May mga pinuno na may mga limitasyon sa kanilang pag-unlad. Ang mga limitasyong ito ay maaaring makahadlang sa isang pinuno upang umangat sa mas mataas na posisyon, o maaaring pumipigil sa kanya upang mahusay na kumilos sa kanyang kasalukuyang posisyon.
Nasa ibaba ang ilang mga halimbawa ng mga kathang-isip na pinuno na may mga limitasyon sa pamumuno.
Si Carl ay may mga personal na problema (katulad ng kanyang pananalapi o mga ugnayan sa pamilya) na hindi niya kayang lutasin. Hindi siya lubos na makapagtuon ng kanyang pansin sa organisasyon dahil sa mga problemang ito. Ang kanyang trabaho ay madalas na nagagambala ng isang krisis/pagsubok mula sa tahanan.
Sa halip na manguna, sinisisi ni William ang iba para sa mga pagkabigo sa kanyang samahan, naghihintay siyang gumawa ng desisyon ang iba na dapat na siya ang gumagawa. Sa palagay niya ay hindi siya responsable upang magtagumpay ang samahan. Ipinaliwanag niya na ang kabiguan ng kanyang samahan ay mula sa mga bagay na hindi niya kontrolado.
Si Sally ay hindi nagnanais na paunlarin ang kanyang sarili, itinatanggi ang kanyang mga pagkakamali, at nagagalit sa anumang tanong na tumutukoy sa kanyang kakayahan.
[1]Si Martin ay kontento na sa kanyang organisasyon, at hindi na niya nakikita ang pangangailangan para sa pagpapaunlad nito, at hindi niya isinasaalang-alang ang anumang mga pagbabago. Ang kanyang organisasyon ay hindi magiging epektibo habang ang mundo ay nagbabago.
Iniisip ni Ronald na siya lamang ang pinunong kailangan ng samahan. Inaasahan niya na susundin ng lahat ang kanyang mga direksyon nang walang pag-aatubili. Ayaw niya ng isang koponan; gusto lamang niya ng mga katulong. Hindi niya naiintindihan kung bakit hindi siya lubos na tinutulungan ng mga tao.
Sinimulan ni Elvis ang isang organisasyon bilang isang paraan upang makinabang ang kanyang sarili at ipakita ang kanyang personal na kahusayan. Hindi niya balak na maging mahusay ang kumpanya nang wala siya.
Si Paul ay may mahinang pag-uugali/karakter. Kapag siya ay nasa ilalim ng mahirap na sitwasyon, nangangako siya ng mga pangakong hindi niya kayang tuparin, gumagastos ng pera na nakalaan para sa ibang tao, nakakaligtaan ang mga kausap, at nagsisinungaling. Kung minsan ang kanyang grupo ay napapahiya dahil sa kanyang reputasyon.
Malapit nang maabot ng mga pinunong ito ang mga limitasyon ng kanilang potensyal. Hindi sila makakapamuno ng mas maayos hanggang hindi nila hinaharap at inaalis ang kanilang mga personal na limitasyon. Kung hindi nila nais na magbago, ang kanilang mga organisasyon ay hindi susulong sa pag-unlad maliban kung ang mga pinunong ito ay matanggal.
► Isaalang-alang ang bawat kathang-isip na pinuno sa itaas, itanong ang katanungang ito, “Paano magbabago si _______ bago umusad sa pag-unlad ang kanyang organisasyon?”
“Hindi ako natatakot sa isang hukbo ng mga leon na pinangungunahan
ng isang tupa; kinatatakutan ko ang isang hukbo ng mga tupa na pinangungunahan
ng isang leon.”
- Alexander the Great
Si Saul – Isang Limitadong Pinuno
Si Saul ay nagsimula nang maayos bilang hari ng Israel. Siya ay mapagpakumbaba at itinuturing ang kanyang sarili na hindi angkop/sapat para sa posisyon ng pagiging hari. May mga tao pa na tumanggi na kilalanin si Saul bilang hari.
Matapos ang unang tagumpay sa pakikidigma ni Saul, nais ng ilang tao na patayin ang mga taong tumanggi noong una kay Saul. Ngunit sinabi ni Saul na ang Dios ang siyang nagbigay ng tagumpay, at hindi ito panahon para sa paghihiganti. Nakakalungkot na hindi niya pinanatili ng matagal ang ganoong pag-uugali.
