Sa pagtatapos ng leksiyong ito,ang mag-aaral ay dapat na:
(1) Makayanang ipaliwanag kung ano ang paghubog ng espirituwal na buhay.
(2) Makayanang bumanggit ng mga suporta mula sa Biblia para sa paghubog ng espirituwal na buhay.
(3) Maunawaan at maipahayag ang mga kautusan bilang isang Kristiyano.
(4) Makayanang talakayin ang ilan sa mga hamon sa paghubog ng espirituwal na buhay.
Mga Larawan ng Buhay
Kamakailan lamang nakilala ng aming mga kapitbahay si Jesus, at nakakataba ng puso na panoorin silang lumago sa kanilang pananampalataya. Wala sa kanila ang lumaki sa isang Kristiyanong tahanan. Maging sinuman sa kanila ay walang karanasan na mapabilang sa isang iglesia. Ngunit kami ni Becky ay mas nahikayat na magpatuloy habang nakikita namin kung paano binabago at patuloy na binabago ng ebanghelyo ang kanilang tahanan. Hindi ko alam kung may nakilala na ako sa aking buhay ng ilang tao na may mas malalim na kagutuman para sa Salita ng Dios ng higit kina Danny at Kim.
Kamakailan ay nasa kalagitnaan kami ng isang pag-aaral sa Biblia sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Juan, na nagbibigay ng espesyal na pansin sa dalawang katanungan: “Ano ang sinasabi ng talatang ito tungkol kay Jesus?” at ang pangalawa, “Paano dapat baguhin ng pag-unawang ito kay Jesus ang ating buhay?”Biglang ipinaliwanag ni Kim, na may paniniwala sa kanyang tinig, “Nais kong maging katulad ni Jesus! Sa lahat ng aking ginagawa at sinasabi; at sa bawat bahagi ng aking buhay, ang nais ko lamang ay maging katulad niya!” Ito ay isang napakaespesyal, at maaaring isang sagradong pagkakataon, dahil hindi siya lumaking naririnig ang ganoong uri ng pangungusap. Ito ay isang natatanging sandali sapagkat ang patotoong ito ay pagpapahayag ng isang pananabik na inilagay ng Banal na Espiritu sa puso ni Kim sa pamamagitan ng kanyang Salita. Nakikita ni Kim at pati na rin ni Danny si Jesus bilang isang taong nakapanghihimok at kaakit-akit kaya’t nagkaroon sila ng paghahangad na maging katulad niya. Ito ang likas na pananabik ng dapat magkaroon ang bawat mananampalataya.
Ang Malaking Ideya
Ang layunin ng Dios para sa pagliligtas sa atin ay hindi lamang kapatawaran, kundi upang panumbalikin ang kanyang imahen sa atin.
Panimula
Ang Paghubog ng Espirituwal na Buhay ay isang kurso na idinisenyo para sa mga mananampalataya na nais na magbago at mabago. Ito ay isinulat para sa mga kalalakihan at kababaihan na ipinanganak na muli, hindi lamang para sa mga nagmamahal sa Dios mula sa isang pusong dalisay, kundi pati ang mga gustong mahubog patungo sa isang mas mataas na antas ng pagkakatulad sa imahen ni Kristo Jesus.
Karamihan sa atin ay hindi ganap na nasisiyahan sa kung nasaan tayo sa buhay espirituwal.(Ang banal na kawalang-kasiyahang ito ay dapat nakikita sa buhay ng lahat ng mananampalataya.) Sa bawat sulok ng mundo ang mga mananampalataya ay naghahangad ng mas malapit na paglakad kasama ng Dios. Ang paghahangad na ito ay naipahayag ng pinakamahusay sa panalangin ng salmista, “Kung paanong ang usa ay nauuhaw para sa tubig ng batis, sa gayon din ay nauuhaw ang aking kaluluwa para sa iyo, O Dios.”[1]
Sa pamamagitan ng paghubog ng buhay Espirituwal ang ating pagkauhaw para sa Dios ay masisiyahan sa pagtaas ng antas nito, sapagkat ang buhay ni Jesus ang nagbibigay ng lubos na kasiyahan sa ating pagkauhaw.
Ang mga tunay na Kristiyano ay nagnanais na lumago. Nais nating lumago sa ating pananampalataya. Nais nating lumakad nang mas malapit kasama ng Dios – isang higit na kamalayan sa presensya ng Dios sa mga kagalakan at kalungkutan sa buhay. Nais nating maging mas disiplinado at mapagpigil sa sarili. Nais nating maging mapagtiwala, mas masayahin, at higit na mapayapa.
[2]Marami sa atin ang nagnanais ng isang tuloy-tuloy na devotional life. Nais natin ng kalayaan mula sa takot at pagkabalisa. Nais nating maalis ang ilang matigas/masamang pag-uugali. Ang ilan ay nagnanais na mapagtagumpayan ang isang paulit-ulit/nakasanayang kasalanan. Lahat tayo ay nagnanais na maging mas mabunga, mas produktibo. Nais nating maging puno ng pagpapala at mayroong kabuluhan ang ating mga relasyon. Nais nating palaging ipakita sa ibang tao ang buhay ni Kristo. Karamihan sa mga Kristiyano na kilala ko ay nagnanais na mabago, ngunit marami ang hindi alam kung paano magbago. Marami ang nakakaramdam na sila ay tila nabalaho/nahinto! Marami ang itinatago na sila ay nahihirapan at nawawalan ng pag-asa na magbago mula sa kanilang kinalalagyang sitwasyon. Nag-aalok ang Paghubog ng Espirituwal na Buhay ng isang mapa para sa landas ng pagbabago na nais at kailangan natin.
Ang pagbabagong hinahangad natin ay magaganap sa pamamagitan ng pagiging disipulo, o kung ano ang tinatawag natin sa kursong ito na “Paghubog ng Espirituwal na buhay.” Ang iba pang nauugnay na mga termino ay ang “paglago sa kabanalan” at “progresibong pagpapakabanal.” Ang Paghubog ng Espirituwal na buhay ay kinabibilangan ng “pagsasa-ayos ng puso”[3] at kapwa krisis at isang proseso. Nangangailangan ito ng parehong “pagtalikod/pivotal” na pagbabago (o dramatikong sandali ng pagbabago) at mas mabagal at “unti-unting pag-unlad” para sa pagbabago.
[2]“Maraming tao ang nagnanais na magbago... ngunit marami sa kanila ang hindi naniniwala na ito ay maaaring mangyari. Pagkatapos ng maraming taon ng pagsubok at pagkabigo,sila ay namuhay sa buhay Kristiyano nang may matahimik na pagkabigo.”
