Doktrina at mga Gawain ng Iglesya
Doktrina at mga Gawain ng Iglesya
Audio Course Purchase

Search Course

Type at least 3 characters to search

Search through all lessons and sections in this course

Searching...

No results found

No matches for ""

Try different keywords or check your spelling

results found

Lesson 11: Komunyon

16 min read

by Stephen Gibson


Pasimula

Dapat maikling ikuwento ng tagapanguna sa klase o ng mga piniling mag-aaral ang kwento ng pagpapalaya sa Israel mula sa Egipto. Hayaan ang ibang mag-aaral na magsabi ng ibang detalye. Isinasalaysay ng Exodo 11-12 ang tungkol sa unang Paskuwa.

Ang Pinagmulan ng Pagsasagawa ng Komunyon

Ang Paskuwa ay isang kapistahan ng mga Hudyo na nagdiriwang at umaalala sa gabi nang ang bansang Israel ay umalis sa Egipto. Ang pagdiriwang ay hindi lamang tungkol sa paglaya mula sa Egipto; ito rin ay pagdiriwang ng habag ng Diyos sa kanila nang patayin ng Diyos ang mga Egipcio subali’t lumampas sa mga tahanan ng mga Israelita (Exodo 12:27). Samakatuwid, ang pagdiriwang ay simbolo ng habag ng Diyos sa kanyang bayan.

Pagkatapos ng pagpapalaya mula sa Egipto, nagsasagawa ang mga Israelita ng Pista ng Paskuwa taon-taon. Binigyan sila ng Diyos ng mga seremonya para sa araw na iyon na may kasamang espesyal na pagkain at ang pangseremonyang paggamit ng dugo.

Ang pagdiriwang ay isang klase ng kaligtasan. Hindi ito nangangahulugan na ang mga lahat ng taong iniligtas nang araw na iyon ay pinatawad ng sa kanilang mga kasalanan at nasa tamang relasyon sa Diyos. Gayunman, sila ay pinalaya mula sa pagkaalipin, tumanggap sila ng habag mula sa Diyos, at ang dugo ay bahagi ng hinihingi ng Diyos. Ang mga detalyeng iyon ang gumawa sa pagdiriwang na ito na isang ilustrasyon ng pagliligtas na ibinigay ni Kristo. Karamihan sa mga Israelita ay nagdiriwang ng Paskuwa nang hindi nauunawaan ang lubos na kahulugan nito.

Sa huling Paskuwa na pinagsaluhan nina Hesus at kanyang mga disipulo, ipinaliwanag niya ang kahulugan nito. Sinimulan niya ang isang seremonya na dapat isagawa ng iglesya nang sabihin niya na “Gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin” (Lucas 22:15-20). Ang seremonyang ito ay tinatawag sa mga iglesya na “Ang Hapunan ng Panginoon,” o “Komunyon”, o ang “Eucaristia”, o ang “Misa”.

Isinulat ni Pablo na ang kaugaliang ito ay dapat regular na isagawa ng iglesya hanggang sa bumalik si Hesus (1 Corinto 11: 24-26). Ang iglesya ay mayroon pang ibang espesyal na panahon ng kapistahan at pagsasama-sama subalit hindi ito dapat ipagkamali sa komunyon. Halimbawa, kapag sinasabi ng Biblia na ang mga naunang mananampalataya ay “naghahati-hati ng tinapay sa iba’t-ibang tahanan” dapat nating tandaan na ang salitang “paghahati-hati ng tinapay” ay tumutukoy lamang sa pagkain (Mga Gawa 2:46). Sila ay nagsasama-sama sa pamamagitan ng sama-samang pagkain sa iba’t-ibang tahanan. Ang iglesya ay mayroon ding “pista ng pagmamahalan” na hindi katulad ng komunyon (Judas 12).

Ang Kahulugan ng Komunyon

► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Juan 6:47-58 para sa grupo.

Ginulat ni Hesus ang napakaraming tao nang sabihin niyang siya ang tinapay na nagmula sa langit at kailangan nilang kainin ang kanyang katawan at inumin ang kanyang dugo.

