Doktrina at mga Gawain ng Iglesya
Doktrina at mga Gawain ng Iglesya
Audio Course Purchase

Search Course

Type at least 3 characters to search

Search through all lessons and sections in this course

Searching...

No results found

No matches for ""

Try different keywords or check your spelling

results found

Lesson 6: Sama-samang Pagbabahagi ng Buhay

14 min read

by Stephen Gibson


Ang Iglesya Pagkatapos ng Pentekostes

► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Mga Gawa 2:42-47 para sa grupo. Ano ang nakikita mong detalye kaugnay ng pakikisama ng iglesya matapos ang Pentekostes?

Matapos ang Pentekostes, inilarawan sa Mga Gawa ang buhay ng iglesya. “Ang lahat ng mananampalataya ay magkakasama, lahat sila ay magkakatulad.” Maraming tao ang nagbenta ng mga ari-arian upang makatulong sa buhay ng iglesya sa komunidad. Sila ay madalas magtipon upang sumamba sa bahay sambahan at magkakasama para sa fellowship sa kanilang mga bahay.

[1]Sa panahong nasa rurok ang gawain ng Banal na Espiritu sa kanila, ang buhay naman sa komunidad ng iglesya ay nasa malalim na bahagi. Para sa mga bagong mananampalataya, ang pagiging kasapi ng iglesya ay higit pa sa pagdalo sa gawain tuwing Linggo. Ibinabahagi ng mga mananampalataya ang kanilang buhay sa araw araw.


[1]“Kapwa sa mga Kasulatan at sa mga credo, ang pagsasamang Kristiyano ay isinasagawa bilang paraan ng biyaya”
- Wiley & Culbertson,
Introduction to Christian Theology

Ang Buhay sa Pamilya

[1]Sa bagong Tipan, ang iglesya ay tinatawag na pamilya.[2] Ang mga mananampalataya ay tinatawag na anak ng Diyos[3], at tinatawag na kapatid[4] ang isa’t isa.

Isipin natin ang pagkaunawa sa pamilya sa iba’t ibang parte ng mundo hanggang sa kasalukuyang panahon. Ang magkakaugnay na magkakamag-anak ay bumubuo sa angkan, na parte ng isang tribo. Ang mas pinalawak na pamilya ay nagbibigay ng proteksyon, nagbibigay daan sa hustisya, pag-aari ng lupain, pagkakaroon ng trabaho, pagkakaroon ng kasama sa buhay, edukasyon, tulong sa matatanda, tulong sa mga ulila, at tulong sa balo. Ang lahat ng ito ay mahirap makamtan kung walang konensyon sa pamilya.

Sa ganitong kultura, lahat ng kasapi ng pamilya ay sumusunod sa isang relihiyon. Ang relihiyon ay hindi isang indibiduwal na desisyon. Ang mga bata ay tinuturuan ng tradisyong pang relihiyon ng pamilya.

Marami sa naging Kristiyano ang hindi na tinanggap ng kanilang pamilya. Nawala sa kanila ang lahat ng karaniwang nakakamit kasama ang pamilya. Ang iglesya ang kanilang naging bagong pamilya. Kaya tinatawag nila ang isa’t-isa bilang kapatid. Ang mga tao sa iglesya ay nagtutulungan at dumedepende sa isa’t isa.

Kung ang mga tao sa simbahan ay magkikita-kita tuwing Linggo lamang, iisipin nilang ang Linggo lamang ang pagsamba. Ang mga iglesya ng Bagong Tipan ay sumasamba tuwing Linggo, ngunit ang iglesya ay buhay at aktibo araw-araw.

► Paano magiging iba ang mga bagay sa iglesya na nagbabahagi ng buhay sa araw-araw?

Dapat malaman ng Pastor na ang paglilingkod sa kongregasyon sa buong linggo ay kasing halaga ng pangunguna sa pananambahan. Ang lahat ng espirituwal na kaloob at kakayahan ay kailangan, hindi lamang ang mga kaloob na ginagamit sa mga gawain sa iglesya. May paraan upang ang lahat ng tao ay makapaglingkod. Makikita ng mga tao sa komunidad kung ano ang tunay na kahulugan ng pagiging parte ng espirituwal na pamilya.

