Ang bawat isa ay dapat maging isang namumuno sa diwa na naiimpluwensyahan niya ang ibang tao. Halimbawa, ang bawat magulang ay dapat mamuno sa kanyang mga anak. Ang mga prinsipyong pinag-aaralan natin sa kursong ito ay makakatulong sa isang tao sa mga natural na posisyon ng pamumuno. Gayunpaman, ang kursong ito ay higit na nakatuon sa mga prinsipyo ng pamumuno na lampas sa natural na posisyon na dapat punan ng bawat tao.
Ang isang tao ay maaaring magkaroon ng iba’t ibang motibo para sa pagnanais na maging isang pinuno. Ang tamang motibo ay ang pagnanais na maglingkod.
[1]Ang pagsasanay ay maaaring gawin ang isang tao na maging higit ang kaalaman at kakayahan kaysa sa ibang tao. Maaaring magkamali siya na magsimulang makaramdam na siya ay higit na mas mahalaga kaysa sa ibang tao. Maaaring magsimula siyang umasa ng espeyal na pagtrato mula sa iba, na hindi lamang bilang paggalang sa kanyang posisyon, kundi dahil sa isang pakiramdam na nagtataglay siya ng pagiging higit sa iba.
Nagbabala si Apostol Pablo, “Ang kaalaman ay nagtutulak sa isang tao upang maging mapagmataas” (1 Corinto 8:1). Hindi niya ibig sabihin na ang kaalaman ay isang masamang bagay o ito’y awtomatikong nakakasama. Sa konteksto, ang tinutukoy niya ay ang tungkol sa isang taong alam ang ilang mga bagay ngunit sa kanyang paraan ng paggamit ng kanyang kaalaman ay hindi nagpapakita na siya ay nauudyukan ng pagmamahal.
Sa pagsasanay, maaaring gawing mas epektibo ang isang tao para sa kaharian ng Dios, ngunit ito ay mangyayari lamang kung ang kanyang hangarin ay mapagpakumbabang paglilingkod.
“Ang isang taong nagnanais ng kaluwalhatian ay hindi nakatutupad ng maraming bagay.”
- Sam Walton
Pagiging isang Pinuno
Paano nagiging isang pinuno ang isang tao? Tandaan, hindi lamang tungkol sa mga opisyal na posisyon ang pinag-uusapan natin. Ang isang pinuno ay isang taong may impluwensya, isang taong sinusundan ng mga tao.
Nakikita natin na may mga tao na ipinanganak na may likas na kakayahang mang-impluwensya ng iba. Nagpapakita sila ng kumpiyansa, mabilis silang makahanap ng mga solusyon, at ang mga tao ay sumusunod sa kanila nang natural. Dahil umiiral ang mga personalidad na ito, maaari mong ipalagay na may mga tao na ipinanganak upang maging pinuno at ang iba ay hindi. Gayunpaman, ang mga pinuno ay nabubuo mula sa iba’t ibang kadahilanan.
Ayon sa isang matandang alamat sa Ukraine, may isang binata na nagpunta sa isang pari at sinabi, “Father, nanaginip ako na ako ay naging isang pinuno ng 10,000 na kalalakihan. Magiging totoo po ba ito?” Sumagot ang pari, “ang kulang na lang ngayon ay ang 10,000 na kalalakihan na ang pangitain ay ikaw ang kanilang pinuno.”
Mga Katangian na Bumubuo sa isang Pinuno
Ang isang tao ay maaaring maging isang pinuno mula sa isa sa mga katangiang ito o mula sa pagsasama ng ilan sa mga ito. Gayunpaman, wala sa mga ito ang sapat upang gawing pangmatagalan, mabisang pinuno ang isang tao kung siya ay lubos na nagkukulang sa ibang mga dahilan.