Kalaunan ay sinuway ni Saul ang Dios. Nang harapin siya ng propeta, sinisi ni Saul ang mga tao, sa halip na akuin ang responsibilidad bilang isang pinuno (1 Samuel 15:21). Sinabi ng propeta kay Saul na ibibigay ng Dios ang kaharian sa isang taong magiging masunurin.
Sa buong panahon ng paghahari ni Saul, siya ay desperado na manatili sa kapangyarihan. Hindi siya nagsisi at hindi rin niya sinubukang muling makuha ang pabor mula sa Dios. Hindi niya tinanggap ang katotohanang papalitan siya ng Dios. Kung siya ay nagsisi, ang kanyang kaluluwa ay maliligtas. Maaari siyang makapaglingkod bilang hari hanggang magdala ang Dios ng kapalit, at matatapos ang kanyang pamumuno nang may karangalan. Natatapos ang pamumuno ng ilang matanda, pangmatagalang pinuno nang walang karangalan dahil sa pag-uugali na mayroon sila sa kanilang huling mga taon, na nakikipaglaban para sa kanilang posisyon kapag hindi na nila kayang mamuno ng mabuti.
Isang araw sa isang labanan, sinabi ni Saul, “Walang pinapayagan na kumain hanggang sa matapos ang labanan, upang makapaghiganti ako sa aking mga kaaway” (1 Samuel 14:24). Ang kautusang iyon ay kamangmangan, sapagkat pagkatapos ng maraming oras ng pakikipaglaban ay pagod na pagod na ang lahat. Ipinapakita rin ng kautusang iyon ang kanyang pagtuon sa sarili. Sa kanyang pag-iisip, ang laban ay para sa kanyang personal na pakikipagdigma.
Si Saul ay may sobrang kaguluhan ng isipan na naging sanhi upang hindi niya matanggap ang pagkakamali. Halos mapatay niya ang kanyang anak na si Jonathan sapagkat hindi niya namamalayang sinuway nito ang isang kautusan, kahit na ang mga aksyon ni Jonathan sa araw na iyon ay nagdala ng isang malaking tagumpay.
Sa isa pang pagkakataon sa isang digmaan, hinihintay ni Saul si Samuel na dumating at mag-alay ng isang pampublikong paghahandog at manalangin para sa tulong ng Dios. Lumipas ang mga araw, at marami sa mga tauhan ni Saul ang umalis dahil sa takot. Nagpasiya si Saul na siya na mismo ang gagawa ng paghahandog, kahit na isang pari lamang ang pinahihintulutan ng Dios na magsagawa ng paghahandog. Sa panahon ng seremonya, dumating si Samuel. Pinagsabihan niya si Saul, ngunit hinimok siya ni Saul na tapusin ang seremonya upang hindi malaman ng mga tao na may mali (1 Samuel 15:30). Si Saul ay mas higit na nag-aalala tungkol sa opinyon ng mga tao kaysa sa pagsang-ayon ng Dios.
Nainggit na tila baliw si Saul sa tagumpay ng iba, lalo na kay David. Ginugol niya ang karamihan ng kanyang oras at kakayahan sa pagtugis kay David, kahit na hindi siya sinasaktan ni David.
Siya ay naghihinala at nagrereklamo tungkol sa kawalang katapatan ng kanyang mamamayan. Dahil sa kanyang paghihinala, naniwala siya sa mga kasinungalingan tungkol sa ibang tao (1 Samuel 24:9). Nakinig siya sa mga maling tagapayo. Inireklamo niya na ang lahat ay sumasalungat sa kanya at walang nagbibigay sa kanya ng mga impormasyong kailangan niya (1 Samuel 22:8).
