Pangangasiwa sa Pera
Ang Prinsipyo ng Pananagutan
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Mateo 25:14-30 para sa pangkat. Ano ang sinasabi sa atin ng talatang ito tungkol sa pangangasiwa sa pera?
Ang pera ay isang mahalagang pagmamay-ari para sa ministeryo. Dapat pangasiwaan ng mga namumuno ang pera upang makuha ang pinakamahusay na mga resulta. Mayroon tayong pananagutan sa Dios para sa mga pagmamay-aring ibinigay niya sa atin upang pangasiwaan.
Natatandaan nyo ba ang kwento tungkol sa Samaritano na tumulong sa sugatang manlalakbay (Lukas 10:30-35)? Ang layunin ng kwento ay upang ilarawan kung ano ang kahulugan kung paano mahalin ang mga taong nakakasalamuha mo. Gayunpaman, makakagawa tayo ng isa pang punto sa pamamagitan ng pagmamasid sa ilang mga detalye, bagaman ang puntong ito ay hindi talagang ipinahayag ng manunulat.
Ang isang Samaritano ay may isang asno, at mayroon siyang pera upang mabayaran ang pangangalaga sa lalaki. Paano kung sinayang niya ang kanyang mga pagmamay-ari bago niya makilala ang sugatang lalaki? Maaaring hindi niya ito gaanong natulungan. Maraming tao ang nagsasabing nakikiramay sila sa pagdurusa ng iba at ang pangangailangan para sa pagbabahagi ng ebanghelyo, ngunit hindi nila pinangangasiwaan ang kanilang mga ari-arian upang makatugon sila sa mga pangangailangan. Hindi nila kailanman nagawang makatulong sa iba.
Ang pera ay maaaring gamitin sa mga bagay na nauubos at mawawala, o maaari itong gamitin para sa mga bagay na may pangmatagalang halaga sa mundong ito at hanggang sa walang hanggan. Kinakailangan nating gumamit ng pera para sa ating mga pangangailangan; ngunit hangga’t maaari, kailangan nating mamuhunan para sa hinaharap.
Maraming tao ang hindi kailanman namumuhunan sapagkat sa palagay nila ay wala silang sapat na pera. Ngunit kung ang isang tao ay mag-iipon at mamumuhunan ng maliit, regular na halaga, magkakaroon ito ng malaking resulta. Ang isang magsasaka, kahit gaano man siya kahirap, napagtatanto niya na dapat siyang magtipid ng sapat upang makapagtanim muli. Kailangan nating humanap ng mga paraan upang makatipid at ipuhunan ang ating mga pag-aari.
► Ano ang ilang paraan upang makatipid at mamuhunan ng maliit na halaga?
Ang Prinsipyo ng Pananampalataya
Nagbigay ng malaking pangako si Apostol Pablo sa iglesia sa Filipos.Nagsakripisyo sila upang suportahan ang ministeryo. Pinangakuan niya sila na ibibigay ng Dios ang kanilang mga pangangailangan (Filipos 4:19).
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad na hindi sila dapat mamuhay sa pagkabalisa, ngunit magtiwala sa Dios na magkakaloob ng kanilang pangangailangan (Mateo 6:25-34). Ang kaharian ng Dios ang kanilang dapat unahin, bago ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Ang pananampalataya ay hindi nangangahulugang hindi natin responsibilidad na tugunan ang ating sariling pangangailangan at mga taong umaasa sa atin. Dapat tayong magtrabaho upang matugunan ang ating mga pangangailangan (Efeso 4:28). Kung hindi tinutugunan ng isang tao ang pangangailangan ng kanyang pamilya, hindi siya isang magandang halimbawa ng isang mananampalataya (1 Timoteo 5:8).
Hindi dapat nakaupo at walang ginagawa ang isang tao habang hinihintay lamang na magkaloob ang Dios. Idinisenyo ng Dios na tayo ay kumita sa pamamagitan ng pagtatrabaho at sa pamamagitan ng paggawa ng isang bagay na may halaga.
Ang ibig sabihin ng pananampalataya ay mapagtanto natin na hindi tayo mabubuhay ng wala ang pagpapala ng Dios. Ang ating lakas at pagkakataong magtrabaho ay nagmula sa Dios, at ibinibigay rin niya bilang pagpapala ang mga bagay na hindi nagmula sa ating gawain. Dahil umaasa tayo sa Dios, dapat tayong manalangin ayon sa itinuro ni Jesus, “Bigyan mo kami ng kakanin sa araw-araw.”
