Doktrina at mga Gawain ng Iglesya
Doktrina at mga Gawain ng Iglesya
Audio Course Purchase

Search Course

Type at least 3 characters to search

Search through all lessons and sections in this course

Searching...

No results found

No matches for ""

Try different keywords or check your spelling

results found

Lesson 3: Ang Lokal na Iglesya

11 min read

by Stephen Gibson


Panimula

► Ano ang iglesyang lokal? Paano ito naiiba sa bawat ibang klase ng grupo?

Ang kahulugang ito ng lokal na iglesya ay maaaring hatiin sa pitong mahahalagang elemento. Ang mga elementong ito ay dagdag na ipinaliliwanag sa kabuuan ng kursong ito.

Isang Pakahulugan ng Lokal na Iglesya

Ang lokal na iglesya ay isang grupo ng mga mananampalataya na kumikilos bilang isang espirituwal na pamilya at komunidad ng pananampalataya; nag-aalok ng ebanghelyo at pakikisama ng iglesya sa lahat ng nagsisisi; nagsasagawa ng bautismo at komunyon; nakikipagtulungan sa pagsamba, pagsasama-sama, pag-eebanghelyo, at pagdidisipulo; tinutupad ang gawain ng katawan ni Kristo sa pamamagitan ng mga kaloob ng Banal na Espiritu; nagpapasakop sa Salita ng Diyos; may pagkakaisa batay sa doktrina ng Biblia, sa karanasan ng biyaya, at sa buhay sa Espiritu.

[1]Sa ibaba, ang mga bahagi ng kahulugan ay inulit na may paliwanag na nakalagay sa panaklong.

► Sa alinmang bahagi ng kahulugan, maaaring magtanong ang tagapanguna sa klase, “Bakit kinakailangan ang katangiang ito sa isang iglesya? Ano ang magiging resulta kung wala ang ganitong katangian sa isang iglesya?”

Ang lokal na iglesya ay isang grupo ng mga mananampalataya na kumikilos bilang isang espirituwal na pamilya at komunidad ng pananampalataya. (Ang iglesya ay isang grupo na binuo ng pananampalatayang Kristiyano. Ito ay may mas matibay na relasyon kaysa anumang ibang grupo sa mundo.).

. . . nagbabahagi ng ebanghelyo at ng pakikisama ng iglesya sa lahat ng nagsisisi. (Hindi maaaring ihiwalay ng iglesya ang mga katutubong grupo o klase ng mga tao at maging matapat pa rin sa ebanghelyo. Hindi kinakailangan ang magkakatulad na grupong etniko o iisang klase sa lipunan. Gayundin, hindi maaaring tanggihang patawarin ng iglesya ang ilang tiyak na kasalanan kung ito ay matapat sa ebanghelyo.).

. . . nagsasagawa ng bautismo at komunyon... Nagbigay si Hesus ng mga tagubilin sa iglesya patungkol sa mga seremonyang ito. Kumakatawan ang bautismo sa pagpasok sa iglesya sa pamamagitan ng pagbabalik-loob. Kumakatawan ang komunyon sa biyaya na inihayag sa ebanghelyo.

. . . nakikipagtulungan sa pagsamba, pagsasama-sama, pag-eebanghelyo, at pagdidisipulo... Ang mga ito ay kinakailangang layunin ng iglesya. Ang pakikipagtulungan ay mahalaga sa iglesya upang matupad ang mahahalagang layuning ito.

[2]. . . tinutupad ang gawain ng katawan ni Kristo sa pamamagitan ng mga kaloob ng Banal na Espiritu... Ang mga espirituwal na gawain ng iglesya ay hindi kailanman matutupad sa pamamagitan ng kakayahan ng tao lamang.

. . . nagpapasakop sa Salita ng Diyos... Ang iglesya ay nakadepende sa Biblia para sa ebanghelyo, doktrina, at awtoridad. Kung pinipili ng iglesya na suwayin ang Biblia, nawawala ang awtoridad nito para sa pagtuturo.

