Lesson 13: Ang Katangian ng Tagapangunang Kristiyano
13 min read
by Stephen Gibson
Ang Pagsubok ng Tagapangunang Kristiyano
Ang pahayag na ating pinag-aaralan sa araling ito ay patungkol sa mga tagapangunang Kristiyano at diyakono, ngunit maaari rin sa iba pang tagapanguna sa iglesya. Sino mang tao na nagtuturo sa klase, nangunguna sa pananambahan sa tahanan, o nangunguna sa pagsamba ay isa ring tagapanguna. Ang mga taong ito ay halimbawa ng uri ng tao na aprobado ng iglesya. Sa gayon, mahalaga na sila ay mabuting halimbawa ng katangian ng isang Kristiyano.
Ang personal na kaugalian ng tagapanguna ay mas mahalaga kaysa sa kanyang mga kakayahan. Binigyan ng Diyos ang Kristiyanong tagapanguna ng mga kakayahang kailangan para sa kanyang ministeryo.
► Dapat basahin ng mag-aaral ang 1 Timoteo 3:1-7 para sa grupo.
Hindi masamang magnais ang isang tao na maging isang tagapangunang Kristiyano kung tama ang kanyang hangarin. Kung nais niya ang pagkilala, pamamahala o pagkakataon na kumita, wala siyang puso ng isang tagapangunang Kristiyano. Dapat niyang hangarin ang pagkakataon na makapaglingkod.
Mayroon tayong dalawang pahayag sa Banal na Kasulatan patungkol sa kwalipikasyon ng isang tagapangunang Kristiyano at mga diyakono. Ang mga ito ay isinulat ni Apostol Pablo kay Timoteo at kay Tito. Si Timoteo ay namamahala sa mga iglesya sa Efeso; si Tito ay namamahala sa mga iglesya sa Creta. Tungkulin nila na magtalaga ng mga tagapangunang Kristiyano para sa bawat lokal na kongregasyon.
Isipin ninyo ang kalagayan ng isang tao na naging tagapangunang Kristiyano sa unang henerasyon ng iglesya! Wala siyang pormal na pagsasanay. Walang mga aklat patungkol sa ministeryo na maaari niyang pag-aralan. Wala siyang pagkakataon na magmasid sa ibang tagapangunang Kristiyano. Wala siyang pagkakataon na pagmasdan ang buhay ng iglesya ng mahabang oras sapagkat ang iglesya ay bago lamang. Kahit ang karamihan sa Bagong Tipan ay hindi pa naisusulat.
Sinabi ni Pablo kay Timoteo kung paano makukuha ang respeto ng mga tao niya. Sinabi niya na maging halimbawa sa salita, pag-uugali, pagmamahal, espiritu, pananampalataya at pagiging dalisay (1 Timoteo 4:12). Hindi nakakakuha ng respeto ang isang tagapangunang Kristiyano sa pamamagitan ng paghingi nito.
► Paano nakakakuha ng respeto ang tagapangunang Kristiyano?
Sinabi ng apostol kay Timoteo at kay Tito ang mga kwalipikasyon ng tagapangunang Kristiyano. Karamihan sa kwalipikasyong ito ay tumutukoy sa Kristiyanong katangian at paglago sa halip na tanging kakayahan. Sa gayon, ang bawat Kristiyano ay dapat magkaroon ng ganitong katangian.
Ang tagapangunang Kristiyano ay hindi dapat mapatunayang gumagawa ng masama. Hindi makakapanguna sa ibang tao ang tagapangunang Kristiyano upang gumawa ng tama kung hindi rin siya gumagawa ng tama. Ang tagapangunang Kristiyano ay dapat maging isang tao na patuloy na naipapakita ang buhay Kristiyano sa mahabang panahon. Ito ay mahalaga upang ang iglesya ay magkaroon ng tiwala sa kanya at magkaroon ng magandang patotoo sa komunidad.
