Leksiyon 1 Pagbabalik-aral
Paalala sa tagapanguna sa klase: Magbalik-aral sa mga pangunahing punto ng Leksiyon 1. Hilingan ang mga mag-aaral kung sino ang may gusto na ibahagi ang kanilang mga personal na panalangin mula sa Leksiyon 1.
Search through all lessons and sections in this course
Searching...
No results found
No matches for ""
Try different keywords or check your spelling
29 min read
by Tim Keep
Paalala sa tagapanguna sa klase: Magbalik-aral sa mga pangunahing punto ng Leksiyon 1. Hilingan ang mga mag-aaral kung sino ang may gusto na ibahagi ang kanilang mga personal na panalangin mula sa Leksiyon 1.
Sa pagtatapos ng leksiyong ito, ang mag-aaral ay dapat:
(1) Nauunawaan at kayang ipaliwanag ang tatlong aspeto ng paglalakbay sa Paghubog ng Espirituwal na buhay.
(2) Pahalagahan ang ministeryo ng Banal na Espiritu sa Paghubog ng Espirituwal na buhay.
Habang nagtratrabaho ako para sa kursong ito, may isang binata na nagbuhos sa akin ng kanyang nararamdaman sa kanyang puso. Siya ay isang matapat na Kristiyano. Siya ay may malinaw na patotoo tungkol sa kanyang pagbabalik-loob at naniniwala siyang naisuko na niya ng lubusan ang kanyang kalooban kay Kristo. Pinag-aaralan niya ang Banal na Kasulatan, mayroon siyang tuloy-tuloy na debosyonal na buhay, at nakikita ko ang malinaw na katibayan na alam niya at mayroon siyang takot sa Dios. Ngunit nahihirapan ang binatang ito na lubusang mapagtagumpayan ang isang partikular na “paulit-ulit/nakasanayang kasalanan.” “Bakit hindi mawala ang tuksong ito!? Nananalangin ako, binabasa ko ang Biblia, ngunit hindi ko pa rin masumpungan ang lubusang tagumpay. Mayroon bang mali sa akin?!” itinanong niya. “Pakiramdam ko ay napahiwalay ako, at nag-iisa sa aking pakikibaka. Iniisip ko na ako ay isang mababang-klase ng Kristiyano!”
Sa aming pag-uusap nang ilang linggo, naging mas malinaw sa akin na ang aking kaibigan ay isang matapat na mananampalataya; ngunit kailangan niyang baguhin ang ilang kasipan na mayroon siya. Ang kanyang pag-iisip tungkol sa Dios at sa buhay Kristiyano ay hindi ganap na naka-ayon sa Salita ng Dios. Ang aking kaibigan ay tila naniniwala din na kung ang kanyang puso ay banal, kung gayon ang kadalisayan at pagsunod ay hindi na kailangang pagsikapan. Dahil sa ilang kakulangan ng pag-iingat sa Espirituwal at mga kakulangan sa disiplina, ang aking kaibigan ay hindi nakakaranas ng ganap na tagumpay.
►Paano mo papayuhan ang aking kaibigan? Paano malalampasan ng isang tunay na mananampalataya ang isang paulit-ulit/nakasanayang kasalanan?
Habang nalalaman natin na ang Banal na Espiritu ay magagawa, at ginagawa, na baguhin ang ating mga puso sa tuloy-tuloy na pagkakataon sa ating Espirituwal na paglalakbay, alam din natin na dinadala niya tayo sa ganap na paglago sa pamamagitan ng mga proseso – mga proseso na kinabibilangan ng pagbabago ng isipan, Espirituwal na disiplina, at isang malusog na relasyon sa ibang mananampalataya.
Ang pagtuturo na ang Paghubog ng Espirituwal na buhay ay isang proseso ay hindi nag-aalis dito sa mga pambihirang sandali ng muling pagpapanibagong-lakas. Marami sa mga masugid na tagasunod ni Jesus ang nakaranas ng “mga banal na sandali” na lampas sa kanilang bagong kapanganakan. Ang mga sandaling ito ay madalas na tinutukoy sa iba’t ibang paraan, tulad ng: “ang bautismo ng Banal na Espiritu,” “lubusang pagpapabanal,” “ang kapahingahan dahil sa pananampalataya,” “perpektong pag-ibig,” “ang pagpuspos ng Banal na Espiritu,” at iba pa. Kung paanong ang mga himala ay hindi sumisira sa mga normal na batas ng kalikasan, ang mga pambihirang sandali o panahong ito sa ating paglalakbay, kapag naging mas mabilis ang paglago sa Espirituwal na buhay, ay hindi inaalis ang mga normal na proseso ng paglago na inilagay ng Dios.
Karaniwang nakatulad ang Espirituwal na paglago sa pisikal na paglaki. Ang mga sanggol ay hindi magiging matanda nang isang gabi lamang kundi sa pamamagitan ng pagsunod sa isang proseso ng paglago na isinaayos ng Dios. Ang parehong bagay ay totoo sa ating Espirituwal na paglago. Ang pisikal at Espirituwal na mga bata ay kapwa mayroong paglaki.
Ang pagtulad sa imahen ni Kristo Jesus ay dapat maitayo sa isang solidong biblikal na pundasyon. Sa leksiyong ito, susubukan nating maitatag ang isang solidong pundasyon kung saan maitatatag ang isang buhay na nakalulugod sa Dios at isang buhay, kapwa sa loob at labas, na nagpapakita ng imahen ng Dios. Ang hindi pagkakaroon ng pundasyong ito, marami ang nagiging mahina sa Espirituwal na buhay.
Ang Paghubog ng Espirituwal na Buhay ay Higit pa sa Mababaw na Pagbabago
Karamihan sa tinatawag nating pagbabago ay mababaw lamang na pagbabago, tulad ng paglalagay ng isang maliit na benda sa isang malalim, malalang sugat. Sa mahabang panahon ay maaari tayong “makakilos” ng tama at mapigilan ang mga hindi magagandang pag-uugali at saloobin; ngunit kalaunan ang isang tao o isang bagay ay mabubunggo ang masakit na lugar na iyon, at ang tukso ay nagiging masyadong malakas, at duon lumalabas kung sino talaga tayo.
