Leksiyon 9 Pag Babalik-aral
Paalala sa lider ng klase: Magbalik-aral sa mga pangunahing punto ng Leksiyon 9. Tanungin sa mga mag-aaral kung sino ang handing magbahagi ng kanilang mga personal na panalangin mula sa Leksiyon 9.
Search through all lessons and sections in this course
Searching...
No results found
No matches for ""
Try different keywords or check your spelling
44 min read
by Tim Keep
Paalala sa lider ng klase: Magbalik-aral sa mga pangunahing punto ng Leksiyon 9. Tanungin sa mga mag-aaral kung sino ang handing magbahagi ng kanilang mga personal na panalangin mula sa Leksiyon 9.
Sa pagtatapos ng leksiyong ito, ang mag-aaral ay dapat na:
(1) Maunawaan ang kahalagahan ng pagtatapat, pagpapasakop, at paglilingkod.
(2) Magkaroon ng praktikal na karunungan para madaig ang nakasanayang kasalanan.
(3) Isagawa ang mga disiplinang ito.
Unang Patotoo
Ako ay naligtas sa edad na 17.[1] Nagkaroon ako ng magandang karanasan sa pagbabalik-loob sa altar sa aming munting iglesia. Napakaganda na nalaman ko na hindi ko na muling mabibigo ang Dios – sa anumang paraan. Ngunit, pagkaraan ng ilang linggo, nabigo ako sa ilang paraan at parang may ulap na bumalot sa aking espiritu. Pakiramdam ko ay tila kailangan kong bumalik sa altar. Pumunta ako sa aking ina at tinanong siya kung ano ang dapat kong gawin. Sinabi niya, “Anak, magtayo ka na lang ng altar sa iyong puso, ipagtapat mo ang lahat sa Dios at magpatuloy.” At ganoon nga ang ginawa ko, at bumalik ang sikat ng malinaw na katiyakan. Pagkatapos ng 40 taong pamumuhay para sa Panginoon, maraming pag-aaral at pagsasanay – nalaman ko na kakaunti ang mga taong may kakayahang magbigay ng ganoon kasimple, praktikal na sagot sa problema ng kasalanan!
Ikalawang Patotoo
Mula sa murang edad, bihasa na ako sa sining ng pagkukunwari.[2] Ang aking mga magulang ay nasa ministeryo sa musika; at bilang isang bata natuto akong magsabi ng mga tamang bagay, kumanta ng mga tamang kanta, at magtaas ng aking kamay sa mga tamang pagkakataon. Nagpapahayag ako ng pananampalataya sa buong ikalawang sekondarya at sa buong kolehiyo, kabilang ang apat na taon sa isang kolehiyo sa pag-aaral ng Biblia. Gayunpaman, may pagkakaiba sa pagitan ng pagsasabi ng kaligtasan at pagkakaroon ng kaligtasan. Bagaman karamihan sa mga tao, kabilang ang mabubuting kaibigan, ay nag-aakala na ako ay isang Kristiyano, alam ko na ang lahat na ito ay isang palabas. Ngunit palihim akong namumuhay sa kasalanan, lihim sa aking mga kaibigan at kapamilya. Kasali rin ako sa ministeryo sa panahong ito. Kung minsan, hinahanap ko ang kapatawaran ng Dios, ngunit lagi kong sinasabi sa kanya na mas pagbubutihin ko ang aking mga gagawin, magiging mas mabuti at sisikaping ayusin ang aking sarili. Sa loob ng mga araw at linggo ng pananalangin nito, ay kaagad akong nababalik sa aking makasalanang pamamaraan.
Noong Marso 1999, habang nagmamaneho patungo sa isang gawain nang muling pagpapanumbalik ng init nang pananampalataya kung saan ako ay mangunguna sa pagpupuri sa pamamagitan ng awitan, ako ay tuluyang nawalan ng pag-asa. Sa 45 minutong biyahe na iyon, inihayag sa akin ng Dios ang lalim ng aking kasalanan at kinasusuklaman ko ang aking nakita. Umiyak ako sa Dios at sinabi sa kanya na tingin ko ay hindi ko kayang maging isang Kristiyano. Sinabi ko sa kanya na pagod na akong subukan na ayusin ang aking sarili dahil palagi akong nabibigo. Naaalala ko pa rin ang pananalangin ng mga salitang ito: “Dios, iligtas mo man ako o hindi, ngunit sa alinmang paraan tapos na ako sa pagpapanggap!” Sa isang iglap, ginawa ng Dios para sa akin ang bagay na sinubukan kong gawin para sa aking sarili nang maraming beses: iniligtas niya ako! Walang pag-aalinlangan sa aking isipan na nagawa niya ang dapat gawin. At simula noon ay hindi na naging pareho ang buhay ko.
Sa mga sumunod na ilang taon pagkatapos ng aking pagbabalik-loob, binigyan ako ng Dios ng mga pagkakataong maglingkod sa ministeryo, mabiyaya niya akong ginamit para sa kanyang kaluwalhatian. Gayunpaman, natatakot akong makita ng mga tao ang tunay kong pagkatao. Natatakot ako na kung malaman nila kung sino ako dati, malamang ay hindi sila makikinig sa salita na sasabihin ko o marahil ay pawalang halaga ang aking ministeryo. Habang ako ay nagtatapat sa Dios, ang huling bagay na gusto kong gawin ay ang aminin ito sa ibang tao.
Nang lumuhod ako upang manalangin isang umaga sa aking personal na oras ng debosyon noong Marso ng 2006, malinaw na kinausap ng Dios ang aking puso at sinabi sa akin na kailangan kong aminin ang aking nakaraan. Mahigit isang linggo akong nakipagbuno sa pagbabahagi ng aking dating buhay. Sa wakas, isang Martes nang umaga, tinawagan ko ang aking dating presidente sa kolehiyo at ibinahagi ang aking kwento, ipinagtapat ang aking pagkukunwari, at humingi ng tawad. Bagama’t hindi ko matandaan kung ano ang eksaktong sinabi niya bilang tugon, ang natatandaan ko ay ang pakiramdam ng pag-aalis ng isang pasanin. Ako ay malaya na!
Ang dalawang kwentong ito ay nagbibigay ng mga kapaki-pakinabang na pananaw para sa matagumpay na pamumuhay. Ang patotoo ni Dr. Avery ay nagtuturo sa mga kabataang Kristiyano kung paano haharapin ang mga kabiguan habang natututo silang lumakad kasama ng Panginoon:
Magtayo ng altar.
Ipagtapat ang lahat sa Dios.
Magpatuloy.
Pinahahalagahan ko ang pagiging simple nito, ikaw ba? Kadalasan ay ginagawa nating masyadong komplikado ang buhay Kristiyano.
Ngunit tungkol naman sa mga nagpapatuloy na pakikibaka, mga nakasanayang kasalanan, o isang pakiramdam ng kahihiyan na pumipigil sa atin? Ang patotoo ni Pastor Keith tungkol sa pagtatapat ay isang halimbawa kung paano tayo mapapalaya sa pamamagitan ng espiritual na disiplina mula sa problemang malalim na naka-ugat sa ating espiritual na buhay.
Ang pagsasagawa ng mga espiritual na disiplina, kasama ang ministeryo ng Banal na Espiritu, ay magbibigay ng pagsasanay para sa isang matagumay na buhay. Ang mga ito lubhang mahalaga para sa paglipat nang higit sa mga nakasanayan, maligamgam na buhay Kristiyanong madalas na natatalo. Napatunayan na ito ng bawat henerasyon ng matapat na Kristiyano.
Natutunan natin ang mahalagang bahagi ng espiritual na disiplina sa buhay ng bawat mananampalataya. Mahalaga ang mga ito sa buhay ni Jesus; at kung tayo ay mahuhubog sa pagiging katulad niya, ang mga ito ay dapat mas magiging mahalaga sa ating buhay.
Natutunan din natin na ang mga espiritual na disiplina ay kumokontra sa kamunduhan, sa pagnanais ng laman, at sa diyablo; at ang mga ito ay nagiging paraan upang makatanggap ng biyaya, paghahanda sa atin para sa labanan;at ang mga ito ay nagbibigay ng higit na kagalakan sa piling ng Dios; at ang mga ito ay nagiging paraan upang makatanggap ng biyaya para sa pagbuo ng mga karaniwang disipulo na tumutulad kay Kristo.
Sa leksiyong ito, maikli nating tutuklasin ang ilan pa sa mga klasikong espiritual na disiplina at maghanap ng mga praktikal na paraan upang maisama ang mga ito sa ating paglakad kasama ang Dios.
[1]“Ipagtapat ninyo ang inyong mga kasalanan sa isa’t isa, at ipanalangin ang isa’t isa, upang kayo’y gumaling….”[2]
Ayon kay Jesus, ang pagsasagawa ng pagtatapat sa Dios sa pribadong pananalangin ay isang paraan upang makatanggap ng nagpapatuloy na kapatawaran.[3]Ngunit itinuturo din ng Banal na Espiritu na ang pagtatapat sa isa’t isa ay isang paraan ng espiritual na kagalingan. Tila itinuro ni Santiago na ang kagalingang espiritual ay nagbubunga rin ng pisikal na kagalingan.