Dapat tayong maging mapagbigay sa iba dahil
-
Alam natin na ang Dios ang siyang nagkakaloob ng ating pangangailangan.
-
Hindi ang ating trabaho ang pinagmulan ng lahat ng mayroon tayo.
-
Hindi tayo karapat-dapat sa mga pagpapala ng Dios.
-
Ipinapakita natin ang pag-ibig ng Dios sa pamamagitan ng pagbibigay.
Hindi tayo dapat maging tulad ng isang makasariling bata na kumukuha ng pinakamalaking piraso ng cake o itinatago ang kanyang kendi dahil alam niyang hindi siya makakakuha ng higit pa. Ang Dios ay may kasaganahan at hindi natin kinakailangang maging sakim o mapaglihim, na parang hindi na niya tayo bibigyan pa.
Ang isang namumuno sa ministeryo ay nangangasiwa hindi lamang ng kanyang sariling pera, kundi pati ang mga pagmamay-ari ng ministeryo. Tinutugunan ng Dios ang mga pangangailangan ng isang ministeryo na sumusunod sa kanyang kalooban. Gayunpaman, ang kanyang kalooban ay tila hindi natin palaging nakikita. Minsan ang mga tao ay nakatuon sa pagpapanatili ng isang institusyon, at pinababayaan nila ang paghanap sa malinaw na direksyon mula sa Dios. Minsan naman ay sinusubukan ng mga tao na gumawa ng isang mabuting bagay, ngunit hindi nila ito ginagawa sa paraang nais ng Dios. Hindi tayo palaging magkakaroon ng perpektong pagkilala sa mga bagay na ito, ngunit ang kawalan ng pananalapi para sa ministeryo ay dapat magbigay sa atin ng motibasyon na humingi ng isang mas mahusay na pag-unawa sa kalooban ng Dios.
Ang Prinsipyo ng Katapatan
Ang prinsipyo ng pananampalataya ay humahantong sa prinsipyo ng katapatan. Hindi natin dapat gawin ang isang bagay na hindi kasiya-siya sa Dios, sapagkat nais nating bigyang-kasiyahan ang Dios at nais nating pagpalain niya tayo.
Kung ikaw ay umaasa at nagtitiwala sa Dios, tatanggihan mo ang mga pagkakataong makamit ang isang bagay sa pamamagitan ng pagiging hindi tapat. Kapag dumating ang isang pagkakataon, dapat mong isaalang-alang ang katanungang ito, “Magkakaloob ba ang Dios sa ganitong paraan?” Kung ang pagkakataon ay upang makamit ang isang bagay sa pamamagitan ng pagiging hindi tapat, alam nating hindi ito ang paraan ng pagkakaloob ng Dios. Ang isang tao na gumagawa ng bagay na mali para kumita ay hindi nagtitiwala sa Dios para sa kanyang mga pangangailangan.
Ang isang taong nasa ministeryo ay kadalasang namamahala ng mga ari-ariang hindi sa kanya. Mahalaga para sa kanya na makitang magkabukod ang pera ng ministeryo mula sa kanyang sariling pera. Sa ilang kultura,hindi madaling maunawaan ng mga tao ang panuntunang ito. Gayunpaman, maging sa ministeryo, gobyerno, o negosyo, ay hindi binibigyan ang isang tao ng posisyon ng awtoridad maliban kung iniisip ng mga tao na kaya nitong gawin ang pagbubukod na ito. Kung ginamit ng isang tao ang pera ng institusyon bilang kanyang sariling pera, sinisira niya ang pagtitiwala sa kanya (1 Corinto 4:2).
Ang isang tagapanguna sa ministeryo ay dapat magtaguyod ng mga patakaran na magpapanatili ng maingat na pananagutan sa pera ng institusyon. Hindi niya dapat kolektahin at pangasiwaan ang pera nang mag-isa. Dapat kabahagi ang ilang tao sa pag-iingat ng mga talaan at paggastos.
Ang Prinsipyo ng Suporta sa Ministeryo
Idinisenyo ng Dios na ang ministeryo ay dapat sinusuportahan sa pananalapi. Gayunman, madalas na ang isang tagapanguna sa ministeryo ay nalalagay sa mga sitwasyon kung saan hindi lubos na nasusuportahan ang kanyang ministeryo.
