Lesson 9: Koneksyon at Pakikipag-ugnayan/Pakikilahok
18 min read
by Stephen Gibson
Panimula
Naiintindihan ng mga coach ng mga koponan sa pampalakasan na ang talento ay hindi sapat. Ang mga miyembro ng koponan ay dapat may motibasyon upang gawin nila ang kanilang pinakamahusay na makakaya. Isang mahalagang bahagi ng trabaho ng isang coach ay upang kausapin ang koponan at bigyan sila ng motibasyon na gawin ang kanilang pinaka mahusay na makakaya. Ang karamihan ng mga manonood ay isinisigaw ang kanilang pagsuporta sa koponan dahil ang pagpapalakas ng loob ay nakakatulong sa mga manlalaro na gawin ang mas mahusay. Kung ang isang miyembro ng koponan ay natutunan lamang ang mga kasanayan at ginawa ang kanyang trabaho upang mabayaran, hindi iyon sapat upang makamit ang tagumpay.
Ang prinsipyong ito ay mailalapat hindi lamang sa pampalakasan, kundi sa bawat organisasyon din. Ang tagumpay ng isang organisasyon ay nakasalalay sa pangako ng mga taong nakikibahagi. Ang tunay na pangako ng pakikibahagi ay nangangahulugang ilalaan nila ang kanilang mga kakayahan at isipan upang maging matagumpay ang organisasyon.
Ang pangangako ng pakikibahagi na isinasagawa ay “pakikilahok.” Ang isang taong nakikilahok ay konektado, nakikibahagi, at may paninindigan sa pangako.
Nasa ibaba ang iba’t ibang maiikling kwento tungkol sa kung paano nagawa ng isang tao ang higit pa sa inaasahan sa kanya para sa organisasyon. Pagkatapos ng bawat kwento ay ang katanungang “Bakit?” Dapat talakayin ng grupo ang mga posibleng kadahilanan kung bakit ginawa ng tao sa kwento ang kanyang mga ginawa.
Si George ay nagtratrabaho para sa isang negosyong nagbebenta ng tabla mula sa isang malaking bakuran. Ang kanyang trabaho ay ang pagtulong sa mga mamimili na isakay ang mga tabla sa kanilang mga trak. Napansin niyang nahulog ang magkakapatong na tabla sa bakuran. Matapos matulungan ang isang mamimili, pinuntahan niya at isinalansan ng maayos ang mga tabla, kahit na hindi sinabi sa kanya ng kanyang amo na gawin ito. Bakit iyon ginawa ni George?
Si Michael ay naglalaro ng basketball para sa isang propesyonal na koponan. Sa isang laro ay nagsimula siyang mag-shot sa basket ngunit wala sa magandang posisyon. Mabilis niyang ihinahagis ang bola sa isa pang manlalaro na nasa mas magandang posisyon upang makapuntos. Bakit hindi sinubukan ni Michael na siya ang pumuntos?
Si Pyotr ay nagtatrabaho sa isang gasolinahan, siya ay naglalagay ng gasolina sa mga sasakyan ng mga customer. Kapag maraming mga customer, literal na tumatakbo si Pyotr sa susunod na customer upang malagyan niya ito agad. Bakit tumatakbo si Pyotr?
Isang Araw ng Linggo, napansin ni Harold na nasira ng isang nabuwal na puno ang bubungan ng simbahan. Kinabukasan, bumili si Harold ng mga materyales at dinala niya ang kanyang mga kagamitan upang ayusin ang bubong. Hindi pagmamay-ari ni Harold ang simbahan at hindi siya binayaran upang gawin iyon. Bakit inayos ni Harold ang bubong?
Si Elaine ay nagtatrabaho sa isang grocery store bilang isang kahera. Isang hapon habang siya ay nagpapahinga, nakita niya na may mantika na natapon sa sahig. Sa halip na magpahinga, nilinis niya ang natapong mantika. Bakit binalewala ni Elaine ang kanyang oras ng pagpapahinga para linisin ang tumapong mantika?