– James Bryan Smith
Mga Pangunahing Talata sa Banal na Kasulatan na may Kaugnayan sa Paghubog ng Espirituwal na Buhay
2 Corinto 3:18, “Nguni’t tayong lahat, na naalis na ang talukbong, nagniningning sa ating mga mukha ang kaluwalhatian ng Panginoon, ang kaluwalhatiang iyan na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang siyang babago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo ay maging kalarawan niya (unti-unti)”[1]
Galacia 4:19, “Mga anak ko, dahil sa inyo’y minsan pa akong nagdaranas ng hirap tulad ng babaing nanganganak, hanggang sa ganap na mabuo si Kristo sa inyo.”[2]
Colosas 1:28, “Iyan ang dahilan kung bakit ipinapangaral namin si Kristo, ang lahat ay aming binabalaan at tinuturuan ng may buong kaalaman upang maiharap namin sa Dios ang bawat isa ng ganap at walang kapintasan dahil sa kanilang pakikipag-isa kay Kristo.”[3]
Efeso 4:13-14, “Hanggang makamtan natin ang iisang pananampalataya at pagkilala sa Anak ng Dios, at maging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Kristo. Nang sa gayon, hindi na tayo magiging tulad sa mga batang madaling matangay ng sari-saring aral. Hindi na tayo maliligaw ng mga taong ang hangad ay dalhin tayo sa kamalian sa pamamagitan ng kanilang katusuhan at panlilinlang.”[4]
Mula sa mga talatang ito sa Banal na Kasulatan, pati na rin mula sa marami pang iba, hinugot natin ang terminong “Paghubog ng Espirituwal na buhay.”
►Ayon sa mga talatang ito, ano ang pangwakas na layunin ng buhay Kristiyano? Ano ang ilan sa mga paraan upang maabot ang layuning ito na nabanggit sa mga talatang ito? Ayon sa talata sa Efeso, ano ang ilan sa mga resulta?
[1]Idinagdag ang pagbibigay-diin at teksto sa parenthesis.
Pagtukoy kung ano ang paghubog ng Espirituwal na Buhay
[1]Ang paghubog ng Espirituwal na buhay ay isang prosesong puno ng biyaya dahil sa proseso ng pagiging kawangis ni Hesu-Kristo alang-alang sa iba.[2]
Paghati-hatiin natin ang kahulugang ito sa tatlong bahagi – ang “mabiyayang proseso,” ang “imahen ni Kristo,” at “alang-alang sa iba.”
Ang Paghubog ng Espirituwal na Buhay ay isang Pagkilos ng Biyaya
Sa isang dako ay wala tayong magagawa upang baguhin ang ating sarili at maging katulad tayo ni Jesus. Gayunpaman marami tayong dapat gawin upang lubusan nating matanggap ang nakakapagpabagong biyaya mula sa Dios. Ang biyaya ay kabaligtaran ng sahod/pakinabang ngunit hindi kabaligtaran ng pagsisikap.
Sa buong mundo, binibigyang diin ng ilang simbahan ang biyaya nang walang bahid ng pagsisikap ng tao. Bibigyang-diin natin ang biyaya sa kursong ito. Lilinawin natin na ang bawat pagsulong sa buhay Kristiyano ay isang himala ng biyaya. Ngunit ang biyaya ay kinakailangang kinabibilangan ng isang kooperasyon sa pagitan ng Banal na Espiritu at ng Kristiyano.
Bilang isang halimbawa ng kooperasyon na kinakailangan sa pagitan ng biyaya at pagsisikap, isaalang-alang ang paraan ng pagkakasulat ng Banal na Kasulatan. Alam natin na “ang lahat ng nasusulat sa Banal na Kasulatan ay ibinigay sa pamamagitan ng gabay ng Dios.” Sa madaling salita, ang lahat ng nasusulat sa Banal na Kasulatan ay isang himala ng biyaya. Ginabayan ng Dios ang mga kalalakihan na sumulat, binigyan niya sila ng kakayahang makasulat, at pinangalagaan niya ang kanilang isinulat. Gayunpaman,ang ating Biblia ay hindi isang produkto ng biyayang walang-pagsisikap. Kung walang mga kalalakihan na naglaan ng kanilang pagsisikap sa pagninilay-nilay, pagkalap ng mga impormasyon, pagtingin sa iba pang mga talaan, pagsasaayos ng mga saloobin, at pagsusulat, malamang ay wala tayong Biblia.[3] Ang ating Banal na Kasulatan ay dumating sa pamamagitan ng pagsisikap na may gabay!
Sinabi ni Pablo ang isang katulad nito tungkol sa kanyang ministeryo: “Ako ang nagtanim, si Apollos ang nagdilig, ngunit ang Dios ang nagpapalago nito.”[4]
Ang Paghubog ng Espirituwal na Buhay ay isang Proseso
► Sa apat na pangunahing mga sipi sa paghubog ng Espirituwal na buhay na binanggit sa itaas, salungguhitan ang mga salitang “kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian,” “hanggang,” at“hanggang tayong lahat ay makarating.”
Ang mga talatang ito ay bumabanggit sa atin ng isang proseso at nagpapatuloy na aktibidad. Binanggit ni Pablo ang proseso ng pagtatanim, pagdidilig, at pagpapalago.[5] Binaggit din niya ang tungkol sa paglago sa pag-ibig,[6]sa pananampalataya,[7] at kaalaman.[8]Ang pagiging katulad ng imahen ni Kristo ay kamangha-mangha, bagaman kung minsan ay mabagal at hindi umuusad, ang paglalakbay ay nagtataglay ng mga pagkakataon ng mahahalagang pagsulong. Hindi tayo dapat panghinaan ng loob kapag nabigo tayo, sa halip ay pahintulutan nating sanayin at gawin tayong mapagpakumbaba ng mga pagkabigong ito.[9]
Ang paghubog ng Espirituwal na buhay ay nangyayari sa iba’t ibang bilis para sa bawat mananampalataya. Ang bilis ay naaapektuhan ng tindi ng pagnanais ng mananampalataya. Itinuturo ng Banal na Kasulatan, “Pinagpala ang mga may matinding hangarin na sumunod sa kalooban ng Dios sapagkat ipagkakaloob ito sa kanila.”[10] Hindi lahat ng mananampalataya ay mayroong parehong antas ng pagnanais na sumunod sa kalooban ng Dios.
Ang paghubog ng Espirituwal na buhay ay isang proseso sapagkat nangangailangan ito ng pagbabago ng isipan.
Hindi tayo nilikha ng Dios bilang isang robot o makinarya. Mahirap unawain dahil tayo’y nilikha bilang mga taong may kakayahang mag-isip, makaramdam, at pumili. Ang paghubog ng Espirituwal na buhay ay nagsisimula sa pamamagitan ng pagbabago ng isipan,[11] na nagdudulot ng pagbabago sa ating pagtingin/pagmamahal at natural na pagbabago sa ating mga pagkilos.
Ang aking kaibigan na si Blake Jones, kamakailan lang ay nagpapaalala sa akin na kapag ang sinasabi ni Pablo sa isang talata ay tungkol sa pagbabago sa “pagsasabago ng isipan,” ang salitang “pagsasabago” ay may dalang isang ideya ng pagpapabuti o pagsasa-ayos. Maaari nating isipin ang isang proyekto sa pagsasaayos ng isang bahay. Marami sa atin ang mayroong malinis na Espirituwal na tahanan at marahil may matibay na teolohikal na tahanan, ngunit mayroon pa ring mga bulok na bahaging kailangang palitan, mga baluktot na pamamaraan na kailangang ituwid, at mga bahaging pangit tingnan na kailangang mapaganda. Karamihan sa atin ay marahil nangangailangan din ng ilang bagong larawan ng Dios at ating mga sarili upang isabit sa dingding!“Ang ganoong uri ng pagsasaayos ay isang proseso,” sabi ni Blake. “Hindi ito tulad ng panonood ng mga maigsing palabas ng isang pagsasaayos ng isang bahay na maaaring matapos lamang ng sampung minuto at makikita mo na ang ipinagkaiba ng luma at ng bago. Sa halip ito ay ang patuloy na pagsasaayos ng ating isipan!”
