Ang pangunguna sa ministeryo ay madalas na tumatawid sa ibang kultura/cross-cultural dahil sa tungkulin ng iglesia na magbahagi ng ebanghelyo sa buong mundo, at dahil ang espirituwal na pagkakaisa ng iglesia na siyang nagiging paraan upang maging posible ang ministeryo ng pakikibahagi sa ibang kultura/cross-cultural.
Ang isang tao na naglilingkod sa ibang kultura ay madalas na itinuturing na isang tagapanguna dahil sa kanyang pagsasanay at katayuan sa nagpadalang organisasyon. Samakatuwid, dapat pag-aralan ng isang tao sa ministeryo ng pagtawid sa ibang kultura/cross-cultural ang paraan ng pamumuno.
► Ano ang mga alam mong halimbawa patungkol sa iglesia na nakikibahagi hindi lamang sa isang kultura?
Ang pangunguna sa ibang kultura ay nagbibigay ng inspirasyon sa mga tao na nagmula sa dalawa o higit pang kultura na makilahok sa iyo sa pagbuo ng isang pamayanan ng pagtitiwala, at pagkatapos ay sumunod sa iyo at mabigyan mo sila ng kakayahan na makamit ang isang nakakahimok na pangarap ng pananampalataya.[1]
Pagbuo ng isang pamayanan ng pagtitiwala
Una, bumuo ng isang pamayanan na magkakasamang nagbabahagi ng kanilang buhay, at pagkatapos ay humanap ng pangarap na maaaring maabot ng pamayanang iyon. Sa isang pagsisikap na magtanim ng isang iglesia, maaaring maliit lamang ang pamayanan bago magkaroon ng isang naitatag na kongregasyon. Habang umuunlad ang isang kongregasyon, dapat itong magkaroon ng lahat ng aspeto ng buhay ng isang iglesia. Upang mangyari iyon, dapat magkaroon ang koponan ng layunin na gawin iyon, lalo na kung ang karamihan sa bumubuo ng koponan ay mga dayuhan. Dapat nilang tanggihan ang kaisipan na “tayo at sila”.
Paano nabubuo ang tiwala? Dapat ay may layunin ito. Nangangailangan ito ng pakikipagsapalaran, ilang hindi maiiwasang pagkakamali, at sapat na pagmamahal at katapatan upang gumawa ng mga pagwawasto at pagbuo ng mga relasyon. Kung ang mga iyon ay hindi umiiral sa relasyon, lumilitaw na mababaw ang relasyon, at hindi gaanong matatag ang pagtitiwalang mabubuo.
► Ano ang ibig sabihin na pagkatiwalaan ang mga tao nang katulad nito?
Ano ang ibig sabihin ng “magbigay-sigla”? Ito ay higit pa sa paglikha ng mga positibong damdamin. Kabilang dito ang paghuhubog ng mga pag-uugali at pagbibigay motibasyon sa mga aksyon. Ito ay ngangangailangan ng parehong nilalalaman ng mga paniniwala at moralidad ng mga miyembro ng grupo.
Isang nakakahimok na pangarap/pangitain ng pananampalataya
Para sa tagapanguna ng ministeryo, kabilang sa nakakahimok na pangarap/pangitain ang ebanghelyo, banal na pamumuhay, ang iglesia, at pagbabahagi ng ebanghelyo. Huwag maging mabilis sa pagpapalagay kung ano ang magiging kalagayan nito sa paglalapat sa bagong kultura.
Bakit ginagamit ang salitang nakakahimok para dito? Isinalarawan dito ang pangarap/pangitain/vision na may kasamang kautusan mula sa Biblia na nangangailangan ng pangako ng pakikibahagi. Ang pangarap/vision ay dapat nagbibigay-sigla sa mga miyembro ng grupo upang magkaroon ng malalim na pangako ng pakikibahagi.
Pangunguna sa pamamaraan
Dapat i-modelo ng pinuno ang buhay- magsimula sa panloob na grupo ng mga taong nakikibahagi, pagkatapos ay hangang sa lumawak sa iba. Kailangan niyang tulungang lumikha ng isang grupo na nagpapakita ng hitsura ng pangarap sa totoong buhay.