. . . may pagkakaisang batay sa doktrina ng Biblia, sa karanasan ng biyaya, at sa buhay sa Espiritu... Ang mga miyembro ng iglesya ay maaaring magtalaga ng kanilang sarili para sa isa’t-isa dahil taglay nila ang tatlong bagay na ito nang sama-sama. Kung wala ang tatlong ito, hindi iiral ang tunay na pagsasama-samang Kristiyano.


[1]“Ang mga mananampalataya ay hindi tinatawag nang hiwa-hiwalay upang ipamuhay nang nag-iisa ang relasyon niya sa Diyos kundi tinawag sila nang sama-sama at nakatakdang magsama-sama bilang isang bayan”
-Thomas Oden, Life in the Spirit.
[2]“Ang (visible Church) nakikitang Iglesya ni Kristo ay isang kongregasyon ng matatapat na lalaki kung saan ang dalisay na Salita ng Diyos ay ipinapangaral at ang mga sakramento ay tapat na isinasagawa ayon sa ordinansa ni Kristo . . .”
- Mga Artikulo ng Relihiyon ng Methodist Church).

Ang Puhunan ng Diyos sa Iglesya

► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Efeso 3:1-10 para sa grupo. Ano ang ilan sa mga bagay na sinabi ni Pablo tungkol sa kanygan ministeryo?

Sinabi ni Pablo na isang mahalagang bahagi ng kanyang ministeryo ang pagpapaliwanag tungkol sa iglesya, kaya’t nalalaman natin na ang pagpapaliwanag tungkol sa iglesya ay dapat ding maging mahalagang bahagi ng ating ministeryo sa kasalukuyan. Plano ng Diyos na ang mga mananampalatayang Hentil ay madala sa iglesya, at ipapakita ng iglesya ang karunungan ng Diyos sa mundo.

Kailangan nating tandaan na ang iglesya ay hindi isang gusali. Walang gusaling sambahan ang mga Kristiyano sa panahon ng ilang unang henerasyon ng iglesya. Ang kahulugan nito, kapag ang Bagong Tipan ay bumabanggit tungkol sa iglesya, ito ay tumutukoy sa mga tao.

Ipinapaliwanag ng Efeso kung gaano kahalaga ang iglesya sa plano ng Diyos.

“. . . At ipinailalim ng Diyos sa paa ni Kristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay para sa iglesya, na siyang katawan ni Kristo, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat ng bagay” (Efeso 1:22-23).

Sinasabi ng talatang ito na si Hesus ang Ulo ng iglesya, at ang iglesya ang kaniyang katawan. Sinasabi nito na ang iglesya ay may kapuspusan ng Diyos.

Isipin ninyo ang isang ilog na pinanggagalingan ng lahat ng tubig para sa isang malaking lungsod. Milyon ang bilang ng mga tao na gumagamit sa tubig, subali’t ang ginagamit nila ay mas kaunti kaysa sa umaagos patungo sa ilog. Mahirap isipin kung gaano karaming tubig iyon. (Para sa isa pang ilustrasyon, tingnan ang footnote.[1])

Subali’t paano naman ang kapuspusan ng Diyos? Kung gagawa ang Diyos ng isang sisidlan o daluyan para sa pagbubuhos ng kanyang mga pagpapala at biyaya at kapangyarihan para sa mundo, anong klaseng sisidlan ang makapaglalaman ng kapuspusan ng Diyos? Sinasabi ng talatang ito na ang iglesya ang sisidlang iyon. Naglalaman ang iglesya ng mga pagpapala ng Diyos para sa mundo.

Tandaan, ang iglesya na naglalaman ng mga pagpapala ng Diyos ay hindi ang gusali, kundi ang grupo ng mga taong nasa pagsasama-samang Kristiyano.

