Kinakailangan ang materyal sa paghahanda para sa araling ito. Tinatalakay ng araling ito ang relasyon sa pagitan ng mga iglesya at ng kanilang asosasyon. Kapag ang mag-aaral ay nagmula sa isang iglesya na kabilang sa isang asosasyon, ang tagapanguna sa klase ay dapat kumuha ng kopya ng mga kinakailangan mula sa asosasyon para pagbalik-aralan sa klase.
► Ano ang pangalan ng asosasyon ng mga iglesya o denominasyon na kinabibilangan mo?
Kapag nagkikita ang isang Kristiyano at ibang Kristiyano mula sa ibang lokal na iglesya, lumalabas ang mga katanungan. Itinatanong nila kung bakit ang kanyang mga pinaniniwalaan at mga ginagawa ay naiiba sa kanila. Napapansin niya na mayroong pagkakaiba sa mga doktrina sa pagitan ng iba’t-ibang iglesya. Mayroon ding malaking pagkakaiba sa mga paraan ng pagsamba.
Maaaring maghanap ang isang miyembro ng pagkakakilanlang panrelihiyon na mas malawak kaysa sa kanyang lokal na iglesya. Nais niyang makita na ang kanyang iglesya ay bahagi ng isang kategorya ng mga iglesya na naniniwala sa parehong mga doktrina at nakikiisa at nakikisama sa kanila. Ayaw niyang maramdaman na ang kanyang sariling kongregasyon ang nag-iisang iglesya sa mundo na nagtataglay ng kanyang partikular na mga paniniwala at mga gawain.
► Maaaring ipaliwanag ng isa o dalawang mag-aaral kung paano sila nakikinabang mula sa pakikisalamuha sa ibang iglesya na katulad ng kanyang iglesya.
Sa Aralin 1, pinag-aralan natin ang sumusunod na pangungusap:
Para sa katatagang pangdoktrina, ang isang lokal na iglesya ay dapat magtaglay ng tatlong bagay:
(1) Isang matinding paniniwala na ang Biblia ang ultimong awtoridad.
(2) Ang mga kinakailangang doktrina ng pangkasaysayang Kristiyanismo.
(3) Pakikisalamuha sa isang samahan ng mga iglesya na may mabuting teolohiya.
Sa araling ito, pag-uusapan natin ang tungkol sa ikatlo sa listahan.
Isang kahulugan ng isang samahan ng simbahan
Ang asosasyon ng iglesya ay isang grupo ng mga iglesya na may sentrong pangunguna, magkakatulad sa ilang mga paniniwala, nagtatalaga ng sarili upang tuparin ang mga tiyak na layunin nang sama-sama at nagtataglay ng anyo ng pakiki-isa nang sama-sama.
Mahihina at Malalakas na Klase ng Asosasyon
Maaaring tawaging “mahina” o “malakas” ang isang asosasyon batay sa lakas ng mga elementong naghahawak nang sama-sama sa asosasyon.
Sa mahihinang asosasyon, ang sentro ng pangunguna ay mayroon lamang napakaliit na awtoridad sa lokal na iglesya; ang listahan ng mga magkakatulad na paniniwala ay maaaring napakaikli at pangunahin lamang; ang magkakatulad na layunin ay maaaring hindi mangailangan ng maraming pakikibahagi mula sa kongregasyon; at ang pagsasama-sama ay hindi madalas na pagpupulong ng mga kinatawan ng mga kongregasyon. Sa mga asosasyong ito, ang bawat pag-aari ng iglesya ay pag-aari ng lokal na kongregasyon; at ang lokal na iglesya ay maaaring lumisan sa asosasyon anumang oras. Ang mga iglesya ay maaaring umalis sa asosasyon kapag ang pakiramdam nito ay hindi na natutugunan ng asosasyon ang pangangailangan ng iglesya.