Pagtukoy sa Disiplina ng Pagtatapat
Ang disiplina ng pagtatapat ay mapagpakumbabang pag-amin sa ibang tao ng partikular na espiritual na pagkakamali (mga kasalanan) at mga bahagi na nalalaman natin na hindi natutulad kay Kristo bilang isang paraan ng espiritual na kagalingan.[4] Ang pagtatapat sa ibang Kristiyano ay labis na kinakailangan para sa mga bahagi ng kasalanang nakasanayan at kapag ang isang pakiramdam nang pagkakasala at kahihiyan para sa nakaraang kabiguan ay hindi mawala. Bagaman ang kapatawaran ay natatanggap sa pamamagitan ng pagtatapat sa Dios, gayunpaman marami ang nakatuklas na ang pagtatapat sa isang pinagkakatiwalaang miyembro sa katawan ni Kristo ay kadalasang isang mapagpakumbabang hakbang ng pagpapalaya.
► Basahin ang Santiago 5:16 ng magkakasama. Pansinin ang koneksyon sa pagitan ng pagtatapat at pagpapagaling.
Mga hindi pagkakasundo tungkol sa “Kasalanan” at Pagtatapat
Ang biblikal na pagsasagawa ng pagtatapat ay nagdudulot sa ilang mga Kristiyano ng pagiging hindi komportable dahil tila inaalis nito ang buhay ng kabanalan at isang matagumpay na paglakad kasama ng Dios. Marahil ay nagtataka ang ilan, Paano maaangkin ng isang tao na namumuhay siya nang may kabanalan ngunit mayroon pa ring mga bagay na dapat ipagtapat? Ang isa sa mga pangunahing bahagi ng kontrobersiya ay may kinalaman sa kung paano tinukoy ng iba’t ibang Kristiyanong guro ang kasalanan.
Ang ilang mga Kristiyano ay may tendensiya na tukuyin ang kasalanan nang napakalawak bilang anumang “kakulangan” sa perpektong katuwiran ng Dios. Sa depinisyon na ito ay madalas na walang ginagawang biblikal na pagkakaiba sa pagitan ng pinaghandaan, sinasadyang mga kasalanan, mga kasalanan na biglang dumarating sa isang Kristiyano (dahil sa espiritual na kahinaan), o mga saloobin at pagmamahal na hindi katulad ng kay Kristo. Ang ibang mga Kristiyano ay pinapakipot ang kahulugan ng kasalanan bilang isang bagay na sinasadyang paglabag sa kautusan ng Dios at wala nang iba pa. Ang dalawang sukdulang pananaw ay may tendensiya na balewalain ang mga alalahanin sa totoong buhay na taglay ng mga sinserong Kristiyano.
Sa isang banda, kung naniniwala tayo na ang sinasadyang pagrerebelde ay katumbas ng espiritual na pagkakamali o mga saloobing hindi katulad ng kay Kristo, kung gayon maaari tayong magkaroon ng mababaw na pagtingin sa sinasadya, nakasanayang kasalanan, na tinukoy ng Biblia na “hindi” magagawa ng mga tunay na Kristiyano.[5] Sabi ng iba “Lahat tayo ay makasalanan,” nang hindi gumagawa ng mga pagkakaiba.
[6]Sa kabilang banda, sa pagpapaliit ng pagtukoy sa kasalanan bilang tahasang paglabag sa kautusan ng Dios, maraming Kristiyano ang nagtuturing sa sarili na matuwid sa sariling pamamaraan. Dahil dito ay hindi na nila nararamdaman kung gaano kalubha ang ilang “mga kasalanan” sa Banal na Espiritu – maruming pag-iisip, paghahanap ng kamalian, pagrereklamo, kawalan ng pananalangin, panlilinlang, kabiguan na magpagabay sa Banal na Espiritu, pagkapanatiko, pagmamataas, at iba pa. Idinadahilan nila na ang mga pag-uugali at gawain na hindi katulad ng kay Kristo ay mga kahinaan at pagkakamali lamang bilang tao, sa halip na bilang isang kasalanan.
Hindi tayo dapat mag-alala tungkol sa mga kahulugan ng kasalanan gaya ng tungkol sa mga problema sa totoong buhay sa ating pamumuhay at pagkatao na dumarating sa pagitan natin at ng Dios na humahadlang sa ating kaugnayan sa ibang tao. Tandaan, ang layunin ng Dios sa pagtubos ay ang paghubog sa atin tungo sa pagiging katulad ng kanyang Anak.
Dapat nating pahintulutan ang Salita ng Dios na humubog sa ating pagkakaunawa sa mali gayundin ang pamantayan ng kung ano ang tama.
Ilan sa Mga Paraan na Inilarawan ng Biblia ang Kasalanan[7]
Kung paanong ang mga Eskimo sa Hilagang Amerika ay maraming salita para ilarawan ang niyebe, tinutukoy at inilalarawan ng Biblia ang kasalanan sa iba’t-ibang paraan.
► Hanapin ang bawat isa sa mga sumusunod na nakatalang Banal na Kasulatan sa footnote at talakayin ang mga ito.
Ang kasalanan bilang kapabayaan[8]– Ang hindi paggawa ng lahat ng mabuting gawain na alam kong dapat kong gawin.
Ang kasalanan bilang isang pagpili[9]– Ang isang kusang-loob na pagpili na gawin ang alam kong labag sa kautusan ng Dios.
Ang kasalanan bilang isang paglabag sa konsensya[10]– Ang paggawa ng isang bagay na iniisip natin ay kasalanan, kahit na hindi ito direktang lumalabag sa Salita ng Dios.
Ang kasalanan bilang isang kamangmangan[11]– Isang hindi sinasadyang paglabag sa kautusan ng Dios na nangangailangan ng pagtatakip ng dugo ni Jesus kahit na hindi natin ito namamalayan.
Ang isang kasalanan[12]– Isang pagkilos na hindi nakalulugod sa Panginoon.
Ang pagsasagawa ng kasalanan[13]– Ang pagkakasala bilang paraan ng pamumuhay, na hindi gagawin ng tunay na anak ng Dios. Ito ang uri ng kasalanan na ipinag-utos ni Jesus sa pilay na lalaki at babaeng nangalunya na huwag na muling gagawin.
Pagkabulag sa ating sariling paghusga at pagpapaimbabaw[14]– Ito ang kamangmangan na kasalanan ni Pedro at ng iba pang Kristiyanong kasama niya.
Pagpighati sa Banal na Espiritu[15]– Anumang pag-iisip, pananalita, o mga pagkilos na hindi katulad ng kay Kristo na nagbibigay pighati sa Banal na Espiritu.
Makamundong pag-uugali o pagnanasa[16]– Pagbubulung-bulungan at pagrereklamo laban sa Dios o pagnanasa ng mga maling bagay.
Mga hindi sinasadyang kasalanan,[17]o mga biglaang kasalanan[18]– Isang kasalanang kumokontrol sa isang Kristiyano sa sandali ng tukso at kahinaan.
Ang maraming paglalarawan sa kasalanan na matatagpuan sa Banal na Kasulatan ay dapat gawin tayong mapagpakumbaba at maging dahilan na patuloy nating maramdaman ang pangangailangan para sa paglilinis ng dugo ni Jesus. Dapat nilang ipaalala sa atin na si Jesus ay namatay at muling nabuhay‒hindi lamang para tubusin ang sinasadyang kasalanan, kundi ang bawat pag-iisip, salita, at pagkilos na nagdudulot ng sakit at pagkukulang ng kanyang kaluwalhatian. Dapat nilang ipaalala sa atin na kahit gaano man kalayo ang ating narating sa paglakad kasama ng Panginoon, patuloy nating kailangan si Jesus bilang ating tagapagtaguyod: “Mga anak, isinulat ko ito sa inyo upang huwag kayong magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapagtanggol tayo sa Ama, si Kristo Jesus, ang matuwid.”[19]
Praktikal at Pastoral na Payo Tungkol sa Kasalanan[20]
Huwag maliitin ang iyong kasalanan – “Ah hindi ito mahalaga!”
Huwag palakihin ang iyong kasalanan – Paano? Ang matapat na mananampalataya ay maaaring tumangging magsisi at magpatuloy – tila hindi nila mapatawad ang kanilang mga sarili at hinahayaan nilang paulit-ulit silang makonsensya dahil dito.
Huwag bigyang-katwiran ang iyong kasalanan dahil sa mga pangyayari.
Kung paano hinaharap ng isang tao ang kanilang kasalanan ay nagsasabi ng maraming bagay tungkol sa kanila at kanilang [kahustuhan ng paglago]. Ang isang taos-puso, may hustong gulang sa pagiging Kristiyano ay hindi maglalaro ng mga salita; ngunit... mabilis na kinikilala ang kanilang kabiguan, pinagsisisihan ito, hinahanap ang biyaya, nagbabayad-pinsala kung kinakailangan, at nagpapatuloy. Ang isang Kristiyano na wala pa sa hustong gulang o makalaman ang pagnanais ay makikipagbuno sa Dios, binibigyang katuwiran ang kanilang sarili, at marahil itatanggi pa rin ang kanilang kasalanan. Ito ang kataasan ng relihiyosong pagmamataas. Tandaan na nilalabanan ng Dios ang pagmamataas ngunit binibigyan ng biyaya ang mapagpakumbaba.
