Pamumuno sa Ministeryo
Pamumuno sa Ministeryo
Audio Course Purchase

Search Course

Type at least 3 characters to search

Search through all lessons and sections in this course

Searching...

No results found

No matches for ""

Try different keywords or check your spelling

results found

Lesson 11: Ang Ministeryong May Layunin

19 min read

by Stephen Gibson


Layunin at Pagkakakilanlan ng Organisasyon

Maraming organisasyon, kabilang ang mga iglesia, ang hindi pa dumadaan sa isang proseso ng pag-iisip tungkol sa kanilang layunin sapagkat tila lantad naman ang kanilang hangarin. Dahil ipinapalagay nilang lantad naman ang kanilang hangarin, kaya tila malinaw na dapat silang gumawa ng ilang mga gawain. Ang kanilang mga layunin ay upang magtagumpay lamang sa mga aktibidad na iyon.

Sinusubukan ng mga tagapamahala na maisagawa ng maayos ang mga gawain, ngunit dapat isipin ng mga namumuno kung anong trabaho ang kailangang gawin. Mahalagang gawin ng tama ang mga bagay, ngunit dapat mauna nating gawin ang mga tamang bagay. Ang isang pastor ay hindi dapat maging isang tagapamahala lamang, kundi isang pinuno.

Mayroong isang proseso ng pagpapaunlad na mahalagang taglay ng bawat organisasyon maging ito man ay isang ministeryo, negosyo, o iba pang uri ng organisasyon.

Maaaring ipagpalagay ng isang iglesya na sila ay naitatag upang magkaroon ng maayos na pagsamba, upang alagaan ang kanilang mga miyembro, at mangaral ng ebanghelyo sa mga pamayanan. Ngunit maraming iglesia ang hindi kailanman gumawa ng plano upang sadyaing mangyari ang mga bagay na iyon.

Ang isang organisasyon ay dapat dumaan sa isang proseso ng pagpapa-unlad na kinabibilangan ng pagsusuri sa sarili.

  • Ano ang pinakamahalaga sa atin?

  • Bakit naitatag ang organisasyong ito?

  • Ano ang magiging kahulugan kung magtatagumpay tayo?

  • Ano ang ilang tiyak na tagumpay na maaari nating planuhing maabot?

  • Ano ang maaari nating gawin ngayon upang maabot ang ating mga layunin?

Ang mga katanungang ito ay tumutugma sa unang limang yugto ng pag-unlad ng organisasyon. Ang proseso ng pag-unlad ng organisasyon ay may mga yugto:

  1. Mga pinahahalagahan
  2. Layunin
  3. Pangitain/Pananaw
  4. Mga nais maabot
  5. Diskarte
  6. Aksyon
  7. Mga nakamit

Ang mga yugto ay hindi ganap na magkakahiwalay. Halimbawa, ang isang organisasyon ay marahil nagplaplano ng kanilang diskarte at kumikilos kahit na tinutuklas pa lamang nila ang kanilang mga pamantayan. Ang iba’t ibang programa at mga departamento sa isang organisasyon ay maaaring kumilos sa iba’t ibang yugto sa prosesong ito.

Ang pagkakasunod-sunod ay mahalaga sapagkat ang bawat yugto ay nakakaapekto sa mga sumusunod. Ang mga pagbabago sa anumang yugto ay magdudulot ng pagbabago sa mga susunod na yugto. Halimbawa, kung binago ng isang organisasyon ang kanilang pagkaunawa sa layunin nito, babaguhin nito ang mga nais nitong makamit at ang kahulugan ng katagumpayan.

Ang proseso ay hindi nagaganap ng isang beses lamang. Ang mga pamantayan at layunin ay hindi dapat magbago pagkatapos na maunawaan ng mabuti, ngunit ang iba ay maari pang mabago. Kung ang mga layunin ay nakamit man o hindi, ang mga bagong layunin ay dapat na maitakda. Matapos ang isang tagumpay o pagkabigo, dapat muling tingnan ng organisasyon ang mga pamantayan at layunin, linawin ang hangarin, magtakda ng mga bagong layunin, magplano ng

► Bakit hindi ipinapaliwanag ng maraming organisasyon ang kanilang layunin?

