Doktrina at mga Gawain ng Iglesya
Doktrina at mga Gawain ng Iglesya
Audio Course Purchase

Search Course

Type at least 3 characters to search

Search through all lessons and sections in this course

Searching...

No results found

No matches for ""

Try different keywords or check your spelling

results found

Lesson 7: Ang Iglesya sa Mundo

13 min read

by Stephen Gibson


Ang Iglesya sa Lipunan

► Paano dapat makibahagi ang iglesya sa lipunan?

Sumulat si Jeremias sa mga Hudyo na nabibihag upang sabihin sa kanila kung ano ang dapat nilang maging kaugnayan sa paganong lipunan na kanilang kinalalagyan. Naroon ang mga Hudyo nang laban sa kanilang kagustuhan; pagano ang relihiyon ng lipunan; mapang-api ang pamahalaan at winasak ang kanilang bansa; at, hinihintay nila ang araw na maaari na silang umalis. Marahil iniisip nila na hindi sila dapat na makibahagi sa mga suliranin ng lipunang iyon.

Pakinggan ang mensahe ng Diyos na ibinigay sa propeta para sa mga taong ito:

“Hanapin ninyo ang kapayapaan [shalom] ng lunsod na pinagdalhan ko sa inyo bilang bilanggo, at manalangin kayo sa Panginoon para sa kanilang kapakinabangan, dahil sa kanilang kapayapaan matatagpuan ninyo ang inyong kapayapaan” (Jeremiah 29:7).

[1]Ang Shalom, ang salitang karaniwang isinasalin sa salitang kapayapaan, ay tumutukoy hindi lamang sa kapayapaan lamang mismo, kundi pati na ang mga pagpapalang kasama ng kapayapaan. Tumutukoy ito sa mga pagpapala ng Diyos. Ang mga sumasamba sa Diyos sa isang bansang pagano ay makatatagpo ng pagpapala ng Diyos habang sinisikap din nilang dalhin ang mga pagpapalang iyon sa mga tao sa paganong lipunan!

Ang mga suliranin ng mundo ay nagmumula sa ugat na suliranin ng kasalanan. Ang mga indibidwal at mga organisadong mga kapangyarihan ay hindi gumagalang sa Salita ng Diyos. Ang iglesya ay may natatanging kakayahan na magsalita tungkol sa mga suliranin ng mundo dahil ang iglesya ay makapagpapaliwanag ng Salita ng Diyos at ipahayag ang karunungan ng Diyos. Hindi lamang dapat magsalita ang iglesya laban sa mga kasalanan ng lipunan kundi dapat nitong ipaliwanag at ipakita kung ano dapat ang kalagayan ng isang lipunan.


[1]“Ang Iglesyang Kristiyano ay ang komunidad kung saan ang Banal na Espiritu ay nagkakaloob ng katubusan at namamahagi ng mga kaloob. Ito ang paraan na ginagamit ng Diyos upang maiparating sa sanlibutan ang gawang nakapagliligtas ni Kristo. Ang iglesya ay tinawag mula sa mundo upang ipagdiwang ang sariling pagdating ng Diyos, at tinawag upang bumalik sa mundo upang ipahayag ang kaharian ng Diyos na nakasentro sa sariling pagdating ng Diyos at sa inaasahang pagbalik.”
- Thomas Oden, Life in the Spirit

Ang Iglesya at ang Pamayanan

► Ano ano ang mga tanda ng tagumpay para sa isang iglesya?

Sa isang nagtataglay ng konsepto ng tagumpay ayon sa pamantayan ng mundo, maaaring isipin ng isang tao na matagumpay ang isang iglesya kapag maraming dumadalo dito, may malaking badyet, at may malaking gusali.

Alam ng mga Kristiyano na ang mga bagay na iyon ay hindi nangangahulugan ng tagumpay sa mata ng Diyos, subali’t tayo’y madalas na naiingganya ng mga bagay na iyon. Karaniwang iniisip nating matagumpay ang isang pastor kapag taglay niya ang ganitong iglesya.

Ang mas mahalagang sukatan ng tagumpay ay ang bilang ng mga tunay na pagbabalik-loob na naganap dahil sa ministeryo ng iglesya. Ang espirituwal na paglago ng mga mananampalataya ay napakahalaga rin, subali’t mahirap sukatin. Ang isang mahalagang pagpapakita ng tagumpay ng isang iglesya ay ang pagbabago na nagagawa nito sa kanyang kapaligiran.

► Ano ang palagay ninyo tungkol sa pangungusap na ito?

