Kapag nag-uusap ang mga tao tungkol sa “pagpunta sa iglesya” ang ibig nilang sabihin ay ang pagpunta sa isang gusaling sambahan para sa isang nakatakdang serbisyo ng pagsamba.
Maraming tao ang nagsasabi na sila ay pumupunta sa iglesya upang higit pang matuto tungkol sa Diyos. Kung minsan ang mga taong may pakiramdam na sila ay malayo sa Diyos ay pumupunta sa iglesya at umaasa na doon mararamdaman niya ang presensiya ng Diyos. Ang mga taong nakakikila sa Diyos ay nagtutungo sa iglesya at umaasang mararanasan ang Kanyang presensiya sa pagsamba. Ang iglesya ay tungkol sa Diyos. Dapat maranasan ng mga tao ang presensiya ang Diyos sa mga gawain ng pagsamba sa iglesya.
Subali’t ang iglesya ay hindi isang gusali, at hindi rin ito ang mga pagtitipon lamang para sa pagsamba. Ang iglesya ay ang kalipunan ng mga mananampalataya na naglalaan ng sarili upang magsama-sama upang siyang maging iglesya. Kaya’t kung nag-uusap tayo tungkol sa mga tao na makikipagkita sa iglesya o kaya’y pupunta sa iglesya, ang tinutukoy natin ay ang grupo ng mga mananampalataya. Kapag sinasabi natin na ang iglesya ay tungkol sa Diyos, hindi natin ibig sabihin na tanging ang gusali at ang gawain ng pagsamba ang tungkol sa Diyos. Ang buhay na taglay na sama-samang inilaan ng mga mananampalataya ay tungkol sa Diyos.
Ang Pinagmulan ng Salita
Sa unang siglo A.D., ang salitang Griego na ekklesia ay karaniwang ginagamit. Kapag may isang patalastas natumatawag ng isang asembleya ng mga tao sa isang lunsod para sa isang pagtitipon, ang pagtitipon ay tinatawag na isang ekklesia.
Ekklesia ang salitang ginamit para sa iglesya sa Bagong Tipan. Ang salita ay ginamit ng 117 beses sa Bagong Tipan, subali’t hindi sa lahat ng pagkakataon ito ay tumutukoy sa iglesya. Ang ilan sa mga ito ay tumutukoy sa ibang uri ng pagtitipon (Mga Gawa 19:32. 39 at 41).
Ang ebanghelyo ay iniaalok sa lahat ng tao sa bawat lahi, grupo sa lipunan, lugar at trabaho. Kung paanong ang bawat isa sa lunsod ay nakaririnig sa patalastas para sa isang pagtitipon, walang sinumang kategorya ng tao ang ihinihiwalay mula sa pagtanggap ng iniaalok na ebanghelyo.
Ang iglesya ay ang grupo ng mga tao na tumutugon sa panawagan ng ebanghelyo. Sila ay nagmumula sa bawat kategorya ng tao upang bumuo ng isang espesyal, magkakaibang grupo ng tao na naglaan ng buhay kay Kristo at sa kanyang iglesya.
Ang Diyos Ama sa Iglesya
Ang Mga Persona ng Trinidad – Ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu – ay nakikipag-ugnayan sa mga mananampalataya sa mga natatanging paraan sa iglesya.
Ang Diyos ay luluwalhatiin sa pangwalang-hanggan dahil sa kanyang mga ginagawa sa iglesya.
“At sa kanya ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at sa pamamagitan ni Kristo Hesus sa lahat ng salinlahi pagpakailanman. Amen!” (Efeso 3:21).
Dahil ang iglesya ay umiiral para sa kaluwalhatian ng Diyos, walang dapat gawin ang iglesya na makawawala ng karangalan ng Diyos. Hindi dapat gumawa ang iglesya ng anumang hindi nagpaparangal sa Diyos. Hindi dapat gumawa ng iglesya ng anumang magbibigay sa tao ng maling pagkaunawa tungkol sa kung ano ang Diyos o nagbibigay ng atensiyon sa tao sa halip na sa Diyos.