Pagtawag sa iba na sumunod
Inaanyayahan niya ang iba na sundan ang pangarap/vision. Ginagawa niya ito sa mga personal na ugnayan, sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga indibidwal, sa pamamagitan ng pagtuturo, at pag-anyaya sa mga tao na makibahagi sa mga gawain upang tanggapin ang mga responsibilidad.
Bigyan ng kakayahan ang mga sumusunod
Ang isang tunay na pinuno ay nagbibigay ng responsibilidad sa iba. Tumatanggap siya ng pakikipagsapalaran, pinahihintulutan ang pagkamalikhain, at lumilikha ng mga pagkakataon para sa ibang miyembro ng grupo.
► Ano ang nakikita mo tungkol sa pamamaraang ito ng pamumuno? Ano ang mga kalakasan nito? Ano ang mga mahihirap gawin sa pamamaraang ito?
[1]Sherwood Lingenfelter, Leading Cross-Culturally (Ada: Baker Academic, 2008), 117
Mga Pananaw sa Kultura ng Pag-promosyon
Sa ilang kultura, nabibigyan ng promosyon ang isang tao para sa isang posisyon ng pamumuno pagkatapos lamang ng maraming taon ng matapat na pakikibahagi. Sinabi ng tagapanguna sa isang kultura na kailangan nilang obserbahan ang mga potensyal na pinuno sa loob ng sampung taon. Sa mga kulturang ito, mahirap para sa isang bagong dating na mapunta sa mga mataas na posisyon. Kadalasan ay nabibigo ang mga misyonero kapag sinusubukan nilang punan ang isang posisyon na nangangailangan ng isang espesyal na kakayahan, dahil nais ng mga lokal na pinuno na gumamit ng isang tao na napatunayan na ang kanyang sarili at naging matapat sa mahabang panahon, sa halip na gumamit ng isang taong mahusay sa espesyal na kakayahan.
Nagtrabaho si Arnold bilang isang misyonero ng maraming taon sa isang kultura kung saan ang isang taong tagasalin ng salita ay tumutupad lamang ng kanyang trabaho. Palaging sinusubukan ni Arnold na kunin ang taong makakagawa ng pinakamahusay ng trabaho, kahit na hindi niya ito gaanong kakilala.
Ngayon, nagtratrabaho si Arnold sa isang kultura kung saan ang posisyon ng tagasalin ng salita ay isang mataas na posisyon sa organisasyon. Pinahihintulutan lamang ng tagapanguna ang isang tagasalin ng salita na kanilang kilala bilang tapat na miyembro ng iglesia. Minsan ay kinakailangan ni Arnold na mangaral kasama ang isang tagasalin ng salita na hindi nagagawa nang maayos ang kanyang trabaho, habang ang isang mas mahusay na tagasalin ng salita ay nakaupo sa kongregasyon.
May ilang kultura naman na iginagalang ang edad at karanasan ng higit pa sa edukasyon o talento. Madalas na sinasanay ng mga misyonero ang mga kabataan dahil ang mga ito ay may mataas na ambisyon, handang magbago, at mas madaling sanayin kaysa sa mga nakakatanda. Gayunman, sa karamihan ng mga kultura, tinatanggihan ng mga iglesia ang pamumuno ng mga batang tagapanguna sapagkat para sa kanila iyon ay tila kawalan ng paggalang sa mga nakakatandang pinuno. Ang mga nakakabatang tagapanguna ay dapat maging matiyaga, matulungin, at sensitibo sa mga alalahanin ng mga nakatatandang pinuno. Dapat subukan ng matatandang pinuno na bitawan at ibigay sa mga nakababatang tagapanguna ang mga responsibilidad at pahintulutang lumawak ang pangkat ng tagapanguna.
► Paano magagawa ang pagsasanay sa isang paraang nirerespeto ang edad at karanasan?
Mga Pananaw sa Kultura patungkol sa Awtoridad ng Posisyon
Paano pinipili ang isang pinuno? Paano pinapananatili ng isang pinuno ang kanyang posisyon? Mayroong dalawang magkasalungat na pananaw sa kultura patungkol sa katayuan ng isang pinuno.