(2) Isa Lamang ang Asawa
Sa maraming parte ng mundo, ang pag-aasawa ng marami ay isang normal na kaugalian. Ang disenyo ng Diyos ay magkaroon ang lalaki ng isang asawang babae. Dapat maging halimbawa ang tagapangunang Kristiyano.
(3) Mapagbantay
Ang tagapangunang Kristiyano ang tagapangalaga ng kanyang kongregasyon. Dapat siyang magbantay laban sa mga maling aral at masamang impluwensya. Dapat niyang turuan ang kanyang mga miyembro upang maging ligtas sa kanilang doktrina. Dapat siyang maging handa na magpaalala sa mga tao patungkol sa espirituwal na kapahamakan.
[1]► Ano ang mangyayari kung hindi alam ng tagapangunang Kristiyano ang espirituwal na panganib na kinakaharap ng kanyang mga tao?
(4) Seryoso
Ang tagapangunang Kristiyano ay dapat seryoso sa kanyang ministeryo. Hindi siya dapat maging isang taong pabigla-bigla na gumagawa agad ng desisyon. Dapat siyang nakakapag-isip ng mahinahon patungkol sa mahahalagang usapin. Hindi niya dapat hayaan na maabala ng personal na bagay, paglilibang, o ng tukso ang kanyang isipan.
(5) May Mabuting Asal
Ang tagapangunang Kristiyano ay dapat nagtataglay ng maayos na ugali. Hindi siya dapat kumilos ng hindi nararapat. Dapat niyang matutunan na magpakita ng respeto at paggalang sa mga kaugalian sa lugar kung saan siya naglilingkod.
(6) Magiliw sa Pakikitungo
Ang isang tagapangunang Kristiyano ay dapat tumutugon sa pangangailangan ng iba. Dapat bukas palad siyang magbahagi. Dapat siyang maging palakaibigan at matulungin kahit sa mga taong noon pa lamang niya nakilala.
(7) May Kakayahang Magturo
Dapat maipaliwanag nang maayos ng tagapangunang Kristiyano ang katotohanan upang ito ay maintindihan ng mga tao. Responsibilidad niya na magbasa at matuto.
(8) Hindi Naglalasing
Hindi dapat hayaan ng tagapangunang Kristiyano na maimpluwensyahan siya ng alak. Hindi siya dapat kumilos katulad ng taong nasa impluwensya ng alak. Ang tuntuning ito ay maaaring gamitin sa kahit anong bagay na pareho ang epekto.
(9) Hindi Marahas
Hindi maaaring gamitin ng tagapangunang Kristiyano ang kanyang lakas upang magawa ang kanyang kailangang gawin. Hindi siya dapat handang saktan ang sino mang sumasalungat sa kanya. Tingnan din ang 2 Timoteo 2:24-25.
► Ano ang tamang paraan para sa tagapangunang Kristiyano na maipakita ang tamang uri ng galit?
(10) Hindi Sakim
[2]Binabago ng mga tao sa mundo ang kanilang sinasabi para sa kanilang mapapakinabang rito. Ang mga tao sa ilang larangan katulad ng abugado, tagapagbili, o pulitiko ay natutuksong baguhin ang katotohanan upang mabigyang kasiyahan ang mga tao. Ang tagapangunang Kristiyano din ay natutukso, dahil ang katotohanan ng Salita ng Diyos ay hindi kasiya-siya sa lahat ng tao. Dapat maging tapat sa katotohanan ang pastor, ito man ay makakabuti sa kaniyang pananalapi o hindi.
Dapat hangarin ng tagapangunang Kristiyano na makita ang ministeryo ng iglesya na may pinansiyal na suporta. Dapat niyang pamunuan ang iglesya na kumilos katulad ng isang pamilya na nagmamalasakit sa kasapi nito, sa halip na laging isipin kung ano ang maibibigay nila sa kanya.
