Sa panahon ng isang propesyonal na laro ng soccer, isang malaking scoreboard ang iniilawan sa gilid ng laruan kung saan makikita ito ng lahat. Gustong malaman ng mga tagapanood kung nakakapuntos ba ang koponan, ngunit ang scoreboard ay mas mahalaga para sa coach at mga miyembro ng koponan.
► Bakit mahalaga na malaman ng coach at mga manlalaro ang puntos sa panahon mg laro?
Ang scoreboard ay kinakailangan para maunawaan kung paano tumatakbo ang laro, para masuri ang pagiging epektibo ng isang estratehiya, para sa paggawa ng mga desisyon, pagsasaayos, at upang manalo.[1]
Dapat na maipaliwanag ng isang pinuno ang “puntos” ng organisasyon sa mga taong kanyang pinamumunuan at sa mga taong may awtoridad sa kanya.
Sa maraming organisasyon, walang sistema ang naitatag para sa pagsusuri ng mga pagganap ng isang pinuno. Ang bawat isa ay may opinyon batay sa kanilang ideya kung ano ang dapat ginagawa ng isang pinuno. Kailangang kayang masuri ng pinuno ang kanyang sariling pagganap at maipaliwanag ito, lalo na sa mga nagtakda ng mga pamantayan para sa kanya.
Dapat ding masuri at maiwasto ng pinuno ang pagganap ng mga pinamumunuan niya. Dapat niya itong gawin sa paraang hindi panghihinaan ng loob o makakabawas sa kanyang impluwensya sa kanila.
► Ano ang mangyayari kung sinasaway ng isang pinuno ang kanyang mga pinamumunuan nang walang pag-aalala para sa kanilang damdamin?
[1]John Maxwell, 17 Indisputable Laws of Teamwork: Embrace Them and Empower Your Team (New York: HarperCollins Leadership, 2001), 153-155
Ang isang organisasyon ay karaniwang mayroong isang kumite ng mga direktor/board of directors na siyang may pinakamataas na awtoridad para sa organisasyon. Kadalasan tinatawag silang pinagkakatiwalaang kumite/board of trustees. Ang ehekutibo ng organisasyon ay maaari o hindi maaaring maging chairman ng kumite. Ang pinakamataas na pinuno ng organisasyon (ang ehekutibo) ay mananagot sa kumite/board.
Ang pinagkakatiwalaang kumite ang siyang may awtoridad para sa pagharap sa mga salungatan sa institusyon na hindi magawang ayusin ng administrasyon. Mahalaga na nakikibahagi ang kumite sa pangkalahatang pangarap at kahulugan ng tagumpay para sa organisasyon. Ang ilang organisasyon ay nagkakaroon ng mga problema sapagkat ang pinuno at ang kanyang mga tauhan ay bumubuo ng isang pangarap para sa organisasyon na naiiba sa pangarap ng kumite.
Pinangangasiwaan ng ehekutibo ang iba pang kawani ng organisasyon, at ang kawani ay hindi dapat karaniwang nakakakuha ng mga direktang direksyon mula sa mga miyembro ng kumite. Ang ehekutibo ay responsible na tulungan ang mga kawani na magtagumpay. Dapat niyang mapagtanto na kapag nag-ulat siya sa kumite na ang mga miyembro ng kawani ay nabigo o nagkamali, ay nag-uulat siya na siya ay nabigo sa kanyang pamumuno.
Ang kumite ang siyang nagtatakda ng pangkalahatang patakaran at layunin para sa organisasyon. Ang ehekutibo ang namamahala sa pagpapatakbo ng organisasyon at gumagawa ng mga desisyon tungkol sa kung paano matutupad ang pangkalahatang layunin ng kumite.
Anong mga pagpapasya ang maaaring magawa ng ehekutibo nang hindi na sinasabi sa kumite? Iyon ay nakadepende sa ugnayan sa pagitan ng ehekutibo at ng kumite. Kung nagagawa nang mahusay ng isang namumuno ang kanyang gampanin sa mahabang panahon, pinagkakatiwalaan siya ng kumite na makapagpasiya para sa maraming bagay. Kung gumagawa siya ng desisyon na nagkaroon ng hindi mgandang resulta, mag-aalala ang kumite at nanaising makibahagi sa paggawa ng mga desisyon.
