Ang espirituwal na kaloob ay isang kakayahang ibinibigay ng Banal na Espiritu sa isang mananampalataya upang magamit sa ministeryo ng iglesya. Ito ay pagkilos ng Espiritu sa mananampalataya, ngunit ang mananampalataya ay gumagawa ng sariling pagpapasya kung paano gagamitin ang kaniyang kaloob at maaaring magamit sa hindi tama. Ang espirituwal na kaloob ay hindi katulad ng natural na kakayahan, ngunit ito ay maaaring makatulong sa natural na kakayahan at hindi madaling makita ito.
Ang mga Espirituwal na kaloob at ang gampanin sa ministeryo ay nakasulat sa ilang bahagi ng Bagong Tipan. Ang mga listahan ay magkakatulad subali’t hindi magkamukhang-magkamukha. Hindi ibinigay ng Bibliya ang talaan ng lahat ng espirituwal na kaloob.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Efeso 4:7-12 para sa grupo.
Sinasabi sa atin sa talatang 7-8 na ang biyaya ng Diyos ay ibinibigay sa bawat tao sa anyo ng mga espirituwal na kaloob. Malinaw na hindi tumutukoy ang apostol sa grasya ng pagkaligtas, dahil sa talatang 11 isinulat niya ang maraming gampanin sa ministeryo na ibinigay ng Diyos.
Tinatawag ng Diyos ang mga tao sa mahalagang ministeryo at binibigyan ng espirituwal na kaloob na kanilang kailangan. Itinala ni Pablo ang ilang ministeryo, sa halip na itala ang espirituwal na kaloob katulad ng ginawa niya sa 1 Corinto. Ang nakalistang gampanin sa ministeryo ay ang apostol, propeta, ebanghelista, tagapangunang Kristiyano, at guro. Makikita naman, na hindi ito itinakda na kumpetong talaan ng mga gampanin sa ministeryo.
Apostol.
Espesyal na pinili ang mga apostol upang mapalaganap ang iglesya matapos ang ministeryo ni Hesus sa lupa. Nakilala sila sa pagmimilagro sa kanilang ministeryo (2 Corinto 12:12). Personal nilang nakilala si Hesus habang siya ay nasa ministeryo (1 Corinto 9:1, Mga Gawa 1:21-22).
Nabasa natin sa aklat ng Pahayag na ang labindalawang pundasyon ng siyudad ay kumakatawan sa labindalawang apostol, na nagpapakita na sila ay katangi-tangi sa kasaysayan ng iglesya (Pahayag 21:14). Ang ibang bersikulo na nagsasabi na mayroon lamang labindalawang apostol ay ang Mateo 10:2 at Mga Gawa 1:26. Sinasabi sa Judas 17 na ang mga apostol ay nasa nakalipas na. Wala nang nabubuhay na apostol sa ngayon.
Propeta
Ipinapalagay ng ilang tao na ang hula ay isang prediksyon ng mga mangyayari sa hinaharap, ngunit sa Bagong Tipan, ang pangangaral ay tnutukoy ding propesiya. Sa Lumang Tipan, madalas na kasama ng hula ang prediksyon, sapagkat ito ay isang paraan upang mapatunayan ng propeta na ang kanyang mensahe ay mula sa Diyos. Sa panahon ng Lumang Tipan, maraming bahagi pa ng Bibliya ang hindi pa naisusulat.
Ang isang propeta ay isang taong nakatatanggap ng mensahe mula sa Diyos, na maari, o maaaring hindi, na may kasamang hula. Ang awtoridad ng mensahe niya ay karaniwang ang Bibliya.
Ebanghelista
Ang salitang ebanghelista ay nagmula sa salitang ebanghelyo. Ang ebanghelista ay isang taong nagbabahagi ng ebanghelyo, maaaring sa isang tao o sa mga kongregasyon. Ang bawat Kristiyano ay dapat magbahagi ng ebanghelyo, ngunit ang iba ay natatanging pinagkalooban para sa gawaing ito. Ang pastor ay dapat mag-ebanghelyo bilang parte ng kanyang ministeryo. (2 Timoteo 4:5).
