Si John Maxwell ay nakipag-usap sa isang negosyante na ang kumpanya ay bumibili ng mga naluluging hotel at muling isinasaayos ang mga ito upang magsimula silang kumita. Itinanong ni Maxwell kung mayroong isang aksyon na palaging ginagawa ng kumpanya kapag bumibili sila ng isang naluluging hotel. Sinabi ng negosyante, “Palagi naming pinapatalsik ang manager. Hindi namin hinihintay na makita kung siya ba ay isang mabuting manager. Alam na namin na hindi siya isang mabuting manager dahil nalulugi ang hotel.”
Kung ang isang propesyonal na koponan sa sports ay lubusang nabibigo, ang mga may-ari ay hindi lamang naghahanap ng mga bagong manlalaro; naghahanap sila ng bagong coach.
Ang isang samahan ay hindi magtatagumpay kung masama ang tagapamuno.
Ang isang tunay na pinuno ay hindi gumagawa ng mga dahilan para sa pagkabigo ng kanyang samahan. Kung nabigo ito, nabigo siya.
► Bakit mahalaga ang pamumuno?
Si Eli ay isang punong-pari ng Israel. Sapagkat walang hari, ang mga lipi ay hindi nagkakaisa sa ilalim ng pamumuno ng isang pamahalaan. Ang punong-pari ang siyang pinakamalamang na maimpluwensyang pinuno sa bansa.
Sa kasamaang palad, Si Eli ay isang mahinang pinuno. Siya ay may mabuting personal na katangian, ngunit hindi niya nagawang gabayan ang kanyang sariling mga anak upang gumawa ng tama. Ang kanyang mga anak na lalaki ay gumagawa ng mga sekswal na imoralidad, walang pag-iingat sa mga uri ng pagsamba, at naging sakim. Dahil sa kanila, hinamak ng maraming tao ang pagsamba sa templo (1 Samuel 2:12-17, 22, 29).
Dapat na alisin ni Eli ang kanyang mga anak sa kanilang mga posisyon, ngunit ang kanilang mga hangarin ay naging mas mahalaga sa kanya kaysa sa responsibilidad na iniatas sa kanya.
Dapat ay pinamunuan ni Eli ang bansa tungo sa espirituwal na pagsamba at banal na pamumuhay, ngunit ang kanyang impluwensya ay tumigil sa kanyang mga anak; sa halip na mapalawak ito sa buong bansa sa pamamagitan ng kanyang mga anak na lalaki.
Apat na Dahilan Kung Bakit Hindi Ginagawa ng Tao Kung Ano ang Dapat Nilang Gawin
(1) Hindi nila alam kung ano ang dapat gawin.
Ito ay isang kakulangan ng impormasyon. Ang pinuno ay dapat na magbigay ng impormasyon. Kung wala sa kanya ang lahat ng kinakailangang kaalaman, dapat siyang maghanap ng makakatulong.
(2) Hindi nila alam kung paano ito gawin.
Ito ay isang kakulangan ng pagsasanay. Maaaring hindi taglay ng pinuno ang lahat ng kakayahang kinakailangan para sa samahan, ngunit dapat siyang magsagawa ng mga pagsasanay.
(3) Hindi nila alam kung bakit nila dapat gawin ang mga ito.
Ito ay isang kakulangan ng motibasyon. Kung minsan hindi nauunawaan ng mga tao sa isang samahan ang mga layunin ng samahan. O marahil naiintindihan nila, ngunit wala silang pakialam. Dapat tulungan ng pinuno ang mga tao na makibahagi sa mga layunin nito.
(4) May mga problemang pumipigil sa kanila na gawin ito.
Ito ay kakulangan ng kagamitan at pag-oorganisa. Dapat tulungan ng pinuno ang mga tao na malutas ang mga problema nila na nagiging hadlang upang sila ay magpatuloy.
Ang listahang ito ay nagbibigay ng apat na karaniwang dahilan kung bakit hindi ginagawa ng mga tao sa isang organisasyon ang mga bagay na dapat nilang ginagawa. Ang lahat ng apat sa mga kadahilanang ito ay nagpapakita ng pagkabigo sa pamumuno.
