Maraming tao ang abala at hindi iniisip ang tungkol sa kung ano ang kanilang ginagawa. Iniisip nila na hindi na kailangang isipin ang tungkol sa kung ano ang dapat nilang gawin.
► Ano ang mangyayari kung hindi iniisip ng seryoso ng isang tao ang tungkol sa kanyang mga prayoridad?
Isaalang-alang na:
Mayroong mga mas mainam na bagay na dapat gawin kaysa sa mga bagay na ginagawa natin.
Mayroong mga mas mainam na paraan upang gawin ang mga bagay-bagay kaysa sa paraan kung paano natin ito ginagawa.
Maaari tayong makakuha ng mas mainam na resulta kaysa sa nakukuha natin.
► Kung ang mga pahayag na ito ay totoo, paano natin matututunang gumawa ng mas mahusay?
Ayon kay John Maxwell, ang karaniwang antas ng pag-iisip ay:
Masyadong tamad upang kabisaduhin ang proseso ng sinasadyang pag-iisip
Masyadong walang disiplina upang isagawa ang kapangyarihan ng madiskarteng pag-iisip
Masyadong mababaw upang kwestiyunin ang tungkol sa pagtanggap sa popular na pag-iisip
Masyadong mapagmataas upang hikayatin ang pagtanggap ng payo ng iba
Masyadong nakatuon sa sarili na hindi na maranasan ang kasiyahan ng pag-iisip nang hindi makasarili
Hindi masyadong nakatuon upang tamasahin ang balik ng pag-iisip ng resulta[1]
[2]Kapag alam mo ang iyong mga prayoridad, maraming desisyon ang nagiging madali. Ang iyong prayoridad ang gumagabay sa iyong layunin at paraan upang maabot ang iyong mga layunin. Ang prayoridad ang siyang nagbibigay sa iyo ng gabay upang makita at pumili mula sa mga pagkakataon.
Ang isang tao na walang malinaw na mga prayoridad ay maaabala ng mga pagkakataong hindi nauugnay sa tamang layunin.
► Ano ang ilang mga prayoridad na dapat taglayin ng bawat Kristiyano?
Para sa isang Kristiyano, may ilang mga pamantayan na dapat gumabay sa kanyang mga personal na prayoridad.
Una, ang iyong personal na kaligtasan at pakikipag-ugnayan sa Dios ang ganap na prayoridad. Hindi mo dapat isaalang-alang ang anumang makakakompromiso sa pamantayang iyon. Ito ay nagpapahiwatig ng kumpletong pagsunod sa Dios.
Itinuro ni John Wesley na alam natin ang ilang mga bagay tungkol sa kalooban ng Dios para sa ating buhay. Alam natin na nais ng Dios na maging mabuti tayo at gumawa ng mabuti. Samakatuwid, kapag isinasaalang-alang ang anumang desisyon, dapat nating piliin ang aksyon na naaayon sa pagiging mabuti at paggawa ng mabuti. Hindi natin dapat ilagay ang ating sarili sa mga sitwasyon kung saan malamang ay hindi tayo mananatiling banal sa ating puso at pagkilos, o malamang na hindi makagawa ng mabuti.
Nalalapat ang prinsipyong ito sa mga desisyon katulad ng kung saan tayo titira, kung saan tayo magtatrabaho, kung sino ang pakakasalan natin, kung anong edukasyon ang hinahangad natin, kung anong negosyo ang gagawin natin, kung anong iglesia ang ating sasalihan, kung anong libangan ang pipiliin natin, at kung anong mga kaibigan ang mayroon tayo. Para sa isang Kristiyano, ang katotohanan ng Salita ng Dios at ang kanyang kalooban para sa atin ang dapat na maging pundasyon para sa bawat institusyon, hindi lamang para sa mga samahan sa ministeryo. Ang isang Kristiyano ay hindi dapat magpatakbo ng isang negosyo na salungat sa Salita ng Dios.