Pastor
Ang tagapangunang Kristiyano ay hindi lamang isang tagapangaral, sa halip isang taong nagbibigay ng espirituwal na pangangalaga sa isang tiyak na grupo ng mga tao.
Guro
Sa iglesya, ang guro ang siyang nagpapaliwanag ng biblical at espirituwal na katotohanan sa iba. Ang lahat ng tagapangunang Kristiyano ay dapat maging guro (1 Timoteo 3:2, Tito 1:9), ngunit ang ibang hindi pastor ay pinagkalooban din na maging isang guro.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 12:6-8 para sa grupo.
Dito sinasabi ng apostol na ang isang tao ay dapat magtuon ng kanyang kakayahan sa kaloob sa kanya ng Diyos, sa halip na gamitin ang kakayahan at oras sa maraming uri ng ministeryo.
May ilang espesyal na pangaral ang binibigay sa piling uri ng ministeryo. Halimbawa, ang isang tagapanguna ay dapat maging masipag, hindi nangunguna kung kailan lamang niya gustuhin, na tinitiyak na ang mga responsibilidad ay laging nagagampanan. Ang nagbibigay ay hindi dapat gawin iyon upang makakuha ng atensyon para sa kanyang sarili, sa halip magbigay sa simpleng paraan. Ang taong “nagpapakita ng awa,” tumutulong sa mga taong nangangailangan, ay dapat gawin ito ng masaya ang kalooban at hindi napipilitan lamang.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Corinto 12:28 para sa grupo.
Malinaw na hindi nilayon ni Pablo na ibigay ang kumpletong talaan ng mga kaloob o gampanin sa ministeryo sa bersikulong ito. Halimbawa, hindi niya nabanggit ang tagapangunang Kristiyano sa talaang ito, ngunit nabanggit sila sa talaan sa Efeso.
Ang apostol, propeta, at mga guro ay napag-aralan na sa mga nakaraang aralin.
Ang ibang tao ay tinawag sa ministeryo ng pagmimilagro at panggagamot. Ang bawat mananampalataya ay may pribilehiyo na manalangin para magkaroon ng milagro, at ang Diyos ay tumutugon sa kanilang pananampalataya. Subalit, mayroong mga mananampalataya na may kaloob na makita ang kaibahan ng naisin ng Diyos at ng pagkakaroon ng pananampalataya para lamang magkaroon ng milagro.
Ang ibang tao ay may kaloob na makatulong. Mas mabilis nilang makita ang pangangailangan kumpara sa ibang tao. Nakikita nila ang pagkakataon na makapagbigay ng tulong o sa gawain sa iglesya. Mayroon silang iba’t ibang praktikal na kakayahan.
Ang iba ay nabigyan ng espesyal na kakayahang mamuno at mamahala. Iniisip ng maraming tao na ang mga tagapamuno ang pinakamahalagang tao, ngunit ang pamumuno ay walang halaga kung wala ang iba pang kaloob sa iglesya.
Huli sa talaan ang kaloob na makapagsalita sa iba’t ibang lenguwahe. Maaaring nais itama ng apostol ang kaisipan na ito ang pinakamahalagang kaloob.
Ang mga Pinsipyo mula kay Pedro
Ipinahayag ni Apostol Pedro sa madaling salita ang pinakamahalagang pinsipyo patungkol sa espirituwal na kaloob.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Pedro 4:10-11 para sa grupo.
Makikita natin ang anim na mahalagang punto patungkol sa espirituwal na kaloob sa mga bersikulong ito.
(1) Pinagkatiwalaan ang mga mananampalataya ng espirituwal na kaloob mula sa Diyos. Sa gayon, dapat nila iyong gamitin para sa Diyos at hindi bilang personal na nagmamay-ari nito. May pananagutan tayo sa Diyos sa paggamit ng ating espirituwal na kaloob.
(2) Ang kaloob ay dapat magamit sa iba. Hindi ito para sa personal na pagkilala o kapakinabangan.
(3) Iba’t iba ang grasya ng Diyos (sari-sari). Napakaraming uri ng kaloob.
(4) Ang pagsasalita ng isang tao ay dapat laging naaayon sa sinasabi ng Bibliya.