Kapag ang isang pinuno ay nagreklamo na hindi ginagawa ng kanyang mga tao kung ano ang dapat nilang gawin, ipinapahayag niya na nabibigo siya sa kanyang pamumuno. Halimbawa, ang isang pastor na nagrereklamo na ang kanyang iglesya ay hindi nagbabahagi ng ebanghelyo ay dapat isaalang-alang ang mga katanungang ito: Ipinaliwanag ko ba na dapat silang magbahagi ng ebanghelyo? Itinuro ko ba sa kanila kung paano magbahagi ng ebanghelyo (mas mabuti kung ipinakita sa kanila)? Nabigyan ko ba sila ng motibasyon? Tinulungan ko ba silang harapin ang mga problemang pumipigil sa kanila sa pagbabahagi ng ebanghelyo?
Kung ang dalawang hukbo ay pareho ang laki at may parehong kagamitan, alin ang mananalo? Ang hukbo na may pinakamahusay na heneral ang siyang mananalo.
Ang dalawang koponan sa sports ay may parehong magagaling na manlalaro. Alin sa koponan ang mananalo? Ang koponan na may pinakamahusay na coach ang siyang mananalo.
Ang Hamon ng Motibasyon
► Isang matandang salawikain ang nagsabing,“Ang pluma ay mas malakas kaysa sa tabak.” Ano sa palagay mo ang ibig sabihin nito?
Nangangahulugan ito na mayroong kapangyarihan sa isang ideya,sa panghihimok, at sa komunikasyon. Ang isang ideya ay may higit na impluwensya kaysa sa sandata. Ang “pluma” ay tumutukoy sa komunikasyon sa pamamagitan ng pagsulat, ngunit ang mapanghimok na komunikasyon ng anumang uri ay mas malakas kaysa sa pagpuwersa sa mga tao laban sa kanilang kagustuhan.
Kung susubukan mong pwersahin o pilitin ang mga tao, mahirap palawakin ang iyong impluwensya ng higit sa iyong personal na presensya.
Ang mga taong pinilit sa gawain ay hindi gagawin ang kanilang pinakamahusay na magagawa. Hindi nila inilalaan ang kanilang lakas at ideya sa kanilang trabaho.
Mas marami kang maaaring matapos kung mabibigyan mo ng motibasyon ang mga tao kaysa sa pagpuwersa sa kanila. Ang isang ideya – isang konsepto – ay maaaring kumalat at maka-impluwensya sa milyun-milyong tao.
Ang isang halimbawa ng kapangyarihan ng mga salita ay ang World War II. Ang World War II ay isang digmaan ng mga salita, isang digmaan ng mga ideya. Kung minsan, iniisip ng mga tao na walang masamang nagagawa ang mga salita, ngunit ito ay isang digmaan ng mga salita na pumatay ng milyong bilang ng mga tao.
Bakit ito naging isang digmaan ng mga salita? Si Adolf Hitler ay isang makapangyarihang tagapagsalita. Ipinahayag niya ang kanyang pangitain para sa Alemanya, at ginawa siyang pinuno ng mga Aleman. Nakumbinsi niya sila na sila ang pangunahing lahi na dapat mamuno sa buong mundo. Pati ang ilang mga iglesya ay nagsimulang magsabi na siya ang mesias at nagsasabi na ang Alemanya ay ang kaharian ng Dios. Pinangunahan ni Hitler ang Aleman na gumawa ng pinakamasamang kabangisan sa kasaysayan. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga salita. Kung minsan, iniisip ng mga tao na ang mga salita ay walang magagawang kasamaan, ngunit ang mga salita ni Hitler ay pumatay ng milyon-milyong tao.
