Doktrina at mga Gawain ng Iglesya
Doktrina at mga Gawain ng Iglesya
Audio Course Purchase

Search Course

Type at least 3 characters to search

Search through all lessons and sections in this course

Searching...

No results found

No matches for ""

Try different keywords or check your spelling

results found

Lesson 12: Pagdidisiplina sa Iglesya

17 min read

by Stephen Gibson


Panimula

Bago pag-aralan ang pagdidisiplina sa iglesya, magbalik-aral sa kahulugan ng lokal na iglesya mula sa aralin 3:

Ang lokal na iglesya ay isang grupo ng mga mananampalataya na kumikilos bilang isang espirituwal na pamilya at komunidad ng pananampalataya; nag-aalok ng ebanghelyo at ng pakikisama ng iglesya sa lahat ng nagsisisi; nagsasagawa ng bautismo at komunyon; nagtutulungan sa pagsamba, pagsasama-sama, pag-eebanghelyo, at pagdidisipulo; tinutupad ang gawain ng katawan ni Kristo sa pamamagitan ng mga kaloob ng Banal na Espiritu; nagpapasakop sa Salita ng Diyos; may pagkakaisa batay sa doktrina ng Biblia, sa karanasan ng biyaya, at sa buhay sa Espiritu.

Ngayon tingnan natin ang kahulugan ng pagdidisiplina sa iglesya.

Isang Kahulugan ng Pagdidisiplina sa Iglesya

Ang pagdidisiplina sa iglesya ay ang nagkakaisa, may layuning tugon ng iglesya sa kasalanan ng isang miyembro na may apat na layunin ng pagpoprotekta sa pagkakaisa ng iglesya, paninindigan para sa katotohanan, pagpoprotekta sa kongregasyon mula sa maling impluwensiya, at pagpapanauli sa nagkakasalang miyembro sa kaligtasan at pakikisama.

► Tingnan natin ang kahulugan ng iglesya at ang kahulugan ng pagdidisiplina sa iglesya. Kung pag-iisipan natin kung ano ang iglesya, ipaliwanag kung bakit mahalaga ang pagdidisiplina sa iglesya.

Ang Pangangailangan ng Pagdidisiplina sa Iglesya

Ano ang nangyayari kapag ang isang miyembro ng iglesya ay muling nagkakasala, subali’t nakikilahok pa rin sa iglesya? Paano kung ang isang miyembro ay hindi tunay na naniniwala sa mga pundasyong doktrina ng iglesya at nagtuturo ng mga maling doktrina? Paano kung ang isang miyembro ay nakagawa ng kamalian laban sa iba at ayaw niyang aminin ito?

May mga iglesya na pinagwikaan si Hesus dahil nabigo silang isagawa ang pagdidisiplina sa iglesya. Sa iglesya sa Pergamo ay may mga nagtuturo ng maling doktrina na dapat ay inalis nila (Pahayag 2:14-16). Sa iglesya ng Tiatira ay may isang babae na tinawag ni Hesus na Jezebel, na nag-aakay sa mga tao upang makiapid at sumamba sa mga Diyos-Diyosan; samakatuwid, sinaway ng Panginoon ang iglesya. (Pahayag 2:20)

Sinasabi sa atin ng Biblia na hindi maaaring magkaroon ng pagsasama sa pagitan ng liwanag at ng dilim, sa pagitan ng mga naglilingkod kay Kristo at sa mga naglilingkod sa ibang mga Diyos (2 Corinto 6:16-17).

Dito, titingnan natin ang mga dahilan kung bakit kinakailangan ang pagdidisiplina sa iglesya. Sa ibang bahagi ng aralin, titingnan natin ang mga suporta ng Kasulatan sa mga dahilang ito, subali’t ibubuod natin ang mga iyon dito upang maging mas madali itong matutuhan.