Ang plano ng Diyos para sa iglesya ay umiral na mula pa sa simula ng mundo. Kaya’t ano nga ang layunin sa isipan ng Diyos para sa iglesya?

Tingnan uli ang Efeso 3:10-11.

“Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipakilala [maihayag] ngayon sa mga pinuno at mga maykapangyarihan sa sangkalangitan ang walang hanggang karunungan ng Diyos na nahayag sa iba’t-ibang paraan. Ito’y alinsunod sa kanyang layunin bago pa man likhain ang sanlibutan. Tinupad niya ang layuning ito sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon.” (3:10-11).

Ang iba’t-ibang paraan ay nangangahulugang “lahat ng klase.” May karunungan ang Diyos para sa bawat sitwasyon at bawat aspeto ng buhay. Ang karunungan ng Diyos ay ihahayag sa sanlibutan, kabilang ang mundong espirituwal sa pamamagitan ng ginagawa ng Diyos sa iglesya.

Nagkakaroon ang isang tao ng kanyang pang-unawa tungkol sa Diyos ayon sa nakikita niya sa iglesya. Dapat mahikayat ang isang tao na sambahin ang Diyos kapag nakikita niya ang iglesya. Dapat niyang makita ang karunungan ng Diyos na kumikilos sa iglesya. Hindi makikita ng mundo ang lahat ng ito mula sa mga gawaing pagsamba kapag Linggo. Makikita nila ito sa araw-araw na pagkilos ng iglesya at sa bawa’t sitwasyon ng buhay.

► Ano ang ilan sa mga halimbawa ng sitwasyon sa buhay kung saan ang karunungan ng Diyos ay mahalaga?

Kabilang ba sa “iba’t-ibang paraan” na karunungan ng Diyos ang karunungan tungkol sa mga suliranin sa pamilya, kahirapan, kawalan ng hanapbuhay, hindi sapat na tirahan, di-maayos na edukasyon, juvenile delinquency (pagkakasala ng kabataan), kapabayaan sa anak, medikal na pangangailangan, at iba pang suliranin ng mga tao? Siyempre naman! Paano makikita ng mundo ang karunungan ng Diyos? Dapat nilang makita iyon na inihahayag ng iglesya, dahil ang iglesya ang nagpapakita kung paano ipinamumuhay ang mga solusyon ng Diyos sa isang komunidad ng pananampalataya.

► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Efeso 3:20-21 para sa grupo.

Ang layunin ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos ay ang bigyang-luwalhati ang Diyos. Ang Diyos ay espesyal na naluluwalhati sa iglesya, dahil

  • Ito ang lugar kung saan nila ipinakikita ang kanyang pag-ibig at pagtubos.

  • Ito ang lugar kung saan ang mga nilalang ayon sa kanyang wangis ay buong pusong sumasamba at sumusunod sa kanya.

  • ito ang lugar kung saan ang isang pamilya ng pananampalataya ay nagpapakita ng buhay na pinagpala ng Diyos, at.

  • Ito ang lugar kung saan ang mga tinubos ay nakikibahagi sa pagtubos sa iba sa pamamagitan ng pg-eebanghelyo.

Ang Diyos ay unibersal, at walang hanggang luluwalhatiin sa pamamagitan ng ginagawa ng iglesya sa kasalukuyan. Ang gawaing tinutupad ng inyong iglesya ay tatayo bilang isang walang hanggang monumento para sa kaluwalhatian ng Diyos.


[1]May isang kumpanya na nagngangalang Carbonite na sumusuporta sa mga pansariling computer. Maaari nilang itago ang kopya ng lahat ng bagay na nasa iyong kompyuter kung sakaling may mangyaring hindi mabuti sa kompyuter na iyon. Isipin na lang natin kung anong klase ng lalagyan mayroon sila upang magawa nilang itago ang nilalaman ng libo-libong mga computers!