(1) Malinaw na likas na kakayahan
Ang isang tao na tila buo ang loob ay maaaring maging isang biglaang pinuno saanman siya magpunta. Gayunpaman, kung mabigo siyang tuparin ang mga ipinakita niyang aasahan mula sa kanya, hindi siya magpapatuloy na mamuno. Kahit na ang isang tao na may likas na kakayahan, dapat niyang sundin ang mga prinsipyo ng pamumuno upang magpatuloy na maging epektibo.
(2) Pagtugon sa isang sakuna
Maraming mga pinuno ang lumitaw bilang tugon sa isang problema. Ang isang malaking sakuna ay maaaring magsiwalat ng isang pinuno. Ang tugon sa sakuna ay nagmumula sa isang pakiramdam ng pagtawag o isang pakiramdam ng responsibilidad na sumasalungat sa taong nagmamasid at nagrereklamo lamang at nag-iisip na kaya lamang niyang pangasiwaan kung ano ang nasa kanya.
Ang isang sakuna ay nagbibigay ng pagkakataon para sa isang potensyal na pinuno, ngunit ang iba pang mga katangian ay kinakailangan para sa pangunguna pagkatapos lumipas ng sakuna. Kung minsan ang isang tao na namuno nang maayos sa isang sakuna ay hindi nagagawang mamuno ng maayos sa iba pang mga pangyayari.
(3) Pangmatagalang Pananagutan
Kung minsan ang isang tao ay namumuno sapagkat siya ay maaasahan at matapat sa loob ng maraming taon. Pinagkakatiwalaan siya ng mga tao dahil alam nila na lubos ang katapatan niya sa samahan.
(4) Dalubhasa sa isang larangan
Ang isang tao ay maaaring maging pinuno sapagkat nakakuha siya ng kaalaman at kasanayan sa isang tukoy na larangan. Maaari lamang siyang mamuno sa ilang mga sitwasyon at sa paglutas ng ilang mga problema.
(5) Mga natutunang prinsipyo sa pamumuno
Maaaring matutunan ng isang tao na mamuno sa pamamagitan ng mga prinsipyong pinag-aaralan sa kursong ito. Gayunpaman, ang pagsasanay ay hindi maaaring gawing isang mabisang pinuno ang isang tao maliban kung mayroon siyang likas na kakayahan.
(6) Banal na pagkakatawag
Tinawag ng Dios ang mga apostol, propeta, tagapagbahagi ng ebanghelyo, mga pastor, at guro (Efeso 4:11). Sa mga lipunan ng mundo, ang Dios ay may kapangyarihan sa pagtatalaga ng mga tao sa matataas na posisyon (Awit 75:7, Daniel 2:21).
Kung minsan ang mga tao ay nagugulat kapag tinawag ng Dios ang isang tao na tila walang likas na abilidad, ngunit palaging ibinibigay ng Dios ang mga kakayahang kinakailangan ng isang tao upang matupad ang pagtawag ng Dios.
Kung nakikita ng mga tao na ang isang namumuno ay nakatuon sa isang layunin/kadahilanan at tinutulungan ng Dios, maaaring sundan nila siya para sa isang layuning pinaniniwalaan nila. Upang mapanatili ang kanilang katapatan, kinakailangan na ipakita niya ang kanyang kakayahan, pagiging maaasahan, at pag-uugali.
Mga katangian para sa Pamumuno mula sa Banal na Kasulatan
Tingnan natin kung paano sinimulan ng ilang kalalakihan ang kanilang pamumuno na binanggit sa Banal na Kasulatan.
Ang tagapangunang Propetang si Eliseo: Pangunguna sa Transisyon
Si Eliseo ay pinili ng Dios upang maging propetang mangunguna sa Israel pagkatapos ni Elias. Ang Transisyon/Pagsasalin ay inilarawan sa 1 Hari 19:19-21 at sa 2 Hari 2:1-15.