(11) Maayos na Napamumunuan ang Kaniyang Tahanan
Ang kakayahan sa pamumuno ng tagapangunang Kristiyano ay dapat makikita sa tahanan. Dapat siyang magkaroon ng kontrol sa kanyang mga anak. Kung hindi niya kayang pamunuan ang sarili niyang tahanan, hindi niya makakayang pamunuan ang iglesya. Hindi kasama rito ang mga anak na may edad na at malayo sa kanyang pamumuno sapagkat wala siyang pananagutan sa kanila.
(12) Hindi Bagong Naligtas
Kung ang isang tao ay naitalaga agad sa posisyon ng pamumuno, maaari siyang maakit sa pagmamataas. Ang pagmamatas ay kasalanan na nagdulot ng kabiguan kay Satanas. Ang pagtataas sa katungkulan ay dapat dahan-dahan kasabay ng karanasan.
► Ano ang mangyayari kung ang isang tao ay naitalaga sa posisyon agad at hindi nakakilos ng nararapat?
(13) Nagtataglay ng Mabuting Reputasyon
Bago maitalaga ang isang lalaki bilang tagapangunang Kristiyano, marapat na siya ay may mabuting reputasyon sa mga tao sa labas ng iglesya. Dapat kilala nila siya bilang isang totoo at matapat sa lahat ng kanyang ginagawa. Kung siya ay mayroong hindi mabuting reputasyon bago maligtas, dapat siyang makalikha ng mas mabuting reputasyon bago siya maging tagapangunang Kristiyano.
► Dapat basahin ng mag-aaral ang Tito 1:5-11 para sa grupo.
Karamihan sa mga katangian ng pagiging tagapangunang Kristiyano na nakasulat sa Tito ay nakasulat rin sa pahayag sa 1 Timoteo.
► Ano ang karagdagang katangian ng tagapangunang Kristiyano ang nakasulat sa pahayag sa Tito?
Nakatuon ang pahayag sa kakayahan ng tagapangunang Kristiyano na tumugon sa maling doktina. Ang tagapangunang Kristiyano ay dapat na may kasanayan sa totoong doktrina at may kakayahan na maipaliwanag ito ng nakakahikayat. Ang layunin ay ang maitama ang mga naniniwala sa maling doktrina, ngunit mas mahalaga, na mapangalagaan ang kongregasyon na hindi maakay sa kamalian.
[1]“Ang pangangaral ng Ebanghelyo, kasama ang pag-aalaga ng tagapangunang Kristiyano na kabilang sa mga tungkulin ng ministeryo, ay naitatag sa kabanalan bilang daan upang maligtas ang mga makasalanan at ang espirituwal na pagpapatibay sa mga mananampalataya. Samakatuwid, tunay ngang makatwiran na ang Diyos ang dapat pumili ng sariling manggagawa, at espesyal na tawagin sila upang maglingkod sa kanya”
- John Miley, Christian Theology
[2]“Makapangyarihang Diyos, aming Ama sa langit, na nagbibigay sa iyo ng mabuting bagay upang magawa ang mga bagay na ito, nagbigay sa iyo ng kalakasan at kapangyarihan na magawa rin ito; na, tinutupad niya sa iyo ang mabuting gawa na kanyang sinimulan, makikita kang perpekto at hindi mapag-aalinlangan sa darating na araw, sa pamamagitan ni Hesu-Kristo ating Panginoon. Amen.”
- “The Consecrating of Bishops,” Book of Common Prayer
Ang Katangian ng mga Diyakono
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Mga Gawa 6:1-6 para sa grupo. Ano ang suliranin na inilalarawan sa pahayag na ito?
Ang mga unang diyakono ay naitalaga matapos ang Pentekostes. Ang mga apostol ay kailangang magbigay tuon sa pananalangin at pagbabahagi ng mabuting balita. Pitong lalaki ang naitalaga upang tumulong sa pamamahala sa iglesya. Ang isang diyakono ay tumutulong sa tagapangunang Kristiyano sa mga detalye ng ministeryo. Ang diakono ay maaaring isang mangangaral, ngunit ito ay hindi kinakailangan.
► Ano ang mga katangian ng mga naunang diyakono?