Ang paghubog ng Espirituwal na buhay ay isang proseso na nangangailangan ng pagkakaroon ng mga mas mahusay na pagpili.
Hindi natin kusang matatanggap ang imahen ni Kristo sa pagtaas ng antas ng “kaluwalhatian”, ngunit sa pamamagitan ng patuloy na paghanap sa kanya.[12] Madalas kong sabihin sa mga kabataan na ang unang hakbang sa mas malapit na paglakad kasama ng Dios ay ang “pagbangon sa higaan tuwing umaga!” Nalalaman kong hindi tayo makakahanap ng tagumpay sa pamamagitan ng pagsunod sa agos ng tamad na pamamaraan ng ating likas na pagkatao sa halip ay sa pamamagitan ng paglangoy pasalungat sa agos sa pamamagitan ng biyaya ng Dios. Tulad ng sinasabi sa kasabihan, “Kung inuulit mo lang ang ginagawa mo palagi, palagi ka lang magiging katulad kung naging ano ka!”
“Ngunit isuot mo ang Panginoong Hesu-Kristo, at huwag ninyong pagbigyan ang laman upang masunod ang mga hilig nito.”[13]
Ang paghubog ng Espirituwal na buhay ay isang proseso sapagkat tayo ay hinuhubog ng mga karanasan sa buhay.
[14]Ang karanasan ay hindi dumarating nang sabay-sabay sa halip dumarating ito ng unti-unti bawat sandali. Karamihan sa karanasang ito ay masakit. Ipinaalala sa atin ni A.W. Tozer na, “May pag-aalinlangan kung lubusang magagamit ng Dios ang isang tao hanggang hindi siya nasusugatan ng malalim.” Ang patotoo/pagpapahayag ay pinahahalagahan ng lahat. Ngunit ang mga panahon ng kahirapan, ang matitinding hangin ng pagsubok at kahirapan, ang mga hindi makatarungang salita ng isang kalaban, at ang madilim na gabi ng kaluluwa ang higit na humuhubog sa atin.
Kamakalawa ang isa sa aking anak na babae ay ipinahayag ito na puno ng damdamin, “Hindi na ako makapaghintay na lumaki!” Alam natin ang pakiramdam. Ngunit hindi nagmamadali ang Dios pagdating sa ating espirituwal na paglago. Tulad ng isang ama na nasisiyahan sa kanyang mga anak sa bawat yugto ng kanilang paglago, kaya’t ang ating Ama sa langit ay nasisiyahan sa ating ngayon –kung ano tayo, hindi kung ano ang mararating natin sa hinaharap! Marahil ito ang isa sa mga pinakamahirap na katotohanan para ating paniwalaan at tanggapin.
Isang manunulat ang nagsaad,
Ang Bagong Tipan ay puno ng ideya ng paglago....Ang mga himala, ang pambihirang pagpapabilis ng proseso, na nagpapakita na ang Dios ay may sapat na makapangyarihan upang gawin ang kanyang nais sa kahit paanong paraang gusto niya. Ang paglago, bilang ordinaryong paraan ng mga bagay na nangyayari sa mundo, ay nagpapakita ng paraan ng karaniwang pagpili ng Dios upang kumilos sa mundo. Kung ipinipilit natin na ang paghubog ng Espirituwal na buhay ay nangyayari lamang kapag may mga dumating na matinding pagsubok, nililimitahan natin ang Dios at hindi pinapansin ang kanyang soberanyang pagpili.[15]
Ang Paghubog ng Espirituwal na Buhay: Ang Pagiging Katulad sa Imahen ni Kristo
►Sa apat na pangunahing talata sa paghubog ng Espirituwal na buhay, bilugan ang mga salitang: “sa parehong imahen,” “Si Kristo ay mabuo,” “ang bawat tao ay perpekto dahil kay Kristo Jesus,” at “sukatan ng taas ng kapuspusan ni Kristo.”
Ang imahen ng Dios: Ang layunin ng Dios para sa Kristiyano
Ang tao ay nilikha sa imahen ng Dios: “Kaya’t nilikha ng Dios ang tao ayon sa kanyang sariling wangis; sa pamamagitan ng wangis ng Dios ay nilikha niya siya; lalake at babae nilikha niya sila.”[16] Ang tao ay nilikha bilang isang salamin ng katangian ng Dios at bilang kanyang minamahal na kinatawan sa mundong kanyang nilikha. Ang mga ito ay kanyang “pinagpala” at binigyan ng “mabungang” buhay.[17] Ang kanilang buhay ay buhay na hindi makasarili, matalik na relasyon, maligaya at walang ipinagbabawal na pakikipag-ugnayan sa kanilang Manlilikha at sa isa’t-isa.[18]
Nang si Adan at Eba ay nahulog sa pamamagitan ng kasalanan, ang imahen ng Dios ay napinsala (ngunit hindi lubusang nawasak). Sila ay naging mapag-alalahanin sa kanyang katayuan, naging makasarili, at nahiwalay sa pakikipag-ugnayan sa Dios. Ngunit, mula sa napakawalang pag-asang sandaling iyon, sinimulang ipatupad ng Dios ang kanyang mabiyayang plano upang maibalik ang mga taong kanyang minamahal upang maibalik sa kanyang imahen.[19]
Ang layunin ng Dios, gayunpaman, hindi lamang ang kapatawaran ngunit ang ganap na pagpapanumbalik ng imahen ng Dios. Ang kapatawaran – pagpapanumbalik ng ugnayan – ay agaran, habang ang pagpapanumbalik ng imahen ng Dios ay isang proseso.
Ang layunin ng Dios para sa bawat mananampalataya ay upang maging kung ano tayo ayon sa layunin ng pagkakalikha sa atin – bilang mga taong nagtataglay ng imahen ni Kristo, na siyang imahen ng Dios; ito ang mga taong nagpapakita ng kanyang magandang katangian at namumuhay sa bawa’t sandali bilang kanyang kinatawan sa mundo. Ngunit paano tayo makakarating doon? Ang kursong ito ay dinisenyo bilang isang roadmap para sa iyong paglalakbay.
Si Kristo Jesus: ang imahen ng hindi nakikitang Dios
“Ang Anak ay ang larawan ng di-nakikitang Dios,ang panganay sa lahat ng mga nilalang.”[20]
“Binulag ng dios ng kapanahunang ito ang isipan ng mga hindi nananampalataya, upang hindi nila makita ang ilaw ng ebanghelyo na nagpapakita ng kaluwalhatian ni Kristo, na siyang larawan ng Dios.”[21]
“Ang Anak ay ang nagniningning na kaluwalhatian ng Dios at ang eksaktong representasyon ng kanyang pagka-Dios, na siyang nag-iingat sa lahat ng bagay sa mundo sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita.”[22]
Ipinaaalala sa atin ng mga talatang ito na si Jesus ay ang larawan ng di-nakikitang Dios, kay Jesus ay makikita natin nang perpekto ang uri ng taong nais ng Dios sa pagkakalikha niya sa atin. Si Jesus ang perpektong halimbawa ng Espirituwal na kaganapan sa gulang/spiritual maturity.