Ang mga miyembro ng isang mahinang asosasyon ay karaniwang nagbibigay diin sa awtonomiya ng lokal na iglesya. Hindi nila nais pamahalaan ng asosasyon ang lokal na iglesya, kayat maingat nilang nililimitahan ang awtoridad ng asosasyon. Samakatuwid, kapag tinawag na “mahina” ay hindi nangangahulugan na ito ay nabibigo sa kanyang layunin. Ang mga miyembro ng mahinang asosasyon ang nagnanais na maging mahina ang sentrong awtoridad. Ang awtoridad ay desentralisado at tinataglay ng lokal na iglesya.
► Ano sa palagay ninyo ang kabutihan ng “mahinang” asosasyon? Ano ang hindi mabuti tungkol dito?
[1]Sa malalakas na asosasyon, ang sentrong pamumuno ay may awtoridad upang salungatin ang mga lokal na tagapanguna; ang listahan ng mga magkakatulad na paniniwala ay tumatalakay sa maraming mga usapin; ang mga kongregasyon ay inaasahang magkaloob para sa magkakatulad na layunin; at ang mga kongregasyon ay mayroong madalas na pakikipag-ugnayan sa isa’t-isa. Ang mga pag-aari ng iglesya ay maaaring pag-aari ng asosasyon. Kapag gayun, ang mga indibidwal na iglesya ay hindi maaaring pumili na umalis sa asosasyon.
Ang mga miyembro ng malalakas na asosasyon ay may tendensiya na lumapit sa sentrong tagapanguna para sa solusyon ng ilang klase ng suliranin. Binibigyang diin nila ang pagtatalaga ng sarili sa asosasyon gayun din sa pagtatalaga ng sarili sa lokal na iglesya.
Umiiral ang maraming iba’t-ibang uri ng asosasyon ng mga iglesya. Ang isang asosasyon ay maaring hindi magtaglay ng lahat ng katangian ng isang mahina o malakas na asosasyon, subali’t maaaring ituring na mahina o malakas batay sa kung aling mga katangian ang taglay nito. Ang malalakas na asosasyon ay madalas na tinatawag na “denominasyon”.
► Ano sa palagay mo ang mabuti tungkol sa “malalakas” na asosasyon? Ano ang hindi mabuti tungkol sa mga ito?
► Anong mga asosasyon ng iglesya ang alam mo? Paano mo sila ilalarawan?
[1]“Ang Iglesya ang may kapangyarihan upang magtalaga ng mga ritwal o mga seremonya, at awtoridad sa mga usapin ng pananampalataya, gayunman labag sa batas para sa Iglesya na magtalaga ng anumang sumasalungat sa nasusulat na Salita ng Diyos…”
Mga Artikulo ng Relihiyon ng Iglesya ng Ingglatera
Mga Tungkulin ng isang Denominasyon
Ang isang malakas na asosasyon ng iglesya ay maaaring tawaging denominasyon. Hindi iyon nangangahulugan na taglay nito ang lahat ng mga katangian ng isang malakas na asosasyon, sa halip ito ay maaaring ilarawan bilang isang malakas sa halip na isang mahinang samahan.
Ang isang mabuting denominasyon ay umiiral upang maglingkod sa mga lokal na iglesya. Tumutulong ang denominasyon sa mga iglesya upang tuparin nang sama-sama ang mga bagay na hindi kayang gawing mabuti kung nag-iisa ang mga lokal na iglesya.
(1) Nagbibigay ito ng pakiramdam ng pagkakakilanlan na nagbubukod sa kanya mula sa ibang klase ng mga iglesya. Alam ng mga miyembro ng lokal na iglesya na sila ay naiiba sa ibang iglesya sa kanilang lugar. Sila ay nahihikayat na malaman na sila ay bahagi ng isang grupo ng mga iglesya na kapareho nila ang mga doktrina.
(2) Nagtatatag ito ng doktrina. Hindi dapat magkaroon ang lokal na iglesya ng pakiramdam na malaya niyang baguhin at gumawa ng kanyang doktria nang hindi nakikinig sa kahit sinuman. Dapat panghawakan ng denominasyon ang pangkasaysayan, mahahalagang doktrina ng Kristiyanismo, subali’t dapat ring magkaroon ng detalyadong doktrina na pinaniniwalaan nilang ayon sa Kasulatan.