Sa isang pananaw, ibinibigay ang posisyon sa tagapanguna dahil sa kanyang mga kakayahan at pag-uugali. Maaari siyang ihalal ng mga taong pinamumunuan niya. Patuloy siyang naglilingkod bilang tagapanguna sapagkat mahusay siyang mamuno. Wala siyang lubos na awtoridad, ngunit may pananagutan sa ilang grupo. Kung ang katawan niya ay hindi na makayanang gampanan ang mga gawain, inaasahan na magbibitiw siya sa tungkulin. Kung hindi siya mamumuno nang maayos, maaari siyang palitan sa pamamagitan ng isang halalan. Kung makagawa siya ng imoralidad o hindi matapat na pagkilos, hindi na siya ituturing na kwalipikado para magpatuloy bilang isang tagapanguna, lalo na sa isang Kristiyanong organisasyon.
Sa isa pang uri ng kultura, ibinibigay ang posisyon sa tagapanguna dahil siya ay nakibahagi na sa organisasyon sa mahabang panahon at kilalang matapat. Siya ay hinirang ng iilan na may awtoridad. Kung may halalan, hindi iyon totoo; bumoboto ang mga tao para sa taong alam nila na aprubado ng mga awtoridad. Sa huli ay halos mayroon siyang lubusang awtoridad. Maaari siyang makinig sa mga payo, ngunit hindi napapawalang-bisa ang kanyang mga desisyon. Matapos niyang mamuno ng maraming taon, ang pagpapatuloy ng kanyang posisyon ay hindi nakabatay sa kung gaano siya kahusay na namuno. Siya ay nakahihigit sa karamihan ng mga pananagutan at hindi inaasahan na sasagutin ang mga katanungan tungkol sa kanyang mga aksyon. Kahit ang mga imoralidad o pagiging hindi tapat na pagkilos ay hindi maaaring maging sanhi ng kanyang pagkakatanggal. Kahit na sa katandaan o hindi magandang kalusugan na hindi na niya kayang gampanan ang mga gawain, maaari pa rin siyang magpatuloy sa posisyon kahit na bihira niyang gampanan ang alinman sa kanyang mga responsibilidad. Hindi siya aalisin ng kanyang mga tagasunod maliban sa matinding kaso kapag lubos na nasira ang kanyang reputasyon.
Sa kulturang ito, ang paglilipat ng kapangyarihan ay hindi ginagawa ng payapa maliban kung kusang-loob na ipinasa ng pinuno ang posisyon sa kanyang napiling tagapagmana. Kung nagpasiya ang grupo na alisin ang pinuno na taliwas sa kanyang kalooban, maaari itong magresulta ng mga akusasyon, pagtanggi na makipagtulungan, legal na aksyon, mga hidwaan sa publiko, at ang panganib na mahati ang organisasyon. Nakakalungkot, ang mga organisasyon ng ministeryo ay kadalasang sumusunod sa halimbawa ng kanilang kultura at lubusang sinisira ang kanilang patotoo bilang Kristiyano.
Pinangunahan ni Francois ang isang iglesia bilang pastor sa loob ng maraming taon. Sa kanyang katandaan ay hindi naging maganda ang kanyang kalusugan. Lumipat siya sa ibang lungsod, at ang iglesia ay pinaglingkuran ng tatlong katuwang na pastor. Patuloy na hinawakan ni Francois ang posisyon bilang pastor, kahit na bibihira siyang pumunta sa iglesia.
Si Annas ay isang mataas na saserdote sa Jerusalem. Matapos siyang magbitiw sa tungkulin, naging bagong mataas na saserdote ang kanyang manugang na lalaki, Si Caiaphas. Si Annas ay nagpatuloy bilang pinakamataas na awtoridad, kahit na wala siyang opisyal na posisyon. Nang si Jesus ay naaresto, hindi siya unang dinala kay Caiaphas, kundi kay Annas. (Juan 18:12-13, 24).
Kun minsan ay nahihirapan ang mga misyonero mula sa ibang kultura na maunawaan ang konsepto ng awtoridad sa isang organisasyon. Hindi nila maunawaan kung bakit ang isang tao ay nananatili sa isang posisyon ng awtoridad kung hindi naman nito nagagawa ang mga gawain. Hindi nila maunawaan kung bakit sinusunod lamang ng mga lupon at komite ang mga utos ng nangungunang pinuno.
Ang isang pinuno na naglilingkod sa ibang kultura ay dapat maglaan ng oras upang malaman kung paano ginagawa ang mga pagpapasya sa kulturang iyon. Hindi kailanman sapat na makuha lamang ang karamihan ng boto para sa isang bagay. Ang pagboto ay nagpapahiwatig na ang opinyon ng bawat tao ay may pantay na halaga, gayunman walang sinuman ang totoong naniniwala. May mga tao ay may malaking impluwensya sa buong organisasyon, at ang kanilang mga alalahanin ay dapat na matugunan bago makagawa ng pagpapasya ang isang organisasyon.