Unang Yugto: Pagtuklas ng mga Pinahahalagahan

[1]Ang Pinahahalagahan ay isang termino para sa mga bagay na isinasaalang-alang natin na pinakamahalaga. Ang mga indibidwal ay may mga pinahahalagahan, at ang mga pangkat ay nabuo sa pamamagitan ng mga taong mayroong parehong pinahahalagahan. Ang isang organisasyon ay may mga pinahahalagahan. At ang organisasyon ay umiiral upang matupad ang mga pinahahalagahanng iyon.

Para sa isang Kristiyano, maging sa negosyo o sa ministeryo, ang kalugod-lugod sa Dios ay ang kanilang pinakamataas na pinapahalagahan. Ang layunin ng isang organisasyon ay idinisenyo upang bigyang kaluguran ang Dios (at dapat ay walang ibang bagay), sa pagtanggap ng lubusan sa mga biblikal na katotohanan, sa iglesia, at sa ebanghelyo.

Kahit ang mga organisasyong hindi nagsasabing sila ay Kristiyano ay karaniwang nakabatay sa ilang mabuting pinahahalagahan, sapagkat sila ay nabuo upang matugunan ang mga pangangailangan ng tao.

Inilista ng isang organisasyon ng isang negosyo ang mga pinahahalagahan sa ganitong paraan:integridad sa lahat ng mga bagay, pangangalaga sa kalidad, mga kaugnayan, at pag-aaral.

Para sa anumang negosyo, ang isang mahalagang pinahahalagahan ay upang kumita, dahil hindi maaaring matupad ng negosyo ang kanyang pinahahalagahan kung walang kita. Gayunpaman, kahit na para sa isang negosyo, ang kita ay hindi ang pinakamahalagang layunin.

Inilista ng isa pang malaking negosyo ang kanyang mga pinahahalagahan ng ganito: ang pagiging ligtas, ang serbisyo, ang kasiyahan, at ang tagumpay. Ang tagumpay ay nangangahulugan ng kita para sa isang negosyo, ngunit hindi ito makakamit ng wala ang iba pang pinahahalagahan nito. Ang iba pang pinahahalagahan nito ay nagdaragdag ng posibilidad ng kita, dahil ayaw ng mga tao na maging mga customer ng isang negosyong hindi natutugunan ang kanilang pangangailangan.

Posible rin na ang isang organisasyon ay nakabatay sa mga hindi magandang pinahahalagahan, tulad ng walang limitasyong kapangyarihan ng isang tiyak na tao o pagkapoot sa ibang grupo ng tao. Ang ganitong uri ng organisasyon ay bihirang pangmatagalan ang lakas at palaging mapanira.

Ipinapaliwanag ng mga pinahahalagahan kung paano dapat kumilos ang mga tao ng isang organisasyon habang kumikilos sila para matupad ang mga layunin. Hindi sapat na maabot ang mga layunin. Ang isang tao ay kailangang nasiyahan kung paano siya nakarating doon. Halimbawa, ang isang tao ay hindi dapat masiyahan tungkol sa kanyang pagkapanalo kung siya ay nanalo sa pamamagitan ng pandaraya. Ang isang taong nagnanais na masiyahan sa tunay na tagumpay ay hindi mandadaya, dahil inaalisan niya ang kanyang sarili ng pagkakataon na magkaroon ng tunay na tagumpay.

► Mag-isip tungkol sa isang layunin na mayroon ka. Bakit mahalaga na masiyahan ka tungkol sa kung paano mo naabot ang iyong layunin?

Ang mga pinahahalagahan ay nakalista sa pagkakasunod-sunod ng prayoridad. Halimbawa, ang isang negosyo ay inilista sa una ang integridad dahil ang integridad ay hindi dapat isakripisyo para lamang magkaroon ng iba pa nitong pinanahahalagahan. Inilista ng isa pang negosyo ang kaligtasan bago ang serbisyo, sapagkat ang kaligtasan ng mga tao ay mas mahalaga kaysa kanilang kaginhawahan.