(3) Nagtatakda ito ng mga kuwalipikasyon para sa mga pastor at miyembro ng iglesya. Dapat magtakda ang denominasyon ng mga panuntunan upang ang mga pastor at mga miyembro ng mga iglesya ay makapagtakda ng di-nagbabagong halimbawa ng Kristiyano. Ang mga kuwalipikasyon ay dapat batay sa mga binanggit sa 1 Timoteo at Tito 1, subali’t dapat gawing malinaw para sa bawat kultura.
(4) Nagbibigay ito ng sistema para sa pamamahala sa iglesya. Ang denominasyon ay nagbibigay sa lokal na iglesya ng isang sistema para sa paglalagay ng mga tao sa mga posisyon sa iglesya at sa pagpapanatili ng pananagutan.
(5) Nagbibigay ito ng paraan para sa pagsasanay ng mga pastor. Maraming iglesya ng wala namang kagamitan at materyales upang sanayin ang mga pastor sa hinaharap. Ang denominasyon ay dapat buo ng isang programa sa pagsasanay na madaling na-access at praktikal.
(6) Ginagabayan nito ang pagtatalaga ng mga pastor sa mga iglesya. Ang mga pastor na walang iglesya at mga iglesya na walang pastor ay maaaring matulungan ng mga tagapanguna sa denominasyon. Igagalang ng mabubuting mga tagapanguna sa denominasyon ang matatapat na lokal na tagapanguna sa lahat ng mga pasiya.
(7) Nagbibigay ito ng gabay kapag may krisis sa lokal na iglesya. Kapag nahahati ang isang lokal na iglesya sa isang usapin o kaya’y walang mapagtitiwalaang tagapanguna, dapat tumulong ang mga tagapanguna ng denominasyon.
[1](8) Ito ay nakikipagugnay at sumusuporta sa mga gawaing pangmisyon at pagsisimula ng nga iglesya. Ang isang grupo ng mga iglesya ay dapat magkaisa sa pangitain para sa gawain ng pagmimisyon. Nagsasama-sama sila ng mga resources at sumusuporta sa mga tao upang tuparin ang mga layunin ng pagmimisyon.
(9) Nagbibigay ito ng pakikisama na may mas malawak na sakop kaysa sa lokal na iglesya. Ang mga miyembro ay hinihikayat na maglaan ng panahon upang makasama ang mga miyembro ng ibang iglesya mula sa denominasyon.
(10) Nag-oorganisa ito ng mga gawain o kaganapan na nagbubunga ng pagsasama-sama ng mga iglesya. Ang denominasyon ay dapat mag-organisa ng mga konbensiyon at kumperensiya na nakakatulong upang magsama-sama ang mga iglesya at sama-samang magtakda ng kanilang mga layunin.
(11) Nagsusugo ito ng mga tagapanguna sa mga iglesya upang magbigay ng kanilang payo at pagpapalakas-loob. Dapat may miyembro ng pamunuan ng asosasyon na bibisita sa bawat iglesya kahit man lang minsan sa isang taon, o mas mabuti kung mas madalas pa.
(12) Nagbibigay ito ng payo para sa paglikha ng pinansiyal na katatagan ng lokal na ministeryo. Dapat bigyang diin ng asosasyon ang potensiyal ng lokal na iglesya at gabayan sila hanggat maging matibay sa pinansiyal.
Kung maayos na naisasagawa ng denominasyon ang mga layuning ito, ito ay magiging mahalagang tulong sa pagtupad ng mga layunin ng iglesya. Magiging imposible para sa karamihan sa mga lokal na iglesya na tuparin ang lahat ng nasasaad na tungkulin nang nag-iisa. Dapat tandaan ng mga tagapanguna sa denominasyon na ang denominasyon ay umiiral upang maglingkod sa mga lokal na iglesya.