“Ang tagumpay ng isang lokal na iglesya ay dapat direktang nakaugnay sa antas ng pangkalahatang pagbabago na ibinubunga nito sa kanyang malapit na pamayanan. Ang anumang ibang batayan ng tagumpay ay pangalawa lamang.”[1]

Ang ebanghelyo ay lumilikha ng epekto nang higit pa sa mga nagbabalik-loob lamang. Ang bawat taong nagbabalik-loob at nagsisimulang mamuhay ayon sa mga prinsipyong Kristiyano ay nakakaimpluwensiya sa iba. Sinabi ni Hesus na ang kanyang mga tagasunod ang asin at ilaw ng sanlibutan.

Ang mga prinsipyong Kristiyano ay ang pundasyon ng kalayaan at katarungan, at ito ang basehan ng pagbabago sa lipunan. Kung ang iglesya ay nakakaimpluwensiya sa mga tao upang sundin ang mga prinsipyong Kristiyano, ang lipunan ay maiimpluwensiyahan upang magtatag ng kalayaan at katarungan.

Ito ay mailalapat rin sa isang lokal na komunidad. Kung naliligtas ang mga tao sa pamayanan dapat mayroong pagbabago dito.

► Anong mga pagbabago ang mangyayari sa inyong pamayanan kung maraming tao ang maiimpluwensiyahan upang sumunod sa mga prinsipyong Kristiyano?

Ano ang magiging kahulugan para sa pamayanan kung maiimpluwensiyahan ito ng ministeryo ng iglesya? Magkakaroon ito ng pagbaba sa bilang ng krimen, pag-abuso at pagpapabaya sa mga bata, imoral na pag-uugali, karahasan, diskriminasyon sa lahi, ilegal na mga negosyo, mga mapagsamantalang negosyo, at paninira. Magiging mas matapat ang mga umuupa. Magbibigay ang mga nagpapaupa ng ligtas na tirahan. Mas maraming tao ang makapag-aari ng kanilang sariling tahanan. Ang mga negosyante ay magiging bukas ang loob sa pagpapabuti sa mga manggagawa. Ang mga manggagawa ay magkakaroon ng mas mabuti pag-uugali para sa trabaho.

Ang espirituwal na epekto ng iglesya ang unang prayoridad, subali’t kung ang espirituwal na epekto ay tunay, ito ay maihahayag sa mga pagbabagong nakikita sa pamayanan.


[1]John Perkins, binanggit ni Daniel Hill sa “Church in Emerging Culture,” sa A Heart for the Community, 203.

Ministeryo sa Mahihirap

► Ayon kay Hesus ano daw ang ikalawang pinakadakilang utos?

► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Lucas 10:25-29 para sa klase.

Tinanong si Hesus ng isang guro sa batas kung paano magkakamit ng buhay na walang hanggan. Itinanong ni Hesus, “Ano ang sinasabi ng batas?” Bilang sagot, pinagsama ng lalaki ang dalawang pinakadakilang kautusan. Sinabi niya na dapat mong ibigin ang Diyos nang buong mong pagkatao at ibigin ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili (Lucas 10:27). Sinabi ni Hesus na tama ang kanyang tugon, at sinabi, “Gawin mo iyon at ikaw ay mabubuhay.” Ang taong nagtataglay ng gayung pag-ibig ay may buhay na walang hanggan.

Pagkatapos, itinanong ng lalaki, “Sino ang aking kapwa?” Hindi niya iniisip na kailangan niyang ibigin ang lahat ng tao. Humahanap siya ng mas maliit na kategorya ng mga tao na dapat niyang ibigin, upang magkaroon siya ng pakiramdam na natutupad niya ang nararapat niyang gawin. Sinagot ni Hesus ang tanong na ito sa pamamagitan ng isang kuwento.

► Ano ang ikinuwento ni Hesus bilang isang halimbawa ng pag-ibig sa iyong kapwa?

► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Lucas 10:30-37 para sa klase.

Ikinuwento ni Hesus ang tungkol sa Samaritana bilang halimbawa ng kahulugan ng pag-ibig sa iyong kapwa tulad ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Ang pag-ibig ang humihikayat sa atin upang tumugon sa isang taong may pangangailangan.

Inihayag ni Hesus ang kanyang misyon sa Lucas 4:18-19:

“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon, dahil hinirang niya ako upang ipangaral ang ebanghelyo sa mahihirap; isinugo niya ako upang gamutin ang mga wasak ang puso, upang ipangaral ang pagpapalaya sa mga bihag, at pagbabalik ng paningin sa mga bulag, upang pawalan ang mga nasugatan, upang ipangaral ang katanggap-tanggap na taon ng Panginoon.”