Mahalaga ang pagkakasunod-sunod ng mga pinahahalagahan. Halimbawa, kung pinahahalagahan ng isang negosyo ang kita at pinahahalagahan din ang katapatan, ano kaya ang gagawin ng isang empleyado kapag mayroong isang pagkakataon na kumita ng mas malaki sa pamamagitan ng pagiging hindi matapat? Ano ang kanyang gagawin kapag ang katapatan ay magiging kapalit ng kita? Kung sa listahan ng pinahahalagahan ay nauuna ang katapatan kaysa sa kita, alam niya kung ano ang dapat gawin. Ang isang organisasyon ay nahuhubog sa paraan ng pagharap nito sa mga salungatan sa pagitan ng mga pinahahalagahan.

Ang pinakamataas na pinahahalagahan ng isang iglesia ay ang maparangalan ang Dios, at walang layunin ang dapat na makamit sa paraang hindi nakalulugod sa Dios.Dapat hanapin ng isang organisasyon ang kanyang mga pinahahalagahan sa pamamagitan ng pagsusuri sa sarili. Sumusunod na sila sa mga pinahahalagahan, at ang mga ito’y dapat nilang matuklasan.

Hindi maaaring sa salita lamang ipinapahayag ng isang organisasyon ang mga pinahahalagahan nito. Inaangkin ng ilang organisasyon ang mga pinahahalagahanng hindi naman talaga nila sinusunod, at nalalaman ng kanilang mga empleyado at customer na ang ipinapahayag na mga pinahahalagahan ay walang kabuluhan.

Ang listahan ng mga pangunahing pinahahalagahan ay dapat na maikli, simple ang pagkakasabi, alam ng lahat, at inilalapat sa bawat sitwasyon. Ang listahan ng mga pinahahalagahan ay dapat na nasa isang maikling listahan (marahil ay 4-5), dahil hindi nakapagtutuon ng isip ang mga tao sa marami.

Ang mga pinahahalagahan ay hindi napili dahil ito ay lumilikha ng mahusay na mga resulta. Kung ang mga pinahahalagahan ay napili para sa kadahilanang iyon, mababago ang mga ito upang makakuha ng mga mas mahusay na resulta. Ang mga pinahahalagahan ay hindi napili dahil gumagana ito ng maayos, kundi dahil ang mga ito ay talagang pinakamahalaga.

Kung minsan nagsisimula ang isang organisasyon at nagiging matagumpay sa isang tiyak na produkto o ideya. Maaaring isipin ng mga miyembro ng organisasyon na umiiral ang organisasyon upang ibigay ang produktong iyon o sundin ang ideyang iyon. Gayunpaman, ang produktong iyon o ideya ay maaaring hindi palaging makatutupad sa mga pinahahalagahan ng organisasyon. Mas mabuti para sa organisasyon na maitatag ang mga pinahahalagahan nito at pagkatapos ay maging handa ito na gawin ang anumang bagay upang maisakatuparan ang mga pinahahalagahanng iyon.

May isang organisasyon ng pagmimisyon na tumutulong sa maraming iglesia na may buwanang suportang pananalapi. Karamihan sa budget ay ginagamit sa regular na suporta. Gayunpaman, nagsimulang mapagtanto ng mga pinuno na ang kanilang pinakamahalagang pinahahalagahan ay ang pagbuo ng mga iglesiang lokal na kanilang pamumunuan at susuportahan. Ang kanilang regular na suporta para sa mga iglesia ay nagiging hadlang upang makamit nila ang kanilang layunin. Sinimulan nilang baguhin ang kanilang diskarte at mga aksyon upang umangkop sa kanilang mga pinahahalagahan. Napagtanto nila na ang kanilang hangarin ay upang matulungan ang mga iglesia sa paraang nagpapalakas sa mga ito sa halip na panatilihin silang umaasa.