Ang imahen ni Kristo ay Espirituwal na Kaganapan sa Gulang/Maturity.
Ang imahen ni Kristo ay ang tinutukoy ng Biblia kapag nababanggit ang Espirituwal na maturity/kapanahunan. Ang Espirituwal na kapanahunan, o pagiging perpekto sa Espirituwal na buhay,ay simpleng “ang sukat ng antas ng kapuspusan ni Kristo.”[23]
Hinikayat ni Pablo ang mga mananampalataya sa Roma na tingnan sa ibang anggulo ang kanilang mga pagdurusa, sapagkat ang lahat ng bagay ay nagkakalakip-lakip upang hubugin tayo sa larawan ni Kristo.[24] Ang “lahat ng mga bagay” ay kabilang ang ministeryo, buhay pamilya, pagkakasakit, kahirapan, kasaganahan, hidwaan, pag-uusig, kalamidad, tagumpay, kapahamakan, at kalungkutan. Ang layunin ng Dios para sa lahat ng bagay upang gawin tayong katulad ni Jesus.
Si Jesus ay ang perpektong tao at ating dakilang halimbawa. Ang Bagong Tipan ay puno ng magagandang larawan ni Jesus. Nakita natin siya na nag-aayuno at nananalangin sa disyerto, nakahilig sa mesa kasama ng mga makasalanan, kinandong ang mga bata, naupo sa mabuhanging dalampasigan habang nagluluto ng isda para sa kanyang mga alagad, naghawak ng pamalo at nanindigan para sa mga pinahihirapan sa espiritu, pagpapatotoo sa isang nauuhaw na babae sa isang balon, pagpapakain sa mga nagugutom, paglalakad sa isang daan papuntang Emmaus kasama ng dalawang alagad na pinanghihinaan ng loob at pagpapaliwanag ng mga Banal na Kasulatan, at maging ang pagkapako sa krus. Ang mga larawang ito at marami pang iba ay nagbibigay sa atin ng pananaw sa uri ng mga Kristiyanong dapat tayong maging.
Ang Kristiyanong pagdidisipulo ay ang pagiging katulad sa kababaang-loob ni Jesus,[25]ang kanyang mapagpakumbabang pag-ibig sa mga kulang pa sa gulang na mga mananampalataya,[26]ang kanyang nakatutubos na pag-ibig sa mga makasalanan,[27]ang kanyang kahinahunan,[28]ang kanyang perpektong balanse ng biyaya at katotohanan,[29] at ang kanyang masayang pagtitiis sa gitna ng pagdurusa,[30]ang kanyang pagsunod hanggang sa kamatayan,[31]ang kanyang kapuspusan ng Banal na Espiritu,[32]ang kanyang tagumpay laban sa kasamaan,[33]at marami pang iba.
Ang Kristiyanong pagdidisipulo ay ang pagiging katulad din sa mga prayoridad niJesus –ang kanyang pangangaral ng ebanghelyo,[34]ang paggawa ng mga alagad,[35]ang pagtatanggol sa inaapi,[36]ang kanyang ministeryo sa mga mahihirap na kinalimutan ng lipunan,[37]at marami pang iba.
Ang imahen ni Kristo ay nakikita sa kanyang mga katangian.
Sa sulat sa mga taga-Efeso, iniutos ni Pablo sa mga Kristiyano na sundan ang mga halimbawa ni Jesus sa pamamagitan ng “pagtulad sa Dios bilang mga minamahal na anak.”[38] Pag-isipan natin ng ilang sandali ang mga katangian ni Kristo Jesus na dapat nating tularan (halimbawa: pag-ibig, kabaitan, kahinahunan, pagpipigil sa sarili, atbp.).
►Tingnan ang mga sumusunod na sanggunian at tingnan kung maaari mong mailista ang hindi bababa sa walong katangian ni Jesus na nais ng Dios na mabuo sa atin.[39]
► Talakayin bilang isang pangkat ang mga katangiang ito. Bakit may posibilidad na bigyang-diin natin ang ilang mga katangian bilang Kristiyano at hindi ang iba pa?
Ano ang hitsura ng imahen ni Kristo sa mga mananampalataya
Mayroong isang makapangyarihang larawan ng imahen ni Kristo na binanggit sa Colosas 3:10-17. Sa talatang ito ay inilarawan ni Pablo ang “imahen ng Dios,” na siyang “nilikha” sa atin, ngunit dapat din nating “isuot.”
►Basahin ang Colosas 3:10-17 nang magkakasama at subukang tuklasin ang mga katangian ng “bagong pagkatao.” Isulat ang mga katangiang ito sa puwang na ibinigay.
Mga Katangian ng“Bagong Pagkatao”
Ang buhay ng Panginoong Jesus ay ang nag-iisang buhay na makakapagbigay kasiyahan sa banal na pagnanais ng Dios para sa kanyang mga anak. Wala sa ating katuwiran o anumang pinakamahusay na pagsisikap ang makapagbibigay ng lubusang kasiyahan sa matuwid na hinihingi ng Dios o upang maging karapat-dapat tayo sa kanyang pagpapala.[40]
Ang Paghubog ng Espirituwal na Buhay ay para sa Kapakanan ng iba
Ang pakikibahagi sa magandang buhay ni Kristo Jesus ay nagdadala sa atin sa isang nagpapatuloy na pagtaas ng kasiyahan sa Dios. Hindi ito isang kasiyahan na narating natin ng mag-isa, o isang bagay na mag-isa nating ikinasisiya.“Tayo ay hinuhubog patungo sa imahen ni Kristo para sa kapakanan ng iba na kabilang sa katawan ni Kristo at para sa kapakanan ng ibang hindi pa kabilang sa katawan ni Kristo.”[41] Ang mga mananampalataya na nagtataglay ng imahen ni Kristo Jesus ay palaging naghahangad na dalhin ang mga wasak na tao sa parehong kagalakan na kanilang natagpuan sapagkat iyon ang ginawa ni Jesus. Ang tunay na buhay espirituwal ay hindi matatagpuan sa pagiging hiwalay mula sa wasak na mundo kundi sa pagbibigay ng ating buhay upang pagalingin ang mga nasira.[42] Dito magliliwanag ang kanyang kaluwalhatian sa pamamagitan natin. Dito magmumula ang kanyang samyo mula sa atin.[43] Ito ang ipinapahayag sa atin ng buhay ni Jesus.[44]
Ang kahihinatnan ng paghubog ng Espirituwal na buhay ay ang buhay na ganap na pinamamahalaan ng banal na pag-ibig. Ang pagtulad kay Kristo ay ang pagtulad sa pag-uugali na tulad ng kay Kristo, hindi lamang ang kanyang mga panloob na pag-uugali. Ang pagtulad kay Kristo ay nangangahulugan ng ating pag-ibig sa Dios nang buong puso, buong kaluluwa, buong lakas, at buong pag-iisip, at pag-ibig sa ating kapwa katulad sa ating sarili.[45] Walang mas higit na sukat ng Paghubog ng Espirituwal na buhay kaysa sa pag-aalay ng pag-ibig![46] Ang kaugnayan ni Jesus sa kanyang Ama ay palaging nagbubunga ng paglilingkod sa mga nangangailangan – ang mga itinakwil, ang mga hindi minamahal, ang may sakit, mga nagugutom, mga pinahihirapan sa espirituwal. Sinabi niya na ang ganitong uri ng pag-ibig ay magiging katangian din ng mga magmamana ng kanyang kaharian.[47]
Ang mababaw na Espirituwal na buhay ay humahantong sa debosyon nang walang pag-aalala/malasakit. Ngunit kung ang pagsamba ay hindi naghahatid sa atin upang sumunod o gawin tayong mas mapagbigay sa mga nangangailangan, kung gayon hindi ito totoong pagsamba. Kung ang pananalangin ay hindi tayo ginagawang mas matiyaga, maawain, at mahabagin sa iba, marahil ang ating buhay sa pananalangin ay hindi nakaayon sa kung paano manalangin ni Jesus.