Kapag ang isang pinuno ay nakakagawa ng maayos na desisyon na nagkakaroon ng magandang resulta, tataas ang pagtitiwala ng kumite para sa pinuno. Maaari din niyang dagdagan ang kanilang tiwala sa pamamagitan ng pagiging laging matapat sa mga sitwasyon, pinapananatili ang kanilang kaalaman sa mga sitwasyon upang hindi sila mabigla ng mga problema at para makapaglaan ng oras upang makinig at maunawaan sila.
► Bakit mahalaga na magkaroon ng pananagutan sa kumite ang pinakamataas na pinuno ng organisasyon?
Isang hindi magandang halimbawa…
Si Uzziah ay isang malakas na hari na nagawang paunlarin ang bansa, palawakin ang teritoryo nito, pinaunlad ang hukbo, at nagsulong ng mga makabagong pamamaraan sa agrikultura. Naghari siya sa loob ng 52 taon.
Sa panahon ng kanyang pamumuno sa loob ng 40 taon, ang kaniyang impluwensya ay napakalaki na. Karamihan sa mga taong pinamunuan niya ay hindi pa nakaranas ng pagkakaroon ng ibang hari. Ang kanyang mga desisyon ay nagbunga ng magagandang resulta. Nagsimula siyang makaramdam na hindi na niya kailangan pang makinig sa ibang tao.
Nagsimula si Uzziah na tingnan ang kanyang sarili bilang ganap na awtoridad. Sapagkat ang hari ay mula sa tribo ni Juda at ang mga pari ay mula sa tribo ni Levi, ang parehong tao ay hindi maaaring maging hari at pari nang sabay. Gayunpaman, nagpasiya si Uzziah na kunin ang awtoridad sa pagsamba sa templo at pangunahan ang pagsamba (2 Cronica 26:16-21). Nagbigay ang Dios ng patakaran upang ang hari ay hindi maaaring maging saserdote sapagkat sa karamihan ng mga bansa, ang hari ang sinasamba bilang dios.
Si Uzziah ay tinamaan ng ketong at namuhay sa huling labing-isang taon ng kanyang buhay sa isang nakahiwalay na bahay, na namumuno lamang sa pamamagitan ng mga kinatawan. Maraming magagaling na pinuno ang namuno ng matagal nguni’t nakakalungkot ang kinahinatnan dahil sa kanilang mayabang na pag-uugali at mga pagkilos sa mga huling taon ng kanilang buhay.
Ang Pangangailangan ng Tugon sa Pagganap
Paano malalaman ng isang tao na natutugunan ng kanyang trabaho ang mga inaasahan ng mga taong kanyang pinaglilingkuran? Kailangan niyang malaman ang kanilang pagsusuri sa kanyang trabaho.
[1]Ang mga pagsusuri ay maaaring pormal at detalyado, o maaaring maging kaswal at simple ang mga ito. Ang pinakaepektibo at kapaki-pakinabang na anyo ng pagsusuri ay kapag sinabi ng isang pinuno sa isang tao kung ano ang ginagawa niyang mabuti at kung ano ang dapat pagbutihin. Ang pagsusuring ito ay hindi kumpleto; hindi nito nasasakop ang bawat aspeto ng pagganap ng isang tao. Sa halip, pinupuri ng pinuno ang ilang mga katangian at iwinawasto ang ilang pagkakamali.
Tinitingnan ng karamihan sa mga tao ang kanilang sarili sa salamin araw-araw upang makita kung paano mapapabuti ang kanilang itsura. Kung walang salamin, malalaman mo ba kung ano ang iyong hitsura? Makakapagpasya ka kung kaakit-akit ka o hindi sa pamamagitan ng tugon ng ibang tao. Ang pagtugon sa pagganap ay tulad ng isang salamin para sa ating trabaho.