“Ang tanging tunay na mapagkakatiwalaang mapagkukunan ng katatagan ay isang malakas na panloob na pundasyon [ng mga pinahahalagahan] at ang pagnanais na mabago at iakma ang lahat maliban sa pundasyong iyon. Dapat ipakita ng organisasyon ang mga pinahahalagahanng iyon sa lahat ng ginagawa nito, tunay at tuloy-tuloy.

[2]Ang mga pinahahalagahan ng isang organisasyon ay hindi lamang ang mga pinahahalagahang hawak ng pangkat na namumuno. Kinakailangan na naniniwala ang mga miyembro ng organisasyon sa mga pinahahalagahan at sinusunod ang mga ito. Kung ang mga taong may impluwensya sa samahan ay hindi tunay na naniniwala at hindi sinusuportahan ang mga pinahahalagahan, hindi magiging malakas ang organisasyon. Kailangang patuloy na isinusulong ng organisasyon ang mga miyembro nito na naniniwala sa mga pinahahalagahan nito. Hindi na dapat magpatuloy sa pamumuno ang mga taong hindi pinanghahawakan ang mga pinahahalagahan ng organisasyon. Dapat makahikayat nang malakas ang kapaligiran para sa pagsuporta sa mga pinahahalagahan kung kaya’t may ilang tao na pinipili ang umalis at ang iba naman ay naaakit.

Ang mahigpit na disiplina sa isang organisasyon ay hindi nangangahulugang walang kakayahang umangkop at magkaroon ng pagkakaiba-iba. Kung ang mga tao ay may pangako ng pakikiisa, maaari silang magkaroon ng pagkakaiba-iba sa halos lahat maliban sa mga pinahahalagahan. Ang malakas na disiplina ay nangangahulugan na dapat suportahan ng mga miyembro ng organisasyon ang mga pinahahalagahan sa lahat ng kanilang ginagawa.

Ang mga pinahahalagahan ay magiging totoo lamang kapag ipinakita mo ang mga ito sa paraan ng iyong pagkilos at kung paano mo ninanais na kumilos ang iba. Kung nais mong kumilos na salungat sa iyong ipinapahayag na pinahahalagahan upang matupad ang isang bagay, ang iyong mga ipinapahayag na pinahahalagahan ay hindi ang tunay mong pinahahalagahan. Ipinapakita nito na may ibang bagay na mas mahalaga para sa iyo.

Itinayo upang Tumagal

Pinag-aralan nina Collins at Porras ang mga kumpanya na nanatiling mahusay at matatag sa loob ng mahabang panahon habang ang mga katulad na kumpanya ay bumabagsak. Tinawag nila ang mas mahusay na kumpanya bilang “visionary companies.”[3]

Mas lubusang tinuturuan ng visionary companies ang mga empleyado ng kanilang mga pangunahing pinahahalagahan kaysa sa mga bumabagsak na kumpanya. Lumilikha sila ng mga kultura na sobrang lakas na tila relihiyoso na sila tungkol sa kanilang mga pinahahalagahan.

Ang visionary companies ay mas maingat na pinauunlad at maingat na pumipili ng mamamahala batay sa pagiging angkop nito sa mga pangunahing pinahahalagahan kumpara sa mga bumabagsak na kumpanya.

Ginagabayan ng visionary companies ang kanilang mga tao upang maging tuloy tuloy na nakaakma sa pangunahing pinahahalagahan kumpara sa mga bumabagsak na kumpanya.

Dapat ay maghanap ng paraan ang organisasyon na mapanatili ang mga pangunahing pinahahalagahan nito, turuan sila ng mga aplikasyon ng mga ito, at tingnan ang mga kasanayan para sa mga mungkahi at pagwawasto. Ang lahat ng mga aksyon at patakaran ng kumpanya ay dapat na nagpapakita ng mga pinahahalagahan.