Para sa isang Kristiyanong pinuno ang pera ay hindi dapat maging dahilan upang tanggapin niya ang isang posisyon sa pamumuno o ang dahilan upang ibigay niya ang kanyang pinakamahusay na pagsisikap. Ang motibasyon para sa ministeryo ay ang obligasyong sumunod sa Dios, paghahangad na bigyang-lugod ang Dios, at pagmamahal sa mga taong kanyang pinaglilingkuran (1 Pedro 5:2, 1 Corinto 9:16, Juan 21:15-17).
Nang suguin ni Jesus ang kanyang mga alagad upang magministeryo, sinabi niya, “Natanggap ninyo ito nang walang bayad, kaya’t magbigay rin kayo nang walang kabayaran” (Mateo 10:8). Maling maglagay ng presyo sa isang ministeryo. Ang isa sa pinakamahigpit na pagsaway sa Biblia ay ibinigay sa isang tao na nag-alok na magbayad para sa isang espiritual na kapangyarihan upang makagawa siya ng pagkakaperahan mula dito (Gawa 8:18-23).
[1]Ang ministeryo ay hindi nagbubunga ng pera katulad ng ibang uri ng trabaho, sapagkat hindi ito nagbibigay ng isang produkto o serbisyo na maibebenta. Ang ministeryo ay sinusuportahan lamang ng mga tao na may iba pang trabaho na nagpapasiya na dapat itong suportahan.
Maaaring hikayatin ng isang tagapanguna sa ministeryo ang mga tao na suportahan ang ministeryo sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kahalagahan ng ministeryo, at ng kanyang pangako ng pakikiisa para dito. Karaniwan ay hindi siya maaaring maghintay para sa suporta bago simulan ang ministeryo. Ang pag-uulat tungkol sa kanyang ministeryo ay dapat na regular, makatotohanan, at ganap na matapat.
Madalas na nagiging tagasuporta ang mga tao dahil nakikita nila ang halaga ng ministeryo, hindi dahil nangangailangan ng suporta ang manggagawa. Ang tagapanguna ng ministeryo ay hindi dapat subukang palakihin ang suporta sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kanyang mga pangangailangan, kundi sa pamamagitan ng paggawa ng mga resulta sa ministeryo at pagpapaliwanag ng kanyang pangarap/pangitain sa ministeryo. Mahalaga rin na bumuo ng mga pakikipag-ugnayan sa mga taong kanyang pinaglilingkuran upang makita nila ang kanyang pangako at pahalagahan ang kanyang serbisyo sa kanila.
May mga tao na maaaring nais na personal na suportahan ang pinuno sa halip na magbigay sa organisasyon. Dapat maging maingat ang pinuno sa pagbuo ng kanyang sariling suporta sa halip na itaguyod ang organisasyon. Ang kanyang trabaho ay upang itaguyod ang organisasyon.
Dapat iwasan ng tagapanguna ang pag-utang. Ang pangungutang ng pera ay ang paggastos ng pera mula sa hinaharap. Inaalis ng utang ang kalayaan upang gumawa ng mga desisyon sa hinaharap. Nangangahulugan ang utang na gumagawa ka ng mga desisyon tungkol sa hinaharap bago ka mapunta sa sitwasyong iyon. Ang pag-utang ay paggastos ng mga posibleng pera para sa hinaharap habang ang mga pangangailangan ng hinaharap ay hindi pa rin nalalaman.
Dapat maiwasan ng pinuno ang personal na utang, sapagkat nalilimitahan nito ang kanyang mga desisyon sa hinaharap para sa ministeryo. Dapat iwasan ng tagapanguna na pangunahan na magkautang ang organisasyon. Gamitin lamang ang perang ibinigay ng Dios. Huwag mangutang, at huwag isiping magbibigay ang Dios ng paraan upang bayaran ang utang. Kung nais ng Dios na magkaloob para sa isang tiyak na pangangailangan, magagawa niya ito bago ka mangutang, sa halip na pagkatapos. Inaalis ng pangungutang ang isa sa mga paraan upang matukoy ang kalooban ng Dios, sapagkat nangangahulugang hindi ka naghihintay upang makita kung ano ang ipagkakaloob ng Dios.
Pahintulutan ang ilang mag-aaral na ibahagi kung paano nila inaasahan na baguhin ng prinsipyo tungkol sa pera ang kanilang mga layunin o aksyon.
“Ang gawain ng Dios na ginawa sa pamamagitan ng pamamaraan ng Dios ay hindi magkukulang ng tulong mula sa Dios.”
- J. Hudson Taylor