Tatlong posibilidad:
Maaari nating pagtakpan ang mga kasalanan at pagdusahan ang mga bunga nito. “Siya na nagtatakip ng kanyang mga kasalanan ay hindi uunlad, ngunit ang sinumang nagpapahayag ng kanyang kasalanan at tumatalikod sa mga ito ay makakatanggap ng awa” (Kawikaan 28:13).
Maaari nating ipagtapat ang mga kasalanan at makatatagpo tayo ng kagalingan. Ayon kay Santiago 5:16, ang pagtatapat ng kasalanan ay nagdudulot ng kagalingan. Ang taong nagpapahayag ng kanyang kasalanan ay nakatatagpo ng kalayaan na hindi nasusumpungan ng mga hindi nagtatapat.
Maaari nating talunin ang mga kasalanan sa pamamagitan ng biyaya. Maaari tayong mamuhay nang higit sa lahat ng sinasadya, alam na kasalanan sa pamamagitan ng kakayahang-ayon-sa-biyaya, pamumuhay na umaasa sa biyaya ni Kristo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu!
Hindi pinagsasanayan ng mga Kristiyano kung paano magkasala. Gayunpaman, palaging nananatili ang posibilidad ng kasalanan hanggang sa makarating tayo sa langit. Dagdag pa rito, may malinaw na posibilidad na sa isang bahagi ng paglalakbay, ikaw ay magkakasala at mangangailangan ng kapatawaran. Kaya naman isinusulat ang 1 Juan 2:1-2.[21]
Sinabi ni Richard Taylor, “Magiging mas may kabanalan kung tatawagin natin na kasalanan ang ating mga pagkadapa sa pagiging katulad ni Cristo, sa mabuti at matapat na kababaang-loob, magbayad-sala, at matuto mula sa ating mga pagkakamali. Hindi tayo kailanman natututo sa mga itinatangging kabiguan.”[22]
Ang Kapangyarihan ng Pagtatapat
Ang pagtatapat sa isang pinagkakatiwalaang kapatid ay isang makapangyarihang sandata laban sa kasalanan at tukso.
(1) Ang pagtatapat ay nag-aalis ng kapangyarihan sa tukso.
Ang mga lihim na labanan ay ang pinakamahirap mapagtagumpayan, at ang tukso ay pinakamalakas kapag tayo ay nag-iisa at walang kasama. Sa anong kasalanan ka hinihimok ni Satanas? Anong kasalanan sa pag-uugali ang maaaring lumago sa iyong puso kung hindi mo ito ilalantad sa liwanag? Ang pagtatapat ay nagdudulot ng kalakasan, kapanatagan, at payo ng kaibigang espirituwal sa aking paglaban at nagiging mas malamang ang panalo.[23] Maraming pamilya ang naglalagay ng poste ng ilaw sa labas ng kanilang tahanan upang mapigilan sa gabi ang pagpasok ng masasamang-loob. Ang pagtatapat ay pumipigil sa kasalanan dahil inilalagay nito ang ating mga tukso sa mga lugar na makikita ng iba at matutulungan tayong mapaglabanan ito.
(2) Ang pagtatapat ay nagdudulot ng malakas na suntok sa ating pinakamalaking kalaban – ang pagmamataas.
Ang pagnanais na protektahan ang pagtingin sa atin ng ibang tao ay nasa ating lahat. Nais natin na maayos ang tingin ng iba sa atin, kaya, tayo ay natutukso na magsuot ng maskara at magpanggap na may ibang pagkatao. Ang nakapagpapakumbabang pagtatapat ang bubunot ng pagpapanggap at maghahanda sa lupa ng ating puso para sa pag-aani ng katuwiran.[24]
(3) Ang pagtatapat ay kadalasang nagpapalaya ng makasalanang konsensiya at nagbubunga sa katiyakan ng kapatawaran.
Alam natin na ang Dios lamang ang makapagpapatawad; ngunit, bilang mga miyembro ng katawan ni Kristo, na pinananahanan ng kanyang Espiritu, tayo ay itinalaga upang maging kinatawan niya dito sa lupa. Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, pinapatawad natin ang isa’t-isa, ang biyayang espiritual na kagalingan na bigay ng Dios ay naipapamalas. Kapag ang mga kapatid na puspos ng Banal na Espiritu ay nagsalita ng pagpapatawad sa isa’t-isa, na parang si Jesus mismo ang nagsasalita ng mga salitang iyon. Pinalalaya natin ang isa’t-isa. Sa ganitong diwa, pinapakawalan natin sa lupa ang kinalagan sa langit.[25]
Sa ilalim ng kasunduan sa Lumang Tipan, ang mga saserdoteng Levita ay mga taong kumakatawan sa Dios, na nagpapatunay sa mga tao sa lupa ng pagpapatawad at pagpapanumbalik ng biyaya ng Dios. Ang mga saserdoteng ito ay hindi lamang naghahandog ng hayop na sinusunog o mga panalangin, ngunit sila ay mga tao na kinatawan ng Dios upang ipahayag sa kanyang bayan na sila ayon sa seremonyal na paraan ay nilinis at pinatawad na.[26] Kapag ang isang ketongin, halimbawa, ay gumaling sa kanyang ketong – isang sakit na naging dahilan kung bakit hindi siya karapat-dapat para sa pagsamba at pakikipag-ugnayan – kailangan niyang iharap ang kanyang sarili sa mga saserdote para sa isang kumpirmasyon ng kagalingang ito. Ang mga saserdote ay ang kinatawan ng Dios sa mga tao, na binigyan ng kapangyarihan upang ibalik ang isang tao sa pakikipag-ugnayan sa Dios.
► Matapos mahimalang pagalingin ni Jesus ang sampung ketongin sa Lucas 17:14, ano ang hinihiling niyang gawin ng sampung ketongin?[27] Bakit niya ito hiniling? Ito ay naglalarawan ng katotohanan na bihira lamang na nilalampasan ng Dios ang iglesia kundi ibinubuhos niya ang kaniyang biyaya sa pamamagitan ng iglesya.
Itinuturo ng Bagong Tipan ang pagiging saserdote ng mga mananampalataya. Bilang mga pari na puspos ng Banal na Espiritu, hindi lamang tayo naghahandog ng mga espiritual na sakripisyong katanggap-tanggap sa Dios,[28] kundi kinakatawan din natin ang pag-ibig ng Dios sa isa’t-isa. Kapag ipinaaabot natin ang mapagpatawad na pagmamahal, para na ring iniaabot ng Dios ang kanyang mapagpatawad na pagmamahal. Kapag, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, nauunawaan natin ang tunay na pagkawasak at pagsisisi ng ibang Kristiyano at sinasabi sa kanila, “Pinatatawad ka na ng Dios, at pinatatawad ka na namin,” may biyayang nakapagpapagaling na ibinubuhos sa kanilang mga puso, na naghuhugas sa kanila mula sa pagkakasala at kahihiyan. Ganoon din sa atin kapag tayo ay nagtatapat. Ang sinumang nakaranas nito ay magpapatotoo sa kahanga-hangang awtoridad na ibinigay ng Dios sa kanyang iglesia upang magsagawa ng biyayang nakapagpapagaling.
Mga Praktikal na Payo para sa Pagsasagawa ng Pagtatapat (pagpapahayag ng kasalanan)
Humanap ng isang makadios (hindi perpekto) na tao na maaari mong aminin ang mga nakasanayang kasalanan o lihim na pakikibaka at maging malinis. Hilingin sa kanila na ipanalangin ka.
Maging tapat at siguraduhing huwag sisihin ang iba. Huwag ipagtapat ang mga hindi kinakailangang detalye. Humanap ng karunungan.
Kung sa pakiramdam mo ay wala kang dapat ipagtapat, hilingin sa iyong asawa, kasama sa kwarto, o kaibigan na magbigay ng ilang mungkahi! Itanong mo, “May nakikita ka bang bagay sa aking buhay na nakakasakit ng ibang tao?”
Tanggapin ang salita ng Dios sa pamamagitan ng taong nakinig sa iyong pagtatapat. “Ito ang pinakamahusay na pagkakaunawa sa pagkapari ng lahat ng mananampalataya. Makinig sa katiyakan ng Dios na ikaw ay pinatawad na at paniwalaan mo ito.”[29]
Huwag i-broadcast ang iyong mga pagtatapat. Ang ilang mga kabiguan sa moral ng isang espiritual na pinuno ay maaaring mangailangan ng pagtatapat sa iglesia, ngunit karamihan sa ating mga pagtatapat ay nangangailangan ng isa o dalawang tao lamang sa napakaliit na grupo. Sinabi ni Keith Drury, “Ang laki ng grupo na iyong pinagtatapatan ay bihirang nangangailangan na mas malaki kaysa sa grupo na iyong nagawan ng kasalanan.”[30]
► Pag-isipan ang disiplina ng pagtatapat sa iyong grupo. Anong mga pananaw ang nakakatulong? Mayroon bang mga bahagi ng pagtuturong ito ang nakakalito? Maglaan din ng ilang minuto para sa personal na pagninilay-nilay.