(1) Ang pagdidisiplina sa iglesya ay kinakailangan dahil ang iglesya ay dapat magkaroon ng pagkakaisa. Ang pagkakaisa ng iglesya ay batay sa doktrina sa Biblia at sa buhay sa Espiritu. Ang kahulugan ng iglesya ay nagpapakita kung gaano kahalaga para sa mga miyembro ng iglesya ang espirituwal na fellowship. Ang pagsasamang iyon ay batay sa kanilang relasyon sa Diyos at karanasan ng biyaya. Kapag ang isang tao ay nawalan na ng espirituwal na buhay hindi siya maaaring magkaroon ng pakikisamang Kristiyano. Kapag ang isang miyembro ay tumatangging tanggapin ang katotohanan, magsisi sa kasalanan, o aminin ang kamalian, hindi na siya nakikiisa sa iglesya.

(2) Kinakailangan ang pagdidisiplina sa iglesya dahil dapat suportahan ng iglesya ang katotohanan. Kapag pinahintulutan ang isang miyembro na magpatuloy sa kasalanan ay ang pagkabigo na suportahan ang katotohanan. Hindi mapaninindigan ng iglesya ang katotohanan sa harap ng mundo kung ang mga miyembro nito ay namumuhay na nilalabag ang katotohanan.

(3) Kinakailangan ang pagdidisiplina sa iglesya upang protektahan ang mga tao sa iglesya mula sa masamang impluwensiya. Kung ang isang miyembro ng iglesya ay malinaw na nagkakasala gayunman ay patuloy na iginagalang bilang isang Kristiyano, ang ibang miyembro ay matutukso ring gawin ang gayun.

(4) [1]Kinakailangan ang pagdidisiplina sa iglesya upang mapanumbalik ang isang miyembro na nagkasala. Kung ang isang miyembro ay namumuhay sa kasalanan at hindi kinokompronta, hindi siya maaasahang magsisi. Kung siya ay haharapin maaari siyang magalit, subalit paglipas ng ilang panahon, mas maaasahan siya na magsisi.

Ang pagpaparusa ay hindi dahilan para sa pagdidisiplina ng iglesya. Hindi tungkulin ng iglesya ang pagpaparusa. Tanging ang Diyos ang magpaparusa sa kasalanan. Ang gawain ng iglesya ay dapat para sa layunin ng pagtutuwid, hindi pagpaparusa.

► Ano ang mangyayari kung ang iglesya ay mabigong magdisiplina ng isang miyembro na hayagang nagkakasala?


[1]“Ang pamahalaan ng iglesya ni Kristo ay malawakang naiiba sa pamahalaang sekular. Ito ay nakatatag sa kababaang-loob at pagmamahal sa kapatiran: ito ay nagmula kay Kristo, ang dakilang ulo ng iglesya, at palagiang sumusunod sa kanyang mga maxims at Espiritu”
- Adam Clarke,
- Christian Theology

Mga Direksiyon Mula kay Hesus Tungkol sa Pagdidisiplina sa Iglesya

► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Mateo 18:15-20 para sa grupo.

Nagbigay si Hesus ng mga direksiyon sa pagharap sa mga di-pagkakasundo sa pagitan ng mga mananampalataya. Kung iniisip ng isang mananampalataya na may nagawang mali sa kanya ang isang tao, dapat niyang kausapin nang mag-isa ang taong iyon. Karamihan sa mga suliranin ay nalulutas sa puntong iyon. Karamihan sa mga pagkakataon, nagkaroon lamang ng hindi pagkakaunawaan. Kung ang dalawang mananampalataya ay matapat at may kababaang-loob, maaari nilang lutasin ang suliranin sa pagitan nila.

