Doktrina at mga Gawain ng Iglesya
Doktrina at mga Gawain ng Iglesya
Audio Course Purchase

Search Course

Type at least 3 characters to search

Search through all lessons and sections in this course

Searching...

No results found

No matches for ""

Try different keywords or check your spelling

results found

Lesson 2: Pagkakaisang Kristiyano

16 min read

by Stephen Gibson


Panimula

► Dapat basahin ng isang mag -aaral ang sumusunod na kathang -isip na kwento para sa klase.

Minsan, may isang lungsod na nanganganib na magkaroon ng baha mula sa isang ilog. Nag-organisa ang mga tao sa lunsod sa mga grupo upang maglagay ng buhangin sa mga sako at ilagay iyon sa gilid ng ilog. Masiglang nagtrabaho ang mga tao at nabuo ang team spirit (pagkakaisa ng grupo). Hindi nagtagal nagkaroon ng pangalan ang iba’t-ibang grupo. Mayroong Tagapagligtas ng Lunsod, ang Mga Tagapala ng Buhangin, at ang Tagaharang sa Ilog. Naging mahalaga ang pagkakakilanlan ng grupo. Ang mga miyembro ng bawat grupo ay nagsuot ng magkakatulad na shirts. Nag-usap-usap sila kung paanong ang kanilang grupo ang pinakamagaling. Pinulaan nila gawain ng ibang grupo.

Nang ang isang Tagaharang ng Ilog ay humihiram ng isang kartilya mula sa Tagapagligtas ng Lunsod, hindi nila ito pinahiram, dahil iniisip nila na maaari nila itong kailanganin sa hinaharap. Nang maubusan ng sako ang mga Tagapala ng Buhangin, kinailangan nilang maghintay ng isang oras upang dumating ang dagdag na sako, bagaman mayroon namang sobrang sako ang ibang grupo. Nalimutan ng mga grupo na silang lahat ay mayroon lamang iisang misyon. Ang tagumpay ng bawat grupo ay tila naging mas mahalaga kaya sa kabuuang tagumpay ng kanilang misyon.

► Paanong ang mga iglesya kung magkaminsan ay kumikilos na katulad ng mga grupo sa kuwento?

Malakas ang pagbibigay-diin ng Biblia sa kahalagahan ng pagkakaisa ng mga Kristiyano. Sinaway ni Pablo ang mga pagkakapangkat-pangkat ng iglesya sa Corinto ng magtanong siya, “Maaari bang hatiin si Kristo?” (1 Corinto 1:13). Sinabi niya sa mga taga-Efeso na panatilihin ang pagkakaisa ng Espiritu, itinuturo na, “Mayroon lamang isang katawan…isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo” (Efeso 4:4-5). Mataimtim na nanalangin si Hesus na ang mga mananampalataya ay magkaisa upang ang mundo ay maniwala na siya ay nagmula sa Ama (Juan 17:21).

Mula sa simula, itinuring ng iglesya ang kanyang sarili na iisa lamang. Sa Credo ng Apostol kabilang ang pangungusap na ito: “Ako ay sumasampalataya…ang banal na iglesya katolika; ang pagkakaisa ng mga banal.” Sa Credo ng Nicene ay kabilang ang pangungusap: “Sumasampalataya ako sa isang katoliko at apostolikong iglesya.” Ang salitang catholic ay nangangahulugan ng kumpleto at unibersal. Ang salitang apostolic ay nangangahulugan na ang iglesya ay itinatag ng mga apostol at patuloy na sumusunod sa mga katuruan ng mga apostol.

Ipinapahayag ng mga unang credo ang mga kinakailangang doktrina ng Kristiyanismo. Hindi itinuturing ng iglesya na Kristiyano ang sinumang hindi tumatanggap sa mga credong ito, dahil layunin ng mga credo na ipaliwanag ang mga kinakailangan ng Kristiyanismo. Samakatuwid, ang isang tao ay ituturing na heretic kapag iniisip niya na mayroong mga tunay na iglesya na hindi bahagi ng isang unibersal na iglesya.