► Ngayon na nakita na natin kung ano ang magagawa ng mga denominasyon para sa kanilang mga iglesya, pag-isipan natin ang katanungang ito: Paano makukuha ng isang iglesya ang mga benepisyo ng isang mahinang asosasyon habang iniiwasan ang mga suliraning karaniwang kasama nito?
► Paano makukuhang isang iglesya ang mga benepisyo ng isang malakas na asosasyon habang iniiwasan ang mga suliraning karaniwang kasama nito?
[1]“Ang pag-eebanghelyo sa mundo ay malinaw na misyon ng Kristiyanismo. Subali’t upang matupad ang misyong ito, kinakailangan ang iglesya, dahil ang mga ahensiyang instrumento para tuparin ito ay hindi ito magagawa.” - John Miley, Systematic Theology
Ang Tapat na mga Pangako ng Lokal na Iglesya sa Denominasyon
Ang listahang ito ay hindi eksaktong magiging magkakatulad sa lahat ng denominasyon, subali’t ito ay isang pangkalahatang paglalarawan kung ano ang karaniwang hinihingi ng mga denominasyon sa mga kasaping iglesya.
Itinatalaga ng lokal na iglesya na gagawin ang mga sumusunod:
(1) Tanggapin ang pahayag ng doktrina ng denominasyon, ituro ang mga doktrina, at huwag hayaan ang mga kasalungat na mga doktrina na maituro sa iglesya.
(2) Turuan at tagubilinan ang mga miyembro na mamuhay ng matuwid na buhay Kristiyano.
(3) Makibahagi sa mga kombensiyon at iba pang gawain, at suportahan ang mga gastusin sa abot ng kanilang makakaya.
(4) Magbigay ng tapat na taunang ulat ng mga dumalo, mga nagbalik-loob, mga manggagawa, at mga kinikita.
(5) Panatilihin ang pakikipag-kaisa sa ibang kongregasyon ng denominasyon at mga tagapanguna at harapin ang mga di-pagkakasundo sa biblikal na paraan.
(6) Hindi makikibahagi sa iba pang organisasyon na humihingi ng katulad na pagtatalaga ng sarili.
Kapag ang mga mag-aaral ay mula sa isang iglesya na kabilang sa isang asosasyon, mag-ukol ng ilang minuto upang tingnan ang mga hinihingi ng asosasyon.
► Ang asosasyon ba ng inyong iglesya ay sinimulan ng isang pandaigdigang asosasyon sa pagmimisyon? Kung gayun, ilarawan ang relasyon ng mga iglesya at ng organisasyong pangmisyon.
Ang Relasyon sa Pagitan ng Isang Misyon at ng Asosasyon ng Iglesyang Ito
Kung minsan ang mga iglesya ay may relasyon sa isang pandaigdigang organisasyon sa pagmimisyon. Ang misyon ay maaaring magsimula ng mga iglesya, o ang mga umiiral nang mga iglesya ay maaaring makipag-ugnay sa misyon. Ang mga iglesyang kaugnay sa isang misyon ay bumubuo ng asosasyon.
Sa simula, ang mga dayuhang misyonero ay maaaring manirahan sa bansa at maging mga tagapanguna sa asosasyon. Sa paglipas ng panahon, nabubuo ang mga pamunuan mula sa nasyonal na mga pastor. Ang isang misyon ay dapat magtakda ng layunin ng pagtatatag ng mga tagapanguna upang hindi magpatuloy ang direktang pamumuno ng mga dayuhang misyonero sa iglesya.
Kapag naitatag na ang pambansang pamunuan ng asosasyon, mayroong tatlong level sa organisasyon: pamunuan ng pagmimisyon, pamunuan ng asosasyon, at mga pastor ng lokal na iglesya. Ang pamunuan ng asosasyon ay direktang gumagawa kasama ng mga pastor. Ang pamunuan ng pagmimisyon karaniwang gumagawa kasama ng tagapanguna sa asosasyon.