(5) Dapat umasa ang isang tao sa kapangyarihan ng Diyos habang siya ay naglilingkod.
(6) Ang lahat ng ministeryo ay dapat may layunin na mapapurihan ang Diyos.
Ang mga Prinsipyo mula kay Pablo
Nabiyayaan ng maraming espirituwal na kaloob ang iglesya sa Corinto. Nagkaroon sila ng mga hindi pagkakaunawaan, kaya binigyan sila ni Apostol Pablo ng paliwanag patungkol sa mga espirituwal na kaloob sa 1 Corinto 12-14.
Ang mga kapitulo ng Kasulatan ay nagtuturo sa atin ng maraming prinsipyo patungkol sa espirituwal na kaloob. Ang ilan sa mga prinsipyo ay nakasulat para sa atin upang pag-aralan.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Corinto 12:1-3 para sa grupo.
(1) Ang Prinsipyo sa Pagsisiyasat sa Doktrina: Ang Espirituwal na mga karanasan ay dapat masuri sa pamamagitan ng mga alam nating katotohanan.
Ang mga mananampalataya sa Corinto ay dating sumasamba sa mga diyos-diyosan. Hindi nagsasalita ang mga diyos-diyosan, pero ang mga espiritu ay nakakapagsalita. Ang mga tagasunod ng mga hidwang relihiyong ito ay nagbubukas ng sarili sa mga gawa ng mga espiritu. Tila iniisip nila na ano mang espirituwal na karanasan ay mabuti. Naghahanap sila ng pagkawala sa sarili o emosyonal na pagkabalisa. Masaya silang mapasailalim sa kontrol ng espiritu, kahit na ito ay nagtutulak sa kanila na magsalita at kumilos sa paraan na katulad ng mga nawala sa sarili o malaswa.
[1]Binigyan ng babala ng apostol na walang taong nagsasalita sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ang magsasabi ng masama patungkol kay Hesus. Kung ang masamang espiritu ang magkakaroon ng kontrol sa pagsamba, mag-uutos ito sa mga tao na ilagay sa kahihiyan ang Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga kilos at salita. Ang Banal na Espiritu ay hindi nangunguna sa paraan na bibigyang kahihiyan ang Diyos.
Hindi natin dapat isipin na ang pagkilos ng espiritu ay isang mabuting bagay dahil lamang ito ay kakaibang pangyayari. Ang pagsusuri rito ay maihahalintulad sa 1 Juan 4:1-3. Kung ang sinasabi ng espiritu ay kasalungat ng Salita ng Diyos, hindi ito katanggap-tanggap.
► Anong mga relihiyon ang nagpapahintulot na makontrol ng masamang espiritu ang mga sumasamba?
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Mga Taga-Corinto 12: 4-11para sa grupo.
(2) Ang Prinsipyo ng Pagkakaiba-iba ng Kaloob: Ang Banal na Espiritu ay kumikilos sa bawat mananampalataya, ngunit sa iba’t ibang paraan.
Binibigyang diin ng mga bersikulong ito na mayroong isang Banal na Espiritu na kumikilos sa iba’t ibang paraan. Pinipili niya kung paano maipapamahagi ang mga espirituwal na kaloob. Ang bawat mananampalataya ay nagtataglay ng kahit isang espirituwal na kaloob. Walang sino man ang nagtataglay ng lahat ng kaloob.
Dapat gamitin ng isang miyembro ang kanyang kaloob sa kapakinabangan ng katawan. Hindi ibinigay ng Diyos ang kaloob sa kanya para sa pansariling kapakinabangan.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 12:12-26 para sa grupo.
(3) Ang Prinsipyo ng Katawan: Ang bawat miyembro ay mahalaga, at kailangan ng bawat miyembro ang bawat isa.
Inihambing ng apostol ang mga miyembro ng iglesya sa mga bahagi ng pisikal na katawan. Mayroon silang magkakaibang kakayahan at layunin. Hindi dapat isipin ng miyembro na dapat siyang maging katulad ng ibang miyembro upang makasama sa katawan. Halimbawa, hindi dapat isipin ng tainga na dapat itong maging mata upang makasama sa katawan. Walang tiyak na kaloob na dapat taglayin ng isang tao upang makasama sa katawan.
