Ang Direksyon ni Hesus
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Lucas 10:1-9 para sa grupo. Ano ang kakaiba sa utos na ibinigay ni Hesus sa kanyang mga disipulo nang isugo niya sila upang magministeryo?
Ang mga disipulo ang unang ipinadala sa maraming bayan upang ipangaral ang ebanghelyo. Taglay ni Hesus ang lahat ng kapangyarihan at kakayahan at maaaring ibigay sa kanila ang ano man. Maaari sana niya silang bigyan ng sapat na pera upang makabili ng lahat ng kanilang pangangailangan at matugunan ang pangangailangan ng ibang tao. Maaari sana silang bigyan ng kapangyarihan na maparami ang tinapay at isda para sa kanila at sa mga taong kanilang binabahaginan ng ebanghelyo. Maaari sana silang makapagbigay ng pagkain sa lahat ng bayan na kanilang dinadalaw.
Sa halip, isinugo niya sila na walang pera. Sinabi niya sa kanila na umasa sa tulong ng mga tao sa mga bayan. Sumunod ang mga disipulo ayon sa tagubilin ni Hesus, at ang kanilang pangangailangan ay natugunan.[1]
► Bakit sila isinugo sa ganoong paraan?
Nakahikayat ng mga tamang tao ang kanilang ministeryo. Sapagkat una nilang ipinapahayag ang ebanghelyo, nahihikayat nila ang mga taong interesado sa ebanghelyo. Dahil mayroon silang pangangailangan, nahihikayat nila ang mga taong nais tumulong. Nakuha nila ang pinakamabuting mga tao para sa pag-uumpisa ng iglesya.
Paano kung pumunta sila sa mga bayan na mayroon nang lahat ng kanilang kailangan at mga bagay na ibibigay sa mga tao? Maaaring maling tao ang kanilang mahikayat. Maaari silang makabuo ng grupo na dumadating lamang upang may makuha. Pagkatapos noon, magpapatuloy lamang ang ministeryo sa patuloy na pagbibigay ng mga bagay. Hindi na lalago ang ministeryo kung wala na itong maibibigay na mga bagay. Hindi sila tutulong kung hindi sila babayaran para doon. Hindi sila magkakaroon ng grupo ng mga tao na magandang panimula ng iglesya.
Ang pamamaraan na ibinigay ni Hesus sa kanila ay makakapagsimula ng grupo na magiging isang iglesya. Ito ay isang grupo ng mga tao na nasasabik sa mensahe ng ebanghelyo at nagnanais makatulong. Mahalaga na ang iglesya ay magsimula nang tama.