Lesson 2: Mga Biblikal na Kwalipikasyon para sa Pamumuno
14 min read
by Stephen Gibson
Panimula
Ang ilang tao ay naniniwala na dahil lahat tayo ay pantay-pantay ang halaga sa Dios, dapat ay walang sinuman ang may awtoridad o higit na nakakataas sa iba sa loob ng iglesya. Maraming tao ang nagsasabi na naniniwala sila sa pamumuno, ngunit kumikilos sila na para bang malaya sila sa anumang espirituwal na awtoridad.
► Itinuturo ba ng Biblia na dapat mayroong awtoridad sa isang iglesya? Magbigay ng mga halimbawa.
[1]Tinukoy ng Biblia ang pamumuno sa iglesya sa maraming bahagi.[2] (Ang ilan sa mga halimbawa ay ang Hebreo 13:7, 17; Tito 1:5; Roma 12:8; 1 Corinto 14:40; at 1 Timoteo 5:17.)
Ang pagtukoy sa pamumuno bilang impluwensya ay makakatulong sa atin na makita ang mga tungkulin ng pamumuno sa iglesya. Ang ilang mga tiyak na tungkulin ay idinisenyo ng Dios upang ang mga pinuno ay tawagin at bigyan ng kapagyarihan na mamuno sa iglesya upang matupad ang mga layunin nito.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Efeso 4:11-12 para sa pangkat.
Hindi lahat ng mga tungkulin sa ministeryo ay maaaring tukuyin na may tiyak na pagtawag sa listahang ito. Halimbawa, ang isang musikero o pinuno ng pagsamba ay hindi isa sa mga ito. Gayunpaman, ang bawat tungkulin sa pamumuno ng ministeryo ay dapat na nakatuon sa pagtulong sa iglesya na matupad ang mga layunin nito.
Ang mga tungkulin sa pamumuno ay hindi limitado sa pangangaral pagtuturo, at pag-eebanghelyo. Ang responsibilidad ng iglesya ay mas malawak kaysa sa mga ito. Ang mga miyembro ng iglesya ay nagtutulungan din upang matugunan ang mga praktikal na pangangailangan. Ang isang tao na namumuno sa iba upang magbahagi ng kagamitan para sa paghahardin ay tumutulong sa iglesya na tuparin ang layunin nito. Ang mga responsibilidad ng iglesya ay nagiging dahilan upang magkaroon ng mga tungkulin ng pamumuno na higit pa sa mga nangyayari sa loob ng gusali ng iglesya.
“Dati hinihiling ko sa Dios na tulungan ako. Pagkatapos itinatanong ko sa Dios kung maaari ko ba siyang tulungan. Nagtapos ako sa paghiling sa kanya na gawin ang kanyang plano sa pamamagitan ko. “
J. Hudson Taylor
[2]Kung may sinuman sa grupo ang nagsasabi na ang pamumuno sa iglesya ay hindi na kailangan o hindi ayon sa Biblia, dapat siyasatin ng grupo ang Kasulatan na nakalista sa panaklong. Iwasang umubos ng maraming oras sa usaping ito
Ang banal na kasulatan na ating pinag-aaralan sa leksiyong ito ay partikular na nakatuon sa mga pastor at diyakono. Gayunpaman, ang karamihan sa mga kwalipikasyon ay tungkol sa pag-uugali, at hindi sa mga kakayahan. Ang lahat ng mga Kristiyano ay dapat magkaroon ng pag-uugali na inilarawan dito. Ang mga tagapanguna ay magiging mas epektibo kung mayroon sila ng mga pag-uugaling ito. Habang tinitingnan mo ang bawat kalidad ng pag-uugali, isipin kung paano ito nakakaapekto sa kakayahang mag-impluwesya ng isang tao.
Itinalaga ni Apostol Pablo ang mga pinuno para sa mga bagong iglesya saan man may mga pangkat ng mga nagbalik-loob (Gawa 14:23). Marami sa mga bagong pastor na ito ay kababalik-loob pa lamang. Tiyak na hindi pa nila matutugunan ang lahat ng mga kwalipikasyong ito, ngunit itinalaga ni Pablo ang pinakamahusay na pinuno na maaaring mamuno. Sila ay mga taong may potensyal para sa pag-unlad. Maaring gamitin ng Dios ang isang taong nakatuon kay Kristo at sa ministeryo, kahit na hindi lahat ng mga katangian ay lubusan nang napapaunlad.