Matibay kong pinaniniwalaan na ang pagbibigay ng puna ay ang pinaka-mabisang diskarte para sa pagpapabuti ng pagganap at pagtataguyod ng kasiyahan. Maari itong magawa ng mabilis, walang gastos, at mabilis nitong mapapabalik ang mga tao.[2]
Ang mga tao ay nagnanais ng pag-apruba. Ito ay isang pangunahing pangangailangan ng tao. Ang mga tao ay nabibigyan ng motibasyon ng pag-asang maaaprubahan sila ng iba. Kung ang isang tao ay pinagkakaitan ng pagtugon sa kanilang pagganap, ang kanyang motibasyon ay maaaring bumaba.
► Ano ang mangyayari kung ang isang manggagawa ay hindi kailanman nakatanggap ng anumang tugon sa kanyang trabaho?
“Walang ibang maaaring makakapalit sa ilang pinili, tama sa oras, at matapat na mga salita ng pagpupuri. Ang mga ito ay walang presyo/libre nguni’t kasinghalaga ng isang yaman.”
- Sam Walton
[2]Ken Blanchard, The Heart of a Leader: Insights on the Art of Influence (Colorado Springs: David C Cook, 2007), 11
Ang Paghahanda ng Pinuno
Upang makapagbigay ng tugon sa pagganap ng ibang tao, dapat munang tingnan ng pinuno ang kanyang sarili nang may kababaang-loob. Kung sa palagay niya na wala siyang mga pagkakamali, hindi niya matitiis ang pagkakamali ng iba.
Dapat suriin ng pinuno ang kanyang sarili, pinauunlad at pinabubuti ito nang may kababaang-loob. Dapat siyang magkaroon ng kamalayan sa kanyang mga sariling pagkakamali. Kung hindi niya iyon magagawa, hindi niya magagawang iwasto ang iba.
Nais ng isang pinuno na magkaroon ng pananagutan sa kanya ang mga tao para sa kanilang mga trabaho, ngunit dapat niyang isaalang-alang kung kanino siya may pananagutan. Kahit na siya ang pinakamataas na pinuno sa organisasyon, dapat siyang magkaroon ng pananagutan sa isang tao: maaaring sa board of directors, sa mga tagasuporta ng organisasyon, at sa mga taong kanyang pinaglilingkuran. Dapat niyang maunawaan ang kanyang sariling pananagutan, upang mahingi niya ang tamang pananagutan mula sa kanyang pinaglilingkuran.
May pananagutan din ang pinuno sa mga taong nagtatrabaho para sa kanya, dahil may responsibilidad siyang ibigay sa kanila ang mga kondisyong kailangan nila para magtagumpay. Hindi naaalala ng ilang pinuno ang mga pananagutang ito. Kailangang aminin ng isang pinuno ang kanyang mga pagkakamali at mapagtanto ito kapag hindi niya naibigay ang mga pangangailangan ng kanyang pinamumunuan.
Si Nebucodonosor ay isang mahusay na pinuno na naging mapagmataas sa kanyang nagawa at itinaas ang kanyang sarili sa halip na sumamba sa Dios. Ginawa ng Dios na mag-isip siya na katulad ng isang hayop sa loob ng pitong taon upang mapagtanto niya na nasa ilalim siya sa kapangyarihan ng Dios (Daniel 4:28-37).
Sa pitong taon na iyon, gumapang si Nebucodonosor sa bukid at kumain ng damo. Hindi niya nagawang gumanap bilang isang hari,ngunit hindi siya inalis mula sa kanyang posisyon. Siya ay nasa isang oriental/silanganing kultura kung saan ang posisyon ay hindi nakabatay sa kakayahan.
Naglakbay si Herodes Agrippa upang makipag-usap sa mga tao sa isang rehiyon na umaasa sa kanya patungkol sa pananalapi. Dahil nais nila ang kanyang mga pabor, pinuri nila siya, at sinasabing “Ang tinig na ito ay tinig ng isang dios at hindi ng tao.” Nang marinig ni Herodes ang papuri, sa halip na paalalahanan ang kanyang sarili na siya ay isang tao at makita na ang papuri ay hindi taos-puso, tinanggap pa rin niya ito. Nais niyang maramdaman na siya ay isang dios. Pinadalhan agad siya ng Dios ng karamdaman, at namatay siya mula sa mga parasito sa loob ng katawan (Gawa 12:20-23). Ang kabalintunaan ng kaganapang ito ay malinaw para sa lahat – ang tao na pinuri bilang isang dios ay namatay kaagad sa isang masakit at nakadidiring paraan.
