Doktrina at mga Gawain ng Iglesya
Doktrina at mga Gawain ng Iglesya
Audio Course Purchase

Search Course

Type at least 3 characters to search

Search through all lessons and sections in this course

Searching...

No results found

No matches for ""

Try different keywords or check your spelling

results found

Lesson 15: Mga Tanong para sa Katatagan ng Iglesya

12 min read

by Stephen Gibson


Pasimula

Ang araling ito ay nagbibigay ng mga katangian ng isang iglesya na matatag na sa pananampalataya sa pamamagitan ng mga tanong. Dapat isaalang-alang ng iglesya ang mga tanong na ito upang maunawaan kung paano sila dapat lumago.

Ang grupo ng mag-aaral sa klaseng ito ay maaaaring hindi nagmula sa iisang iglesya at hindi sila ang maaaring makapagpasya patungkol sa pagbabago sa iglesya. Maaari nilang gamitin ang mga tanong upang suriin ang antas ng pagiging mature ng iglesya at maglagay ng layunin para sa kanilang sariling ministeryo.

Para sa bawat katanungan sa ibaba, pag-usapan ang kahulugan ng tanong, gamit ang nakalaan na paliwanag. Pagkatapos, isaalang-alang kung ano ang magagawa ng iglesya upang mapaunlad ang katangiang kinakailangan nito.

Mga katanungan para sa kapanahunan ng simbahan

(1) Nasaan ang maliliit na grupo na nagbibigay ng buhay espirituwal sa iglesya?

Ang isang malusog na iglesya ay karaniwang may maliliit na grupo kung saan ang buhay espirituwal ay natutugunan. Maaaring ang mga grupong ito ay iglesya sa tahanan, klase tuwing Linggo, o iba pang uri ng grupo. Maaaring organisado sila o maaaring hindi pormal na grupo. Ang espirituwal na pagpapanibagong-buhay ay kadalasang nagsisimula sa maliliit na grupo. Ang buhay espirituwal ng isang iglesya ay hindi natutugunan o nabubuhay lamang sa sa pananambahan. Ang espirituwal na pananagutan at pagbabago sa buhay ay karaniwang nagaganap sa maliliit na grupo. Ang mga namumuno sa iglesya ay dapat siguraduhin na mayroon maliliit na grupo na patuloy na ginagampanan ang mga layuning ito. Kung ang kasalukuyang istraktura ay hindi pinapagana ang buhay espirituwal, kailangan ng pagbabago.

(2) Sino ang nagmamay-ari sa iglesya?

Ang isang iglesya ay hindi matatag maliban na lamang kung mayroon nang grupo ng mga miyembro na itinalaga ang sarili upang gampanan ang ministeryo at ang pinansyal na suporta.

Kung ang ministeryo ay pinakikilos na katulad ng isang personal na negosyo ng tagapangunang Kristiyano, hindi kailanman magiging matatag ang iglesya. Kung ang gusali ng iglesya ay inuupahan, hindi matatag ang isang iglesya kung may isang tao o ang isang samahan sa labas ang nagbabayad ng upa.

Ang pinakamabuti, ang gusali at ministeryo ay dapat pag-aari ng grupo ng miyembro ng iglesya. Kung ang gusali ay inuupahan, dapat magtulong-tulong ang kongregasyon sa responsibilidad na pagbabayad ng upa.

Dapat maging matatag ang ministeryo ng lokal na iglesya upang makapagpatuloy bilang institusyon hanggang sa pagbabalik ni Kristo.

(3) Paano sinusuportahan sa pinansyal ang lokal na ministeryo?

Ang pinakamainam na pinansiyal na kalagayan ng iglesya ay ang masuportahan ng mga miyembro na nagkakaloob. Kung ang iglesya ay sinusuportahan ng organisasyon sa labas, ito ay hindi matatag at madaling masasaktan. Kung ito ay suportado ng tagapangunang kristiyano o ng ilang nagbibigay at hindi ng kabuuan ng kongregasyon, ang kongregasyon ay hindi pa nagiging isang matatag na pamilya sa pananampalataya.