Mayroon tayong dalawang talata tungkol sa mga kwalipikasyon ng mga pastor at diyakono. Isinulat ito ni Apostol Pablo kina Timoteo at Tito. Si Timoteo ay namumuno sa iglesya ng Efeso, at si Tito ay namumuno sa mga iglesya ng Crete. Mayroon silang tungkulin na magtalaga ng mga pastor para sa bawat lokal na kongregasyon.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Timoteo 3:1-7 para sa pangkat.
Mga Kwalipikasyon ng isang Pastor
(1) Walang Kapintasan
Ang pastor ay hindi dapat mapintasan na gumagawa ng mga maling gawain. Hindi maaaring akayin ng pastor ang iba upang gumawa ng tama kung hindi siya gumagawa ng tama. Ang pastor ay dapat na isang tao na nagpapakita ng isang tuloy-tuloy na buhay Kristiyano sa loob ng mahabang panahon. Kinakailangan ito upang mapagkatiwalaan siya ng iglesya at upang magkaroon ng magandang patotoo sa pamayanan.
Sa isang lugar kung saan ang iglesya ay hindi pa ganoon katagal na naitatatag, ang pastor ay maaaring hindi pa ganoon katagal sa pagiging Kristiyano. Maaaring wala sa kanya ang lahat ng mga katangian ng isang matanda sa pananampalataya, ngunit dapat siyang nagpapakita ng isang buhay na nakatuon sa Dios. Dapat handa siyang aminin ang kanyang mga pagkakamali at iwasto ang kanyang sariling pag-uugali.
Sa loob ng maraming taon, ang isang pastor sa Asia ay matagumpay na ginamit ng Panginoon sa isang nayon. Ang kanyang tagumpay ang naging tukso sa kanya na magmataas, magkaroon ng pakiramdam na hindi siya maaaring magkasala, at magpabaya sa kanyang espirituwal na kalagayan. Isang gabi ay may isang dalagita na humiling na sumakay sa kanyang motorsiklo. Sa kanyang kahangalan ay sumang-ayon siya, kahit na alam niyang magiging sanhi ito ng tukso para sa kanya at maaaring makapinsala sa kanyang reputasyon sa pamayanan. Nang malaman ng kanyang mga miyembro ang tungkol sa kanyang maling ikinilos, nawalan sila ng kumpiyansa sa kanyang integridad. Nang maglaon ay kinailangan niyang magbitiw sa kanyang ministeryo. Sa biyaya ng Dios, ang pastor na ito ay nagpakumbaba sa harap ng Dios at sa mga taong kanyang nasaktan. Tinanggap niya ang disiplina ng kanyang espirituwal na tagapangalaga. Unti-unti ay naibalik ang tiwala sa kanya, at mas tumaaas ang pagiging epektibo ng kanyang ministeryo.
► Ano ang mangyayari kung hindi mapagkakatiwalaan ang isang pinuno?
(2) May iisa lamang na Asawa
Sa maraming bahagi ng mundo, ang pag-aasawa ng marami ay naging isang pangkaraniwang kaugalian. Disenyo ng Dios para sa isang lalaki na magkaroon ng isang asawa. Dapat ipakita ng mga pastor ang halimbawang ito. Ipinapahiwatig ng pamantayang ito na dapat gawin ng pastor ang kanyang pinakamainam na makakaya upang maging isang mabuting asawa. Dapat siyang maging tapat at mapagmahal sa kanyang asawa.
(3) Mapagbantay
[1]Ang isang pastor ay maihahalintulad sa isang pastol na nagbabantay sa kanyang mga tupa. Siya ang tagapagtanggol ng kanyang kongregasyon. Dapat siyang magbantay laban sa maling doktrina at maling impluwensya. Dapat niyang turuan ang kanyang mga miyembro upang maging matatag sila sa kanilang mga doktrina. Dapat ay handa siya na bigyan ng babala ang mga indibidwal tungkol sa espirituwal na panganib. Hindi niya dapat pahintulutan na ituro sa iglesya ang mga nakakasamang doktrina.