Minsan ay ipinagtapat ng isang Asyanong pastor kung paano ipinakita ito sa kanya ng Panginoon sa pamamagitan ng isa sa kanyang pinakamalupit na mang-uusig. Sa loob ng ilang taon ginagawa ng isang masamang lalaki mula sa tribo ang lahat upang hadlangan ang gawain ng Dios. Minsan ang lalaking iyon ay nagbabalibag ng mga bato sa panahon ng kanilang pagsamba, namamaril sa mga pader ng tirahan ng pastor, at hinalughog ang sambahan. Sa gitna nito,ang aking kaibigang pastor at ang kanyang kongregasyon ay patuloy na nanalangin para sa kanilang mang-uusig at tiniis ang kanyang pagpapahirap. “Akala ko ay mayroon akong tunay na pagmamahal at pagpapatawad,” ito ang sinabi sa akin ng pastor kong kaibigan, “hanggang sa isang araw ay nasorpresa ako na makasalubong siya sa isang palikong kalsada sa bundok at kumulo ang aking galit. Nahihiya akong sabihin ito, ngunit binangga ko ang kanyang motor gamit ang minamaneho kong trak at binantaan ko siya!Noon ko nalamang wala akong gaanong pag-ibig tulad ng inaakala kong mayroon ako. Doon ko nalamang masyado akong umaasa sa sarili kong lakas, at may bahagi sa aking buhay na hindi ko pa naisusuko sa pagkilos ng Banal na Espiritu. Ginamit ito ng Panginoon upang gawin akong mapagpakumbaba at upang baguhin ako. Nang magpakumbaba ako sa harap ng aking kongregasyon at sa harap ng aking tagapag-usig (at ibinili ko rin siya ng isang bagong motorsiklo), pinuno ng Panginoon ang aking puso ng totoong pagmamahal at kapangyarihan.”
Mas marami pa ang nais gawin ng Dios para sa atin kaysa lagyan lamang ng benda ang ating mga sugat. Mas marami pa ang inilalaan Niya para sa atin kaysa mababaw na pagbabago lamang.
Ang mahubog sa imahen ni Kristo Jesus ay ang pagkakaroon ng kanyang kalikasan – ang kanyang katangian – na malalim na nakaukit sa ating mga kaluluwa. Pinapaalalahanan tayo ni Dennis Kinlaw na, “Ang mahubog sa imahen ni Kristo ay hindi lamang upang malaman kung paano siya tularan, sa halip ay ang pagkakaroon ng kanyang pag-iisip o pag-uugali.”[1] Nais ng Dios na hubugin tayo na ay ang ating natural napagtugon sa kahit anumang pangyayari ay katulad ng kanyang magiging tugon.
Kapag ang pag-ibig ni Kristo ay ganap na nahubog sa atin, ang pagsunod ay hindi magiging isang pasanin. Kapag ang kanyang katuwiran ay ganap na nahubog sa atin ang paggawa ng alam nating tama ay hindi magiging nakakapagod na bagay. Kapag ang kanyang kapayapaan at kagalakan ay nahubog sa atin, mananatili tayong matatag kahit sa pinakamalakas na bagyo ng buhay.
Ang Pangmatagalang Pagbabago ay Posible
Ang magandang balita ay palaging posible ang pagbabago – hindi sa simpleng paraan ng pagsasabi lamang nito, kundi sa pamamagitan ng paggamit ng proseso para sa pagbabago na ipinakita sa atin ng Dios. Kapag natutunan nating mag-isip ng kaiba sa ating nakasanayan, makiangkop sa iba’t-ibang mga kaugalian, at matutunang makipag-ugnayan nang mas maayos sa ibang tao, ang Espirituwal na pagbabago ay natural na darating.
Sa kursong ito titingnan natin ang ating paglalakbay sa Paghubog ng Espirituwal na buhay patungo sa imahen ni Kristo. Isasaalang-alang natin ang tatlong aspeto ng paglalakbay:[1]
Isang Binagong Pag-iisip – na nagtatakda ng ating direksyon(Filipos 2:5; Roma 12:1-2).
Espirituwal na pagsasanay– na siyang nagtatakda ng bilis ng ating paglakad/paglago(1 Timoteo 4:7; 1 Corinto 9:27; Hebreo 12:11).
Pakikilahok sa Pamayanan ng mga Kristiyano– na siyang nagpapatibay sa ating pagkatao sa ating paglalakbay (Efeso 4:13).
►Basahin ang mga talatang ito at subukang bigyang-kahulugan ang mga sumusunod na pahayag: “Dapat kang magkaroon ng ganitong pag-iisip,” “Sanayin mo ang iyong sarili,” at “hanggang sa makarating tayong lahat... sa isang perpektong tao.” Ano ang ibig sabihin ng mga pahayag na ito?
Ang isang nabagong pag-iisip ay kinabibilangan ng katiyakan ng kaligtasan, pagkilala sa Dios, makilatis ang ating sarili, at ang pagkilos ng Banal na Espiritu. Ang Espirituwal na pagsasanay ay kinabibilangan ng pagtitiis, pagsasagawa ng mga Espirituwal na disiplina, at personal na disiplina. Ang pamayanang Krisitiyano ay kinabibilangan ng (kahit man lang) pagka-unawa kung sino tayo bilang pamilya ng Dios at nakikipag-ugnayan sa isa’t-isa para sa pagpapalakasan, pagtanggap sa isa’t-isa, at pananagutan. Ang lahat ng ito ay sa pamamagitan ng pagkilos ng Banal na Espiritu sa atin.