Mga Denominasyon

Ang iglesya sa mundo ay hindi pa napagsasama-sama sa isang institusyon sa loob ng maraming siglo. Sa halip maraming distinct na grupo ng mga iglesya. Ang isang grupo ng mga iglesya na nagbubuo ng isang organisasyon ay tinatawag na denominasyon.

Taong A.D. 451 nang ang Oriental Orthodoxy ay humiwalay sa Romano Katolisismo dahil sa di-pagkakasundo sa doktrina. Sa kasalukuyan mayroong mga organisasyon ng mga iglesya sa iba’t-ibang rehiyon sa Oriental Orthodoxy: Coptic, Ethiopian, Eritrean, Malankara Syrian, Syriac, at Armenian Apostolic.

Taong A.D. 1054, ang Eastern Orthodoxy ay humiwalay sa Romanong Katolisismo. Sa kasalukuyan mayroong labinlimang pangrehiyong organisasyon ng mga iglesya sa Eastern Orthodoxy, kabilang dito ang Iglesyang Russian Orthodox, ang Iglesyang Serbian Orthodox, at ang Iglesya ng Cyprus.

Bukod sa malalaking dibisyong iyon, may iba pang mga grupo ng mga iglesya na humiwalay sa iglesyang Romano sa mga siglong iyon.

Naganap ang Protestant Reformation noong 1500’s. Maraming iglesya ang humiwalay sa Romanong Katolisismo dahil naniniwala sila na hindi na malinaw na naipapangaral ng iglesyang Romano ang tunay na ebanghelyo. Mayroon pang maraming ibang usapin kabilang ang mga pampulitikang usapin, subali’t ang doktrina ang pinakamahalaga.

Maraming denominasyon ang nabuo mula sa Reformation. Ang Iglesya ng Ingglatera ay binubuo ng mga iglesya sa bansang Ingglatera. Nang sila ay magtatag ng mga iglesya sa ibang mga bansa, tinawag silang Iglesyang Episcopal.

Ang mga iglesyang Presbyterian ay nagmula sa impluwensiya ng mga reformers: sina John Calvin sa Switzerland, si John Knox sa Scotland, at iba pa. May ilang denominasyong Presbyterian sa kasalukuyan.

Ang Iglesyang Lutheran sa Alemanya ay nagsimula sa ministeryo ni Martin Luther. Mayroon ding mga iglesyang Lutheran sa maraming ibang mga bansa.

Naniniwala ang mga Anabaptist na hindi lubusang napanauli ng Reformation ang ebanghelyong ayon sa Kasulatan. Naniniwala sila na ang pagsamba ay dapat walang mga seremonyang wala sa Kasulatan at ang bautismo ay para lamang sa mga nagbalik-loob at hindi para sa mga sanggol. Sa kanila nagmula ang denominasyong Baptists sa maraming mga bansa.

Ang mga iglesyang Pentecostal ay nagsimula sa revival sa Los Angeles noong 1906. Maraming variety ng Pentecostal at Charismatic na denominasyon ang umiiral sa maraming bansa sa buong mundo. Mayroon silang maraming iba’t-ibang (variety) ng doktrina.

Sa ngayon mayroong libo-libong denominasyon na nag-aangkin na sila ay mga Kristiyano. Mayroon nang libo-libong indipendiyenteng mga iglesya na hindi parte o bahagi ng anumang denominasyon.

Ang mga denominasyon ay karaniwang nagsisimula sa isang grupo ng mga tao na naniniwala na mayroong mahalagang katotohanan na itinatanggi o nakakaligtaan ng iglesya na kanilang kinabibilangan. Nagsisimula sila ng bagong denominasyon na ang layunin ay maging tama sa kanilang mga doktrina. Sa paglipas ng panahon, nagpatuloy sila sa pagbuo ng kanilang mga doktrina, at nagiging iba sa ibang denominasyon. Gayun din nakabubuo sila ng ibang tradisyon tungkol sa wastong paraan ng pagsamba at mga detalye ng pamumuhay Kristiyano.