Ang pagkakaloob ay paraan ng Diyos upang suportahan ang lokal na iglesya. Dapat ituro ng mga tagapanguna ng iglesya ang pagkakaloob at unti-unting maitatag ang lokal na suporta sa ministeryo ng iglesya. Hindi dapat umasa ang iglesya sa suporta na nanggagaling sa labas para sa pagkilos nito. Ang suporta na nagmumula sa labas ay dapat magamit sa mga proyekto na nagpapatatag sa kakayahan ng iglesya.

(4) Sinusuportahan ba ng iglesya ang full-time pastor?

Ang plano batay sa Biblia ay ang paglalaan ng tagapangunang Kristiyano ng lahat ng kanyang oras sa kanyang ministeryo. Kung minsan, hindi ito posible sa isang baguhang iglesya, ngunit dapat magkaroon ang iglesya ng layunin na makabuo ng suporta na makatutulong sa pastor upang mapagtuunan ang ministeryo nang hindi naaabala ng pinansiyal na pangangailangan.

(5) Ano ang sistema para sa pinansiyal na pananagutan?

Ang mga kaloob ay dapat tipunin at bilangin ng hindi lamang iisang tao. Ang ilang pinagkakatiwalaang tao ang dapat makibahagi upang maiayos ang pinansiyal na prayoridad at alituntunin ng iglesya. Dapat malaman ng mga miyembro ng kongregasyon kung paano isinasagawa ang pinansyal na sistema ng iglesya.

[1](6) Ano ang mga paraang maaaring gamitin upang maipaabot ang ebanghelyo sa mga tao sa labas ng iglesya?

Ang unang responsibilidad ng iglesya ay ang pag-ingatan ang mga miyembrong itinalaga ang sarili sa iglesya. Nguni’t, dapat din laging abutin ng iglesya ang mga tao sa pamayanan. Dapat magkaroon ang iglesya ng mga gawain na makikita ng taga-labas ang gawain sa iglesya at makapakinig ng ebanghelyo. Ang ilang gawain ay maaaring tuloy-tuloy o sunod-sunod. Dapat maiayos din ng tagapanguna ang iba pa. Ang mga miyembrong may kakayahan ay dapat anyayahan at sanayin para sa ganitong gawain.

(7) Paano tumutugon ang iglesya sa mga pangangailangan sa pamayanan?

Dapat humanap ang iglesya ng mga paraan upang tumugon sa mga pangangailangan sa pamayanan. Ang prayoridad ay dapat laging ang maipakita ang pag-ibig ng Diyos at maipahayag ang mga prinsipyong Biblikal.

(8) Mayroon bang mga etniko o kategoryang pangkabuhayan ng mga tao na hindi naibibilang sa pag-abot ng iglesya?

Nagiging pakiramdam ba ng mahihirap na tao na sila ay katanggap-tanggap sa pagdalo sa iglesya kahit ano pa ang kanilang suot? Tinatanggap bang dumalo ang mga bata sa komunidad kahit hindi dumadalo ang kanilang mga magulang? Mayroon bang grupong etniko ng mga tao na nag-aakala na ang iglesya ay hindi para sa kanila?

(9) Paano binabati ang mga panauhin?

Dapat magsanay ang iglesya ng mga tao upang siyang bumati sa mga taong dumadalaw sa iglesya. Ang pinakamahalagang layunin ng pagbati sa mga bisita ay upang magkaroon sila ng pakiramdam na sila ay tinatanggap at komportable sa iglesya. Ilang tao ang dapat magsikap na makipagkilala sa panauhin. Hindi lamang siya dapat anyayahan sa susunod na gawain ng pagsamba; kundi pati na rin sa pagtitipon ng isang maliit na grupo o pagtitipon sa bahay kung saan siya’y matututo at makapagtatanong rin.

(10) Ano ang pamamaraan ng iglesya upang agad na idisipulo ang bagong nagbalik-loob?

Kapag naligtas ang isang tao, maging sa iglesya o sa ibang lugar man, hindi lamang siya dapat anyayahan sa gawaing pagsamba, kundi sa isang sistema ng agad na pagdidisipulo. Maaari itong magsimula sa mga personal na pagbisita ng pastor. Maaari siyang anyayahan sa isang maliit na grupo na nagkikita-kita linggo-linggo. Dapat maging handa ang iglesya na magministeryo sa mga bagong nagbalik-loob.