► Ano ang ibig sabihin ni Hesus sa kanyang mga pangungusap?

Sinabi ni Hesus na ibinibigay niya ang kanyang sarili para sa buhay ng mundo (Juan 6:51). Nagsasalita siya tungkol sa pagsasakripisyo ng kanyang sarili upang ipagkaloob ang pagtubos. Inihambing niya ang kanyang sakripisyo sa pagkain at inumin. Kung paanong kailangan ng isang tao ang pagkain para sa pisikal na buhay, dapat din niyang tanggapin ang sakripisyo ni Kristo para sa buhay na walang hanggan.

► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Lucas 22:15-20 para sa grupo.

Sa huling pagkain ng Paskuwa na pinagsaluhan ni Hesus at kanyang mga disipulo, sinabi niya na ang tinapay ay ang kanyang katawan at ang alak ang kanyang dugo. Ibibigay niya ang kanyang buhay para sa kanilang kaligtasan.

Ang Tinapay at ang Alak

► Bakit ginamit ni Hesus ang tinapay at alak para sa komunyon?

Mayroong ilang dahilan kung bakit ginamit ni Hesus ang tinapay at alak para sa komunyon.[1] Ang tinapay ang pinakakailangan o pinakasimpleng pagkain. Nanatili ito sa maraming bahagi ng mundo. Hindi lamang kumakatawan sa pagkain ang tinapay sa pangkalahatan. Ito rin ay sumisimbolo sa buhay dahil ang pagkain ay kinakailangan upang mabuhay. Ang alak ang pinakakaraniwang inumin sa kanilang panahon, bukod lang sa tubig. Sumisimbolo rin sa pagdiriwang ang alak.

Ang ilang makabagong iglesya ay gumagamit ng alak para sa komunyon kahit hindi sila umiinom ng alak sa alinmang ibang pagkakataon. Ang ibang iglesya ay gumagamit ng katas ng ubas dahil ayaw nilang hikayatin ang pag-inom ng anumang alcohol. Ang katas ng ubas ay tinatawag ring alak sa Bagong Tipan maging ito man ay sariwa o nasa alin mang yugto ng pagbuburo nito.

May mga iglesya ay nagbago na sa lubusang naiibang mga bagay upang kainin o inumin para sa komunyon. Dapat tayong maging maingat sa paggamit ng naiibang mga bagay para sa komunyon. Ang mga Mormon ay gumagamit ng tinapay at tubig, subali’t hindi sila naniniwala sa doktrinang Kristiyano ng pagbabayad-sala o pagtubos.

Sa mga bahagi ng mundo na hindi karaniwan ang tinapay at alak; ibang bagay ang maaaring pangunahing pagkain at inumin. Sa gayung pagkakataon, maaaring pag-isipan nang may pananalangin ng iglesya ang iba pang pagpipilian.


[1]Image: "The Lord's Supper" taken by Allison Estabrook on Oct. 14, 2022, retrieved from https://www.flickr.com/photos/sgc-library/52476662295/, licensed under CC BY 4.0.

Hindi Ang Literal na Katawan at Dugo

Ang Iglesyang Romano Katoliko at ang Eastern Orthodox Church ay naniniwala na ang tinapay at alak ay nagiging literal na katawan at dugo ni Hesus. May ibang mga iglesya na naniniwala na ang kanyang katawan at dugo ay tunay na naroroon sa tinapay at alak. Karamihan sa mga iglesyang Protestante ay naniniwala naang tinapay at alak ay sumisimbolo sa katawan at dugo ni Kristo nang wala ang pisikal na presensiya ng mga ito.

Nang isagawa ni Hesus ang Paskuwa kasama ng kanyang mga disipulo, sinabi niya, “Ito ang aking katawan…ito ang aking dugo.” Nakatayo pa roon si Hesus, pisikal na naroong kasama nila. Ang kanyang katawan at dugo ay hindi pa naisasakripisyo. Tila malinaw na ang ibig niyang sabihin na ang tinapay at alak ay sumisimbolo sa kanyang katawan at dugo, at hindi literal na ang kanyang katawan at dugo. Dapat gayun din ang pananaw natin sa tinapay at alak na ginagamit sa komunyon.

Ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng minsan lamang na sakripisyo ni Hesus. Ang kanyang kamatayan ay hindi paulit-ulit na nangyayari. Dahil ang komunyon ay isang gawain ng pagsamba at pananampalataya sa nag-iisang pangyayari ng kamatayan ni Hesus, hindi kinakailangang ang tinapay at alak ay maging literal na kanyang katawan at dugo.

Dahil ang mga Katolikong Romano ay naniniwala na ang iglesya ay may kontrol sa pagbibigay ng literal na katawan at dugo ni Kristo, marami sa kanila ang naniniwala na nakokontrol ng iglesya kung sino ang maliligtas. Iniisip nila na hindi maliligtas ang isang tao kung tumatanggi ang pari na bigyan siya ng komunyon. Milyon ang bilang ng mga tao na nag-iisip na ang isang tao ay maliligtas sa pamamagitan ng pagtanggap ng komunyon.

Ang tamang pananaw sa komunyon: Ito ay isang gawain ng pagsamba na sumisimbolo sa kamatayan ni Kristo para sa atin, kung saan ibinibigay ng Diyos ang biyaya bilang tugon sa pananampalataya ng nakikilahok dito. Ito ay para sa mga taong ligtas na, at ang kanilang kaligtasan ay hindi depende kung mayroon o walang komunyon.

► Bakit hindi natin dapat isipin na tinutukoy ni Hesus ang tinapay at alak ay ang kanyang literal na katawan at dugo?

► Bakit hindi kinakailangan para sa kaligtasan na ang komunyon ay ang literal na katawan at dugo ni Kristo?

Isang Paraan ng Biyaya

[1]Ang komunyon ay madalas na tinatawag na paraan ng biyaya. Idinesenyo ito ng Diyos upang maging daan ng biyaya kapag ito’y tinatanggap nang may pananampalataya sa pagtubos ni Kristo. Dapat sundin ng Kristiyano ang Diyos sa pagsunod sa mga kautusan sa Kasulatan. Hindi dapat kaligtaan ng Kristiyano ang paraang ito ng biyaya.

Kung tinatanggap ng isang tao ang komunyon nang walang pananampalataya kay Kristo, hindi ito awtomatikong nagdadala ng biyaya sa kanya.

Kung ang isang tao ay nakikibahagi dito nang walang paggalang sa kahulugan nito, nagdadala siya ng paghatol sa kanyang sarili (1 Corinto 11:27-29).

Ang pagsisisi at pananampalataya ay kinakailangan para sa kaligtasan. Ang komunyon ay hindi kinakailangan para maligtas. Ang komunyon ay isang gawain ng pagsunod at pagpapahayag ng pananampalataya. Hindi mawawala ang pagiging Kristiyano ng isang Kristiyano kung wala siyang pagkakataon na makibahagi sa komunyon.

► Kinakailangan ba sa isang Kristiyano na tumanggap ng komunyon? Ipaliwanag ang iyong sagot.


[1]“Ang mga pamamaraan ng biyaya ay ang mga daluyang itinakda ng Diyos kung saan ang mga impluwensiya ng Banal na Espiritu ay ipinapahayag sa kaluluwa ng mga tao” (Wiley & Culbertson, Introduction to Christian Theology).

Ang Wastong Pamamaraan ng Komunyon

Itinuwid ni Apostol Pablo ang maling pamamaraan ng mga taga-Corinto sa pagbabahagi ng komunyon. Mahalaga ang kanyang mga direksiyon para sa atin.

► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Corinto 11:20-34 para sa grupo. Ano ang maling ginagawa ng mga taga-Corinto?

Nagdadala sila ng pagkain at ginagawa isang meal ang Hapag ng Panginoon. Ang bawat isa ay kumakain ng sariling pagkain sa halip na magbahagi sa iba. Hindi sila naghihintay sa iba at nagsisimula nang sabay-sabay. Ang ilan ay kumakain ng sobra, ang iba naman ay nagugutom pa. Ang ilan ay umiinom ng labis, at nalalasing.