Isang Mapa Para sa Paghubog ng Espirituwal na Buhay |
|||
|---|---|---|---|
| Aspeto |
Isang Binagong Pag-iisip |
Espirituwal na Pagsasanay |
Pamayanang Kristiyano |
| Sa ating Paglalakbay… | Nagtatakda ng ating direksyon. | Nagtatakda ng bilis ng ating pagkilos. |
Nagpapatatag/ nagpapatibay sa atin. |
| (Mga)Talata sa Kasulatan |
Filipos 2:5; Roma 12:1-2 |
1 Timoteo 4:7; 1 Corinto 9:27 |
Efeso 4:13 |
| Ano ang kabilang dito |
|
|
|
| Sa Pamamagitan | Ng Banal na Espiritu | ||
Isang Bagong Pag-iisip – Na Nagtatakda ng Ating Direksyon
Ang Paghubog ng Espirituwal na buhay ay dapat magsimula sa isang bagong pag-iisip, “Sapagkat kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya.”[2] Pansinin na ang puso ay ang lugar kung saan nag-iisip ang isang tao. Sa Banal na Kasulatan ang isipan at ang puso ay tinukoy na iisa. Dito dapat magsimula ang pagbabago. Ang isipan ay ang sentrong kontrol ng buong buhay ng isang tao. Kung ano tayo at kung ano tayo magiging ay mula sa sentrong kontrol na iyon.[3] Sinabi ni Jesus, “Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masamang pag-iisip na nagtutulak sa kanya na gumawa ng sekswal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay.”[4] Sinabi rin niya, “Sa sumasampalataya sa akin, katulad ng sinasabi sa Banal na Kasulatan, dadaloy mula sa kanyang puso ang tubig na nagbibigay buhay. Ang tubig na tinutukoy ni Jesus ay ang Banal na Espiritu, na tatanggapin ng mga nanampalataya sa kanya.”[5] Sa unang bahagi ng kursong ito, magsisikap tayo na maiangkop sa Salita ng Dios ang ating mga saloobin tungkol sa kaligtasan, sa Dios, at sa ating sarili. Ang pagbabago ng ating pag-iisip ay mahalaga para sa imahen ng Dios.
“…at baguhin n’yo na ang inyong pag-iisip at pag-uugali.”[6]
“…at kayo’y magbihis na ng bagong pagkatao, na binabago sa pamamagitan ng kaalaman ayon sa larawan ng lumalang sa kanya.”[7]
Itinuro ni Dr. Dennis Kinlaw, “Ang tatlong kautusan ng pagsunod bilang isang Kristiyano ay ang mga sumusunod: (1) Alamin kung sino si Jesus. Alamin ang kanyang pagiging sapat para sa bawat pangangailangan ng tao. (2) Alamin kung sino ka. Kilalanin ang iyong kakulangan sa paglilingkod sa kaharian ng Dios, gaano man katindi ang iyong pagsisiskap. (3) Hanapin ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu upang alisin ang iyong kahinaan bilang tao at palitan ito ng kapuspusan ni Kristo. Kapag ginawa natin ang mga bagay na ito, magsisimulang mabago ang ating pag-iisip mula sa ating nakasanayan; magkakaroon tayo ng ibang damdamin; ang ating buong pananaw ay magbabago.”[8]
Ang Roma 12:2 ay nagbigay ng kautusang, “at huwag kayong tumulad sa sanlibutang ito, kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip.”[9] Kung ano tayo at kung ano magiging tayo ay dumadaloy mula sa sentrong kontrol na iyon.
Ang Kaalaman patungkol sa Biblia ay napakahalaga para sa pagbabago.
Patuloy tayong hinahamon ng Biblia na maghanap ng kaalaman at tumanggap ng tagubilin. Dapat tayong, “lumago sa biyaya at pagkakakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Kristo Jesus.”[10] Ito ang dahilan kung bakit walang tigil na nananalangin si Pablo para sa mga taga-Efeso upang ang“mga mata ng kanilang pang-unawa ay maliwanagan.”[11]
Noong nag-aaral pa ako sa Bible school, ang aming pangulo, na si Dr. Robert Whitaker, ay madalas sinasabi sa amin ang tungkol sa Paghubog ng isang Kristiyanong kaisipan. Madalas niya kaming pinapayuhan na “Mag-isip kayo bilang isang Kristiyano!” Alam niya na kami ay mga Kristiyano, ngunit alam din niya na ang isip ng kanyang mga mag-aaral ay nahuhubog pa rin ng kamunduhan sa ilang bahagi ng pag-iisip.
Upang maisaayos ng mabuti ang Paghubog sa aming mga kaisipan, may mga bagay na dapat nating matutuhan/malaman at mga bagay na dapat alisin sa isipan. Kailangan nating makatanggap ng mahusay na impormasyon at alisin ang mga maling impormasyon. Ito ay halos palaging isang proseso – isang proseso ng pagpupuno sa ating isipan ng mga katotohanan. Ito rin ay isang proseso ng paglilinis ng ating isipan mula sa mga hindi wasto at mapanirang kaisipan tungkol sa Dios, sa ating sarili, sa mundong nakapaligid sa atin, at sa buhay Kristiyano. Hindi madaling pakinggan ang tinig ng Dios at ang tinig ng katotohanan sa ibabaw ng ingay ng kultura, minsan gayundin sa iglesia, o maging sa ingay ng ating sariling puso. Ngunit ang bawat tinig sa ating isipan at puso na hindi nagsasabi ng katotohanan ay dapat patahimikin.
[12]Mag-ingat! Ang paggiba o pagtatanggal ng isang hindi malusog na pagkaunawa sa Dios at sa ating sarili ay maaaring maging isang mapanganib na proseso maliban kung ito ay lubusang sa pamamagitan ng Biblia at ganap na pagpapakumbaba. Sa prosesong ito, tutuksuhin tayo ng kayabangan upang makabuo ng sariling mga ideya tungkol sa Dios. Sa pagmamataas, maaari nating tanggihan ang isang imahen ng Dios na tulad ng isang bagay na kinamumuhian natin, ngunit wala pa ring tamang imahen ng Dios.
Ang Kababaang-loob ay ang susi sa pag-unawa.