(11) Paano inilalarawan ng iglesya ang spiritual na pagiging ganap?

Ano ang larawan ng mga matatag sa espirituwal na mga tao? Dapat ituro sa kongregasyon ang mga katangian ng espirituwal na pagigng ganap. Ang mga katangiang ito ay hindi laging kasama ng kakayahang manguna o talento, subali’t ang mga taong nagtataglay ng ganitong mga katangian ay dapat igalang bilang mga halimbawa.

(12) Ano ang sistema para sa layuning pagpapaunlad ng espirituwal na kalagayan?

[2]Isang mahalagang tungkulin ng iglesya ang pagtulong sa pag-unlad na espirituwal ng kanyang mga miyembro (Efeso 4:11-13). Hindi maaaring basta na lamang aasa ang mga tagapanguna sa iglesya na nangyayari ang espirituwal na paglago. Hindi sila dapat simpleng nangangaral sa kongregasyon at iwan ang lahat ng espirituwal na paglago sa indibidwal na pagsisikap. Dapat mayroong sistema ang mga pastor upang hikayatin ang mga tao upang gamitin ang mga espirituwal na disiplina. Dapat silang magbigay ng pananagutan sa lahat ng tumatanggap dito. Magagawa ito sa pamamagitan ng personal na mga pakikipag-usap, maliliit na grupo, mga klase, at iba pang paraan.

(13) Mayroon bang istruktura sa pagiging miyembro na nagbibigay ng paraan sa mga tao upang magtalaga ng sarili sa iglesya?

Kailangang malaman nang tiyak ng mga taong nagnanais na magtalaga ng sarili sa iglesya kung ano ang kahulugan ng pagtatalaga ng sarili. May mga iglesya na nagsasabing wala silang istruktura sa pagiging miyembro, ngunit ang bawat iglesya ay may kanya kanyang paraan kung paano malalaman kung sino ang kanilang mga miyembro. Dapat malaman ng bawat isa kung sino sino ang mga taong bumubuo sa iglesya.

(14) Ang mga kinakailangan ba upang maging isang miyembro ay malinaw at nalalaman ng lahat?

Dapat malaman ng bawa’t isa kung ano ang mga pagtatalaga na kinakailangan sa pagiging miyembro. Ang mga kinakailangan at ang paglalarawan sa proseso ng pagiging miyembro ay dapat nakaimprenta.

(15) Pinahihintulutan ba ng mga pangangailangan sa pagiging miyembro na ang isang bagong nagbalik-loob ay agad na makasama sa gawain?

Ang isang nagbalik-loob na handang italaga ang kanyang sarili sa iglesya ay dapat makatulong agad sa iglesya. Hindi ibig sabihin nito na dapat siyang bigyan agad ng posisyon o tungkulin sa pangunguna, ngunit dapat niyang malaman na siya ay bahagi na ng iglesya.

(16) Anong grupo ang responsable sa pagpapanatili ng mga pinahahalagahan at mga pamantayan ng iglesya?

May isang grupo ng mga miyembro nagtalaga ng sarili sa loob ng kongregasyon na siyang nagtatakda ng kalikasan ng iglesya. Maaaring ito ay isang board ng diyakono o maaaring sila ay isang grupo ng mga miyembrong bumuboto na maaaring tawaging ang grupong tagapamahala (Governing Body). Dapat magbigay ng espesyal na atensiyon ang mga tagapanguna sa pagpapaunlad ng grupong ito. Ang mga pagbabago sa grupong iyon ang magtatakda ng hinaharap ng iglesya. Dapat may pananagutan sa kanila ang pastor at laging ipinaaalam sa kanila ang nangyayari sa iglesya. Sila at ang pangkat na tagapamahala ay dapat magkaroon ng parehong prayoridad para sa iglesya.

(17) Magkakabahagi ba ang iglesya sa pagtatalaga ng sarili sa isang malinaw na pangitain?

Ang pastor, ang pangkat ng pamunuan, at grupo ng mga nakatalagang miyembro ay dapat mag-ukol ng maraming oras sa pagtalakay sa layunin at pangitain ng iglesya. Dapat silang makabuo ng pangitain ng iglesya na maaari nilag suportahan. Dapat maging pamilyar ang kongregasyon sa pangitain ng iglesya.