“Sa panghuling pagsasaliksik, wala tayong magagawa upang mabago ang ating mga sarili upang maging mga taong nagmamahal at naglilingkod kay Jesus maliban lamang sa ilaan ang ating sarili sa Dios upang gawin ang gawain ng nakapagpapabagong biyaya sa ating mga buhay. Ang bahagi natin ay ialay ang ating sarili sa Dios sa mga paraang magagawa ng Dios ang nakapagpapabagong gawain ng biyaya.”
– Robert Mulholland Jr.
[2]Hinalaw mula kay M. Robert Mulholland Jr., Invitation to a Journey (Downers Grove: InterVarsity Press, 1993), 12
Ang paglagong Kristiyano ay maihahambing sa paglago ng Chinese bamboo. Ang buto ng halamang ito ay dinidiligan sa loob ng limang taon nang walang gaanong pagtubo, subali’t sa ikalimang taon, ang Chinese bamboo ay tumutubo ng 90 piye sa loob 6 na linggo!
[15]Mel Lawrenz, The Dynamics of Spiritual Formation (Grand Rapids: Baker Books, 2000), 31
Ang Paghubog ng Espirituwal na Buhay ay Nagaganap sa Pamamagitan ng Pagtingin kay Jesus
Ang sumusunod na talata ay mahalagang pundasyon ng pagtulad sa imahen ni Jesus:
“Ngunit tayong lahat, na naalis na ang talukbong sa mukha, nagniningning sa atin tulad sa isang salamin ang kaluwalhatian ng Panginoon, na siyang Espiritu ng Panginoon, ang siyang magbabago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo’y maging kalarawan niya.”[1]
Ang “pagtingin” ay nangangahulugang ituon ang ating Espirituwal na pagtingin o lubusang pagnilayan. Ngunit ano ang ating lubusang pagninilayan? Ang “kaluwalhatian ng Panginoon.” Ito ay ang malinaw na pagkatao at nakapagliligtas na pagkilos ni Kristo Jesussa ebanghelyo.[2] Ang lahat ng ating pag-asa para sa pagbabago ay nasa pagtingin kay Jesus.
Sa ating pagtingin kay Jesus, binabago tayo ng Banal na Espiritu tungo sa imahen ni Jesus na may “unti-unting pagtaas ng kaluwalhatian.”[3]
Sa ating pagtingin ng may pananampalataya sa pagkakatawang-tao, ang parehong Espiritu ng kababaang-loob ay nagsisimulang kumilos sa atin. Kapag tayo ay lumuhod ng may pananampalataya kasama ni Jesus sa Halamanan ng Gethsemane, ang parehong Espiritu ng pagsuko at pagpapasakop sa kalooban ng Ama ang siyang nagtatanggal ng mga bahaging hindi pa rin natin isinusuko.
Kapag tumayo tayo sa pamamagitan ng pananampalataya kasama ni Jesus sa harapan ng Sanhedrin, ni Pilato, at Herodes, kung gayon ang Espiritu ng katahimikan, pagpipigil sa sarili, at kumpiyansa ay patuloy na bumabago sa atin. Kapag pinapasan natin ang krus kasama ni Jesus at nadapa dahil sa bigat nito, ang parehong Espiritu ng pagtitiis at pagtitiyaga ang siyang magpapalago sa atin.
Kapag tayo ay nakipag-kaisa kay Jesus sa krus at narinig natin siyang nagpahayag ng mga salita ng kapatawaran, awa, at pag-ibig, ang parehong Espiritu ng biyaya na iyon ay mas lalong nabubuo sa atin. Kapag araw-araw tayong namamatay kasama ni Jesus sa pamamagitan ng pananampalataya at narinig siyang sinasabi na, “Tapos na,” ang parehong Espiritu ng pagtitiyaga ang siyang tutulong upang tapusin ang gawaing ibinigay sa atin ng Dios! Kapag bumangon tayo kasama ni Jesus sa pamamagitan ng pananampalataya, alam natin na ang parehong matagumpay na kapangyarihang muling bumuhay kay Jesus mula sa mga patay at nagluklok sa kanya sa pinakamataas ng bahagi ng kalangitan na higit sa lahat ng mga pamunuan at kapangyarihan ay siya ding kumikilos sa atin at kumikilos sa pamamagitan natin.
Kung ang ating mga mata ay nakatuon sa krus, hindi tayo mapupuno ng pagmamataas, pansariling kasiyahan, o makamundong kasiyahan. Kung ang ating mga mata ay nakatingin kay Jesus, hindi tayo mapopoot, hindi tayo magkikimkim ng sama ng loob at paghihinanakit, hindi tatalikuran ang pagsasakripisyo, hindi tayo maaaring magreklamo at maraming ibinubulong, hindi natin hahayaang maghari ang kasalanan, o mamuhay sa Espirituwal na pagkatalo.
Kung ang ating mga mata ay nakatuon kay Jesus, hindi tayo maaaring tumalikod, hindi mawawalan ng pag-asa, hindi mahuhulog, hindi matatalo, at hindi maihihiwalay mula sa pag-ibig ng Dios. Habang tinitingnan ko ang ebanghelyo, ang kapangyarihan nito ay nagiging mas malakas sa akin. Anong kayamanan mayroon tayo kay Jesus at sa ebanghelyo!
Ang tradisyon ng simbahan, gaano man ito mukhang napakabuti, wala itong kapangyarihan upang baguhin tayo. Ang mga taong makaDios ay walang kapangyarihang baguhin tayo. Kapag isinasaalang-alang mo ang isang taong maka-Dios na nakaapekto sa kanilang henerasyon, mapapansin mo na ang kanilang buhay ay nakasentro kay Kristo, at hindi nakasentro sa tao. Si Martin Luther ay hindi isang Lutheran, kundi isang Kristiyano. Si John Calvin ay hindi isang Calvinistic, kundi isang Kristiyano. Si John Wesley ay hindi isang Wesleyan, kundi isang Kristiyano. Ang pagpapahalaga kay Kristo at sa kanyang ebanghelyo bilang isang kayamanan ang siyang nagpapadakila sa isang tao!