Walang miyembro ang dapat mag-isip na dahil sa kanyang taglay na kaloob hindi na niya kailangan ang ibang miyembro. Hindi makakakilos ng maayos ang katawan kung kulang ang bahagi nito.
May mga kaloob na higit na nakakakuha ng atensyon kumpara sa iba. Iniisip ng mga tao na may tiyak na kaloob na nagpapahiwatig ng espirituwal na katayuan. Ang Diyos ang nagpapasya kung paano ibibigay ang kaloob, at walang likas na katayuan dahil sa kaloob.
► Ano ang iyong sasabihin sa isang tao na nag-iisip na ang taong nangangaral ay laging higit na espirituwal kumpara sa taong naglilinis sa bahay panambahan?
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 12:27-31 para sa grupo.
(4) Ang Prinsipyo ng Gampanin sa Ministeryo: Binigyan ng Diyos ang bawat miyembro ng kanyang kailangan upang magampanan ang kanyang partikular na ministeryo.
Ang bahaging ito ng Kasulatan ay nagbubuod sa Kabanata 12. Tinatawag ng Diyos ang mga tao upang magampanan ang iba’t ibang ministeryo. Ang ministeryo ay hindi para magamit ng isang tao sa pansariling pagpapakilala, kundi sa paglilingkod sa iglesya.
Sabihin sa klase na iyong babasahin ang tanong sa 12:29-30, at habang binabasa mo ang bawat tanong, dapat nila itong sagutin. Halimbawa, kung babasahin mo ang tanong na “Lahat ba ay apostol?” dapat sumagot ang klase ng “hindi.”
Dahil iba’t iba ang ministeryo, ang kaloob ay magkakaiba rin. Nagtanong si Pablo ng iba’t ibang tanong, lahat ay sinasagot ng “hindi.” Sinasabi lamang niya na walang kaloob ang laging maaasahan sa bawat mananampalataya.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Mga Taga -Corinto 13 para sa grupo.
(5) Ang Prinsipyo ng Pagmamahal: Ang pagmamahal ay ang walang hanggang dapat unahin, at ang mga espirituwal na kaloob ay hindi permanente.
Ang unang tatlong bersikulo ay nagpapakita na hindi natin kayang magbigay kung walang pagmamahal kasama ng natural na kakayahan, espirituwal na kaloob, o personal na sakripisyo.
Sa personal na pagsusuri, subukang ilagay ang iyong pangalan kapalit ng salitang pagmamahal sa bersikulo 4-7 at isaalang-alang kung paanong ito ay tugma.
Ang bersikulo 11 ay hindi tumatawag sa kaganapan sa gulang. Inihalintulad ng apostol ang buhay natin sa lupa sa kabataan at inihalintulad ang buhay sa langit sa pagtanda. Darating ang araw na hindi na natin kailangan ang mga bagay na kailangan natin ngayon. Ang hula at ang kaloob na karunungan ay kailangan ngayon sapagkat kulang ang ating kaalaman. Sa walang-hanggan, ang mga espirituwal na kaloob ay hindi kailangan at isasa-isantabi katulad ng mga “bagay na pangbata.” Kahit ang pananampalataya at pag-asa ay hindi na kinakailangan sa darating na panahon sapagkat ang lahat ay maisasakatuparan na, subalit ang pagmamahal ay mananatiling lubos na mahalaga.
Bininigyang diin ang isang prinsipyo sa Kapitulo 14 ng 1 Corinto: ang prinsipyo ng komunikasyon. Itinuturo rin ang ilang katotohanan sa kabanatang ito, ngunit ang mga pinsipyo ay maraming beses nang naipaliwanag at naisalarawan ng apostol.
(6) Ang Pinsipyo ng Komunikasyon: Nakasalalay ang ministeryo sa komunikasyon ng katotohanan sa paraang madaling maunawaan.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 14:1-5 para sa grupo.
Ang pangangaral ay mas mahalaga kaysa pagsasalita ng ibang wika.