Ang Paghimok at Pagbati
Ang pagpapahayag ng papuri para sa nagawa ng isang tao ay maaaring gawin sa iba’t ibang paraan. Ang hayaan ang isang tao na gawin ang kanyang trabaho nang walang panghihimasok/pakikialam ay isang paraan upang ipakita ang kumpiyansa. Kung tuloy-tuloy ka sa pagsasabi sa kanya kung ano ang dapat gawin at kung paano ito gawin, ipinapakita mo na hindi mo siya pinagkakatiwalaan na gagawin niya nang maayos ang kanyang trabaho.
Ang positibong panghihikayat ay higit na mabisa kaysa sa pagpuna. Karamihan ng mga tao ay nasisiraan ng loob kapag sila ay pinupuna. Karamihan sa mga tao ay nagsasanggalang/ipinagtatanggol ang sarili kapag sila ay pinipintasan;sa halip na subukan na iwasto ang kanilang pag-uugali, sinisikap nila itong pangatwiranan.
Ang ilang taong nagsusulat patungkol sa pamumuno ay naniniwala na kahit nakakagawa ang isang tao ng mga bagay na mali o ilang mga bagay na tama, ang pinakamahusay na paraan upang paunlarin siya ay ipahayag ang iyong papuri sa mga nagagawa niyang tama at walang anumang sasabihin patungkol sa kung ano ang nagawa niyang mali. Ang kanyang pagganap ay hindi kinakailangang perpekto upang maging karapat-dapat na purihin. Anumang pagkilos na nagpapakita ng mabuting pagsisikap at anumang pagkilos patungo sa tamang direksyon ay maaaring purihin. Kaya ang magiging resulta niyon ay higit niyang gagawin ang mga tamang aksyon at mas kaunti sa mga maling aksyon.
Maraming tagapanguna ang gumagawa ng pinakamalaking pagkakamali kapag pinapansin lamang ang mga maling bagay na ginagawa ng mga tao. Hindi nila napapansin ang mga mabubuting bagay dahil ang mga ito ay hindi isang problema. Nagmamasid lamang sila upang makita ang mga problema. Iniisip ng tagasunod na ang kanyang mga nagawa ay hindi nakikita dahil hindi ito nababanggit.
Isinulat ni Apostol Pablo sa mga mananampalataya sa Corinto na iwasto ang maraming pagkakamali, lalo na sa kanilang paggamit ng mga espirituwal na kaloob. Ngunit tingnan kung paano niya sinimulan ang kanyang liham (1 Corinto 1:4-7). Pinuri niya sila sa pagkakaroon ng napakaraming espirituwal na kaloob. Ngayon ay isipin: paano kung inuna niyang pagalitan ang mga ito sa kanilang paggamit ng mga espirituwal na kaloob nang hindi binabanggit ang papuri sa mga ito? Maaari silang tumugon ng, “Hindi ba niya nakikita na marami tayong mga espirituwal na kaloob? Hindi ba niya pinahahalagahan kung gaano tayo lumalago sa mga espirituwal na kaloob?” Ipinahayag ni Pablo ang kanyang papuri sa kanilang kalakasan bago binanggit ang tungkol sa kanilang mga pagkakamali.
► Posibleng Pagsasanay: Tingnan ang mga liham sa pitong iglesia na nasa Asia sa Pahayag 2-3. Paano nagsisimula ang bawat liham?
Ang mga anyo ng pagbati ay maaaring ilagay sa iba’t ibang pares ng kategorya.[1] Ayon kina Blanchard at Bowles, ang lahat ng anyo ay mabuti, ngunit ang pangalawang anyo ng bawat pares ay ang pinakamabisa.
