Hilingin sa grupo na talakayin ang pahayag sa ibaba. Ano ang kahulugan nito? Bakit ito mahalaga?
Walang anumang makabuluhan ang natutupad ng isang taong kumikilos nang mag-isa.
► Ano ang isang koponan?
Ang koponan ay hindi lamang isang pangkat ng mga tagasunod. Ang isang koponan ay isang pangkat na pinag-isa ng isang malaking layunin, magkakatulad na pinahahalagahan, kooperasyon, at tinanggap na pamumuno.
Magsimulang isipin kung sino ang iyong koponan. Ang koponan ay hindi ang buong iglesia. Ang koponan ay hindi lamang mga tao sa mga opisyal na posisyon.
Ang mga koponan ay may higit na mga mapagkukunan, ideya, at lakas kaysa sa isang indibidwal. Pinapalawig ng koponan ang lakas ng isang tao at pinoprotektahan ang kanyang mga kahinaan. Dapat tiyakin ng pinuno na ang mga tao ay may tamang mga responsibilidad at posisyon upang lubos na maging epektibo ang kanilang kalakasan at mapaliit ang kanilang mga kahinaan.
[1]Ang mga koponan ay nagbibigay ng iba’t-ibang pananaw kung paano tutugon sa isang sitwasyon. Si Woodrow Wilson, dating pangulo ng Estados Unidos ay nagsabi ng ganito: “Hindi lamang natin dapat gamitin ang lahat ng utak na mayroon tayo, kundi ang lahat ng maaari nating hiramin.”
Kung ang iyong mga layunin ay makakamit nang sa pamamagitan mo lamang, ang iyong mga layunin ay maliit. Ang malalaking layunin ay nangangailangan ng isang mahusay na koponan na may mahusay na pinuno. Kapag mas malaki ang layunin, mas mahusay dapat ang koponan.
Isinalarawan ni John Maxwell ang pangangailangan ng isang malakas na koponan sa pag-akyat sa bundok. Tinawag niya itong prinsipyo ng Mt. Everest.[2] Habang lumalaki ang hamon, nagiging mas malaki ang pangangailangan para sa pagtutulungan.
Upang makamit ang isang malaking pangitain, dapat ay mayroon kang isang mahusay na koponan.
Ang isang “pangitain na koponan” ay malikhain, nagkakaisa, kayang umangkop sa pangangailangan ng sitwasyon, may motibasyon, nagkakatugma-tugma, determinado, at may karanasan.
Ang koponan ay dapat na naaangkop sa pangitain. Hindi makatotohanang sabihin na maaaring makamit ng isang koponan ang isang malaking bagay kung hindi ito isang mahusay na koponan. Dapat mong paunlarin ang koponan at bumuo ng isang naaangkop na pangitain upang abutin. Dapat mong pagsikapan ang pagpapahusay ng koponan bago bumuo ng pangitain.
“Walang sinumang tao ang magiging isang dakilang tagapanguna kung nais niyang gawin ang lahat ng bagay nang nag-iisa o tanggapin ang lahat ng kredito sa paggawa niyon.”
- Andrew Carnegie
[2]Ang iba pang alituntunin mula kay John Maxwell sa leksiyong ito ay kinabibilangan ng “weakest link,” “spoiled fruit,” at “the bench,” bagama’t ang mga ginamit na salita at mga paliwanag ng mga alituntunin ay hindi katulad ng sa orihinal.
Mga Aspeto ng Isang Malakas na Koponan
Ang isang koponan ay hindi tunay na malakas dahil lamang sa mayroon itong malalakas na indibidwal. Hindi nagiging mahusay ang isang koponan dahil lamang sa indibidwal na talento. Kailangang nakikipagtulungan ang mga miyembro. Ang isang koponan ay isang pangkat na pinag-isa ng isang malaking layunin, karaniwang pamantayang pinahahalagahan, kooperasyon, at tinanggap na pamumuno.
Kung ang mga miyembro ay may kani-kanilang mga layunin na makakagambala sa layunin ng koponan, ang koponan ay hindi magiging malakas.
Kung ang mga miyembro ay nagtataglay ng magkakaibang pamantayan, ang koponan ay hindi maaaring maging malakas sa pangmatagalan.
Kung ang mga miyembro ng koponan ay hindi nakikipagtulungan upang matulungan ang mga kahinaan ng ibang indibidwal, ang koponan ay hindi malakas.
Kung ang mga miyembro ay nagkakasalungat dahil hindi sila sumusunod sa parehong awtoridad, ang koponan ay hindi malakas.