Si Carl ay isang diakono sa iglesia at isang guro sa Sunday school. Isang Linggo nang umaga ay maaga siyang dumating sa simbahan at nalaman na ang banyo ay hindi malinis. Nilinis niya ang banyo bago dumating ang natitirang kongregasyon. Bakit nilinis ni Carl ang banyo?
Kung tanging ang nagmamay-ari ng negosyo ang nagmamalasakit para sa tagumpay nito, hindi magiging maayos ang takbo ng negosyo. Kung tanging ang pastor lamang ng iglesia ang nagnanais na magtagumpay ito, ang iglesia ay mabibigo. Kung tanging ang coach lamang ang nagnanais na manalo ang koponan, matatalo ang koponan.
Pag-unawa sa Pakikilahok
Sa pakikilahok ng isang tao ito ay nangangahulugang gagawin niya ang kanyang makakaya, hindi lamang kung ano ang kinakailangan. Gagamitin niya ang kanyang mga kakayahan at kanyang mga ideya para sa organisasyon. Hindi siya nalilimitahan ng isang naka-iskedyul na dami ng oras at isang tukoy na gawain. Hindi lamang ang kanyang mga kamay, ngunit pati ang kanyang ulo at puso ay kabilang dito.
► Ano sa palagay mo ang kahulugan ng mga sumusunod na sipi?
Kapag ang Puso, Ulo, Kamay, at Mga Gawi ay magkakatugma, pambihirang antas ng katapatan, pagtitiwala, at pagiging mabunga ang magiging resulta.[1]
Kung minsan ay ipinapalagay ng mga pinuno na ang mga tao ay kumikilos ng mabuti dahil sila ay nasa ilalim ng awtoridad o dahil sila ay binabayaran. Ang katotohanan, kumikilos ng mahusay ang mga tao kapag nararamdaman nila ang isang personal na pangako/katapatan sa isang organisasyon.
Ang isang organisasyon na nakasalalay sa mga boluntaryo ay maaaring makagagawa ng maliliit na bagay lamang kung wala ang mga taong nakikibahagi. Ang mga tao ay hindi mangangako na maglalaan ng kanilang oras at lakas maliban nakikibahagi rin sila sa mga layunin ng organisasyon.
Ang mga tao sa isang organisasyon ay hindi parepareho ang antas ng pakikilahok. Maaaring nasa iba’t-ibang antas sila.
Pinahahalagahan ng pinuno ang mga taong lubos na nakikilahok at umaasa sa kanila. Maaaring hindi nauunawaan ng pinuno kung bakit ang ilang mga tao ay hindi nakikilahok, sa halip ang kanyang trabaho ay upang pataasin ang kanilang antas ng pakikilahok.
Dapat maglaan ang isang pinuno ng mahabang oras sa pagpapataas ng pakikilahok ng kanyang mga pinamumunuan. Iyon ay isa sa mga pinakamahalagang tabaho ng pinuno, at walang ibang makakagawa nito na mas mahusay kaysa sa kanya. Maaaring pinatataas ng pinuno ang pakikilahok ng kanyang pinamumunuan o kaya naman ay nahahadlangan niya ito.
Ang mga iglesia ay may mga miyembro na may pera ngunit hindi nagbibigay. Ang mga organisasyon ay may mga taong may oras, ngunit hindi sila naglalaan ng oras para sa organisasyon.
Ang mga negosyo ay may mga empleyado na may ideya na hindi nila ibinabahagi.
Kung minsan ang mga pastor ay naghahanap ng tao sa labas ng iglesia upang makatulong o para sa suportang pinansyal. Gayunman, mayroon silang mga miyembro sa iglesia na kayang makatulong ngunit hindi tumutulong, at may mga miyembro sa iglesia na kayang magbigay ngunit hindi nagbibigay. Ang problema ay ang kakulangan ng pakikilahok. Hindi nararamdaman ng mga tao sa iglesia na ang iglesia ay kanila.