Si Jonathan, na anak ni Saul, ay ibang-iba sa kanyang ama. Napagtanto niya na si David ang magiging susunod na hari at tinanggap niya ang katotohanang iyon. Hindi maintindihan ni Saul kung bakit hindi kinapootan ni Jonathan si David. Sina Jonathan at David ay may matibay na pagkakaibigan. Si Jonathan ay may pananampalataya sa Dios na nagdulot sa kanya upang magkaroon ng kumpiyansa na magawa ang mga malalaking katagumpayan kahit na mawalan ng pananampalataya si Saul. Nakakalungkot, na napatay si Jonathan sa gitna ng isang labanan dahil sa pagkakamali ng kanyang ama.
Si Saul ay nasa pakikipagdigma sa kanyang buong buhay. Kapag nakakakita siya ng isang lalaking mukhang malakas, pinipilit niya siyang sumali sa kanyang hukbo (1 Samuel 14:52). Ito ay nangangahulugan na patuloy niyang isinasagawa ang kanyang personal na pagnanais nang walang pag-aalala tungkol sa mga pangangailangan ng iba. Hindi niya inisip na mayroon na siyang sapat na tulong. Ito rin ay nangangahulugang palaging iniiwasan ng mga tao si Saul.
Nakita natin ang isang malaking kaibahan sa pagitan nina Saul at David. Naaakit ni David ang mga bayani, ngunit iniiwasan ng mga tao si Saul. Ang mga tauhan ni David ay may labis na pagmamahal sa kanya na ang ilan ay itinataya ang kanilang buhay upang dalhan siya ng tubig mula sa isang lugar na gusto niya. Si Saul ay madalas na nagrereklamo na ang kanyang mga tauhan ay hindi sapat ang katapatan, ngunit hindi niya pinagkakatiwalaan si David, na isang taong lubos ang katapatan.
Ang Paglalarawan ni John Maxwell sa Mga Antas ng Pamumuno
Inilarawan ni John Maxwell ang mga antas ng impluwensya ng pamumuno. Ang mga antas na ito ay hindi tumutukoy sa mga antas ng posisyon. Ang isang tao sa anumang posisyon ay maaaring nasa alinman sa mga antas na ito ng impluwensya. Ang isang pambihirang magaling na pinuno ay aangat mula sa mga antas na ito sa paglipas ng panahon kahit na nananatili siya sa parehong posisyon. [1]
(1) Pamumuno mula sa isang Posisyon
Ang pamumuno ng isang tao ay maaaring magsimula sa isang posisyon. Maraming tao na nasa posisyon ang ipinapalagay na hindi nila kinakailangang gumawa ng higit sa kanilang posisyon upang maging isang pinuno. Hindi nila napagtatanto na kailangan nilang makuha ang tiwala ng kanilang mga pinamumunuan. Ang mga namumuno sa tinutukoy na posisyon ay may posibilidad na umasa sa kapangyarihan ng awtoridad upang makakuha ng kooperasyon. Maaari silang umasa sa mga insentibo katulad ng kabayaran at mga parusa sa halip na hikayatin ang mga tao na makibahagi sa kanilang layunin. Ang istilong ito ng pamumuno ay pangkaraniwan ngunit bibihirang nakakamit ang pinakamahusay na posibleng resulta.
Dapat ipakita ng isang namumuno sa isang bagong posisyon na naiintindihan niya ang kasaysayan at kultura ng organisasyon. Hindi siya dapat magmungkahi ng mga ideya at baguhin ang mga bagay hanggang hindi niya naipapakita na pinahahalagahan niya ang nagawa noon. Dapat niyang ipakita na nakikibahagi siya sa parehong pamantayan ng organisasyon.
Dapat tiyakin ng pinuno na ang mga tao ay mayroon ng kanilang mga kinakailangan upang maayos na magawa ang mga gawain mula sa kanilang mga posisyon. Dapat niyang gawin ang higit pa sa inaasahan ng iba mula sa kanyang mga responsibilidad sa posisyon. Dapat niyang gawin ang ilang mga pagbabago na kikilalanin ng karamihan sa kanyang mga pinamumunuan bilang isang mabuting pagbabago.
(2) Ang Pamumuno mula sa Pahintulot
Ang antas na ito ay tumutukoy sa “pahintulot” sapagkat nais ng mga tao sa ngayon na sundin ang pinuno. Naabot ng pinuno ang antas na ito sa pamamagitan ng pagbuo ng mga relasyon sa kanyang mga pinamumunuan. Nagpakita siya ng personal na interes sa kanilang buhay, at hindi sa trabaho lamang. Pinoprotektahan niya sila mula sa maling pagtrato ng organisasyon. Naghahanap siya ng mga paraan upang matulungan silang personal na magtagumpay.