[1]Ang pagtawag ng Dios ay isang malinaw na kadahilanan upang maging isa siyang pinuno. Gayunpaman, may iba pang mahahalagang detalye. Handang iwanan ni Eliseo ang isang malaking bukirin upang italaga ang kanyang sarili sa ministeryo. Ang pagtawag ng Dios ay mas mahalaga kay Eliseo kaysa sa kayamanan. Si Gehazi, na kalaunan ay naging isa sa mga katuwang ni Eliseo, ay nawalan ng pagkakataong maglingkod sa ministeryo dahil sa kanyang pag-ibig sa pera. (2 Hari 5:20-27).
Si Eliseo ay handang maging isang tagapaglingkod, marahil sa loob ng ilang taon, bilang bahagi ng kanyang pagsasanay. Kung wala ang kanyang pagnanais, hindi siya magtatagumpay sa ministeryo.
Alam ni Eliseo na ang matandang propeta, na si Elias, ay gumawa ng mga kamangha-manghang bagay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios. Pinahinto niya ang ulan sa loob ng tatlong taon. Ipinahayag niya ang pagkamatay ng mga masamang hari at reyna. Nanalangin siya para sa pagpapadala ng apoy mula sa kalangitan at iyon ay naganap.
Napagtanto ni Eliseo na ang kanyang responsibilidad sa hinaharap ay hindi matutupad sa pamamagitan ng pagsasanay sa mga pamamaraan ng tao. Napagtanto niya na dapat ay mayroon siyang pagpapala at gabay ng Espiritu ng Dios para siya magtagumpay, ay iyon ang kanyang hiniling.
Matapos kunin ng Dios si Elias, kinuha ni Eliseo ang balabal ni Elias at hinampas ang tubig gamit ang balabal, habang sinasabing “Nasaan ang Panginoong Dios ni Elias?” Pinagmamasdan siya ng mga batang propeta upang malaman kung ang ministeryo ng bagong pinuno ay mayroon ring kapangyarihan ng Dios. Nang makita nila ang himala, sinabi nila, “Ang espiritu ni Elias ay nakay Eliseo” (2 Hari 2:15). Nakita nila ang pagsasalin ng kapangyarihan ng Dios mula kay Elias patungo kay Eliseo.
Ang mga responsibilidad ng pamumuno ay hindi maiiwasang isalin mula sa mas matanda patungo sa mga nakakabatang pinuno. Gayunpaman, ang kapangyarihan ng Dios ay hindi awtomatikong naisasalin. Ang isang bagong henerasyon ng mga pinuno na walang pananampalataya ay mawawalan ng kapangyarihan ng Dios at aasa sa mga pamamaraan ng tao.
Si Gideon: Pangunguna sa isang Krisis
Si Gideon ay hindi isang pinuno sa kanyang bansa o tribo. Ang kanyang bansa ay ninanakawan bawat taon sa panahon ng anihan. Si Gideon ay walang ideya upang baguhin ang sitwasyon; sinusubukan niyang itago ang pagkain nang may pumunta sa kanyang mensahero ng Dios. Sinisikap lamang niyang mabuhay at isaayos ang kanyang pangsariling sitwasyon. Hindi ito ang ugali ng isang pinuno.
Tinawag ng Dios si Gideon na isang “makapangyarihan at matapang na lalaki” sapagkat alam ng Dios kung ano ang maaari niyang gawin. Nagulat si Gideon na pinili siya ng Dios, kaya humingi siya ng maraming palatandaan para patunayang totoo iyon. Matatagpuan ang kuwento ni Gideon sa Mga Hukom 7-8.
Sumunod si Gideon sa Dios nang sirain niya ang isang lugar ng pagsamba sa mga dios-diosan at gumawa ng paghahandog sa Dios kahit na malagay sa panganib ang kanyang buhay. Ang kanyang pagkilos ay hindi naging sanhi ng reporma sa relihiyon sa panahong iyon, ngunit nagbigay ito sa mga tao ng pagdududa sa kapangyarihan ng mga dios-diosan.