(18) Nalalaman ba ng mga miyembro ang mga doktrina ng iglesya?

Ang iglesya ay dapat gumawa ng higit pa sa pag-akay sa mga tao sa pagsamba at pagkakaroon ng espirituwal na karanasan. Kapag ang isang tagalabas ay magtatanong sa isang miyembro, “Ano ang pinaniniwalaan ng inyong iglesya?” ang miyembro ay dapat mayroong mabuting sagot. Dapat maipaliwanag ng mga miyembro ang mga saligang doktrina ng pagiging Kristiyano at ang mga espesyal na mga doktrina ng kanilang iglesya.

(19) Nauunawaan ba ng mga miyembro ang relasyon sa pagitan ng iglesya at ng denominasyon nito?

Dapat tumutupad ang iglesya sa pagtatalaga nito sa asosasyong kanyang kinabibilangan. Ang pakikisama sa asosasyon ay makakatulong sa pagsuporta sa doktrina ng iglesya. Dapat hikayatin ang mga tao sa iglesya upang makibahagi sa mga pagtitipon ng asosasyon.

(20) Paano pinaplano at pinahahalagahan ang mga gawaing pagsamba?

Dapat mataimtim na ipanalangin ng mga tagapanguna ang pagpaplano ng gawain ng pagsamba. Kung inaakay ng Banal na Espiritu ang gawain sa isang hindi inaasahan direksiyon, iyon ay kahanga-hanga; subali’t kung hindi, ang mga tagapanguna ay dapat mayroong planong susundin. Dapat mayroong mga pagpupulong kung saan ang ilang mga tagapanguna ay sama-samang magbubuo ng mga detalye ng mga gawain.

Kapag ang iglesya ay may magandang pagsamba, ang kongregasyon ay nakikilahok at interesado. Dapat sikapin ng iglesya na gumamit ng iba’t-ibang tao sa iba’t-ibang bahagi ng gawain upang makatulong panatilihin na mas maraming tao ang interesado at nagtatalaga ng sarili.

(21) Isinasagawa ba ang bautismo at komunyon ayon sa Biblia at sa makahulugang pamamaraan?

Ang bawat tunay na nagbalik-loob ay dapat mabautismuhan o kaya’y nakatakda nang bautismuhan sa madaling panahon. Dapat idulot ang komunyon sa mga taong may patotoo ng biyaya. Dapat isagawa ang komunyon sa paraang nakakatulong sa mga nakikibahagi dito upang sumamba.

(22) Nagsasagawa ba ang iglesya ng biblikal na pagdidisiplina sa iglesya?

Ang iglesya ay dapat manindigan laban sa kasalanan. Kung ang isang miyembro ng iglesya ay nagkasala,dapat siyang komprontahin. Ang layunin ay upang akayin siya sa pagsisisi at ibalik siya sa espirituwal na tagumpay.

(23) Mayroon bang pangkat na naghahati-hati sa mga tungkulin sa ministeryo?

Ang ministeryo ay hindi lalago malibang ito ay nagtatatag ng isang pangkat na tagapanguna. Ang bawat tao ay limitado sa bilang ng taong maaari niyang impluwensiyahan at sa mga tungkulin na maaari niyang gampanan. Ang ministeryo ng iglesya ay hindi dapat maging ministeryo ng iisang tao lamang.

(24) Ano ang sistema sa pagpili, pagsasanay, at pagdaragdag ng mga miyembro sa team ng ministeryo?

[3]Hindi lalago ang ministeryo kung walang pagsasanay ng mga bagong miyembro para sa pangkat na tagapanguna. Dapat napakaingat na piliin ang mga miyembro ng pangkat, ngunit ang iglesya ay dapat laging nagtatrahao upang matagpuan at paunlarin ang mga tao na tatanggap ng tungkulin para sa hinaharap. Ang paglago ng ministeryo ay depende sa pagpapaunlad ng mas marami pang tagapanguna.

(25) Ano ang sistema ng pagtugon sa di-pagkakasundo at mga suliranin sa iglesya?