Kung minsan ang mga denominasyon ay nagsisimula sa pag-eebanghelyo. Kapag maraming nagbalik-loob sa isang rehiyon at walang denominasyon na maaaring mangalaga sa kanila, maaaring mabuo ang isang bagong denominasyon. Ang isang denominasyon ay maaaring magsimula sa gawain ng isang organisasyong pangmisyon sa isang partikular na bansa.

Karamihan sa mga denominasyong Kristiyano ay hindi nag-aangkin na sila lamang ang tunay na Kristiyano. Kapag ang isang organisasyon ay nag-aangkin na sila lamang ang buong iglesya ng Diyos sa lupa, hindi ito dapat pagtiwalaan.

► Ilang iba’t-ibang pangalan ng mga iglesya at denominasyon ang alam mo?

Ang mga hindi mananampalataya ay tumatanggi sa Kristiyanismo dahil sa pagkakahati-hati at pagkaka-iba-iba nito. Iniisip ng maraming hindi mananampalataya na ang lahat ng iba’t-ibang sekta ng Kristiyanismo ay nagsasalungatan sa isa’t-isa. Maraming tao sa mundo ang nag-iisip na walang klase ng pagkakaisa sa mga Kristiyano.

► Ano ang ilan sa mga kaugalian na tila naghahayag ng walang pagkakaisa sa mga iglesya?

May tendensiya ang mga iglesya na bigyang diin ang mga bagay kung saan sila ay nagiging iba sa ibang mga iglesya, kahit pa ang mga bagay na iyon ay hindi pundasyong mga doktrina ng pananampalataya. Kung minsan, nagiging madali sa mga iglesya na akusahan ang ibang iglesya ng pagiging hipokrito, nagkokompromiso, o maging ng ibang mga kasalanan, nang hindi lubos na nauunawaan. May mga iglesya na nagsasabi na ang ibang iglesya ay hindi Kristiyano, kahit naniniwala sila sa pundasyong doktrina ng Kristiyano.

Tila hindi nagkakaisa ang mga iglesya sa pagpapatupad ng Dakilang Pagsusugo. Tila nagpapaligsahan na tulad ng negosyo ang mga iglesya. Maraming tagapanguna ang nagsasabing nasasayang ang trabaho at mga resources kapag tumutulong sila sa isang ministeryo na hindi nagtataglay ng pangalan ng kanilang organisasyon.

Marahil ang lahat ng Kristiyano ay sasang-ayon na ang lahat ng Kristiyano ay dapat magkaisa, subali’t marami ang hindi nakakaalam kung ano dapat ang anyo ng pagkakaisang iyon. Una, pag-uusapan natin ang tungkol sa pagkakaisa ng unibersal na iglesya; pagkatapos, pag-uusapan natin ang tungkol sa pagkakaisa ng lokal na iglesya.

Pagkakaisa ng Unibersal na Iglesya: Hindi ang Pagiging Iisa ng Institusyon

May mga taong nag-iisip na ang lahat ng iglesya ay dapat magkaisa sa iisang organisasyon. Iniisip nila na ang pag-iral ng maraming hiwa-hiwalay ng organisasyon ay nangangahulugan na ang iglesya ay hindi nagkakaisa. Sa isip, hindi nila pinaghihiwalay ang pinakadiwa ng iglesya at ang mga institusyon ng iglesya; samakatuwid, ang pagkakaisa para sa kanila ay nangangahulugang pag-iisahin ang mga institusyon.

► Ano ang iyong sasabihin isang tao na nag-iisip na ang lahat ng organisasyong Kristiyano at mga iglesya ay dapat magsama-sama sa iisang organisasyon?

Ang mga institusyon ay hindi maaaring mag-ugnayan nang hindi nagpapasya na ang kanilang mga pagkakaiba sa doktrina ay hindi mahalaga. Upang magkaisa, dapat silang magkasundo sa ilang pundasyong doktrina. At dapat silang magpasya na marami sa kanilang ibang doktrina ay hindi sapat ang kakayahan upang ihiwalay sila mula sa ibang tao na hindi sumasang-ayon.