Ang panghuhula ay hindi lamang upang malaman ang magaganap sa hinaharap. Ang panghuhula ay pangangaral. Sa Lumang Tipan, karaniwang kasama ng panghuhula ang pagsasabi ng mangyayari sa hinaharap sapagkat ito ay isang paraan upang mapatunayan ng propeta na ang mensahe nya ay nagmula sa Diyos. Sa panahon ng Lumang Tipan, marami sa Bibliya ang hindi pa naisulat.
Sa ngayon ang mangangaral ay kayang mangaral mula sa Bibliya at ipakita na ang kanyang mensahe ay mula sa Diyos. Mayroon pa ring supernatural na aspeto dahil binigyan ng Diyos ang mangangaral ng espesyal na pagkaunawa at maiugnay ang katotohanan sa kalagayan.
Ang pagsasalita ay hindi makatutulong kung hindi nauunawaan ng mga tao ang wikang binabanggit. Kung ang tao ay nagsasalita ng ibang wika na hindi alam ng iba, ang Diyos lamang ang nakakaunawa sa kanya.
Sinasabi ng ibang tao ang salitang “walang taong nakakaunawa sa kanya” na nangangahulugan na ang nagsasalita ay hindi naunawaan ang kanyang sarili, ngunit hindi iyon ang natural na kahulugan ng talatang iyon. Kung ang isang Aleman ay magpatotoo sa ating iglesya at matapos ay sabihin natin na, “Walang nakaunawa sa kanya,” hindi nangangahulugan na sinabi natin na hindi niya naunawaan ang kanyang sarili.
Maliban na lamang kung maipapaliwanag ang mga salita, ang iglesya ay hindi napatitibay.
► Ano ang dapat gawin ng tagapangunang Kristiyano sa isang taong laging nagsasalita ng ibang wika sa iglesya na walang nakakaunawa at walang nagsasabi kung ano ang kahulugan nito.
Sa talata 5, Sinabi ni Pablo na magiging mabuti kung lahat sila ay may kaloob na makapagsalita sa iba’t ibang wika; tingnan din ang I Corinto 4:8 at 7:7. Sinabi niya sa 4:8 na makabubuti kung sila ay maging makapangyarihan katulad ng isang hari, ngunit hindi niya talaga inaasahan ito sa kanila sapagkat kahit ang mga apostol ay nahihirapan. Sinabi niya sa 7:7 na makabubuti kung silang lahat ay ayaw mag-asawa katulad niya; ngunit sinabi niya na hindi lahat ay tinawag na gayun, at alam natin na ang pag-aasawa ay disenyo ng Diyos para sa karamihan ng mga tao. Sa 14:5, sinabi niya na makabubuti kung ang lahat ay may kaloob na makapagsalita ng ibang wika; hindi niya sinabi na magagawa ito ng lahat. Sa 12:29-30, malinaw niyang ipinaliwanag na walang tanging kaloob ang dapat taglay ng lahat.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 14:6-19 para sa grupo.
Ang pagsasalita ay walang kabuluhan kung ito ay hindi nauunawaan.
Sa bersikulo 6, itinanong ng apostol ang, “Anong kabutihan ang maidudulot nito?” Maliban na lamang kung mayroong maunawaan, wala itong maidudulot na mabuti. Kahit ang mga gamit sa paglikha ng musika ay dapat mapatugtog batay sa ilang parisan o tono o wala silang kahulugan, ingay lamang. Ang tambuli ay ginagamit bilang hudyat ng hukbo. Kung ang tambuli ay lumilikha ng ingay na hindi nakaayos bilang hudyat, walang makakaalam kung dapat bang salakayin ang mga kalaban o itago ang mga tolda. Ang komunikasyon ang binibigyang diin sa buong kapitulong ito.
Ang salitang hindi nauunawaan ay sumasama “sa hangin” (9). Sinasabi nito na ang gayong salita ay walang kabuluhan.
Sinabi ni Pablo na kung hindi magkaunawaan ang mga tao, katulad sila ng mga taong hindi sibilisado sa isa’t isa (11). Kung nais ng isang tao na magpatuloy sa pagsasalita nang hindi nauunawaan, hindi niya sinusubukang magtayo ng iglesya sa halip ay nagnanais na tuparin ang sariling hangarin. (12).