Mahalaga ang relasyon sa pagsasamahan ng mga mananampalataya. Kung ang isang tao ay naniniwala na may isang nakagawa ng mali sa kanya, nasisira ang relasyon. Dapat siyang pumunta sa nakagawa ng mali nang may kababaang-loob at kabutihang-loob at ipakita na ang relasyon ay mahalaga sa kanya. Maaari niyang sabihin ang katulad nito: “Kapatid, pinahahalagahan ko na pagpapala na ikaw ay nasa iglesya. Ikaw ay isang mahalagang kaibigan. Subali’t ako’y nag-aalala dahil may pakiramdam ako na may nagawa kang mali sa akin. Kinakausap kita tungkol doon dahil lamang gusto kong maging maayos ang ating relasyon.” Ipaliwanag kung ano ang pagkakamali, subali’t maging maingat na hindi makasakit ng damdamin, o nanunumbat. Maging handang makinig at umunawa. Maging handang magpatawad.

Ayon sa direksiyon ni Hesus, kung tunay na nakagawa ng pagkakamali ang isang tao at ayaw niya itong aminin, dapat siyang muling kausapin ng pinagkasalahan niya nang may kasamang isa o dalawang iginagalang na mananampalataya. Muli, bigyang diin sa nagkasala na siya’y minamahal at mahalaga ang relasyon.

Kung ang nagkamali ay patuloy na tumatangging aminin ang pagkakamali, dapat na siyang iulat sa mga tagapanguna sa iglesya. Dapat nila siyang kausapin. Kung patuloy pa rin siyang tumatangging makinig, dapat sama-samang magkasundo ang iglesya upang ituring siyang isang hindi mananampalataya.

Ang pagtuturing sa isang tao bilang isang hindi mananampalataya ay hindi nangangahulugan na pakisamahan siya nang may kagaspangan ng ugali. Nangangahulugan ito na hindi na siya miyembrong makikibahagi sa iglesya o nangunguna sa alinmang ministeryo ng iglesya. Hindi siya maaaring tumanggap ng komunyon dahil ituturing siyang isang pagano (talatang 17). Ipaaalam ng iglesya sa kanya na hindi nila siya itinuturing na mananampalataya at ipinapanalangin nila siya upang magsisi.

Pagkatapos ng mga direksiyong ito, nagbigay si Hesus ng isang aralin sa pagpapatawad (Mateo 18:21-35). Kung inaamin ng isang tao ang kanyang pagkakamali at nagsisisi, dapat tayong maging handa na magpatawad.

► Paano mo kakausapin ang isang taong nakagawa sa iyo ng kamalian kapag sinusubok mong ibalik ang relasyon?

Mga Direksiyon Mula kay Pablo Tungkol sa Pagdidisiplina sa Iglesya

► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Corinto 5 para sa grupo. Anong sitwasyon ang tinukoy ni Pablo sa kabanatang ito?

Nagbigay si Apostol Pablo ng mga direksiyon para sa pagdidisiplina ng iglesya sa isang tiyak na kaso sa iglesya ng Corinto. Ang isang miyembro ng iglesya ay nasa isang imoral na relasyon.

Sinabi ni Pablo sa kanila na ang pagdidisiplina ng iglesya ay hindi para sa mga taong nasa labas ng iglesya, kundi ito’y para sa mga miyembro (11-12). Ang iglesya ay dapat nagkakaisa sa paggawa ng aksiyon (“kapag kayo’y sama-samang nagkakatipon”). Aalisin nila ang taong ito mula sa kanilang pagsasama-sama.

Kung ang taong ito na “tinatawag na kapatid” ay nagsasagawa ng kasalanan na tulad ng nakalista sa talatang 11, dapat tumangging makisama sa kanya ang mga Kristiyano. Ang layunin nito ay upang tiyakin na mapagtanto ng taong ito na siya ay hindi isang Kristiyano at upang malaman ng mundo na ang taong ito ay hindi bahagi ng iglesya. Kabilang dito ang pag-aalis o pagtanggal sa kanya sa anumang posisyon niya sa iglesya. Hindi siya maaaring makibahagi sa komunyon dahil ito ay magpapahiwatig ng mas malapit na pakikisamang Kristiyano kaysa sa pakikisalo man sa sama-samang pagkain.