Ang buong pagsisikap na pag-isahin ang lahat ng iglesya sa isang organisasyon ay batay sa ideya na ang pagkakaisang Kristiyano ay pagkakaisa rin sa institusyon. Si Hesus mismo ay hindi nagsabi na ang lahat ng kanyang mga tagasunod ay magsama-sama sa parehong organisasyon sa panahon ng kanyang ministeryo sa lupa, tulad ng inilarawan sa pangyayaring ito:

"At sumagot si Juan at sinabi, “Panginoon, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng demonyo sa inyong pangalan. Pinagbawalan po namin siya, dahil hindi natin siya kasamahan.” At sinabi ni Hesus sa kanya, “Huwag ninyo siyang pagbawalan: sapagka’t kung ang sinuman ay hindi laban sa inyo, siya ay kakampi ninyo” (Lucas 9:49-50).

Ipinapakita ng salita ni Hesus na ang isang tao ay maaaring “hindi natin kasama” (hindi bahagi ng ating organisasyon), gayunman ay “para sa atin”. Malinaw, mayroong pagkakaisang Kristiyano na hindi kinakailangang magkasama-sama sa iisang institusyon.

Sa paglipas ng mga siglo simula sa ministeryo sa lupa ni Hesus, mayroon nang mga organisasyon na nag-angkin na sila ang buong iglesya. Sinasabi nila na walang organisasyon na hiwalay sa kanila ang Kristiyano rin. Hindi inangkin ni Hesus na ang kanyang grupo ng mga tagasunod ang siyang buong iglesya maging noong siya ay pisikal na kasama pa nila upang pamunuan ito.

Kung minsan ginagamit ng mga tao ang salitang iglesyang hindi nakikita. Ang salitang iglesyang hindi nakikita ay tumutukoy sa katotohanang walang organisasyon na nakikita na nagtataglay ng listahan ng lahat ng miyembro na binubuo ng lahat ng Kristiyano. Gayundin, ang mga organisasyong Kristiyano ay may mga miyembro na hindi naman mga tunay na Kristiyano. Samakatuwid, hindi natin maituturo ang alinmang partikular na organisasyon at sabihin na ito ang unibersal na iglesya.

Bagaman ang unibersal na iglesya ay hindi isang organisasyon lamang, ang pagkakaisa sa lahat ng mga Kristiyano ay dapat na nakikita. Idinalangin ni Hesus na ang mga mananampalataya ay magkaisa, at sinabi na ang ibubunga nito ay ang pananampalataya ng mundo sa kanya. (Juan 17:21). Nangangahulugan ito na ang pagkakaisa ng mga Kristiyano ay tunay na dapat nakikita ng mga Kristiyano at ng mundo.

► Kapag nakatagpo ka ng isang tao na nagsasabi na siya ay isang Kristiyano, ano ang kinakailangan mo upang maibahagi mo ang pagkakaisang Kristiyano sa kanya?

Ang Batayan ng Pagkakaisang Kristiyano

Ang pagkakaisa ng lokal na iglesya ay batay sa doktrina sa Biblia, ang karanasan ng biyaya, at ang buhay ng Espiritu. Ang pagkakaisa ng mga Kristiyano sa labas ng lokal na iglesya ay may katulad ding batayan, bagaman mas kaunti ang detalye.

Ang isang pang paraan upang ipahayag ang batayan ng pagkakaisa ay ito: Kung ang isang tao ay nagpapatotoo na siya ay naligtas, tila nagtataglay ng espirituwal na buhay, at tila naniniwala sa mga basic na katotohanang Kristiyano, sagayun ang pakikisamang Kristiyano ay posible. Maaaring magpatuloy ang pakikisama sa buong panahon na ang taong ito ay nabubuhay nang may kaugnayan sa Diyos at sa pagsunod sa Biblia.