Habang pinapalawak ni Hitler ang kanyang kapangyarihan, inakala ng ilang tao sa Inglatera na wala itong maidudulot na panganib para sa kanila. Nang dumating ang oras para sa bansa na pumili ng isang bagong punong ministro, ang ilang mga kandidato ay nangako sa mga tao na magkakaroon sila ng kapayapaan. Ngunit sinabi ni Winston Churchill sa mga tao ang katotohanan. Sinabi niya, "Ang inaalok ko sa inyo ay dugo, pawis, at mga luha." Pinili siya dahil hinarap niya ang mga problema.
Ang mga talumpati ni Churchill ang nagbuklod sa Inglatera upang dumepensa laban sa Alemanya. Sinabi niya, "Makikipaglaban tayo sa dagat at sa himpapawid. Makikipaglaban tayo sa mga pampang ng dagat kapag sila ay dumaong sa ating mga baybayin. Makikipaglaban tayo sa bawat kalye sa bawat lungsod. Hindi tayo susuko. Hindi tayo magpapagapi."
Sa pamamagitan ng mga talumpati nina Hitler at Churchill, nakita natin ang kapangyarihan ng mga salita. Sa isang banda, ang bawat digmaan ay isang digmaan ng mga salita.
► Ipaliwanag ang pahayag na ang bawat digmaan ay isang digmaan ng mga salita?Ano ang sinasabi nito sa atin tungkol sa pamumuno?
Kung minsan ay iniisip ng isang pinuno na makakakuha lamang siya ng tulong sa pamamagitan lamang ng pagbabayad para dito. Iniisip niya na mas maraming gagawin ang kanyang mga tao kung babayaran niya sila nang mas mataas. Karaniwan hindi iyon totoo. Ang mga tao ay tumutulong sa isang samahan sapagkat naniniwala sila rito. Nagsusumikap sila sapagkat nakikibahagi sila sa mga layunin.
Hindi ka maaaring magkaroon ng kapaki-pakinabang na trabaho maliban kung ang bawat isa ay kumikilos patungo sa isang layuning lubusang nauunawaan. Ngunit hindi iyon sapat. Mahalaga kung paano mo maaabot ang layuning iyon. Dapat ay nagagabayan ka ng mga pamantayan. Dapat mong ipagmalaki ang layunin at kung paano ka nakarating doon.[1]
[2]► Ano ang ibig sabihin ng ipagmalaki ang layunin at ipagmalaki kung paano ka nakarating doon?
Ang isang negosyante ay hindi makapagtatayo ng isang malaking kumpanya sa pamamagitan lamang ng magpapasahod ng kanyang mga empleyado. Dapat niya silang pangunahan sa pamamagitan ng mga layunin at pamantayan. Kung ang pera lamang ang mahalaga, hindi kikilos ang mga tao para sa mga layunin ng negosyo. Wala silang pakialam sa kalidad at hindi nila ipinagmamalaki ang kanilang trabaho.
Ang mga pinakamahalagang bagay ay hindi isinasagawa para lang sa pera. Isipin ang mga bagay na ginagawa ng mga tao para sa kanilang pamilya at mga anak. Hindi nila ginagawa ang mga bagay na iyon dahil sa pera, ngunit dahil sa mga mahahalagang pinahahalagahan. Ang mga tao ay nabibigyan ng motibasyon ng kanilang mga pinahahalagahan.
Sa ministeryo, ang kasanayan sa pamumuno ay mas mahalaga kaysa sa mundo ng negosyo, dahil ang karamihan sa mga manggagawa sa iglesya ay boluntaryo. Hindi maaaring mag-alok ang pinuno ng mga insentibo na katulad ng mga binabayarang empleyado sa ilan sa kanila. Ang mga taong tumutulong sa iglesya ay gumagawa ng mga bagay na iyon dahil naniniwala sila sa iglesya. Kung ang isang iglesya ay hindi sinusuportahan sa pera at pagkilos ng mga nasa lokal, ang pinuno ay nabigo.
► Sino ang mga taong tumutulong sa inyong iglesya? Bakit nila ito ginagawa?