Nagpahiwatig si Pablo ng dalawang layunin sa pagkilos na ito. Ang isang layunin ay ang pagpapanatiling dalisay ng iglesya (6-7). Imposible para sa iglesya na magkaroon ng pagkakaisa kapag ang mga miyembro ay nagkakasala.

Ang ikalawang layunin ay ibalik sa kaligtasan ang nagkakasala (“upang ang espiritu ay mailigtas”). Kung patuloy siyang tinatanggap ng iglesya bilang miyembro nito habang siya’y patuloy na nagkakasala, iisipin niya na nasa maayos siyang kalagayan at hindi siya maaasahang magsisi. Mas maaasahan ang kanyang pagsisisi kung isasagawa ang pagdidisiplina ng iglesya.

Ang gawaing ito ay tinatawag na “pagbibigay sa kanya kay Satanas.” Mayroon pang isang pangyayari kung saan ibinigay ni Pablo kay Satanas ang mga tagapagturo ng maling doktrina (1 Timoteo 1:20). Kailangang maunawaan ng nagkakasala na wala siya sa ilalim ng biyaya at proteksiyon ng Diyos. Bilang isang makasalanan siya ay nasa labas ng iglesya at isang alipin ni Satanas. Ang buhay na makasalanan ay wawasak sa kanya kung hindi siya magsisisi.

► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Tito 3:10-11 para sa grupo.

Kapag ang isang tao ay nagtuturo ng mga hidwang doktrina, dapat subukin iglesya nang dalawang beses upang siya ay ituwid. Pagkatapos noon, siya ay dapat tanggihan. Sinasabi sa atin ng Biblia na nilabag na ng taong ito ang kanyang sariling konsiyensya.

Ang mga hidwang doktrina ay hindi maliliit na pagkakaiba sa doktrina. Ang isang heresiya ay isang maling doktrina na sumasalungat sa pundasyong mga doktrina ng ebanghelyo. Hindi tayo dapat maging mabilis sa pagpaparatang ng heresiya sa isang tao. Maaaring mali ang isang tao sa ilan sa kanyang mga doktrina gayunman ay isang matapat na tagasunod ni Kristo.

► Tngnan ang 2 Tesalonica 3:6, 14-15. Ipaliwanag ang mga direksiyong ibinigay sa mga talatang ito.

Ang Pagdidisiplina sa Isang Pastor

Madalas na pinupuna ang mga pastor. Madalas silang nalalagay sa mga sitwasyong maaari silang maparatangan nang mali. Mahalaga sa pastor na makuha ang pagtitiwala ng kanyang mga tao sa pamamagitan ng laging pagiging mabuting halimbawa.

Ang isang paratang laban sa pastor ay hindi dapat pansinin malibang may dalawa o tatlong saksi (1 Timoteo 5:19). Ang mga tagapanguna ng isang asosasyon ng mga iglesya o denominasyon ay may tungkulin na panatilihing may pananagutan ang mga pastor at dapat silang makilahok kapag ang isang pastor ay kailangan suriin o alisin. Makatutulong sila upang panatilihing sama-sama ang iglesya sa panahong ang ministeryo ng iglesya ay natatanong.

► Bakit seryoso ang kasalanan ng isang pastor?

Isang Proseso ng Pagpapanumbalik

Dapat nating tandaan na ang isang layunin ng pagdidisiplina sa iglesya ay ang pagpapanumbalik ng miyembro sa kaligtasan at pakikisama. Hindi kailangang tiyakin ng iglesya na ang miyembrong nagkakasala ay sapat na naparusahan. Kapag inaamin ng miyembro ang pagkakasala at pinagsisisihan niya ito, dapat magkaroon ang iglesya ng proseso sa pagpapanumbalik.