Bilang pamilya sa pananampalataya, ang iglesya ay nakakakuha ng tulong mula sa tao at nakakahanap ng tulong mula sa langit upang matugunan ang anumang pangangailangan ng kasama sa fellowship, ipinapakita sa mundo ang karunungan ng Diyos sa lahat ng aspeto ng buhay at nahihikayat ang mga hindi mananampalataya na maging Kristiyano at sumama sa pamilya.


[1]“Dahil ang iglesya ang pamilya ng Diyos, kung saan sa pamamagitan ng kapanganakan at dugo tayo rin ay kabilang – isang komunidad ng pamana at pag-ibig na ating pinapasok sa pamamagitan ng bagong kapanganakan, iniligtas ng dugo ni Jesus”
- Larry Smith,
I Believe: Fundamentals of the Christian Faith
[2]Galacia 6:10; Efeso 3:15.
[3]Galacia 3:26; 1 Juan 3:2.
[4]Santiago 2:15;1 Corinto 5:11.

Mga Aspeto ng Ibinabahaging Buhay

Kung ang mga tao ay magbabahagi ng kanilang buhay sa isa’t isa, ang oras nilang sama-sama ay magkakaroon ng mga sumusunod na aspeto.

(1) Ang ministeryo ay may plano at maisasagawa ng sama-sama. Sa maraming mga iglesya, may maliit na grupo ang may pananagutan sa pagpaplano at gawain sa iglesya. Ang bawat isa sa iglesya ay dapat makilahok sa gawain sa iglesya, maging ang mga bagong mananampalataya.

(2) Sama-samang natutugunan ang mga pangangailangan. Kung ang isang tao ay may suliranin, maaari siyang humingi ng tulong sa mga kaibigan sa iglesya. Hindi ibig sabihin na ang sino man ay hinahayaang maging iresponsable, ngunit kung ginagawa naman nya ang kanyang makakaya, ang pamilya sa iglesya ay dapat handang tumulong.

(3) Ang trabaho ay matatapos ng sama-sama. Ang matibay na relasyon ay mabubuo kung ang mga mananampalataya ay gumagawa ng sama-sama upang matulungan ang sino mang kasama sa fellowship na nangangailangan. Maaari din silang magtulungan upang matulungan ang kanilang sariling pamilya.

(4) Ang oras ng paglilibang ay nagagamit ng sama-sama. Ang mga miyembro ng iglesya ay dapat magsama-sama para magkaroon ng kasiyahan habang sama-samang kumakain, dumadalaw, at gumagawa ng mga aktibidad.

(5) Ang mga espesyal na pagkakataon sa buhay ay naipagdiriwang ng sama-sama. Hindi lahat ng kultura ay nagdiriwang ng parehong espesyal na pagkakataon sa buhay. Ang ilan sa mga espesyal na pagdiriwang na ito ay ang kapanganakan, pagsapit sa isang espesyal na edad, pagsisimula ng pag-aaral, pagtatapos ng pag-aaral, pagpapa-bautismo, kaarawan, pagpapakasal, pagkakaroon ng mga anak, pagluluksa, at iba pang mahalagang pagdiriwang. Ang mga tao sa ibang relihiyon ay karaniwang nagkakaroon ng mga seremonya upang gunitain ang mga espesyal na pagkakataong ito. Ang iglesya ay dapat ring magkaroon ng paraan upang maipagdiwang nang sama-sama ang mga espesyal na pagkakataong ito.

Ikapu sa Lumang Tipan

Sa Lumang Tipan, ang ikapu (tithe) ay hindi lamang upang isuporta sa templo at sa mga nangunguna sa pananambahan. Ang ikapu ay pinansiyal na tulong din sa mga balo, ulila at mga nangibang-bansa.[1] Ito rin ay para sa pagdiriwang ng mga espesyal na salo-salo.[2] Ang paggamit ng ikapu ay nagpapakita sa atin na ang lahat ng aspeto ng sama-samang buhay ay mahalaga sa isang iglesya.


[1]Deuteronomio 26:12.
[2]Deuteronomio 12:17-18.

