Ang ikapu ay isang kontrobersiyal na paksa sa ilang mga lugar. May mga nag-iisip na ang ideya ng ikapu ay hindi tumutugma sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya. Iniisip nila na ito ay tila pagbabayad para sa kaligtasan. May ilang ayaw maging responsable sa pagsuporta sa iglesya. Ibinibigay lamang nila kung ano ang gusto nilang ibigay sa alinmang pagkakataon. Sa araling ito, titingnan natin ang biblikal na batayan at ang praktikal na layunin ng ikapu.
► Ano ang narinig ninyong sinasabi ng mga tao na dahilan laban sa pagbibigay ng mga ikapu?
Nauunawaan ng isang Kristiyano na ang Diyos ang nagmamay-ari ng lahat ng bagay sa sanlibutan. Pag-aari tayo ng Diyos dahil siya ang Lumikha sa atin. Ginawa niya tayo, binigyan tayo ng mga kakayahan, at nilikha Niya ang lahat ng bagay-bagay na ginagamit natin. Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan Niya, patuloy na umiiral sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, at umiiral para sa kanyang kaluwalhatian (Colosas 1:16-17)
Pag-aari rin tayo ng Diyos dahil sa pagtubos. Binayaran niya ang presyo para sa ating kaligtasan. Tinubos niya tayo mula sa paghatol na nararapat sa atin dahil sa kasalanan. Utang natin sa kanya ang ating mga buhay dahil namatay na si Hesus para sa atin (2 Corinto 5: 14-15).
Pag-aari rin tayo ng Diyos dahil sa pagpapalaya. Bilang mga makasalanan tayo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at ng kasalanan. Inaalis tayo ng kaligtasan mula sa kontrol ng kasamaan (Mga Gawa 26:18).
Dahil pag-aari tayo ng Diyos, ang lahat ng bagay na ating taglay ay pag-aari rin ng Diyos.
► Magbigay ng isang halimbawa kung paano mo pinamamahalaan ang iyong mga pag-aari para sa Diyos.
Mga Tiyak na Direksiyon Mula sa Diyos
Kung minsan ipinapahayag ng Diyos ang kanyang pagmamay-ari sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga tiyak na direksiyon para sa bahagi ng ating mga tinatangkilik. Kapag sinusunod natin ang direksiyon ng Diyos para sa bahaging iyon, ipinapakita natin na handa tayong sundin siya sa lahat ng bagay.
Halimbawa, nang ilagay ng Diyos sina Adan at Eba sa Garden ng Eden, ipinagbawal niya sa kanila ang pagkain mula sa isang tiyak na puno. Ang tiyak na kautusan ay nagbigay ng isang pagpapakita ng pagsunod.
Ang mga espesipikong hinihingi ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon upang ipakita ang pagsunod. Kung ang isang tao ay hindi sumusunod sa mga espesipikong direksiyon ng Diyos tungkol sa ilang bahagi ng kanyang buhay, nagpapakita ito na hindi siya sumusunod sa pangkalahatang direksiyon ng Diyos para sa iba pang bahagi.
May isang babae na nagreklamo sa isang pastor na hindi niya nauunawaan kung bakit hindi siya pinagpapala ng Diyos. Tinanong siya ng pastor kung sinusunod niya ang Diyos. Sinabi niya, “Oo, sinisikap kong gawin kung ano ang tama. Wala akong ibang alam na dapat kong gawin sa ibang paraan.” Ipinaalala sa kanya ng pastor na hindi siya dumadalo sa iglesya. Sinabi ng pastor, “Maaaring hindi mo alam kung ano ang gusto ng Diyos na gawin mo sa ibang mga araw, subali’t nalalaman mo kung ano ang gusto niyang gawin mo sa araw ng Linggo. Kung hindi mo ginagawa kung ano ang alam mong tama sa araw na iyon, marahil hindi mo rin sinusunod ang Diyos sa iba pang mga araw.”
Mayroong ilang halimbawa sa Biblia ng mga pagkakataon na nagbigay ang Diyos ng mga espesipiko na direksiyon tungkol sa isang aspeto ng buhay ng isang tao. Nagbigay ang Diyos ng mga gantimpala para sa pagsunod at mga parusa para sa pagsuway. Ang mga gantimpala at parusa ay nakaapekto hindi lamang sa parte ng kanilang buhay na nasa ilalim ng pangangailangan. Ang kanilang pagpili ay nakaapekto sa bawat bahagi ng kanilang buhay.