Ang pakikilahok ay isang pagpapakita ng koneksyon: ang mga tao ay hindi makikilahok maliban kung nararamdaman nila na sila ay konektado/ kinikilala na kabilang sa organisasyon at pinuno nito.
Isaalang-alang ang halimbawa ng isang pamilya. Ang mga miyembro ng isang pamilya ay tumutulong sa bawat isa sa maraming paraan nang hindi umaasa ng mga tiyak na gantimpala para sa mga bagay na kanilang ginagawa. Bakit nila iyon ginagawa? Dahil sila ay bahagi ng pamilya; sila ay konektado.
Kung ang mga miyembro ng organisasyon ay hindi hindi nagbibigay at hindi ginagawa ang kanilang makakaya, hindi nila nararamdamang sila ay konektado. Kung nararamdaman ng isang tao na siya ay konektado, ang mga layunin ng organisasyon ay aakuin rin niyang sa kanya, at ang pangangailangan ng organisasyon ay aakunin rin niyang sa kanya, at ang tagumpay ng organisasyon ay kanya ding tagumpay.
Kung minsan hindi nakikita ng pinuno ang mga kakulangan sa pakikilahok. Iniisip nila na ang kanilang mga miyembro ay nangangailangan ng pagsasanay, ngunit ang pagsasanay ay hindi ang solusyon para sa isang taong hindi ginagawa ang kanyang mga makakaya. Ang problema ay hindi siya konektado.
[1]Ken Blanchard and Phil Hodges, The Servant Leader (Nashville, TN: Thomas Nelson, 2003), 15
Mga Palatandaan ng Kakulangan ng Koneksyon sa Organisasyon
[1]Nahihirapan ang namumuno sa pagkalap ng mga miyembro para sa mga responsibilidad.
Ang pakiramdam ng mga miyembro ay hindi sila kasali sa mga desisyon.
Madaling umaalis ang mga miyembro kapag may mga problema.
Sinasabi ng mga miyembro ang kanilang pagpuna sa kanilang sariling organisasyon maging sa mga hindi kasama sa organisasyon.
Ang mga miyembro ay hindi nag-aalala tungkol sa tagumpay ng samahan.
Ibinubukod ng mga miyembro ang kanilang sarili mula sa organisasyon.
Ang isang miyembro na hindi nakararamdam ng kanyang pagiging konektado sa organisayon ay nagsasalita tungkol sa organisasyon na para bang ito ay isang samahan na nakabukod sa kanyang mga miyembro. Nagsasalita siya tungkol sa kung ano ang dapat gawin ng samahan. Gumagamit siya ng terminong sila sa halip na ang terminong tayo/kami.
Ang mga pinuno sa isang organisasyon na hindi gaanong nakaugnay ay naglalagay ng distansya sa pagitan ng kanilang sarili at ng mga miyembro ng organisasyon. Mahirap silang maabot ng mga tao kahit na para sa komunikasyon. Pinapananatiling misteryo ng mga pinuno ang kanilang mga gawain kaya hindi ito naiintindihan ng mga tao.
Hindi nila nais makarinig ng mga mungkahi o mga reklamo.
Kapag ang isang organisasyon ay katulad nito, ang kalooban ng pinuno ang tanging kinikilala na katotohanan; lahat ng iba pang mga katotohanan ay hindi pinapansin habang ang mga tao ay nagpapatuloy sa ilalim ng tagapamuno sa pamamagitan ng pagtatago ng kanilang mga pagkakamali. Ang mga tao ay takot sa impormasyon at katotohanan kapag hindi nila nararamdaman na konektado sila sa namumuno.
Ang mga maliliit na tribo at pangkat ay maaaring mabuo sa isang samahan na hindi konektado. Ang mga pangkat ay nabubuo sa pamamagitan ng mga taong pinoprotektahan ang bawat isa mula sa mga pagbabago at mula sa pamumuno. Kapag ang mga tao ay nakakaramdam ng panganib sa loob ng samahan, itinutuon nila ang kanilang sarili sa kanilang mga personal na problema sa halip na sa mga hamon ng organisasyon. Kapag nakikipag harap sa mga katunggali, hindi sila makapagtuon ng pansin sa mga positibong tagumpay.