Ang pagkakaisang Kristiyano ay hindi depende sa pagkakasundo sa bawat detail ng doktrina. Hindi posible para sa iglesya sa lahat ng lugar upang magkasundo sa lahat ng detalye ng doktrina. Maging ang mga apostol ay may di-pagkakasundo rin. (Galacia 2:11-14).

Ang mga grupo ng mga mananampalataya ay nag-aaral ng Biblia at tinatalakay ang kanilang pinaniniwalaan, sinisikap tiyakin na sila ay tama. Napagtatanto nila na hindi sila sumasang-ayon sa mga doktrina ng ilan sa ibang mga grupo ng Kristiyano.

May mga doktrina na pundasyon, at kinakailangan sa pananampalatayang Kristiyano. Kung ang isang tao ay hindi naniniwala sa mga doktrinang ito, hindi niya mauunawaan at paniniwalaan ang ebanghelyo.

Pagkatapos, mayroon ding mas mahabang listahan ng mga doktrina na pinaniniwalaan ng isang partikular na iglesya. Nauunawaan ng karamihan sa mga iglesya na hindi lahat ng Kristiyano sa lahat ng lugar ay nagkakasundo sa lahat ng doktrina. Kahit na ang isang doktrina ay ipinapahiwatig na sa Biblia, hindi lahat ay makauunawa sa Biblia sa parehong paraan.

[1]► Ano ang ilang halimbawa ng pundasyong doktrina? Ano ang ilan pang ibang doktrina na hindi naman pundasyong doktrina?

Ang ilan sa mga pundasyong doktrina ay tungkol sa kalikasan ng Diyos, ang pagiging Diyos ni Kristo, at ang Banal na Espiritu, ang pagbabayad-kasalanan ni Kristo, at ang kaligtasan sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya.

Ang ilang doktrina na hindi pundasyon ay paniniwala tungkol sa mga anyo ng pagsamba at mga detalye tungkol sa buhay Kristiyano. Mahalaga para sa atin na sikaping maging ayon sa Biblia ang lahat ng ating ginagawa, subali’t dapat nating matanto na hindi lahat ng tunay na Kristiyano ay magkakasang-ayon sa mga detalyeng ito.


[1]"Kung ang inyong puso ay tama, katulad ng puso ko sa puso ninyo, kaya’t mahalin ninyo ako ng napakalambing na pagmamahal, bilang isang kaibigang mas matalik pa sa isang kapatid;bilang kapatid kay Kristo, kababayan sa Bagong Jerusalem, kapwa sundalong nasa parehong labanan, sa ilalim ng iisang kapitan ng ating kaligtasan. Mahalin ninyo ako bilang kasama sa kaharian at katiyagaan ni Jesus, at kasamang tagapagmana ng kanyang kaluwalhatian”
-John Wesley, “Ang Espiritu ng Pagkakaisa”)

Mga Tanda ng Tunay na Iglesya

Ang isang sinaunang konsepto ng mga tanda ng tunay na iglesya ay pinanghahawakan kapwa ng Simbahan ng Romano Katoliko, at ng mga reformers. Ang mga Kristiyano sa loob ng mga siglo ay naniniwala na ang apat na tanda ng tunay na iglesya ay pagkakaisa, kabanalan, catholicity (pagiging universal), at apostolicity (nanghahawak sa orihinal na pananampalataya ng mga apostol) ng mga salitang ito ay inilarawan sa iba’t-ibang paraan.

Narito ang ilan sa mga simpleng pakahulugan. Ang pagkakaisa ay nangangahulugan na kabilang sa iglesya ang lahat ng tunay na Kristiyano bagaman hindi kinakailangang nasa isang pormal na listahan. Ang kabanalan ay nangangahulugan na ang iglesya ay naninindigan laban sa kasalanan at naniniwala sa kaligtasan mula sa kasalanan. Ang catholicity ay nangangahulugan na ang iglesya ay maaaring magkaroon ng anumang napapanahong anyo sa alinmang kultura saanmang lugar, basta nananangan sa mga kinakailangang katotohanan. Ang apostolicity ay nangangahulugang ang iglesya ay nananangan sa orihinal na pananampalatayang itinatag ng mga apostol.