“Magiging mas mabuti na bigyan ang salitang “kasalanan” ng mas higit na kakayahang umangkop nang hindi umaabot na kalimutan ang 1 Juan 3:9 na nag-aalis ng nakagawiang pagkakasala. Ang isang taong matuwid ay hindi nagkakasala “sa pag-iisip, sa pananalita, at gawain araw-araw.” Gayunman, maaaring paminsan-minsan siya ay magkukulang at kakailanganin niya ang pagsisisi at kapatawaran.”
-Richard S. Taylor
Gayon din naman, kayong mga kabataan, pasakop kayo sa matatandang pinuno ng inyong iglesia. Oo,kayong lahat ay magpasakop sa isa’t-isa, at kayo’y magpakumbaba, sapagkat sinasalungat ng Dios ang mapagmataas, ngunit pinagpapala niya ang mababang-loob.[1]
Walang disiplina ang mas mahalaga kaysa sa disiplina sa pagpapasakop, bagama’t naghaharap ito ng ilang hamon at madalas ay hindi nauunawaan at inaabuso. (tatalakayin natin ang ilan sa mga hamong ito, mga hindi pagkakaunawaan, at pang-aabuso sa seksyong ito.)
Ang Disiplina sa pagpapasakop na Tinutukoy sa Biblia
Tinukoy ni Richard Foster ang disiplina ng pagpapasakop bilang “abilidad na ipaubaya ang sobrang bigat na pasanin ng palaging nakukuha ang sarili nating paraan.”[2]Ang disiplinang ito ay sumusunod sa halimbawa ni Jesus, na tinalikuran ang kanyang sarili, nag-anyong alipin, at naging masunurin hanggang kamatayan.[3]
► Basahin nang mabuti ang mga sumusunod na talata. Salungguhitan ang lahat ng salita na may kinalaman sa pagpapasakop.
“Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid – kilala ninyo ang sambahayan ni Estefanas, ang unang nakakilala sa Panginoon sa Acaya, at itinalaga nila ang kanilang sarili sa paglilingkod para sa mga hinirang ng Dios – kayo’y magpasakop sa mga tulad nila at sa sinumang kasama nilang nagpapakahirap sa paglilingkod.”[4]
“Pasakop kayo sa isa’t isa bilang tanda ng iyong paggalang kay Cristo.”[5]
“Mga babae, pasakop kayo sa sarili ninyong asawa, tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesia; na kanyang katawan, at siya ang Tagapagligtas nito.”[6]
“Gayun din naman, kung paanong nasasakop ni Kristo ang iglesia, ang mga babae ay dapat pasakop nang lubusan sa kanilang sariling asawa.”[7]
“Mga alipin, sundin ninyo ang inyong mga amo dito sa lupa nang may buong katapatan, takot at paggalang, na parang si Kristo ang siya ninyong pinaglilingkuran; gawin ninyo iyan, may nakakakita man o wala, hindi upang mapuri ng mga tao kundi dahil kayo’y mga lingkod ni Cristo, buong pusong sumusunod sa kalooban ng Dios.”[8]
“Mga babae, pasakop kayo sa inyong asawa, sapagkat iyan ang naaangkop sa mga nakipag-isa sa Panginoon.”[9]
“Mga anak, sundin ninyong lagi ang inyong mga magulang, sapagkat iyan ang nakalulugod sa Panginoon.”[10]
“Alang-alang sa Panginoon, pasakop kayo sa lahat ng may kapangyarihan sa bayan, sa Emperador, na siyang pinakamataas na kapangyarihan.”[11]
“At kayo namang mga kabataan, pasakop kayo sa matatandang pinuno ng iglesia. Oo, kayong lahat ay magpasakop sa isat’-isa at kayo’y magpakumbaba, sapagkat sinasalungat ng Dios ang mapagmataas, ngunit pinagpapala niya ang mga mapagpakumbaba.”[12]
“Pasakop kayo at sumunod sa mga namamahala sa inyo. Sila’y nangangalaga sa inyo, at mananagot sila sa Dios sa gawaing ito. Kung sila’y susundin ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin, kung hindi, sila’y mamimighati, at hindi ito makakabuti sa inyo .”[13]
Ang mga talatang ito ay walang iniiwanan! Ang pagpapasakop ay isang disiplina para sa lahat: “mga alipin,” “mga kapatid,” “sa isa’t isa,” “mga asawang babae,” “mga anak,” “iyong sarili,” “mga kabataan,” “kayong lahat.” Tinatawag tayo ng Banal na Kasulatan na magpasakop sa Dios, sa mga hari at mga pinuno, sa mga nangangalaga sa espiritual, sa mga asawang lalaki, sa mga magulang, sa mga panginoon at sa isa’t-isa.
Ang pagpapasakop ay isang pagpapakita ng pagsunod.
Sinabi ni Pablo, “Kaya’t ang sinumang lumalaban sa awtoridad (gobyerno) ay lumalaban sa itinalaga ng Dios, at ang mga lumalaban ay nararapat na parusahan.”[14]Ang pagpapasakop sa awtoridad ay iniutos ng Banal na Espiritu. Marahil ang isa sa pinakadakilang aral na matututunan natin ay ang pagpapasakop dahil sinabi ito ng Dios. Ito ay pagpapasakop sa Salita ng Dios.
Ang pagpapasakop ay isang pagkilos, ngunit isa ding saloobin.
Ang pagpapasakop ay nangangailangan ng higit pa sa mga pagkilos ng pagpapasakop, kundi kailangan din ang saloobin ng pagpapasakop. Magagawa natin kung ano ang hinihiling ng mga tao na gawin sa panlabas, habang sa loob ay nagkikimkim ng sama ng loob o galit sa kanila. Naalala ko ang kwento ng maliit na batang lalaki na hindi maganda ang ugali. Sinabihan siya ng kanyang ina na umupo, na ginawa niya. Ngunit may nakarinig sa kanya na nagsasabi, “Nakaupo ako sa labas, ngunit nakatayo sa loob!” Nais ng Dios na maging tao tayong “naupo” sa loob at labas!
Ang pagpapasakop sa awtoridad na inilagay ng Dios ay isang pagpapakita ng pagtitiwala.
Una sa lahat, ito ay isang pagkilos na nagpapatunay sa ating pagtitiwala sa makapangyarihang pagpili ng Dios. Ipinangaral sa atin ni Pablo na “magpasakop sa mga awtoridad na namamahala. Sapagkat walang awtoridad maliban sa Dios, at ang mga awtoridad na umiiral ay itinalaga ng Dios.”[15] Kung naniniwala tayo na ang Dios ay tunay na may kapangyarihan at siya ang may lubos na pamamahala kung sino ang mahalal, kung sino ang aking tagapagturo o tagapangasiwa, kung sino ang aking mga magulang, kung sino ang aking asawa, o kung sino ang makakakuha ng posisyon, kung gayon ang pagpapasakop ay nagiging isang patotoo ng pananampalataya sa kanyang karunungan.
Tandaan, nabuhay si Pablo sa ilalim ng malupit na mga Romanong diktador; at magkagayon man hindi niya binigyang-katwiran ang paghihimagsik. Alam niya na ang Dios ang pinakamakapangyarihan. Ilang siglo bago ang panahon ni Pablo, sinabi ng Dios kay Nabucodonosor, sa pamamagitan ni Daniel, “ang Kataas-taasan ay namamahala sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay ito sa sinumang pipiliin niya.”[16] Magtiwala ka na ang Dios ay ang pinakamakapangyarihan.
Pangalawa, ang pagpapasakop ay kadalasang isang pagpapakita ng tiwala sa kakayahan ng Dios na baguhin ang puso ng ating mga pinuno. Kapag hindi natin gusto ang mga desisyon na kanilang ginawa, ngunit wala tayong magagawa para baguhin ang mga bagay, ipinapanalangin natin ang pangakong, “Ang puso ng hari ay nasa kamay ng PANGINOON, tulad ng tubig ng mga ilog; at ipinipihit niya ito kung saan man niya ito naisin.”[17] Narinig ko ang pagpapatotoo ng mga asawang babae na kapag tumigil sila sa pakikipag-away sa kanilang mga asawa at nagsimulang manalangin para sa kanila at magpakita sa kanila ng paggalang, sinisimulan ng Dios na baguhin ang mga puso ng kanilang asawa!
Ang pagpapasakop ay maaaring maging isang pagpapakita ng pagsamba.
Si Kristo ang gawin ninyong sentro ng inyong pagpapasakop upang kayo ay palayain sa takot! Ganito ang pagpapayo ni Pablo sa iglesia sa Efeso: “Mga asawang babae magpasakop kayo... gaya ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon,” “Mga anak sumunod kayo... sapagkat ito ay lubos na nakalulugod sa Panginoon,” “Mga alipin sumunod kayo... gaya ng pagsunod ninyo kay Kristo.” Na para bang habang nagsusulat si Pablo ay alam niya ang hirap na gawin ang kanyang mga hinihiling. Alam na alam niya kung gaano napipintasan ang ating mga pinuno, kaya’t sinabi niya, “Lampasan mo ng tingin ang pinuno at tingnan mo ang perpektong pinuno na nasa itaas nila, at siyang nagtalaga sa kanila! Gawin mo ito para sa kanya! Gawin mo ito bilang paggalang sa kanya! Gawin mong pagsamba ang pagpapasakop sa may depektong pinuno sa lupa para sa isang hindi nabibigo o nagkakamali.”