May mga misyon na nagbibigay ng malakas na sentrong pamumuno na bumubuo ng malakas na asosasyon ng mga iglesya. Ang ibang misyon ay nagbibigay ng tulong sa isang mahinang asosasyon ng mga iglesya at hindi nagpapataw ng anumang awtoridad sa mga ito.
Kapag ang kaugnayan sa tatlong mga lebel ay hindi naipaliwanag nang malinaw maaaring magkaroon ng hindi pagkakaunawaan. Kung minsan ang mga tao sa iglesya ay nakikipag-ugnayan sa pamunuan ng pagmimisyon tungkol sa kanilang mga pangangailangan sa halip na sa pamunuan ng asosasyon dahil iniisip nila na ang misyon ay mas mapagbigay mula sa kanilang mga resources. Kung minsan, direktang nagtatrabaho ang pamunuan sa pagmimisyon sa mga iglesya, at nilalampasan ang pamunuan ng asosasyon. Nakalilito ito sa mga tagapanguna sa asosasyon dahil nagiging malabo ang kanilang tungkulin. Sa isang seksiyon sa unahan, inilista natin ang mga tungkulin ng isang denominasyon. Sa isang asosasyon ng mga iglesya na sinimulan ng isang misyon, ang mga tungkulin ay tinutupad ng pamunuan ng asosasyon, at ng pamunuan ng misyon, na magkasama sa paggawa.
Sa paglipas ng panahon, ang mga tagapanguna sa asosasyon ay dapat unti-unting kunin ang mas marami pang tungkulin. Ang ideyal na kundisyon ng isang maygulang na asosasyon ay kapag maaari na siyang tumupad ng mga tungkulin kahit wala na itong tulong na nagmumula sa isang misyon.
Pitong Nagbubuod na mga Pangungusap
(1) Ang isang asosasyon ay tumutulong sa katatagan ng isang lokal na iglesya.
(2) Ang mga asosasyon ay maaaring tawaging “mahina” o “malakas” batay sa kung gaano kahalaga ang sentrong pamunuan nito.
(3) Ang mga miyembro ng isang “mahinang” asosasyon ay nagbibigay-diin sa awtonomiya ng lokal na iglesya.
(4) Ang mga miyembro ng isang “malakas” na asosasyon ay nagbibigay ng diin sa commitment sa asosasyon kasama na dito ang commitment sa lokal na iglesya.
(5) Ang isang iglesya ay hindi maaaring makasama sa isang denominasyon at gayundin sa isang ibang asosasyon na humihingi ng malakas na pagtatalaga ng sarili.
(6) Umiiiral ang isang denominasyon upang tumulong sa mga iglesya na tuparin ang kanilang layunin sa pamamagitan ng kooperasyon .
(7) Ang isang pandaigdigang misyon ay dapat unti-unting ilipat sa pamunuan ng asosasyon ang mga tungkulin.
Leksiyon 4 Mga Takdang -aralin
Bago ang susunod na sesyon sa klase, ang mag-aaral ay dapat sumulat ng isang talata tungkol sa bawat isa sa “Pitong Pagbubuod na mga Pangungusap” (may kabuuang pitong mga talata). Dapat ipaliwanag sa talata ang kahulugan ng punto at kung bakit ito mahalaga. Dapat isulat ito ng mag-aaral sa paraan kung paano niya ito ipapaliwanag sa isang taong hindi kabilang sa klase. Dapat ibigay ang isinulat sa tagapanguna sa klase.
Pagsusulit: Sa simula ng susunod na sesyon sa klase, dapat isulat ng mga mag-aaral mula sa kanilang pagkakasaulo,ang kahit 10 tungkulin ng isang denominasyon at kahit limang tapat na mgapangako ng isang lokal na iglesya sa kanyang denominasyon.
Paalala: dapat iplano ng mag-aaral na ituro ang isang bagay mula sa kursong ito sa mga taong hindi kabilang sa klase, tatlong magkakaibang pagkakataon.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.