(4) Seryoso
Ang pastor ay dapat maging seryoso tungkol sa kanyang ministeryo. Hindi siya dapat maging isang mapusok na tao na masyadong mabilis gumawa ng mga desisyon, o sa kanyang emosyon. Dapat ay kaya niyang mag-isip ng mahinahon tungkol sa mahahalagang isyu. Hindi niya dapat hayaan na magulo ang kanyang isipan mula sa ministeryo dahil sa mga personal na alalahanin, mga libangan, o tukso.
(5) Maayos ang pag-uugali
Ang pastor ay dapat magkaroon ng maayos na pag-uugali. Hindi siya dapat kumikilos sa paraang hindi naangkop. Ang kanyang pag-uugali ay dapat na naaayon sa mga alituntunin ng kabanalan na itinuturo niya.
Ang isang pastor ay dapat matutong magpakita ng paggalang sa mga kaugalian ng lugar kung saan siya naglilingkod. Kung mapagtanto niya na nakagawa siya ng pagkakamali na ikinagalit ng isang tao, dapat siyang maging mapagpakumbaba at humingi ng tawad.
(6) Bukas ang tahanan sa Pagtulong
Ang pagiging bukas ang tahanan sa pagtulong ay nangangahulugang matugunan ang mga pangangailangan ng isang taong naglalakbay at nangangailangan ng pagkain at matutuluyan. Ang pastor ay dapat isang tao na tumutugon sa mga pangangailangan ng iba. Dapat ay handa siya sa pagbibigay. Dapat siyang maging palakaibigan at matulungin kahit sa mga taong unang beses niyang nakita.
► Bakit mahalaga ang kalidad na ito para sa isang namumuno?
(7) Kayang magturo
Ang isang pastor ay kinakailangang kayang maipaliwanag ang katotohanan upang maunawaan ito ng mga tao. Dapat niyang tanggapin ang responsibilidad na basahin ang Kasulatan at turuan ang kanyang sarili.
(8) Hindi lasinggero
Hindi dapat hayaan ng isang pastor ang kanyang sarili na maimpluwensyahan ng alak. Ang kanyang pag-uugali ay hindi dapat maging katulad ng isang taong apektado ng alkohol. Ang prinsipyong ito ay nalalapat sa anumang iba pang sangkap na may katulad na epekto.
(9) Hindi marahas
Hindi dapat subukan ng isang pastor na gumamit ng karahasan sa kanyang mga nais gawin. Hindi siya dapat manakit ng sinuman na nakasakit sa kanya. (Tingnan din ang 2 Timoteo 2:24-25.)
► Ano ang mga tamang paraan upang maipakita ng isang pastor ang tamang uri ng pagkagalit?
(10) Hindi sakim
Binabago ng mga tao sa mundo ang kanilang mga sinasabi para kumita. Ang mga tao sa ilang mga hanapbuhay katulad ng mga abugado, salesmen, o mga pulitiko ay natutuksong baguhin ang katotohanan upang masiyahan ang mga tao. Ang isang pastor ay natutukso din, sapagkat ang katotohanan ng Salita ng Dios ay hindi nakalulugod sa lahat. Ang isang pastor ay dapat na maging tapat sa katotohanan kahit na kapakipakinabang ito o hindi sa
Dapat hangarin ng pastor na makita ang ministeryo ng iglesya na sinusuportahan sa pananalapi. Dapat niyang pamunuan ang iglesya na kumilos katulad ng isang pamilya na nagmamalasakit sa mga miyembro nito, sa halip na palaging iniisip kung ano ang dapat nilang ibigay sa kanya.
(11) Mahusay na pamamahala sa kanyang tahanan
Ang kakayahan sa pamumuno ng isang pastor ay dapat naipapakita sa kanyang tahanan. Dapat ay napapasunod niya ang kanyang mga anak. Kung hindi niya kayang pamahalaan ang kanyang sariling tahanan, hindi niya magagawang mapamahalaan ang iglesya. Hindi ito nangangahulugan na ang kanyang mga anak ay dapat magkaroon ng perpektong pag-uugali, ngunit ang pastor ay dapat na matapat silang pinamumunuan at itinutuwid. Hindi kabilang dito ang mga anak na may edad na at malayo mula sa kanyang awtoridad, sapagkat hindi na siya mananagot para sa kanila.