Kung minsan ipinapakita ng mga pagpupulong sa organisasyon na ang mga miyembro ay hindi konektado. Ang mga tao ay lumalayo sa mga pagpupulong kung
Iniisip nila na ang pagpupulong ay hindi mahalaga para sa mga gawain.
Hindi nila iniisip na ang kanilang sariling pakikilahok ay magdudulot ng pagkakaiba.
Hindi sila nakikibahagi sa mga layunin ng mga pinuno at ayaw nilang maging kabahagi nito.
Ang ilang mga organisasyon ay nawawalan ng mga kabataang maaaring maging pinuno sapagkat nakikita nila na hindi sila maaaring maging bahagi ng itinatag na administrasyon. Pinapananatili ng mga pinuno ang kanilang mga posisyon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga koneksyon sa mga maimpluwensyang tao at hindi nagbibigay ng mga pagkakataon sa mga taong hindi konektado. Ang mga mas nakakabatang pinuno na may abilidad ay posibleng lumipat sa ibang organisasyon na nagbibigay sa kanila ng mga pagkakataong mamuno.
Posibleng gayahin ng ibang simbahan ang iyong pamamaraan at programa, ngunit ang mga tao ay karaniwang hindi umaalis sa isang organisasyon kung ang pakiramdam nila ay konektado sila.
Nangangahulugan iyon na ang iyong tunay na pangkumpitensya ay ang iyong relasyon sa iyong mga pinamumunuan. Ang isang bagay na hindi maaagaw sa iyo ng iyong kakumpitensya ay ang relasyon na mayroon ka sa iyong mga pinamumunuan[2]
“Ang espiritu ng pagkainggit ay nakakasira; at ito ay hindi kailanman nakapagtatayo.”
- Margaret Thatcher
[2]Ken Blanchard, Thad Lacinak, and Chuck Tompkins, Whale Done: The Power of Positive Relationships (New York: Free Press, 2002), 58
Mga halimbawa mula sa Banal na Kasulatan
Nang maging hari ang batang si Rehoboam, pinayuhan siya ng mga matandang lalaki na paglingkuran ang mga tao. “Kung paglilingkuran mo sila, sila ay maglilingkod sa iyo” (Hari 12:7). Sinabi nila na dapat siyang kumonekta sa mga tao sa pamamagitan ng pagpapakita na siya ay nagmamalasakit sa kanilang mga pangangailangan. Pagkatapos, makikita ng mga tao na ang kaharian ay para sa kanila, at sila ay magiging matapat dito. Makikibahagi sila sa mga layunin, mga problema, mga pangangailangan, at mga gawain para sa kaharian.
Naisip ni Rehoboam na sapat na ang kanyang posisyon. Naisip niya na ang kanyang awtoridad ay nangangahulugang hindi na niya kailangang pagsikapan ang pakikipag-ugnayan. Sinabi niya na mahigpit siyang mamumuno ng walang pag-aalala para sa mga tao.
Karamihan sa mga tao ay humiwalay kay Rehoboam. Sinabi nila, “Wala kaming anumang mapapala sa haring ito; aalagaan na lang namin ang aming mga sarili at iiwanan namin siya mag-isa” (1 Hari 12:16). Ang mga taong hindi nararamdaman na sila ay konektado sa isang organisasyon ay nag-aalala tungkol sa kanilang sariling mga pangangailangan at hindi para sa mga layunin ng organisasyon. Kahit na hindi sila umalis, sila ay kikilos lamang para sa kanilang mga sariling layunin.
Ang tugon ni Rehoboam ay subukang gumamit ng awtoridad. Hindi niya sinubukan na maunawaan ang mga pangangailangan ng kanyang pinamumunuan. Nagpadala siya ng isang maniningil ng buwis, ngunit hindi iyon gumana. Nagplano siyang ipadala ang hukbo, ngunit pinigilan siya ng Dios. Ang kaharian ay hindi na muling nagkaisa.