Ang mga hindi nalulutas na hindi pagkakasundo ay pumipilay sa iglesya. Dapat maturuan ang kongregasyon kung paano lulutasin ang mga personal na hindi pagkakasundo sa mga tao. Hindi dapat ipagwalang-bahala ng mga tagapanguna ang mga hindi pagkakasundo kundi dapat maging handang tumulong upang magkaroon ng pagkakasundo.

(26) Sumusuporta ba ang iglesya sa pagmimisyon na may pakikiisa sa iba pang iglesya?

Kung tunay na ninanais ng iglesya na isulong ang kaharian ng Diyos, hindi lamang ito magtatrabaho upang palawakin ang kanyang impluwensiyang lokal, kundi sumuporta rin sa iba pang ministeryo. Ipinakikita ng iglesya na iyon ay para sa kaluwalhatian ng Diyos kapag ito’y nagbibigay sa ministeryo na hindi naman magbibigay ng benepisyo sa kanyang sarili.

(27) Tumutulong ba ang iglesya sa pagsisimula ng isang bagong iglesya?

Ang isang matatag nang iglesya ay dapat tumulong sa isang bagong iglesya upang makapagsimula sa isang malapit na lugar. Ang bagong iglesya ay aabot sa hindi pa naaabot ng umiiral na iglesya.

(28) Ang ministeryo ba ng iglesya ay naglilingkod sa lahat ng edad at kategorya ng mga tao sa kongregasyon?

Dapat maging mahalaga sa iglesya ang mga pangangailangan ng mga bata, mga nakatatanda, mga kabataan, mga batang pamilya, mga kalalakihan, mga walang asawa at iba pa. Dapat ding isipin ng iglesya ang mga pangangailangan ng mga tao mula sa lahat ng antas ng espirituwal na pagiging ganap.

(29) Ang mga tao ba sa kongregasyon ay sama samang gumagawa upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga miyembro?

Dapat pangalagaan ng iglesya ang tungkol sa pangangailangang pinansiyal ng mga tao sa kongregasyon. Karamihan sa mga pangangailangan ay dapat matugunan ng mga taong nagtutulungan sa isa’t-isa nang walang pangangasiwa ng mga tagapanguna sa iglesya. Kapag karamihan sa mga miyembro ay hindi pa nakararamdam ng responsibilidad upang tumulong sa iba, hindi pa sila nakapagtatatag ng isang ganap na iglesya.

(30) Paano titiyakin ng iglesya na ang pangangailangang pinansiyal ng mga tao sa kongregasyon ay natutugunan?

Dapat magkaroon ang iglesya ng mga diyakono na siyang tumitiyak na ang mga pangangailangan ay napapansin. Ang iglesya sa aklat ng Mga Gawa ay nagtalaga ng mga unang diyakono para sa layuning ito.

Ang Doktrina at Gawain ng Iglesya


[1]“Kabilang sa lahat ng maka-Diyos na itinatag na mga pamamaraan para sa katuparan ng misyon ng Kristiyanismo, ang pangunahing lugar ay itinalaga sa pangangaral ng Ebanghelyo.”
- John Miley, Christian Theology
[2]“Sinimulan ni Jesus ang iglesya sa pamamagitan ng personal na pagtawag at pagtitipon sa paligid niya ng mga apostol. Sinanay, dinisiplina, at isinugo niya sila sa ministeryo ng pagpapahayag at sakramento, malinaw na inihahayag ang kanyang hindi mapawawalang-bisang intensiyon na patibayin ang nagpapatuloy na komunidad. Ito’y isusugo nang may kapangyarihan at pinahihintulutang magbautismo, mangaral, magdisiplina, at magdiwang ng hapunang pamPaskuwa kasama ng muling nabuhay na Panginoon.”
- Thomas Oden, Life in the Spirit
[3]"Ang parehong solong katawan na nagpupumilit laban sa mga punong -guro at kapangyarihan, at inaasahan na ang mas malubhang paghihirap sa hinaharap, ay kasabay nito Sa Panginoon kung saan ang lahat ng tapat ay pupurihin ang Diyos sa pagtatapos ng mga araw. "
- William Pope,
Isang Compendium ng Christian Theology