(12) Hindi isang bagong mananampalataya
Kapag ang isang tao ay inilagay sa isang posisyon ng awtoridad nang napakabilis, siya ay matutuksong magyabang. Ang pagmamataas ay ang kasalanan na naging sanhi ng pagkahulog ni Satanas. Dapat na unti-unti ang pagbibigay ng promosyon kasabay ng karanasan.
► Ano ang pinsala na maaaring mangyari kung ang isang tao ay mabilis na inilagay sa isang posisyon at hindi nagawa ng maayos ang kanyang tungkulin?
(13) Mayroong isang mabuting reputasyon
Bago hirangin ang isang tao na maging isang pastor, dapat ay mayroon siyang mabuting reputasyon sa mga tao sa labas ng iglesya. Dapat nilang malaman na siya ay matapat at tapat sa lahat ng kanyang ginagawa. Kung mayroon siyang masamang reputasyon bago siya naging mananampalataya, kailangan niya ng panahon upang maitaguyod ang isang mas maayos na reputasyon bago siya maging isang pastor.
Isang Linggo ng umaga ay may pastor sa Africa na nangaral ng kanyang sermon, at pagkatapos ay sumakay sa bus upang umuwi. Pagkatapos niyang magbayad ng pamasahe, napansin niya na sobra ang isinukli sa kanya ng konduktor. Dahil siya ay isang taong may integridad ay ibinalik niya ang sobrang sukli sa konduktor at sinabi, “Paumanhin, Ginoo, sobra po ang sukli na naibigay ninyo sa akin.” Sumagot ang konduktor, “Hindi, sinadya ko po iyon.” “Nakatayo ako sa labas ng inyong iglesya at narinig ko ang iyong sermon tungkol sa katapatan. Nagpasya akong tingnan kung ipinamumuhay mo ito!” Sinasabi ng Biblia na ang isang mabuting reputasyon ay ang pinakadakilang kayamanan ng isang tao. (Kawikaan 22:1). Kaya, ang pinakamalalim na kahirapan na maaaring maranasan ng isang tao ay ang kahirapan ng isang pinagdududahang pangalan. Ano ang pumapasok sa isip ng iba kapag nabanggit ang iyong pangalan?
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Tito 1:5-11 para sa grupo.
Karamihan sa mga kwalipikasyon para sa isang pastor na nakalista sa Tito ay nakalista din sa talata mula sa 1 Timoteo.
► Ano ang mga karagdagang katangian ng isang pastor ang nasa talata sa Tito?
Binibigyang diin ng talata ang kakayahan ng isang pastor na tumugon sa maling doktrina. Ang pastor ay dapat na nasanay ng mabuti tungkol sa totoong doktrina at kayang maipaliwanag ito ng kaaya-aya. Ang layunin ay upang iwasto ang mga nasa maling doktrina, ngunit ang mas mahalaga, ay upang maprotektahan ang kongregasyon na maakay patungo sa pagkakamali. Ang isang pastor na walang gaanong edukasyon ay dapat na magpatuloy na magdagdag ng kanyang kaalaman sa pamamagitan ng pag-aaral.
“Bigyan mo ako ng isang daang tagapangaral na walang kinatatakutan kundi ang kasalanan at walang ninanais kundi ang Dios…sila lamang ang yuyugyog sa pintuan ng impiyerno at magtatatag sa kaharian ng Langit sa lupa.”
- John Wesley
Mga Kwalipikasyon ng mga Tagapaglingkod
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Gawa 6:1-6 para sa pangkat. Anong problema ang inilarawan sa talatang ito?
Ang mga unang tagapaglingkod ay itinalaga kaagad pagkatapos ng Araw ng Pentekostes. Kailangang pagtuunan ng pansin ng mga apostol ang pananalangin at pangangaral. Kinakailangan sila dahil sa maraming detalye ng pangangasiwa sa iglesya. Pitong kalalakihan ang hinirang upang tumulong sa mga detalye ng pamamahala sa iglesya.