Ang Pagkakamali ng Pagpapaligsahan ng mga Iglesya

Kung minsan ang mga iglesya sa isang lugar ay sobrang magkakalapit sa isa’t-isa na ang mga tao ay maaaring pumili kung saan nila gustong dumalo. Ang mga tao sa isang iglesya ay maaaring magsikap na ipakita sa mga tao sa komunidad na ang kanilang iglesya ay higit na mabuti kaysa sa ibang iglesya. Sila ay nakikipagpaligsahan sa ibang mga iglesya, sinisikap na gawing mas kaakit-akit ang kanilang sariling iglesya. Iniisip nila na ang kanilang iglesya ay matagumpay kapag dumarami ang bilang ng kanilang miyembro.

Ang pagpapaligsahan sa mga iglesya ay batay sa di-pagkakaunawaan ng iglesya. Maraming tao ang tila nag-iisip na ang iglesya ay tulad ng isang negosyo na dapat umakit ng mga kostumer o kaya naman ay katulad ng isang showplace na dapat magkaroon ng tagapanood. Ang mga ito ay maling konsepto ng iglesya.

Ang iglesya ay isang espirituwal na pamilya. Ang mga miyembro ng isang mabuting pamilya ay nagsisikap na pangalagaan ang isa’t-isa. Sama-sama silang gumagawa upang magkaloob ng mga pangangailangan ng pamilya. Nag-uukol sila ng oras nang sama-sama dahil sa kanilang relasyon.

[1]Ang iglesya ay isang pamilya ng pananampalataya, batay sa relasyon sa Diyos at sa isa’t-isa. Nais nila ng mga bagong miyemro na naaakit ng ebanghelyo at ng buhay pamilya ng iglesya. Dapat magtuon ang iglesya sa pagpapahayag ng ebanghelyo at pagpapakita ng buhay ng iglesya. Sagayun, maaakit nila ng tamang tao, mga taong interesado sa pagiging bahagi ng pamilya.

► Kapag ang isang iglesya ay nagsisikap na makipagpaligsahan sa ibang mga iglesya sa isang lugar, paano mababago ng paligsahan ang iglesya?


[1]“Be true also to your principles touching opinions and the externals of religion. Use every ordinance which you believe is of God; but beware of narrowness of spirit towards those who use them not. Conform yourself to those modes of worship which you approve; yet love as brethren those who cannot conform. . . . Condemn no man for not thinking as you think” (John Wesley, in “Advice to the People Called Methodists”).

Pagkakaisa sa Lokal na Iglesya

► Bakit kinakailangan sa pagkakaisa ng lokal na iglesya na sila’y magkasundo sa mas maraming doktrina kaysa sa pagkakaisa ng unibersal na Kristiyano?

Maaaring tanggapin ng isang Kristiyano ang patotoo ng ibang Kristiyano na hindi nananangan sa lahat ng kanyang mga doktrina, basta pinanghahawakan nila ang pundasyong doktrina ng Kristiyano at ipinapakita ang buhay Kristiyano. Gayunman, dahil ang isang Kristiyano ay dapat personal na isagawa ang anumang pinaniniwalaan niyang tama, hindi siya maaaring makipartner sa ministeryo sa lahat ng Kristiyano. Halimbawa, kung ang isang pastor ay naniniwala na sinasabi sa kanya ng Biblia na magbautismo ng mga nagbalik-loob, hindi siya maaaring magpastor sa isang grupo ng mga tao na nagtuturo na ang mga nagbalik-loob ay hindi dapat bautismuhan.

Isa pang halimbawa: Kapag ang isang tao ay naniniwala na ang kaloob ng pagsasalita sa ibang wika ay hindi palatandaan ng pagiging puspos ng Espiritu, magiging mahirap sa kanya na makipag-partner sa isang ministeryo sa mga taong naniniwala na ang sinumang hindi nagsasalita ng ibang wika ay hindi nagtataglay ng Banal na Espiritu. Magkakaroon sila ng suliranin dahil hindi nila tatanggapin ang kaniyang testimonya. Magkakaroon ng suliranin sa kanilang kooperasyon sa ministeryo dahil sisikapin nilang akayin ang mga bagong magbabalik-loob sa karanasan ng pagsasalita sa ibang wika.