► Sa mga talatang nabasa natin kanina, pansinin kung paanong ang karamihan sa mga kautusan sa pagpapasakop ay sinusundan ng , “gaya ng paglilingkod mo sa Panginoon,” “gaya kay Kristo,” “sa pagkatakot sa Dios,” “gaya ng sa Panginoon,” atbp. Sa palagay mo paano magbabago ang iyong saloobin sa pagpapasakop kung gagawin mong sentro ang Panginoon ng iyong pagpapasakop sa halip na iyong asawa, iyong amo, iyong guro, o iyong pastor?
Lahat tayo ay kailangang maglingkod sa mga pinuno at magtrabaho para sa mga taong minsan ay mahirap pakisamahan. Ang susi sa kalayaan ay gawing pagsamba ang pagpapasakop; upang manalangin, “Jesus, itong pinunong itinalaga mo sa aking buhay ay may mga kapintasan, ngunit ako ay magpapasakop para sa inyong pangalan! Nakikita ko ang kanilang mga kahinaan, ngunit hindi ko gagamitin ang kanilang mga kahinaan bilang dahilan para sa pagbatikos o lihim na pag-aalsa. Lalampasan ko ng tingin ang pinuno at sa iyo ako titingin, o aking Dios, at sasambahin ka dahil sa iyong karunungan sa pagpili na ginawa mo para sa amin. Alam mo kung ano ang pinakamabuti para sa akin, sa aking pamilya, at sa aking bansa. Alam mo kung ano ang iyong mga layunin sa hinaharap.Kaya’t hindi ako magrerebelde laban sa iyong kalooban, kundi magpapasakop ako sa iyong soberanong plano.”
Syempre, Hindi ito nangangahulugan, na wala na tayong gagawin; na hindi na tayo mananalangin o magtratrabaho para sa pagbabago; na hindi na natin gagawin ang ating bahagi upang maisakatuparan ang hustisya. Ngunit nangangahulugan ito na ang lahat ng pagsisikap ay nakaugat sa pananampalataya at sa pagtitiwala na ang Dios ang may kontrol sa ating buhay at sa ating mundo.
Isinulat ni Pedro ang mga salitang ito para sa mga alipin: “Ang mga alipin ay dapat magpasakop sa kanilang mga pinaglilingkuran... hindi lamang sa mga mabubuti at maamo, kundi maging sa mga malupit (hindi makatarungan, ESV)... si Kristo ay nagdusa rin para sa atin, na nag-iwan sa atin ng halimbawa, na dapat mong sundin ang kanyang mga ginawa.”[18] Ang mga salitang ito ay hindi madaling marinig ngayon,, ngunit dapat nating marinig ang mga ito.
Itinuturo ng Banal na Kasulatan ang pagpapasakop ng bawat Kristiyano sa isa’t isa.
Malinaw na binabanggit ng Biblia ang tungkol sa pagpapasakop sa mga awtoridad na itinalaga ng Dios ngunit pati na rin ang pagpapasakop ng bawat isang Kristiyano sa isa’t isa bilang mga miyembro ng katawan ni Kristo na puspos ng Banal na Espiritu. Kadalasan, kung saan itinuturo ang pagpapasakop, ang mga asawa at mga anak lamang ang pinapayuhan. Ngunit binigyang diin din ng Banal na Kasulatan ang pagpapasakop ng bawat Kristiyano sa isa’t isa. “Oo, kayong lahat ay magpasakop sa isa’t isa, at magpakumbaba.”[19] Ang pagpapasakop sa isa’t-isa ay nangangahulugan ng pag-aaral na ibigay ang ating mga karapatan, pagtugon sa mga pangangailangan ng isa’t-isa, pakikinig sa mga opinyon ng isa’t-isa, pagsasakripisyo para sa kapakanan ng kapayapaan at pagkakaisa. Ito ang isa sa disiplinang pinakamahirap matutunan para sa mga mag-aaral sa kolehiyo, mga anak, mga asawa, at mga miyembro ng iglesia. Ngunit, may kalayaan kapag natutuhan ito!
Ang mga itinalaga ng Dios na pinuno sa tahanan, simbahan, at sa gobyerno ay dapat gawin ang pamamahala ngunit hindi “bilang panginoon ng inyong nasasakupan.”[20] Hindi tayo dapat gumamit ng awtoridad para manakit kundi para tumulong sa iba. Ang ebanghelyo ay nagtataas at nagpaparangal sa bawat miyembro ng katawan ni Kristo, at samakatuwid ay may mga paraan kung saan lahat tayo ay nagpapasakop sa isa’t-isa. Ang mga asawang babae ay dapat magpasakop sa kanilang mga asawa, ngunit ang mga asawang lalaki ay dapat din mahalin ang kanilang mga asawa at paglingkuran sila tulad ng ginawa ni Kristo. Ang mga miyembro ng Iglesia ay dapat magpasakop sa mga pinuno ng iglesia, ngunit ang mga pinunong ito ay hindi dapat “ mamuno bilang panginoon sa kanilang nasasakupan kundi bilang isang halimbawa sa kawan.”[21] Kapag ang bawat Kristiyano ay nagbibihis ng kababaang-loob, tinatanggap ang bahaging ibinigay sa kanila ng Dios sa katawan at masayang naglilingkod sa isa’t isa, ang pagpapasakop ay magiging isang pinagpalang karanasan. Ang pagpapasakop ay nananatiling malusog kapag ang mga Kristiyano ay puno ng pagmamahal at nakabihis ng pagpapakumbaba.
Ang pagpapasakop sa awtoridad ay mahalaga sa espiritual na paglago.
Walang sinuman ang mahuhubog sa pagiging katulad ni Kristo nang hindi kayang magpasakop sa awtoridad o kaya ay ipasakop sa iba ang kanyang mga nais, hangarin, at mga opinyon. Hindi tayo makakapanguna hangga’t hindi tayo natututong sumunod. Hindi tayo mapagkakatiwalaang mag-utos hangga’t hindi tayo natututong sumunod sa mga utos.
Ang kawalan ng pagpapasakop sa isa’t isa at pagbibigay ng ating mga karapatan ang ugat ng napakaraming alitan sa tahanan, paaralan, lugar ng trabaho, lipunan, at lokal na iglesia. Ang pagpapasakop sa awtoridad ay paraan ng Dios sa pagprotekta sa atin, pagpapaunlad sa atin, pagbubuklod sa atin, at paghubog sa atin sa pagiging katulad ni Kristo.
Hinding hindi ko makakalimutan ang pagkadismaya at pagkaasar na aking naramdaman isang Lunes ng umaga bilang isang guro sa Pilipinas. Ilang araw bago iyon, binigyan ko ang aming malapit nang magtapos na mga ministerial na mag-aaral ng isang simple, ngunit mahalaga, na huling takdang-aralin.Nilinaw ko na ang takdang-aralin ay kailangang ipasa sa Lunes ng umaga, na ang bawat mag-aaral ay dapat naroroon, at ang takdang-aralin na ito ay kinakailangan para sa pagtatapos. Sa aking pagkabigla, nang dumating ako para sa klase, nalaman kong tatlo sa aming mag-aaral na kasama sa mga magtatapos sa ministerial ay piniling lumiban ng klase at sa takdang aralin. Napagtanto ko na ang kanilang pagliban ay isang protesta laban sa pinaniniwalaan nilang isang “walang kwentang” takdang-aralin.
Umalis ako sa klase, at pinuntahan ko ang dormitoryo ng mga lalaki, at nakita ko ang tatlong mag-aaral na nakaupo sa isang silid at nagtatawanan at nagsasaya. Akala nila matalino sila. Akala nila magagawa nila ang gusto nilang gawin nang walang ibubunga. Naisip nila na ang takdang-aralin ay hindi mahalaga, at hindi nila ito kailangang gawin. Iba ang natutunan nila! Nagmatigas ako sa kanila dahil alam ko na hindi sila magiging kwalipikadong manguna sa kawan ng Dios hangga’t hindi nila natututunang sumunod sa isang pastol.Ang tatlong kabataan ay sumunod sa aking pagdisiplina, at pagkaraan ng ilang taon ay pinasalamatan nila ako. Dalawa sa mga kabataang iyon ay naging mga pastor.
Mga limitasyon ng Pagpapasakop – Kailan Nagiging Mapanira ang Pagpapasakop?
May mga pagkakataon na ang pagpapasakop ay nagiging mapanira at maaaring kailanganing tanggihan. Narito ang ilang mga alituntunin para sa talakayan:
(1) Ang pagpapasakop ay nagiging mapanira kapag ito ay maraming hinihingi at ginagamit sa pang-aabuso.
Dapat alisin ng mga asawang babae ang kanilang sarili mula sa mga mapang-abusong asawa at humingi ng tulong. Ang mga Kristiyano ay dapat lumayo sa mga pinuno na humihiling ng bulag na katapatan at walang pakialam na pagpapasakop. “Basta gawin mo ang sasabihin ko at huwag kang magtanong!” ay ang salita ng pang-aabuso, lalo na kapag sinasabi ito sa isang taong nasa hustong gulang. Marami sa panahon ngayon ang nasugatan ng ganitong uri ng pang-aabuso. Ang pagpapasakop ay hindi nangangahulugan na hindi na natin kailangang ipahayag ang ating opinyon,harapin ang mga problema, o pag-usapan ang mga kontrobersyal na paksa o usapin. Magagawa ang mga ito nang may diwa ng magalang na pagpapasakop.
