kung ano ang sinasabi ng salmista tungkol sa kalikasan at katangian ng Dios.
(5) Itala sa iyong journal ang isang personal na panalangin para sa espiritual na pagbabago at paglago batay sa leksiyong ito.
(6) Pagsanayang gamitin ang Gabay sa Pang-araw-araw na gabay sa Pananalangin ni Dr. Brown sa iyong pang-araw-araw na pribadong pananalangin.
Leksiyon 5 Pagsusulit
(1) Pangalanan ang limang mahahalagang katotohanan para sa pagkakakilanlan sa ating satili na itinuro sa leksiyong ito.
(2) Magbigay ng apat na paraan upang makilala ang “sarili” na nabanggit sa leksiyong ito.
(3) Ano ang anim sa labindalawang katangian ng mga wasak na tao sa leksiyong ito?
(4) Ipaliwanag sa iyong sariling mga salita kung paano naging halimbawa sa iyo si Jesus sa pinagdesisyunang pagsuko.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.