Ang ilang mga istilo ng pamumuno ay hindi makakabuo ng isang koponan. Kung nais lamang ng isang pinuno na matulungan siya sa kanyang mga layunin, kumikilos ng mahusay nang mag-isa na ang mga pagsisikap ng ibang tao ay tila hindi na kinakailangan, o palaging gumagawa ng mga desisyon upang ang talakayan ay hindi na kailanganin, hindi siya makakabuo ng isang koponan.
Ginamit ni Apostol Pablo ang ilustrasyon ng pisikal na katawan upang isalarawan ang pagkakaisa ng iglesia sa 1 Corinto 12. Ang sariling interes ay isang problema kapag hindi ipinasasakop ng mga miyembro ang kanilang sariling mga interes sa mga layunin ng koponan. Ang pansariling interes ay nagdudulot ng inggit at paghabol sa posisyon para sa mga maling kadahilanan. Ang pansariling interes ay nagdudulot ng hindi malusog na tunggalian sa pagitan ng mga miyembro nito.
Ang isa pang problema ay kapag naramdaman ng mga miyembro na makakamit nila ang kanilang sariling mga layunin nang nag-iisa at walang tulong mula sa iba. Mayroon ding problema sa mga miyembro na nais na maging katulad ng iba pang miyembro sa halip na punan ang kanilang espesyal na lugar.
Ang Prinsipyo ng Weakest Link/Pinakamahinang Miyembro
Ang lakas ng isang kadena ay kasing lakas lamang ng lakas ng pinakamahina nitong miyembro/kawing. Gayundin naman, ang lakas ng isang koponan ay nalilimitahan ng pinakamahina nitong miyembro.
Ang bawat miyembro ng koponan ay may gampanin na nakakaapekto sa gawain ng iba pang mga miyembro. Kung ang isang miyembro ay mabigo sa kanyang tungkulin, ibinababa niya ang pagiging epektibo ng bawat iba pang miyembro sa pamamagitan ng pagkabigo na gawin ang gawaing makakatulong sa kanila.
Ang abilidad ng isang mabilis na trabahador ay walang halaga kung kailangan niyang maghintay para sa isang taong mabagal.
Ang ilang uri ng trabaho ay maaaring magawa ng mga taong walang tiyak na tungkulin. Sa mga pagkakataong iyon, ang prinsipyo ng pinakamahinang miyembro ay hindi nalalapat. Halimbawa, kung sinusubukan mong itulak ang isang trak na nabalaho sa putikan, ang lahat ng mga makakatulong ay maaaring magtulak ng magkakasama, at ang pinakamalakas ay hindi nalilimitahan ng pinakamahina.
Ang isa pang katulad na sitwasyon ay ang pag-aani sa bukid. Ang mababagal na tao ay hindi nakakahadlang sa mga mabibilis na tao; at kung kailangan mo ng karagdagang tulong, maaari kang magdagdag ng mas maraming tao.
Nalalapat ang prinsipyo ng pinakamahinang miyembro sa mga sitwasyon kung saan ay pinupunan ng mga indibidwal ang mga kinakailangang tungkulin. Halimbawa, kung maraming mason ang naghihintay sa isang tao na haluin ang semento, walang sinuman ang maaaring makagawa sapagkat siya ay mabagal.
Sa karamihan ng mga organisasyon, may mga tao sa natatanging posisyon. Ang bawat isa ay tinatrabaho ang kinakailangan para sa iba. Kapag hindi niya ginawa nang maayos ang kanyang trabaho, lahat ay apektado. Ang problema ay hindi malulutas sa pamamagitan lamang ng pagdaragdag ng mas maraming tao upang makatulong dahil hindi naman maaaring gawin ng iba ang trabaho para sa kanya.
Mayroong isang ilustrasyon na tinatawag na “bottleneck/leeg ng bote.” Kapag ang isang bote o pitsel na puno ng likido ay binaligtad, hindi agad tumutulo ang lahat ng likido. Ang daloy ay limitado ng sukat ng leeg. Sa katulad na paraan, sa iba’t ibang organisasyon ay mayroong mga aktibidad at mga programa na bumabagal dahil kailangan nilang maghintay sa isang tiyak na tao na magawa ang kanyang trabaho.
Kung hindi magawa ng isang tao ang mga responsibilidad na inaasahan sa kanyang posisyon,
Ang iba pang mga miyembro ng koponan ay hindi rin makakagawa ng maayos.
Ang iba pang mga miyembro ng koponan ay magsisimulang maasar sa mahinang miyembro.
Nawawalan ng kumpiyansa ang koponan sa pinuno dahil nabigo siyang itama ang problema.