Kapag ang isang tao ay gumagawa ng mga bagay na pinaniniwalaan niyang mali ayon sa Biblia, nilalabag niya ang kanyang sariling budhi. Napapasailalim siya sa paghatol mula sa Diyos dahil pinipili niyang gawin ang isang bagay kahit na naniniwala siyang ipinagbabawal iyon ng Biblia.

Ang isang Kristiyano ay maaaring maniwala na ang mga taong may iba’t-ibang doktrina ay mga tunay na Kristiyano, subali’t dapat siyang makisama at magministeryo sa isang grupo ng mga tao na nagkakasundo sa karamihan sa mga doktrina. Ang ibig sabihin nito, ang lokal na iglesya ay dapat magkaroon ng pagpapahayag ng doktrina na higit pa sa doktrinang pundasyon ng unibersal na iglesya.

► Bakit magiging kamalian para sa isang tao na sikapin na makiayon sa lahat ng doktrina ng iglesya?

Konklusyon

Dapat panatilihin ng Kristiyano ang balanse sa kanyang pakikitungo sa iba. Hindi niya dapat sabihin na hindi tunay na Kristiyano ang ibang Kristiyano dahil lamang nagkakaiba sila sa mga detalye ng doktrina na hindi naman pundasyong doktrina. Gayunman, dapat siyang magkaroon ng malapitang pakikisama sa isang lokal na iglesya na nananangan sa parehong doktrina na nagpapahintulot sa kanila na mag-fellowship at sama-samang magsagawa ng ministeryo.

Pitong Pagbubuod na mga Pangungusap

(1) Binibigyang diin ng Biblia ang pagkakaisa ng mga Kristiyano.

(2) Naniwala ang unang iglesya sa pagkakaisa ng iglesya bilang isang kinakailangang doktrina.

(3) Hindi matutupad ng iglesya ang pagkakaisa sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng lahat ng Kristiyano sa iisang organisasyon lamang.

(4) Ang pagkakaisang Kristiyano ay batay sa doktrinang Biblikal, sa karanasan ng biyaya, at sa buhay ng Espiritu.

(5) Ang mga Kristiyano sa lahat ng lugar ay nagkakasundo sa ilang pundasyong doktrina ng Kristiyanismo.

(6) Ang mga Kristiyano sa iba’t-ibang iglesya ay hindi magkakasundo sa mga detalye ng mga doktrina.

(7) Ang isang lokal na iglesya ay dapat magkasundo sa isang detalyadong pahayag ng mga doktrina.

Leksiyon 2 Mga Takdang -aralin

(1) Bago ang susunod na sesyon sa klase, ang mag-aaral ay dapat sumulat ng isang talata para sa bawat isa sa “Pitong Pagbubuod na mga Pangungusap” (may kabuuang pitong mga talata). Dapat ipaliwanag ng talata ang kahulugan ng punto at kung bakit ito ay mahalaga. Dapat isulat ito ng mag-aaral sa paraan kung paano niya ito ipapaliwanag sa isang tao na hindi kabilang sa klase. Ang isinulat ay dapat ibigay sa tagapanguna sa klase.

(2) Paalala: Dapat magplano ang mag-aaral na magturo mula sa kurso sa mga taong hindi kabilang sa klase, sa tatlong iba’t-ibang pagkakataon.

(3) Takdang-aralin na Panayam: Dapat makipag-usap ang mag-aaral sa miyembro ng tatlong iba’t-ibang iglesya at tanungin sila kung ano ang kanilang pananaw sa ibang mga iglesya. Anong pagkakaisa ang sa palagay nila ay umiiral sa mga Kristiyano? Sumulat ng talata para sa bawat isa sa tatlong pakikipag-usap.

Next Lesson