Ang pangungusap na ito ay sumasagot sa tanong na, “Bakit naparito si Hesus?” Sinabi ni Hesus na hinirang siya para gawin ito. Ito ang layuning inihula sa kanya sa Lumang Tipan.

Ang misyon ni Hesus ang nagbibigay ng direksiyon sa iglesya, ang “katawan ni Kristo” sa mundo. Ang unang bagay ayon kay Hesus na dapat niyang gawin ay ang ipangaral ang mabuting balita sa mahihirap. Hindi natutupad ng iglesya ang kanyang misyon kung napapabayaan o kaya’y ihinihiwalay ang mahihirap. Sinabi ni Hesus na pinagpala ang mahihirap ng kaharian ng langit (Lucas 6:20). Sinabi ni Apostol Santiago na pinili ng Diyos na maging mayaman sa pananampalataya ang mahihirap (Santiago 2:5). Pinili ng Diyos na ipakita ang kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng paggamit sa mahihirap at mahihina sa mundo (1 Corinto 1:27-29). Maraming dahilan ang iglesya upang espesyal na kumilos sa pag-eebanghelyo sa mahihirap. Isang dahilan ay ang mas mabilis na paglaganap ng ebanghelyo sa mga mahihirap.

Ang paglalarawan ni Hesus ng kanyang ministeryo ay nagpapakita na inaasahan niya na mababago rin niya ang mga kundisyon sa mundo.

► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Mikas 6:6-8 para sa klase. Ano ang itinatanong ng propeta?

Pinag-iisipan ni Propeta Mikas ang tanong kung ano ba talaga ang nais ng Diyos mula sa mga sumasamba? May mga tao na nagtatanong kung sapat na ba ang mga kawan ng baka bilang isang sakripisyong handog, o maging ang pagsasakripisyo ng mga bata. Ipinaliwanag ni Mikas na hindi ang mahalaga ay paghanap ng sakripisyo na karapat-dapat para sa Diyos. Inihayag na ng Diyos ang kanyang mga kinakailangan. Tungkulin natin na maging makatarungan at tulungan ang iba upang makatanggap ng katarungan.

Ang habag ay hindi lamang tumutukoy sa mahinahong paggamit ng awtoridad. Ang “habag” ay tumutukoy rin sa pagtugon sa mga pangangailangan. Sinabi ni Hesus na ang Samaritano ay isang halimbawa ng iniuutos ng Diyos na pag-ibig dahil “nagpakita siya ng habag.” Kung minsan iniisip ng mga iglesya na dapat lang silang magtuon ng pansin sa mga espirituwal na pangangailangan. Iniisip nila na wala silang pananagutan sa mga usapin ng kahirapan. Gayunman, binanggit ng Biblia ang mahihirap nang 400 na beses. Ang mga suliranin ng mahihirap ang ipinagmamalasakit ng Diyos. Katulad ng Mabuting Samaritano, ang mga iglesya ay dapat magpakita ng pagmamahal sa mga nangangailangan ng tulong.

► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Ezekiel 16:49-50 para sa klase. Ano ang kasalanan ng Sodoma ang binanggit sa mga talatang ito?

Ang lunsod ng Sodoma ay naaalala dahil sa kasalanan ng seksuwal na kabuktutan; subali’t hindi lamang iyon ang kasalanan ng lunsod. Ginamit ng mga taga-Sodoma ang kanilang kaunlaran upang magkaloob ng kasiyahan sa kanilang sarili at hindi humanap ng paraan upang bigyang lakas ang mahihirap (“palakasin ang kamay”) upang baguhin ang kanilang kalagayan.

 

Ang Konsepto ng Parokya

Kapag ang isang iglesya ay may responsibilidad para sa tiyak na kapit-bahayan, ang lugar na iyon ay tinatawag na parokya ng iglesya. Ayon sa kasaysayan, ang malalaking samahang pang-iglesya ay umasa na ang bawat lokal na iglesya ay maglilingkod sa isang tiyak na geographical area. Ito ay isang kaugalian ng Simbahang Katolikong Romano sa maraming bahagi ng mundo, ng Lutheran Church sa Alemanya, at ng Church of England sa Gran Britanya. Karamihan sa mga denominasyong Protestante ay walang parokya ayon sa ganitong kaisipan.