“Kaya nga, basta may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya” (Galacia 6:10)
“Ganito kayo mananalangin, ‘Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang iyong pangalan.’’ (Mateo 6:9)
Dahil ang iglesya ang pamilya ng Diyos, hindi maaari sa isang tao na tunay na nasa iglesya malibang siya ay sumasampalataya sa Diyos at may relasyon siya dito. Hindi naibibilang ang isang tao sa iglesya kung basta kilala lamang niya ang mga taong nasa iglesya. Pumapasok siya sa iglesya sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kaugnayan niya sa mga tao ng Diyos.
► Ano ang kahulugan kapag sinabing ang Diyos ang iyong Ama?
[1]“Ang personal na talatang ‘ang aking iglesya’ ay nagpapahiwatig na si Hesus, ayon kay Mateo, ay sinasadya ang layuning makabuo ng isang nagpapatuloy na komunidad ng pananalangin, pangangaral at pagdisiplina. Tumawag siya at sinanay ang kanyang mga disipulo at ipinangako ang pagdating ng Banal na Espiritu na siyang gagabay sa kanila pagkatapos ng kanyang pag-akyat sa Langit”
(Thomas Oden, Life in the Spirit).
Si Kristo sa Iglesya
Si Hesus ang siyang nagtatag ng iglesya. Ipinapangako ni Hesus ang ultimong tagumpay ng iglesya.
“At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at ang kapangyarihan ng kamatayan ay hindi magtatagumpay laban sa kanya.” (Mateo 16:18).
Ipinangako ni Hesus na sasamahan niya ang iglesya.
“ . . . Ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon. Amen.” (Mateo 28:20).
“Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa aking pangalan, naroon akong kasama nila.” (Matthew 18:20).
Si Kristo ang ulo ng iglesya. Ang iglesya ay ang kanyang katawan sa mundo. Ang personal na relasyon na taglay ni Kristo sa iglelya ay mas malalim pa kaysa sa ating kayang maunawaan.
“At ipinailalim ng Diyos sa paa ni Kristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay para sa iglesya, na siyang katawan ni Kristo, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat ng bagay.” (Ephesians 1:22-23).
“Tayo nga’y mga bahagi ng kanyang katawan, ng kanyang laman, at ng kanyang mga buto” (Ephesians 5:30).
Dahil ang isang miyembro ng iglesya ay bahagi ng katawan ni Kristo, hindi maaaring ang isang tao ay maging tunay na bahagi ng iglesya malibang personal niyang inilagak ang kanyang pananampalataya kay Hesus bilan Tagapagligtas at tinanggap ang awtoridad ni Kristo bilang Panginoon.
► Anong uri ng tao ang maaaring tawaging miyembro ng katawan ni Kristo?
Ang Banal ng Espiritu sa Iglesya
Ipinapakita ng aklat ng Mga Gawa na ang unang iglesya ay may kamalayan sa presensiya at kapangyarihan ng Banal na Esp[iritu. Nagbigay ang Banal na Espiritu ng inspirasyon at kapangyarihan para sa pangangaral (Mga Gawa 2:11). Tinawag niya ang mga tao para sa natatanging ministeryo (Mga Gawa 13:2). Ginabayan Niya sila sa mga tamang lugar para sa ministeryo (Mga Gawa 16:6-10). Siya ang nagpaliwanag sa mga usapin tungkol sa doktrina (Mga Gawa 15:28).
Ang Banal na Espiritu ang dakilang direktor ng iglesya sa pagtupad nito sa pandaigdigang pagmimisyon.
Walang nag-iisang organisasyon ng mga tao ang makaaasa na matupad niya ang buong gawain. Tumatawag ang Diyos at nagsusugo ng mga manggagawa, at nalalaman niya ang mga pangangailangan sa bawat lugar ayon sa geography.
Napapabilang ang isang tao sa iglesya kapag naranasan niya ang himala ng pagbabagong-buhay sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Dahil ang pagpapanibagong-buhay ay isang karanasang sobrenatural, ang pag-eebanghelyo ay ginagabayan din sa supernatural na paraan at pagbibigay-kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Ang resulta ng pag-eebanghelyo ay hindi maaaring ipaliwanag sa pamamagitan ng mga natural na pangangatwiran.
Ang buhay ng iglesya ay buhay ayon sa Espiritu.