Ang isang tagapaglingkod ay tumutulong sa pastor sa mga detalye ng ministeryo. Ang isang tagapaglingkod ay maaaring isang mangangaral, ngunit hindi iyon kinakailangan.
► Ano ang mga kwalipikasyon ng mga unang tagapaglingkod?
Ang mga kwalipikasyon ng mga unang tagapaglingkod ay ang reputasyon ng katapatan, ang pagiging puspos ng Banal na Espiritu, at may karunungan. Mangangasiwa sila ng pera para sa iglesya, kaya kinakailangan ang isang reputasyon ng katapatan. Ang kanilang gawain ay magkakaroon ng mga espirituwal na epekto sa iglesya, kaya’t kinakailangan na puspos sila ng Banal na Espiritu upang magkaroon ng patnubay, kapuspusan, at kadalisayan. Haharapin nila ang maraming mabibigat na sitwasyon, kaya’t mahalaga ang karunungan.
Inilista ni Apostol Pablo ang ilang mga kwalipikasyon para sa mga tagapaglingkod.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Timoteo 3:8-13 para sa pangkat.
(1) Kagalang-galang
Ang isang tagapaglingkod ay dapat na isang taong iginagalang sa kanyang mga relasyon sa pamilya, kaibigan, at pamayanan bago siya italaga bilang isang tagapaglingkod.
(2) Tapat mangusap
Ang isang tagapaglingkod ay dapat isang taong maaasahan sa lahat ng kanyang sinasabi. Makakarinig siya ng mga pagpuna tungkol sa mga tao sa iglesya at makakarinig ng maraming opinyon tungkol sa mga problema sa iglesya. Dapat ay isa siyang taong matapat sa kanyang mga sinasabi.
(3) Hindi lasenggo
Ang isang tagapaglingkod ay hindi dapat isang taong apektado ng alkohol. Ang kanyang pag-uugali ay dapat maging kagalang-galang at hindi pabago-bago.
(4) Hindi sakim
Ang isang tagapaglingkod ay magiging responsable na pamahalaan ang pananalapi para sa iglesya at para pangalagaan ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng iglesya. Hindi siya dapat isang taong sinusubukang makinabang sa kanyang ministeryo.
(5) Lubos na naniniwala sa doktrina at may mabuting budhi
Kapag ang isang tao ay nahulog sa kasalanan, kadalasan ay nagsisimula siyang maniwala sa maling doktrina. Kung ang isang tao ay nabubuhay sa espirituwal na katagumpayan, mas malamang na panghawakan niya ang tunay na doktrina.
(6) May karanasan
Bago mabigyan ang isang tao ng posisyon bilang isang tagapaglingkod, dapat ay magkaroon siya ng pagkakataong ipakita na siya ay may karunungan at mapagkakatiwalaan sa ministeryo. Ang matalinong pinuno ay magbibigay sa mga tao ng mga pagkakataong maglingkod bago sila bigyan ng mga posisyon na may awtoridad.
► Ano ang ilang mga halimbawa ng mga paraan na makakatulong ang isang tao sa ministeryo ng iglesya bago siya magkaroon ng posisyon na may awtoridad?
(7) Mayroong isang matapat na asawa
Ang ministeryo ng isang tagapaglingkod ay mapipinsala kung ang kanyang asawa ay tsismosa at hindi magandang halimbawa ng pagiging Kristiyano.
(8) Mahusay na pinamamahalaan ang kanyang tahanan
Katulad ng isang pastor, ang isang tagapaglingkod ay dapat maayos na pinamamahalaan ang kanyang tahanan.
Mga Katangian Ng Isang Pastor Na Namumuno Ng Mahusay
► Dapat talakayin ng klase ang kahalagahan ng bawat punto, na nagsisimula sa tanong na, “Bakit mahalaga ang katangiang ito?”
Ang kanyang katapatan ay hindi nahahati sa iba pang mga samahan.
Handa siyang bumuo ng isang grupo para sa ministeryo at gamitin ang mga kakayahan ng ibang tao.
Pinamumunuan niya ang kanyang kongregasyon na magbahagi ng buhay bilang isang espirituwal na pamilya, na nagmamalasakit sa lahat ng mga pangangailangan.