Pangalawa, ang pagtawag ng Dios para sa isang buhay na nasa ministeryo ay siyang may awtoridad sa iyo. Ito ay nangangahulugan na ang Dios ang siyang gumagabay sa takbo ng iyong buhay. Maaari ka Niyang ilihis mula sa iyong mga layunin patungo sa kanyang mga hangarin para sa iyo. Dapat mong tandaan na mahahanap mo lamang ang lubos na kasiyahan mula sa kalooban ng Dios. Hindi mo dapat subukang gawin ang kalooban ng Dios bilang isang bahagi lamang ng pinagtutuunan ng iyong buhay, habang ang pangunahing pinagtutuunan mo ng pansin ay ang iyong sariling mga layunin.
Isang lalaki ang nakaramdam na tinatawag siya upang maging pastor, ngunit hindi siya sigurado kung paano niya susuportahan ang kanyang pamilya. Inalok siya ng magandang trabaho sa isang airport, at nagpasyang pasukan ito. Kinakailangan siyang magtrabaho ng Linggo at hindi makakadalo sa iglesia, ngunit sinabi niya, “Ito [ang trabaho sa airport] ang aking iglesia.” Alam niyang hindi siya sumunod sa pagtawag ng Dios na maging isang pastor, ngunit wala siyang pananampalataya na ibibigay ng Dios ang kanyang mga pangangailangan kapag iniwan niya ang kanyang trabaho. Nagtrabaho siya sa airport sa loob ng tatlumpung taon. Kalaunan, siya ay nagretiro na may buwanang pensiyon at nagpasyang gumawa ng isang bagay para sa Dios ngayong matanda na siya. Mayroon ba siyang tamang prayoridad?
Sinabi ni Jesus, “Ang pagkain ko ay ang tuparin ang kalooban ng nagsugo sa akin, at tapusin ang kanyang ipinagagawa sa akin” (Juan 4:34). Ano ang kahulugan kung sasabihin na ang kalooban ng Dios ang iyong pagkain? Ang pagkain ang nagbibigay ng kasiyahan sa iyo. Samakatuwid, ang iyong pagkain ang nagbibigay motibasyon sa iyo.
Ang mga prayoridad na inilarawan sa bahaging ito ay hindi nakalista sa pagkakasunod-sunod ng kanilang kahalagahan.
Ang isa pang prayoridad para sa isang Kristiyano ay ang pamilya. Sinasabi sa atin ng Biblia na ang isang tao na hindi kumakalinga para sa kanyang pamilya ay isang taong mas masama pa kaysa sa di-mananampalataya (1 Timoteo 5:8). Ang responsibilidad ng pinuno para sa kanyang pamilya ay hindi lamang ang suporta sa pananalapi, kundi pati na rin ang kanilang pang-espirituwal na pangangalaga, at iba pang mga pangangailangan.
Ang gawain sa ministeryo ay dapat na balanse sa mga pangangailangan ng pamilya. Ang kalooban ng Dios para sa iyo ay hindi salungat sa iyong mga responsibilidad sa pamilya, sapagkat ang mga responsibilidad na iyon ay bahagi ng kalooban ng Dios para sa iyo. Kung minsan ang mga taong nakagawa ng malalaking bagay sa ministeryo ay hindi nagiging mabuting halimbawa sa pangangalaga sa kanilang pamilya. Ang isang tao ay nagkakamali kung iniisip niya na kailangan niyang pabayaan ang kanyang pamilya para sa kanyang ministeryo.
Si Joshua ay pinuno ng isang bansang naglalakbay na naimpluwensyahan ng iba’t ibang uri ng mga relihiyon. Pagdating nila sa lupain na ipinangako ng Dios, iyon ang oras para gumawa sila ng pangako ng pagtupad sa tipan ng Dios. Sinabi sa kanila ni Joshua na magpasya sila kung maglilingkod sila sa Dios o hindi, ngunit hindi siya naghintay para sa isang pagboto bago siya gumawa ng kanyang sariling pangako ng pagtupad. Sinabi niya na anuman ang piliin nila, siya at ang kanyang pamilya ay maglilingkod sa Panginoon (Joshua 24:15). Ito ay malakas na pamumuno batay sa paniniwala. Kung pinili ng bansa na maglingkod sa dios-diosan, si Joshua ay hindi na magiging kanilang pinuno; hindi niya nais na ikompromiso ang kanyang katapatan sa Dios. Ang kanyang tapang at paniniwala ay nakaimpluwensya sa bansa na gumawa ng tamang desisyon.