Ang Kasapatan ng Lokal na Iglesya

Nagsasalita ang Biblia tungkol sa iisang iglesya, subali’t nagsasalita rin ito tungkol sa mga lokal na iglesya. Halimbawa, sinulatan ni Apostol Juan ang pitong iglesya sa Asya. (Pahayag 1:4). Binanggit ni Pablo ang “lahat ng mga iglesya ng Diyos” (1 Corinto 11:16).

[1]Ang lokal na kongregasyon ay bahagi ng nag-iisang iglesya, gayunman ito rin ay tinatawag na iglesya. Marami sa mga sulat sa Bagong Tipan ay nakalaan sa mga iglesya sa mga partikular na lugar.

► Alin ang maaaring tawaging templo ng Diyos, ang nag-iisang unibersal na iglesya ba o ang isang lokal na iglesya?

Sa Efeso 2:20-21, sinabi ni Pablo na ang nag-iisang iglesya, sa orihinal na pundasyon, ay ang templo ng Diyos. Sa talatang 22, sinabi niyang ang mga mananampalataya sa Efeso ay ang tahanan ng Diyos. Sa isa pang talata sinabi niya sa mga mananampalataya sa Corinto na sila ang templo ng Diyos (1 Corinto 3:16). Samakatuwid, nakikita natin na ang nag-iisang unibersal na iglesya ay templo ng Diyos; subali’t gayundin ang lokal na iglesya.

► Alin ang maaaring tawagin bilang katawan ni Kristo? Ang nag-iisang unibersal na iglesya ba o ang lokal na iglesya?

Nagsalita si Pablo tungkol sa nag-iisang iglesya bilang ang katawan ni Kristo (Efeso 1:23). Gayunman, nang sumulat siya sa Corinto, sinabi ni Pablo, “Kayo ang katawan ni Kristo” (1 Corinto 12:27). Hindi niya sinabi na ang mga mananampalataya sa Corinto ay bahagi lamang ng katawan ni Kristo. Sila ang katawan ni Kristo sa lugar na iyon.

Nilalayon ng Diyos na ang bawat kongregasyon ay kumilos bilang isang kumpletong iglesya, na taglay ang lahat ng kinakailangan upang maging ang katawan ni Kristo sa isang partikular na lugar.

Inihambing ni Pablo ang mga miyembro ng lokal na iglesya sa mga bahagi ng katawan, tulad ng mata, paa, at kamay. Malinaw, na ang mga bahagi ng katawan ay dapat sama-sama sa iisang lugar upang tumupad sa tungkulin. Hindi niya sinasabi na sila ay mga bahagi ng katawan at ang iba pang bahagi ng katawan ay nakakalat sa iba’t-ibang panig ng mundo. Sila ang kumpletong katawan para sa lugar na iyon.

Sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto na may mga bagay na dapat gawin “kapag ang buong iglesya ay sama-sama sa iisang lugar.” Malinaw na hindi niya tinutukoy ang unibersal na iglesya, kundi ang lokal na iglesya. Ang lokal na kongregasyon ay may espesyal na awtoridad kapag ito’y kumikilos bilang isang iglesya.

Ibinibigay ng Diyos ang mga kaloob ng Espiritu na kinakailangan sa lokal na iglesya. Sama-samang gumagawa ang mga miyembro na may iba’t-ibang kaloob upang tugunan ang mga pangangailangan ng kongregasyon.

Dahil ang lokal na kongregasyon ang katawan ni Kristo, ang templo ng Diyos, at ang iglesya, ito ay sapat upang maging iglesya kung saan iyon naroroon.

Ang kasapatan ng lokal na iglesya ay nangangahulugang ang lokal na katawan ay nagtataglay ng mga kaloob at mga mapagkukunan ng mga bagay na kinakailangan para sa ministeryo sa kanyang kinalalagyan. Ang lokal na iglesya ay maaaring kumilos bilang isang iglesya kahit walang tulong na magmumula sa ibang lugar. Ang mga lokal na tagapanguna ng iglesya ay tutulong sa kongregasyon na magkaroon ng pangitain at layunin para sa lokal na ministeryo. Sama-samang kumikilos ang kongregasyon upang suportahan sa pinansiyal ang ministeryo at pangalagaan ang mga miyembro ng kongregasyon.