Ibinababa ng koponan ang kanilang inaasahan kung ano ang maaaring magawa nito.
Ang isang tao na isang “mahinang kawing”/pinakamahinang miyembro” sa koponan ay dapat ilipat sa ibang posisyon upang hindi niya malimitahan ang koponan.
► Ano pang ibang uri ng trabaho ang maaari mong maisip na makakapaglarawan sa “bottleneck/ leeg ng bote”?
Ang Prinsipyo ng Nabubulok na Prutas
Kapag ang isang piraso ng bulok na prutas ay nailagay sa isang basket na may iba pang piraso ng prutas, ang iba pang piraso sa kalaunan ay mabubulok din. Ang kaganapang ito ay naglalarawan ng epekto ng pag-uugali. Ang mabuting pag-uugali at masamang pag-uugali ay nakakaapekto sa iba, ngunit ang masamang pag-uugali ang kadalasang mas nakakaapekto.
[1]Kapag nangangalap ng mga miyembro para sa koponan, mas tingnan ang pag-uugali kaysa sa kakayahan. Ang isang taong may tamang pag-uugali ay maaaring sanayin at bigyan ng motibasyon, ngunit ang isang taong may masamang pag-uugali ay hindi magagawa ang mga ito. Huwag isama sa koponan ang isang taong may masamang pag-uugali at isiping maaari mo siyang mabago. Ang isang tao sa koponan na may masamang pag-uugali ay dapat alisin kung hindi siya nagbabago.
Pagkilatis sa mga Habituwal na Gumagawa ng mga Kaguluhan
Ang mga gumagawa ng gulo ay nagsisikap na makakuha ng respeto at pakiramdam ng kahalagahan sa pamamagitan ng pagtuligsa sa mga taong namumuno. (hindi lamang ang pinakamataas na pinuno). Maaari nilang piliing tuligsain ng paulit-ulit ang isang tao. Sila ay nakakasira ng mga indibidwal at mga organisasyon. Dapat ay matutunan ng pinuno na makita ang mga ito at protektahan ang iba mula sa kanila. Ang isang gumagawa ng gulo ay maaaring maging sanhi ng paghinto ng ilan sa iyong mga pinakamahusay na nakakatulong.
Mga katangian ng isang gumagawa ng gulo:
Mayroon siyang dating tala ng mga pinsala.
Kasalukuyan siyang gumagawa ng pinsala.
Tinutukoy niya ang mga hindi pinapangalanang kaalyado kapag siya ay nagrereklamo.
Pinupuna niya ang dating pinuno habang pinupuri ang bago.
Mabilis niyang kinakaibigan ang bagong pinuno.
Sobra ka niyang pinupuri.
Gusto niyang nakikitang nagkakamali ang mga tao.
Hindi pa siya nagtatagal sa isang iglesia o institusyon
Nagsisinungaling siya.
Siya ay agresibo at maaaring mapanlinlang.
Gusto niyang ipinapakita ang kanyang pera.
Gumagawa siya ng mga bagay na hindi gawain ng isang Kristiyano para makuha ang kanyang hangarin.
Isinusulong niya ang kanyang sariling agenda at hindi siya tumatanggap ng responsibilidad.
Gustong gusto niyang binubuyo sa galit o pagkadismaya ang ibang tao.
Madalas niyang binabanggit ang tungkol sa kanyang pinagdaanang hirap na nagpatibay sa kanya.
“Hindi natin malulutas ang ating mga suliranin kung taglay natin ang parehong pag-iisip nang likhain natin ang mga ito.”
- Albert Einstein
Ang Prinsipyo ng Bench/Bangko
Ang isang koponan sa palakasan ay may higit pang manlalaro kaysa sa bilang ng naglalaro sa isang palaro. Pinapalitan ng mga coach ang mga manlalaro sa pagkakataon na kinakailangan ng ibang kakayahan sa isang laro at upang makapagpahinga ang kanilang pinakamahusay na manlalaro. Ang bench/bangko ay kinabibilangan ng mga manlalarong maaaring pumalit sa mga naglalaro. Ang ilan sa kanila ay mga batang manlalaro na umuunlad pa rin.
Ang isang organisasyon ay dapat na patuloy na kumikilos upang mapalawak ang koponan. Dapat mayroong mga batang pinuno na nasa yugto ng pagpapaunlad. Dapat ay mayroon ding mga taong may espesyal na kakayahan ang nakabilang sa koponan.