Ang trabaho ng pinuno ay nabubuod sa ganitong paraan:
“Ipaalam sa mga tao kung bakit sulit ang gagawing pagtatrabaho. Pagpasiyahan kung saan kayo papunta. Siguraduhing nakikibahagi ang grupo sa layuning iyon. Tumulong na magtakda ng mga pamantayan. Igayak ang mga kinakailangan. Siguraduhing nasusunod ang mga panuntunan. Tiyaking mayroon kang suporta na kinakailangan mo mula sa loob at labas ng samahan. Panatilihin ang iyong paningin sa hinaharap upang mapigilan ang mga problema at maging handa na baguhin ang direksyon.[3]
[1]Ken Blanchard and Sheldon Bowles, Gung Ho: Turn on the People in Any Organization (New York: William Morrow, 1997), 38
“Ang pagiging abala ay hindi laging nangangahulugan ng tunay na gawain. Ang tunay na layunin ng lahat ng trabaho ay produksiyon, o katuparan, at sa dalawang layuning ito dapat muna itong pina-isipan, may sistema, pagpaplano, katalinuhan at matapat na layunin, gayundin ang pagpapawis para dito.” Thomas Edison
Kung ang isang tao ay may kasanayan sa ilang uri ng trabaho ngunit wala namang kasanayan sa pamumuno, siya ay kikilos ng mag-isa o sa ilalim ng direksyon ng isang tao. Ngunit ang isang tao na may parehong mataas na antas ng kasanayan at mayroon ding kakayahan sa pamumuno ay maaaring mamuno sa iba at mas marami ang matatapos.
Sinimulan ni Apostol Pablo ang pagpapalaganap ng mga iglesya sa mga pangunahing lungsod. Nagtalaga siya ng mga pinuno sa bawat lugar, sapagkat alam niya na maraming mga pinuno ang kinakailangan upang lumago ang iglesya at kumalat pa ang mga ito sa iba pang mga lugar.
Nagbigay si Pablo ng espesyal na pagsasanay sa ilang kalalakihan sa pamamagitan ng pagsasama niya sa kanila sa kanyang mga paglalakbay bilang misyonero (Gawa 16:3, 19:22).
Binigyang diin ni Pablo ang pangangailangan ng patuloy na pagsasanay ng mga magiging susunod na mamumuno. Sinabi niya kay Timoteo na maghanap ng mga tapat na kalalakihan na maaaring magturo sa iba (1 Timoteo 2:2).
Ang isang mekaniko ng sasakyan na may kakayahan sa pamumuno ay maaaring magkaroon ng isang negosyo na may mga mekaniko na nagtratrabaho para sa kanya. Kung hindi siya isang pinuno, siya ay magtratrabahong mag-isa o magtratabaho para sa iba.
Alam ni Alex kung paano gawin ang bawat uri ng gawaing konstruksyon sa mga bahay. Mahusay ang kanyang mga gawa at matapat. Inirerekumenda siya ng kanyang mga customer sa ibang tao, at palagi siyang nagkakaroon ng mas maraming susunod na trabaho na naghihintay para sa kanya. Si Alex ay walang mga empleyado sapagkat alam niya kung paano gawin ang lahat at hindi niya nais na mag-utos sa ibang tao na hindi alam kung paano iyon gawin. Dahil si Alex ay hindi isang pinuno, ang kanyang negosyo ay hindi magiging mas malaki kaysa sa gawaing magagawa niya ng mag-isa.
Ang kasanayan sa pamumuno ay nagpaparami ng halaga ng iba pang mga kakayahan ng isang tao. Ang isang tao na may mataas na kakayahan sa anumang bahagi ng gawain ay maaaring dagdagan ang kanyang kabuluhan sa pamamagitan ng pagpapataas ng kanyang kakayahan sa pamumuno.
Ang Pananagutan ng isang Pinuno
Ang isang maaasahang pinuno ay nagbibigay sa mga tao kung ano ang kinakailangan nila upang magtagumpay. Lumilikha ang pinuno ng mga pagkakataon o pagsasa-ayos para sa kanilang tagumpay. Kailangan nilang malaman na tutuparin niya ang kanyang mga responsibilidad upang matupad nila ang kanilang mga tungkulin.