Ang pang-apat na prayoridad ay ang lokal na iglesia. Ang lokal na iglesia ay ang katawan ni Cristo at ang kapuspusan ng Dios sa mundo (Efeso 1:23).Inihahanda ng Dios ang iglesia upang magawa ang kanyang mga hangarin (Efeso 4:11-13). Sa pamamagitan ng iglesia ay maluluwalhati ang Dios nang magpakailanman (Efeso 3:21). Samakatuwid, hindi dapat isipin ng isang Kristiyano na ang kanyang mga talento at ang pagtawag sa kanya sa ministeryo ay hiwalay o nakabukod mula sa iglesia. Kung hindi siya isang tapat na miyembro ng isang iglesia, hindi niya matutupad ang perpektong kalooban ng Dios para sa kanyang buhay.
Ang mga prayoridad na nabanggit ay madaling sabihin, ngunit mas mahirap na maisabuhay at balansehin dahil sa mga pangangailangan ng buhay. Minsan nagiging abala tayo sa mga detalye ng pamilya, ministeryo, at negosyo, nagmamadali at hindi man lang tumitigil upang isipin ang tungkol sa ating mga prayoridad.
Ang mga aktibidad ay dapat na isang bunga ng pagninilay-nilay. Kung ikaw ay masyadong abala upang huminto at mag-isip, marahil ay ginagawa mo ang mga maling bagay. Maaaring hindi ka kumikilos alinsunod sa mga prayoridad na ipinapahayag mo.
► Bakit mahirap sundin ng tuloy-tuloy ang iyong mga prayoridad?
Ang Prinsipyo ng Pareto
Ang Prinsipyo ng Pareto ay ipinangalan kay Vilfrido Pareto, isang Italyanong ekonomista na napansin na ang 80% ng lupain ay pagmamay-ari ng 20% ng populasyon. Napansin niya na ang 80% ng mga gisantes na naaani niya mula sa kanyang hardin ay nagmula sa 20% ng mga supling na bunga. Nakita niya na ang mga porsyento na ito ay tumutugma sa maraming bagay. Ang ibang tao ay inilalapat ang prinsipyong ito sa pamumuno, oras, at negosyo.
20% ng mga tagabenta mula sa isang kumpanya ang nakagagawa ng 80% ng mga benta.
20% ng mga mamimili ang nakakagawa ng 80% ng mga pagbili.
20% ng mga mamimili ang gumagawa ng 80% ng mga reklamo.
20% ng mga pasyenteng medikal ay gumagamit ng 80% ng mga mapagkukunang medikal.
20% ng mga estudyante ang kumukuha ng 80% ng oras ng mga guro.
20% ng mga miyembro ng iglesia ang gumagawa ng 80% ng gawain ng iglesia.
20% ng mga miyembro ng iglesia ang nagbibigay ng 80% ng suportang pinansyal.
Para sa karamihan ng mga tao, 20% ng kanilang mga pagsisikap ay nagbubunga ng 80% ng kanilang tagumpay. Karamihan sa mga tao ay kailangang mas higit na pagtuunan ng pansin ang kanilang mga pagsisikap. Kailangan nilang maglaan ng mas maraming oras sa mga pinakamabisang gawain at mas kaunting oras sa hindi gaanong mabisang mga aktibidad.
Ang pinuno ng klase ay dapat gumamit ng isang larawang nagpapakita nito upang matiyak na nauunawaan ang konsepto. Gumuhit ng isang malaking parisukat sa isang papel. Hatiin ito sa 20% at 80%. Gawin ulit ito sa isa pang papel. Ngayon ay ilarawan ito sa pamamagitan ng pagtuturo mula sa isang bahagi patungo sa isa pa. Walumpung porsyento ng mga tao (ituro ang malaking bahagi) sa isang kumpanya ang nakagagawa ng 20% (ituro ang maliit na bahagi sa kabilang pahina) ng mga gawain. Dalawampung porsyento ng mga tao (ituro ang maliit na bahagi sa unang papel) ang nakagagawa ng 80% (ituro ang maliit na bahagi sa pangalawang papel) ng mga trabaho.
Ang isang pinuno na masyadong abala ay malamang na kailangang huminto sa paggawa ng ilang mga bagay. Ano ang maaari mong tanggalin na kakaunti lamang ang mawawala?