Ang pagsamba sa unang iglesya ay ginabayan ng Banal na Espiritu. Nagsalita siya sa pamamagitan ng iba’t-ibang miyembro. (Mga Gawa 4:30-31). Ang nakaplanong programa ng pagsamba ay maaaring baguhin anumang oras ng Banal na Espiritu.
Ang iglesya ay naiiba sa alinmang ibang klase ng organisasyon ng mga tao. May pakikisama sa isa’t-isa ang mga miyembro ng iglesya dahil sila ay may relasyon sa Diyos at nagtataglay ng espirituwal na buhay. Ang isang tao na hindi pa tunay na nagbabagong-buhay ay hindi tunay na nasa pakikisama na iyon kahit pa nagugustuhan niya ang iglesya at kaibigan man siya ng mga tao sa iglesya.
Nagbibigay ang Banal na Espiritu ng mga espirituwal na kaloob na magagamit ng mga miyembro sa paglilingkod nila sa isa’t-isa. (1 Corinto 12: 4-7). Sa mga unang araw ng unang iglesya sa Jerusalem, ang pagtatalaga ng sarili at ang pagkakaisa ng mga miyembro ay napakalakas kaya’t nagiging mahirap para sa mga modernong mananampalataya ng ito ay isipin. Ibinenta ng mga tao ang kanilang mga ari-arian at ibinigay ang pinagbilhan upang ang mga miyembro ng iglesya ay maaaring mamuhay nang sama-sama. Nang magsinungaling sina Ananias at Safira, sila ay namatay dahil ang kanilang kasalanan ay hindi nagbigay-galang sa kahanga-hangang gawain ng Banal na Espiritu na ginagawa nito sa iglesya (Mga Gawa 4:32-35, 5:1-4).
[1]Ang pagkakaisa ng iglesya ay natupad ng buhay sa Banal na Espiritu.
Ang iglesya (hindi ang gusali, kundi ang grupo ng mga mananampalataya) ay tinawag na “templo ng Diyos” dahil ang Espiritu ay nananahan sa iglesya sa isang espesyal na paraan (2 Corinto 6:16). Seryosong paghatol ang iginagawad sa sinumang tao na nagdudulot ng kasamaan sa espirituwal na templo kung saan matatagpuan ang pagkakaisang Kristiyano (1 Corinto 3:16-17).
► Ano ang sasabihin mo sa isang tao na nagsasabing siya ay binibigyang kapangyarihan ng Banal na Espiritu gayunman ay inaatake at hinahati ang iglesya?
[1]"Kung nasaan man si Jesucristo, mayroong Simbahan ng Katoliko [unibersal]."
- Ignatius
(Sa isang liham kay Smyrna)
Inihahayag ng Iglesya ang Diyos
Tinutulungan ng iglesya ang mga tao upang maalala ang Diyos, magtuon ng isip sa Diyos, at maranasan ang pagbabago na gawa ng Diyos.
Ang iglesya ay idinesenyo at nilikha ng Diyos. Higit sa alinmang lugar sa mundo, ang iglesya ang lugar kung saan ang kalooban ng Diyos ay sinasadyang gawin ng mga taong umiibig sa Diyos. Samakatuwid, ipinapakita ng iglesya sa mundo kung ano ang Diyos.
► Ano ang ilan sa mga bagay na dapat makita ng mga tao tungkol sa Diyos kapag titingnan nila ang iglesya?
Kapag titingnan nila ang iglesya, dapat makita ng mga tao na ang Diyos ay mapagmahal at maawain, nangangalaga sa lahat ng tao, nagpapatawad, sumusuporta sa katotohanan, tumutupad sa mga pangako, at namumuhi sa kasalanan habang minamahal ang mga makasalanan.
► Ano-anong mga pagkakamali ang dapat iwasan ng mga tao kapag inaalala nila na ang iglesya ay tungkol sa Diyos?
Pagsamba
Dahil ang iglesya ay umiiral para sa Diyos, ang pagsamba ng iglesya ay dapat nakatuon sa Diyos. Kapag ang pagsamba ay natuon sa mga tagapanguna o mga gumaganap dito, ito ay nasesentro sa mga tao, na isang anyo ng pagsamba sa Diyos-Diyosan. Ang maling pagsamba ay nagiging ayon sa laman, nagtataas sa ilang tao at nakasisiya sa mga natural na pagnanasa. Ang maling pagsamba ay maaari ring maging ayon sa demonyo dahil ang mga sumasamba ay naglalaan ng kanilang sarili sa mga pakiramdam at mga espiritung hindi nagmumula sa Diyos.