Pagsasama-sama at Ekonomiya

► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Santiago 2:15-16 para sa grupo. Ano ang itinuturo ng pahayag na ito sa fellowship ng Kristiyano?

Minsan ang mga tao ay namumuhay na para bang ang pinansyal na pangangailangan ay hindi kaugnay ng pagsasama-sama ng mga mananampalataya. Ngunit sinasabi sa Bibliya na ang pagiging kasapi ng pamilya sa pananampalataya ay nangangahulugan na dapat tayong tumugon sa pangangailangan.

Ang kahulugan ng fellowship ay pagbabahagi ng buhay, higit pa sa espirituwal na karanasan lang. Ang salitang Griyego na Koinonia, na ginamit sa Bagong Tipan, ay madalas isalin sa “fellowship” at ang salita ay ginagamit sa ano mang salitang ang kahulugan ay pagbabahagi. Minsan ito ay ginagamit sa pagbabahagi ng pinansiyal na pag-aari (2 Corinto 9:13, 8:4; Roma 15:26). Sa Kristiyanong komunidad sa Jerusalem noong unang siglo, walang sino man ang nagkulang ng kanilang pangangailangan (Mga Gawa 4:34-35), sapagkat ibinahagi ng mga tao sa iba kung ano ang mayroon sila.

Nang may diskriminasyon sa pinansyal na tulong sa simbahan, nahadlangan ang ministeryo. Nang maitama ang suliranin, nagpatuloy ang pagdami ng nagbabalik-loob dahil sa ebanghelyo. (Mga Gawa 6:1, 7).

Noong A.D. 125, isang Kristiyano na nagngangalang Aristides ang nagsulat:

Sila ay naglalakad nang may kababaang loob at kabutihan, at hindi makikitaan ng kamalian, at sila ay nagmamahalan. Hindi nila itinatakwil ang mga balo, and binibigyang lumbay ang mga ulila. Ang sinumang mayroon, maluwag na ipinamamahagi iyon sa iba na wala. Kung may nakita silang hindi kakilala, isinasama nila siya upang may masilungan at magsaya na katulad ng isang tunay na kapatid: tinatawag nila ang kanilang sarili na kapatiran, hindi sa laman, kundi sa espiritu at sa Diyos; ngunit kung ang isa sa kanila ay mahirap at pumanaw na sa mundo, at may nakakita sa kanya, siya ang maglilibing ayon sa kanyang kakayahan; at kung marinig nila na ilan sa kanila ay nakulong o napahirapan sa ngalan ng Mesiyas, lahat sila ay tutulong sa kaniyang pangangailangan; at kung maaari nila siyang palayain, pinalalaya nila siya. At kung may kasama silang naghihirap at nangangailangan, ngunit wala silang kakayahan, nag-aayuno sila ng 2 o tatlong araw upang makapagbigay sila sa nangangailangan ng nararapat na pagkain.

[1]Si Julian na Tumalikod sa Pananampalataya (Apostate), isang emperador na Romano (A.D. 361-363) na umusig sa iglesya, ang nagbigay ng ganitong pahayag tungkol sa mga Kristiyano: “Ang mga taga-Galilea na walang Diyos ay nagpakain hindi lamang ng kanilang mga mahihirap na kasama, kundi maging ang amin din.”[2]

Kalahati lamang ng tungkulin ng iglesya ang kanyang natutupad kung ipinapangaral nito ang pagsisisi sa kasalanan gayunman ay hindi nito inaanyayahan upang sumama ang taong nagsisisi sa pamilya ng mga mananampalataya kung saan niya matututuhan kung paano ipagpapatuloy ang bagong buhay. Halimbawa, sasabihin ng iglesya sa isang babae na hindi niya dapat ipagpatuloy ang imoral na relasyon, dapat ding sabihin ng iglesya kung paano siya makakukuha ng tulong mula sa pamilya ng mga mananampalataya.

Sa ibang parte ng mundo makakakita tayo ng kongregasyon na nagpapahiwatig ng ganitong uri ng komunidad na Kristiyano. Ang kabuuan ng pagsasama-sama ay nagbubunga hindi lamang pagkalinga sa mga miyembro sa usaping pampananalapi, ganon din sa pagpapalakas ng ministeryo.