Si Gideon ay lubos na umasa sa Dios. Sinunod rin niya ang tagubilin ng Dios na paalisin ang karamihan sa mga hukbo. Bumuo si Gideon ng isang hindi pangkaraniwang plano ng paglusob, at nagbigay ang Dios ng isang malaking katagumpayan.
Sa kasamaang palad, pagkatapos ng tagumpay ni Gideon, hindi niya pinangunahan ang mga tao na maglingkod sa Dios kundi muling bumaling sa pagsamba sa mga dios-diosan. Kung ang isang pinuno ay hindi tuloy-tuloy sa loob ng pangmatagalang pamumuno, mabibigo siya na makamit ang kanyang buong potensyal para sa Dios.
Si Nehemias: Pangunguna na may Pangitain
Si Nehemias ay isang Judio na nagtratrabaho para sa hari ng Babilonia na malayo sa kanyang tahanan. Narinig niya ang tungkol sa kalagayan ng Jerusalem. Ang lungsod ay nasakop, ang mga pader ay nasira, na nangangahulugang ang mga tao ay nasa kaawa-awang kalagayan mula sa mga mananakop.
Nakaramdam si Nehemias ng personal na responsibilidad na kumilos. Karamihan sa mga tao ay nalulungkot sa balitang iyon ngunit hindi nakaramdam ng anumang obligasyong tumulong. Hindi nila inaasahang makakaya nilang baguhin ang sitwasyon. Nararamdaman ng isang pinuno ang responsibilidad dahil iniisip niya na posibleng baguhin ang sitwasyon. Dahil kaya niya, alam niyang dapat niya iyong gawin.
Nanalangin si Nehemias para sa pagkilos ng Dios. Alam ni Nehemias na ang muling pagtatayo ay hindi maaaring mangyari kung wala ang tulong ng Dios. Ang isang Kristiyanong pinuno ay hindi sinusubukan na baguhin ang mundo upang maging katulad ng kanyang pansariling pangitain, sa halip ito dapat ay mula sa pananaw ng Dios. Ang kanyang kumpiyansa ay nakabatay sa Dios at hindi sa tao.
Nagbigay ang Dios ng isang natatanging pagkakataon. Nagpakita ang hari ng interes sa problema ni Nehemias. Ang prinsipyo ay hindi ang pagkakaroon natin ng makapangyarihang tao upang matulungan tayo. Ang prinsipyo ay kung ang layunin ba ay plano ng Dios, magbibigay ang Dios ng mga espesyal na pagkakataon upang maisakatuparan ang layuning iyon.
Dumating si Nehemias sa Jerusalem at ipinaliwanag ang kanyang pangitain sa mga pinuno duon. Nagsimula ang pangitain sa isang tao, ngunit di naglaon ay nagsimulang ibahagi ito. Hindi maaasahan ng isang pinuno na mauunawaan agad ng lahat ang pangitain. Nagsisimula ang suporta mula sa iilang tao.
Kinakailangan na magkaroon ng ilan na makikibahagi sa pangitain; kung hindi gayun, walang sinumang pamumunuan ang pinuno. Ang pangitain ay dapat pagmamay-ari/angkinin ng isang pangkat. Ang pagmamay-ari ng pangitain ay higit pa sa pagsang-ayon dito at pagnanais na mangyari ito. Ang mga nakikibahagi sa pangitaing iyon ay dapat na maramdaman na ito ay sa kanila.
Ang mga nakatuon sa pangitain ay bumuo ng isang komunidad na may pananampalataya. Kailangan nilang matutuhan kung paano mabuhay ng sama-sama, suportahan ang bawat isa, at manatiling tapat sa pangitaing iyon.
Si Nehemias ay isang halimbawa ng isang tao na naging pinuno kahit na siya ay orihinal na walang responsibilidad para sa mga problemang iyon. Hindi siya nagsimula sa isang posisyon, kundi sa pamamagitan ng isang pagnanais na makagawa ng pagbabago. Naging pinuno siya dahil sa kanyang pangitain.