► Ano ang espesipikong mga direksiyon ang ibinigay ni Pablo sa kanila?

Sinabi niya sa kanila na huwag itong gawing isang meal. Ang mga iglesya ay mayroong mga kapistahan at pagkaing sama-sama, subali’t ang mga iyon ay hindi komunyon. Sinabi niya sa kanila na maghintayan sa isa’t-isa at sama-samang magsimula.

Muling pinag-aralan ni Pablo ang paraan kung paano sinimulan ni Hesus ang kaugaliang ito para sa iglesya. Ibinigay ni Hesus ang tinapay, pagkatapos ay ang alak, na ipinapaliwanag ang kanilang kahulugan. Mahalaga sa isang nakikibahagi na maging magalang sa pagtanggap ng mga ito, habang inaalala ang kahulugan ng komunyon.

Sinabi ni Pablo na dapat suriin ng sinuman ang kanyang sarili upang matiyak na hindi niya tinatanggap ang komunyon nang “hindi karapat-dapat.” May mga tao na nagpapakahulugan dito na ang sinuman ay hindi dapat tumanggap ng komunyon malibang natitiyakniya na ang kanyang buhay ay kalugod-lugod sa Diyos sa lahat ng detalye nito. Hindi iyon ang itinuturong talata. Nagsasalita ang apostol tungkol sa paraan ng pagtanggap sa komunyon. Ang tao ay hinahatulan kung tinatanggap niya ito sa walang galang, walang ingat na pamamaraan.

Mabuti para sa kongregasyon na sama-samang manalangin sa panahon ng komunyon. Ang iba’t-ibang tao ay maaaring itakda upang manguna sa panalangin sa iba’t-ibang bahagi ng gawain. Maaari ring umawit nang sama-sama ang grupo sa alinmang bahagi. Ang serbisyo ay dapat isagawa sa matahimik at maayos na paraan. Hindi ito panahon para sa maingay, kusang-loob na pagdiriwang. Ito ay panahon para pagbulayan ang sakripisyo ni Hesus na ibinigay para sa ating kaligtasan.

Ang Wastong Tatanggap ng Komunyon

► Sino ang dapat pahintulutang tumanggap ng komunyon?

Itinuro ni Hesus ang gawaing ito sa kanyang mga disipulo at sinabi sa kanilang isagawa ito nang sama-sama, kaya’t alam natin na ito’y para sa mga Kristiyano. Ang komunyon ay hindi dapat ibigay sa isang taong sumusunod sa ibang relihiyon. Ang isang taong sumasamba sa ibang mga Diyos ay sumasamba sa mga demonyo. Hindi siya maaaring sumamba rin kay Kristo (1 Corinto 10:20-21).

Kapag ang isang tao ay nabubuhay sa lantarang kasalanan at hindi pa nagsisisi, hindi siya dapat bigyan ng komunyon. Ang pagtanggap ng komunyon ay pagpapatotoo na tayo’y nakikiisa sa kamatayan ni Kristo. Ang isang taong kusang-loob na nagkakasala ay hindi nagtataglay ng gayung patotoo. Ang isang taong nabubuhay sa maliwanag na kasalanan tulad ng pakikiapid, pagsamba sa Diyos-Diyosan, o paglalasing ay hindi isang Kristiyano (1 Corinto 6:9-10). Sinasabi sa atin ng Biblia na hindi tayo maaaring makisama sa isang taong nagsasagawa ng mga kasalanang ito at patuloy na ipahayag na tayo’y isang Kristiyano (1 Corinto 5:11). Samakatuwid, hindi maaaring maging wasto na ibigay sa kanya ang komunyon.

Kapag ang isang miyembro ay nagkasala at tumanggi sa pagtutuwid ng iglesya, siya ay ituturing na hindi ligtas. (Mateo 18:17), samakatuwid, hindi dapat makiisa sa komunyon.