Kapangyarihan ng Distansya
Sa ilang kultura, sinusubukan ng mga pinuno na bumuo ng mga relasyon sa mga tao sa lahat ng antas sa kanilang organisasyon. Ang isang may-ari ng pabrika ay maaaring maglakad sa loob ng pabrika at makipag-usap sa mga manggagawa at subukang tandaan ang kanilang mga pangalan. Ang isang pinuno ay maaaring tumulong na magdiskarga ng isang trak o linisin ang isang gusali.
Sa ibang kultura, ang pinuno ay itinuturing na nakadistansya mula sa karamihan ng mga miyembro ng organisasyon. Hindi nila inaasahan na direktang makipag-usap sa kanya. Hindi nila iniisip na angkop para sa kanya na gumawa na anumang mababang uri ng gawain. Kung makikipag-usap siya sa kanila, maaaring malugod sila sa pagbibigay ng pansin, o baka hindi sila maging komportable.
Si Duane Elmer ay naglilingkod bilang pangulo ng isang Bible school sa isang banyagang bansa. Isang Sabado nang hapon,napansin niya na ang damo ay hindi pa napuputulan,kaya’t siya mismo ang gumawa nito. Naisip niya na ang kanyang pagkilos ay magmomodelo ng kababaang-loob at magpapahanga sa mga tagamasid sa kanyang pagnanais na gawin iyon. Gayunpaman, nang malaman ito ng mga mag-aaral at kawani, sila ay nadismaya. Sinabi nila na ang kanyang pagkilos ay nagpapaisip sa mga tao na ang istraktura ng awtoridad ng paaralan ay napakahina na hindi man lang magawang utusan ng pangulo ang sinuman upang putulan ang damo. Ipinahihiwatig din nito na ang organisasyon ay maliit at hindi gaanong mahalaga sapagkat kinailangan pa na ang pangulo ang siyang gumawa ng mababang gawain. Sinubukan niyang gawing mas maayos ang mga bagay nang sumunod na mga araw sa pamamagitan ng pagtayo sa labas at magmukhang may awtoridad habang ang mga tao ay nagtatrabaho.[1]
May mga bisitang misyonerong Amerikano na kakain sa isang bahay kung saan may inupahang dalawang babae upang magluto. Pinilit ng mga misyonero na maupo ang mga tagapagluto at kumain kasama nila. Nagtalo sila hanggang sa maupo ang mga kababaihan sa tabi nila, ngunit ang mga kababaihan ay hindi komportable at hindi halos nakakain.
Ang mga Kristiyanong tagapanguna na nagtratrabaho sa ibang kultura ay dapat na maging maingat sa paglalapat ng mga prinsipyo ng Kristiyano sa ibang kultura. Alam natin na ang sistema patungkol sa estado/kalagayang panlipunan ay hindi dapat sundin sa mga iglesia (Galacia 3:28). Hindi natin dapat tratuhin ang ilang mga tao nang mas mabuti kaysa sa iba dahil sa kanilang yaman o posisyon (Santiago 2:1-4). Sinabi ni Jesus na ang isang pinuno ay dapat na maging handa na maglingkod, kahit na sa pinakamababang gawain (Juan 13:14-16). Madalas na sinosorpresa ni Jesus ang mga tao kapag hindi niya sinusunod ang mga kaugalian tungkol sa katayuan (Juan 4:9, Lucas 18:15-16).
Dapat magpakita ang mga misyonero ng isang halimbawa ng pagmamahal at respeto sa lahat ng tao at pagnanais na maglingkod. Gayunpaman, dapat silang makisimpatiya sa mga lehitimong pag-aalala ng mga tao sa isang kultura. Dapat nilang ipakita na iginagalang nila ang itinatag na mga kaugalian at hindi sila magiging sanhi ng kaguluhan.