Si Haring Saul: Pangunguna mula sa isang Posisyon
Si Saul ang unang hari ng Israel. Hindi niya masundan ang halimbawa ng sinundan niyang hari. Siya ay isang magsasaka at walang karanasan bilang isang pinuno ng anumang uri.
Nang itinalaga siya, walang hukbo at walang kawani ng gobyerno.
Walang mga opisyal na hukom, walang tanggapan ng gobyerno, at walang buwis na magagastos ang gobyerno.
Matapos maitalaga bilang hari, ang gampanin ni Saul ay hindi malinaw at hindi matukoy kaya patuloy pa rin siyang gumawa sa bukid bilang isang magsasaka.
Pagkatapos ay may dumating na isang krisis. (1 Samuel 11). Ang isang maliit na bansa na kaalyado ng Israel ay sinalakay ng mga kaaway ng Israel. Wala ring pumunta sa bukid upang sabihin ito sa bagong hari sapagkat hindi nila inaasahang kikilos siya. Kinagabihan pag-uwi ni Saul mula sa pagtratrabaho sa bukid ay narinig niya ang balita.
Kumilos si Saul nang may lakas at pagpapasya. Nagpadala siya ng isang mensaheng babala sa isang nakakagulat na paraan: sa pamamagitan ng mga duguang bahagi ng baka na kanyang ginagamit sa pag-aararo (1 Samuel 11:7). Isipin ang isang tumatakbong mensahero na dumating sa tahanan ng isang pinuno ng tribo. Ihahagis niya sa lupa ang duguang binti ng baka at ipinahayag, “Sinabi ni Haring Saul na ito ang mangyayari sa mga baka ng sinumang hindi tutulong sa sakunang ito.”
Libu-libong kalalakihan ang nagsama-sama at naging matagumpay. Ang tagumpay na ito ay nagtatag kay Saul bilang isang malakas na pinuno.
Si Saul ay isang halimbawa ng isang pinuno na nagsimula sa isang posisyon. Hindi niya orihinal na ninais na maging isang pinuno; ngunit dahil nasa kanya ang posisyon, naramdaman niya ang responsibilidad.
► Paano naiiba ang tugon ni Saul sa isang sakuna mula sa tugon ni Gideon?
“Ang aking paglakad ay sa harap ng publiko. Ang aking negosyo ay sa mundo, at kailangan kong makisalamuha sa kapulungan ng mga tao o iwan ang tungkuling tila itinalaga sa akin ng Manlilikha.”
William Wilberforce
Mga Katangian ng isang Potensyal na Pinuno
Paano mo masusuri ang iyong sarili bilang isang potensyal na pinuno? Pag-aralan ang listahang ito ng mga ugali ng isang potensyal na pinuno. Kung ikaw ay mahina sa ilan sa mga ito, maaari mong paunlarin ang mga ito sa tulong ng Dios. Habang pinapaunlad mo ang mga bahaging ito, mas mapapalakas mo ang iyong pamumuno.
Isang mabisang pinuno . . .
May impluwensya sa mga taong nakakakilala sa kanya
Mayroong disiplina sa sarili
Natutupad ang mga nakaraang responsibilidad
Handang tumanggap ng mga bagong responsibilidad
Nakakaugnay ng maayos sa mga tao
Handang maglingkod sa iba
May sariling kusa
Matapat
Kaya niyang humarap sa stress.
Kayang maging matatag mula sa mga pagsubok
Hindi madaling magalit o nadadaig ng galit
May positibong diwa
Kayang makabangon mula sa mga pagkabigo
May kumpiyansa
May integridad
Mas lumalago sa paglapit sa Dios
Nakauunawa sa mga tao
Hindi nahahadlangan ng mga personal na problema
May kakayahang matuto at hangad na patuloy na matuto
Kayang lumutas ng mga problema
Hindi nakokontento sa mga kasalukuyang sitwasyon
Handang gumawa ng mga pagbabago
Nakikita ang malaking larawan o ideya
Kayang makita kung ano ang susunod na kailangang gawin
May katapatan.