Sa kaso ng ilang kasalanan, kung ang miyembro ay agad na umaamin sa kanyang pagkakamali at itinutuwid ang kanyang ugali, maaari siyang magpatuloy sa pakikiisa sa iglesya. Ang mga mas seryosong kasalanan ay nakalista sa 1 Corinto 6:9-10, kabilang ang imoralidad na seksuwal, pagnanakaw at paglalasing. Ang miyembrong nagsasagawa ng isa sa mga kasalanang ito ay dapat alisin sa pagiging miyembro at alinmang posisyong pangliderato.

Ang proseso ng pagpapanumbalik ay nagsisimula kapag ang miyembro ay nagsisisi sa kanyang kasalanan. Sa kaso ng mas seryosong kasalanan, hindi siya agad-agad maaaring ibalik sa pakikibahagi sa pangunguna pagiging miyembro. Kinakailangan ang ilang panahon para sa lubusan pagpapanumbalik.

(1) Ang unang hakbang sa pagpapanumbalik ay ang pag-amin sa kasalanan.

Dapat aminin ng miyembro ang kanyang kasalanan sa mga taong kanyang pinagkasalahan, sa mga taong nakibahagi sa kanya sa kamalian, at sa mga espirituwal na awtoridad na nakakasakop sa kanya.

(2) Ang ikalawang hakbang ay ang paghihiwalay.

Dapat tapusin ang mga maling relasyon. Ang mga relasyong may maling impluwensiya ay dapat ding itigil. Ang anumang bagay na ginagamit sa pagkakasala ay dapat ding alisin. Ang mga posibleng bagay na nagagamit nang mali para magkasala ay kailangan ding alisin. Dapat ipakita ng miyembro na ayaw na niyang bumalik pa sa kasalanan.

(3) Ang ikatlong hakbang ay ang pananagutan.

Ito ang nangangailangan ng mas mahabang panahon. Ang miyembro ay dapat magreport nang regular sa kanyang espirituwal na awtoridad, na maaaring isang pastor o isang lupon ng mga diyakono. Dapat niyang maiulat ang tagumpay laban sa tukso. Dapat niyang maipakita na siya ay nagiging maingat sa pagprotekta sa sarili upang hindi mahulog sa tukso.

Ang pananagutan ay dapat mapanatili sa pamamagitan ng mas madalas na pakikipag-ugnayan sa isang espirituwal na tagapayo na pinagtibay ng espirituwal na awtoridad. Ang tagapayo ay dapat pareho ng kasarian sa taong pinagpapayuhan.

Ang panahon ng pananagutan ay dapat tumagal nang ilang buwan. Sa kaso ng kasalanang moral na may ibang kasangkot, at lalo na kung nagpatuloy nang ilang panahon ang kasalanan, ang panahon ng pananagutan ay dapat higit na mas mahaba. Sa panahong ito, ang miyembro ay hindi dapat pahintulutang manguna o magturo sa anumang pamamaraan. Maaari siyang pahintulutang makiisa sa komunyon kung nakikita na ang kanyang pagsisisi ay tunay.

Ang dahilan sa mas mahabang panahon ay hindi upang ipahiwatig na ang miyembro ay hindi isang Kristiyano. Kung siya ay nagsisi, siya ay pinatawad at naligtas. Ang haba ng panahon ay upang makalaya siya mula sa mga epekto ng kanyang kasalanan, magtatag ng mas matibay na disiplinang espirituwal, at magpakita ng hindi nagbabagong buhay Kristiyano.

Sinasabi sa atin ng Biblia na ang sinuman ay hindi dapat maging isang tagapanguna nalibang mayroon silang mabuting reputasyon sa mga taong nasa labas ng iglesya (1 Timoteo 3:7, 10). Kapag ang isang tao ay bago pa lamang nagbalik-loob mula sa isang buhay ng lantarang pagkakasala, dapat munang makita ng mundo na siya’y namumuhay bilang isang Kristiyano nang ilang panahon bago siya maging isang tagapanguna. Kung hindi gayun, ang iglesya ay tila nagtatalaga ng mga makasalanan sa kanilang pamunuan. Ganito rin ang prinsipyo sa isang taong nanunumbalik pagkatapos niyang magkasala.