Si Jeroboam ay isang rebelde na sinubukang himukin ang mga tao na magrebelde kay Solomon. Hindi siya nagtagumpay at nagtungo pa siya sa Ehipto upang maiwasang mapatay. Matapos mamatay ni Solomon, bumalik si Jeroboam sa Israel upang makita kung may pagkakataon na makuha niya ang kapangyarihan. Pinamunuan niya ang isang pangkat ng mga kinatawan mula sa mga tribo upang makipag-usap sa bagong hari, na si Rehoboam.
Sa kahangalan ni Rehoboam ay sinabi niya sa mga tao na tatratuhin niya sila ng malupit, sa pag-aakalang wala silang pagpipilian kundi ang sumunod sa kanya (1 Hari 12:13-14). Nagalit ang mga tao, at nagawang paghiwa-hiwalayin ni Jeroboam ang sampung tribo. Pinamunuan ni Jeroboam ang mga tao sa pagsamba sa dios-diosan upang hindi na sila bumalik sa Jerusalem upang sumamba (1 Hari 12:26-28).
Sa sitwasyong ito, sino ang mabuting pinuno, at sino ang masama? Pareho silang masama. Ang kahangalan ni Rehoboam ay nagbigay ng pagkakataon sa isang mapanlinlang na pinuno na may masamang pag-uugali.
Handang gawin ni Jeroboam ang anumang bagay upang makuha ang kapangyarihan para sa kanyang sariling kagustuhan, kabilang dito ang pag-impluwensya sa mga tao na lumayo sa pagsamba sa Dios. Maraming mga pinuno sa ministeryo ang gumagamit pa rin ng kawalang kasiyahan ng mga tao upang makabuo ng kanilang sariling impuwensya, madalas silang gumagamit ng pagiging hindi tapat, hinihimok ang tsismis at kawalan ng katapatan, at pagtuturo ng maling doktrina.
Paano Bumuo ng Koneksyon
Ang koneksyon ay nagagawa sa mga indibidwal nang mas mahusay kaysa sa maraming tao o sa pamamagitan ng mga programa. Ang isang piununo na nais na buuin ang kanyang personal na koneksyon sa kanyang mga pinamumunuan ay dapat na magsimula sa simpleng mga prinsipyo ng pagkamagiliw. Dapat niyang purihin ang kanilang mga katangian. Dapat siyang gumawa ng pag-uusap tungkol sa mga bagay na hindi nauugnay sa trabaho. Dapat siyang magpakita ng interes sa kanilang mga pamilya at personal na sitwasyon. Dapat niya silang tratuhin nang may paggalang at ipakita na pinahahalagahan niya sila.
Huwag kailanman magsulat ng anuman sa sinuman, kahit na sa isang personal na liham, kung ayaw mo itong mailathala o mabanggit. Hindi mo alam kung sino ang maaaring makakita nito. Tandaan na kapag nakikipag-usap sa mga tao, ang iyong mga salita ay maaaring mabanggit sa iba. Huwag magsabi ng mga bagay na mahihiya kang ipaliwanag sa ibang tao kapag ito ay nalaman nila.
Nais ng ilang mga pinuno na mapahanga ang kanilang mga pinamumunuan upang naisin ng mga tao na sundan sila. Ngunit, para sa pagbuo ng mga koneksyon, mas mahalaga na mapahanga ka ng iyong mga pinamumunuan, kaysa sa mapahanga mo sila. Mayroong isang matandang kasabihan:“Wala silang pakialam kung gaano kalaki ang iyong nalalaman hangga’t hindi nila nalalaman kung gaano ka nagmamalasakit sa kanila.”
Maraming mga pinuno ang mahina sa kanilang mga kasanayan sa pakikinig dahil sa palagay nila ay naiintindihan na nila ang sitwasyon, at alam kung ano ang kailangang gawin, at handa na kumbinsihin ang iba. Ang mga tao ay hindi nakikilahok kung ang kanilang mga opinyon ay hindi pinahahalagahan. Sa pagkukulang na pakinggan at pahalagahan ang mga tulong ng iba, binabalewala ng pinuno ang kanyang mga pinamumunuan kaya hindi nila ibinibigay ang kanilang lubos na makakaya.