Nagiging Katulad Tayo Kung Ano ang Ating Tinitingnan
Madalas sobra tayong naaabala sa ibang bagay. Ito ang madalas na naglilimita sa Banal na Espiritu upang dalhin sa atin ang pagbabagong nais niyang gawin sa ating buhay. Malinaw na sinabi ito ni Pastor John Piper:
Hindi ginagawa ng Banal na Espiritu ang pagbabagong ito sa ating buhay kung hindi natin tinitingnan si Jesus. Hindi siya makakakilos habang nanonood tayo ng walang katapusang oras ng mga walang kabuluhang palabas sa telebisyon; hindi siya makakakilos habang ginugugol natin ang ating oras sa pagtingin sa World Wide Web ng walang layunin; hindi siya makakakilos habang itinutuon natin ang ating mga isip sa mga bagay na binabalewala si Kristo. Hindi. Ang Espiritu ay gumagalaw at kumikilos ng malaya sa isang tiyak na kapaligiran, ito ay kung saan ay “tinitingnan natin tulad sa isang salamin ang kaluwalhatian ng Panginoong Jesus” (talatang 18). Itinataas ng Banal na Espiritu si Kristo. Binubuksan ng Banal na Espiritu ang ating mga mata upang makita natin si Kristo. Ang Banal na Espiritu ang siyang naglalapat ng imahen ni Kristo sa ating kaluluwa. Kung pinipili nating hindi ituon ang ating isipan kay Kristo, kung dadaan tayo sa sarili nating landas at magiging abala tayo sa maraming alalahanin sa buhay, huwag nating sasabihin na, “Nasaan ang Dios?” kapag nararanasan natin ang masakit na bunga ng ating pagkaalipin sa kasalanan at nararanasan ang kautusan ng Dios bilang isang pasanin sa halip na isang kagalakan. Sinabi na niya sa atin ang daan patungo sa kalayaan. Kung uubusin natin ang ating mga araw at mga gabi sa paghahanap sa ibang lugar o ibang bagay, marahil ay mananatili tayong nakagapos sa lahat ng ating pagkaalipin.[4]
Kapag aalisin natin ang mga makamundong mga bagay na nakakagambala sa atin, at ihihinto ang labis na pagtingin sa ating mga sarili, at ihihinto ang paghahambing ng ating sarili sa isa’t-isa, magkakaroon ng pagkakataong kumilos ang Banal na Espiritu.
►Talakayin ang binanggit ni John Piper sa itaas: Paano tayo nagagambala na nagiging dahilan para hindi makakilos ang Banal na Espiritu sa ating buhay? Paano dapat mabago ang iyong mga nakagawiang gawain?
[2]Ihambing ang 2 Corinto 3:19 sa 2 Corinto 4:7, gayun din ang Juan 1:14, “At ang Salita ay nagkatawang tao at namuhay kasama natin, at nakita natin ang kanyang kaluwalhatian, ang kadakilaan niya bilang kaisa-isang Anak ng Ama, Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.”
Mga Mahahalagang Katotohanan Na Kailangang Bigyang-diin sa Paghubog ng Espirituwal na Buhay
(1) Ang Paghubog ng Espirituwal na Buhay ay parehong Pagbabago sa loob at labas.
Tulad ng makikita natin sa mga sumusunod na aralin, ang Paghubog ng Espirituwal na buhay ay kinabibilangan ng ating pisikal na katawan. Nais ng Dios na maluwalhati siya sa ating katawan, na siyang templo.[1] Ngunit ang Paghubog ng Espirituwal na buhay ay nagsisimula sa puso. Ang Paghubog ng Espirituwal na buhay ay mas malalim pa sa pagbabago ng pag-uugali. Sa halip, alam natin na ang Paghubog ng Espirituwal na buhay ay nagaganap kapag, hindi lamang ang ating panlabas na gawain ang nagbabago, kundi pati ang pagbabago ng ating panloob na pag-uugali –kapag natural nating ginagawa ang mga bagay na gagawin ni Kristo kung siya ang nasa ating sitwasyon.
Ipinaaalala sa atin ni Dallas Willard na,
Ang Paghubog ng Espirituwal na buhay ay hindi pagbabago ng pag-uugali… [sa halip ay] ang proseso ng muling Paghubog o muling pagpapaunlad ng panloob [na tao] hanggang sa magkaroon ito, sa isang malaking antas, ang mismong katangian ng panloob na pagkatao ni Jesus mismo– ang kanyang isipan, ang kanyang puso, ang kanyang kapayapaan, at kanyang kagalakan. Sa Paghubog ng Espirituwal na buhay ikaw talaga ay magkakaroon ng mga ito.[2]
(2) Ang Paghubog ng Espirituwal na Buhay ay nagaganap sa pamamagitan ng biyaya.
Sa kursong ito, pag-uusapan natin ang ilan sa mga paraang ginagamit ng Dios upang mahubog tayo sa imahen ni Kristo. Ang mga pamamaraang ito ay marami at tatalakayin ang karamihan sa mga ito sa mga susunod na leksiyon.
► Subukang ilista ng sama-sama ang ilan sa mga paraang ginamit ng Dios, o kasalukuyang ginagamit, upang magdulot ng Espirituwal na paglago sa iyong buhay Kristiyano.
[3]Tulad ng isang puno na maaaring lumago sa isang malusog, mabungang puno tanging sa pamamagitan ng ulan, sikat ng araw, paghihirap (na nagiging dahilan upang lumalim ang mga ugat), at mayamang sustansiya mula sa lupa, sa gayon tayo ay magiging malusog, mabungang mga Kristiyano sa pamamagitan ng paggamit ng bawat paraang ipinagkaloob ng Dios. Maraming mga mananampalataya ang nahihinto ang paglago sa kanilang Espirituwal na buhay dahil lamang binabalewala nila ang ilan sa mga mahahalagang paraan upang lumago. Halimbawa, ang isang Kristiyano na tapat sa sama-samang pagsamba ngunit hindi pinagsasanayan ang pribadong pananalangin ay hindi makakaranas ng buong kaligayahan sa buhay Kristiyano. Tatalakayin natin ito nang mas malalim sa mga susunod na leksiyon.
(3) Ang motibasyon ng Paghubog ng Espirituwal na buhay ay ang kasiyahang makasama ang Dios.
Simula noong una at hanggang katapusan ang Ama, Anak, at Banal na Espiritu ay nasa isang malapit at matalik na masayang ugnayan. Ang layunin ng paglikha ay upang likhain ang sangkatauhan sa imahen ng Dios at dalhin tayo sa pakikipag-ugnayan sa Ama, Anak, at Banal na Espiritu. Ang pinakaunang tunog na direktang tinukoy sa Biblia ay “ang tunog ng Panginoong Dios na naglalakad sa hardin sa malamig na araw.”[4] Gustong-gusto ko iyon. Bakit siya naglalakad sa hardin? Dumating siya upang makipag-usap – upang makipag-ugnayan – sa lalaki at babae na kanyang nilikha. Ang pinakaunang pagpapakita ng pananampalataya at kabanalan sa Biblia ay simpleng pagsasabi na “siya ay lumakad kasama ng Dios.”[5]
Si Enoch ay lumakad kasama ng Dios.
Si Noah ay lumakad kasama ng Dios.
Si Abrahamay lumakad kasama ng Dios.
Ang Israelay dapat lumakad kasama ng Dios.