Paghahanda sa Pagsisimula
Paano kung nagtratrabaho ka sa isang samahan kung saan hindi ikaw ang pangunahing pinuno?
Paano kung ang pinuno ng iyong samahan ay may mga limitasyon na pumipigil sa kanya upang sundin ang mga prinsipyong natutuhan mo sa kursong ito?
Kung minsan ang isang bata pang nag-aaral na maging pinuno ay naguguluhan dahil sa pakiramdam niya ay hindi niya mailalapat ang mga alituntunin sa pamumuno na alam niya. Pakiramdam niya na ang kanyang mga kakayahan ay limitado dahil wala siya sa isang posisyon ng awtoridad.
Ang isang tao na umaasang maging isang pinuno ay hindi dapat maghintay hanggang mailagay siya sa isang posisyon ng awtoridad bago simulang isabuhay ang mga alituntunin sa pamumuno. Maaari niyang isabuhay ang mga prinsipyong na-uugnay sa pagtupad sa mga responsibilidad, pagbuo ng tiwala, pagdaragdag ng kanyang kaalaman, pagsasanay ng mga kakayahan, pagbuo ng isang reputasyon upang maituring na maasahan, at pagpapakita ng kanyang commitment/lubos na pagkilos para sa katagumpayan ng samahan sa halip na kanyang mga personal na pakinabang. Ang mga bagay na ito ay nagdaragdag ng kanyang impluwensya sa lahat, kabilang ang mga pinuno na mas nakakataas sa kanya.
Tandaan, ang isang pinuno ay isang taong may impluwensya. Maraming mga bagay ang nagpapaunlad ng iyong impluwensya, kahit na walang isang opisyal na posisyon.
Huwag agad isipin na kailangan mong magsimula ng isang bagong organisasyon upang maging isang pinuno. Marami kang maaring gawin kung nasaan ka ngayon.
Anuman ang iyong posisyon, maaari mong hikayatin at turuan ang mga kabataan at miyembro ng grupo. Marahil ay maaaring gawin ito bilang isang pormal na bahagi ng iyong trabaho sa isang samahan, o maaari itong gawin ng impormal sa mga nagpapahalaga sa iyong tulong.
Maghangad na maturuan ng iba alinman sa loob o labas ng iyong samahan. Karamihan sa mga pinuno ay masaya na ibahagi ang kanilang karunungan. Maaari kang maturuan sa mga tiyak na aspeto ng pamumuno; ang tagapagturo ay hindi kinakailangang isang perpektong halimbawa sa bawat bahagi. Ang tagapagturo ay maaaring mas bata kaysa sa iyo kung siya ay may kasanayan sa ilang mga bagay-bagay.
Pahintulutan ang ilang mga mag-aaral na ibahagi kung paano nila inaasahan na mabago ang kanilang mga layunin o aksyon dahil sa leksiyong ito.
Mga Takdang Aralin
(1) Sumulat ng isang talata na nagbubuod ng isang konsepto na nakakapagpabago ng buhay mula sa leksiyong ito. Ipaliwanag kung bakit ito mahalaga. Ano ang kabutihang magagawa nito? Anong pinsala ang maaaring maganap kapag hindi ito nalaman?
(2) Ipaliwanag kung paano mo mailalapat ang mga prinsipyo ng leksiyong ito sa iyong sariling buhay. Paano binago ng leksiyong ito ang iyong mga layunin? Paano mo planong baguhin ang iyong mga aksyon?
(3) Pag-aralan ang "Mga Katangiang Bumubuo sa isang Pinuno" at "Mga Katangian ng isang Potensyal na Pinuno" na nakatala sa leksiyong ito. Maging handa na isulat ang mga katangian mula sa memorya sa simula ng susunod na sesyon ng klase.
(4) Bago ang susunod na sesyon, basahin ang Juan 13:1-17. Isulat kung ano ang sinasabi sa atin ng talatang ito tungkol sa pamumuno.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.