► Ano ang mga dahilan ng isang tao upang magsalita ng mga bagay na walang sino man ang nakakaunawa?
Sinabi ni Pablo na kung ang isang tao ay nagsasalita ng wika na hindi nauunawaan ng ibang tao, ang sarili niyang pagkaunawa ay hindi magbubunga (14). Hindi sinasabi ni Pablo na ang taong iyon ay hindi mauunawaan ang kanyang sarili, ngunit ang kanyang sariling pagkaunawa ay hindi magdudulot ng mabuti sa iba.
Sinabi niya na ang pinakamabuting paraan ay gawin ang ministeryo sa pamamagitan ng Espiritu na may kasamang pagkaunawa (15). Hindi nangangahulugan na kung nasa Espiritu ay hindi mauunawaan ang isang tao.
[2]Sinabi niya na ang taong hindi nakapag-aral ang malamang na hindi makakaunawa sa mga sinasabi (16). Kinukumpirma nito na ang kanyang tinutukoy ay mga tunay na wika. Sinabi niya na hindi tayo dapat nagsasabi ng “amen” sa mga bagay na hindi natin nauunawaan.
Sinabi ni Pablo na siya ay nagagalak na siya ay nakakapagsalita sa maraming wika. Subalit, ang limang salitang nauunawaan ay mas mabuti kaysa sa sampung libo na hindi nauunawaan (18-19).
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 14:20-25 para sa grupo.
Ang mga salitang-kinasihan ng Espiritu na nauunawaan ay nakapagbibigay luwalhati sa Diyos.
Ang layunin ng kaloob na makapagsalita sa iba’t ibang wika ay ang pagbabahagi ng ebanghelyo (tingnan ang Marcos 16:15-17).
Pinaniniwalaan ng ilan na ang kaloob na makapagsalita ng iba’t ibang wika ay isang tanda na ang tagapagsalita ay mayroong Banal na Espiritu, ngunit sinabi sa talata 22 na ang kaloob na makapagsalita sa iba’t ibang wika ay hindi tanda na magpapatunay ng ano man sa mga mananampalataya. Nangangahulugan ito na ang kaloob ay hindi nagpapatunay ng ano man sa taong nagtataglay nito o sa mananampalataya na nakakita nito. Tanda lamang ito sa mga hindi mananampalataya kung ito ay magagamit upang ipalaganap ang ebanghelyo sa paraang mauunawaan.
Posible na ang espirituwal na kaloob ay maaari pa ding magamit ng isang tao kung siya ay mahulog sa kasalanan at maputol ang kanyang kaugnayan sa Diyos. Sa gayon, ang espirituwal na kaloob ay hindi nagpapatunay na ang isang tao ay gumagawa ng mabuti o kung siya ay naligtas na.
Kung ang bisita sa iglesya ay narinig silang lahat na nagsasalita at hindi nauunawaan, iisipin niya na sila ay nawawala sa sarili. Ngunit kung ang hindi mananampalataya ang makakarinig ng katotohanan na mag-convict sa kanyang puso, maiisip niyang naroon ang Diyos.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 14:27-35 para sa grupo.
(7) Ang Prinsipyo ng Kaayusan: Dapat panatilihin ng iglesya ang kaayusan sa pagsamba.
Tinanong ng apostol, “Bakit iniisip ng lahat na kailangang mayroon silang gawin sa pagsamba”? Iniisip ng mga mananampalataya sa Corinto na ang isang tao ay mahalaga kung siya ay nagsasalita o nangunguna sa pagsamba, kaya ang lahat ay nagnanais na gawin iyon.
Sinabi niya na kung ang isang tao ay nagsasalita sa wika na hindi nauunawaan ng iba, dapat itong isalin sa wikang nauunawaan. Hindi sila dapat maglaan ng maraming oras sa mga bagay na kailangan pang isalin sa ibang wika sa oras ng pagsamba. (27).
Ang taong nagsasalita ng wikang hindi nauunawaan ng iba ay hindi dapat magsalita kung walang sino man ang maaaring magsalin nito (28).