Ang pagpapasakop, tulad ng pagmamahal, ay parang isang regalo na ibinibigay natin sa isa’t isa bilang paggalang kay Kristo. Mahina ang isang pinuno kung kailangan pa niyang humingi ng pagpapasakop. Kapag ang ating awtoridad ay nagmula sa Dios, hindi na natin ito kakailanganing hingin. Ipagtatanggol ng Dios ang kanyang mga itinalagang pinuno. Ang Dios ang makikipaglaban sa kanilang pakikidigma. Bibigyan sila ng Dios ng espiritual na awtoridad na kusang susundin ng iba.
Natutunan nina Aaron at Miriam sa mahirap na paraan na ipagtatanggol ng Dios ang mapagpakumbabang pinuno. Sila ay nagsalita ng paghihimagsik laban sa pamumuno ni Moises dahil sa mga kapintasan na nakita nila sa kanyang pamilya.[22]Ang kanilang pag-aalsa ay nagsimula nang hindi nila magustuhan ang pag-aasawa ni Moises at humantong sa pagbatikos sa awtoridad ni Moises: “Sa pamamagitan lang ba ni Moises nagsasalita ang Panginoon? Hindi ba’t sa pamamagitan din natin?” Hinarap ni Moises ang problemang ito sa pamamagitan ng pagtahimik at hayaan ang Dios ang umayos nito.[23]
(2) Ang pagpapasakop ay nagiging mapanira kapag ito ay naging panakip para sa kasalanan ng ibang tao.
Sa Gawa 16:37, tumanggi si Pablo na sumunod sa isang utos dahil ito ay idinesenyo upang pagtakpan ang kasalanan. Kung ang anumang awtoridad ay humihiling na pagtakpan natin ang kanilang kasalanan o makibahagi sa kanilang kasalanan, mayroon tayong karapatan at obligasyon na tumanggi sa pagpapasakop.
(3) Ang pagpapasakop ay nagiging mapanira kapag ang pagpapasakop sa batas ng tao ay naglalagay sa atin sa paglabag sa Salita ng Dios.
Nang hilingin ng mga opisyal mula sa Sanhedrin na huwag nang magturo o magsalita si Pedro at Juan patungkol kay Jesus, magalang silang tumugon, “Kayo na ang humatol kung alin ang tama sa paningin ng Dios, ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Dios. Hindi maaaring hindi namin ipahayag ang aming nakita at narinig.”[24]
(4) Ang mga limitasyon ng pagpapasakop ay hindi palaging madaling tukuyin.
Ang pagtuturo sa paksang ito ay palaging mahirap dahil may kinalaman ito sa mga relasyon ng tao, at ng mga relasyon ay ginagawang kumplikado ng mga kasalanan. Ang mga tao ay may kapintasan, kabilang ang mga pangulo, mga diktador,mga direktor, asawa, tagapamahala, atbp. Dapat bang magpasakop ang isang mamamayan sa kanilang pamahalaan kahit na ito ay tiwali? Dapat bang kumilos nang may paggalang ang isang empleyado sa kanyang amo kahit hindi ito kagalang-galang? Si Richard Foster ay nagbigay sa atin ng isang matalinong pananalita para dito:
Minsan ang mga limitasyon ng pagpapasakop ay madaling matukoy. Ang isang asawa ay hinihilingan na parusahan ang isang bata nang hindi makatwiran. Hinihiling ng isang bata na tulungan ang isang matanda sa isang pamamaraang labag sa batas. Ang isang mamamayan ay inuutusan na labagin ang sinasabi ng Banal na Kasulatan at ng budhi para sa kapakanan ng Estado (ng pamahalaan). Sa bawat pagkakataon, tumatanggi ang mga disipulo, hindi sa mayabang na paraan, kundi sa pamamagitan ng espiritu ng kaamuan at pagpapasakop.
Kadalasan ang mga limitasyon ng pagpapasakop ay napakahirap tukuyin. Paano naman patungkol sa buhay-may asawa na nakadarama ng pagpigil at umiiwas sa personal na pagtupad dahil sa propesyonal na trabaho ng kanyang asawa? Ito ba ay isang lehitimong paraan ng pagtanggi sa sarili, o ito ba ay mapanira? Paano naman ang guro na hindi makatarungan ang pagbibigay ng marka sa mag-aaral? Ang mag-aaral ba ay nagpapasakop o lumalaban? Paano naman ang employer na nagbibigay ng mas mataas na posisyon sa kanyang mga empleyado na ang nagiging batayan ay ang pagiging paborito? Ano ang ginagawa ng mga pinagkaitang empleyado, lalo na kung ang pagkakalagay sa mas mataas na posisyon ay kinakailangan upang mapabuti ang kalagayan ng kanyang pamilya?
Ang mga ito ay masalimuot na mga katanungan dahil ang mga relasyon o kaugnayan ng mga tao ay kumplikado. Ang mga ito ay mga tanong na hindi nagbubunga ng mga simpleng sagot. Wala tayong maituturing na isang batas sa pagpapasakop na sumasaklaw sa bawat sitwasyon. Dapat tayong magkaroon ng lubos na pag-iingat sa lahat ng mga kautusan na naglalayong pangasiwaan ang bawat pangyayari....
Sa pagtukoy sa mga limitasyon ng pagpapasakop, tayo ay [inilagay sa] isang malalim na pag-asa sa Banal na Espiritu.[25]
► Maglaan ng ilang sandali upang talakayin ang mga limitasyong ito ng pagpapasakop. Marahil ay may mga limitasyon na idaragdag mo o mga patotoo na maaari mong ibahagi sa mga panganib ng bulag na pagpapasakop.
Mga Praktikal na Payo para sa Pagsasanay ng Pagpapasakop
[26]Kung ikaw ay isang mag-aaral sa kolehiyo o nagtatrabaho para sa isang ministeryo o kumpanya, palaging may mga patakaran at tuntunin sa institusyon na dapat sundin. Ugaliing panatilihing gawin ang mga ito. Huwag kaligtaan ang ibang mga bagay.
Hilingin sa Banal na Espiritu na turuan ka kung paano bumuo ng isang mas masunurin na saloobin sa awtoridad.
Matutong magpakumbaba sa mga nakapaligid sa iyo sa halip na ipaglaban ang iyong mga karapatan.
Sanayin ang iyong sarili na magpasakop sa maliliit na ordinansa: “Iwasan,” “Huwag magkalat,” atbp.
Magbalik-aral sa Banal na Kasulatan tungkol sa pagpapasakop sa leksiyong ito at hilingin sa Panginoon na tulungan kang malaman kung paano ito ilalapat sa iyong buhay.
“Ang disiplina ng paglilingkod ay nagbibigay kakayahan sa atin na magsabi ng “HINDI!/AYAW!” sa mga paligsahan ng mundo para sa promosyon at awtoridad.”
– Richard Foster
At sinabi niya sa kanila, “Pinipilit ng mga hari ng mga Hentil na sila’y ituring na panginoon ng kanilang nasasakupan.... Ngunit hindi ganoon ang dapat mangyari sa inyo; Sa halip, ang pinakadakila ang dapat lumagay na pinakamababa, at ang namumuno ay maging tagapaglingkod.”[1]
Ang disiplina ng paglilingkod ang magsasanay sa atin sa mas malalim, mas maging katulad ni Kristo na pagpapakumbaba. Sa mga pastor, guro, musikero, at ordinaryong mga Kristiyano sa pandaigdigang iglesiaang inggit ay isa sa mga pinaka-nakakalason na kasalanan na nakaugat sa puso ng tao. Maraming beses na hindi natin napapansin ang nakamamatay na presensya nito. Nasasaktan ka ba kapag hindi ka kinikilala at pinaparangalan sa paraang nais mo o tingin mong nararapat sa iyo? Naiinis ka ba kapag ang iba ang nakakuha ng kredito para sa trabaho na nagawa mo? Nahihirapan ka bang magalak sa mga tagumpay ng iba? Lihim ka bang natutuwa kapag nabigo ang iba? Nai-insecure ka ba kapag napupuri ang iba? Kapag nagtatanghal ang iba, nagtatanim ka ba ng mga lihim na pag-iisip na maaaring mas mahusay ang magagawa mo? Ang disiplina ng paglilingkod ay magdadala sa atin pabalik kay Jesus, ang perpektong modelo ng isang mapagpakumbabang paglilingkod.
Sa ilang antas, lahat tayo ay natutukso sa mga ganitong paraan. Natutukso tayong mainggit sa mas magandang buhay na sa tingin natin ay mayroon ang iba. Natutukso tayong pagnasahan ang mga posisyon, mga regalo, pagkilala sa pangalan, pananamit, asawa, kongregasyon, at uri pamumuhay ng iba.Ang ating pagnanasa na makipagpaligsahan para sa katanyagan ay masusunog lamang para maalis sa ating kalikasan sa pamamagitan ng Pentekostes, gamit ang makasusunog na apoy ng Banal na Espiritu.[2]Ngunit kahit tapos na ang Araw ng Pentecostes, dapat nating linangin ang mapagpakumababang pag-iisip ni Kristo – ang pag-iisip ng isang alipin.