Sa ating paghahanap ng tamang pag-iisip tungkol sa Dios, ang mga nananampalataya sa Dios ang ating mga kasama, ang Banal na Kasulatan ang ating awtoridad, ang kababaang-loob ang dapat nating maging pag-uugali, at ang Banal na Espiritu ang tutulong sa atin.“Tinututulan ng Dios ang mapagmataas ngunit nagbibigay siya ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.”[13]
Ang kababaang-loob ay nangangahulugang isinusuko ko ang aking sarili at nagpapasakop sa pahayag ng Dios anuman ang maging kapalit nito mula sa aking buhay. Ito talaga ang tanging paraan sa pagpapanibago ng ating espiritu. Mayroong matitinding tukso sa ating Espirituwal na paglalakbay upang tanggihan ang katotohanan dahil sa kung ano ang maaaring mawala sa atin sa panahon ng proseso. Natatakot tayong maging taliwas sa ating pamilya, kultura, o mga tradisyon. Ayaw nating mabansagan, matanggihan, o maitakwil. Natutukso tayong sumunod na lamang sa nakasanayan upang bigyang kasiyahan ang tao, sa halip na ang Dios. Tandaan, sinabi ng Biblia, “Ang takot ng tao ay nagdadala ng bitag.”[14]
Ang Pananampalataya ang susi upang maranasan ang katotohanan.
Ang paglalapat (pagtanggap) ng Salita ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya ay nagbibigay buhay sa Salita ng Dios sa ating buhay. Ang malaman talaga ang isang bagay ayon sa Biblia ay makapagdudulot ng malaking epekto sa ating buong buhay.
Ang Biblikal na pananampalataya ay higit pa sa kaalaman; ito ay pagtitiwala at pagtupad sa pangako. Sa mismong sandaling ito, marahil ikaw ay “nagtitiwala” sa isang upuan. Nangangahulugan iyon na sapat na ang iyong natutunan na pangkalahatang kaalaman patungkol sa mga upuan at, marahil, pati ang “iyong” sariling upuan, na handa kang ibigay ang buong bigat ng iyong katawan dito. Ito ang tinutukoy ng Biblia na pananampalataya. Ito ang tinutukoy ng mga manunulat ng Ebanghelyo nang sabihin nila ang mga bagay tulad ng :“Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, ‘pinatawad na ang iyong mga kasalanan.’”[15] Ano ang nakita ni Jesus nang makita niya ang pananampalataya? Ano ang hitsura ng pananampalataya? Nakita ni Jesus ang mga kaibigan ng paralisadong lalaki na mayroon silang sapat na pagtitiwala sa kanya kaya nila ito dinala sa kanya sa pag-asa na ito’y pagalingin. Nakita ni Jesusang mga lalaking nakatuon sa kanilang nalalaman na totoo tungkol kay Jesus. Nakita ni Jesus ang kanilang kilos at tumugon ng pagpapatawad, pagpapagaling, at biyayang nakakapagpabago! Ito ang kapangyarihan ng pananampalataya.
Sa pagtitiwala natin sa Salita ng Dios, binabago niya tayo patungo sa wangis ni Kristo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Natitiyak kong hindi natin kayang maisaayos ang ating sarili na maging kawangis ng imahen ni Kristo. Sinabi ni Robert Mulholland Jr.:
Malinaw din ang patotoo ng Banal na Kasulatan sa katotohanang Dios lamang ang makakapagpalaya sa atin mula sa pagkakaalipin, magpapagaling sa ating pagkasira, maglilinis sa atin mula sa ating karumihan at magbibigay buhay mula sa ating pagiging patay. Hindi natin ito magagawa nang mag-isa. Samakatuwid, ang Paghubog ng Espirituwal na buhay ay ang karanasan ng Paghubog ng Dios tungo sa pagiging buo…..Ang pagtitiwala sa sarili ay malalim na nakatanim sa kalooban natin.... Ang Dios ang nagpapasimula ng ating paglago tungo sa pagiging buo, at tayo ay dapat maging malambot na luwad sa kamay ng Dios.[16]
Tayo ay walang kakayahang magbunga ng pag-ibig, kagalakan at kapayapaan sa ating sariling pagkatao. Upang mangyari ang proseso ng paghubog ng Espirituwal na buhay sa ating sarili, dapat tayong magtiwala at umasa sa mga ipinangako at ipinahayag ng Dios. Ito ang pananampalatayang kinalulugdan ng Dios (Hebreo 11:6). Ang pananampalataya ay nagbubukas ng mga pintuan sa mga pagpapala at pribilehiyo ng pagbabayad-sala ni Kristo Jesus at humahawak sa mga ito. Ang pananampalataya ang siyang nagiging dahilan kung bakit nagiging tunay sa ating buhay ang lahat ng ibinigay ni Jesus. Ang tunay na pananampalataya ay tumutugon sa katotohanang natanggap ng isang tao at sa gayo’y nagpapagana ng mga pangako ng Dios. Sa pamamagitan ng pagtitiwala at pag-asa sa Salita ng Dios, nagsisimulang baguhin ng Banal na Espiritu ang ating pagkatao at binibigyan ng kalakakasang mamuhay ng katulad ni Kristo.
At bukod duon ay marami pang iba.
Espirituwal na Pagsasanay – Ang Nagtatakda ng bilis ng ating paglago
Ang Paghubog ng Espirituwal na buhay ay ganap na kinabibilangan ng espirituwal na pagsasanay. Tulad ng hamon ni Pablo kay Timoteo, “Sanayin mo ang iyong sarili tungo sa kabanalan.”[17]Siya mismo ang nagsabi, “Dinidisiplina ko ang aking sariling katawan at sinusupil ko ito, upang sa gayo’y hindi ako maalis sa paligsahan pagkatapos kong mangaral sa iba.”[18]
Ang Espirituwal na pagsasanay ay dapat idagdag sa mahusay na doktrina.
Naniniwala si John Wesley na ang layunin ng buhay Kristiyano ay ang pag-ibig sa Dios at sa tao, ngunit ang paraan ng paglago natin sa pag-ibig ay sa pamamagitan ng Espirituwal na disiplina. Naniniwala siya na ang dahilan kung bakit ang Kristiyanismo ay “napakaliit ng nagawa sa mundo,” o kung bakit wala itong napakalaking epekto,ay sanhi ng tatlong bagay:
Kawalan ng maayos na doktrina
Kakulangan ng pananagutan sa disiplina
Pagpapabaya sa pagtatakwil sa sariling kagustuhan[19]
► Bakit ang bawat isa sa mga ito – doktrina, disiplina, at pagtatakwil – ay kinakailangan sa isang mabisang patotoo at buhay Kristiyano?