Kung ang isang pinuno ay hindi maaasahan, hindi makakayanang gawin ng mga tao ang mga layunin ng samahankaya kumikilos sila ng iba sa layunin at binabalewala ang mga layunin ng samahan. Ang isang pinuno na hindi maaasahan ay kadalasang nagpapaliwanag sa mga tao kung bakit hindi niya nagawa ang inaasahan nilang dapat niyang gawin. Ang isang pinuno ay dapat maging isang taong laging handa para sa mga problema. Kailangan niyang magplano para sa mga pagkagambala at hadlang at maging handa para sa mga ito. Alam ng isang pinuno na palaging nagbabago ang mga bagay-bagay. Napagtatanto niya na ang mga pagbabago ay maaaring magdala ng mga bagong problema, kaya naghahanda siya. Maaaring harapin ng ibang tao ang mga sitwasyon kapag dumating ang mga ito, ngunit ang isang pinuno ay dapat maging handang mamuno.
Si Allan ang foreman ng isang construction crew. Sinasabi sa kanya ng kanyang supervisor na ang ilang mga pader ay kailangang itayo bago magtapos ang araw, kaya sinabi ito ni Allan sa kanyang mga tauhan. Gayunpaman, ang mga materyales ay hindi dumating dahil nakalimutan itong ipadala ng kanyang supervisor. Ipinaliwanag ni Allan sa mga tauhan na hindi nila matatapos ang kailangang itayo. Matapos itong maganap ng maraming beses, naging mahirap para kay Allan na magsabi sa kanyang mga tauhan na kailangan nilang gawin ng mabilis ang isang gawain.
Si Joan ay isang guro. Isang araw ay dumating siya sa paaralan at sinabi sa kanya ng principal na ang kanyang silid aralan ay gagamitin ng ibang grupo sa araw na iyon. Hindi siya handa na magturo sa ibang lugar at wala na siyang oras upang ilipat ang mga bagay na kailangan niya mula sa silid aralan.
Ang Pamumuno sa Ministeryo
Sinasabi sa atin ng Biblia na tinawag ng Dios ang mga apostol, propeta, mga nangangaral ng ebanghelyo, pastor, at guro (Efeso 4:11-12). Ibinigay din ng Dios ang mga kinakailangang kakayahan.
Ang pagtawag ng Dios ay nagbibigay sa isang tao ng pagkakataon na mamuno, ngunit hindi ito naggagarantiya ng katagumpayan. Kung ang pag-uugali ng isang tao ay nakakabawas sa kanyang impluwensya sa halip na mas mapalawak ito, hindi siya maaaring magtagumpay.
Tingnan ang mga tungkulin ng ministeryo na nakalista sa Efeso 4:11. Paano magtatagumpay ang isang nagbabahagi ng ebanghelyo kung sa palagay ng mga tao ay hindi sila maaaring maniwala sa kanya? Paano magtatagumpay ang isang guro kung nalalaman ng mga tao na nagtuturo siya ng mga maling bagay? Paano magtatagumpay ang isang pastor kung napagtanto ng mga tao na nais lamang niya na makinabang mula sa kanila?
Kung walang impluwensya, ang isang tao ay hindi maaaring magtagumpay sa ministeryo. Ang mga tungkulin sa ministeryo ay mga tungkulin sa pamumuno, dahil nakabatay ang mga ito sa impluwensya.
Ilang Maling Pananaw o Pagpapalagay tungkol sa Pamumuno
Matapos basahin ang bawat punto at bago magbigay ng paliwanag, itanong,“Ano ang mali sa ideyang ito?”
(1) Ang isang pinuno ay isang taong pinaglilingkuran ng iba.
Ang isang pinuno ay isang tao na naghahanap ng paraan upang matugunan ang mga pangangailangan para sa pangkat. Iyon ang dahilan kung bakit tinanggap nila siya bilang isang pinuno. Sinabi ni Jesus na ang isang pinuno ay isang taong naglilingkod para sa iba. Sinabi niya na ang pinakadakilang tao ay ang taong naglilingkod sa lahat. Isinasakripisyo ng pinuno ang kanyang sariling interes para sa iba.