Ang “bench/bangko” sa isang organisasyon ay katulad ng bangko sa isang koponan sa pampalakasang laro. Kadalasan, ang mga tao sa bangko ay kakaunti pa lang ang karanasan at nasa yugto ng pagpapaunlad. Kabilang sa bench/bangko ng organisasyon ang mga karagdagang tao na may pagkadalubhasa sa iba’t ibang bagay.
Huwag lamang punan ang mga kinakailangang posisyon ng koponan. Patuloy na buuin ang pinapalawig na koponan. Maghanap ng mga taong nagpapakita ng potensyal at pangako ng pakikibahagi. Hayaan silang tumulong. Kung maayos ang kanilang ginawa, bigyan sila ng mga responsibilidad.
► Ano ang ilang paraan upang mapalawak ang koponan para sa isang lokal na iglesia? Ilarawan ang gampanin at uri ng taong maaaring idagdag sa “bench/ bangko.”
Paano Mangalap ng Mga Miyembro ng Koponan
Maaakit ng isang magaling na koponan ang magagaling na miyembro. Isaalang-alang ang uri ng mga taong naaakit sa iyong koponan. Sino ang mga sumasali? Sino ang umaalis? Ipinapakita ng mga pagbabago kung ang iyong koponan ay lumalakas o humihina.
Ang mga miyembro ng koponan ay tumutulong para sa iba’t ibang kadahilanan, kabilang ang mga personal na koneksyon sa iba, mabuting hangarin, sigasig para sa layunin, at ang pagnanais na gumawa ng isang bagay na mahalaga.
Humanap ng taong may matinding pagkahumaling kapag nangangalap ng miyembro, sa halip na ipagpalagay na maaari mo silang bigyan ng motibasyon kalaunan. Sa mga naunang leksiyon, pinag-aralan natin ang “Pinuno sa Ika-Limang Antas” Ito ay isang taong may ambisyon para sa tagumpay ng institusyon sa halip na ang makasariling pagnanais. Dapat magkaroon ang pinuno ng ganitong pagnanais at dapat humanap ng iba pang taong may parehong pagnanais.
Humingi ng mga opinyon ng mga taong makakatulong sa koponan. Makinig sa kanila, anyayahan silang makilahok, italaga ang mga responsibilidad sa kanila,at pagkatapos ay palawakin ang kanilang mga tungkulin.
Para sa lahat ng iyong ginagawa, tanungin ang iyong sarili, “Sino ang makakatulong sa akin?” Bumuo at umasa sa isang maliit na pangkat ng mga taong may mga kakayahan at isang espesyal na relasyon sa iyo.
► Paano mo mailalarawan ang isang pag-uusap sa pagitan ng isang namumuno at isang potensyal na miyembro ng koponan? Paano mapupukaw ng pinuno ang atensyon ng potensyal na miyembro upang maging interesado ito?
Mga hakbang sa Pagkilos bilang Grupo
Gumawa ng desisyon na bumuo ng isang koponan – dito nagsisimula ang pamumuhunan.
Kumalap ng pinakamahusay na koponan hanggat maaari – itinataas nito ang potensyal.
Paglaanan ang halaga upang mabuo ang koponan – tinitiyak nito ang paglago.
Gawin ang mga bagay ng sama-sama bilang isang koponan – bumubuo ito ng isang pamayanan.
Palakasin ang mga miyembro na may responsibilidad at awtoridad – ito ang bumubuo ng mga pinuno.
Magbigay ng pagkilala/parangal para sa tagumpay ng koponan – itinataas nito ang moralidad.
Magbantay nang mabuti upang matiyak na ang pamumuhunan ay bumabalik – nagdudulot ito ng pananagutan.
Lumikha ng mga bagong pagkakataon – Pinapalawak nito ang mga kakayahan ng koponan.
Ibigay kung ano ang kailangan nila upang magtagumpay – ito ang magdudulot ng pinakamahusay na mga resulta.
Isang Leksiyon mula sa Banal na Kasulatan
Si Absalom ay anak ni Haring David. Siya ay guwapo at tanyag sa bansa. Kinakausap niya ang mga taong may problema na dumarating sa kabisera. Sinabi niya na “Kung ako ang hari, tutulungan ko kayo.” Nagsimulang maramdaman ng mga tao na ang lahat ng bagay ay magiging mas mabuti kung si Absalom ang hari (2 Samuel 15:3-4).