Hindi kailan man maaaring magsalita ang higit sa isa ng magkakasabay (31). Tila dahil lahat ay nais magsalita, maraming tao ang nagsasalita ng magkakasabay. Nagkakaroon ng kaguluhan sa pagsamba.
Ang ilan ay maaaring nagsabi na hindi sila maaaring mapasailalim ng batas sapagkat hindi nila kayang kontrolin ang kanilang sarili kung ang Espiritu ay kumikilos sa kanila. Sinabi ni Pablo na kayang kontrolin ng propeta ang kanyang sarili (32). Sinabi niya na ang Diyos ay hindi magdudulot ng kaguluhan sa iglesya (33). Ang Banal na Espiritu ay hindi kikilos sa tao upang gumawa ng bagay na hindi ayon sa katuruan ng Bibliya.
► Ano ang ilan sa mabuting pamamaraan upang mapanatili ang kaayusan sa pagsamba?
Tila, ang mga kababaihan sa iglesya sa Corinto ang nagdudulot ng kaguluhan. Maaaring sila ay nagtatanong at nagtatalo, sapagkat sinabi ni Pablo na dapat silang pasakop sa pamumuno at dapat maghintay na makapagtanong sa kanilang tahanan. Sa ilalim ng mabuting kalagayan, ang mga kababaihan ay maaaring pahintulutan na magkaroon ng ministeryo at lumahok sa pagsamba, subalit dapat itong may kaayusan.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Mga Taga-Corinto 14: 36-40 para sa grupo. Ano ang nais ipahiwatig ni Pablo patungkol sa kanilang kaugnayan sa ibang iglesya?
(8) Ang Prinsipyo sa Pagsunod sa Apostol: Ang bawat iglesya ay dapat sumailalim sa orihinal na doktrina ng mga apostol.
Ang mga mananampalataya sa Corinto ay nabiyayaan ng mga espirituwal na kaloob. Maaaring iniisip nila na hindi na nila kailangan pang magpasailalim sa pamumuno ng iba. Pinaalalahanan sila ni Pablo na ang ebanghelyo ay sumakanila mula sa iba. Kailangan nilang sumailalim sa doktrina ng buong iglesya ng Diyos. Kung ang isang tao ay magsasabi na siya ay mas mabuti kaysa sa pamumuno ng apostol, siya ay mangmang at hindi dapat ituring na marunong o espirituwal.
Sinabi ni Pablo sa kanila na huwag ipagbawal ang paggamit ng iba’t ibang wika. Ang kaloob na makapagsalita sa iba’t ibang wika ay mahalaga, lalo na sa mga lugar kung saan gumagamit ng iba’t ibang wika; ngunit, ang kaloob ay dapat magamit ayon paraan ng Bibliya.
[1]"Ngunit hindi lahat na nagsasalita sa Espiritu ay isang propeta, ngunit kung mayroon siyang mga paraan ng Panginoon. Mula sa kanyang mga paraan samakatuwid ay ang maling Propeta at ang Propeta ay kilalanin. "
- Didache, (written in the first century of the church)
[2]“Ito ay isang bagay na malinaw na kasuklam-suklam sa Salita ng Diyos at sa kaugalian ng sinaunang iglesya na magkaroon ng pampublikong pananalangin sa iglesya o isagawa ang mga sakramento sa isang wikang hindi nauunawaan ng mga tao.” - Mga Artikulo ng Relihiyon ng Iglesyang Methodista
Ang Pakikipagkumpitensya ng Iglesya sa Espirituwal na Kapangyarihan
Mayroong mga iglesya na nagpapakita ng espirituwal na kapangyarihan upang makakuha ng atensyon. Naniniwala sila na ang milagro at espirituwal na kaloob ang nagpapakilala sa pinakamahusay na iglesya. Inaangkin nila ang maraming mahimalang paggaling. Sinasabi ng ilang miyembro na madalas silang makatanggap ng mga salita ng pahayag mula sa Diyos. Ang kanilang pananambahan ay higit na nakatuon sa pagpapakita ng espirituwal na kaloob kaysa sa Bibliya. Naniniwala sila na ang bawat Kristiyano ay dapat nagtataglay ng kaloob na makapagsalita sa iba’t ibang wika, at nais nilang makita ang mga kaloob na ito sa kanilang pananambahan. Hinihikayat nila ang mga tao na manguna sa kanilang pananambahan kung kaya ang pagsamba nila ay nagkakaroon ng kaguluhan. Nagnanais na maging tanyag ang mga namumuno sa kanila, ipinagmamalaki ang kanilang espirituwal na kapangyarihan at pinupulaan ang ibang iglesya.