Ang mga simbahan ng mahihirap [sa Bolivia] ay mayroon ng tinatawag nating pangangasiwa para sa pangangalaga ng buhay (stewardship for survival). Ang mga sikat na simbahan na itinayo sa lugar ng mahihirap ay hindi kayang dumepende sa tradisyon, sa tulong ng gobyerno, sa pagtulong at kaloob ng mayayamang benefactor, o sa grupo ng propesyonal na mga ministro. Dapat silang magkaroon ng pagsasama-sama (fellowship) kung saan sama-sama ang mga miyembro upang mabuhay ang komunidad, lumago at mapayabong ang pananampalataya, at mabuhay. Ang pangangasiwa ng lahat sa kabuuan ng buhay ay nararanasan sa kabuuang pagkilos ng misyon. Ang tila mas mahirap na makamit sa kaso ng mga maunlad at matatag na simbahan ay lay mobilization – kabuuang paglahok sa kabutihang panlahat ng Kristiyanong komunidad. Sa mga simbahan ng mahihirap, ang ganitong pagkilos ay normal na uri ng pamumuhay ng komunidad. Walang ibang klase ng buhay at ministeryo ang posible.[3]

Maaari nating isipin na ang iglesya ay dapat maraming pera upang magkakroon ng pananagutan sa mga miyembro nito. Nguni’t ang ganitong uri ng komunidad ay naipapakita sa mga iglesya ng mahihirap sa Bolivia.

Nagbabahagi ang mga tao sa lahat ng lipunan ng kanilang buhay sa pinansiyal sa pamamagitan ng pampublikong ekonomiya. Binibili natin ang ating mga pangangailangan at naghahanap-buhay upang kumita ng pera.

Isa pang uri ng ekonomiya ay kumikilos sa pamilya. Ang mga gawain na ginagampanan ng bawat miyembro para sa pamilya ay hindi nasusukat ng anumang halaga. Ang bawat isa ay inaasahang tumulong sa paraang kaya niya, na hindi tinutuos ang halaga nito. Ang pagtulong ay ibinibigay sa konteksto ng relasyon sa pamilya. Hindi inaasahan na ang bawat miyembro ay pareho ang maitutulong o pareho ng halaga, ngunit kailangan niyang gawin kung ano ang kanyang kakayahan. Kung ang isang miyembro ay ayaw gumawa ayon sa kanyang kakayahan, siya ay kakausapin dahil doon at hindi niya matatanggap ang nais niyang tulong mula sa iba.

Ang ekonomiya ng kongregasyon ay dapat maging katulad ng ekonomiya ng pamilya at hindi ng pampublikong ekonomiya. Upang ito ay maisagawa, ang relasyon sa kongregasyon ay dapat mas higit pa kaysa sa panglabas na pakikipag-kaibigan. May mga tanong para sa taong humihingi ng tulong matapos siyang maging pabaya sa kanyang pag-aari o matapos siyang tumanggi na tulungan ang iba.

Natututunan ng kongregasyon na magawa ang ganitong relasyon sa kanilang mga kasapi. Dapat nilang maipaliwanag ang iglesya sa mga taong hindi tumutulong sa kapwa ngunit humihingi ng tulong. Dapat nilang maturuan ang mga taong hindi nakikiisa sa iba. Dapat nilang sitahin ang mga sumusunod lamang sa sariling kagustuhan sa mga etikal na bagay at hindi sumusunod sa pagtutuwid ng pastor.

► Ano ang mga halimbawa ng mga paraan upang ang mga miyembro ng iglesya ay makakatulong sa isa’t-isa? (pagtatanim, pag-aalaga ng mga bata, trabaho, panahon ng krisis).


[1]“[Magpakita ng pagnanais na maging Kristiyano] . . . sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti espesyal na sa kanila ba kabilang sa sambahayan ng pananampalataya . . . pagbibigay ng hanapbuhay sa kanila sa halip na iba, pagbili mula sa isa’t-isa, pagtulong sa isa’t-isa sa negosyo; at higit na marami pang paraan dahil mamahalin ng mundo ang sadyang sa kanya, at sila lamang”
- John Wesley,
“Rules for the Society of the People Called Methodists”
[2]Ang mga Kristiyano ay tinatawag na “walang Diyos” o “ateista” dahil naniniwala sila sa iisang Diyos lamang, at siya ay hindi nakikita, sa halip na maniwala sa maraming bilang ng nakikitang mga Diyos-Diyosan.
[3]Samuel Escobar, sa The Urban Face of Mission, ni Harvie M. Conn at iba pa, 105.