Ang komunyon ay nagpapahayag ng espesyal na pagkakaisa na taglay ng mga Kristiyano. Ang salitang komunyon ay nagpapahiwatig sa kahulugang ito. Sinabi ng apostol na sa komunyon tayo ay nagpapakita na tayo ay iisang katawan (1 Corinto 10:16-17). Samakatuwid, kung ang isang tao ay kilala sa pagiging walang ingat, walang malasakit na makasalanan, hindi siya maaaring makibahagi sa pagkakaisang iyon.

Tungkulin ng pastor na magsilbi ng komunyon sa mga Kristiyano, subali’t hindi niya tungkulin na siyasatin ang bawat detalye ng kanilang mga buhay. Kung ang isang tao ay nagpapahayag na siya ay Kristiyano at hindi nabubuhay sa lantarang kasalanan, maaaring tanggapin ng pastor ang kanyang patotoo.

Ang bawat taong tunay na naligtas ay tumanggap na ng katubusan na kinakatawan ng komunyon, maging siya man ay miyembro na o hindi ng isang partikular na iglesyang lokal. Samakatuwid, ang pagiging miyembro sa isang iglesyang lokal ay hindi dapat maging pangangailangan para sa komunyon.

Ang isang tunay na nagbalik-loob ay kuwalipikado kapwa para sa komunyon at bautismo. Hindi niya kinakailangang maghintay na pagkatapos ng bautismo bago tumanggap ng komunyon, kung siya ay pumapayag na mabautismuhan.

Kung ang kongregasyon ay binubuo ng magkahalong mga Kristiyano at mga taong hindi pa ligtas, kabilang ang mga taong nabubuhay sa lantarang kasalanan, ang komunyon ay hindi dapat ihanda para sa kongregasyon sa pangkalahatan. Ang komunyon ay dapat itakda sa ibang pagkakataon para lamang sa mga dapat tumanggap nito.

► Ano ang ilang kadahilanan na ang isang malinaw na makasalanan ay hindi dapat makibahagi sa komunyon?

Gaano kadalas ang Komunyon

► Gaano kadalas dapat isilbi ang komunyon? Bakit?

May mga iglesya na nagsisilbi ng komunyon linggo-linggo. Ang ibang iglesya ay nagsisilbi nito minsan sa isang buwan. Ang iba ay nagsasagawa nito minsan sa isang taon. Ang iba ay bihirang magsagawa nito, nang walang itinakdang araw.

Hindi sinabi sa ating ng Biblia kung gaano kadalas dapat magsilbi ng komunyon.

May mga tao na bago sila naligtas ay nagtiwala sa mga ritwal para sa kanilang kaligtasan. Nang sila ay maligtas at umalis sa klaseng iyon ng relihiyon, maaaring hindi sila maging komportable sa anumang ritwal na pangrelihiyon. Maaaring isipin nila na ang komunyon ay hindi dapat isagawa nang madalas.

May mga taong nagkakamali na inilalagay ang kanilang pagtitiwala sa ritwal. Nais nila ng madalas na komunyon dahil nakatutulong ito upang maramdaman nila na sila ay ligtas.

Mahalaga para sa isang pastor na ipaliwanag ang kahulugan ng komunyon. Dapat niyang tulungan ang kanyang mga miyembro na maunawaan kung paano ito gagamitin bilang isang pagpapala sa kanilang relasyon sa Diyos nang hindi nagtitiwala rito sa maling paraan.

Wastong Awtoridad Para sa Pagsasagawa ng Komunyon

► Sino ang may karapatang magsagawa ng komunyon?

Sinasabi sa atin ng Biblia na ang bawat mananampalataya ay isang saserdote (Pahayag 1:6, 1 Pedro 2:5, 9). Ang ibig sabihin, maaari tayong direktang sumamba sa Diyos at tulungan ang iba na sambahin siya. Walang tagapamagitan na kinakailangan upang ilapit tayo sa Diyos, dahil si Hesus ang ating Punong Pari, at binigyan niya tayo ng paraan ng paglapit (1 Timoteo 2:5, Hebreo 4:14 -16). Sa pamamagitan niya, maaari tayong magpatuloy sa paggawa ng mga sakripisyo ng papuri (Hebreo 13:15).