Hinati ni Wesley ang mga disiplina ng buhay Kristiyano sa dalawang pangunahing bahagi: Mga pagkilos ng pagpapabanal at mga pagkilos ng awa.[20]Narito ang ilan sa mga pahayag mula sa isang sermon ni Wesley:
“Ngunit anong mabubuting gawa ang mga iyan, ang mga kasanayan na pinatutunayan mong kinakailangan sa pagpapabanal?” Una, lahat ng mga pagkilos (debosyon) katulad ng pagdarasal sa publiko, pagdarasal kasama ng pamilya, at pagdarasal ng tago; pagtanggap ng banal na hapunan; pagsasaliksik sa Banal na Kasulatan, sa pamamagitan ng pakikinig, pagbabasa, pagbubulay-bulay; at paggamit ng sukat ng pag-aayuno o pangingilin ayon sa makakaya ng kalusugan ng ating katawan.
Pangalawa, ang lahat ng pagkilos ng awa, kung ito man ay nauugnay sa mga katawan o kaluluwa ng tao; katulad ng, pagpapakain sa nagugutom, pagbibihis sa mga hubad, pagbibigay kaaliwan sa mga hindi kilalang tao, pagbisita sa mga nasa bilangguan, o may sakit, o may iba’t-ibang kahirapan; katulad ng, ang pagsisikap na turuan ang mga walang kaalaman, upang gisingin ang mga hangal sa kanilang kasalanan, upang painitin ang maligamgam, upang bigyang katiyakan ang mga nag-aalinlangan, upang aliwin ang mahina ang pag-iisip, upang palakasin ang loob ng mga tinutukso, o makatulong sa anumang paraan sa pagliligtas ng mga kaluluwa mula sa kamatayan. Ito ang pagsisisi, at ito ang mga “bunga na angkop sa pagsisisi,”na kinakailangan upang maging ganap ang pagpapabanal. Ito ang paraan kung paano hinirang ng Dios ang kanyang mga anak upang maghintay para sa lubusang kaligtasan.
Malinaw na sinasabi ng Salita ng Dios na kailangan natin ng higit pa sa karanasan ng muling pagbabalik-loob upang mahubog patungo sa imahen ni Kristo. Sa mga susunod na mga leksiyon, ipapakita namin na kung hiwalay sa nagpapatuloy na pagsasanay, ang ating mga maling pag-iisip tungkol sa Dios at sa ating sarili, tatalunin ng ating mga walang kasanayang pag-uugali at kagustuhan, at ng ating sirang damdamin ang ating pinakamagagandang hangarin na maging katulad ni Kristo. Sa bahaging ito ng kurso, tatalakayin natin ang pangunahing papel na ginagampanan ng Espirituwal na pagsasanay at disiplina sa ating lakbayin upang mahubog sa imahen ni Kristo. Naniniwala akong makikita mo ito bilang isang pinaka praktikal na bahagi.
Ang Espirituwal na pagsasanay ay may iba’t ibang anyo.
May iba’t ibang paraan ang Dios upang sanayin tayo. Ang kahirapan, o pagdurusa, ay isa sa pinakamakapangyarihang kagamitan ng Dios upang hubugin tayo tungo sa kanyang imahen. Gayundin, ang mga klasikongEspirituwal na disiplina – kabilang ang pananalangin, pagninilay-nilay, pag-iisa, pag-aayuno, pagiging simple, paghahandog, pagsamba, pakikipag-ugnayan, pagpapahayag, at pagpapasakop; kasama rin ang mga personal na disiplina – pagkakaroon ng kontrol sa dila,pagkakaroon ng malinaw na kaisipan, pagkontrol sa ating mga kagustuhan, pamamahala ng oras, at pagtataguyod ng mga personal na paniniwala – ay ang mga paraan ng Dios upang hubugin ang ating karakter/katangian. Ang mga ito ay tatalakayin sa mga susunod na leksiyon.
Sa pamamgitan ng Espirituwal na pagsasanay, ang pag-iisp at pagkilos na tulad ni Kristo sa bawat sitwasyon ng buhay ay mas magiging madali at magiging mas nakagawian. Sa pamamagitan ng pagsasanay na may disiplina, amg imahen ni Kristo ay mas nagiging natural at pang permanenteng naka-ukit sa ating pagkatao.
Nang ako at ang aking asawa na si Becky, ay nasa Bible school pa, kami ay nanirahan sa isang maliit na apartment sa tabi ng matandang Kristiyanong mag-asawa na sina G. at Gng. Foust. Sila ay isang patotoo ng pagtitiyaga at kagalakan para sa amin! Si Gng. Foust ay may kapansanan na nagpapahina ng kanyang kalusugan sa nakalipas na sampung taon, ngunit patuloy siyang inalagaan ng kanyang asawa araw-araw nang may lambing, pagmamahal, at nagliliwanag na kagalakan. Sa mga panahong iyon, inihambing ko ang aking sarili sa mga kalalakihang katulad ni G. Foust at marami sa aking bihasang tagapagturo.Ang kanilang mga katangian ay tila napakataas at hindi ko kayang maabot. Kaya ko kayang magkaroon ng ganoong kalidad ng pag-ibig, tapang, at pagtitiyaga? Ang hindi ko namalayan ay kung ilang mga taon, marahil ay dekada, na sinanay ng mga lalaking ito ang kanilang buhay Kristiyano. Malayo ang kanilang narating sapagkat mas matagal na silang nagsasanay.