Mga Praktikal na Direksiyon

► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Timoteo 5:3-16 para sa grupo.

Ang pahayag na ito ay nagbibigay ng praktikal na direksyon patungkol sa kung paano dapat tumulong ang iglesya sa mga miyembro na nangangailangan. Sinasabi sa verse 16 na dapat alagaan ng mga tao ang kanilang pamilya upang maalagaan ng iglesya ang mga taong walang ibang maaasahang tutulong sa kanila. Inaasahan ng apostol na ang pinansyal na pagtulong ng mga miyembro ay responsibilidad ng iglesya.

Malinaw na kung ang lahat ng miyembro ay umaasa lamang sa pinansyal na tulong ng iglesya, hindi kayang tulungan ng iglesya ang sino man. Ipinapakita ng pahayag na ito ang praktikal na direksyon upang ang iglesya ay makatulong sa mga higit na nangangailangan.

Nakatuon ang pahayag na ito sa mga balo, nguni’t maaari ding gamitin ang mga prinsipyong ito sa ibang tao. Alam natin na may pananagutan ang iglesya sa iba: sinasabi sa Santiago 2:15-16 na dapat tayong tumugon sa pangangailangan ng ating mga kapatiran; sa Santiago 1:27 binanggit ang mga balo at ulila.

Tatlong prinsipyo patungkol sa pinansyal na suporta ng iglesya sa mga miyembro:

(1) Ang pamilya ang unang may pananagutan. Ang mga miyembro ng pamilya ay may pananagutan sa pagtulong sa kaanak na nangangailangan ng tulong upang hindi na sila kailangang tulungan ng iglesya (5:4, 16). Kung ang isang tao ay hindi tutulong sa kanyang pamilya, hindi siya mananampalataya (5:8). Kung makita ng pastor ang isang miyembro ay nangangailangan ng tulong, kailangan niyang alamin kung ano ang maitutulong ng kanyang pamilya.

(2) Ang isang matapat na miyembro ay karapat-dapat tulungan. Ang balo ay kailangang tulungan kung siya ay nabubuhay bilang isang matuwid na Kristiyano at nakatulong sa iba (5:10). Ang parehong prinsipyo ay dapat isagawa sa iba bukod sa balo, kung sila ay nangangailangan at hindi kayang makatugon sa sariling pangangailangan.

(3) Dapat gawin ng miyembro ang kanyang makakaya para sa kanyang sarili at sa iba. Dapat gawin ng isang Kristiyano ayon sa abot ng kanyang kakayahan na maging pagpapala sa iba (5:10). Kung siya ay walang trabaho, makakahanap siya ng ibang paraan upang makatulong sa iba. Ang taong hindi gustong magtrabaho ay hindi dapat tulungan ng iglesya. (2 Tesalonica 3:10).

► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 2 Tesalonica 3:6-12 para sa grupo.

Ang pahayag na ito ay nagsasabi sa atin ng maraming bagay tungkol sa buhay ng sinaunang iglesya. Dito tinutugunan ni Pablo ang problema sa mga taong umaasa lamang sa pinansyal na tulong ng iglesya upang hindi na nila kailanganin magtrabaho. Ginagamit nila ang kanilang oras sa pagbisita sa ibang tao at pagkakalat ng maling kwento.

Ano ang ipinapahayag nito sa atin patungkol sa iglesya noon? Inaalagaan nila ang kanilang mga miyembro. Responsibilidad ng iglesya na masiguro na walang sino man sa iglesya ang nagugutom. Katulad sila ng isang pamilya.

Dahil katulad sila ng isang pamilya, posible para sa isang tao ang maging tamad at umasa na lamang sa iba. Sinabi ni Pablo na dapat silang lahat ay gumawa ayon sa kanilang kakayahan. Kung ang isang tao ay hindi nais gumawa hanggang sa kanyang makakaya, hindi siya dapat hayaang kumain ng pagkaing inihain ng iba.