(4) Ang ikaapat na hakbang ay ang pagpapatunay.

Ito ang lubusang pagpapanumbalik. Taglay na ng miyembro ngayon ang tiwala ng iglesya at maaari na siyang makilahok nang lubusan bilang isang miyembro sa anumang tungkulin na ibibigay sa kanya ng iglesya. Mas mahabang panahon ang kinakailangan sa mas mataas na posisyon ng pangunguna, lalu na sa tungkulin ng pastor.

► Ilarawan ang panahon ng pananagutan. Paano ito gumagana, at ano ang layunin nito?

Mga Kinakailangan Upang Maging Miyembro ng Iglesya

Karamihan sa mga iglesya ay mayroong pahayag ng doktrina na higit pa sa pundasyong doktrina ng Kristiyanismo. Ang mga detalyeng ito ng doktrina ang nagbubukod sa isang iglesya mula sa iba pang iglesya. Ang mga iglesya na may tiyak na sariling doktrina ay iniuugnay sa mga pangalang tulad ng Methodist, Presbyterian, Lutheran, Baptist, at iba pa. Ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga iglesya ay karaniwang hindi heresiya, at ang isang tao ay hindi dapat tawaging makasalanan dahil sa mga pagkakaiba-ibang iyon.

Ang pagkakasundo sa mga detalye ng doktrina ay kinakailangan para sa mga miyembro ng isang iglesya upang sila’y sama-samang sumamba at magtulungan sa ministeryo. Samakatuwid, maaaring hingin ng iglesya sa mga miyembro nito na suportahan ang pahayag ng doktrina nito. Hindi nila dapat sabihin na ang sinuman ay dapat maniwala sa kanilang mga doktrina upang maging isang Kristiyano, kundi upang magkaroon ng pakikiisa sa naturang partikular na iglesya lokal.

Kung hindi pinaniniwalaan ng isang tao ang mga doktrina ng isang iglesya, magiging tama para sa iglesyang iyon na tanggihan siya na maging miyembro nito. Kapag ang isang miyembro ay nagtuturo o nakikipagtalo para sa mga doktrinang salungat sa doktrina ng iglesya, maaari siyang tanggalin sa pagiging miyembro.

[1]Kapag ang isang miyembro ay inalis dahil sa pagkakaiba sa doktrina na hindi naman kinakailangan sa pagiging Kristiyano, hindi ito katulad ng pagdidisiplina sa iglesya dahil sa heresiya o lantarang pagkakasala. Hindi dapat sabihin ng iglesya na ang isang tao ay hindi Kristiyano dahil lamang sa hindi niya pagtupad sa mga kinakailangan para maging isang miyembro ng iglesya.

Kapag ang isang iglesya ay may kahilingan upang maging miyembro, at kabilang dito ang mga tuntunin sa pananamit, paglilibang, o iba pang kaugalian, ang isang miyembro ay maaaring alisin kapag siya’y tumangging gawin ang mga kahilingang iyon. Hindi ito pareho sa pagdidisiplina sa iglesya dahil sa lantarang kasalanan. Hindi dapat sabihin ng iglesya na ang isang tao ay hindi Kristiyano dahil lamang sa hindi niya pagnanais na italaga ang sarili sa mga kahilingan upang maging miyembro ng iglesya.

► Ano ang ilan sa mga halimbawa ng mga kahilingan upang maging miyembro na pinanghahawakan ng ilang iglesya at hindi ng iba?