Ang Espirituwal na disiplina ay napakahalaga para sa tagumpay sa buhay Kristiyano, at kung wala ito ay hindi tayo dapat magtaka kapag nabigo tayo sa isang sandali ng tukso. Ito ang dahilan kung bakit pinayuhan ni Pablo si Timoteo na “sanayin mo ang iyong sarili tungo sa kabanalan.” Hinihikayat din tayo ni Pedro na, “Sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan;sa iyong kabutihan, ang kaalaman; sa iyong kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa iyong pagpipigil sa sarili, ang katatagan; sa iyong katatagan, ang paggiging maka-Dios; sa iyong pagiging maka-Dios ang pagmamalasakit sa kapatid; at sa iyong pagmamalasakit, ang pag-ibig. Kung ang mga katangiang ito ay taglay ninyo at pinagyayaman, ang inyong pagkilala sa Panginoong Hesu-Kristo ay hindi mawawalan ng kabuluhan at kapakinabangan.”[21] Ang sinasabi niya ay ang mga kabutihan ni Kristo ay hindi maikakabit sa ating pagkatao maliban sa pamamagitan ng masigasig na pagsisikap.
Ang Espirituwal na pagsasanay ay nagdudulot ng kalayaan at pinagmumulan ng kagalakan.
Kapag sinanay nating ang ating sarili, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ito ay nagdudulot sa atin ng ganap na kasiyahan sa Dios, ito ay nagpapakita na tayo ay tunay na malaya. Kapag tayo ay malaya mula sa simpleng pagsunod sa mga biglaang bugso ng ating mga damdamin–kung natutunan nating ipasakop sa Dios ang bawat naisin natin, para sa isang higit na kasiyahan sa kanya – tayo ay malaya. Kapag wala tayong mga materyal na bagay, o naghihirap man, ngunit patuloy na nasisiyahan kay Jesus, tayo ay malaya. Ang disiplina ni Pablo sa sarili ay nagdulot ng ganitong uri ng kalayaan. Nang isinulat niya:
Hindi ko ito sinasabi dahil sa kayo’y pinaghahanapan ko ng tulong. Natutunan kong masiyahan, maging anuman ang aking kalagayan. Naranasan ko na ang maghikahos; naranasan ko na ring managana; natutuhan ko na ang sikreto kung paano masiyahan sa anumang kalagayan sa buhay, ang mabusog man o magutom, ang managana o maghirap. Kaya kong harapin ang kahit anong kalagayan sa pamamagitan ni Kristo na nagpapalakas/nagpapatatag sa akin.[22]
Sa pamamagitan ng Espirituwal na pagsasanay nang kahirapan, mga disiplina, at personal na disiplina, ang ating kaluluwa ay mapapalaya upang maging at magawa kung ano ang nakalulugod sa Dios. Ang mga paghagod ng pinsel ng isang pintor ay nagiging malaya at madali sa pamamagitan ng pagsasanany. Ang mga atleta ay nakikipagkumpitensya ng may mahusay na paggalaw dahil sa hindi mabilang na oras na ginugol sa pisikal na pagkokondisyon, pagsasanay, at patuloy na pag-uulit ulit nito. Ang guro ay nagsasalita nang madali at may kumpiyansa dahil sa oras na ginugugol sa pananalangin at pagiging dalubhasa sa kanyang paksa. Ang mga musikero ay nakapagtatanghal ng malaya at maganda dahil sa dami ng taon ng pagsasanay na siyang naghanda sa kanya. At ang may-gulang na Kristiyano ay nagpapakita ng buhay ni Kristo sa pinakamahirap na pangyayari sa buhay dahil sa bawat araw, bawat buwan, bawat taon, ay sinanay niya ang kanyang sarili patungo rito, sa pamamagitan ng biyaya ng Dios.
Ano ang mangyayari kapag walang pagdidisiplina?
Kapag walang pagdidisiplina, ang isang pintor ay hindi gaanong magiging bihasa, ang mga pagkakamali ay mas madalas, at ang kanyang sining ay hindi gaanong magbibigay-kasiyahan; ang atleta ay hindi magiging maliksi, hindi gaanong makakagalaw ng maayos, at mas madalas na madadapa at hindi magtatagumpay. Kung walang disiplina sa buhay Kristiyano, tayo ay hindi magiging bihasa sa ating paglakad sa buhay Kristiyano. Mas madalas tayong madadapa. Ang ating kaugnayan sa Banal na Espiritu ay madalas na matamlay. Mas madalas ang mga pagkakamali, hindi gaanong kasiya-siya ang buhay, ang mga relasyon ay hindi gaanong puno ng biyaya, at ang ating paglakad kasama ng Dios ay hindi gaanong magiging mabunga.
Hindi tayo masyadong nakakarinig ng mga pag-uusap tungkol sa isang disiplinadong buhay Kristiyano sa henerasyon ngayon. Bakit? Dahil nais natin? Dahil nais natin na maging madali at mabilis ang ating paglalakbay sa buhay Kristiyano.Ang ilang mga Kristiyano ay nagnanais ng isang Espirituwal na mahika! Nais nating iwagayway ang ating mga kamay sa hangin at biglang magkaroon ng lahat ng kinakailangan natin sa Espirituwal na buhay. Katulad ng isang batang sunod-sa-layaw, meron lamang tayong kaunting pagnanais para sa anumang bagay na mahirap –anumang bagay na masyadong maraming kinakailangan, mahigpit, o masakit. Nakalimutan natin ang pagtawag ni Jesus sa kanyang mga alagad:“Kung sinuman ang nagnanais na sumunod sa akin, ay kailangan niyang itakwil ang kanyang sarili, araw-araw na pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.”[23]
Ang pagkadismaya sa buhay Kristiyano ay hindi kasalanan ng buhay Kristiyano kundi dahil sa ating mga sariling maling pag-asa. Katulad ng madalas na paghihintay natin sa Dios na agad niya tayong pabanalin! Gayunpaman, hindi interesado ang Dios sa Espirituwal na mahika kundi sa pagpapalaki ng nasa kundisyong mga Espirituwal na mga sundalo, nakakundisyong mga Espirituwal na manggagawa, at nakakundiyong mga Espirituwal na atleta–mga kalalakihan at kababaihan na maaaring manalo sa laban, kayang tapusin ang mga atas na ibinigay ng Dios, at maaaring manalo sa karera. Sa dulo ng kursong ito, ikaw ay tuturuan ng parehong klasiko at personal na disiplina at hihikayatin na ipatupad ang mga ito sa iyong pang-araw-araw na buhay. Ang lahat nang ito ay para sa kapakanan ng pagiging mas katulad ni Kristo.