Isipin ninyo kung ano ang mangyayari kapag itinuring ng isang iglesya na siya ang iglesya para sa kanyang komunidad. Makikilala ng bawat kung sino ang pastor at siya ay naroon upang manalangin, magpalakas ng loob, at magpayo, dumadalo man sila o hindi sa iglesya. Kapag siya’y bumisita sa komunidad, ang kanyang pangunahing layunin ay hindi ang hikayatin silang dumalo sa iglesya. Sa halip, dadalhin niya ang ministeryo ng iglesya sa kanila.

Ang iglesya ay bubuo ng mga ministeryong tutugon sa mga pangangailangan ng kapit-bahayan, tulad ng pagpapayong pampamilya, pagtuturo sa mga kabataan, at pagsasanay pangkabuhayan batay sa karakter. Ang mga ito ay nauugnay rin sa layunin ng iglesya. Ito ang mga bahagi sa buhay na mahalaga ang mga sagot ng Biblia, at dapat ibahagi ng iglesya ang karunungan ng Salita ng Diyos sa mga praktikal na bahagi. Madaling tukuyin ang mga bagay na mali sa lipunan, subali’t dapat mailarawan ng iglesya kung ano ang dapat sa isang lipunan.

► Ano ang mga pangangailangan sa inyong kapit-bahayan na maaaring mabago ng Salita ng Diyos?

[1]Nakita ng mga propeta sa Lumang Tipan na ang lupain at ang mga tao ay pag-aari ng Diyos, at tinawag ang bawat isa upang tuparin ang tipan sa Diyos. Nangaral sila tungkol sa mga biyayang dumarating sa komunidad kapag sumusunod ito sa plano ng Diyos at tungkol sa mga sumpa na dumarating dahil sa pagsuway.

Dapat tingnan ng pastor ang kanyang komunidad bilang ang kanyang parokya sa ilalim ng Diyos. Ang Diyos ang siyang Nagpapaupa at Tagapamahala na nag-aalay na pagpalain ang mga tao kung sila ay mamumuhay ayon sa kanyang plano.

Dapat patuloy na tawagin ng pastor ang mga tao sa komunidad upang mamuhay sa ilalim ng direksiyon ng Diyos. Dapat niyang ipaliwanag kung ano ang kahulugan ng pamumuhay nang may pagpapala ng Diyos at hikayating sila na magkaroon ng relasyon sa Diyos.

Ang konsepto ng parokya ay hindi nangangahulugan na ang lahat ng tao sa kapit-bahayan ay isang miyembro ng iglesya. Ibinibilang ng iglesya iyon lamang nagtatalaga ng sarili upang mamuhay nang may relasyon sa Diyos, nguni’t ang komunidad ay naiimpluwensiyahan ng iglesya.

Ang konsepto ng parokya ay hindi nangangahulugan na ang kapit-bahayan ang kumokontrol sa iglesya at nagtatakda ng mga pinahahalagahan nito. Ang iglesya ay inatasan ng Diyos, sumusunod sa kanyang Salita at isinusulong ang pagiging hari ng Diyos sa pamayanan.

Dahil ang iglesya ay tinawag upang maging asin at ilaw, ang iglesya ay tinawag upang lumikha ng pagbabago sa kanyang pamayanan.


[1]“Bilang katawan ni Jesus, ang iglesya ay ang grupo na nagsasama-sama na umiiral upang gawin ang kanyang kalooban at kumatawan sa mga interes ng Kanyang kaharian.”
- Larry Smith,
I Believe: Fundamentals of the Christian Faith

Ang Pagkauna ng Ebanghelyo

Maraming ministeryo ang nag-aalok ng mga programang tumutugon sa mga materyal na pangangailangan ng mga tao sa pamayanan. Nagsisilbi sila sa mga pangangailangan ng komunidad at iniisip na ang pagtulong sa mga tao sa mga praktikal na pamamaraan ay makakalikha ng mga kaibigan at makukuha ang atensiyon para sa ebanghelyo. Ang kanilang layunin ay makalikha ng mga oportunidad upang ibahagi ang ebanghelyo. Nais nilang ipakita na sila ay nagmamalasakit.

Ang kanilang pormula ay: Programa, pagkatapos ay relasyon, pagkatapos ay Ebanghelyo. Gayunman, maraming paraan upang magkamali ang mga programa ng pagtulong. Ang pagtulong ay maaaring hindi makalikha ng relasyon maliban sa relasyon ng nagbibigay/tumatanggap.

Kung minsan tila nakahiwalay ang ebnghelyo sa mga bagay na ibinibigay, at ang mga tao ay maaaring makakuha ng tulong kahit hindi interesado sa ebanghelyo. Ang mga taong gumagawa sa programa ay maaaring maging sobrang abala sa pagkakaloob ng tulong at hindi na ibinabahagi ang Ebanghelyo. Maaaring kunin ng mga tumatanggap ang lahat ng kanilang gusto, pagkatapos ay umaalis upang humanap ng tulong mula sa iba pang tao.