Mga Halimbawa ng mga Espesipiko na Direksiyon
(1) Ang ipinagbabawal na puno sa Garden ng Eden
Sinabi ng Diyos kina Adan at Eba na huwag kumain mula sa isang espesipikong puno. Hanggang sa kanilang pagsuway, sila ay pinagpala at namuhay sa presensiya ng Diyos. Nang labagin nila ang pagbabawal sa nag-iisang puno, nawala ang kanilang kalayaang pumasok sa Eden, nasira ang kanilang relasyon sa Diyos, at naghatid ng sumpa sa buong sanlibutan. (Genesis 3:17-19).
(2) Ang Ikapitong Araw
Nagbigay ang Diyos ng mga paghihigpit para sa araw ng Sabbath. Ang isang taong hindi sumusunod sa direksiyon ng Diyos para sa araw na iyon ay nagpapakita na hindi rin siya sumusunod sa ibang araw. Ang pagsuway ay nagdala ng sumpa mula sa Diyos na nakaapekto sa lahat ng bahagi ng buhay. (Isaias 58:13).
(3) Ang Jericho
Ang Jericho ang unang lungsod na winasak ng Israel nang sila ay pumasok sa Lupang Pangako. Sinabi sa kanila ng Diyos na ang lahat ng bagay mula sa Jericho ay itatalaga sa Diyos. Ang ibang mga lungsod ay walang ganitong kinakailangan, subali’t nagbigay ang Diyos ng espesyal na direksiyon para sa Jericho. Ang pasuway ay nagbunga ng pagkatalo sa labanan, ang kamatayan ng tatlumpu’t anim na lalaki, at ang kamatayan ng isang pamilya (Josue 7:5).
(4) Si Saul at ang mga Amalecita
Sinabi ng Diyos kay Haring Saul ng Israel na wasakin ang bansang Amalek at patayin ang lahat ng tao at mga hayop. Subali’t itinira ni Saul ang ibang buhay. Sinabi niya na sinunod niya ang Diyos, kahit na hindi niya tinupad ang espesipikong na kautusan. Itinakwil ng Diyos si Saul bilang hari. (1 Samuel 15:3, 9, 20-23).
(5) Sabbath Para sa Lupain
Ang lupain ay itinakdang mamahinga sa ikapitong taon. Sinuway ng mga tao ang Diyos at hindi sinunod ang Sabbath para sa lupain. Kung ang isang magsasaka ay hindi sumunod sa Diyos sa ikapitong taon, marahil hindi rin siya sumusunod sa Diyos sa ibang mga taon. Nang sumuway ang mga tao, pinahintulutan ng Diyos na lubusang mawala sa kanila ang kanilang lupain. Natupad ang Sabbath para sa lupain sa pitumpung taon ng pagkabihag. (2 Cronica 36:21).
(6) Mga Unang Bunga
Dapat ibigay ng mga Israelita sa Diyos ang mga unang bunga ng kanilang lupain. Kung sila ay susunod, pinagpapala ng Diyos ang produksiyon ng kanilang bukirin. (Kawikaan 3:9-10). Ang pagpapala ay hindi lamang sa bahaging kanilang ibinigay, ito ay para rin sa kabuuan ng kanilang ani. Kung hindi nila tinutupad ang hinihingi, hindi pinagpapala ang lupain.
Kung hindi ibinibigay ng isang tao ang bahaging hinihingi ng Diyos, hindi rin siya sumusunod sa Diyos sa iba pang bahagi.
(7) Ang ikapu
Iniutos ng Diyos na ibigay ang ikapu (10%). Kung hindi ito ibinibigay ng isang tao, ipinapakita niya na ang kanyang pananalapi ay hindi isinuko sa Diyos. Hindi rin niya ginagamit ang siyamnapung porsiyento (90%) para sa kaluwalhatian ng Diyos. Pagpapalain ng Diyos ang mga ari-arian ng sinumang nagbibigay ng ikapu (Malakias 3:10). Kung ang isang tao ay hindi nagbibigay ng suporta sa ministeryo, ang lahat ng kanyang tinatangkilik ay may sumpa (Haggai 1:6).
Isang may-ari ng tindahan ang umalis upang maglakbay. Bago siya umalis, sinabi niya sa kanyang tauhan, “Pag-ingatan mo ang tindahan, at tiyakin mong walisan ang sahig.” Nang siya ay bumalik, ang sahig ay hindi nawalisan. Sinabi ng tauhan, “Iningatan ko po ang tindahan para sa inyo.” Sinabi ng may-ari, “Dahil hindi mo ginawa ang isang tiyak na bagay na aking iniutos, alam ko na sa lahat ng iyong mga ginagawa, binigyang lugod mo ang iyong sarili sa halip na ako.”