Mga Nakaprogram o Kusang-loob
Ang isang halimbawa ng nakaprogramang pagbati ay isang sertipiko. Ang kusang-loob na pagbati ay isang hindi inaasahang gantimpala o papuri.
Grupo o Indibidwal
Ang isang koponan ay nakakatanggap ng karangalan para sa tagumpay nito. Ang isang indibidwal ay maaaring purihin o gantimpalaan para sa kanyang tiyak na kontribusyon.
Pangkalahatan o Tiyak
Ang isang halimbawa ng pangkalahatang pagbati ay kapag ang isang tao ay pinarangalan para sa haba ng panahon ng kanyang pagtratrabaho. Ang isang tiyak na pagbati ay maaaring magawa kapag ang isang tao ay gumawa ng isang bagay na espesyal para sa isang customer.
Tradisyonal o Natatangi
Ang isang karagdagang bayad, isang sertipiko, o isang plake ay isang tradisyunal na pagbati sa ilang mga lugar. Ang isang regalo na nakakatugon sa personal na pangangailangan o interes ng isang tao ay natatangi.
Kung ang isang tao ay hindi nakakagawa ng maayos ngunit may pagnanais na makagawa ng maayos, maaaring hindi mo siya mapapurihan ng tapat, ngunit maaari mo siyang bigyan ng motibasyon. Ipakita ang pagpapahalaga sa pangako ng pakikibahagi niya at magpakita ng kumpiyansa sa tao na magagawa niya ang mas mabuti sa hinaharap.
► Anong mga uri ng pagtugon sa pagganap ang nais mong matanggap? Anong mga uri ang ginagamit mo para sa iba?
[1]Ken Blanchard and Sheldon Bowles, Gung Ho: Turn on the People in Any Organization (New York: William Morrow, 1997), 146
Isaalang-alang si Jose
Si Joseph ay ipinagbili bilang alipin ng kanyang mga kapatid. Nang maglaon ay nanatili siya ng maraming taon sa bilangguan dahil sa isang maling paratang.
Tumanggi si Jose na madaig siya ng galit. Sa halip ay pinili niyang tumulong. Naging pinuno siya sa pamamagitan ng paglilingkod. Pinangasiwaan niya ang pag-aari ng lalaking kanyang pinaglilingkuran (Genesis 39:4). Kalaunan,siya ay naging tagapamahala sa bilangguan.
Binago ng Dios ang kalagayan ni Jose at inilagay siya sa isang mataas na posisyon sa Ehipto. Nang dumating ang mga kapatid ni Jose, pinatawad sila ni Jose, dahil napagtanto niya na ang Dios ang siyang may kontrol sa kanyang buhay (Genesis 50:20). Ginamit ng Dios si Jose upang iligtas ang Ehipto, ang iba pang bansa, at ang kanyang pamilya mula sa pagkagutom.
Maraming may potensyal na maging pinuno ang pinanghihinaan ng loob at naiinis dahil sa kawalan ng katarungan na naranasan nila. Pakiramdam nila na imposible para sa kanila na magkaroon ng promosyon dahil sa mga taong ipinagkait sa kanila ang pagkakataon. Napagtanto ni Jose na ang Dios ang may kontrol sa kanyang buhay.
Pagpuna at Pagwawasto
Palaging tandaan na karamihan sa mga tao ay tumutugon sa pagpuna nang may pagtatanggol. Nararamdaman nila na ang pagpuna ay nag-aalis ng kanilang personal na halaga. Kapag napipintasan sila, nais agad nilang bigyang katwiran ang kanilang sarili.
Mayroong isang lumang kasabihan:“Kapag martilyo lamang ang tanging kagamitang mayroon ka, nais mong tingnan ang bawat problema bilang isang pako.” Ginagamit ng ilang pinuno ang pagpuna bilang isang martilyo, at sinusubukan nilang iwasto ang bawat problema sa pamamagitan ng “pagmamartilyo” sa isang tao. Dapat makabuo ang pinuno ng relasyong may pagtitiwala sa kanyang mga pinamumunuan upang malaman nila na nais niya silang tulungan.