(2) Ang pinuno ng ministeryo ay higit na espirituwal at maka-Dios kaysa sa kanyang mga tagasunod.
Ang katotohanan ay maraming mga iglesya ang may mga miyembro na mas maka-Dios kaysa sa pastor. Ang kakayahan sa pamumuno ay hindi nagpapatunay ng kabanalan o pagiging malago sa espirituwal.
(3) Ang promosyon sa pamumuno sa ministeryo ay nakasalalay sa personal na pagsisikap.
Ang mga pagtatangka ng tao na makakuha ng promosyon ay karaniwang hindi nagiging maganda ang kinalalabasan. Dapat nating gawin ang ating makakaya sa ating mga responsibilidad at magtiwala sa Dios na mailagay tayo sa tamang lugar. Huwag kailanman gumawa ng isang bagay na hindi nagbibigay parangal sa Dios sa iyong pagtatangka na makapunta sa isang posisyon ng pamumuno. Kung hindi ka makakarating doon sa pamamagitan ng pagpaparangal sa Dios, hindi ka dapat naroroon.
Ang mga piniling pinuno ng Dios ay kadalasang mga taong hindi naghahanap ng mga posisyon. Si John Chrysostom ay napili upang maging Arsobispo ng Constantinople noong A.D. 397. Sa una ay tinanggihan niya ang posisyon dahil sa palagay niya ay hindi siya kwalipikado. Nang maglaon, nagsulat siya tungkol sa wastong pag-uugali sa mga posisyon sa ministeryo. Sinabi niya na kung ang isang tao ay tumanggi na mag-alaga ng mga baka, hindi iyon nakakapagtaka dahil mababa ang posisyon. Kung ang isang tao ay tumanggi na maging hari, marahil ay iniisip niya na ang posisyon ay masyadong mataas para sa kanya. Kung ang isang tao ay tumanggi sa isang posisyon sa ministeryo, ito ay marahil sa alinmang kadahilanan, ito ay nakabatay sa tingin niya kung ang ministeryo ba ay isang mataas na posisyon o isang mababang posisyon.[1]
Pahintulutan ang ilang mga mag-aaral na ibahagi kung paano nila inaasahan na baguhin ng leksiyong ito ang kanilang mga layunin o aksyon.
Kung ang isang organisasyon ay nabigo, ang namumuno ay nabigo din.
Ang pagsasanay at pagbibigay ng motibasyon ay mga gawain ng pamumuno.
Nais ng mga tao na ipagmalaki ang mga layunin at ang mga paraan kung paano nila nakamit ang mga ito.
Ang kasanayan sa pamumuno ay nagpaparami ng halaga ng ibang kakayahan ng isang tao.
Kung ang isang pinuno ay maaasahan ito ang siyang nagiging batayan na ang organisasyon ay maaasahan.
Mga Takdang Aralin
(1) Sumulat ng isang talata na nagbubuod ng isang konsepto na nakakapagpabago ng buhay mula sa leksiyong ito. Ipaliwanag kung bakit ito mahalaga. Ano ang kabutihang magagawa nito? Anong pinsala ang maaaring maganap kapag hindi ito nalaman?
(2) Ipaliwanag kung paano mo mailalapat ang mga alituntunin ng leksiyong ito sa iyong sariling buhay. Paano binago ng leksiyong ito ang iyong mga layunin? Paano mo planong baguhin ang itong mga aksyon?
(3) Isaulo ang Limang Buod na Pahayag para sa Leksiyon 3. Maging handa na isulat ang mga ito mula sa memorya sa simula ng susunod na sesyon ng klase.
(4) Bago ang susunod na sesyon, basahin ang 1 Hari 19:19-21 at 2 Hari 2:1-15 at isulat ang tungkol sa pagsasalin ng pamumuno sa isang bagong propeta.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.