Kung minsan ang mga tao sa isang organisasyon ay may malakas na damdamin. Nagsasalita sila na may galit o pagkadismaya. Ang isang pinuno ay maaaring magkamali na bigyan sila ng mga direksyon habang nadarama lamang nila ang pangangailangan na ipahayag ang kanilang damdamin.
Ipinaliwanag ni Stephen M. R. Covey:
Sa pangkalahatan, hangga’t ang isang tao ay nakikipag-usap na may mataas na emosyon, hindi pa niya nararamdaman na naiintindihan siya.
Karaniwang hindi hihingin ng isang tao ang iyong payo hagga’t hindi niya nararamdaman na naiintindihan mo siya. Upang mag-alok ng payo nang maaga ay kadalasang nagpapalala lang ng higit na emosyon – o nagdudulot sa isang tao na balewalain ang iyong sinabi sa kanya.”[1]
Sa susunod na ikaw ay malagay sa sitwasyong iyon, subukan mo ito: sa halip na subukang baguhin ang isip ng taong emosyonal, makinig. Ipakita na nauunawaan mo siya sa pamamagitan ng pagsang-ayon sa kanyang damdamin (“Nadidismaya ka dahil . . .”) kahit na hindi ka sumasang-ayon sa kanilang mga opinyon. Makikita mo silang magsisimulang huminahon at, kalaunan, magsisimulang makinig sa iyo dahil sa palagay nila ay naiintindihan mo sila. Hanggang hindi nila iniisip na naiintindihan mo sila, hindi nila iniisip na mahalaga ang iyong opinyon.
Manguna sa pamamagitan ng pagtatanong–hindi upang manipulahin, kundi upang maunawaan at pasiglahin ang pag-iisip. Kung ang mga taong makakatulong ay hindi tumutulong, ang mga katanungan ang tutulong sa kanila na makilahok. Kung nakikibahagi sila sa iyong mga pinahahalagahan, maaari mo silang mahikayat na matulungan kang magawa ang mga layunin. Itanong:
“Sa palagay mo, ano ang maaari nating gawin ng mas mahusay?”
“Ano sa palagay mo ang dapat nating subukang gawin?”
“Paano tayo makakagawa ng mas mahusay na trabaho sa ______?”
Habang tinutulungan ka nila sa mga ideya, gugustuhin din nilang tumulong sa gawain. Hindi nais ng mga tao na tumulong kung ang kanilang mga ideya ay hindi pinahahalagahan.
Kung sa palagay mo ay mabuti ang ideya ng isang tao, iisipin niyang ikaw ay matalino. Ang pinuno ay dapat magkaroon ng isang paraan ng pagtanggap ng mga reklamo at negatibong impormasyon.
Ang mga tao ay hindi nakikipag-usap maliban kung sa palagay nila ay ligtas ito. Kung sa palagay nila ay mapaparusahan sila dahil sa hindi nila pagsang-ayon, hindi nila ibibigay ang kanilang mga opinyon.
Ang pakikipag-ugnayan ay natutulungan sa kaugalian ng pagkakaroon ng “mga pag-uusap bago ang pagpupulong.” Bago ka magkaroon ng pagpupulong kasama ng lahat upang magmungkahi ng pagbabago, kausapin mo ang mga indibidwal at maliliit na pangkat upang makuha ang kanilang mga opinyon at ipaliwanag ang iyong plano.Tanungin mo sila kung ano ang kanilang iniisip, at makinig ng mabuti. Sagutin ang kanilang mga pagtutol upang ang mga pagtutol ay hindi lumabas sa pangunahing pagpupulong. Ang mga tao sa pangunahing pagpupulong ay hindi dapat magtaka sa mga desisyon ng mga pinuno. Dapat nilang malaman kung ano ang kanilang aasahan.