Ang mga katangian ng mga unang diyakono ay dapat nagtataglay sila ng mabuting reputasyon sa pagiging matapat at puspos ng Banal na Espiritu at kaalaman. Sila ay mamamahala sa salapi ng iglesya, kaya ang reputasyon sa pagiging tapat ay kinakailangan. Ang kanilang gawain ay mayroong espirituwal na epekto sa iglesya, kaya sila ay marapat na mapuspos ng Banal na Espiritu bilang gabay niya, may basbas, at kadalisayan. Sila ay haharap sa maraming mahirap na kalagayan, kaya ang kaalaman ay mahalaga.
Isinulat ni Apostol Pablo ang mga katangian ng isang diyakono.
► Dapat basahin ng mag-aaral ang 1 Timoteo 3:8-13 para sa grupo.
(1) Kagalang-galang
Ang isang diyakono ay isang taong iginagalang sa kaugnayan sa pamilya, mga kaibigan at komunidad.
(2) Matapat
Ang diakono ay isang taong mapagkakatiwalaan sa lahat ng kanyang sinasabi. Makakarinig siya ng pag-uusig sa mga tao sa iglesya at makakarinig ng maraming opinyon patungkol sa mga suliranin ng iglesya. Dapat siyang maging isang taong matapat.
(3) Hindi Naglalasing
Ang isang diyakono ay isang taong hindi naaapektuhan ng alak. Ang kanyang pagkilos ay dapat kagalang-galang at hindi nagbabago.
(4) Hindi Sakim
Ang diyakono ang responsable sa pamamahala sa salapi ng iglesya at mangangalaga sa pangangailangan ng mga tao sa iglesya. Hindi siya dapat maging isang taong nagnanais na makinabang para sa kanyang sarili mula sa ministeryo.
(5) Humahawak sa Mabuting Doktrina na may Mabuting Konsiyensya
Kung ang isang tao ay mahulog sa pagkakasala, madalas na nagsisimula siyang maniwala sa maling doktrina. Kung ang isang tao ay namumuhay sa espirituwal na tagumpay, siya ay malamang na humahawak sa totoong doktrina.
(6) May Kasanayan
Bago italaga ang isang tao bilang diyakono dapat siyang nagtataglay ng pagkakataong maipakita na siya ay matalino at mapagkakatiwalaan sa ministeryo. Ang mga matalinong tagapanguna ay magbibigay sa mga tao ng pagkakataon na makapaglingkod bago sila italaga sa posisyon ng tagapamahala.
► Ano ang halimbawa ng paraan upang ang isang tao ay makatulong sa ministeryo ng iglesya nang hindi itinatalaga sa isang posisyon ng tagapamahala?
(7) Mayroong Matapat na Asawang Babae
Ang ministeryo ng isang diyakono ay nadudungisan kung ang kanyang asawa ay nagkakalat ng maling balita at hindi magandang halimbawa ng isang Kristiyano.
(8) Maayos na Napamumunuan ang Kanyang Sambahayan
Katulad ng tagapangunang Kristiyano, dapat din mapangunahan ng maayos ng diyakono ang kanyang tahanan.
Ang Dapat Unahin ng Nakatalagang Grupo
Ang iglesya ay grupo ng mga mananampalataya na nagtalaga ng sarili sa Diyos at sa isa’t-isa, nagsasama-sama para sa pagtupad ng misyon ng lokal na iglesya. Ang pagkilos at mga kayamanan upang magampanan ang ministeryo ay nagmumula sa grupo. Kung wala ang grupo, wala ang iglesya.
Ang isang taong pumapasok sa lugar ng negosyo ay mahalaga sapagkat maaari siyang maging isang parokyano. Gayundin, ang bisita sa isang iglesya ay mahalaga sapagkat maaari siyang maging miyembro ng nakatalagang grupo. Ang pinakamahalagang tao sa isang negosyo ay ang regular na parokyano. Ang pinakamahalagang tao sa iglesya ay ang nagtatalaga ng sarili sa iglesya.