► Paano ipinapakita ng isang tao na siya ay sumusunod sa Diyos?
Ang Orihinal na mga Layunin ng Ikapu
► Saan ginagamit ang ikapu?
Ang pagiging saserdote sa Lumang Tipan ay suportado ng mga ikapu (Mga Bilang 18:20-21). Ang mga Levita, ang lipi ng mga saserdote, ay hindi binigyan ng kabahagi sa lupain (Deuteronomio 18:1-4). Sila ay suportado sa pananalapi para sa kanilang ministeryo sa templo. Ang plano ng Diyos para sa mga Levita ay maglaan ng kanilang panahon sa ministeryo at hindi makilahok sa negosyo.
Ang ikapu ay ginagamit upang suportahan ang pagsamba sa templo at sa mga nakatalaga para dito. Ginagamit din ang ikapu sa mga pagdiriwang para sa pagsamba ng komunidad, kung saan ang mga mahihirap ay inaanyayahan (Deuteronomio 12: 17-18, 14: 22-29). Ginamit ang ikapu upang tulungan ang mga mahihirap, ang mga balo, at ang mga banyagang nakikipanirahan (Deuteronomio 26:12).
► Ano ang mga pagkakaibang nakikita mo sa paggamit ng ikapu sa panahong ito?
Pagkatapos nilang malaman na matapat silang nagbigay ng kanilang ikapu, ang bayan ng Israel ay maaaring manalangin para sa mga pagpapala ng Diyos (Deuteronomio 26:12-15). Ang pagtatago ng ikapu ay pagnanakaw sa Diyos, subali’t ang pagkakaloob ng ikapu sa “kaban ng Diyos” ay maghahatid ng pagpapalang halos walang paglagyan (Malakias 3:8-10).
► Ano ang sasabihin mo sa isang tao na nagsasabing labis siyang naghihirap upang makapagbigay ng ikapu?
Modernong Kaugnayan ng Ikapu
May mga taong nagsasabi na ang pagbibigay ng ikapu ay isang sistema na para lamang sa Lumang Tipan.
► May mga dahilan ba upang paniwalaan na ang sistema ng pagbibigay ng ikapu ay hindi isang pansamantalang kahilingan lamang sa Lumang Tipan?
(1) Abraham
Nagbigay ng ikapu si Abraham kay Melchizedek matagal na panahon bago pa ibigay ang batas ni Moses sa Israel. Ipinakikita nito na ito ay isang pangkalahatang prinsipyo na bago pa dumating si Moses. Hindi nagsimula ang pagbibigay ng ikapu sa batas ng Lumang Tipan, ito ay isang prinsipyo mula pa sa simula.(Genesis 14:20; Hebreo 7:4).
(2) Jacob
[1]Nangako si Jacob na magbibigay ng ikapu sa Diyos. (Genesis 28: 20-22) kahit na hindi pa naibibigay ang batas ni Moses. Alam ni Jacob na isang prinsipyo na ang pagbibigay sa Diyos.
(3) Hesus
Pinatotohanan ni Hesus ang pagbibigay ng ikapu at hindi niya sinabi na iyon ay para lamang sa nakaraang panahon. (Mateo 23:23).
(4) Pablo
Sinabi ni Pablo sa mga miyembro ng iglesya na magbigay “sa unang araw ng linggo” ayon sa kanilang kinikita. (1 Corinto 16:2). Samakatuwid, sila ay dapat magbigay ng porsiyento ayon sa kanilang tinatanggap. Ang gabay na ika-sampung porsiyento sa Lumang Tipan ay nagpapakita sa atin kung ano ang itinuturing ng Diyos bilang karampatang porsiyento. Walang dahilan upang isipin na nagbago na ang pasya ng Diyos.
(5) Ngayon
Plano pa rin ng Diyos na sinumang nasa full-time ministry ay patuloy na suportahan sa pinansiyal ng kanilang ministeryo. “Ang mga nangangaral ng ebanghelyo ay dapat mamuhay mula sa ebanghelyo.” Hindi plano ng Diyos na magtrabaho ang mga pastor at suportahan ang kanilang sarili at hindi magkaroon ng panahon upang iukol sa kanilang ministeryo. Sinasabi ng 1 Corinto 9:11-14 na ang taong nagbibigay ng espirituwal na benepisyo ay dapat tumanggap ng pinansiyal na benepisyo mula sa kanyang mga pinaglilingkuran. Ipinapakita ng 2 Corinto na ang mga iglesya ay karaniwang sumusuporta sa pinansiyal kay Pablo habang siya’y nagmiministeryo sa kanila.