(3) Pamumuno sa Produksyon
Kapag ang pinuno ay nasa ikatlong antas, ang mga tao ay sumusunod hindi lamang dahil sa relasyon, ngunit dahil sa mahusay na mga resulta. Ang mga aksyon ng pinuno ay tumutulong sa kanila na makamit ang mga layunin, kaya ang mga tao ay nakikipagtulungan dahil gusto nila ang nangyayari sa pamamagitan niya. Dahil sa pinuno, nagtatagumpay ang organisasyon, at ang mga tao ay personal na nagtatagumpay. Sa antas na ito, ipinapahayag ng pinuno ang mga layunin, nagtatakda ng pupuntahan, at pinananatili ang pananagutan para sa kanyang sariling mga aksyon at mga pagkilos ng kanyang pinamumunuan.
(4) Pagpapaunlad sa Mga Tao
Ang ika-apat na antas ay ang pagpapaunlad ng mga tao, kung saan ang ilan sa mga tao ay nagiging mga pinuno na may personal na koneksyon sa pinuno. Naniniwala sila sa mga resulta na nakukuha niya, at mayroon silang personal na relasyon sa kanya, at nakakaranas sila ng personal na katuparan. Sa antas na ito, ang namumuno ay dapat na mamuhunan sa nangungunang 20% ng kanyang mabibisang miyembro. Dapat siyang bumuo ng isang pangkat ng mga taong tutulong sa kanya na mamuno.
(5) Pagkatao
Ang ikalimang antas ay tinawag ni Maxwell na pagkatao, sapagkat ang namumuno ay naging isang kilalang halimbawa na sinusunod ng mga tao dahil sa kung sino siya. Kilala siya bilang isang pinuno na may reputasyon at sinusundan siya ng mga tao bago pa sila magkaroon ng isang personal na koneksyon sa kanya.
Hindi magiging pareho ang antas ng isang namumuno sa lahat ng kanyang pinamumunuan. Halimbawa, ang ilan sa kanyang mga tao ay maaaring sumunod dahil siya ay nasa isang posisyon ng awtoridad (posisyonal na pamumuno), habang ang iba ay nakikipagtulungan dahil nakikita nila ang kanyang pamumuno ay nakakakuha ng magagandang resulta (pamumuno sa produksyon).
Dapat suriin ng isang pinuno ang kanyang sariling antas at mapagtanto kung ano ang kailangan niyang gawin upang makapunta sa susunod na antas. Hindi siya dapat masiyahan na lamang na manatili sa antas kung saan siya unang nakaranas ng tagumpay. Halimbawa, ang ilang pinuno ay nasiyahan na manatili sa pangalawang antas, kung saan nagustuhan sila ng mga taong kanilang pinamumunuan. Dapat palaging hangarin ng isang pinuno ang isang mas mataas na antas ng pamumuno.
[1]Hindi lahat ng paliwanag sa mga antas na ito ay nagmula sa mga isinulat ni Maxwell.
Pag-alis
Kung minsan ang isang nagsasanay na pinuno ay lumilipat mula sa isang samahan patungo sa isa pa. Maging ang isang matatag/mature na pinuno na naglingkod sa isang lugar sa mahabang panahon ay maaari pa ring lumipat.
Paano malalaman ng isang namumuno kung tama/panahon na upang siya ay umalis?
Kung minsan ay nalalaman ng isang namumuno sa ministeryo na tinatawag siya ng Dios sa ibang lugar ng pagmiministeryo. Malinaw na inihahayag ng Dios ang kanyang kalooban. Ang isang tao ay hindi dapat umasa lamang sa personal na saloobin; dapat ay mayroong mga kumpirmasyon o katibayan ng direksyon ng Dios. Kadalasan kapag dinidirekta ng Dios ang isang pagbabago, gagawa siya ng mga espesyal na pagbabago sa mga pangyayari o magkakaloob sa paraang nagpapatunay sa kanyang direksyon.