 


[1]“Ang lahat ng kinakailangang elemento ng iglesya ay matatagpuan na mula pa sa umpisa ang unang paliwanag na may apat na katangian ng isang iglesya [Mga Gawa 2:42]: doktrina ng mga apostol, komunidad, sakramento, at sama-samang pagsamba.”
- Thomas Oden, Life in the Spirit

Ang Pangangailangan Para sa Iglesya

Mahirap panatilihin ang mga bagong nagbalik-loob malibang sila ay naisama sa buhay ng iglesya. Ang isang mananampalataya ay hindi maaaring mabuting idisipulo kung hindi siya makikilahok sa lokal na iglesya. Ang isang tao ay hindi maaaring sanayin para sa ministeryo kung wala siyang karanasan sa iglesya.

Walang anyo ang ebanghelyo na makikita sa isang komunidad hanggang sa mayroon na itong iglesya. Ang anyong nakikita ay hindi ang iglesyang sambahan, kundi ang pamilya ng pananampalataya na nagpapakita ng buhay na may relasyon sa Diyos. Hangga’t wala pa roon ang iglesya, hindi makikita ng mundo kung ano ang tunay na kahulugan kung ano ang Kristiyano. Ang isang komunidad ay hindi maaaring ariing naebanghelyuhan na hanggang wala pang iglesya roon.

Pitong Pagbubuod na mga Pangungusap

(1) Ang isang taong nagbalik-loob ay hindi dapat ihiwalay sa iglesya dahil sa kanyang pagiging kabilang sa ibang tribo, kalagayan sa lipunan, o sa mga kasalanan sa kanyang nakaraan.

(2) Ang mga tungkulin ng iglesya ay maaaring matupad sa gawain lamang ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng iglesya.

(3) Ang pagkakaisa ng iglesya ay batay sa doktrina sa Biblia, sa karanasan ng biyaya, at sa buhay ng Espiritu.

(4) Ang karunungan ng Diyos ay inihayag sa mundo sa pamamagitan ng kanyang ginagawa sa iglesya.

(5) Ang kasapatan ng lokal na iglesya ay nangangahulugan na ang lokal na iglesya ay nagtataglay ng mga kaloob at resources na kinakailangan para sa ministeryo sa kanyang kinalalagyan.

(6) Kinakailangan ang iglesya upang panatilihin ang mga nagbalik-loob, pagdidisipulo sa mga mananampalataya, at sa pagsasanay sa mga manggagawa.

(7) Ang isang komunidad ay hindi pa lubusang naeebanghelyuhan hanggang wala pang iglesya sa lugar.

Leksiyon 3 Mga Takdang -aralin

(1) Bago ang susunod na sesyon sa klase, ang mag-aaral ay dapat sumulat ng talata para sa bawat isa sa “Pitong Pagbubuod na mga Pangungusap” (may kabuuang pitong talata). Dapat ipaliwanag ng talata ang kahulugan ng punto at kung bakit ito mahalaga. Dapat isulat ito ng mag-aaral kung paano niya ito ipapaliwanag sa isang tao na hindi kabilang sa klase. Dapat isumite ang mga isinulat sa tagapanguna sa klase.

(2) Paalala: dapat magplano ang mag-aaral upang magturo ng alinman mula sa kurso sa mga taong hindi kabilang sa klase, sa tatlong iba’t-ibang pagkakataon.

(3) Takdang-araling Isusulat: Pag-aralan ang Efeso 5:25-32. Sumulat ng ilang pangungusap tungkol sa relasyon sa pagitan ni Kristo at ng iglesya.

Next Lesson