Pakikilahok sa Kristiyanong Komunidad – Na Nagpapalakas sa atin sa Ating Paglalakbay
Ang Paghubog ng Espirituwal na buhay ay dapat kinabibilangan ng pakikilahok sa kristiyanong komunidad (pakikipag-ugnayan sa isang lokal na iglesia).Hindi natin maaaring balewalain ang ang pangunahing gampanin ng katawan ni Kristo – ang kanyang iglesia – sa pagkilos nito sa Paghubog ng ating Espirituwal na buhay.Hindi natin maaaring balewalain kung paanong angmga Kristiyanong nagkukulang at mahihina ang Espirituwal na buhay ay hindi napapaunlad at napapaganda ng katawan ni Kristo.
Sa pamamagitan ng pakikilahok sa pamilya ng Dios, nabubuo ang ating pagkatao. Sa pamamagitan ng buhay ng iglesia, natamasa ko ang kinakailagan ko upang maging bihasa sa pamumuhay na katulad ng buhay ni Kristo Jesus. Walang tao ang isang isla; ang sinumang ihinihiwalay ang kanyang sarili mula sa pagpapaunlad, pakikibahagi sa ibang Kristiyano, sa ministeryo, proteksyon, at pagdidisiplina mula sa iba pang mananampalataya ng Dios ay hindi lubusang makakatamasa ng ganap na kasiyahan sa pakikipag-isa sa Dios. May Tatlong Persona sa iisang Dios – Ang Dios Ama, Dios Anak, at Banal na Espiritu – at magkakasama sa perpektong pagkakasundo at pagkakaisa sa buong kawalang-hanggan. Tulad ng mga tao na nilikha sa kanyang imahen, tayo ay nilikha para sa isa’t- isa. Nilikha tayo para sa pakikipag-ugnayan. Hindi tayo nilikha upang ihiwalay ang ating sarili mula sa isa’t-isa, kundi upang pangalagaan ang bawat -isa patungo sa imahen ni Kristo.
Nabasa ko ang tungkol sa isang pastor na bumisita sa isang magsasaka na ilang linggo nang hindi nakakadalo sa gawain ng pagsamba tuwing linggo. Habang nakaupo sila sa harap ng isang apuyan/tsiminea, sinabi ng lalaki sa pastor na pakiramdam niya ay hindi na niya kailangan pang pumunta sa simbahan. “mas nakakausap ko ang Dios kapag ako ay nasa bukid,” sabi niya. Walang isinagot ang pastor;ngunit habang nagpapatuloy ang magsasaka sa kanyang pagsasalita tungkol sa kung paanong hindi na niya kailangan pang makibahagi sa iba pang Kritiyano, humugot ang pastor ng isang nag-aapoy na kahoy mula sa pugon, at inilayo mula sa iba pang kahoy na nasa pugon, at hinayaan itong mag-isa sa baba ng pugon.Hindi nagtagal at nagsimula na itong lumamig, at ang apoy ng kahoy ay nawala na! Naunawaan ng magsasaka ang mensahe kahit hindi nagsalita ang pastor at pagkatapos ng mga pangyayari ay dumalo ng muli ang magsasaka nang sumunod na Linggo!
Hindi tayo magiging katulad ng nais ng Dios sa atin kung tayo ay nag-iisa. Ang halimbawa, angEspirituwal na pakikipag-ugnayan, pagpapayo, at ang mga kaloob sa katawan ni Kristo, ay napakahalaga para sa isang malusog na Paghubog ng Espirituwal na buhay. Nakakatulong ang Kristiyanong Komunidad upang mahubog tayo sa pamamagitan ng mga ganitong paraan:
Ang isang Kristiyanong komunidad ay nagbibigay sa atin ng Espirituwal na pamilya.Kung wala ito ay wala tayong lugar na kabibilangan o tunay na tatanggap, walang mag-aalaga, at walang magpapalakas.
Ang isang Kritiyanong komunidad ay nagbibigay sa atin ng mga gabay mula sa Biblia. Kung wala ito ay hindi ako lalago sa Salita ng Dios.
Kadalasan ay nakakapagbigay sa atin ang isang Kritiyanong Komunidad ng pamumuwersa na kinakailangan natin upang hanapin ang pagbabago.
Ang isang Kristiyanong Komunidad ay nagbibigay sa atin ng Espirituwal na pananagutan.
Ang isang Kristiyanong komunidad ay nagbibigay sa atin ng suporta at kalakasang kinakailangan natin upang mapagtagumpayan ang kamunduhan, ang pagnanais ng laman, at ng kasamaan.
Ang isang Kristiyanong komunidad ay nagbibigay saa atin ng mga praktikal na pagkakataong maglingkod, upang gamitin ang aking mga Espirituwal na kaloob.
Sa pamamagitan ng Kristiyanong komunidad, ang DakilangPagsusugo ay naisasakatuparan.
Ang Paglalakbay sa Paghubog ng Espirituwal na Buhay ay ang Pagkilos ng Banal na Espiritu
Ang Paghubog tungo sa imahen ni Kristo Jesus ay maaari lamang mangyari sa pamamagitan ng tulong ng Banal na Espiritu na nananahan sa atin.
(1) Ang Banal na Espiritu ang Nagpapatunay.
“At kapag siya ay dumating, patutunayan niyang mali ang mga taga-sanlibutan tungkol sa kasalanan, sa katuwiran, at tungkol sa paghatol ng Dios.”[24]
(2) Ang Banal na Espiritu ang naglilinis at nagbibigay kapangyarihan.
“Ganyan ang ilan sa inyo noon. Subalit nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan at pinabanal na kayo ng Dios, pinawalang-sala ng kayo sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios.”[25]
“Subalit tatanggap kayo ng kapangyarihan, pagbaba sa inyo ng Banal na Espiritu: at kayo ay magiging mga saksi ko sa Jerusalem, at sa buong Judaea, at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.”[26]
(3) Pinatutunayan ng Espiritu ang ating pananampalataya kay Kristo.