Ang bawat isang mananampalataya ay isang pari, maaari nating ikatwiran na ang sinumang mananampalataya ay maaaring magsilbi ng komunyon sa ibang mananampalataya, lalo na kung wala ang pastor. Gayunman mayroong mga dahilan kung bakit pangkaraniwang ang komunyon ay isinisilbi sa ilalimng pangangasiwa ng pastor.

Hindi nagbibigay ang Biblia ng direktang pahayag na ang komunyon ay dapat isilbi ng pastor lamang. Gayunman, nagbigay si Pablo ng mga espesyal na direksiyon sa pagsisilbi ng komunyon sa isang maayos at magalang na pamamaraan. Ang mga direksiyon ay para sa buong grupo, at ang tagapanguna ang may tungkuling gabayan ang grupo. Ang mga tao sa iglesya ay natural na dedepende sa pastor upang tiyakin na ang komunyon ay naisasagawa nang maayos, at dapat tanggapin ng pastor ang tungkuling iyon.

► Tingnan uli ang mga babalang ibinigay sa 1 Corinto 11:27-34.

Sinabi ni Pablo na ang mga direksiyon ay mahalaga dahil sa paggalang para sa katawan at dugo ni Kristo. Kung hindi maingat ang tao, siya ay ituturing na nagkakasala. Ang paghatol sa karamdaman at kamatayan ay dumating na sa marami sa kanila. Sinabi ni Pablo na kung sila ay maingat sa pagsasaliksik sa kanilang sarili, sila ay makaliligtas sa paghatol ng Diyos. Sinabi ni Pablo na magbibigay pa siya ng dagdag na mga direksiyon para sa kanila sa darating pang panahon.

Mahalaga na pagsaluhan nang maayos ang komunyon, hindi lamang upang iwasan ang masamang pangyayari na ibinubunga ng maling pagsasagawa nito, kundi upang kamtin din ang pakinabang na idinesenyo ng Diyos para sa atin.

Makatwiran lamang na isipin na inaasahan ng apostol na titiyakin ng mga tagapanguna sa iglesya na ang mga direksiyong ito ay nasusunod. Nanaisin ng mga miyembro ng iglesya na tutulungan sila ng kanilang pastor sa maayos na pagsasalo sa komunyon dahil sa kahalagahan nito.

Mayroon ding espesyal na tungkulin ang pastor dahil ang komunyon ay hindi dapat isilbi sa isang tao na nakaugnay sa ibang relihiyon o may malinaw na kasalanan.

Samakatuwid, ang komunyon ay dapat karaniwang isinisilbi ng isang pastor o ng isang tao sa ilalim ng gabay ng isang pastor. Maaaring hilingan ng pastor ang ibang tao upang tulungan sila sa isang gawaing may komunyon. Maaari rin magpahintulot ang pastor sa isang tao upang magsilbi ng komunyon sa mga tao kung saan wala roon ang pastor.

 

Isang Anyo Para sa Komunyon

Pagtitipon: Dapat mayroong nakaugaliang pamamaraan sa pagtitipon ng mga tao na makikibahagi sa komunyon. Kung ito ay isasagawa sa isang pampublikong gawain ng pagsamba, dapat malaman ng mga tagapanguna kung paano sila magsisilbi sa mga tamang tao.

Kasulatan: Bago isilbi ang komunyon, dapat basahin ang Kasulatan. Maaaring magsabi ng ilang pangungusap tungkol sa Kasulatan, subali’t dapat maikli lamang. Kabilang sa mga halimbawa ng talata sa Biblia na maaaring gamitin ang Mateo 26:26-30; Marcos 15:22-28; Lucas 22:14-20; Juan 10:11-18,; Juan 19:1-6,; Juan 19:16-19,; Juan 20:26-29, 1 Corinto 11:23-26, Hebreo 10:11-17, Hebreo 9:24-28, Hebreo 4:12-16, Pahayag 1:12-18, Isaias 53:1-5, o Isaias 53:6-12.