Hindi dapat gulatin ng mga pinuno ang mga tao sa kanilang mga desisyon. Kung ang mga miyembro ng organisasyon ay madalas na nabibigla sa ginagawa ng kanilang mga pinuno, hindi naipapaliwanag ng maayos ng pinuno ang kanilang mga pamantayan at kung paano nila nais suportahan ng mga miyembro ang kanilang mga hangarin. Ang pagtitiwala sa organisasyon ay mas tumitibay kung nararamdaman ng mga tao na ang mga desisyon ay hindi bigla-biglang magagawa ng hindi nila nauunawaan. Makikibahagi sila sa mga layuning iyon kung natalakay at naimpluwensyahan sila nito bago ito isakatuparan.
Dapat bigyan ng pinuno ang mga tao ng pamamaraan na magkaroon ng parehong impormasyon na nag-uudyok sa kanya. Hindi sila makikibahagi sa layuning iyon maliban kung nauudyukan din sila ng parehong impormasyon.
[1]Stephen Covey, The Speed of Trust: The One Thing that Changes Everything (New York: Free Press, 2006), 213
Paglilingkod sa mga Customer
► Mayroon bang mga customer ang isang simbahan? Ang konsepto ba ng paglilingkod sa mga customer ay nailalapat sa ministeryo?
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Pedro 5:2-4 para sa pangkat.
Binigyan ng Dios ang mga pastor ng tungkulin na paglingkuran ang mga miyembro ng iglesia. Dapat nating makita ang kanilang mga pangangailangan at pangalagaan sila tulad ng pag-aalaga ng isang pastol sa kanyang mga tupa.
Bilang mga namumuno sa iglesia, dapat nating pag-aralan ang mga prinsipyo ng paglilingkod sa mga customer, hindi mula sa prayoridad ng tagumpay sa isang negosyo, ngunit mula sa prayoridad na matugunan ang mga pangangailangan ng mga tao. Ang ating prayoridad ay tuparin ang gawaing ibinigay sa atin ng Dios.
Ang bawat organisasyon–ito man ay negosyo, ministeryo o iba pang uri ay umiiral upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga tao. Samakatuwid, ang bawat samahan ay nangangailangan ng isang malinaw na layuning maglingkod. Ang ilang mga prinsipyo ay gumagana sa parehong paraan para sa alinman sa isang negosyo o isang ministeryo.
Ang layuning maglingkod at pamantayan ay dapat na malinaw upang ang bawat isa sa organisasyon ay nakatuon sa kung ano ang mahalaga at malaman kung ano ang inaasahan na pag-uugali.
“Nauunawaan ng mga mahuhusay na kumpanya na ang kanilang pinakamahalagang mga customer ay ang kanilang mga sariling tauhan --mga empleyado at mga tagapamahala. Kung ang mga pinuno ay nangangalaga sa kanilang mga empleyado at hinihikayat silang gamitin ang kanilang talino sa trabaho, isasaisantabi ng mga empleyado ang kanilang sariling pamamaraan upang alagaan ang mga customer.” “Ang katapatan ng mga customer ang iyong makukuha kapag lumikha ka ng isang nakakahikayat na kapaligiran para sa iyong mga empleyad.”[1]
Maraming tao ang tumatanggap sa mababang kalidad ng serbisyo nang hindi nagrereklamo dahil hindi nila inaasahan na ito ay magiging mas mahusay. Hindi ito nangangahulugan na nasiyahan sila. Kung ang isang mas mahusay na pagpipilian ay darating, mabilis silang lilipat duon. Kaya hindi maaaring ipagpalagay ng isang pinuno na ang lahat ay ayos lang dahil hindi nagrereklamo ang mga tao.
Kung ang mga tao ay umaalis sa isang simbahan o iba pang samahan dahil sa mga di malamang kadahilanan o kahit na walang dahilan, mayroong kakulangan ng kasiyahan. Hindi dapat hintayin ng mga pinuno na makarinig ng mga reklamo.