Ang kaisipang ito ay dinala din sa Bagong Tipan.[6] Ipinaalala sa atin ni Juan na ang layunin ng Dios sa pagtubos sa sangkatauhan ay upang ibalik tayong muli sa“pakikipag-ugnayan” sa mga mananampalataya, sa “Ama, at kanyang Anak na si Kristo Jesus.”[7]
“Paglakad kasama ng Dios.” “Pakikipag-ugnayan sa Dios.” Napakaganda at makahulugang mga pagpapahayag na nagpapaalala sa atin na ang buhay na nakalulugod sa Dios ay hindi isang buhay na kumplikado. Sa halip ay isang buhay na may pakikipag-ugnayan na puspos ng biyaya — isang buhay na may relasyong puno ng pananampalataya. Ang layunin at prayoridad ng Dios ay upang hubugin tayo sa uri ng mga taong regular at madaling sumunod sa kanya sapagkat siya ay ang Panginoon, dahil pinahahalagahan natin siya, at dahil siya ang ating guro at kaibigan.[8] Anumang aral na inaalis ang pananampalatayang ito ay hindi isang katuruan ng Biblia: “Ngunit ako’y natatakot, baka sa anumang paraan, kayo ay madaya kung paanong si Eba ay nalinlang ng ahas sa kaniyang katusuhan, at mailayo kayo sa tapat at dalisay na pananampalataya kay Kristo.”[9]
[10]Sa mga huling nakalipas na taon, ang aking ama ay nagkaroon ng maraming pisikal na karamdaman, kabilang ang atake sa puso at dalawang stroke. Dahil sa mga pangyayaring ito ay naging tagapangasiwa ako ng pag-aari ng aking magulang – gumagapas, nagtitrim, atbp. Kung minsan ay nagmamadali ako upang tapusin ang trabaho, ngunit nais ng aking Ama na maupo lamang ako sandali at kausapin siya. Dadalhan niya ako ng isang basong tubig at sasabihing, “Anak, maaari ka bang maupo sandali at kausapin ako?” Hindi ako makatanggi, lalo na kapag naiisip ko na ang oportunidad na ito ay maaaring hindi na muling maulit sa mga susunod na taon. Ang aking Ama ay hindi na halos inaalala kung ano ang lagay ng aking pagtratrabaho para sa kanya kumpara sa aking pakikipag-ugnayan sa kanya. Naniniwala akong ganito ang pakiramdam ng Dios sa atin. Nais niyang dalhin tayo sa kanyang hindi maisasalarawang kasiyahan sa ating pakikipag-ugnayan sa kanya.
“O tikman at masdan na ang Panginoon ay mabuti”[11] ang dapat nating maging motibasyon sa bawat “relihiyosong” disiplina at aktibidad. Ang Paghubog ng Espirituwal na buhay ay hindi lamang isang hangarin sa intelekwal ngunit isang karanasan. Sa mga susunod na leksiyon, tatalakayin natin ang mga bagay tulad ng pananalangin, pag-aayuno, pagninilay-nilay, paglilingkod, at iba pa. Mahalagang panatilihin natin ang ating mga mata sa layunin – ang kasiyahan na makipag-ugnayan sa Dios. Ang ating layunin ay hindi lamang magkaroon ng higit na kaalaman at impormasyon kundi ang isang malapit na pakikipag-ugnayan. Higit sa 200 taon na ang nakakalipas, sinabi ni Jonathan Edwards:
Ang pagkakaiba sa pagitan ng paniniwala na ang Dios ay mapagmahal at ang matikman na ang Dios ay mapagmahal aymagkaibang-magkaiba katulad ng pagkakaroon ng isang makatuwirang paniniwala na ang pulot-pukyutan/honey ay matamis at ang pagkakaroon ng aktwal na matikman ang tamis nito.[12]
[2]Mula sa mga tala na kinuha sa mensahe na ipinangaral ni Dallas Willard sa Wheaton College.
[3]“Ang layunin at prayoridad ng Dios ay hubugin tayo sa klase ng taong regular at madaling sumusunod sa kanya dahil siya ay Panginoon, dahil pinahahalagahan natin siya, dahil siya ang ating guro at kaibigan.”
– Dallas Willard
[10]Ang buhay na nakalulugod sa Dios ay hindi isang komplikadong buhay kundi buhay na kaugnayang puspos ng biyaya – isang buhay ng simpleng pakikipag-ugnayan.
[12]Tulad ng binanggit niTimothy Keller, The Prodigal God (New York: Dutton, 2008), 108
Ang Mga Hamon sa Paghubog ng Espirituwal na Buhay
Ang Paghubog ng Espirituwalna buhay ay naging mas mahirap para sa atin sapagkat tayo ay nabuo na ng iba’t ibang impluwensya. Maraming pwersa ang humubog na sa atin kaya naging kung ano tayo ngayon. Tayo ay nahubog sa malalim na paraan ng pagpapalaki sa tahanang ating kinalakihan. Ang ating kultura, tradisyon ng iglesia, mga karanasan sa buhay, at ating mga sariling pagpili, ang lahat ng ito ay mayroong malaking impluwensya sa kung ano ang pinaniniwalaan natin, kung ano ang mga pinahahalagahan natin, kung ano ang nararamdaman natin, kung paano tayo makipag-usap, at kung paano tayo kumilos.
Dahil namumuhay tayo sa isang wasak na mundo, sa tingin ko ay nagkaroon ka ng parehong mabuti at masamang karanasan sa lahat ng mga impluwensyang ito. Marami sa atin ang wasak. Ang pinakamahalagang tanong na susubukan nating sagutin sa Paghubog ng Espirituwal na Buhay ay: Simula ngayon, ano ang pinakamahalagang pwersa, mga impluwensya, at mga pagpili na huhubog sa akin tungo sa taong nais ng Dios na maging ako? Naniniwala ako na ang kursong ito ay makakatulong sa atin na sagutin ang katanungang ito.
►Napakahalaga sa panahon ng ating pag-aaral ng mga leksiyong ito na malaman mo ang mga negatibo at positibong impluwensyang humubog sa iyong buhay. Maglaan ng ilang minuto upang mailista ang ilan sa pinakamahalagang bagay na humubog sa iyong pag-unawa sa Dios at buhay Kristiyano. Maging matapat. Kung maaari ay ibahagi mo ang isa o dalawa sa mga ito sa iyong pangkat.
Mga hadlang na Dapat Paglabanan sa ating Pagpapatuloy sa Paghubog ng Espirituwal na Buhay
Mayroong ilang kadahilanan ang pinaglalabanan ng mga Kristiyano sa pagtulad sa imahen ni Kristo. Tingnan natin ang ilan sa mga ito:
(1) Dapat tayong magbantay laban sa legalism/ligalismo.
Ang Legalism/legalismo ay ang pagsubok na makuha ang pagtanggap mula sa Dios sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan. Ngunit ang mga taong legalista ay mga taong sa sarili-umaasa –naghahanap ng katuwiran, hindi sa pamamagitan ng biyaya, kundi sa pamamagitan ng mahigpit na debosyon at disiplina. Ang Legalismo ay umaasa sa kapangyarihan ng kagustuhan. Sinasabi sa atin ng Biblia na ang “pagsamba sa kagustuhan” ay “wala namang naitutulong laban sa masamang hilig ng laman.”[1]
Tandaan, ang pananalangin, pag-aaral ng Biblia, pagninilay-nilay, pag-aayuno, o anumang ginagawa natin sa Paghubog ng buhay Espirituwal ay epektibo lamang dahil sa mabiyayang pagkilos na ginawa, at ginagawa, at tapos nang gawin para sa akin sa pamamagitan ng ebanghelyo. Ang malaking panganib sa anumang disiplina sa Espirituwal na buhay ay ang panganib ng paglalagay ng tiwala sa mga disiplinang iyon, sa halip na magtiwala sa biyaya ng Dios na ibinuhos sa aking puso at buhay sa pamamagitan ng Banal na Espiritu dahil sa natapos na gawain ni Hesu-Kristo.
