Pamumuno sa Ministeryo
Pamumuno sa Ministeryo
Audio Course Purchase

Search Course

Type at least 3 characters to search

Search through all lessons and sections in this course

Searching...

No results found

No matches for ""

Try different keywords or check your spelling

results found

Lesson 5: Ang Pamumuno na may Paglilingkod

16 min read

by Stephen Gibson


Ang Modelo ng Dakilang Pamumuno

Ang huling pagkain ni Jesus kasama ang kanyang mga alagad ay upang ipagdiwang ang Araw ng Paskuwa. Ito ay isang kaugalian. Sa isang pormal na hapunan, huhugasan ng isang tagapaglingkod ang paa ng kanyang mga panauhin. Ang trabahong ito ay karaniwang ibinibigay sa mga pinakamababang tagapaglingkod.

Sa hapunang ito, Si Jesus at mga alagad lamang ang naroroon. Sa simula, walang gumagawa ng paghuhugas ng paa. Wala sa mga disipulo ang nagboluntaryo para sa trabaho dahil ayaw nila ang posisyon ng isang alipin. Ang bawat isa sa kanila ay umaasa pa rin sa isang mataas na posisyon sa bagong kaharian.

Maaari nating isipin na pabulong na sinabi ni Pedro kay Juan, “Kailangang may gumawa ng paghuhugas ng paa; dapat mong gawin iyon.” Marahil ay sumagot si Juan, “ayoko, hindi ko iyon gagawin; si Santiago ang dapat gumawa noon.” Walang sinuman sa kanila ang handang gampanan ang gawain ng isang alipin.

Sa pagtatapos ng hapunan, tumayo si Jesus, kinuha ang tubig at tuwalya, at sinimulan ang gawain ng paghuhugas ng paa. Tiyak na nahiya ang mga alagad noon.

Tumanggi si Pedro noong una, at sinasabi na iginagalang niya si Jesus ng sobra kaya tumatanggi siyang gawin ni Jesus ang ganoong kababang gawain.

Sinabi ni Jesus kay Pedro, “Maliban na hayaan mong gawin ko ito para sa iyo, wala kang bahagi sa akin.” Ginamit niya ang maliit na gawain upang kumatawan sa dakilang layunin ng kanyang pagkakatawang-tao. Sinabi niya sa ibang pagkakataon, “Ang Anak ng Tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami” (Mateo 20:28). Ang paglilingkod na ibinigay niya sa kanyang kamatayan ay ipinakita sa marami pa niyang mga paglilingkod na ginawa kabilang ang paghuhugas ng paa sa okasyong iyon. Kung hindi tatanggapin ng isang tao ang ginawa ni Jesus, hindi siya bahagi ng kaharian ni Jesus.

Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyong ipaliwanag ko kung ano ang aking ginawa.” Ipinaliwanag niya na sa sistema ng mundo, inaasahan ng pinuno na siya ang paglingkuran. Ngunit sa Kaharian ng Dios, ang pamumuno ay sa paglilingkod.

Ang tamang pagtingin sa pamumuno ay ang paglilingkod sa lahat. Ang isang tao na nagmamasid sa mga pangangailangan ng mga tao at naghahanap ng paraan upang matugunan ang mga pangangailangang iyon ay magiging isang pinuno.

Nais ng mga tao ang isang pinuno na nagmamalasakit sa kanila at magagawang tugunan ang kanilang mga pangangailangan. Handa ang mga tao na magbigay ng awtoridad sa taong gagamit ng awtoridad para sa kapakanan ng kanyang pinamumunuan.

May isang pangkat ng mga sundalo na nagtatayo ng mga bahay gamit ang mga troso. Nahihirapan silang buhatin ang mabibigat na troso, at sinisigawan sila ng kanilang sarhento. May isang lalaki na dumaan at huminto upang manuod. Sinabi niya sa sarhento, “Bakit hindi mo sila tulungan?” Galit na sumagot ang sarhento, “Ako ay isang sarhento.”

Sumali ang lalaki sa mga sundalo at tinulungan silang buhatin ang troso, pagkatapos ay binuksan ang kanyang jacket upang ipakita ang kanyang uniporme. “Ako ay isang heneral,” sabi niya. Siya si Heneral George Washington, na kalaunan ay naging Pangulo ng Estados Unidos.

Kahit na sa sistema ng mundo, ang pagnanais na maglingkod ay humahantong sa promosyon. Ito ay kinikilala rin sa mga titulo ng ilang posisyon: Halimbawa, ang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan ng Great Britain ay ang Prime Minister, na ang literal na kahulugan ay “unang Lingkod.” Ang mga pinakadakilang tagapanguna sa kasaysayan ay iyong mga naglingkod sa pangangailangan ng mga tao. Kung minsan ang mga tagapanguna sa mundo ay hindi laging naglilingkod dahil sa wastong motibo, subalit ang isang tagasunod ni Jesus ay dapat espesyal na magkaroon ng isang pusong nagnanais na maglingkod.

Isang pangulo ng kolehiyo ang dumating sa kanyang opisina na may dalang ilang bag. Nang humingi siya ng tulong sa isang mag-aaral, sumagot ito ng “Hindi ako isang tagapaglingkod.” Isa pang mag-aaral ang agad sumagot, “Maaari akong tumulong; ako ay isang tagapaglingkod.” Maraming taon pagkalipas noon, ang ikalawang mag-aaral ay naging presidente ng kolehiyong iyon.