Karamihan sa mga pastor ay gumugugol ng 20% ng kanilang oras sa 80% ng mga tao, at 80% ng kanilang oras sa 20% ng mga tao. Ang tanong ay, nakatuon ba sila sa mga tamang tao? Karaniwan, ginugugol natin ang karamihan sa ating oras sa mga taong may pinakamaraming problema. Ibinibigay natin ang pinakamaliit na oras sa mga taong may pinakamataas na potensyal, dahil mahusay na ang kanilang ginagawa. Dapat tayong maglaan ng ating oras sa mga taong higit na tumutugon.
► Tingnan muli ang mga papel na may mga parisukat. 80% ng iyong mga aktibidad ay nakakagawa ng 20% ng mga resulta. 20% ng iyong mga aktibidad ay nakakagawa ng 80% ng mga resulta. Ilista ang iyong mga responsibilidad at mga gawain. Ang iyong mga ginagawa ba ay nagbubunga ng kokonting resulta? Anong mga aktibidad ang dapat mong gawin nang mas madalas?
Ang Balanse sa pagitan ng Kinakailangan-agad at kahalagahan
Ang ilang tao ay napaka-abala at pakiramdam nila ay hindi nila magagawa ang lahat ng kanilang gawain. Ginagawa nila ang bawat gawain na kanilang nakikita, at sa palagay nila ang lahat ng gawain ay kinakailangan. Nag-aalala sila na mabibigo nila ang mga taong umaasa sa kanila, ngunit hindi nila natatapos ang lahat sa oras. Madalas silang pagod at nahihirapan. Hindi sila makapaglaan ng oras upang magplano, magsanay, at magpa-unlad, sapagkat palagi silang may kinakailangang gawin.
Kailangan natin ng isang balanse sa pagitan ng kinakailangan-agad at kahalagahan. Ang mga gawain ng isang tao ay maaaring nahahati sa apat na kategorya.
Ang kinakailangan-agad at mahahalagang bagay ang nakakukuha agad ng ating atensyon. Kasama sa kategoryang ito ang paghahanda ng isang sermon, pagtulong sa isang taong may biglaang medikal na pangangailangan, at pagkalap ng pera para sa agarang pangangailangan.
Ang mga gawain ay kinakailangan-agad ngunit hindi mahalaga ay kadalasang nauugnay sa mga responsibilidad na kinukuha natin ngunit hindi natin dapat ginagawa. Minsan ito ay mga personal na proyekto na hindi nauugnay sa ministeryo. Maaaring ito ay mga aktibidad sa negosyo na hindi nagbubunga ng sagana at kumukuha ng sobrang oras imbis na ito ay oras para sa mas mainam na mga prayoridad. Ang mga aktibidad na ito ay maaaring kinakailangan-agad dahil kailangan itong magawa sa oras, ngunit ang mga ito ay hindi mahalaga dahil sa kanilang mga naidudulot.
Ang mga aktibidad na hindi kinakailangan-agad at hindi mahalaga ay walang malinaw na natutugunan na pangangailangan. Kung ang mga ito ay hindi magawa, walang malaking mawawala. Kung minsan ang mga ito ay nauugnay sa mga programa na hindi na nagagawa kung ano ang dati nilang nagagawa.
Ang mga aktibidad na hindi kinakailangan-agad ngunit mahalaga ay madalas na napapabayaan. Ito ang mga bagay na hindi natatapos nang mabilisan ngunit may pangmatagalang halaga. Ang mga halimbawa nito ay ang pang-akademikong pag-aaral (bilang isang guro o mag-aaral), iba’t-ibang uri ng pagsasanay, pagtatayo ng gusali, at paggawa ng mga babasahin. Dahil ang mga ito ay hindi maaaring matapos sa loob ng isang araw at hindi tayo makikinabang sa ngayon, may posibilidad tayong mas pagtuunan ang mga bagay na mas kailangan. Ang isang pinuno ay dapat na maglaan ng oras at mga kakayahan sa mga bagay na magkakaroon ng halaga sa hinaharap. Hangga’t maaari, ang paglalaan na ito ay dapat mangyari araw-araw.
Ang mga pagkilos na kinakailangan para sa samahan ay maaaring nahahati sa dalawang kategorya.