Ikalawang Yugto: Mapagtanto ang Layunin

Ang layunin ng kumpanya ay batay sa mga pangunahing pinahahalagahan. Hindi kinakailangang natatangi/kakaiba ang layunin mula sa iba pang mga organisasyon.

Ang layunin ang siyang gumagabay at nagbibigay inspirasyon na gawin ang pinakamahusay. Dapat suriin ang isang organisasyon batay sa kung gaano nito kahusay natutupad ang kanyang layunin.

Ang layunin ay hindi rin nagbabago. Hindi ito katulad ng mga hangarin na pagkatapos makamit ay papalitan. Kung minsan binabago ng isang organisasyon ang paraan nito sa pagtupad ng kanyang mga layunin. Dapat itong umangkop sa pagbabago ng mga pangangailangan upang mapanatili ang orihinal na layunin nito.

Bago nagkaroon ng kuryente, walang mga refrigeration sa mga tahanan. Araw-araw na inihahatid ng mga kumpanya ang gatas sa mga bahay-bahay. Sa maraming lungsod ngayon, ang karamihan sa mga tao ay mayroong refrigerators at maaaring panatilihin ang gatas sa loob ng maraming araw. Kung ang isang kumpanya ay naitatag lamang upang maghatid ng gatas, hindi na ito ngayon kinakailangan. Gayunpaman, kung ang layunin nito ay upang magbigay ng mga produkto sa isang maginhawang paraan, maaari itong makahanap ng iba pang paraan. Siguro ay magkakaloob ito ng isang sentro kung saan mabibili ang mga gatas at iba pang mga produktong gawa sa gatas. Siguro ay makakahanap ito ng iba’t ibang uri ng mga produkto na maihahatid sa mga tahanan sa halip na gatas lamang.

Ang isang gusali ng iglesia ay matatagpuan sa isang purok na nagbabago. Maraming mahihirap na tao mula sa iba’t ibang grupo ng mga etniko ang lumilipat sa purok na iyon. Hindi malaman ng mga miyembro ng iglesia kung paano sila magbabahagi ng ebanghelyo sa bagong populasyon sa purok. Dahil ang iglesia ay walang layunin na maaaring magbigay sa kanila ng isang pangitain para sa mga bagong kabit-bahay, ipinagbili ng mga miyembro ang gusali ng iglesia at inilipat ito sa ibang lugar.

Ikatlong Yugto: Pagbabahagi ng Pangitain

Ang pangitain ay isang paglalarawan kung paano dapat mangyari ang mga bagay-bagay. Ang pangitain ay ang sagot sa katanungang ito: “Ano ang kalalabasan ng mga bagay kapag tayo ay lubusang nagtagumpay?”

Ang pangitain ay ang katotohanang kalagayan kung ang organisasyon ay lubusang nagtagumpay. Dapat na nasa isip ng namumuno ang larawang ito at iparating ito sa buong organisasyon sa iba’t ibang paraan.Dapat ipabatid at ipakita ito ng pinuno sa paraang mawawala ang pagdududa ng mga miyembro ng organisasyon sa pagnanais at pangako ng pinuno para sa pangitaing iyon.

Ang mga tao ay kumikilos ayon sa pangunahin/simpleng pag-unawa sa katotohanan na kumokontrol sa paraan ng kanilang pagtingin sa mga indibidwal na isyu. Mayroon silang pang-unawa sa kung paano gumagana ang mga bagay-bagay at kung paano talaga ito dapat nangyayari. Ang pang-unawang iyon ang kumokontrol sa paraan ng kanilang pagtingin sa mga lumilitaw na indibidwal na katanungan.

“Dapat hubugin ng pinuno ang paraan ng pag-iisip ng mga tagasunod patungkol sa kung ano ang tunay, ano ang totoo, ano ang tama, at ano ang mahalaga. Nilalayon ng mga namumuno na makamit ang pangmatagalang pagbabago at pangkaraniwang pagkakapantay ng mga katanungang ito.”[4] Dapat ay patuloy na ipaliwanag ng pinuno kung paano nagaganap ang mga bagay at kung paano ito dapat mangyari.