Mayroon ding iba pang mga bagay na dapat isaalang-alang kapag nagpapasya kung dapat bang umalis o hindi:
Huwag umalis sa kadahilanang ayaw mong magpasakop sa awtoridad.
Huwag pumunta sa isang bagong posisyon dahil mas malaki ang bayad.
Huwag pumunta sa isang organisasyon na magiging dahilan upang ikompromiso ang iyong mga paniniwala at wastong pag-uugali.
Huwag labagin ang mga prayoridad ng pamilya alang-alang sa isang pagkakataon sa promosyon. Kung maaari ay magbigay ka sa iyong pamilya ng isang iglesya at paaralan na may magandang kapaligiran. Ang hakbang na ito ay dapat na makabubuti para sa pamilya.
Ang isang bagong posisyon ay dapat na pinalalawak ang potensiyal para sa pagpapaunlad ng pamumuno. Ang bagong posisyon ay dapat na tumutugma sa iyong mga kakayanan at potensiyal na kalagayan.
Sikaping mapanatili ang isang mabuting pakikipag-ugnayan sa mga taong iiwan mo. Kahit na sa palagay mo ay mali ang ginawa nila sa iyo, huwag kang magsasalita ng makasasakit sa kanila. Sa paglipas ng panahon, maaalala nila ang iyong mga katangian at makakalimutan ang iyong mga pagkakamali. Marahil ay makikipag-ugnayan ka sa kanilang muli, at maaari ka nilang matulungan sa hinaharap. Huwag gumawa ng mga kaaway.
Isang hindi magandang halimbawa…
Si Demas ay naglakbay para sa ministeryo kasama si Apostol Pablo. Siya ay bahagi ng isang pangkat ng misyonero na nagdadala ng ebanghelyo sa mga kakaibang bagong lugar, nakakita ng mga himala at libu-libong mga nagbalik-loob. Nasimulan ang mga bagong iglesya, na bumubuo ng isang malaking samahan sa bawat malaking lungsod. Ang nakakalungkot, hindi napagtanto ni Demas ang kahanga-hangang pagkakataong mayroon siya. Sinabi sa kanya ni Pablo, “Iniwan na ako ni Demas dahil sa kanyang pag-ibig sa mundong ito.” (2 Timoteo 4:10).
Ang Paglalarawan ni Jim Collins sa Mga Antas ng Pamumuno
Tiningnan natin ang paglalarawan ni Jim Collins sa mga antas ng pamumuno sa leksiyon tungkol sa paglilingkod (Leksiyon 5). Sa leksiyong iyon, pinag-aralan natin ang espesyal na katangian ng Ika-Limang Antas/Level 5 na pinuno.
Sa leksiyong ito ay titingnan natin ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga antas. Narito ang paglalarawan ni Collins sa limang antas ng pamumuno. Ang mga salita ay binago at may idinagdag na mga paliwanag.
Unang Antas: Isang Indibidwal na may Mataas na Kakayahan
Ang taong ito ay nakakagawa ng maayos dahil sa talento, kaalaman, kasanayan, at mahusay na nakagawian sa pagtatrabaho. Ang taong ito ay maaaring wala sa posisyon ng pamumuno, ngunit mayroon siyang impluwensya dahil sa kanyang magandang pagtatrabaho.
Ikalawang Antas: Isang Miyembro ng Grupo na Nakapag-aambag
Ang taong ito ay tumutulong sa isang pangkat upang makamit ang mga layunin nito at mahusay na nakakagawa kasama ng grupo. Maaaring hindi siya ang pinuno ng pangkat, ngunit nakakaimpluwensya siya sa pamamagitan ng kanyang pakikilahok.
Ikatlong Antas: Isang Tagapamahala na may Kakayahan
Isinasaayos niya ang mga tao at mga mapagkukunan/resources upang magawa ang mga layunin. Hindi niya itinatakda ang mga layunin, ngunit tinatanggap niya ang mga layuning itinakda ng isang pinuno. Pinangangasiwaan niya ang mga mapagkukunan na magagamit at makakatulong sa kanyang organisasyon.