Pagkilos A pagtulong sa organisasyon sa pagsusulong sa bagong pag-unlad, bagong mga pagkakataon, at paglago.
Pagkilos B ay ang mga nagpapanatili ng kasalukuyang pagpapatakbo.
Kung hindi sasadyain ng isang namumuno na gawin ang mga pagkilos “A”, mas malamang na ibigay niya ang lahat ng kanyang oras at pansin sa mga pagkilos “B “.
Ang isang kasabihan ng pantas na, “Ang lumalangitngit na gulong ang nakakakuha ng grasa.” Ito ay tumutukoy sa ating kaugalian ng pagbibigay pansin sa mga problemang gumugulo sa atin ngayon.
Ang ilang mga pinuno ay nagtutuon ng pansin mula sa isang problema patungo sa isa pa, ngunit hindi kailanman naglalaan para sa hinaharap.
Ang mga organisasyon na matagumpay sa mahabang panahon ay karaniwang pinaglaanan ng panahon at kakayahan sa pagsasaliksik, pagpapa-unlad, at pagsasanay. Ang isang organisasyon na hindi pinaglalaanan ang hinaharap ay mawawalan ng bisa habang nagbabago ang mga sitwasyon.
► Pagsasanay: Ang bawat mag-aaral ay dapat gumawa ng isang listahan ng lahat ng kanyang mga gawain at responsibilidad. Pagkatapos ay gumuhit ng apat na mga parisukat katulad ng chart sa itaas at hatiin ang mga aktibidad sa mga parisukat. Isaalang-alang: Ano ang mga bagay na mahalaga ngunit hindi kailangan-agad ang iyong napapabayaan? Nag-aaksaya ka ba ng oras sa mga bagay na hindi mahalaga at hindi kailangan-agad?
Delegasyon/Pagtatalaga
Ang isang pinuno ang may responsibilidad upang matiyak na ang lahat ng gawain at kinakailangan ay natatapos, ngunit hindi kailangang siya ang mag-isang gumawa ng lahat. Dapat niyang italaga ang mga responsibilidad sa iba. Trabaho pa rin niya na siguraduhing natatapos ng maayos ang gawain. Dapat niyang patuloy na ayusin ang pagsasanay at pagpapaunlad para sa mga miyembro ng grupo at mga potensyal na miyembro ng grupo para mas marami ang magawa nila sa hinaharap.
Ang isang gawain ay hindi itinatalaga sa iba dahil ito ay hindi mahalaga. Ito ay itinatalaga dahil may tao na maaaring gumawa nito o sanayin upang gawin iyon, at dahil hindi ito isang bagay na dapat ilaan bilang tungkulin ng isang pinuno.
Ang ilang mga gawain ay hindi maaaring italaga sa iba, sapagkat ang pinuno lamang ang maaaring makagawa ng mga ito. Kinakatawan niya ang organisasyon at nagsasalita para dito sa paraang walang ibang maaaring gumawa nito. Dapat din siyang may pag-aalala patungkol sa hinaharap. Dapat niyang makita ang mga oportunidad, panganib, at parating na pagbabago nang mas mahusay kaysa sa ginagawa ng karamihan ng ibang tao.
Maaaring may mga tiyak na gawain kung saan ang pinuno ay may mga espesyal na kakayahan; samakatuwid, hindi niya pangkaraniwang itinatalaga ang mga gawaing iyon. Gayunpaman, hindi dapat panatilihing gawain ng pinuno ang mga bagay na maaaring italaga sa iba. Ang ilang mga pinuno ay hindi nasisiyahan sa gawa ng iba, at nais na gawin ang lahat ng gawain upang ang mga ito ay magawa ng maayos.
Sinisikap ng ilang mga pinuno na gawin ang lahat ng bagay at hindi nila ninanais na magtalaga sa iba ng mga gawain. Kapag nagtatalaga sila ng gawain, tinitingnan nilang mabuti ang gawain at sila ang gumagawa ng lahat ng mga desisyon. Ito ay hindi isang mahusay na pamumuno. Ang isang mabuting pinuno ay bumubuo ng isang pangkat ng mga taong maglalaan ng kanilang lakas at ideya, magtatakda ng mga layunin, bumubuo ng mga pamamaraan, at nakikilahok sa mga pagpapasya.