Maraming suliranin ang makikita sa mga iglesya na sumasalungat sa espirituwal na pagpapatotoo. Marami sa kanilang miyembro, gayun din ang mga tagapanguna, ay nabubuhay sa kasalanan. Hindi nila nauunawaan ang pag-gulang sa espirituwal, na ipinapakita ng pananampalataya na tumutugon sa suliranin ng buhay. Marami sa kanilang mga tagapanguna ay mga kabataan na hindi namumuhay ng matagumpay laban sa kasalanan at walang paggalang sa nakatatanda, matuwid na mananampalataya. May mga ginagawa sila sa kaloob na makapagsalita ng ibang wika na hindi naaayon sa banal na Kasulatan. Marami sa kanilang mga tao ay hindi pa nakararanas ng himala, ngunit umaasa na makasaksi nito.
Ang isang iglesya na tunay na may basbas ng Banal na Espiritu ay dapat nagpapakita ng pananampalataya at espirituwal na kaloob sa espirituwal na pagkilos. Dapat pamunuan ng isang iglesya ang kanyang mga miyembro na mapalalim ang kanilang pananampalataya upang malabanan ang mahirap na sandali at magwagi laban sa kasalanan. Sa halip na ipakita ang espirituwal na kaloob na katulad ng isang palabas, dapat gamitin ng iglesya ang espirituwal na kaloob upang makapaglingkod sa pangangailangan ng pamilya sa pananampalataya.
► Ano ang mga tanda na ang isang iglesya ay sinusubukang makipagkumpitensya sa ibang iglesya sa pamamagitan ng pagpapakita ng espirituwal na kapangyarihan?
Pitong Pagbubuod na mga Pangungusap
(1) Ang espirituwal na kaloob ay kakayahang ibinigay ng Banal na Espiritu sa isang mananampalataya upang magamit sa ministeryo ng iglesya.
(2) Ang bawat mananampalataya ay nakatanggap ng espirituwal na kaloob, ngunit hindi maaasahan na ang bawat tao ay nagtataglay ng natatanging kaloob.
(3) Ang iba’t-ibang miyembro ng iglesya ay dapat kumilos nang sama-sama bilang isang katawan na mayroong kinakailangang kaloob at kahalagahan.
(4) Kasama ang espirituwal na kaloob sa pagkatawag sa ministeryo.
(5) Ang mga salitang sinasambit ay walang halaga kung ito ay hindi nauunawaan.
(6) Dapat gamitin nang mabuti ng mananampalataya ang kanyang kaloob sa ikaluluwalhati ng Diyos at patatagin ang iglesya.
(7) Ang pagmamahal sa Diyos at sa tao ay pinakamahalaga ngayon at kailan pa man.
Leksiyon 14 Mga Takdang -aralin
(1) Bago magsimula ang sumunod na klase, ang mag-aaral ay dapat magsulat ng talata patungkol sa bawat isa sa “Pitong Nagbubuod na mga Pangungusap” (na may kabuuang pitong talata). Dapat maipaliwanag sa talata ang punto at kung bakit ito mahalaga. Dapat itong isulat ng mag-aaral kung paano niya ito ipapaliwang sa sino mang hindi kasama sa klase. Ang isinulat ay dapat ibigay sa tagapanguna ng klase.
(2) Tandaan: ang mag-aaral ay dapat magplano upang makapagturo mula sa aralin sa mga taong hindi kasama sa klase, ng tatlong magkakaibang pagkakataon.
(3) Pagsusulit: dapat maghanda ang mag-aaral upang magsulat mula sa kanyang memorya ng hindi bababa sa pito ng walong pinsipyo mula kay Pablo patungkol sa espirituwal na kaloob.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.