Mabuti kung ang isang iglesya ay katulad ng isang pamilya na natutugunan ang lahat ng uri ng pangangailangan. Upang ito ay maganap, ang iglesya ay dapat magkaroon ng prinsipyo na susundin. Ang iglesya ay dapat magkaroon ng requirements para sa mga umaasa sa tulong ng iglesya. Kung walang requirements, ang iglesya ay mahihirapan sa mga tamad na tao at hindi na matutugunan ang mga pangangailangan.

Dapat gabayan ng mga pastor at dyakono ang iglesya na kumilos bilang isang pamilya. Dapat silang tumugon sa pangangailangan nang may pag-mamahal. Ngunit, ang pagmamahal ay nangangahulugan na handa silang magsalita ng katotohanan. Kung ang isang tao ay ayaw tumanggap ng pananagutan, dapat may kumausap sa kanya patungkol dito. Kung ang isang tao ay hindi tumutulong sa iba at ginagawa ang kanyang makakaya upang suportahan ang sarili, hindi dapat ituloy ng iglesya ang pagtulong sa kanya.

Wasto lamang na magtanong kung may humihingi ng tulong. Payag ba siyang tumulong sa iba? Nagtatrabaho ba siya kung kaya niya? Ginagamit ba niya ang kanyang pera nang tama? Nagiging responsable ba siya sa kaniyang pamilya?

Maraming tao ang pumupunta sa iglesya upang humingi ng tulong. Dapat magkaroon ang iglesya ng paraan upang maipakita ang malasakit nito sa tao sa unang pagkakataon na sila ay pumunta, bago pa man ito magpakita ng pagiging responsable. Sa gayun, dapat magkaroon ng paraan upang umusbong ang isang relasyon. Dapat malaman ng isang tao kung paano siya magiging parte ng pagsasama-sama ng iglesya.

Pitong Pagbubuod na mgga Pangungusap

(1) Ang pagkilos ng Banal na Espiritu sa iglesya ay nagbubunga ng malapit na relasyon ng pagbabahagi ng buhay sa isa’s isa ng mga miyembro.

(2) Ang iglesya ay isang pamilya na nagbabahaginan ng buhay sa araw-araw at gumagawa ng sama-sama upang matugunan ang lahat ng pangangailangan.

(3) Isinasama ng iglesya sa pamilya ng pananampalataya ang makasalanang nagsisisi kung saan niya matututunang tugunan ang kanyang bagong buhay.

(4) Kung ang iglesya ay gagawa araw-araw, may lugar ng pagmiministeryo para sa bawat mananampalataya.

(5) Kabilang sa oras ng pagsasama-sama ng iglesya ang ministeryo, pangangailangan, trabaho, paglilibang, at mga pagdiriwang.

(6) Kasama sa Kristiyanong fellowship ang pagbabahagi ng materyal na mapagkuhanan.

(7) Hindi kailangang tulungan ng iglesya ang sino mang hindi tumutulong sa kanyang sarili at sa kapwa sa abot ng kanyang makakaya.

Leksiyon 6 Mga Takdang -aralin

(1) Bago mag-umpisa ang susunod na klase, ang mag-aaral ay dapat sumulat ng talata patungkol sa bawat isa sa “Pitong Pagbubuod ng mga Pangungusap” (na may kabuuang pitong pangungusap). Dapat maipaliwanag ng pangungusap ang kahulugan ng punto at kung bakit ito mahalaga. Dapat itong isulat ng mag-aaral kung paano niya ito ipapaliwanag sa taong hindi kasama sa klase. Ipapasa ito sa tagapanguna sa klase.

(2) Tandaan: dapat planuhin ng mag-aaral na makapagturo ang kahit ano mula sa kurso sa mga taong hindi kasama sa klase, sa tatlong hiwa-hiwalay na pagkakataon.

(3) Takdang Aralin na Isusulat: Ano ang iba’t ibang paraan kung saan ang mga miyembro sa inyong iglesya ay sama-samang nagbabahagi ng kanilang buhay bukod sa gawain ng pagsamba?

Next Lesson