Ang Isang Iglesyang Universal
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Efeso 4:1-6. Ano ang pangunahing punto ng talatang ito patungkol sa iglesya?
Tinatawag ni Pablo ang mga mananampalataya sa pagkakaisa. Ang dahilan ng pagkakaisa ay mayroon lamang isang iglesya, kung paanong mayroon lamang isang Diyos at isang ebanghelyo. Ang lahat ng tunay na Kristiyano ay nasa isang katawan. Iisa lamang ang Kristiyanismo at isang iglesya dahil mayroon lamang isang Diyos.
Ang katotohanan na mayroon lamang isang iglesyang unibersal ay binigyang diin sa 1 Corinto 12:13, kung saan sinabi ni Pablo na ang lahat ng sumasampalatayang Gentil ay magsama-sama sa iisang katawan.
Ang creed ay isang pagpapahayag ng pundasyon ng mga paniniwalang Kristiyano. Ang isang sinaunang credo ng Kristiyano ay tinawag na “Credo ng mga Apostol” ay nagtataglay ng isang pangungusap “Ako ay sumasampalataya sa iglesya Katolika.” Ang salitang katoliko sa credo ay hindi tumutukoy sa Romanong Iglesya Katolika. Ito ay nangangahulugan ng “unibersal” o “kumpleto.” Sinasabi ng credo na mayroon lamang isang iglesya na kinakatawan ng mga Kristiyano sa lahat ng lugar.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Efeso 2:20.
Ang iglesya ay itinatag sa isang pundasyon: ang ministeryo at katotohanang ipinahayag ng mga apostol at mga propeta; at, ang ministeryo, mensahe, pagbabayad-utang, at nagpapatuloy na buhay ni Kristo Hesus. Mayroon lamang isang pundasyon at isang iglesya.
May isang relihiyon sa Tsina na tinatawag na Eastern Lightning. Naniniwala sila na tapos na ang gawain ni Hesus, at nagsugo ang Diyos ng isang bagong mesiyas para sa modernong panahon. Ang bagong mesiyas ay isang babaeng Tsino na nagtuturo ng mga bagong doktrina.
► Ano ang isasagot mo sa isang nagmula sa relihiyong Eastern Lightning?
Ang pagkakaisa ng unibersal na iglesya ay hindi nangangahulugan na ang isang organisasyon ay ang buong iglesya. Walang iisang organisasyon ang may kakayahang tuparin ang lalyunin ng Diyos para sa iglesya sa lahat ng lugar sa mundo. Sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol na huwag asahan na lahat ng Kristiyano ay kabilang sa parehong organisasyon. (Marcos 9:38-39).
Ang Romano Katolikong Simbahan ay nag-aangkin na sila ang buong iglesya ng Diyos. Gayun din ang inaangkin ng mga Mormon at ng mga Saksi ni Jehovah.
► Ano ang iyong sasabihin sa isang tao na nag-aangkin na ang kanilang organisasyon ay ang buong iglesya ng Diyos sa mundo?
Ang Pananagutan ng Lokal na Iglesya sa Iisang Iglesya
Ang lokal na iglesya ay hindi dapat magkaroon ng pakiramdam na ito’y malayang gumawa ng sariling doktrina. Sa isang lugar, nagbigay si Pablo ng mga direksiyon at pagkatapos ay sinabing gayun ang ginagawa “sa lahat ng iglesya ng Diyos” (1 Corinto 11:16). Sinabi niya sa isang iglesya na dapat nilang tanggapin ang ilang ministro dahil ang mga ito ay kumakatawan sa ibang mga iglesya (2 Corinto 8:23-24). Malinaw niyang ipinahihiwatig na magiging mali para sa isang iglesya na manangan sa mga doktrinang naiiba sa iba pang mga iglesya.