[1]“Ang Banal na Kasulatan ay naglalaman ng lahat ng bagay na kinakailangan upang maligtas, kaya’t anumang hindi nababasa roon, o mapatutunayan sa pamamagitan niyon, ay hindi kailangang hingin sa sinumang tao na dapat niya itong paniwalaan bilang isang artikulo ng Pananampalataya o ibilang na kailangan para sa kaligtasan ”
- Mga Artikulo ng Relihiyon ng Iglesya ng England

Pangunguna sa Pagsamba at Pakikibahagi Dito

The worship services of the congregation should usually be open to anyone. People should be invited to visit. Ang mga gawaing pagsamba ng kongregasyon ay dapat pangkaraniwang bukas para sa sinuman. Dapat imbitahan ang mga tao upang dumalaw.

Maaaring hindi papasukin ng iglesya ang isang taong may ugaling nakagugulo, halimbawa ay kung ang isang tao ay lasing. Maaari ring hindi papasukin ang isang malinaw na hindi kagalang-galang at bastos na pamamaraan ang pananamit. Gayunman, mahalaga na hindi tanggihang makapasok ang isang tao dahil hindi maganda ang pananamit o dahil hindi sila pamilyar sa wastong pag-uugali sa loob ng iglesya. Nakakalungkot kapag ang mga tao ay magkakaroon ng pakiramdam na hindi sila makapupunta sa iglesya dahil wala silang maayos na pananamit.

Kung ang isang tao ay may ugaling nakagagambala sa pagsamba, dapat siyang kausapin ng pastor o ng isang taong itinalaga ng pastor. Kung tumatanggi siyang makipagtulungan, hindi siya dapat payagang dumalo sa mga gawain.

Kung minsan pinapayagan ng iglesya ang isang tao na tumugtog o manguna sa pag-aawitan kahit na hindi mabuting halimbawa ang kanyang buhay. Ang sinumang nangunguna sa pag-aawitan o kaya’y tumutugtog sa harap ng iglesya ay kumakatawan sa karakter ng iglesya. Kung siya ay nabubuhay sa pagkakasala, iisipin ng mga tao na tinatanggap siya ng iglesya bilang isang Kristiyano, kahit na siya ay patuloy na nagkakasala.

► Ano ang dapat mga hinihingi ng iglesya mula sa mga nangunguna sa pagsamba?

Mga Pagkakamali na Dapat Iwasan

May tatlong pagkakamali na dapat iwasan ng mga tao sa iglesya sa pagharap sa mga suliranin sa iglesya.

(1) Pagiging Hindi Pantay-pantay

May mga kasalanan na tila mas seryoso kaysa sa iba. Kung minsan ang pagkakaiba ay dahil sa mga pagpapalagay na pangkultura. Maaaring makagawian ng isang iglesya na istriktong harapin ang ilang kasalanan at pinahihintulutan naman ang iba. Tinatawag ng Diyos ang iglesya upang manindigan sa katotohanan ayon sa kasulatan at hindi lamang para sa mga pinahahalagahan ayon sa kultura.

Mayroon ding hindi pagkakapantay-pantay sa paraan ng pagharap ng iglesya sa iba’t-ibang tao sa kongregasyon. Kapag ang isang tao ay nagmula sa isang maimpluwensiyang pamilya, ang mga tagapanguna ay maaaring mas higit na maingat sa paraan ng pakikitungo sa kanya; subali’t binibigyan tayo ng Biblia ng babala na huwag bigyang pabor ang sinumang tao dahil sa kanilang estado (Santiago 2: 1-9).

(2) Kawalan ng Tiyaga

Kung minsan iniisip ng mga tao sa iglesya na ang isang suliranin ay hindi agad na nalulutas. Nagsisimula silang ikuwento sa ibang tao ang tungkol sa suliranin, maging sa mga tao sa labas ng iglesya. Inirereklamo nila na hindi inaayos ng mga tagapamuno ang suliranin. Ito ay lumilikha ng bagong suliranin para sa iglesya at nakasasama sa impluwensiya ng iglesya.

