Ang Pinagmulan ng Kaugalian ng Bautismo
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Mateo 3:1-12 para sa grupo.
Sa Bagong Tipan, tayo ay ipinakilala sa konsepto ng bautismo sa pamamagitan ng ministeryo ni Juan Bautista. Gayunman, hindi inimbento ni Juan ang kaugalian ng bautismo. Binautismuhan ng mga Pariseo ang mga Hentil na nahikayat na sa Judaismo. Hindi nagbautismo ng mga Hudyo ang mga Pariseo dahil inakala na nilang ang mga Hudyo ang tunay na bayan ng Diyos. Iba ang pamamaraan ni Juan sa kaugaliang ito dahil nagbautismo siya ng mga Hudyo.
► Sino ang tinanggihan ni Juan upang bautismuhan? Bakit? Ano ang sinasabi nito sa atin tungkol sa pangangailangan para sa bautismo?
May ilang Pariseo ang dumating upang magpabautismo kay Juan, subali’t tinanggihan niya sila dahil hindi pa sila nagsisisi.
Iniisip ng mga Pariseo na hindi nila kinakailangang magsisi at mapatawad dahil sila ay mga Hudyo. Nais ni Juan na maunawaan nila na ang tunay na bayan ng Diyos ay ang mga nagmamahal at naglilingkod sa kanya. Ang mga taong nag-aangkin na sila ay bayan ng Diyos dahil sila ay ipinanganak na mga Hudyo ay katulad ng mga punongkahoy na hindi namumunga. Tinatanggihan sila ng Diyos.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Juan 3:22-23 at 4:1-2 para sa grupo.
Malinaw na binigyang-diin ni Hesus ang bautismo sa kanyang ministeryo. Hindi si Hesus mismo ang nagbabautismo, kundi ibinigay niya ang tungkuling iyon sa kanyang mga disipulo. Mas marami pa ang nabautismuhan nila kaysa kay Juan.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Mateo 28:18-20 para sa grupo.
Sa katapusan ng ministeryo ni Hesus sa lupa, sinabi niya sa mga disipulo na magtungo sa lahat ng dako sa mundo at gumawa ng mga disipulo. Sinabi niya sa kanila na magbautismo.
Alam natin na ang utos na ito ay hindi lamang para sa mga apostol, dahil tatagal ng daang taon bago matapos ang misyon. Ipinangako ni Hesus na sasamahan niya sila “hanggang sa dulo” na nagpapakita na ang utos at ang pangako ay para sa iglesya sa lahat ng henerasyon.
Makikita natin mula sa mga sulat sa Bagong Tipan na literal na sinunod ng iglesya sa unang siglo ang utos na ito. (Mga Gawa 2:38, 8:38).
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Corinto 1:12-17 para sa grupo. Bakit masaya si Pablo na hindi siya personal na nagbautismo ng maraming tao sa Corinto?
Ang bautismo ay kumakatawan sa pagpasok sa isang iglesya. Ang iglesya sa Corinto ay nahati at ang mga miyembro nito ay sumusunod sa iba’t-ibang tagapanguna. Ipinaalaala sa kanila ni Pablo na ang bautismo ay hindi nangangahulugan na sila ay naging tagasunod ng isang tiyak na tao; ito ay nangangahulugan na sila ay naging tagasunod ni Kristo. Ikinatuwa niya na hindi siya personal na nagbautismo sa marami sa kanila, upang walang mag-isip na nais niya silang maging kanyang personal na mga tagasunod. Ang prayoridad ni Pablo ay ang ipangaral ang ebanghelyo.
► Ano ang sinasabi ng passage na ito tungkol sa karaniwang pagsasagawa ng bautismo sa unang iglesya?
Sinasabi ng talatang ito na ang unang iglesya ay nagbautismo ng mga mananampalataya sa lahat ng lugar. Sinusunod nila ang utos ni Hesus. Ang bautismo ay hindi lamang para sa mga tao sa Israel. Ito ay hindi isang pansamantalang kaugalian. Ito ay isinasagawa sa lahat ng lugar kung saan nagtutungo ang ebanghelyo.
Mula pa sa simula, ang iglesya ay nagsagawa na ng bautismo bilang pampublikong patotoo na ang isang makasalanan ay nagsisi at pumasok na sa pagsasama-sama ng mga mananampalataya.
[1]Para sa karamihan sa mga tao, ang bautismo ay hindi ang pagkakataon kung kailan sila nagiging Kristiyano. Ang isang makasalanang nagsisisi ay naliligtas sa sandaling inilalagak niya ang kanyang pananampalataya kay Kristo. Pagkatapos niyang maligtas, dapat niyang tuparin ang utos na magpabautismo bilang pagpapatunay ng kanyang bagong buhay ng pagsunod kay Hesus bilang kanyang Panginoon. May mga tao na nabubukod, dahil sa sandali ng bautismo sila naglalagak ng pananampalataya at nakararanas ng pagbabalik-loob. Subali’t sa karaniwan, ang bautismo ay ang patotoo na nagkaroon na ng pagliligtas.
► Ano ang iyong sasabihin sa isang tao na nagsasabing siya ay naging Kristiyano nang siya ay mabautismuhan?
- Wiley & Culbertson,
Introduction to Christian Theology