Sa gayon, ang posisyon ng manggagawa sa iglesya ay dapat magsilbi sa mga nakatalagang grupo. Ang bawat tagapangunang Kristiyano at guro ay dapat may layunin na makapaglingkod sa mga miyembro ng grupo at makahikayat ng maraming tao na sumali sa grupo. Ang grupo ay lumalaki sa bilang kung ang mga tao ay maliligtas at itatalaga ang sarili sa iglesya, o kung maisip ng mga naligtas na kailangan nilang mag-commit sa grupo. Dapat mapag-aralan ng mga manggagawa ng iglesya ang mga pangangailangan ng grupo at makapag-disipulo, espirituwal na direksyon, pagsasanay sa ministeryo, at mga anyo ng pagsasama. Dapat nilang magabayan ang grupo na sama-samang gumawa upang matugunan ang lahat ng pangangailangan ng mga nasa grupo.
Bilang isang pamilya sa pananampalataya, ang iglesya ay nagtatalaga ng human resources at nakakikita ng divine resources upang tugunan ang anumang mga pangangailangan ng mga kasama sa samahan, ipinapakita sa mundo ang karunungan ng Diyos sa lahat ng aspeto ng buhay at hinihikayat ang hindi pa mananampalataya upang sila ay maligtas at makabilang sa pamilya.
► Ano ang mangyayari kung uunahin ng mga tagapamuno ng iglesya ang pagbuo ng grupo ng mga mananampalataya na itinatalaga ang sarili sa isa’t isa?
Ang Espirituwal na Prayoridad ng Iglesya
Kahit ang pinansiyal na pangangailangan ng iglesya ay mahalaga (upang masuportahan ang tagapangunang Kristiyano, pangangalaga sa kongregasyon, at iba pang lokal na ministeryo), ang iglesya ay dapat na tumuon sa pangunahing espirituwal na prayoridad ng pag-eebanghelyo at pagdidisipulo. Ang pastor ang siyang magiging pangunahing espirituwal na tagapanguna. Ibig sabihin nito na ang tagapangunang Kristiyano ay hindi dapat mahirapan sa pagpapatakbo ng negosyo. Nararapat na magkaroon ang mga kasapi ng iglesya ng trabaho o negosyo na mapagkukunan ng kanilang ipagkakaloob. Para sa negosyo na pinangangasiwaan ng iglesya, ang mga pinagkakatiwalaang diyakono ang gagawa ng halos lahat ng responsibilidad. Ang mga naunang diyakono ay naitalaga upang ang mga apostol ay makatuon sa pananalangin at ministeryo ng Salita ng Diyos. (Mga Gawa 6:2-4).
Ang mga Katangian ng Tagapangunang Kristiyano na Namumuno nang Matiwasay
► Dapat pag-usapan ng klase ang kahalagahan ng bawat punto, magsimula sa tanong na, “Bakit mahalaga ang katangian?”
(1) Ang kanyang pagiging tapat ay hindi nahahati sa mga organisasyon.
(2) Maluwag sa puso niya na magtayo ng grupong magmiministeryo at gamitin ang kakayahan ng ibang tao.
(3) Pinangungunahan niya ang kongregasyon na nagbabahagi ng buhay bilang espirituwal na pamilya, iniisip ang lahat ng pangangailangan.
(4) Siya ay naglilingkod sa iglesya dahil sa kanyang pagmamahal sa Diyos at sa tao, sa halip na para sa personal na kapakinabangan niya dito.
(5) Ang espirituwal na prayoridad katulad ng pagsamba, pag-eebanghelyo, at espirituwal na paglago ang pinagtutuunan ng kanyang ministeryo.
(6) Mayroon siyang pananalig at matibay na paniniwala ng kanyang mga miyembro.
(7) Nakahanda siyang itatag ang iglesya bilang permanenteng institusyon na hindi niya pag-aari.
(8) Pinamumunuan niya ang iglesya sa paglago nito, itinuturo ang pagkakaloob ng ikapu at pagsasama-sama upang matugunan ang pangangailangan.