Nagsisilbi siya sa kanyang iglesya dahil sa pagmamahal sa Dios at sa mga tao, kaysa sa pansariling pakikinabang.
Mga espirituwal na priyoridad katulad ng pagsamba, pag-eebanghelyo, at espirituwal na paglago ang focus ng kanyang ministeryo.
Mayroong pagtitiwala at kumpiyansa sa kanya ang kanyang mga miyembro.
Handa siyang itatag ang iglesya bilang isang permanenteng institusyon at hindi bilang kanyang pagmamay-ari.
Pinamumunuan niyang lumago ang iglesya, nagtuturo patungkol sa pagkakaloob at pakikisama na tumutugon sa mga pangangailangan.
Siya ay matapat sa lahat ng bagay, kabilang ang paggamit ng salapi.
Ipinapakita niya ang kakayahang pamahalaan ng maayos ang pananalapi at mga kawani.
Mga katangian ng isang Mahusay na Pinuno ng Proyekto
Ang isang taong napili upang mamuno ng isang negosyo na pinamamahalaan ng iglesya ay dapat mayroon ng mga katangiang ito. Ang mga pinuno ng iglesya ay dapat na kumilos upang paunlarin ang mga katangiang ito sa mga miyembro. Ang mga miyembro ay maaaring makatulong sa responsibilidad ng iglesya at maaaring maidagdag sa pangkat ng mga namumuno.
► Dapat talakayin ng klase ang kahalagahan ng bawat punto, na nagsisimula sa tanong na, “Bakit mahalaga ang mga katangiang ito?”
Siya ay matapat sa isang lokal na iglesya–sa pagdalo, sa pagbibigay ng ikapu, at pakikibahagi, at may respetadong patotoo bilang Kristiyano.
Namumuhunan na siya ng kanyang pagsisikap at pagnanais sa lokal na iglesya.
Mayroon siyang buong katapatan at isang mataas na pamantayan ng etika.
Nagpapakita na siya ng pagkukusa at motibasyon na gawin ang kanyang makakaya
Mayroon siyang disiplina sa sarili, motibasyon, at patuloy na paglago.
Ipinapakita niya ang kakayahang mag-ayos at pamunuan ang iba, hindi lamang ang kakayahang kumilos kapag pinamumunuan ng ibang tao.
Mayroon siyang kakayahan na kinakailangan para sa kanyang tungkulin sa proyekto.
Pahintulutan ang ilang mga mag-aaral na ibahagi kung paano nila inaasahan na baguhin ng leksiyong ito ang kanilang mga layunin o aksyon.
Limang Buod na Pahayag
Idinisenyo ng Dios ang iglesya na kumilos sa ilalim ng pamumuno at gabay ng espiritu.
Maraming mga tungkulin sa pamumuno ang kinakailangan para sa mga pananagutan ng iglesya.
Karamihan sa mga kwalipikasyon para sa pamumuno ay nauugnay sa mabuting pag-uugali.
Ang isang pastor o ibang pinuno sa ministeryo ay dapat na patuloy na palaguin ang kanyang mabubuting katangian.
Nangangailangan ang isang pinuno sa ministeryo na maging responsable, may motibasyon, at mapagkakatiwalaan.
Mga Takdang Aralin
(1) Sumulat ng isang talata na nagbubuod ng isang konsepto na nakakapagpabago ng buhay mula sa leksiyong ito. Ipaliwanag kung bakit ito mahalaga. Ano ang kabutihang magagawa nito? Anong panganib ang maaaring maganap kung hindi ito malalaman?
(2) Ipaliwanag kung paano mo mailalapat ang mga prinsipyo ng leksiyong ito sa iyong sariling buhay. Paano binago ng leksiyong ito ang iyong mga layunin? Paano mo planong baguhin ang iyong mga aksyon?
(3) Isa-ulo ang Limang Pahayag na Buod para sa Leksiyon 2. Maging handa na isulat ang mga ito mula sa memorya sa simula ng susunod na sesyon ng klase.
(4) Bago ang susunod na sesyon, basahin ang 1 Samuel 2:12-36. Sumulat ng ilang mga obserbasyon tungkol sa pamumuno ni Eli.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.