Nagkaroon si Moises ng pagkakataong maging pinuno ng pinakamakapangyarihang bansa sa mundo sa panahong iyon (Egipto). Sa halip, pinili niyang maging kabahagi ng isang aliping bansa (Hebreo 11:25). Sa panahon ng kanyang pagpapasya, hindi niya alam na gagawin siya ng Dios na isa sa pinakadakilang pinuno sa buong kasaysayan. Pinangunahan niya ang isang aliping bansa patungo sa kalayaan, pinangunahan ang bansa sa teritoryo ng kaaway sa loob ng 40 taon, nagbigay ng isang sistema ng mga batas na makaka-impluwensya sa lahat ng mga sibilisadong bansa, at nagdisenyo ng uri ng pagsamba na tumagal ng maraming siglo at naghanda para sa Kristiyanismo.
Ang unang dakilang desisyon ni Moises ay makabilang sa mga mamamayan ng Dios, tanggihan ang mga huwad na relihiyon at makasalanang kasiyahan ng Ehipto. Kung nagkamali siya ng desisyon, hindi siya magiging makabuluhan sa plano ng Dios.
Maraming natutuhan si Moises. Natutuhan niyang makinig sa Dios bago asahan na makikinig ang mga tao sa kanya. Kahit na siya ay dakila, siya ay mapagpakumbaba dahil sa kanyang pagtitiwala sa Dios. Ang kanyang hangaring makilala ang Dios (Exodo 33:18) ang siyang naging kwalipikasyon upang makapagsalita para sa Dios. Iginiit niya na ang Israel ay walang magagawa kung wala ang presensya ng Dios(Exodo 33:15). Alam niya na ang kanyang pamumuno ay hindi para sa hangaring maluwalhati ang kanyang sarili.
Mahal ni Moises ang mga taong pinamumunuan niya. Sa isang pagkakataon, nagbanta ang Dios na pupuksain ang mga tao dahil sa kanilang kasalanan, at inalok si Moses na maging dakilang tagapanguna ng ibang bansa. Sinabi ni Moises na mas gugustuhin niyang siya ang parusahan para sa lugar ng Israel kaysa maging isang mahusay na pinuno nang hindi sila kasama.(Exodo 32:32). Kung madaling iiwan ng isang pinuno ang kanyang pinamumunuan para sa isang posisyon sa ibang lugar, wala siyang puso ng isang pinuno na katulad ni Moises.
May tendensiya ang mga Amerikano na ipagpalagay na ang mga indibidwal na gantimpala at karangalan ay ang pinakamahusay na mga insentibo, dahil maaaring makamit ito ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang sariling pagsisikap. Gayunman, maraming kultura ang naniniwala na ang mga gantimpala ng tagumpay ay para sa pangkat. Maaari silang magalit at hadlangan ang isang tao na sumusubok na makamit ang layunin ng mag-isa. Hindi nila nais na igalang ang pagtatagumpay ng isang indibidwal.
Ang mga Hapon ay may kasabihan:“Ang pako na nakalitaw ay siyang pupukpukin upang bumaon.” Nangangahulugan ito na ang isang tao ay hindi dapat subukang tumawag pansin para lamang sa kanyang sarili sa halip na makipagtulungan sa grupo.
Ang isang pinuno na nagtratrabaho sa ibang kultura ay kinakailangang maunawaan ang mga pananaw ng kultura sa mga layunin at gantimpala. Marahil ang gantimpala ay dapat ihandog sa mga pangkat na maaaring makamit ang mga layunin bilang isang koponan.
Pag-iwas sa Pagsakop sa Kultura
Kadalasan ang ebanghelyo ay hindi nadadala sa isang bagong kultura sa paraang nagpapakita ng paggalang sa kulturang iyon. Ang ebanghelyo ay ipinaparating bilang isang mensahe mula sa isang mas higit na nakatataas na kultura, na may kalakip na mga detalyeng pangkultura. Para sa maraming taong nabahaginan ng ebanghelyo, ang pagtugon sa ebanghelyo ay nangangahulugang isusuko rin nila ang kanilang sarili sa dayuhang kultura.
Ang terminong pananakop sa kultura ay kapaki-pakinabang. Ang pananakop ng kultura ay hindi lamang nangangahulugan na ang isang kultura ay humihiram ng mga kaugalian mula sa ibang kultura. Ang pananakop sa kultura ay nangyayari kapag maraming tao ang nakakakita ng isang dayuhang kultura na mas higit sa kanilang sariling kultura at sinisikap na sundin ito. Ang mga kabataan ay naghahangad na gayahin ang mga dayuhang kultura sa kanilang mga pananamit, pananalita, at pagpapahalaga. Naghahangad ang mga kabataan para sa mga tungkulin na wala dati, tulad ng trabaho ng isang tagasalin ng salita, upang makatrabaho nila ang mga bagong pinuno.