Ang iglesya sa Corinto ay biniyayaan ng mga espirituwal na kaloob. Nagsimula silang isipin na sila ay indipendiyente at hindi nangangailangang makinig sa payo ng sinupaman. Itinuwid ni Pablo ang kanilang pag-iisip at ipinaalala niya sa kanila na hindi sila ang pinagmulan ng Salita ng Diyos; ito ay dumating sa kanila mula sa iba at hindi dumating para sa kanila lamang (1 Corinto 14:36). Nagpatuloy siya sa pagsasabi na ang mga nasa iglesya nila na nagtataglay ng espirituwal na pagkaunawa ay makakaalam na ang mga direksiyong mula kay Pablo ay kinasihan ng Diyos.
Ang lokal na iglesya ay dapat makapapamahala sa kanyang sarili at makasusuporta sa kanyang sarili; gayunman ay nangangailangan ito ng relasyon sa unibersal na iglesya para sa matatag na doktrina (doctrinal stability), mga sanggunian sa pagsasanay, at pananaw sa pandaigdigang pagmimisyon.
Sa kasalukuyan, mayroong maraming uri ng iglesya at maraming iba’t-ibang doktrina, bagaman silang lahat ay nag-aangkin na sinusunod nila ang Biblia. Upang ang isang iglesya ay magkaroon ng pananagutan sa unibersal na iglesya ay hindi nangangahulugan na dapat nitong sikapin na maging katulad ng lahat ng ibang iglesya sa kanyang paligid. Dapat nitong panghawakan ang mga doktrina ng Kristiyanismo na kinakailangan sa simula ng iglesya sa Bagong Tipan. Dapat din itong maging bahagi ng isang samahan ng mga iglesya na nagbibigay ng pananagutan para sa isa’t-isa.
Para sa katatagan sa mga doktrina, ang isang lokal na iglesya ay dapat magtaglay ng tatlong bagay:
(1) Isang matinding paniniwala na ang Biblia ang ultimong awtoridad (absolute authority),
(2) Ang mga kinakailangang doktrina ng pangkasaysayang Kristiyanismo, at
(3) Pakikisama sa isang samahan ng mga iglesya na may mabuting teolohiya.
Sa araling ito pag-aaralan natin ang ikalawa sa listahan. Pag-uusapan natin ang tungkol sa mga samahan ng mga iglesya sa ibang aralin.
Ang isang lokal na iglesya ay hindi dapat magkaroon ng pakiramdam na ito’y malaya upang tumanggap ng mga doktrina na sumasalungat sa kinakailangang doktrina ng Kristiyano ng unang iglesya. Ang mga doktrinang ito ay nasasaad sa ilang naunang credo. Ang Credo ng mga Apostol, ang Credo ng Nicene, at ang Chalcedonian Credo ay naghahayag ng mga doktrinang kinakailangan sa Kristiyanismo mula pa sa simula. Kabilang dito ang doktrina ng Trinidad at doktrina ng pagiging Diyos ni Kristo at ang Banal na Espiritu. Kapag tinatanggihan ng isang iglesya ang mga doktrina ng mga credong ito, hindi nito dapat tawagin ang kanyang sarili na Kristiyano, dahil iyon ay isang naiibang relihiyon.
Ang Credo ng Nicene
Sumasampalataya ako sa iisang Diyos, ang Makapangyarihang Ama, Gumawa ng langit at lupa, at lahat ng bagay na nakikita at hindi nakikita.
At sa isang Panginoong Kristo Hesus, ang Bugtong na Anak ng Diyos; nagmula sa kanyang Ama bago pa ang lahat sa mundo, ang Diyos ng Diyos, Liwanag ng liwanag, PinakaDiyos ng pinakaDiyos, nagmula, hindi nilikha; na iisang substance sa Ama; sa pamamagitan niya’y ginawa ang lahat; na para sa tao at para sa ating kaligtasan ay bumaba mula sa langit, at ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu kay Birhen Maria, at nagkatawang-tao; at ipinako sa krus para sa atin sa ilalim ni Poncio Pilato; siya’y nagdusa at inilibing; at sa ikatlong araw ay muling nabuhay ayon sa mga kasulatan;at umakyat sa langit; at ngayo’y nakaupo sa kanang kamay ng Ama; at siya’y babalik muli, nang may kaluwalhatian, upang hukuman kapwa ang nabubuhay at ang patay: at ang kanyang kaharian ay magpasawalang hanggan.