Panalangin: Dapat may isang manguna sa panalangin. Dapat kasama sa panalangin ang mga pangungusap na tulad ng: “Panginoon, nagpapasalamat po kami sa inyo para sa kaligtasang ipinagkaloob ng sakripisyo ni Hesus. Nagpapasalamat po kami sa biyayang walang kabayaran mong ibinigay sa amin. Sa aming pagsasama-sama sa pakikibahagi sa komunyon, nagpapatotoo kami na dumedepende kami sa iyo para sa espirituwal na buhay. Inihahayag namin ang pagkakaisang taglay namin bilang sama-samang mananampalataya. Idinadalangin namin ang iyong biyaya upang mamuhay nang kalugod-lugod sa iyo sa araw-araw.”

Pagbabaha-bahagi ng Tinapay: Ang tinapay ay maaaring ipamahagi ng pastor o ng mga taong kanyang itatalaga. Maaari niyang sabihin, “Ito ang tinapay na kumakatawan na katawan ni Kristo, na ibinigay para sa ating kaligtasan.” Ang bawa isa ay dapat maging matahimik at may paggalang sa kabuuan ng panahon ng komunyon. Sa ilang mga iglesya, sasabihin ng pastor sa mga tao na hawakan muna ang tinapay hanggang sa makatanggap na nito ang lahat, pagkatapos sabay-sabay silang kakain. Sa ibang mga iglesya, ang nakaugalian ay kinakain ng bawat isa ang tinapay sa oras na matanggap niya ito.

Panalangin: Ang pastor o sinumang kanyang pinipili ay maaaring manguna sa isang maikling panalangin na nagpapasalamat sa Diyos para sa kanyang biyaya.

Pagbabaha-bahagi ng Alak: Maaaring sabihin ng pastor na, “Ang alak na ito ay sumasagisag sa dugo ni Hesus, na ibinigay para sa ating kaligtasan.” May mga iglesya na ipinamamahagi ang tig-iisang kopita. Ang iba ay gumagamit ng iisang kopa. Sa ibang mga iglesya, ang bawat isang tao ay nagsasawsaw ng kapirasong tinapay sa alak. Ang mahalagang bagay dito ay ang pagsasagawa nito sa isang maayos at magalang na pamamaraan.

Panalangin: Ang pastor o isang kanyang pinili ay maaaring manguna sa isang panalangin ng pagsamba.

Himno: Maaaring sama-samang umawit ang grupo ng isang himno.

Pitong Pagbubuod na mga Pangungusap

(1) Ang komunyon ay nagmula sa pagdiriwang ng Paskuwa ng mga Hudyo.

(2) Inilarawan ng Paskuwa ang pagtubos na ipinagkaloob ni Kristo.

(3) Ang tinapay at alak ay mga simbolo ng katawan at dugo ni Hesus.

(4) Ang komunyon ay hindi awtomatikong nagbibigay ng kaligtasan sa tumatanggap nito.

(5) Ang komunyon ay nakapagbibigay ng biyaya kung tinatanggap ito ng tao nang may pananampalataya sa pagbabayad-sala ni Kristo.

(6) Ang komunyon ay hindi dapat isilbi sa mga malinaw na makasalanan o mga sumusunod sa ibang relihiyon.

(7) Tungkulin ng pastor na tiyakin na ang komunyon ay maayos na naisasagawa.

Leksiyon 11 Mga Takdang -aralin

(1) Bago mag-umpisa ang susunod na klase, ang mag-aaral ay dapat sumulat ng talata patungkol sa bawat “Pitong Pagbubuod na mga Pangungusap” (na may kabuuang pitong mga talata). Dapat maipaliwanag ng talata ang kahulugan ng punto at kung bakit ito mahalaga. Dapat itong isulat ng mag-aaral kung paano niya ito ipapaliwanag sa taong hindi kasama sa klase. Ipapasa ito sa tagapanguna sa klase.

(2) Paalala: dapat magplano ang mag-aaral na magturo ng isang paksa mula sa kurso sa mga taong hindi kasama sa klase, sa tatlong iba’t-ibang pagkakataon.

(3) Dapat makipanayam ang mag-aaral ng tatlong mananampalataya tungkol sa kahulugan ng komunyon para sa kanila at sumulat ng isang maikling buod.

Next Lesson