Bago maganap ang anumang pagpuna at maging sa panahon nito, dapat ipakita ng pinuno ang pagpapahalaga sa mga katangian ng tao. Kilalanin ang mabubuting ginagawa nila. Ipakita na inaasahan mong makita silang gumagawa ng mabuti. Ipahayag ang papuri sa kahalagahan ng iyong kaugnayan sa taong iyon.
[1]Nais makita ng tao kung ano ang nararamdaman mo sa kanya. Kapag itinatama mo siya, pinagmamasdan niya ang mga pahiwatig ng iyong damdamin. Kung ano ang iniisip niyang nararamdaman mo sa kanya ay mas nakakaapekto sa mga resulta ng pagwawasto ng higit sa impormasyong iyong tinatalakay.
Hangga’t maaari, ilarawan ang mga epekto ng maling pagkilos nang hindi siya sinisisi, sa halip ay akuin ang responsibilidad ng epekto nito bilang pinuno. Ipakita na patuloy kang nagtitiwala at umaasa sa mabuting resulta.
► Magbigay ng isang halimbawa kung paano mo maitatama ang isang tao gamit ang mga direksyon sa itaas.
Sa isang pag-uusap upang maiwasto ang maling pag-uugali, subukang talakayin ang isang problema lamang, sa halip na magsabi ng maraming pagkakamali. Kung sasabihin mo sa kanila ang maraming bagay na mali sa kanila, ipagpapalagay nila na wala silang halaga.
Huwag maging sarcastic.Huwag gamitin ang mga salitang “hindi kailanman” o “palaging” kapag naglalarawan ng kanilang mga pagkakamali. Huwag ulit-ulitin ang mga negatibong bagay ng higit pa sa kinakailangan.
Kapag nakikipag-usap sa isang tao na mayroong problema (kabilang ang isang pinuno na mas nakahihigit sa iyo), isaalang-alang ang mga katanungang ito:nasaan na siya sa kanyang buhay, ano ang nararamdaman niya tungkol sa kanyang mga sitwasyon, at ano talaga ang gusto niya?
Ang isang koponan ay dapat sadyaing matuto mula sa mga pagkakamali at mga pagkabigo. Pag-aralan ang isang pagkakamali–hindi upang sisihin ang sinuman, kundi upang matuto mula dito. Pagkatapos, ang isang pagkakamali ay hindi dapat gamitin upang ipanglaban sa isang tao.
Pahintulutan ang ilang mag-aaral na ibahagi kung paano nila inaasahan na babaguhin ng leksiyong ito ang kanilang mga layunin o aksyon.
“Magtiwala, ngunit siguraduhin/tiyakin.”
- Ronald Reagan
Limang Buod na Pahayag
Dapat ring makayanang masuri at maiwasto ng pinuno ang mga pagganap ng mga taong kanyang pinamumunuan.
Kapag nakakagawa ng magandang desisyon ang pinuno at nagreresulta ng maganda, tumataas ang pagtitiwala ng board/kumite sa kanya.
Ang mga tao ay nauudyukan ng pag-asang maapruban ng iba.
Ang positibong panghihikayat ay mas epektibo kaysa sa pagpuna.
Ang isang pangkat ay dapat sadyain na matututo mula sa mga pagkakamali at pagkabigo.
Mga Takdang Aralin
(1) Sumulat ng isang talata na nagbubuod ng isang konseptong nakakapagpabago ng buhay mula sa leksiyong ito. Ipaliwanag kung bakit ito mahalaga. Ano ang kabutihang magagawa nito? Anong pinsala ang maidudulot kapag hindi ito nalaman?
(2) Ipaliwanag kung paano mo mailalapat ang mga alituntunin ng leksiyong ito sa iyong sariling buhay. Paano binabago ng leksiyong ito ang iyong mga layunin? Paano mo planong baguhin ang iyong mga aksyon?
(3) Isaulo ang Limang Buod na Pahayag para sa Leksiyon 15. Maging handa na isulat ang mga ito mula sa memorya sa simula ng susunod na sesyon ng klase.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.