Ang tuloy-tuloy na kahusayan ay nangangailangan ng isang programa sa pagsasanay at patuloy na pagpapabuti. Mahalaga na tuloy-tuloy ito sapagkat kung lumikha ka ng mas mataas na aasahan sa iyo ngunit nabigo ka na tuparin ang mga inaasahang iyon, mabibigo ang mga tao.
Nagsisimula ang serbisyo sa ordinaryong pagkamagiliw. Upang maging palakaibigan sa isang tao ay nangangahulugang pakikitunguhan siya bilang isang tao, hindi lamang bilang isang nakatagpo sa negosyo. Kapag nakikipag-usap ka sa kanila tungkol sa isang bagay na hindi nauugnay sa transaksyon, mararamdaman nila na nakikipag-ugnayan sila sa iyo sa isang palakaibigang paraan.
Higit pa sa pagiging palakaibigan, bigyang pansin ang mga pangangailangan ng mga tao. Subukang makita ang isang pangangailangan at tulungan sila sa isang natatanging paraan na lampas sa mga karaniwang gawain o paglilingkod.
Malinaw na hindi maibibigay ng isang organisasyon ang lahat ng para sa lahat ng tao, ngunit dapat nitong matugunan ang ilang mga pangangailangan sa isang pambihirang paraan.
Isaalang-alang:
Anong uri ng mga tao ang nais mong akitin?
Ano ang nais mong magawa?
Ano ang mga pangangailangan na dapat mong matugunan?
Dapat isipin ng isang pinuno kung ano ang perpektong paglilingkod, pagkatapos ay paunlarin at iwasto ang kanyang pang-unawa sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga taong pinaglilingkuran niya.
► Isaalang-alang ang iyong organisasyon. Anong uri ng mga tao ang nais mong akitin? Kaninong mga pangangailangan ang dapat mong matugunan?
► Pag-isipan ang uri ng mga tao na pinaglilingkuran ng iyong samahan. Ano ang hinahanap nila pagdating sa iyo? Ano ang maiaalok mo ng higit sa kanilang inaasahan?
Pahintulutan ang ilang mga mag-aaral na ibahagi kung paano nila inaasahan na baguhin ng leksiyong ito ang kanilang mga layunin o aksyon.
[1]Ken Blanchard, Kathy Cuff, and Vicki Halsey, Legendary Service: The Key is to Care (New York: McGraw-Hill, 2014), 5
Limang Buod na Pahayag
Ang mga tao ay kumikilos ng pinakamahusay kapag nararamdaman nila ang isang personal na pangako sa organisasyon.
Ang isang pinuno ay dapat maglaan ng oras sa pagpapataas ng pakikilahok ng kanyang mga pinamumunuan.
Kung ang mga miyembro ng isang organisasyon ay hindi nagbibigay at hindi ginagawa ang kanilang makakaya, hindi nila nararamdamang konektado sila.
Ang pinuno ay dapat magkaroon ng isang paraan ng pagtanggap sa mga reklamo at negatibong impormasyon.
Hindi dapat ginugulat ng mga pinuno ang mga tao sa kanilang mga desisyon.
Mga Takdang Aralin
(1) Sumulat ng isang talata na nagbubuod ng isang konsepto na nakakapagpabago ng buhay mula sa leksiyon. Ipaliwanag kung bakit ito mahalaga. Ano ang kabutihang magagawa nito? Anong pinsala ang maidudulot nito kapag hindi ito nalaman?
(2) Ipaliwanag kung paano mo mailalapat ang mga alituntunin ng araling ito sa iyong sariling buhay. Paano binabago ng leksiyong ito ang iyong mga layunin? Paano mo planong baguhin ang iyong mga aksyon?
(3) Isaulo ang Limang Buod na Pahayag para sa Leksiyon 9. Maging handa na isulat ang mga ito mula sa memorya sa simula ng susunod na sesyon ng klase.
(4) Bago ang susunod na sesyon ng klase, basahin ang 1 Corinto 12.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.