Ika-apat na Antas: Isang Mabisang Pinuno
Tinutulungan ng pinuno ang mga taong kabilang sa organisasyon na maging handa at makibahagi sa layunin. Tinutulungan niya silang magtakda ng mga layunin. Hinihikayat niya silang magpasya na makibahagi at maglaan ng lakas sa pag-abot sa isang malinaw na layunin. Hindi lamang niya basta pinamamahalaan kung ano ang naroon. Inaako niya ang responsibilidad para sa katagumpayan ng organisasyon sa pamamagitan ng pagkalap ng tulong, paghahanap ng mga mapagkukunan, at pagsasaayos ng mga layunin.
Ika-Limang Antas: Executive
Ang taong ito ay may mga katangian ng Ika-apat na Antas na Pinuno, ngunit mayroon din siyang isa pang napakahalagang katangian. Dahil sa kanyang dedikasyon sa organisasyon, mayroon siyang personal na kababaang-loob at determinasyon. Binubuo niya ang institusyon upang magkaroon ng pangmatagalang katagumpayan.
Si David – Isang Pinuno na Nilampasan ang mga Limitasyon
Si David ay mahusay sa maraming tungkulin. Siya ay isang pastol, manunulat ng mga awit, mang-aawit, manunugtog ng alpa, pinuno ng pagsamba, propeta, mandirigma, heneral, at hari.
Si David ang pinakabata sa isang malaking pamilya. Bihira para sa isang pinakabatang anak upang maging magaling na pinuno. Hindi inaasahan ng kanyang pamilya ang pamumuno mula sa kanya, ngunit pinili siya ng Dios.
Ang unang trabaho ni David ay bilang isang pastol. Ito ay tila hindi isang mahalagang trabaho, ngunit inihanda siya nito para sa mas mahahalagang bagay. Ang kanyang pang-unawa sa responsibilidad ay napakalaki na kahit sa panganib ay hindi siya tumakbo. Siya ay nakaasa sa kapangyarihan ng Dios para magampanan ang kanyang mga responsibilidad at patayin ang isang leon at oso sa pamamagitan ng tulong ng Dios.
Tulad ng bawat taong may potensyal na maging pinuno, si David ay sinanay bago niya malaman na nakakaranas siya ng pagsasanay. Ang kanyang mga tagumpay ang humubog sa kanya upang maging isang taong may pagtitiwala sa Dios. Siya ay naging isang pinuno na hindi hahayaang mapigilan ng takot upang magawa ang kanyang trabaho.
Isipin kung paano magiging iba ang buhay ni David kung siya ay hindi gaanong seryoso sa pagprotekta sa mga tupa. Maaaring siya ay tumakbo kapag may dumating na leon o oso. Nang maglaon, nang marinig niya ang hamon ni Goliath, maaaring wala siyang ideya sa pagharap sa higante.
Sinugo ng Dios si Samuel upang pahiran ng langis si David at italaga. Ang pagpapahid ng langis ay nangangahulugang pinili siya ng Dios at bibigyan siya ng Dios ng espesyal na tulong para sa kanyang pagtupad sa pagkakatawag. Nang magulat ang ama ni David na walang napili si Samuel sa mga nakatatandang kapatid ni David, sinabi ni Samuel, “Ang tao ay tumitingin sa panlabas na hitsura, ngunit ang Dios ay tumitingin sa puso.” (1 Samuel 16:7). Maraming beses na sinosorpresa ng Dios ang mga tao sa kanyang pinipiling tao para sa pamumuno.
Ang mga dakilang hamon na dumating kay David sa simula ng kanyang buhay ay mga pagkakataon. Gayunpaman, ang mga taong may katulad na ugali ni David lamang ang makakaunawa ng mga pagkakataon. Libo-libong mga kalalakihan ang nakarinig ng hamon ni Goliath, ngunit si David lamang ang nakakita nito bilang isang pagkakataon. Naudyukan siya ng alok na gantimpala, ngunit higit siyang nauudyukan para sa pakikipaglaban para sa kaluwalhatian ng Dios. Sinabi niya, “Sino ba ang Filisteong iyon na humahamon sa mga sundalo ng buhay na Dios?”