Ang isang mabuting pinuno ay hindi lamang gawain ang kanyang itinatalaga sa iba, ibinabahagi rin niya sa iba ang pamumuno. Pinahihintulutan niya ang iba na manguna sa mga aktibidad. Kung sasabihin niya sa kanila ang eksaktong gagawin at kung paano ito gagawin, hindi niya sila hinahayaang manguna.
Bilang isang pinuno na nagtatakda ng kanyang mga prayoridad, dapat niyang isaalang-alang ang ilang mga katanungan:
“Sino ang makakatulong sa akin?” Kung maraming gawain na maaaring magawa ng iba ngunit hindi nila gagawin, hindi sapat ang iyong pamumuno.
“Ano ang mga gawain na hindi magagawa ng wala ako?” Dapat ituon ng pinuno ang pansin sa mga gawaing iyon. Ang mga halimbawa ay ang pagsasanay para sa grupo, pagbuo ng hangarin, at pangmatagalang plano. Ang mga gawaing ito ay hindi kailangan na ang pinuno lamang ang gumawa, ngunit kadalasan ay hindi ito magagawa nang wala ang pinuno.
Sakripisyo
[1]Iniisip ng ilang tao na ang pinuno ay maraming pribilehiyo. Iniisip nila na ang kanyang awtoridad ang nagpapahintulot sa kanya na gawin ang anumang naisin niya. Ang totoo ay isinasakripisyo ng pinuno ang kanyang mga karapatan upang magtagumpay ang grupo. Ang pinuno ay hindi matagumpay maliban kung ang pangkat ay matagumpay.
Bilang isang pinuno na umaangat sa posisyon, ang kanyang mga karapatan ay bumababa at ang kanyang mga responsibilidad ay tumataas.
Halimbawa, sa pinakamababang antas ng isang negosyo, ang isang tao ay nagtatrabaho ng ilang oras, nagsasagawa ng ilang mga gawain, at hindi masisisi para sa mga bagay na lampas sa kanyang responsibilidad.
Sa mataas na antas ng isang organisasyon, ang isang pinuno ay nagtatrabaho ng maraming oras na walang limitasyon at dapat maibigay ang anumang kinakailangan. Maaaring kailanganin niyang isuko ang maraming personal na pribilehiyo. May mga oras na nais niyang magpahinga, ngunit nagsasakripisyo siya upang maglingkod sa organisasyon. Maraming pinuno ang tinatawag kapag may mga problema sa anumang oras araw man ito o gabi.
Habang tumataas ang mga responsibilidad ng isang tao, makakagawa siya ng mas malalaking desisyon sa organisasyon, ngunit isinusuko niya ang mga personal na pribilehiyo. Ang prosesong ito ay isinalarawan sa pamamagitan ng mga tatsulok. Sa ibabang bahagi ng isang tao ay may kaunting responsibilidad ngunit maraming karapatan, dahil maaari siyang magpasya kung gaano lamang ang kanyang ilalaan. Habang tumataas ang kanyang responsibilidad, ang kanyang personal na karapatan ay bumababa.
Isaalang-alang ang halimbawa ng isang atleta. Ang isang matagumpay na atleta ay maaaring masiyahan sa katanyagan at kayamanan. Gayunpaman, sumusunod siya sa isang mahigpit na diyeta, ehersisyo, at pagsasanay ng kanyang kasanayan sa loob ng maraming oras araw-araw. Ang buhay ng isang mahusay na musikero ay kapareho nito.
Ang isang tao na naghahanda ng kanyang sarili para sa mga trabaho tulad ng medisina o pagtuturo sa isang mataas na antas ay dapat mag-ukol ng maraming taon ng pag-aaral. Hindi siya maaaring gumugol ng kanyang oras at pananalapi na katulad ng iba. Marami siyang malalampasang mga libangan at mga kaganapan. Maaari rin niyang alisin sa sarili ang mga pangunahing pangangailangan upang ituloy ang kanyang layunin.