Pagtukoy sa Disiplina ng Paglilingkod
Ang disiplina ng paglilingkod ay ang paglinang ng kaisipan at pagkilos ng isang lingkod sa bawat panahon ng buhay. At tinukoy ni Jesus kung ano ang isang alipin. Siya ay mas dakila kaysa sa iba, nagpapasakop ng higit sa iba, at ginagawang mas mababa ang kanyang sarili kaysa sa iba.
► Basahin ang Filipos 2:5-11 nang magkakasama.
Itinuturo sa atin ng Filipos na ang buhay ng isang alipin ay nagsisimula sa kaisipan ng isang alipin.
[3](1) Ang isang alipin ay nailalarawan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pagpapakumbaba, at hindi itinataas ang kanyang sarili.
Umiral si Jesus sa “anyo bilang Dios” (6a). Taglay ni Jesus ang “kinakailangang katangian ng isang Dios.”[4] Sinasabi ng Hebreo na, “Siya ang kaningningan ng kaluwalhatian ng Dios at ang eksaktong kopya ng kanyang kalikasan.”[5] Inangkin ni Jesus, “Ako at ang aking Ama ay iisa,” at “Kung nakita ninyo ako, nakita na rin ninyo ang Ama…Hindi ba kayo sumasampalataya na Ako ay nasa Ama at ang Ama ay sumasaakin?”[6]
Ngunit hindi ibinilang ni Jesus ang “pagiging kapantay ng Dios bilang isang bagay na dapat hawakan” (6b).[7] Kung sino ang Dios, gayon din si Jesus; gayunpaman,hindi siya kumapit dito. Sa lahat ng kahulugan, si Jesus ay kapantay ng Dios. Siya mismo ang nagsabi ng pagkakapantay-antay na ito para sa kanyang sarili, at dahil dito ay kinasuklaman siya ng mga Hudyo: “Ikaw bilang isang tao ay ginagawa mo ang iyong sarili na kaantay ng Dios,”[8] at si Tomas ay sumamba sa kanya: “Aking Panginoon at Aking Dios.”[9] Inilarawan ng manunulat ng Hebreo si Jesus bilang “eksaktong kopya” ng pagka-Dios ng Ama, isang salitang ginagamit sa pag-ukit sa kahoy, pag-ukit sa metal, pagtatatak sa balat, pagtatatak na nakatago, paglalagay ng disenyo sa luwad, at pagtatatak sa isang barya. Si Jesusang Dios na nagkatawang tao!
[10]“Ginawa ni Jesus ang kanyang sarili na walang reputasyon” (7a). Ang mga salitang “ginawa ang kanyang sarili” ay nagmula sa salitang Griyego na “kenosis,” na isinalin “binakante ang kanyang sarili,” o “isina-isantabi.” Nangangahulugan ito na kahit hindi isinuko ni Kristo Jesus ang kanyang pagka-Dios, sa loob ng ilang panahon ay isinantabi niya ang mga karapatan at mga pribilehiyo ng kanyang banal na katangian. Bagama’t hindi kailanman isinuko ni Kristo Jesus ang kanyang pagka-Dios, sa loob ng ilang panahon ay pinili niyang itabi ang kanyang maharlikang kasuotan at isinuot ang mga basahan ng sangkatauhan. Sinabi ni John Wesley, “Bagama’t siya ay nanatiling Dios,[11] gayon pa man ay tila iniwan niya ito; sapagkat tinakpan niya ang kanyang buong pagka-Dios mula sa paningin ng mga tao at mga anghel.”
Hindi kailanman magbabago ang kakayahan at pagkakakilanlan ni Jesus; ngunit para sa mga layunin ng pagtubos, naging handa siyang isantabi ang kanyang katangian at karangalan at reputasyon upang maging mahina at walang magawa at maging katulad ng karamihan, pang karaniwan, at kulang sa pribilehiyo. Ito ang puso ng isang lingkod at ang ating halimbawang dapat sundin.
Habang pinag-iisipan ko kung ano ang isina-isantabi ng ating Panginoon, napipilitan akong makita ang kahangalan ng mga bagay na aking kinakapitan at pinoprotektahan bilang aking karapatan. Madalas ba tayong nag-aalala tungkol sa iisipin ng ibang tao – ating reputasyon o magkaroon ng maayos na pakiramdam – sa halip na gawin ang tamang bagay? Panginoon, ilagay mo sa amin ang mapagpakumbaang isipan ni Jesus! Ang paraan ng pag-iisip ni Jesus ay isang malakas na pagsaway sa iba’t-ibang makasariling ambisyon sa bawat tao.
(2) Ang tunay na alipin ay nailalarawan sa pamamagitan ng ganap na debosyon sa kalooban ng kanyang panginoon.
Si Jesus ay “nag-anyong alipin” (7b). Ang pagiging isang “alipin” ay nasa pinakamababang kalagayan ng buhay. Ang isang alipin ay nabubuhay para lamang sa kalooban ng kanyang panginon.
Nang dumating si Jesus sa mundo, isinukoniya ang kanyang kalooban sa kalooban ng kanyang Ama at piniling mamuhay ng mapagpakumbabang pagtitiwala. Hindi niya iniisip ang tungkol sa personal na kalalagayan o kung gaano kalaki ang mapapala niya. Ang pag-iisip ng isang alipin ay katulad ng isang katiwala na ang tagumpay ay natatagpuan sa pangangalagala para sa mga bagay na nakalulugod sa Panginoon. Mag-ingat sa pag-iisip sa paraang katulad ng ginawa ng aming maliit na anak na pitong taong gulangna si Timothy, ilang taon na ang nakalilipas. Nang kinailangan kong umalis ng bahay, sinabi Ko, “Anak, babalik si Tatay pagkalipas ng ilang oras, at sa pagbabalik ko ay dapat malinis na ang iyong kwarto.”“Opo, Tatay!” masayang sagot niya. Pagbalik ko, sinalubong niya ako ng may malaking ngiti at sinabing, “Tingnan mo, Tatay, hinugasan ko lahat ng pinggan sa lababo!”“O, mabuti yan,” ang tugon ko. “Naglinis ka rin ba ng kwarto mo?” bigla siyang yumuko, at nawala ang kanyang mga ngiti.“Uhm... hindi po tatay.”“Dahil diyan ay alam mo ang kahihinatnan ng hind mo pagsunod,” malungkot kong sinabi. Itinuwid ko ang aking anak dahil mas pinili niya ang kanyang sariling paraan/landas ng pagsunod, na ginawa ang kanyang “sakripisyo” na parang isang makasariling pagkilos ng paghihimagsik. Maaaring pinalakpakan ng iba ang kanyang mga ginawa, ngunit mas alam ko ang tungkol sa bagay na ito. Ang kwentong ito ay nagpapaalala sa atin na kahit ang pinakamasigasig na pagpupursigi sa ating pansariling hangarin ay isang paghihimagsik laban sa Dios. Ginagawa ng alipin ang kalooban ng kanyang panginoon.
(3) Ang isang tunay na lingkod ay handang makibahagi sa mga kahinaan ng mga taong kanyang paglilingkuran.
Itinuro ni Pablo na si Jesus ay dumating “sa pagiging isang tao,” at “sa anyo ng isang alipin” (7b-8a). Nangangahulugan ito na kinuha ni Jesus ang lahat ng mahahalagang katangian ng pagiging tao. Kay Kristo, nagpakababa ang Dios mula sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, upang maging katulad natin, upang maranasan ang ating sakit, magdusa gaya natin, at tuksuhin tulad natin. Bakit niya iyon ginawa? Dahil sa pag-ibig![12] Para maging kapalit natin! Upang makiramay sa ating mga kahinaan:
“Dahil ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila’y may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan.”[13]
“kaya’t kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan, upang siya’y maging siyang Pinakapunong Pari na mahabagin at tapat na naglilingkod sa Dios at nag-aalay ng handog para mapatawad ang mga kasalanan ng tao.”[14]
“Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma’y hindi siya nagkasala.”[15]
Kay Jesus, ang Dios ay naging ganap na tao. At ang pag-iisip ni Kristo ay isang pagpayag na makibahagi sa kahirapan, kagutuman, pagkauhaw, kawalan ng tahanan, pagkahapo, galit, kalungkutan, pananakit ng katawan, pagtataksil, at maging emosyonal na kawalang pag-asa para sa kapakanan ng iba. Sa hardin ng Gethsemane, si Jesus ay halos mamatay sa lungkot na kanyang nadarama upang maranasan natin ang pagtubos.[16] Tinanggap niya ang mga pagsaway, pangungutya, poot, galit, at pagmamataas na dapat ay para sa atin. At gayon pa man, siya ang pinakamasayang tao na nabuhay.[17] Ito ang hitsura ng pagiging lingkod. At tayo ay dapat magkaroon ng parehong pag-iisip. Posible ba ito?