(9) Siya ay matapat sa lahat ng bagay, kasama na ang paggamit ng salapi.
(10) Naipapakita niya ang kakayahan sa maayos na pamamahala sa salapi at ng mga manggagawa.
Katangian ng Pinuno ng Proyektong Pang-Ministeryo
Ang taong pinili upang pamunuan ang isang proyekto na pinamamahalaan ng iglesya ay dapat nagtataglay ng mga katangiang ito. Ang tagapanguna ng iglesya ay dapat kumilos upang mabuo ang mga katangiang ito sa mga kasapi na maaaring makatulong sa mga responsibilidad ng iglesya at maisama sa samahan ng mga tagapamuno.
► Dapat pag-usapan ng klase ang kahalagahan ng bawat punto, mag-umpisa sa tanong na, “Bakit mahalaga ang katangiang ito?”
(1) Siya ay matapat sa isang lokal na iglesya, sa pagdalo, sa pagkakaloob, at pakikiisa at mayroon siyang mapagkakatiwalaang patotoo bilang Kristiyano.
(2) Siya ay nakapaglaan na ng kanyang pagkilos at pag-ibig sa lokal na iglesya.
(3) Siya ay lubos na matapat at mayroong mataas na antas ng wastong pag-uugali.
(4) Siya ay nagpapakita ng pagkukusa at dahilan upang gawin ang lubos ng kanyang kakayahan.
(5) Siya ay mayroong disiplina sa sarili, mayroong sariling pagkukusa, may sariling pagganyak, at patuloy na umuunlad.
(6) Ipinakikita niya ang kakayahan sa pag-oorganisa at pamumuno sa iba, hindi lamang ang kakayahang kumilos ayon sa pamumuno ng iba.
(7) Taglay niya ang kahusayan na kailangan upang magampanan ang kanyang tungkulin sa proyekto.
Pitong Pagbubuod na mga Pangungusap
(1) Ang personal na katangian ng isang tagapanguna ay mas mahalaga kaysa sa kanyang mga kakayahan.
(2) Ang isang tao ay dapat magpakita ng katangian ng isang Kristiyano sa ilang panahon bago siya maging isang tagapanguna.
(3) Ang taong may tungkulin sa iglesya ay dapat maging halimbawa ng katangian ng iglesya.
(4) Ang pangangasiwa sa pananalapi ay mahalaga sa isang iglesya upang matugunan ang pangangailangan ng tagapanguna ng iglesya, pangangalaga sa kongregasyon, at iba pang lokal na ministeryo.
(5) Ang iglesya ay dapat nakatuon sa pangunahing gawaing espirituwal ng pag-eebanghelyo at pagdidisipulo.
(6) Ang mga tagapanguna ng iglesya ay dapat nakatuon sa pagpapaunlad ng mga grupo ng mga tao na nakatalaga ang sarili sa iglesya.
(7) Ang iglesya ay dapat maitatag bilang permanenteng institusyon na pag-aari ng kongregasyon.
Leksiyon 13 Mga Takdang -aralin
(1) Bago magsimula ang sumunod na klase, ang mag-aaral ay dapat magsulat ng talata patungkol sa bawat isang “Pitong Pagbubuod na mga Pangungusap” (na may kabuuang pitong talata). Dapat maipaliwanag sa talata ang punto at kung bakit ito mahalaga. Dapat itong isulat ng mag-aaral kung paano niya ito ipapaliwanag sa sino mang hindi kasama sa klase. Ang isinulat ay dapat ibigay sa tagapanguna ng klase.
(2) Tandaan: ang mag-aaral ay dapat magplano upang makapagturo mula sa aralin sa mga taong hindi kasama sa klase, sa tatlong magkakaibang pagkakataon.
(3) Dapat pag-aralan ng bawat mag-aaral ang Ezekiel 34:1-10 at magsulat ng ilang talata na pagbubuod sa mensahe ng pahayag. Ang isinulat ay dapat ibigay sa tagapanguna ng klase.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.