Ang isang tao na sumusubok na magsimula ng isang negosyo ay dapat na maglaan ng mga mapagkukunan para sa layuning iyon. Hindi niya maaaring gastusin ang lahat ng pera na kinita niya. Siya ay namumuhunan para sa kita sa hinaharap. Hindi siya gumagastos ng pera para sa mga bagay katulad ng ginagawa ng kanyang mga kaibigan. Maaaring pintasan siya ng kanyang mga kaibigan sa kanyang pagiging kuripot, ngunit sa hinaharap ay magkakaroon siya ng higit pa kaysa sa kanyang mga kaibigan.
Ang taong magiging pinuno sa hinaharap ay dapat ngayon pa lamang ay mamuhunan na para sa kanyang hinaharap. Nagsisimula ang sakripisyo sa yugto ng pag-unlad. Piliin na paunlarin at mamuhunan para sa iyong hinaharap. Bigyan ng prayoridad ang pagsasanay, kasanayan sa ministeryo, at oras kasama ng mga pinuno.
Ang iyong mga responsibilidad ay maaaring mukhang hindi mahalaga, ngunit binubuo nito ang iyong mga kakayahang makipagtulungan sa mga tao at binibigyan ka nito ng pagkakataon na bumuo ng isang reputasyon para maging batayan na ikaw ay maaasahan.
► Talakayin ang mga sumusunod na talata. Ano ang kahulugan ng mga pahayag? Ano ang ilang mga aplikasyon nito?
Pagpapatunay ng sakripisyo para sa nagawa, seguridad para sa kahalagahan, pakinabang sa pananalapi para sa potensyal sa hinaharap, agarang kasiyahan para sa personal na paglago, pagsasaliksik para sa pagtutuunan ng pansin/focus, at katanggap-tanggap para sa kahusayan.[2]
Sadyain mong pagsanayan ang iyong mga prayoridad. “Bago maging kaugalian ang isang bagay, dapat muna itong pagsanayan bilang isang disiplina.”[3]
Inilarawan ni Apostol Pablo ang pagpupursigi ng isang atleta. Nagsasakripisyo ang mga atleta sapagkat lubos silang nauudyukan na magtagumpay. (1 Corinto 9:25-27). Ipinakita ni Pablo ang punto na ginagawa ng mga atleta ang mga bagay na iyon para sa isang pangmundo, pansamantalang karangalan; ngunit tayo ay dapat na magsikap para sa gantimpalang pangwalang-hanggan. Ang ating motibasyon ay iba kaysa sa kanila, ngunit hindi ito dapat mas kakaunti.
Pahintulutan ang ilang mag-aaral na ibahagi kung paano nila inaasahan na baguhin ng leksiyong ito ang kanilang mga layunin o aksyon.
[3]Ken Blanchard at Phil Hodges, The Servant Leader: Transforming Your Heart, Head, Hands, and Habits (Nashville, TN: Thomas Nelson, 2003), 85
Limang Buod na Pahayag
Ang mga prayoridad ang siyang nagtatakda sa iyong mga layunin at kung anong paraan ang iyong pipiliin para maabot ang iyong mga layunin.
Ang prayoridad ang siyang gumagabay upang makita at makapili ka sa mga oportunidad.
Mahahanap mo lamang ang lubos na kagalakan mula sa kalooban ng Dios.
Ang isang mabuting pinuno ay hindi lamang itinatalaga sa iba ang mga gawain; itinatalaga rin niya ang pamumuno.
Habang umaangat ang posisyon ng isang namumuno, ang kanyang mga karapatan ay bumababa at ang responsibilidad ay tumataas.
Mga Takdang Aralin
(1) Sumulat ng isang talata na nagbubuod ng isang konsepto na nakakapagpabago ng buhay mula sa leksiyong ito. Ipaliwanag kung bakit ito mahalaga. Ano ang kabutihang maidudulot nito? Anong pinsala ang maaaring maidulot kapag hindi ito nalaman?
(2) Ipaliwanag kung paano mo mailalapat ang mga alituntunin ng leksiyong ito sa iyong sariling buhay. Paano binago ng leksiyong ito ang iyong mga layunin? Paano mo planong baguhin ang iyong mga aksyon?
(3) Isa-ulo ang Limang Buod na Pahayag para sa Leksiyon 7. Maging handang isulat ang mga ito mula sa memorya sa simula ng susunod na sesyon ng klase.
(4) Bago ang susunod na sesyon, basahin ang 1 Samuel 13-15. Ano ang mga problema sa pamumuno ni Saul?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.