Ang Paglilingkod na Katulad ng kay Kristo sa Pamamagitan ng Disiplina at Pagsisikap ng Tao na Pinapagana ng Biyaya
Ang kabababaang-loob ni Kristo ay napakalalim, napakalawak; ngunit tayo ay natutukso ng pagiging makasarili. Ang mga tinawag upang maglingkod ay hindi lamang nangangailangan, ngunit kadalasan ay makasarili, bastos, at walang utang na loob, at kung minsan ay nagpapakita ng napakaliit na konsiderasyon sa ating pagod at pangangailangan ng pag-iisa. Kadalasan tayo ay napipintasan. Ang ating pakikipag-usap ay kadalasang nahihinto at ang ating mga ginagawa ay napuputol ng kanilang mga utos at mga biglaang pangangailangan. Kung wala ang pag-iisip ni Kristo, mawawala sa atin ang kanyang pusong malambing at disposisyon na may kagalakan; at ang ating mga ministeryo ay higit na mailalarawan sa pagkamayayamutin kaysa pagpapakumbaba. Kaya paano natin matatanggap ang pag-iisip na ito?
(1) Ang pag-iisip ng isang alipin ay nalilinang sa pamamagitan ng disiplina.
Sinabi ni Pablo sa ikalawang sulat sa mga taga Filipos na dapat nating “hayaan” na magkaroon tayo ng pag-iisip na ito. Ang kahulugan ng salitang ginamit niya ay upang lasapin, upang lubos na pahalagahan. Upang itakda ang pagmamahal sa isang tao, upang pahalagahan ang isang bagay na higit sa iba. Ito ang dapat gawin ng bawat Kristiyano. Sa pang-araw-araw na buhay, kasama ang lahat ng hamon nito, dapat nating piliin ang pamamaraan ni Jesus kaysa sa ating sariling kagustuhan!
(2) Ang kaisipan ng isang alipin ay dapat tanggapin ng mapagpakumbaba.
Hindi nating kayang likhain ang isip ng isang lingkod. Dapat nating hayaan ang Banal na Espiritu na kumilos at buuin ito sa atin araw-araw. Dahil si Kristo ay nananahan sa atin ngayon sa pamamagitan ng kanyang Espiritu, mayroong isang diwa kung saan ang bawat mananampalataya ay mayroon nang pag-iisip ni Kristo; ngunit dapat tayong magpasakop dito. Dapat nating piliin na magkaroon nito sa pamamagitan ng biyaya.
|
Paano Malalaman ang Paglilingkod sa Sariling-Katuwiran Mula sa Tunay na Paglilingkod[18] |
|
|---|---|
|
Paglilingkod sa Sariling-Katwiran |
Tunay na Paglilingkod |
|
Mula sa pagsisikap ng tao. |
Bumubukal mula sa ating Relasyon sa Dios. |
|
Naaakit ng malaking usapan. |
Hindi mahalaga kung malaki o maliit. |
|
Humihingi ng panlabas na gantimpala. |
Nasisiyahan na kahit ito ay nakakubli at hindi nalalaman ng iba. |
|
Masyadong nag-iisip tungkol sa mga resulta. |
Hindi kinakailangang sukatin ang mga resulta. |
|
Pinipili kung sino lang ang paglilingkuran. |
Pinaglilingkuran ang lahat. |
|
Apektado ng mga moods/nararamdaman. |
Dinidisiplina ang sarili upang tugunan ang pangangailangan kahit pa ito ay mahirap gawin. |
|
Pansamantala. |
Paraan ng pamumuhay. |
|
Hindi sensitibo, ipinipilit ang paglilingkod kahit hindi hinihingi/kinakailangan. |
Maaaring itigil ang paglilingkod kung kinakailangan. |
|
Sinisira ang katawan ni Cristo. |
Nagtatatag ng pagkakaisa sa katawan ni Cristo. |
Ang Premyo ng mga Tagapaglingkod
Tinatapos ko ang leksiyong ito sa isang taos-pusong liham na isinulat ko ilang taon na ang nakararaan sa mga pastor na napaglingkuran namin sa Pilipinas. Itinatala nito ang maraming gawain ng paglilingkod na nasaksihan namin sa kanila sa pagdaan ng mga taon, ipinapakita ang maraming paraan na ang mga Kristiyano ay makapaglilingkod sa isa’t-isa, at tumatanaw sa isang araw sa hinaharap kung saan ang ating paglilingkod ay mabibigyan ng gantimpala.
Mahal kong mga Kapatid,
Marami sa inyo na mga pastor at manggagawa ang mabuting naging halimbawa sa pag-iisip ni Cristo sa aming pamilya, at natutuhan namin ang mga hindi kapani-paniwalang espirituwal na leksiyon sa pamamagitan ng inyong pananampalataya.
Nang kayo’y matiyaga at mapagmahal na nangalaga para sa isang batang may kapansanan na hindi kailanman magagawang magpasalamat sa inyo, nangalaga sa isang kabiyak sa loob ng mahabang panahon ng pagkakasakit hanggang sa ang Dios ay gumawa ng mahimalang pagpapagaling, bumalik upang maglingkod sa kongregasyon na nakasakit sa inyo, at pinabayaan ang Dios na wasakin ang inyong pagmamataas, at pagkatapos ay itaas kayo sa isang lugar ng espirituwal na awtoridad, ipinakita ninyo ang kaisipan ni Cristo.
Nang inyong gantihan ng kabutihan ang kasamaan, matapat na nagtrabaho nang walang pagkilala o pagpapahalaga, nangalaga sa mga balo at mahihirap sa inyong kalipunan, masayang naglingkod sa Panginoon nang wala ang nurturing pagmamahal at suporta ng isang kasama, ipinahintulot ang mga nakaraang pagkakamali na humble sa inyo at gawin kayong mga tao ng panalangin at pagkasi na kalagayan ninyo ngayon, ipinakita ninyo ang kaisipan ni Cristo.
Nang walang pagbabagong ibinigay ninyo sa Panginoon ang inyong pinakamabuti sa kabila ng krisis at kahirapan, nanindigan para sa katotohanan at katuwiran kahit na ito ay hindi popular, iniwan ang inyong ibang gawain upang ilaan ang inyong sarili sa ministeryo, naglingkod sa Dios ng matahimik at kababaang-loob sa iyong mapakumbabang lugar, ipinakita ninyo ang puso ng isang lingkod.
Itinala ng Langit ang inyong paglilingkod. Hindi ko halos mahintay ang araw na kayo ay kokoronahan ni Jesus! Nais kong naroon din ako kapag tinanggap ninyo ang inyong maluwalhating gantimpala sa pagsasabuhay sa kaisipan ni Cristo!
► Sa espasyo sa ibaba, isulat ang hindi bababa sa tatlong paraan na alam mo kung paano mapapaunlad ang puso ng lingkod. Maging bukas ang loob na gawin ang mga pagbabagong ito sa pamamagitan ng biyaya ng Dios at maging handa na ibahagi ang iyong patotoo sa inyong grupo sa inyong susunod na pagkikita.
| Tatlong Paraan Kung Paano Ako Magkakaroon ng Puso ng Tagapaglingkod |
|---|
|
|
“Walang limit sa magagawa ng Dios kapag nakatagpo siya ng lalaki o babaeng hindi binibigyang halaga kung sino ang pinararangalan, basta ang Dios lamang ang nabibigyang kaluwalhatian!"
(1) Kumuha ng pagsusulit batay sa materyal mula sa leksiyong ito.
(2) Maglaan ng hindi bababa sa tatlumpung minuto sa linggong ito para pagbalik-aralan ang leksiyon, kabilang ang mga reperensiya ng Kasulatan, at hilingin sa Banal na Espiritu ang malinaw na pag-unawa.
(3) Itala sa iyong journal ang anumang espesipik na pagbabago na dapat gawin sa iyong buhay, ayon sa ipinapahayag ng Panginoon sa iyo.
(4) Pagbulay-bulayan ang kahit man lang isang Awit sa iyong pang-araw-araw ng oras ng pagbubulay at itala sa iyong journal kung ano ang sinasabi ng salmista tungkol sa kalikasan at karakter ng Dios.
(5) Itala sa iyong journal ang isang pansariling panalangin para sa espirituwal na pagbabago at paglago batay sa leksiyong ito.
(6) Magsanay sa paggamit ng Pang-araw-araw na gabay sa Pananalangin ni Dr. Brown sa iyong pang-araw-araw na pansariling pananalangin.
(1) Anong talata sa Bagong Tipan ang nagbibigay sa atin ng tagubilin na ipahayag ang ating mga kasalanan sa isa’t-isa?
(2) Bumanggit ng limang paraan na inilalarawan ng Biblia ang kasalanan.
(3) Anong tatlong salita ng pagpapayo ang ibinigay ni Dr. Avery patungkol sa kasalanan?
(4) Paano magiging isang paraan ng pagsamba ang pagpapasakop sa awtoridad?
(5) Kailan nagiging mapangwasak ang pagpapasakop?
(6) Magbigay ng tatlong katangian ng tunay na paglilingkod.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.
Questions? Reach out to us anytime at info@shepherdsglobal.org
Total
$21.99By submitting your contact info, you agree to receive occasional email updates about this ministry.
Download audio files for offline listening
No audio files are available for this course yet.
Check back soon or visit our audio courses page.
Share this free course with others