Sa isang kapaligiran kung saan ang isang kultura ay kinukuha ng isa pa, ang dating posisyon ng kapangyarihan at impluwensya ay humihina. Sa mabilis na pagbabago ng kapaligiran, ang mga kabataan ay may kalamangan at bumababa ang respeto sa mga nakatatanda. Ang mga lumang kaugalian ay tinatanggihan ng nakababatang henerasyon. Ang mga kabataan ay mayroon lamang maliit na interes sa kasaysayan at mga simbolo ng kultura ng kanilang pinamumunuan sapagkat nawalan na sila ng respeto sa kanilang sariling kultura.
Ang mga misyonero ay walang pagpipilian upang pigilan ang pananakop ng kultura maliban kung sila ang unang mga dayuhan na makakaapekto sa orihinal na kultura. Karamihan sa mga lugar, ang mga interes sa banyagang komersyo ay nagsimula na ng pananakop ng kultura.
Sa kasamaang palad, maraming misyonero ang nakikilahok sa pananakop ng kultura, at dinadala ito sa mga iglesia. Ang gawain ng mga misyon ay upang magtanim ng biblikal na iglesia sa mga katutubo. Ang iglesia ng mga katutubo ay may kakayahang suportahan ang sarili, kayang pamahalaan ang sarili, at kanyang magpalawak mag-isa.
Ang pagpapaunlad sa katutubo ay hinahadlangan ng
Mga patakaran na inilalatag mula sa ibang lugar
Pagsisimula at pagpapatuloy ng mga banyagang tradisyon
Ang mga dayuhang misyonero ay madalas na may dalang mapagkukunan at kagamitan na wala sa mga pinuno ng katutubong iyon. Ang isang misyonero na nakikibahagi sa pagsisimula ng iglesia ay hindi dapat maging pastor ng bagong iglesia. Kapag ang isang misyonero ang siyang naging unang pastor, ang kanyang paggastos at pagkakaloob ay lumilikha ng isang gampanin na hindi makakayanang punan ng isang pastor mula sa mga katutubo.
Ang misyonero ay dapat palaging makita bilang isang dayuhan na pinupunan ang isang natatangi, pansamantala lamang na gampanin. Dapat siyang magbigay ng karagdagang pagsasanay sa mga lokal na naninirahan duon na nagpapakita ng espirituwal na paglago at pangako ng pakikibahagi, at ang isa sa kanila ay dapat na maging pastor ng bagong iglesia.
Ang mga pastor mula sa lugar na iyon ay dapat sinusuportahan ng mga miyembro nito, at ng kanilang sariling gawain kung kinakailangan. Kung sinusuportahan sila ng mga dayuhan, hindi makikita ng lokal na kongregasyon ang kanilang responsibilidad sa pinansyal o pananagutan para dito. Iisipin nila na ang iglesia ay pag-aari ng organisasyon ng banyaga at hindi sa kanila.
Pahintulutan ang ilang mag-aaral na ibahagi kung paano nila inaasahang babaguhin ng leksiyong ito ang kanilang mga layunin o aksyon.
[1]The Willowbank Report: Consultation on Gospel and Culture "Lausanne Occasional Paper 2" (1978). Retreived from https://www.lausanne.org/content/lop/lop-2 on March 14, 2020
Mga Takdang Aralin
(1) Sumulat ng isang talata na nagbubuod ng isang konseptong nakakapagpabago ng buhay mula sa leksiyong ito. Ipaliwanag kung bakit ito mahalaga. Ano ang kabutihang magagawa nito? Anong pinsala ang maaaring mangyari kapag hindi ito nalaman?
(2) Ipaliwanag kung paano mo mailalapat ang mga alituntunin ng leksiyong ito sa iyong sariling buhay. Paano binabago ng leksiyong ito ang iyong mga layunin? Paano mo planong baguhin ang iyong mga aksyon?
(3) Isaulo ang kahulugan ng pamumuno sa cross-cultural mula sa simula ng leksiyong ito. Maging handa na isulat ito mula sa memorya at ipaliwanag ito sa simula ng susunod na sesyon ng klase.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.