Dapat baguhin ang pormula. Dapat bigyang-diin ng iglesya ang ebanghelyo sa unang pagkakataon na makaugnay sa sinupaman.

► Ano ang ebanghelyo?

Kapag inihahayag ng iglesya ang ebanghelyo sa mundo, dapat silang maging matapat magkaroon ng paglalarawan ng isang bagong buhay sa iglesya. Ang kaligtasan ay hindi isang personal na desisyon na nag-iiwan sa isang tao upang mag-isa sa isang kakaiba at bagong buhay. Hindi karaniwang tinatanggap ng mga makasalanan ang ebanghelyo malibang sila ay maakit sa komunidad ng pananampalataya na nagpapahayag ng ebanghelyo.

Sa ministeryo ni Hesus at ng mga apostol, nakikita natin na ang ebanghelyo ay ang “mabutng balita” ng kaharian ng Diyos. Ito ang mensahe na ang makasalanan ay maaaring patawarin at magkaroon ng relasyon sa Diyos. Siya ay inililigtas mula sa kapangyarihan ng kasalanan at ginagawang isang bagong nilalang. Pumapasok siya sa pamilya ng pananampalataya, kung saan ang kanyang mga espirituwl na kapatid sa pananampalataya ang nagpapalakas ng kanyang loob, at tumutulong sa kanyang mga pangangailangan.

Dapat makita ng iglesya na kanyang pangunahing misyon ay ang pagpapahayag ng ebanghelyo. Dapat malaman ng lahat na ang pagtatrabaho para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ay ang dahilan ng iglesya. Pagkatapos, naaakit ng iglesyaang mga taong interesado sa ebanghelyo. Ang ministeryo ng ebanghelyo ang lumilikha ng relasyon.

Pagkatapos tinutulungan ng iglesya ng mga taong may kaugnayan sa iglesya. Marahil hindi pa lahat ng mga taong iyon ay ligtas, subali’t sila ay naakit ng ministeryo ng ebanghelyo ng iglesya.

Kaya’t, ang pabaligtad na pormula ay Ebanghelyo, pagkatapos ay Relasyon, pagkatapos ay Tulong (hindi isang programa). Ang iglesya ay hindi dapat maging isang organisasyon lamang na nagkakaloob ng mga programa sa pagtulong. Sa halip, ang iglesya ay isang grupo ng mga tao na tumutulong sa mga taong may relasyon sa kanila. Kapag sila’y magsisimula ng mga programa, ang mg tao’y darating para sa programa nang walang relasyon.

Pitong Pagbubuod na mga Pangungusap

(1) Ang epektibong iglesya ay nakalilikha ng pagbabago sa kaniyang pamayanan.

(2) Dapat nating ipakita ang ating pagmamahal sa ating mga kapitbahay sa pamamagitan ng pagtugon sa kanilang pangangailangan.

(3) Ang iglesya ay dapat magministeryo sa mahihirap upang matupad ang kanyang misyon.

(4) Ang iglesya ay dapat magministeryo sa mga tao sa kanyang lugar na nasasakupan.

(5) Dapat ilarawan at ipahayag ng iglesya kung ano dapat ang isang lipunan.

(6) Ang ministeryo ng Ebanghelyo ay ang pangunahing prayoridad ng iglesya.

(7) Dapat tumulong ang iglesya sa mga tao sa konteksto ng relasyon.

Leksiyon 7 Mga Takdang -aralin

(1) Bago magsimula ang susunod na klase, ang mga mag-aaral ay dapat sumulat ng talata tungkol sa bawat isa sa “Pitong Pagbubuod na mga Pangungusap” (may kabuuang pitong talata). Dapat maipaliwanag ng talata ang kahulugan ng punto at kung bakit ito mahalaga. Dapat itong isulat ng mag-aaral sa paraan kung paano niya ito ipapaliwanag sa taong hindi kasama sa klase. Ipapasa ang isinulat sa tagapanguna sa klase.

(2) Paalala: Dapat magplano ang mag-aral upang magturo mula sa kursong ito sa mga taong hindi kabilang sa klase, sa tatlong magkakaibang pagkakataon.

(3) Takdang-Araling Panayam: Makipag-usap sa ilang taong hindi dumadalo sa sambahan. Hilingan silang ilarawan ang impluwensiya ng iglesya sa pamayanan. Sumulat ng buod.

Next Lesson