“At ang sumusunod sa mga utos ng Dios ay nananatili sa Dios, at nananatili naman sa kanya ang Dios. At nalalaman nating nananatili siya sa atin, sa pamamagitan ng Banal na Espiritung ipinagkaloob niya sa atin.”[27]
“Sa pamamagitan ni Kristo, kayo rin ay nakarinig ng salita ng katotohanan, ang ebanghelyo na nagdulot sa inyo ng kaligtasan; at sumampalataya sa kanya, ay pinagkalooban din ng ipinangakong Banal na Espiritu bilang tatak ng pagkakahirang sa inyo.”[28]
(4) Ang Banal na Espiritu ang nagsasaayos sa atin tungo sa imahen ni Kristo.
“At ngayong naalis na ang talukbong, nagniningning sa ating mga mukha ang kaluwalhatian ng Panginoon. At ang kaluwalhatiang iyan na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang siyang magbabago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo’y maging kalarawan niya.”[29]
(5) Ipinapako ng Banal na Espiritu ang mga pagnanais ng laman.
“Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo ayon sa pagnanais ng katawang makalaman; ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ang mga pagnanais ng katawang makalaman, mabubuhay kayo.”[30]
“Sinasabi ko sa inyo, ang Banal na Espiritu ang gawin ninyong patnubay sa inyong buhay at hindi kayo magiging alipin ng hilig ng laman.”[31]
(6) Ang Banal na Espiritu ang siyang nakikipag-usap.
“Sa patnubay ng Banal na Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. Nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus, ito ay nangyari upang matupad ang naaayon sa hinihingi ng Kautusan.”[32]
(7) Ang Banal na Espiritu ang siyang kumokontrol.
“Huwag kayong maglalasing, sapagkat mauuwi iyan sa magulong pamumuhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Banal na Espiritu.”[33]
(8) Ipinababatid sa atin ng Banal na Espiritu na itinuring tayong anak ng Dios.
“At upang patunayan na kayo’y mga anak ng Dios, ipinadala niya sa ating mga puso ang Banal na Espiritu ng kanyang Anak, at nang sa gayon ay makatawag tayo sa Dios ng Ama, Ama ko.”[34]
(9) Ginagawa tayong mapagkawang-gawa ng Banal na Espiritu.
Hindi man lang natin kayang magmahal sa pamamagitan ng ating sariling kakayanan sa halip ay kinakailangan natin ang pag-ibig na “ibinuhos” ng Banal na Espiritu
(Roms 5:5).
Habang hinahangad nating maging katulad ni Kristo-Jesus, ang Banal na Espiritu para sa atin ay parang isang karagatan sa paningin ng isang isda! Sa isang isda, ang karagatan ay mahalaga upang mabuhay. Para sa isang isda, ang karagatan ay ang lahat-lahat – ang kanyang paghinga, ang kanyang pagkain, kanyang inumin, kanyang tahanan! Ang karagatan ang lugar kung saan ang isang isda ay naglalaro at naghahanap ng pagkain at nagpaparami. Kung ang isda ay magpapasya na mas gusto niyang nasa dalampasigan, hindi magtatagal ay mamamatay siya doon.
Ang pagiging “nasa Banal na Espiritu” ay nangangahulugan lamang na siya ay isinugo ni Jesus upang maging ating nananahang mapagkukunan ng buhay at kapangyarihan at kaliwanagan at karunungan, at kung wala tayo sa Banal na Espiritu tayo ay mga patay – katulad ng isang isda na patay kung hindi siya nakatira sa karagatan! Kung wala ang Banal na Espiritu, ang imahen ni Kristo ay hindi mabubuo sa atin.
Ang isang binagong isipan, Espirituwal na pagsasanay, at isang Kristiyanong komunidad: ang tatlong aspetong ito ng Espirituwal na paglalakbay ang siyang magbibigay-daan upang mabuo sa atin ang imahen ni Kristo.
(1) Pag-aralang mabuti ang talahanayan ng Paghubog ng Espirituwal na Buhay. Para sa iyong pagsusulit sa leksiyong ito, dapat mong maulit ang talahanayan ng Paghubog ng Espirituwal na Buhay sa klase mula sa iyong memorya at maipaliwanag ito.
(2) Maglaan ng hindi bababa sa tatlumpung minuto sa linggong ito upang pag-aralang muli ang leksiyong ito, kasama ang mga sanggunian sa Banal na Kasulatan, at hilingin sa Banal na Espiritu na magkaroon ka ng mas malinaw na pagkakaunawa sa mga ito.
(3) Itala sa iyong journal ang anumang mga tiyak na pagbabago na dapat mong gawin sa iyong buhay, habang ang mga ito ay ipinapakita sa iyo ng Panginoon.
(4) Pagnilayan ang hindi bababa sa isang Awit sa iyong pang-araw-araw na pagdedebosyon, at itala sa iyong journal kung ano ang sinabi ng sumulat ng Salmo tungkol sa kalikasan at katangian ng Dios.
(5) Itala sa iyong journal ang isang personal na panalangin para sa Espirituwal na pagbabago at paglago batay sa leksiyong ito.
(6) Magsanay gamit ang Gabay sa Pang-araw-araw na gabay sa Pananalangin ni Dr. Brown sa iyong pribadong panalangin.
Mula sa memorya, punan ang lahat ng mga nawawalang salita sa talahanayan ng Paghubog ng Espirituwal na Buhay, kumpletuhin ito gamit ang mga nabanggit na talata mula sa Banal na Kasulatan. Pagkatapos ay ipaliwanag ang talahanayan ng Paghubog ng Espirituwal na Buhay sa harap ng lahat ng mag-aaral.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.
Questions? Reach out to us anytime at info@shepherdsglobal.org
Total
$21.99By submitting your contact info, you agree to receive occasional email updates about this ministry.
Download audio files for offline listening
No audio files are available for this course yet.
Check back soon or visit our audio courses page.
Share this free course with others