Maaari sanang magamit ni Absalom ang kanyang mga kakayahan upang matulungan ang hari na malutas ang mga problema. Sa halip, nagdulot siya ng kawalan ng katapatan. Sapagkat ang hari ay hindi nag-ayos ng isang sistema para malaman at malutas ang mga problema ng kanyang bayan, nagkaroon ng isang pagkakataon para sa isang tao na maging sanhi ng kawalan ng katapatan. Dapat tiyakin ng bawat pinuno na ang mga tao ay may mahusay na paraan upang maiparating sa kanya ang kanilang mga alalahanin.
Libu-libong kalalakihan ang sumali sa paghihimagsik ni Absalom, maging ang ilan sa mga matalik na kaibigan ni David. Handa si Absalom na mamatay ang mga tao para sa kanyang sariling ambisyon. Ang kanyang prayoridad ay hindi ang pakinabang ng mga tao kundi ang kanyang sariling katayuan.
Pagpapaunlad ng Mga Miyembro ng Koponan
Dapat isaalang-alang ng pinuno kung anong uri ng pamumuno at pangangasiwa ang kinakailangan ng bawat miyembro ng koponan: ang masigasig na nagsisimula pa lamang ay nangangailangan ng direksyon; ang nag-aaral na pabago-bago ng palagay ay nangangailangan ng magtuturo; ang maingat na nagkukumpleto ay nangangailangan ng suporta; at ang nagtatagumpay sa sarili ay nangangailangan ng responsibilidad.[1]
Kapag nangangalap ng tao para sa isang posisyon, isaalang-alang kung anong uri ng tao ang kailangan ng posisyon. Inilarawan ni Maxwell ang mga ganitong uri ng mga tao: isang taong nasa harap o nasa likuran ng eksena, isang pangkalahatan o isang dalubhasa, isang tagagawa o isang nagpapanatili, isang taong mahilig makiharap o isang taong mahiyain, isang pinuno o isang tagasuporta, isang beterano o isang baguhan, isang malikhain sa pag-iisip o isang magulong mag-isip, nangangailangan ng tuloy-tuloy na pangangasiwa o maliit na pangangasiwa, isang manlalaro ng koponan o isang taong gustong naglalaro mag-isa, na may panandaliang pangako ng pakikilahok o pangmatagalang pangako.[2]
Dapat ay palaging ibahagi ng pinuno ang parangal para sa mga nagawa ng koponan. Ang mga taong nagbabahaginan ng tagumpay ay mauudyukan na gawin ang kanilang pinakamahusay na makakaya.
Kapag kumakatawan para sa koponan sa mga tagalabas, hindi dapat sisihin ng pinuno ang mga miyembro ng koponan para sa mga pagkabigo ng koponan. Dapat ay akuin ng pinuno ang kasalanan, na aminin na sana naging mas naging mabisa lamang siyang pinuno. Kung pinoprotektahan niya ang mga miyembro ng koponan, magiging tapat sila sa kanya.
Pahintulutan ang ilang mag-aaral na ibahagi kung paano nila inaasahan na babaguhin ng leksiyong ito ang kanilang mga layunin o aksyon.
[1]John Maxwell, 17 Indisputable Laws of Teamwork: Embrace Them and Empower Your Team (New York: HarperCollins Leadership, 2001), 50
[2]John Maxwell, Developing the Leader Within You (Nashville, TN: Thomas Nelson, 2005), 188
Limang Buod na Pahayag
Walang anumang makabuluhan ang makakamit/matutupad ng isang taong kumikilos mag-isa.
Ang isang koponan ay isang pangkat na pinag-isa ng isang malaking layunin, mga magkakatulad na pinahahalagahan, kooperasyon, at tinanggap na pamumuno.
Dapat mong pagsikapan ang pagpapaunlad ng koponan bago bumuo ng pangitain.
Ang ugali ay mas mahalaga kaysa sa mga kakayahan para sa isang miyembro ng koponan.
Ang isang organisasyon ay dapat na tuloy-tuloy na kumikilos upang palawakin ang koponan.
Mga takdang-aralin
(1) Sumulat ng isang talata na nagbubuod ng isang konsepto na nakakapagpabago ng buhay mula sa leksiyong ito. Ipaliwanag kung bakit ito mahalaga. Ano ang kabutihang maidudulot nito? Anong pinsala ang maaaring maganap kapag hindi ito nalaman.
(2) Ipaliwanag kung paano mo mailalapat ang mga alituntunin ng leksiyong ito sa iyong sariling buhay. Paano binago ng leksiyong ito ang iyong mga layunin? Paano mo planong baguhin ang iyong mga aksyon?
(3) Isaulo ang Limang Buod na Pahayag para sa Leksiyon 10. Maging handa na isulat ang mga ito mula sa memorya sa susunod na sesyon ng klase.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.