Ang pamumuno ay impluwensya. Sa araw na pinatay ni David si Goliath, siya ang naging totoong pinuno ng hukbo, sapagkat ang hukbo ay kumilos pagkatapos ng kanyang tagumpay. Ang kanyang tagumpay ang nagpapaniwala sa kanila na maaari silang magkaroon ng tagumpay.
Si David ay naging isang kawal para kay Saul. Siya ay kumilos nang may karunungan at ang kanyang impluwensya ay tumaas (1 Samuel 18:14). Kahit na hindi maganda ang naging pagtrato kay David ng nabigong pinuno na si Saul, si David ay nanatiling matapat. Ito ang bahagi na lalong nagpaunlad sa pag-uugali ni David. Kadalasan ang isang may potensyal na maging pinuno na may malakas na kakayahan ay tinatrato nang masama ng isang nabibigong pinuno. Ang batang pinuno ay natutuksong mawalan ng pasensya at subukang alisin ang paggalang sa mas matandang pinuno.
Nang tangkain ni Saul na patayin si David, si David ay nagtago sa mga bundok. Maraming mga kalalakihan ang sumama sa kanya, sapagkat napakasama ng kalagayan sa ilalim ng pamamahala ni Saul. (1 Samuel 22:2). Kahit na itinuring sila ni Saul na mga tulisan, hindi sila naging mga magnanakaw. Patuloy nilang nilabanan ang mga kaaway ng Israel, kahit na itinuring silang mga kaaway at gumugol si Saul ng maraming oras sa pagtugis sa kanila.
Tumulong si David na protektahan mula sa mga tulisan ang mga magsasaka at nag-aalaga ng mga hayop (1 Samuel 25:14-16). Sa isang pagkakataon ay nagpadala siya ng mga kalalakihan upang humingi ng pagkain mula sa isang may-ari ng lupain na kanilang pinoprotektahan. Si Nabal, ang may-ari ay walang galang, sinabi nito na sila ay mga alipin na tumakas mula sa kanilang mga amo, at hindi sila binigyan ng anuman. Nagalit si David at nagsama ng mga kalalakihan upang patayin sa Nabal. Sa kanyang pagpunta roon, nakatagpo niya si Abigail ang asawa ni Nabal,na dumating upang makipag-ayos. Ipinaalala niya sa kanya na hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa siya gumagawa ng karahasan para sa kanyang sarili. Sinabi niya, “Balang araw ikaw ay magiging hari. Huwag kang gumawa ng isang bagay na makakasira sa iyong reputasyon bilang isang makatarungang tao (1 Samuel 25:30-31). Pinakinggan ni David ang kanyang payo.
Si David ay pinahiran at itinalaga nang maging hari, ngunit sa mahabang panahon ay tila hindi ito mangyayari. Natukso siyang subukang kunin ang kapangyarihan sa pamamagitan ng puwersa, ngunit sa halip ay naghintay siya at nagtiwala sa Dios. Dahil sa kanyang kababaang-loob at pagtitiwala sa Dios, si David ay naging isang mahusay na pinuno.
Pahintulutan ang ilang mga mag-aaral na ibahagi kung paano nila inaasahang baguhin ng leksiyong ito ang kanilang mga layunin o aksyon.
Mga Takdang Aralin
(1) Sumulat ng isang talata na nagbubuod ng isang konsepto na nakapagpapabago ng buhay mula sa leksiyong ito. Ipaliwanag kung bakit ito mahalaga. Ano ang kabutihang maidudulot nito? Anong pinsala ang maaaring maganap kapag hindi ito nalaman?
(2) Ipaliwanag kung paano mo mailalapat ang mga alituntunin ng leksiyong ito sa iyong sariling buhay. Paano binabago ng leksiyong ito ang iyong mga layunin? Paano mo planong baguhin ang iyong mga aksyon?
(3) Pag-aralan ang limang antas ng pamumuno na inilarawan ni Maxwell at ang limang antas ng pamumuno na inilarawan ni Collins. Maging handa na isulat ang mga ito mula sa memorya sa simula ng susunod na sesyon ng klase.
(4) Bago ang susunod na sesyon, basahin ang 1 Hari 12. Inilarawan dito ang dalawang pinuno. Isulat ang tungkol sa mga pagkakamali ng dalawang pinunong ito.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.