Ang isang pangkat ng mga mananampalataya ay nagsimula ng isang iglesia sa isang mahirap na lugar ng isang malaking lungsod. Ang kanilang mga pinahahalagahan ay ang ebanghelyo, ang lokal na iglesia, at pamilya. Ang kanilang hangarin ay ipakita ang buhay na kabilang sa isang iglesia sa isang naghihikahos na lugar. Ang kanilang pangitain ay mabago ang heograpiya ng lugar kasabay ng pagsisimulang mamuhay ng mga tao ayon sa nais ng Dios bilang kabilang sa isang iglesia. Ang kanilang mga layunin ay upang maipabatid sa pamayanan ang isang buhay na kabilang sa isang iglesia sa pamamagitan ng mga espisipikong paraan.

Ika-Apat na Yugto: Pagtatakda ng Mga Hangarin

Ang mga hangarin ay mga tiyak na hakbang patungo sa pagkakamit ng pangitain. Ang mga ito ay dapat na nasusukat at madaling makita.

Ang mga hangarin ay batay sa mga pinahahalagahan sapagkat ipinapakita nito kung paano dapat nakakaapekto ang mga pinahahalagahan sa mga customer, sa koponan, sa komunidad, at sa buong mundo. Ang lahat ng hangarin ay dapat na nagpapahayag kung ano ang dapat na epekto ng mga pinahahalagahan.

Inilarawan ni Blanchard ang kaugnayan sa pagitan ng mga pinahahalagahan at mga hangarin sa ganitong paraan: “Ang mga Hangarin ay para sa hinaharap. Ang mga pinahahalagahan ay ginagawa sa kasalukuyan. Ang hangarin ay itinatakda. Ang mga pinahahalagahan ay isinasabuhay. Ang mga Hangarin ay nababago. Ang mga pinahahalagahan ay mga matatag na batong iyong maaasahan. Ang mga hangarin ang nagtutulak sa mga tao na magpatuloy. Ang mga pinahahalagahan ang nagpapanatili sa pagsisikap.”[5]

Ang mga hangarin ay hindi dapat maging permanente. Dapat silang baguhin kapag nagbago ang mga sitwasyon. Ang mga pinahahalagahan ay hindi nagbabago, ngunit ang mga hangarin ay dapat magbago upang maihatid nito ang mga pinahahalagahan sa mga sitwasyong nagbabago.

Ang isang kumpanya sa Estados Unidos ay gumawa ng mga produkto para sa pagpapatakbo ng mga kabayo. Nang maging pangkaraniwan ang mga sasakyan, ilang tao na lang ang bumibili ng mga produkto para sa pagpapatakbo ng mga kabayo. Dahil ang kumpanya ay walang layunin na maipapahayag bilang paghahangad ng mga bagong produkto, ang kumpanya ay nagsarado na lang.

“Ang susi upang magkaroon ng isang koponan na tanyag, masigasig, may kakayahang umangkop, at palaging nasa oras ay tiyakin na ang iyong mga tao ay nagagabayan ng mga pinahahalagahan sa halip na nauudyukan ng mga hangarin.”[6]

Ang isang mahusay na koponan ay nabibigyan ng motibasyon ng isang malaking hangarin. Ang hangarin ay hindi dapat maging sobrang taas na iisipin ng koponan na hindi ito maaaring maabot, sapagkat kung magkagayon hindi na iyon isang hangarin. Gayunpaman, dapat itong maging napakataas na katagumpayan na nangangailangan ng masidhing pagsisikap. Ang mga taong wala sa organisasyon ay maaaring isipin na ang hangarin ay hindi maaaring maabot, ngunit ang hangarin ay dapat na isang bagay na itinuturing na posibleng makamit ng koponang may motibasyon.

Ang natupad na mga hangarin ay dapat na ipagdiwang at gunitain upang makita ito bilang mga tanda sa daan patungo sa layunin/pangitain.

► Ano ang mangyayari kung ang isang pangkat ay sumusubok na magtrabaho ng husto nang walang tiyak na hangarin?