At sumasampalataya ako sa Banal na Espiritu, ang Panginoon at Tagapagbigay ng Buhay, na nagmumula sa Ama at sa Anak; na kasama ng Ama at ng Anak ay magkakasamang sinasamba at niluluwalhati; na nagsalita sa pamamagitan ng mga propeta; at ako’y sumasampalataya sa isang Katoliko at Apostolikong Iglesya; kinikilala ko ang isang bautismo para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan; at ako’y naghihintay sa muling pagkabuhay ng mga patay; at sa buhay ng mundong darating. Amen.
Paano kung ang isang tao ay magpasya na siya ay hindi sumasang-ayon sa isa sa mga pangungusap ng Credo ng Nicene? Dahil ang mga doktrinang ito ay pinanghawakan na ng iglesya mula pa sa simula, kung itatanggi niya ang isa, inaangkin niya na nagtataglay siya ng katotohanang wala sa iglesya sa loob ng 2,000 taon. Kapag ang isang iglesya o tao ay hindi nananangan sa mga doktrina ng Credo ng mga Apostol, ng Credo ng Nicene, at ng Credo ng Chalcedonia, hindi dapat pagtiwalaan ang kanyang doktrina. Ang mga doktrina ng mga credo ay sumusuporta sa ebanghelyo. Kapag itinatanggi ng isang tao ang isang doktrina ng credo, maaaring sinasalungat niya ang ebanghelyo.
► Ano ang iyong sasabihin sa isang tao na nagsasabing siya ay isang Kristiyano subali’t hindi sumasang-ayon sa isang pangungusap sa Credo ng Nicene?
Pitong Pagbubuod na Mga Pangungusap
(1) Ang isang lokal na iglesya ay ang grupo ng mga manananampalataya na naglalaan ng kanilang sarili up ang magsama-sama upang maging ang iglesya sa isang espesipikong lugar.
(2) Nakikita ng mundo ang kalikasan ng Diyos sa pamamagitan ng iglesya.
(3) Ang buhay ng Espiritu ay ang buhay at pagkakaisa ng iglesya.
(4) Ang pagiging miyembro ng iglesya ay batay sa relasyon sa Diyos at paglalaan ng sarili sa grupo ng mga mananampalataya.
(5) Mayroong isang unibersal na iglesya na sumusunod sa isang Kristiyanismo dahil ang iglesya ay tungkol sa iisang Diyos.
(6) Walang iisang organisasyon ng mga tao ang buong iglesya ng Diyos sa mundo.
(7) Dapat panghawakan ng isang lokal na iglesya ang mga kinakailangan, pangkasaysayang doktrina ng unibersal na iglesya.
Leksiyon 1 Mga Takdang -aralin
(1) Bago ang susunod na sesyon sa klase, ang mag-aaral ay dapat sumulat ng isang talata tungkol sa bawat isa sa “Pitong Pagbubuod na mga Pangungusap” (na may kabuuang pitong talata). Dapat ipaliwanag sa pangungusap ang kahulugan ng punto at kung bakit ito mahalaga. Dapat isulat ito ng mag-aaral sa paraan kung paano niya ito ipapaliwanag sa isang tao na hindi kabilang sa klase. Ang kanyang isinulat ay dapat ibigay sa tagapanguna sa klase.
Sa simula ng susunod na sesyon sa klase, dapat hilingan ng tagapanguna sa klase ang ilan sa mga mag-aaral na sabihin sa klase ang kanilang isinulat para sa ilang partikular na puntos.
Ang bawat isa sa iba pang aralin (maliban sa huling aralin) ay magkakaroon ng karagdagang takdang-aralin bukod sa mga talata tungkol sa “Pitong Pagbubuod na mga Pangungusap.” Ang takdang-aralin ay maaaring isang pagsusulit, isang panayam, pag-aaral ng isang talata sa Kasulatan, o isang dapat isulat.
(2) Sa panahon ng kurso, ang mag-aaral ay dapat magturo ng isang aralin, o bahagi ng isang aralin sa isang tao o grupo na hindi bahagi ng klase. Maaaring pumli ang mag-aaral ng materyal na ituturo. Ito ay dapat gawin ng tatlong beses, gamit ang iba’t-ibang materyal. Dapat iulat ng mag-aaral sa tagapanguna sa klase ang bawat pagkakataon na siya ay nakapagturo ng aralin.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.