(2) Dapat tayong magbantay laban sa murang biyaya.
Ang kawalang-ingat sa Espirituwal na buhay, o “murang biyaya,” ay ginagawang isang lisensya ang biyaya Dios upang gumawa ng kasalanan.[2] Maraming Kristiyano sa panahon ngayon ang hindi naiintindihan ang ugnayan sa pagitan ng biyaya ng Dios at pagsisikap ng tao. Para sa kanila, ang anumang katuruan na kaugnay ng paggawa ay legalismo. Ngunit ang Bagong Tipan ay puno ng mga katuruang nagbibigay diin sa mga pagkilos na nakaugat sa pananampalataya.[3] Sa buhay Kristiyano, pinagsisikapan natin ang ating “kaligtasan nang may takot at panginginig; sapagkat ang Dios ang siyang kumikilos kapwa sa iyong kalooban at sa paggawa ng kanyang mabuting kasiyahan.” Tayo ay nagsisikap, at ang Dios ay kumikilos sa loob. Hindi tayo nagsisikap para sa ating kaligtasan, ngunit dapat natin itong pagsikapan sa ating pang-araw-araw na buhay.
Ang Paghubog ng Espirituwal na buhay upang maging katulad ng imahen ni Kristo ay sa pamamagitan lamang ng biyaya, ngunit nangangailangan din ito ng maraming pagsusumikap. Ang pagsusumikap ay sa “pagpapanatili ng ating mga buhay sa kapaligiran ng Dios” kung saan epektibong kumikilos ang biyaya ng Dios.[4]
(3) Dapat tayong magbantay laban sa sensationalism.
May ilang iglesia na binibigyang-diin ang mga makapukaw-damdamin, labis na makasarili, at mga emosyonal na karanasan na halos lubusang binabalewala ang pagiging maalalahanin, maayos, mapanalanginin, at naka-ayon sa Banal na Kasulatan na buhay Kristiyano. Ang mga mananampalataya na nahihikayat sa mga ganitong kilusan ay malamang na hindi lalago sa pananampalataya dahil sila ay sinanay na asahan lamang ang mabilis at madaling solusyon sa anumang Espirituwal na pangangailangan. Ang paniniwala sa paglago sa pananampalataya sa pamamagitan ng isang proseso ay hindi upang limitahan ang kapangyarihan ng Dios sa halip ito ay para kilalanin ang normal na mga proseso sa Espirituwal na paglago na itinatag ng Dios.
(4) Dapat tayong magbantay laban sa perfectionism.
Ang mga Kristiyano ay nahihirapan sa pagbabago kapag ikinalilito nila ang pagiging perpekto ng puso – perpektong pag-ibig – sa ganap na pagiging perpekto. Bagaman tinatawag tayo ni Jesus na maging mga perpektong Kristiyano[5] at isang hindi mapag-aalinlanganan/tiyak na pagtalikod sa mga sinasadyang kasalanan,[6] nilinaw ng Banal na Kasulatan na ang pagtulad sa katangian at kalooban ni Jesus ay isang panghabang buhay na proseso. Ang pagiging maka-Dios ay dapat na mas maunawaan bilang isang paglalakbay kaysa sa isang patutunguhan.[7]
► Talakayin ang mga hadlang na ito bilang isang pangkat. Paano mo nakita ito sa buhay ng mga Kristiyano? Paano ito nahayag sa iyong sariling buhay?
Marahil ay dapat tayong huminto nang sandali upang magnilaynilay. Lumalago ka ba sa iyong Espirituwal na buhay? Ang buhay ba ni Jesus ay kumikilos sa iyo at naipapamuhay mo sa isang papataas na antas? Mas nakikita mo ba na mas nagiging katulad ka niya ngayon sa pag-iisip, pagmamahal, at paglilingkod sa iba kaysa sa mga nakaraang buwan?
Tayo ay hinuhubog sa buhay Espirituwal kapag ang magandang buhay ni Jesus ay kumikilos sa atin sa isang papataas na antas. Ang paghubog na ito ay sa pamamagitan ng Banal na Espiritu– sa pamamagitan ng pananampalataya, at isang bagong pag-iisip, at matibay na pagsisikap–na nagreresulta sa isang mabungang paglilingkod bilang Kristiyano.[1]
[1]Mga Katangian ni Jesus mula sa pag-aaral ng Kasulatan sa leksiyong ito: Kabaitan, kaamuan, kagalakan (Tuwa) katiyagaan, mahabagin, pagiging maamo, kababaang-loob, pag-ibig, kawalang-kasalanan, pagiging mapagpatawad, pagiging walang panlilinlang.
Mga Takdang Aralin sa Leksiyon 1
(1) Isa-ulo ang kahulugan ng Paghubog ng Espirituwal na buhay na ipinakita sa kursong ito.
(2) Isa-ulo ang 2 Corinto 3:18 at Galacia 4:19.
(3) Kumuha ng isang pagsusulit batay sa materyal mula sa leksiyong ito. (Ang itinalagang talata sa itaas na kailangang isa-ulo ay kabilang sa pagsusulit.)
(4) Maglaan ng hindi bababa sa tatlumpung minuto sa linggong ito para magbalik-aral sa leksiyong ito, kabilang ang mga sanggunian sa Banal na Kasulatan, hilingin sa Banal na Espiritu na bigyan ka ng mas maliwanag na pagkaunawa.
(5) Itala sa iyong journal ang anumang mga tiyak na pagbabago na dapat gawin sa iyong buhay, na ipinakita sa iyo ng Panginoon.
(6) Pagnilayan ang hindi bababa sa isang Awit/Salmo sa iyong pang-araw-araw na oras ng pagdedebosyon, at itala sa iyong journal kung ano ang sinasabi ng salmista tungkol sa kalikasan at katangian ng Dios.
(7) Itala sa iyong journal ang isang personal na panalangin para sa Espirituwal na pagbabago at paglago batay sa leksiyong ito.
(8) Pagsanayang gamitin ang Pang-araw-araw na gabay sa Pananalangin ni Dr. Brown sa iyong pang-araw-araw na pribadong pananalangin.
Leksiyon 1 Pagsusulit
(1) Ano ang kahulugan ng Paghubog ng Espirituwal na buhay, na itinuro sa Leksiyon 1?
(2) Magbigay ng ilang batayan mula sa banal na Kasulatan para sa kahulugang ito.
(3) Tapusin ang pahayag na ito: Ang Biyaya ay hindi kabaligtaran ng__________, ngunit kabaligtaran ito ng__________. Ipaliwanag.
(4) Ang dapat kalabasan ng Paghubog ng Espirituwal na buhay ay isang buhay na pinamamahalaan ng ano?
(5) Ano ang kahulugan ng “pagmasdan ang kaluwalhatian ng Panginoon”?
(6) Bakit isang proseso ang Paghubog ng Espirituwal na buhay?
(7) Ano ang apat na hadlang na dapat iwasan sa Paghubog ng Espirituwal na buhay?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.