(3) Kawalan ng Pagmamahal

May mga tao na nasisiyahan sa paghanap ng kamalian sa ibang tao. Mabils silang naniniwala sa mga ulat ng maling gawain. Mahigpit sila kung humatol sa iba, nang hindi man lang nagsisikap na unawain ang iba. Hindi nila ikinalulungkot ang mga kasalanan ng mga miyembro ng iglesya. Masaya sila kapag may masasabi silang masamang balita. Hindi nila ikinalulungkot ang masamang epekto nito na nagagawa sa patotoo ng iglesya.

Ang bawat pastor at tagapagturo ay dapat magsalita laban sa kasalanan ng tsismis. Dapat niyang turuan ang kanyang mga tao upang kamuhian ang tsismis at tumangging pakinggan ito.

Kung minamahal ng isang tao ang Diyos, ang iglesya, at anyang mga kapatid kay Kristo, dapat niyang tingnan ang kasalanan bilang isang trahedya. Dapat siyang umasa na ang isang ulat ng kasalanan ay hindi totoo. Kung ito ay totoo, dapat niyang naisin na makitang manumbalik ang nagkasala. Dapat siyang tumulong na mapigilan ang epektong masama sa iglesya. Hindi niya ikakalat ang balita nang higit pa sa kinakailangan.

Pitong Pagbubuod na mga Pangungusap

(1) Ang pagdidisiplina sa iglesya ay may apat na layunin na pagprotekta sa pagkakaisa ng iglesya, paninindigan para sa katotohanan, pagprotekta sa kongregasyon mula sa maling impluwensiya, at pagdadala sa miyembrong nagkasala pabalik sa kaligtasan at pakikisama.

(2) Ang isang miyembro na nagkakasala at hindi nagsisisi ay hindi dapat ituring na mananampalataya ng iglesya.

(3) Ang layunin ng pagdidisiplina sa iglesya ay hindi pagpaparusa, kundi pagtutuwid at pagpapanumbalik.

(4) Hindi dapat ituring ng iglesya na ang bawat taong hindi sumasang-ayon sa mga tiyak na doktrina nito at pangangailangan sa pagiging miyembro ay isang makasalanan.

(5) Ang mga hakbang sa pagpapanumbalik ay paghahayag ng kasalanan, pagbubukod, pananagutan, at pagpapatibay.

(6) Mahaba-habang panahon ang kailangan para sa pagpapanumbalik dahil ang miyembro ay dapat makalaya mula sa mga epekto ng kanyang kasalanan, magtatag ng matibay na disiplinang espirituwal, at magpakita ng di-nagbabagong buhay Kristiyano.

(7) Dapat magbantay ang iglesya laban sa di-pagkakapantay-pantay na pagtingin, kawalan ng tiyaga, at kawalan ng pagmamahal.

Leksiyon 12 Mga Takdang -aralin

Bago mag-umpisa ang susunod na klase, ang mag-aaral ay dapat sumulat ng talata patungkol sa bawat isa sa “Pitong Pagbubuod ng Pahayag” (na may kabuuang pitong mga talata). Dapat maipaliwanag ng talata ang kahulugan ng punto at kung bakit ito mahalaga. Dapat itong isulat ng mag-aaral kung paano niya ito ipapaliwanag sa taong hindi kasama sa klase. Ipapasa ito sa tagapanguna sa klase.Ang mga reperensiya sa Kasulatan na nakasulat sa ibaba ay dapat hati-hatiin sa mga mag-aaral. Ang bawa’t mag-aaral ay dapat sumulat ng isang talata na nagpapaliwanag kung ano ang sinasabi ng kanyang talata na dapat nating gawin.

  • 1 Timoteo 5:13

  • Tito 2:3

  • Galacia 5:15, 26

  • Galacia 6:1

  • Colosas 3:8-9

  • Colosas 3:12-15

  • Filipos 4:8

  • Efeso 4:29-32

Paalala: dapat planuhin ng mag-aaral na makapagturo ang kahit ano mula sa kurso sa mga taong hindi kasama sa klase, sa tatlong hiwa-hiwalay na pagkakataon.

Next Lesson