Ika-Limang Yugto:Pagplalano ng Estratehiya

Ang estratehiya ay ang paggawa ng plano ng pagkilos upang maabot ang hangarin. Ang estratehiya ay dapat nakabatay sa isang makatotohanang pagtingin sa mga pangyayari, ang mga mapagkukunan at kakayahan na magagamit at makatuwiran, ngunit mapaghamong mga hangarin.

Kabilang rin sa Estratehiya ang pagtatakda ng mga patakaran. Ang mga miyembro ng organisasyon ay nangangailangan ng mga halimbawa na susundan na magpapakita ng mga pinahahalagahan at sa gayun maabot ang mga layunin. Kung hindi man, hindi magiging pare-pareho ang kalidad.

Dapat sanayin ng iglesia ang mga tao na matutuhan kung paano batiin ang isang bisita, kung paano manalangin kasama ang isang tao sa altar, kung ano ang mga maiaalok na pagdidisipulo sa isang bagong nagbalik-loob, kung paano tumugon sa isang materyal na pangangailangan sa kongregasyon, at marami pang ibang kaugalian. Kung hindi ito tinatalakay ng iglesia at hindi pinagpapasyahan ang isang mabuting plano, hindi nila maaasahan na magagawa iyon ng maayos ng mga miyembro.

Ang pagtatakda ng mga hangarin ay nauuna bago ang estratehiya, ngunit ang mga hangarin ay dapat na baguhin habang ang estratehiya ay ginagawa. Ang Estratehiya ay iaakma sa panahon ng pagkilos, habang nakikita mo ang epekto ng iyong pagkilos. Bibihira na ang isang estratehiya ay napakaperpekto na hindi na ito nangangailangan ng pagbabago. Ang pagpapatuloy sa maling direksyon ay mas malalang pagkakamali kaysa sa pagsisimula sa maling direksyon.

Ang malalaking pagbabago ng estratehiya ay maaaring umubos ng maraming oras, lakas at mga pinagkukunan/kagamitan, kaya’t gawin mong pinakamabuti ang iyong diskarte hangga’t maaari, sa simula pa lang ng pagkilos. Kung makakahanap ka ng isang paraan upang subukan muna ang isang bagay sa isang maliit na paraan, sa gayun malalaman mo kung gagana ito o hindi. Mas mahusay na mamuhunan upang mapalawak ang isang bagay na sinubukan nang maliit at gumagana na.

Ang hukbo ng isang bansa ay idinisenyo upang ipagtanggol ang bansa sa isang panahon ng digmaan. Karamihan sa mga bansa ay hindi kadalasang nakikipagdigma. Kaya, libu-libong kalalakihan ang sinasanay para sa isang layunin, pagkatapos ay ginugugol ang karamihan ng kanilang oras sa paggawa ng iba pang mga bagay. Ang hukbo ay nahihirapan sa paghahanap ng isang layunin para sa sarili nito kapag wala ito sa isang digmaan. Madalas na pinaparami ng isang hukbo ang mga regulasyon at patakaran na nagpapanatili sa mga tao na maging abala nang walang isang malinaw na layunin.

Kung ang isang iglesia ay walang malinaw na layunin, maaari itong maging abala sa pagbuo ng mga gabay, patakaran, at mga pamamaraan.

Ika-anim na Yugto: Pagkilos

Ang pagkilos ay dapat nakasunod sa estratehiya. Kasama sa pagsasagawa ng pagkilos ang pagkalap ng mga tulong, pagtapos ng mga trabaho, pamamahala sa mga aktibidad, patuloy na pagsasaayos ng mga pamamaraan, pagpapanatili sa mga tao na magkaroon ng motibasyon, at pagmamasid sa pagiging epektibo.