[1]“Ngayon kung minsan nakaririnig tayo ng nagsasabi nang may pagkagulat, ‘Ang taong iyon ay nagbibigay ng ikapu!’ Malaking kahihiyan ito, ang tanong ko, na noon para sa mga Hudyo ay kamangha-mangha o dapat ipagbunyi, sa ngayon ay naging isang nakakagulat na bagay para sa mga Kristiyano. Kung isang mapanganib na bagay ang kabiguang magbigay ng ikapu noon, tiyak na mas higit na mapanganib ito ngayon.”
- John Chrysostom
sa sermon sa Efeso,
(isinulat bago A.D. 400)
Mga Polisiya ng Iglesya
Dapat asahan ang pagbibigay ng ikapu mula sa mga matapat na miyembro ng iglesya. Hindi dapat magturo ang iglesya ng tungkol sa ikapu sa mga taong hindi pa ligtas.
Ang isang taong unang beses pa lang dumalo sa iglesya ay hindi dapat magkaroon ng pakiramdam na siya ay may obligasyon na magbigay ng pera sa iglesya.
Hindi dapat kumulekta ang isang iglesya ng ikapu mula sa mga taong bumibisita sa iglesya at hindi pa nagtatalaga ng sarili sa iglesya.
Dapat tiyakin ng iglesya na hindi iniisip ng mga tao na ang pagbibigay ng ikapu ay bahagi ng kaligtasan. Walang sinumang dapat mag-isip na makakatulong ang ikapu upang maligtas ang sinuman.
Ang iglesya ay dapat magministeryo sa kongregasyon at sa komunidad nang hindi nanghihingi ng kabayaran.
[1]Dapat malaman ng lahat ng miyembro kung paano ginagamit ang pera ng iglesya. Dapat sumunod ang iglesya sa maingat na pamamaraan ng pamamahala sa pera upang malaman ng lahat na ito ay matapat na naisasagawa.
Hindi sariling pag-aari ng pastor ang ikapu. Ang ikapu ay dapat isuporta sa mga ministeryo ng iglesya. Gayunman, ang pagsuporta sa pastor ay dapat maging pangunahing gawain para sa iglesya.
[1]“Ang ikapu ay dapat bayaran, anuman ang iyong hanapbuhay.”
- Augustine
Pitong Pagbubuod na mga Pangungusap
(1) Ang Diyos ang nagmamay-ari sa atin at sa lahat ng ating tinatangkilik.
(2) Ang pagbibigay ng ikapu ay pagtatalaga ng sarili kapwa sa iglesya at sa Diyos.
(3) Ang isang taong hindi nakahandang magbigay ng ikapu ay hindi rin sumusunod sa Diyos sa kanyang pananalapi sa pangkalahatan.
(4) Hindi pambayad sa kaligtasan ang ikapu.
(5) Ang ikapu ang plano ng Diyos upang suportahan ang ministeryo ng iglesya.
(6) Pinagpapala ng Diyos ang pagbibigay ng ikapu at mga sakripisyong pagkakaloob.
(7) Ang pagbibigay ng ikapu ang ating pagtatalaga ng sarili upang magtiwala sa probisyon ng Diyos.
Leksiyon 9 Mga Takdang -aralin
(1) Bago ang susunod na sesyon ng klase, dapat sumulat ang mag-aaral ng isang talata tungkol sa bawat isa sa “Pitong Pagbubuod na mga Pangungusap” (May kabuuang pitong mga Talata). Dapat ipaliwanag ng talata kung ano ang kahulugan ng punto at kung bakit ito mahalaga. Dapat isulat ito ng mag-aaral sa paraan kung paano niya ito ipapaliwanag sa isang hindi kabilang sa klase. Ang isinulat ay dapat ibigay sa tagapanguna sa klase.
(2) Paalala: Dapat magplano ang mag-aaral upang magturo ng alinmang paksa mula sa kurso sa mga taong hindi kabilang sa klase, sa tatlong magkakaibang pagkakataon.
(3) Takdang-Araling Panayam: Tanungin ang ilang miyembro ng iglesya kung sila ay nagbibigay ng ikapu, at bakit nila ito ginagawa o hindi ginagawa. Sumulat ng isang pagbubuod.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.