Ang isang samahan ng pagmimisyon ay tumutulong na suportahan ang daan-daang mga iglesia sa maraming bansa. Gayunpaman, sa pag-iisip tungkol sa kanilang mga pinahahalagahan, napagtanto nila na ang organisasyon ay orihinal na sinimulan ng mga taong nagdadala ng ebanghelyo sa mga taong hindi pa naabot nito. Napagtanto nila na ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay ang kanilang pangunahing pinahahalagahan, at ang pagpapadala ng ebanghelyo sa mga bagong lugar ang kanilang layunin. Nagpasiya silang magtakda ng mga bagong hangarin at bagong plano ng pagkilos. Sa halip na suportahan ang mga naitatag na iglesia, itutuon nila ang kanilang pansin sa pagkalap at pagpapadala ng mga misyonero sa mga bagong lugar.

Ika-pitong Yugto: Pagtatagumpay

Ang tagumpay ay hindi lamang ang pagtatagumpay sa isang malaking layunin. Ang tagumpay ay ang pagtatagumpay rin sa iba’t-ibang mga hangarin sa iyong karanasan. Anumang nakikitang pag-unlad patungo sa pangitain ay isang tagumpay.

Ang isang samahan ng pagmimisyon ay nagtatrabaho upang magtatag ng mga iglesia sa pamamagitan ng pagsasanay at mga proyekto. Mayroon silang kaugnayan sa malaking bilang ng mga iglesia. Karamihan sa mga iglesiang iyon ay hindi sinimulan ng misyon, ngunit pinalakas sa pamamagitan ng impluwensya ng misyon. Napagtanto ng mga pinuno ng organisasyon na ang kanilang mga pinahahalagahan ay ang pagpapaunlad at pagpapalakas ng mga iglesia. Kaya, ang kanilang pangunahing layunin ay hindi ang pagbabahagi ng ebanghelyo at pagsisimula ng mga iglesia, kundi upang dagdagan ang kakayahan ng mga iglesia na gawin ang mga bagay na iyon. Nagsimula silang ituon ang pansin sa pagbuo ng mga pagsasanay para sa mga iglesia.

Ang isang pangkat ng mga Kristiyano ay nagbahagi ng ebanghelyo sa mga taong nalulong sa droga o alkohol. Marami ang nagbalik-loob. Dumalo sila sa iba’t-ibang iglesia, ngunit nahirapan silang maghanap ng iglesiang nauunawaan sila at tinatanggap sila. Bumuo sila ng isang bagong iglesia, na pinangungunahan ng koponan na nagbahagi sa kanila ng ebanghelyo. Ang mga pinahahalagahan ng iglesiang ito ay ang ebanghelyo at ang pagbabago ng mga nalulong sa bisyo. Ang kanilang layunin ay upang mapadali ang pagbabahagi ng ebanghelyo at espesyal na pagdidisipulo sa mga nalulong sa bisyo. Ang kanilang estratehiya ay ang pagpaplano ng mga aktibidad at programa na nakakatugon sa mga espirituwal na pangangailangan ng mga nalululong sa bisyo at mga dating nalulong sa droga o alkohol.

Pahintulutan ang ilang mag-aaral na ibahagi kung paano nila inaasahan na baguhin ng leksiyong ito ang kanilang mga layunin o aksyon.

 


[1]

“Ang paggamit ng mga pamamaraan ay hindi dapat makabawas sa ating pananampalataya sa Dios, at ang ating pananampalataya sa Dios ay hindi dapat makahadlang sa atin sa paggamit sa anumang paraang ipinagkaloob niya sa atin upang matupad ang kaniyang sariling mga layunin.”
- J. Hudson Taylor

[2]

“Ang tagumpay ay hindi maaaring magmula na mga taong nakahinto. Nagbabago ang mga pamamaraan at ang mga tao ay dapat magbago nang kasabay nila.”
- James Cash Penney

[3]Ibid, 71
[4]Albert Mohler, The Conviction to Lead: 25 Principles for Leadership that Matters (Bloomington: Bethany House Publishers, 2012), 47
[5]Ken Blanchard, The Heart of a Leader: Insights on the Art of Influence (Colorado Springs: David C Cook, 2007), 145.
[6]Ibid, 117